Linggo, Marso 4, 2018

ALAALA NG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS NA NAGHATID NG KALIGTASAN

29 Marso 2018
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 



Sa mga Pagbasa para sa Misa sa Takipsilim ng Huwebes Santo, inilarawan kung paanong ang pagliligtas ng Diyos ay isang ekspresyon ng Kanyang dakilang pag-ibig na walang kapantay. Hindi Niya ninanais o hinahangad na mapahamak ang sinuman. Nais Niyang maligtas ang bawat isa. Ilang ulit Niyang inihayag ang Kanyang naisin sa paglipas ng panahon. Tulad na lamang ng Kanyang pagliligtas sa bayang Israel mula sa kaalipinan sa Ehipto na isinalaysay sa Unang Pagbasa at ang pagliligtas Niya sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Hesukristo na pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa at ng Manunulat ng Mabuting Balitang si San Juan Apostol sa Ebanghelyo. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong itinatag ang Pista ng Paskwa ng mga Hudyo. Ang Diyos ay nagbigay ng utos sa mga Israelita na ipinarating naman sa kanila nina Moises at Aaron na pahiran ng dugo ng isang lalaking kordero o bisirong kambing sa pintuan ng kanilang mga tahanan sa Ehipto. Sa gabi ng unang Paskwa, ang Diyos ay dumaan sa Ehipto upang paslangin ang mga panganay na lalaki, lalung-lalo na ang panganay ng Faraon. Sa pamamagitan ng dugo ng kordero o kambing na papahiran sa pintuan ng kanilang mga bahay, makikilala ng Diyos na Israelita nga ang nakatira sa tahanang yaon at lalampasan Niya ang mga iyon. Ang mga Israelita ay tinubos ng Diyos mula sa Kanyang planong pagpatay sa mga panganay na lalaki sa Ehipto sa pamamagitan ng dugo ng kordero. Ang dugo ng kordero ang sagisag ng pagmamahal ng Diyos sa bayang Israel. Dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal, iniligtas Niya ang mga Israelita noong gabing yaon. 

Ang Pista ng Paskwa ay isang paggunita sa pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kanilang kaligtasan at kalayaan. Inaalala ng mga Hudyo sa kanilang pagdiriwang ng Pista ng Paskwa ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, sila'y Kanyang tinubos at pinalaya mula sa kaalipinan sa Ehipto. Matagal na silang inabuso ng mga Ehipsiyo. Naranasan nila sa loob ng mahabang panahon ang pagmamalupit ng Faraon. Wala na silang ibang inasam kundi ang makapamuhay bilang mga mamamayang malaya. Nais nilang makapamuhay nang malaya. Ang kanilang pagsamo para sa kanilang kalayaan ay dininggin ng Diyos. Isinugo ng Diyos si Moises sa Ehipto upang maging Kanyang instrumento sa pagpapalaya sa mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto. Sa pamamagitan nito'y nahayag sa mga Israelita ang dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos. 

Subalit, sa lahat ng mga ginawa ng Diyos na naghahayag ng Kanyang dakilang pag-ibig, walang makahihigit pa sa Kanyang pagsugo sa ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan ng misyon ng Kanyang Bugtong na Anak bilang Mesiyas at Manunubos, nahayag ang kadakilaan ng Kanyang pag-ibig. Walang makahihigit o makakapantay sa dakilang pag-ibig ng Diyos na siyang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang tayo'y tubusin sa pamamagitan ni Kristo.

Ang pagtatag sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ay isinalaysay ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Itinatag ng Panginoon ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan na Kanyang pinagsaluhan kasama ang Kanyang mga apostol noong bisperas ng Kanyang pagpapakaakit at pagkamatay sa krus. Ang Panginoon ay kumuha ng tinapay, nagpasalamat, pinaghati-hati iyon, at ibinigay sa mga apostol sabay wika, "Ito ang Aking Katawan na inihahandog para sa inyo." Kinuha rin Niya ang kalis, nagpasalamat, at ibinahagi sa mga apostol sabay wika, "Ito ang kalis ng Aking Dugo ng bago at walang hanggang tipan." Binilin ng Panginoon sa mga apostol na ipagdiwang ito bilang pag-aalaala sa Kanya. Ito ang ginagawa ng Simbahan araw-araw sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, ang Panginoon ay nakakapiling natin sa anyo ng tinapay at alak. Sapagkat ang tinapay at alak sa altar ay nagiging Katawan at Dugo ng Panginoon sa Banal na Konsekrasyon. At ang Banal na Misa ay ipinagdiriwang bilang pag-aalaala sa Panginoon na nag-alay ng Kanyang buhay alang-alang sa ating kaligtasan dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang isang eksenang ginanap sa Huling Hapunan na hindi matatagpuan sa mga salaysay nina San Mateo, San Marcos, at San Lucas. Tanging si San Juan lamang ang nagsalaysay ng eksenang ito. Hinugasan ng Panginoong Hesukristo ang paa ng mga apostol. Ang paa ng mga apostol ay hinugasan Niya nang buong kababaang-loob upang ipakita ang Kanyang pagmamahal. Sabi nga sa pasimula ng Ebanghelyo, "Mahal ni Hesus ang Kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo'y ipakikita Niya kung hanggang saan ang Kanyang pag-ibig sa kanila." (13, 1) Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa kanila, buong kababaang-loob Niya silang pinaglingkuran sa pamamagitan ng paghugas ng kanilang mga paa. At iyon ang halimbawang itinuro ni Hesus. Habilin Niya sa mga apostol, gawin nila para sa kanilang kapwa ang ginawa Niya para sa kanila. 

Ang habilin ni Hesus na magpakumbaba ay hindi lamang para sa mga apostol. Ang habiling ito ay para sa ating lahat. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob. Magpakita rin tayo ng pag-ibig sa bawat isa sa pamamagitan ng paglilingkod nang may kababaang-loob. Si Hesus ay buong kababaang-loob na bumaba mula sa Kanyang kaharian sa kalangitan at nagkatawang-tao upang ipakita ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili alang-alang sa ating kaligtasan. Inihayag ng kababaang-loob ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa lahat. Inuutusan tayo ng Panginoong Hesus na tularan ang Kaniyang halimbawa. Buong kababaang-loob nating paglingkuran ang ating kapwa, tulad ng ginawa ni Hesus sa Huling Hapunan. Sa pamamagitan nito, naipapalaganap natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Nagpapakita tayo ng pag-ibig sa pamamagitan ng paglilingkod nang buong kababaang-loob. 

Naging lingkod ang Bagong Korderong Pampaskuwa na si Hesus para ipakita sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, buong kababaang-loob na bumaba mula sa langit si Hesus at nagkatawang-tao upang gampanan ang Kanyang misyon bilang Mesiyas, Manunubos, at Bagong Korderong Pampaskuwa. Misyon Niya'y ialay ang buo Niyang sarili alang-alang sa ating kaligtasan at kalayaan. Sa pamamagitan nito'y nahayag ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. Ang dakilang pag-ibig ng Panginoong Hesus para sa ating lahat ay tunay, wagas, at walang kapantay.  

Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya, inaalala ang dakilang pag-ibig ng Diyos na naghatid ng kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, inihandog ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at ibinubo ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo para sa ating kaligtasan. Ang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo na ating pinapakinabangan at pinagsasaluhan sa Banal na Misa ay inihandog para sa ating kaligtasan. Inihandog ni Kristo ang Kanyang Katawan at Dugo sa krus upang ihayag sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang kapantay. 

Martes, Pebrero 27, 2018

ISANG KABALINTUNAAN

28 Marso 2018
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Isang kabalintunaan ang isinalaysay sa Ebanghelyo. Si Hudas Iskariote ay nakipagpulong at nakipagnegosasyon sa mga kaaway ni Hesus, ang Sanedrin, nang palihim. Si Hudas ay palihim na nakipagkasundo sa Sanedrin na ipagkakanulo niya sa kanila si Hesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Walang sinuman ang nakababatid o nakakaalam na si Hudas ay nakipagkita at nakipagsabwatan sa mga kaaway ng Panginoon nang palihim. Kung tinanong ang isa sa mga apostoles kung saan pumunta si Hudas, tiyak na hindi nila alam kung saan siya pumunta. 

Subalit, kahit na naging palihim ang pakikipagpulong at pakikipagsabwatan ni Hudas Iskariote sa Sanedrin, alam Panginoon na nangyari iyon. Alam ni Hesus na si Hudas Iskariote, isa sa labindalawang disipulo at matalik niyang kaibigan, ang tatalikod at tataksil sa Kanya upang makipagsabwatan sa Kanyang mga kaaway. Ito ay Kanyang inihayag habang Siya'y nakisalo sa Kanyang mga alagad sa hapag. Kahit naging palihim iyon, nalalaman ni Hesus kung ano ang pinag-usapan at pinagkasunduan nina Hudas at ng Sanedrin sa pagpupulong na iyon. Nalalaman ni Hesus na nakipagkasundo si Hudas sa Kanyang mga kaaway na ibenta't ipagkanulo Siya sa halagang tatlumpung pirasong pilak. 

Kahit ano pang gawin ni Hudas, hindi niya iyon malilihim kay Hesus. Hindi nakatulong ang kanyang pananatiling tahimik o ang pagiging plastik habang kasalo ang Panginoon at ang iba pang mga alagad. Nalaman ng Panginoong Hesus ang balak ni Hudas, kahit walang nagbalita niyon sa Kanya. Batid ng Panginoong Hesus ang lahat ng lihim tungkol sa bawat tao. Nababatid ng Panginoon ang tunay na nilalaman ng puso't kalooban ng bawat tao.

Napakasakit para kay Hesus na malaman ang balak ni Hudas. Matapos silang maging magkaibigan sa loob ng tatlong taon, itatapon ni Hudas ang lahat ng alaala ng kanilang samahan. Hindi na pinahalagahan ni Hudas ang kanilang samahan at pagkakaibigan. Nasilaw siya sa mga kayamanan ng mundo. Sinayang lamang ang kanilang pagkakaibigan. Labis na nasaktan si Hesus sapagkat pinahalagahan Niya ang bawat alaala ng kanilang samahan at pagkakaibigan na nagtagal nang tatlong taon. Pagkatapos ng mahabang panahon ng kanilang pagsasama bilang magkaibigan, bigla na lang makikipagtulungan si Hudas sa mga taong inilarawan ni propeta Isaias sa kanyang propesiya sa Unang Pagbasa - ang mga kaaway ni Hesus na walang ibang nais gawin sa Kanya kundi laitin, dumura, gulpihin, at patayin. At iyon ay labis na ikinalungkot at ikinadismaya ni Hesus. 

Ang ating mga binabalak at ninanais ay hindi nalalaman ng ibang tao kapag hindi natin ito ipinapakita sa pamamagitan ng salita o gawa. Kadalasan nating iniisip na ito'y mananatiling lihim. Walang sinuman ang makakaalam sa ating mga nililihim. Subalit, mayroong nakakabatid sa lahat ng ating mga lihim. Batid ng Diyos kung ano ang tunay na nilalaman ng ating mga puso't isipan. Ang mga lihim natin, ang mga binabalak natin, ay tunay Niyang nababatid. Ano kaya ang mararamdaman ng Diyos sa tuwing minamasid Niya ang ating mga puso't isipan? Ano kaya ang Kanyang nararamdaman sa tuwing nakikita Niya ang tunay na nilalaman ng ating mga puso't isipan? Matutuwa ba Siya o malulungkot at masasaktan? 

Lunes, Pebrero 26, 2018

ANG KAHALAGAHAN NG KABABAANG-LOOB

27 Marso 2018 
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Wika ng bayang Israel sa Unang Pagbasa, "Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay gayong ibinuhos ko ang aking lakas." (49, 4) Buong kababaang-loob na inamin ng bayang Israel ang kabiguan nito sa kanilang pagsisikap sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Subalit, sa kabila nito, ang bayang Israel ay hinirang ng Diyos upang maging Kanyang instrumento. Mahahayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng bayang Israel. Mula sa sambayanan ng Israel tatanglaw sa lahat ng mga bansa ang kadakilaan ng Diyos. Sa sambayanan ng Israel magmumula ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus, ang tunay na kaliwanagan mula sa kalangitan; ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Kahit na matigas na sinabi ni Pedro na hindi niya gagawin iyon, alam ng Panginoon ang tunay na mangyayari. Alam ng Panginoong Hesukristo na nagmamayabang lamang si Apostol San Pedro noong namutawi ang mga salitang iyon mula sa kanyang mga labi. Batid ng Panginoon na dahil sa takot, tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni Apostol San Pedro para lamang ipagtanggol ang kanyang sarili. Batid ng Panginoong Hesus na pawang kayabangan lamang ang nag-udyok kay Apostol San Pedro na sabihin iyon. 

Bilang tao, mayroon tayong mga kahinaan. Batid ng Panginoon ang katotohanang iyon. Batid rin natin ang katotohanang iyon. Hindi natin maitatago mula sa Panginoon ang ating mga kahinaan. Hindi natin matatakasan ang katotohanang ito tungkol sa ating mga sarili bilang tao. Kung maaari natin iyon gawin sa ating kapwa-tao, hindi natin iyon magagawa sa Panginoon. Walang lihim na hindi nalalaman ng Panginoon. Batid ng Panginoon ang mga lihim. Batid ng Panginoon ang ating mga karupukan bilang tao. 

Kaya, huwag tayong matakot na lumapit sa Panginoon at hingin ang Kanyang tulong. Huwag tayong matakot na aminin nang buong kababaang-loob ang ating mga kahinaan at hingin ang Kanyang tulong. Hindi tatanggihan ng Diyos ang mga lumalapit sa Kanya upang hingin ang Kanyang tulong. Hindi Niya tatanggihan ang pagsusumamo ng mga umaamin ng kanyang mga karupukan at kasalanan nang buong kababaang-loob. Kinalulugdan ng Diyos ang mga taong nagpapakita ng taos-pusong kababaang-loob. Ipinapakita ng mga taong may kababaan ng loob na ang Diyos lamang ang tanging pag-asa nila. Ipinapakita nila na kailangan nila ang Diyos sapagkat hindi nila kakayanin ang mga ito nang mag-isa. At iyon ay tunay na kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. 

PASASALAMAT

26 Marso 2018
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11



Ang Panginoong Diyos ay nagsalita tungkol sa Mesiyas sa Unang Pagbasa. Ang Mesiyas ay ang lingkod ng Diyos na Kanyang itataas. Ang kahulugan ng "Mesiyas" ay "Hinirang." Ang Mesiyas ay pinili't hinirang ng Diyos upang pairalin ang Kanyang katarungan at kagandahang-loob sa lahat. Siya ang magiging tanda ng dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Ang pagtupad ng Mesiyas sa misyong ibinigay sa Kanya nang buong kahinahunan at kababaang-loob ay kalulugdan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtupad ng misyon ng Mesiyas, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat. 

Natupad ang pahayag na ito sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dumating Siya sa lupa upang ihayag ang misteryo ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay ang naging sagisag ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Sa pamamagitan ng Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ni Hesus, nahayag ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagdulot ng ating katubusan. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong inihayag ni Santa Maria ng Betania ang kanyang pag-ibig at pasasalamat para sa Panginoon. Nilagyan Niya ng pabango ang mga paa ng Panginoon. Ginawa niya ito upang ipakita ang kanyang pagmamahal at pasasalamat sa Panginoong Hesus para sa ginawa Niya sa kanyang kapatid na si Lazaro. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbuhay kay Lazaro, ipinakita ni Hesus kung gaano Niya minahal ang Kanyang mga kaibigang mula sa Betania, ang magkakapatid na sina Lazaro, Maria, at Marta. 

Nang makita ni Hesus ang ginawa ni Maria para sa Kanya, nakita Niya na taos sa puso ang kanyang pasasalamat at pagmamahal. Kaya, ipinagtanggol Niya si Maria mula sa mga batikos ni Hudas Iskariote. Nakita ni Hesus ang pagiging tapat at sinsero ni Maria sa kanyang ginawa. Batid ni Hesus ang dalisay na intensyon ni Maria sa pagbili ng mamahaling pabango upang pahiran sa Kanyang mga paa. Sa ganitong paraan niyang ipinakita ang kanyang pagmamahal, pagpuri, at pasasalamat kay Kristo, ang ipinangakong Tagapagligtas na kaloob ng Diyos. 

Ang Diyos ay nararapat na pasalamatan para sa Kanyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang maging ating Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos, inihayag ni Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng ating kaligtasan. Kaya naman, tulad ni Maria, pasalamatan natin ang Diyos dahil ipinakita Niya sa atin kung gaano Niya tayo iniibig. Sa pamamagitan ng ating pasasalamat sa Panginoong Diyos, inihahayag natin ang ating pagmamahal at pagsamba sa Kanya. Napakarami ng mga pamamaraan ng pagpapakita ng pasasalamat sa Diyos. Subalit, sa ating pasasalamat sa Diyos, dapat nating alalahanin na dapat ito'y maging taos sa puso at hindi palabas lamang. Si Mariang taga-Betania ay nagpakita ng taos-pusong pasasalamat sa Panginoon. Tulad niya, ipakita rin natin ang ating taos-pusong pasasalamat sa ating butihing Panginoon na unang umibig sa atin nang lubos. 

Linggo, Pebrero 25, 2018

GAWAIN NG TUNAY NA NAGMAMAHAL

25 Marso 2018 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (B)
Unang Bahagi - Ang Prusisyon ng mga Palaspas
Marcos 11, 1-10 (o kaya: Juan 12, 12-16) 
Ikalawang Bahagi - Ang Misa
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Marcos 14, 1-15, 47 (o kaya: 15, 1-39) 


Isang propesiya ukol sa mga huling sandali ng buhay ng Mesiyas ang inilahad ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ayon sa propesiya, ang mga huling sandali ng buhay ng Mesiyas ay mapupuno ng matinding pagdurusa. Labis Siyang pahihirapan ng Kanyang mga kaaway. Siya'y bubugbugin, lilibakin, at papatayin nila nang walang kalaban-laban. Siya'y tulad ng isang maamong tupa sa harap ng matinding panganib, sa harap ng mga asong-gubat na nakahandang hulihin at lamunin ito. Kaawa-awa ang Mesiyas sa mga huling sandali ng Kanyang buhay dahil napakatindi ng pagdurusang haharapin Niya at hindi ito maiiwasan o mapipigilan.

Batid ni Hesus sa Kanyang pagpasok sa Herusalem na magiging karumal-dumal ang mga hirap at sakit na Kanyang dadanasin. Batid Niya na ang mga taong sumalubong at nagbigay-pugay sa Kanya habang sumisigaw ng "Osana sa Anak ni David! Pinagpala ang naparirito sa Ngalan ng Panginoon! Mabuhay!" ang siya ring sisigaw ng "Ipako sa krus!" pagkalipas ng ilang araw. Sa araw na Siya'y ihaharap ni Poncio Pilato sa kanila, Siya'y tatalikuran nila't itatakwil kasabay ng kanilang kahilingan na hayaan niya sila ang managot sa pagdanak ng Kanyang Dugo. Batid ng Panginoong Hesus na labis-labis ang pagdurusang haharapin Niya habang pumapasok Siya sa Herusalem na nakasakay sa isang asno. 

Hindi tinakasan ni Hesus ang pagdurusa't kamatayan sa krus. Bagkus, hinarap Niya ito nang buong kababaang-loob. Kahit na bigyan Siya ng pagkakataong iwasan ang matinding pagpapakasakit at pagkamatay sa krus sa kamay ng Kanyang mga kaaway, hindi Niya ito sinamantala ang pagkakataong iyon. Bagkus, ganap na napagpasiyahan ni Hesus na tumalima at tupdin ang kalooban ng Ama. Ito ang inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos. Sa halip na iwasan o takasan ang malagim na katapusan sa Kanyang buhay kapag Siya'y tumuloy sa Herusalem, pinili ni Hesus na tanggapin, harapin, at danasin ang mga iyon bilang pagtalima sa Ama. 

Masakit para sa Diyos na masilayan mula sa Kanyang kaharian sa langit ang pagdurusa't kamatayang dinanas ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Mula sa langit, ang Ama'y nagdanas ng matinding pait at hapis. Labis Siyang nasaktan at nagdalamhati dahil sa dinanas ng Kanyang Bugtong na Anak. Subalit, wala Siyang ginawa upang matigil ang malagim na pagdurusa't kamatayan ni Kristo. Ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpahintulot sa pagdurusa't kamatayan ni Kristo sa krus kung gaano Niya iniibig ang sangkatauhan. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na maging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) at ialay ang Kanyang buhay sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. 

Kaya naman, tinatawag na "Mahal na Araw" ang buong sanlinggong ito sapagkat ang linggong ito ay inilalaan ng Simbahan sa taimtim na pagninilay at paggunita sa misteryo ng dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at maging tao katulad natin sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo Hesus upang tayo'y iligtas. Sa pamamagitan ng paghahain ng sarili ni Kristo Hesus sa krus para sa ating kaligtasan, nahayag ang hiwaga ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal ang nagdulot ng ating kaligtasan. 

Tunay ngang dakila ang pag-ibig ng Diyos! Kahit hindi Niya kinailangang bumaba mula sa langit at maging tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak, ginawa pa rin Niya ito sapagkat tayong lahat ay tunay nga Niyang iniibig. Ang Diyos ang nagmamahal sa atin nang tunay. Dahil sa Kanyang pag-ibig na tunay ngang dakila't walang kapantay, tayong lahat ay Kanyang iniligtas at pinalaya mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. 

Biyernes, Pebrero 23, 2018

LAGING TAHIMIK

19 Marso 2018 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 


Tanging sina San Mateo at San Lucas lamang ang nagsulat tungkol sa buhay ni Hesus bilang isang bata sa mga unang kabanata ng kanilang salaysay ng Mabuting Balita. Isa sa mga karakter na naging bahagi ng salaysay nina San Mateo at San Lucas tungkol sa buhay ni Hesus noong Siya'y bata pa ay si San Jose, ang Kanyang ama-amahan dito sa lupa at kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria. At sa tuwing itinatampok ang kanyang karakter, hindi siya nagsalita kahit minsan. Siya'y inilalarawan nina San Mateo at San Lucas bilang isang tahimik na tao. Ang salaysay sa Ebanghelyo ni San Mateo kung saan sinabihan ng isang anghel si San Jose na huwag ituloy ang kanyang balak na hiwalayan nang palihim ang Mahal na Birheng Maria ay isang halimbawa nito. 

Ipinakita ni San Jose ang kanyang pananalig para sa Diyos sa pamamagitan ng tahimik niyang pagtalima sa Kanyang kalooban. Sabi nga sa Ebanghelyo na agad niyang ginawa ang iniutos sa kanya ng anghel sa kanyang paggising. Wala nang salitang namutawi mula sa kanyang mga labi na naghahayag ng buong pananalig at kababaang-loob niyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Wala siyang ibang inasahan na tutulong at gagabay sa kanya sa pagtupad ng kanyang pananagutan bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Birhen at ama-amahan ng Mesiyas at Tagapagligtas kundi ang Diyos. 

Ginamit ni Apostol San Pablo ang kwento ni Abraham sa Ikalawang Pagbasa bilang referencia upang ilarawan ang kahalagahan ng pananalig sa Diyos. Sa mata ng mundo, wala nang pag-asang magkaroon ng anak sina Abraham at Sara. Subalit, dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, si Abraham at ang kanyang kabiyak na si Sara ay ginantimpalaan ng Diyos ng isang anak na si Isaac. Kung paanong si Abraham ay nanalig sa Diyos na siya'y gagantimpalaan ng anak sa kabila ng kanyang katandaan, sa gayong pamamaraan ring ipinakita ni San Jose ang kanyang pananalig sa Diyos. Nalagay siya sa isang napakakumplikadong sitwasyon. Ipinasiya niyang hiwalayan ang Mahal na Inang si Maria nang palihim nang mabalitaang siya'y nagdadalantao nang hindi pa sila kasal. Subalit, nang ipinarating ng anghel ang utos sa kanya ng Diyos, isinantabi ni San Jose ang kanyang plano at tinupad niya na may buong puso't kaluluwang pananalig sa Diyos ang iniuutos sa kanya. 

Ang pananagutang ibinigay ng Diyos kay San Jose ay hindi naging madali para sa kanya. Lalo't higit ang iluluwal ni Maria mula sa kanyang sinapupunan ay ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ilang ulit na ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan na tutubusin Niya ang Kanyang bayan sa pamamagitan ng Mesiyas at Tagapagligtas na Kanyang isusugo. Isang halimbawa nito ay ang Kanyang ipinasabi kay Haring David sa Unang Pagbasa na magmumula sa kanyang angkan ang isang makapangyarihang Hari, ang Mesiyas. Subalit, sa kabila ng kabigatan ng responsibilidad na ibinigay, hindi nawalan ng pananalig si San Jose sa Diyos. Buong pananalig at kababaang-loob niyang tinalima at tinupad ang iniuutos sa kanya ng Diyos. Tahimik siyang nanalangin sa Diyos upang hingin ang Kanyang tulong at patnubay sa pagtupad sa kanyang responsibilidad. Sa katahimikan ipinakita ni San Jose na tanging sa Panginoong Diyos lamang siya umaasa't nananalig nang buong puso't kaluluwa. 

Si San Jose ay laging tahimik. Sa katahimikan, lagi siyang nananalangin sa Diyos upang hingin ang Kanyang tulong at gabay. Sa katahimikan, tinupad niya ang ipinagawa sa kanya ng Diyos. Tahimik na inihayag ni San Jose na siya'y abang lingkod ng Diyos na handang tumalima at tumupad sa Kanyang kalooban nang may buong puso't kaluluwang pananalig at kababaang-loob sapagkat Siya lamang ang tangi niyang pag-asa't gabay sa bawat yugto ng kaniyang buhay dito sa lupa. 

ANG KADAKILAAN NG PAG-IBIG NG DIYOS

18 Marso 2018 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Jeremias 31, 31-34/Salmo 50/Hebreo 5, 7-9/Juan 12, 20-33


"Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito'y mamumunga nang marami." (Juan 12, 24) Ito ang mga katagang namutawi mula sa mga labi ni Hesus matapos ibalita sa Kanya nina Andres at Felipe na may ilang mga Griegong nais makakita't makarinig sa Kanya. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ni Hesus kung ano ang Kanyang pagdadaanan. Inilarawan ni Hesus na dadanas Siya ng matinding pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Siya'y papatayin nila ngunit hindi magtatagal at Siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas ng Panginoong Hesus ang sangkatauhan. 

Inihayag ni Hesus sa pamamagitan ng mga salitang ito na ang Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ay magkakarugtong. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang ito. Malaki ang ugnayan ng dalawang ito sa buhay at misyon ni Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. Kung iiwasan at tatakasan ng Panginoong Hesus ang Kanyang kamatayan sa krus, hindi Niya makakamit ang maluwalhating tagumpay ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kung wala ang krus, walang Muling Pagkabuhay. Hindi makukumpleto o mabubuo ang misyon ng Panginoong Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas kung wala ang dalawang aspetong ito. 

Niloob ng Diyos na ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus ay magtiis ng maraming hirap at kamatayan sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bagamat napakasakit para sa Ama na masilaya't masaksihan mula sa kalangitan ang pagdurusa't kamatayan ng Kanyang Bugtong na Anak sa krus, hindi Niya tinutulan o pigilan iyon. Niloob Niya itong mangyari upang maligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Anak. At ang paghahandog ni Kristo ng buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan ay kinalugdan at tinanggap ng Diyos.

Batid ni Hesus ang matinding hirap at pagdurusang kailangan Niyang danasin upang iligtas ang sangkatauhan. Batid Niya ang karumal-dumal at napakasakit na pagdurusang kailangan Niyang pagdaanan sa Kanyang misyon bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa na Siya'y dumalangin at sumamo sa Diyos. Subalit, hindi tinakasan ni Hesus ang Kanyang kamatayan sa krus. Hinarap Niya ito bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Buong kababaang-loob Niyang ibinubo ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo upang iligtas ang sangkatauhan. Ang sangkatauhan ay iniligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagiging masunurin ng Panginoong Hesukristo sa kalooban ng Ama. Natupad ang dakilang plano ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng buong pananalig at kababaang-loob na pagtalima ng Panginoong Hesukristo. 

Sa pamamagitan ng Kanyang pagtalima sa kalooban ng Ama, inihayag ni Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na gumawa ng isang Bagong Tipan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na hinding-hindi mababali kailanman. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ni Hesus na minsang nag-alay ng Kanyang buhay sa krus at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ipinangako ng Diyos sa Unang Pagbasa na Siya'y gagawa ng isang bagong tipan sa pagitan Niya at ng Kanyang bayan. Ang pangakong ito'y natupad sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Pagkabuhay ni Hesus na sumasagisag sa Bagong Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan, ang sangkatauhan ay ganap nang iniligtas at pinalaya mula sa mga pwersa ng kadiliman at kasamaan. 

Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ay tunay ngang dakila. Hindi naman Niya kinailangang gawin ang lahat ng iyon para sa ating lahat. Hindi Niya kinailangang bumaba mula sa langit at magkatawang-tao para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Subalit, ipinasiya ng Diyos na tuparin ang Kanyang planong pagtubos sa lahat ng tao dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gumawa ng Bagong Tipan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Kristo na sumasaigsag sa Bagong Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng tao, ang sangkatauhan ay Kanyang iniligtas. Sa ganitong pamamaraan inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob na walang hanggan para sa ating lahat.