Sabado, Abril 4, 2020

PAGHAHAYAG NG PAG-IBIG

6 Abril 2020 
Mga Mahal na Araw: Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 



"Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa Akin" (Juan 12, 7). Ito ang mga salita ni Hesus matapos Siyang lagyan ng pabango ni Santa Maria na taga-Betania sa Ebanghelyo. Ipinagtanggol ni Hesus si Maria dahil batid Niya ang laman ng kanyang puso. Batid ni Hesus na bumili si Maria ng isang mamahaling pabango dahil sa kanyang pagmamahal. Hindi binili ni Maria ang pabangong iyon upang ipagyabang kung gaano kalaki ang kayamanang mayroon siya kundi alang-alang sa Panginoon. Nais ipakita ni Maria kay Kristo ang kanyang pagmamahal para sa kanya. Iyan lamang ang dahilan. Pagmamahal sa Panginoon.

Subalit, ang nakakatawag ng pansin sa mga salitang ito ni Hesus sa Ebanghelyo ay kung paano Niya binanggit ang nalalapit Niyang kamatayan. Maitatanong natin kung bakit naman Siya magsasalita tungkol sa Kanyang kamatayan. Hindi ba't nasa isang masayang okasyon si Hesus? Kasalo Niya ang kaibigan Niyang si San Lazaro na binuhay Niya. Bakit naman Siya magsasalita ng ganyan sa piling ng mga malalapit sa Kanya? Para bang wala sa lugar ang mga sinabi ng Panginoon. 

Bahagyang nagsalita ang Panginoong Hesukristo tungkol sa Kanyang nalalapit na pagpapakasakit at pagkamatay sa krus dahil sa Kanyang pag-ibig. Inilarawan ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa lahat, ipinasiya Niyang tanggapin ang pagdurusa't kamatayan sa krus. Ang pag-ibig na ito ng Panginoong Hesus ay hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman. Ang Kanyang paghahain ng sarili sa krus ang nagpapatunay nito. 

Itinampok ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa ang Kanyang lingkod. Bakit ginawa ito ng Diyos? Dahil sa pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ang lingkod ng Diyos ay ipinakilala at itinampok sa Unang Pagbasa. Ipinakilala at itinampok ng Diyos ang Kanyang lingkod dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Ang lingkod na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. 

Bakit ang sanlinggong ito'y tinatawag na Mahal na Araw? Dahil inaalala natin muli ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang hanggan. Inaaalala natin kung paanong nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo.  

Biyernes, Abril 3, 2020

KABABAANG-LOOB NA NAGHAHAYAG NG PAG-IBIG

5 Abril 2020 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (A) 
Mateo 21, 1-11 [Pagbabasbas ng mga Palaspas] 
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54) [Misa] 


Tuwing sasapit ang Linggo ng Palaspas taun-taon, pumapasok ang Simbahan sa pinakamahalaga at pinakabanal na panahon na mas kilala natin bilang mga Mahal na Araw. Sa panahong ito, ginugnita natin ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan nito, ang Misteryo Paskwal ni Kristo, ipinamalas ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. 

Ang mga kaganapan na ating ginugunita sa buong sanlinggong ito ang dahilan kung bakit ang sanlinggong ito ay tinatawag na "Mahal na Araw". Ginugunita natin sa buong sanlinggong ito ang pagpapamalas ng Panginoon ng Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ang tawag nating mga Pilipinong Katoliko sa mga mahalagang araw na ito bilang mga "Mahal na Araw" dahil inaalala natin ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ginugunita natin sa sanlinggong ito ang mga dakilang gawa ng Panginoon na naghayag ng Kanyang dakilang pag-ibig. 

Pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang mga Mahal na Araw. At ito ang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa sa Misa sa araw na ito. Itinatampok sa mga Pagbasa ang pinakadakilang gawa ng Panginoon na nagpamalas ng Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. At ang ginawa ng Panginoong Diyos na naghayag ng Kanyang pag-ibig ay hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman. 

May dalawang Ebanghelyo sa Misa para sa Linggo ng Palaspas. Ang maringal na pagpasok ni Hesus sa Herusalem ay itinampok sa unang Ebanghelyo. Si Hesus ay sinalubong ng mga taong nagwawagayway ng mga palaspas habang sumisigaw ng "Osana!" Siya'y binigyan ng pugay sa Kanyang pagpasok sa Herusalem. Ang mga tao'y humahanga sa Kanya sa mga sandaling iyon. Subalit, ang kabaligtaran nito ay isinalaysay sa pangalawang Ebanghelyo. Sa pangalawang Ebanghelyo, hindi na binigyan ng pugay si Hesus. Bagkus, Siya'y kinutya at ipinapapatay ng mga tao. Dito natupad ang mga sinabi ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa mga huling sandali sa buhay ng Mesiyas. 

Labis na nasaktan ang Panginoong Hesus sa mga sandaling iyon. Noong Siya'y pumasok sa Herusalem, ang sigaw ng mga tao ay "Osana!" Siya'y binigyang-pugay ng mga tao noong Siya'y pumasok sa Herusalem. Subalit, noong Siya'y iniharap sa taumbayan ni Poncio Pilato, iba na ang sigaw nila. "Ipako sa krus!" Hindi na Siya binigyan ng pugay. Gusto nilang patayin si Hesus. Ang sakit nito. 

Bakit nga ba pinili ng Panginoong Hesukristo na gawin ito? Hindi ba Niya inasahan na babaliktad na lamang bigla ang mga tao? Hindi ba inasahan ni Hesus na Siya'y tatalikuran? Hindi ba Niya batid na napakasakit ang daang tatahakin Niya? 

Oo, alam iyan ni Hesus na mangyayari iyan. Alam ni Hesus na Siya'y tatalikuran ng mga tao. Subalit, pinili pa rin Niyang gawin iyan dahil sa pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay tumalima sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob hanggang sa huli, gaya ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa pag-ibig, si Hesus ay nagpakita ng kababaang-loob. 

Inihayag ng kababaang-loob ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, minahal tayo ni Hesus at patuloy Niya tayong mamahalin. 

Huwebes, Abril 2, 2020

BUHAY: BIYAYANG IPINAHIRAM SA ATIN

IKAPITONG WIKA: 
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu!
(Lucas 23, 46) 


Dalawang aral ang ating mapupulot mula sa ikapito at pinakahuling wika ni Hesus bago Siya pumanaw sa krus. Una, ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang pinagmulan ng buhay ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit sagrado ang buhay. Pangalawa, ang buhay ng bawat tao sa daigdig ay may hangganan. Iyan ay dahil ito'y ipinaharam lamang ito ng Diyos sa bawat isa sa atin. Hindi permanente ang buhay dito sa daigdig. 

Una, ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos. Sabi sa aklat ng Genesis na ang tao'y nilikha ng Diyos mula sa alabok at hiningahan sa ilong (2, 7). Napakalinaw sa mga salitang ito kung saan nagmumula ang buhay. Ang Panginoong Diyos ay ang pinanggalingan ng buhay. Siya ang bukal ng buhay. Siya ang nagbibigay-buhay sa bawat isa sa atin. Siya lamang ang may kapangyarihan gumawa nito. Sabi pa nga sa Banal na Kasulatan na ang Panginoong Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay (Mateo 22, 32; Marcos 12, 27; Lucas 20, 38). 

Kaya naman, ang buhay ay dapat nating pahalagahan. Ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos. Siya ang nagkakaloob ng buhay sa atin. Hindi dapat nating kinikitil ang buhay ng bawat tao. Hindi dapat tayo pumatay. Kaya nga, ang ikalimang utos sa Sampung Utos ng Diyos ay "Huwag kang papatay!" (Exodo 21, 13). Napakadali lamang intindihin ito. Diretsong-diretso. Ang buhay ay dapat pahalagahan dahil ito'y isang biyaya mula sa Diyos. Walang karapatan ang sinuman na bawiin ang buhay ng kapwa-tao dahil sa katotohanang ito. 

Pangalawa, may hangganan ang buhay natin dito sa daigdig. Bilang mga tao, hindi tayo mamumuhay sa daigdig magpakailanman. Darating din ang takdang panahon kung kailan lilisanin natin ang daigdig na ito. Babawiin sa atin ng Diyos ang buhay natin pagdating ng takdang panahong ito. Kaya nga, sinasabi natin na 'binawian ng buhay' ang isang tao kapag siya'y pumanaw na. Sino ang bumawi sa buhay niya? Walang iba kundi ang Panginoon. 

Ang buhay natin dito sa daigdig ay ipinahiram lamang ng Diyos. Kaya naman, kahit hindi halata, pansamantala lamang tayo mamumuhay dito sa daigdig. Hindi natin kayang ipagkaila ang katotohanang ito. Saglit lamang tayo mabubuhay sa daigdig. Darating din ang panahon kung kailan ibabalik natin sa Panginoon ang buhay na ipinahiram Niya sa atin. Babawiin Niya ang ating buhay balang araw. Kailan iyon? Walang sinuman ang nakakaalam. Ang Diyos lamang ang tanging nakakaalam. 

Isang biyayang ipinahiram ng Diyos sa atin ang buhay. Saglit lamang ang ating buhay dito sa daigdig. Ipinahiram lamang ito ng Diyos sa atin. Ibabalik din natin ito sa Kanya pagdating ng takdang panahon. Kaya naman, ang tanong na iniiwan sa atin ng ikapito't huling wika ng Panginoong Hesukristo mula sa krus - paano natin ginagamit ang biyaya ng buhay na ipinahiram sa atin ng Diyos? 

Miyerkules, Abril 1, 2020

HINDI SINUKUAN ANG MINAMAHAL

IKAANIM NA WIKA: 
"Naganap na!
(Juan 19, 30) 


"Naganap na!" Ito ang ikaanim na wika ni Hesus bago Siya pumanaw sa krus. Sa salaysay ni San Juan tungkol sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus, ito ang mga huling sinabi ni Hesus bago Siya tuluyang nalagutan ng hininga. Tinapos na ni Hesus ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Ang sangkatauhan ay iniligtas Niya sa pamamagitan ng Kanyang Dugo na dumanak mula sa krus. 

Sa mga salitang ito, inihayag ng Panginoong Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa tao. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan, ipinasiya Niyang ibigay ang Kanyang sarili bilang handog sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Kahit batid Niyang Siya'y magbabata ng maraming hirap at pagdurusa, pinili pa rin Niya itong gawin dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Hindi sinukuan ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang minamahal. Alam naman ni Kristo na ang sangkatauhang Kanyang minamahal ay hindi perpekto. Batid Niya ang pagiging makasalanan ng sangkatauhan. Hindi lingid sa kaalaman ni Kristo na ilang ulit na nagkasala ang tao. Subalit, sa kabila nito, hindi sinukuan ni Kristo ang sangkatauhan. Pinatunayan Niyang tunay Niyang minamahal ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili sa krus. 

Para sa Panginoong Hesus, walang sukuan ang pag-ibig. Hindi dapat sinusukuan ang minamahal. Walang atrasan sa pagmamahal. Kailangang ibigay natin ang buo nating sarili. Kailangang maging buo ang ating pag-ibig. Kailangang maging handa tayong masaktan. Iyan ang itinuturo ng Panginoon sa wikang ito. Kailangang nating ibigay ang lahat. Hindi dapat magkulang ang pag-ibig. Walang atrasan sa pag-ibig. 

Itinuturo ng Panginoon sa lahat kung paano magmahal. Ang tunay na pagmamahal ay buo. Ang tunay na umiibig ay handang ibigay ang lahat. Ang tunay na umiibig ay hindi sumusuko sa minamahal. Ang tunay na umiibig ay hindi umaatras. Iyan ang ginawa ng Panginoon habang Siya'y nakabayubay sa krus. Pinili Niyang ialay ang buo Niyang sarili sa krus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa lahat. 

Martes, Marso 31, 2020

NAGTURO KAHIT NAPAKAKO SA KRUS

IKALIMANG WIKA: 
"Nauuhaw Ako!
(Juan 19, 28) 


Hindi lamang pisikal na pagkauhaw ang tinutukoy ni Hesus sa Kanyang ikalimang wika mula sa krus. Oo, ilang oras na Siyang nakapako sa krus. Katunayan, hindi pa Siya nakakakain o nakakainom ng kahit tubig sa mga sandaling iyon. Ang huling kain at inom ni Hesus ay noong bisperas ng Kanyang Mahal na Pasyon. Kaya, sa unang tingin, mauunawaan pa natin kung bakit sinabi ni Hesus na Siya'y nauuhaw. Natural lamang na mauuhaw Siya sa mga oras na iyon. Subalit, hindi lamang iyon ang nais iparating ng Panginoong Hesukristo sa krus. 

Kung gayon, ano pa ba ang nais iparating ni Kristo? Minsan ay nasabi Niya sa isa sa Kanyang mga pangaral: "Kung ano ang ginawa ninyo sa pinakahamak sa Aking mga kapatid, ginawa ninyo ito sa Akin" (Mateo 25, 40). Kaya naman, ang wikang ito ay maituturing na isang paalala ni Kristo para sa lahat. At ang mensaheng ito ni Hesus ay nananatiling mahalaga sa kasalukuyan. Hindi kailangan ng Panginoon na ipakita Niya ang Kanyang Mukha para lamang mapawi natin ang Kanyang uhaw. Bakit? Dahil Siya'y nasa piling ng mga kapus-palad. 

Ang wikang ito ng Panginoong Hesus ay isang babala laban sa pagkagahaman. Sa wikang ito, nais ipaalala sa atin ni Hesus na ang pagkagahaman o pagkasakim ay hinding-hindi magiging katanggap-tanggap sa Kanyang paningin. Ang kasakiman o pagkagahaman ay kasuklam-suklam sa Kanyang paningin. Bakit? Ipinagpapalit ng mga sakim o gahaman ang Diyos sa mga materyal na bagay. Ang mga materyal na bagay na iyon ay ginawang mga diyos-diyosan. Dahil diyan, ayaw nang mamigay o tumulong sa kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha. Ayaw nang magkawanggawa. 

Iyan ang problema sa mga sakim o gahaman. Ang tingin nila sa mga nanghihingi sa kanila ay mga kalaban at magnanakaw. Para bang banta sila sa kanilang mga ari-arian. Hindi na kapwa ang tingin sa iba. Hindi na nila nakikita na sila'y nilikhang kawangis ng Diyos. Iba na ang diyos nila. Ang kanilang luho ay ang diyos nila. 

May iba pa diyan na hindi pa kuntento sa kanilang mga kayamanan dahil sobrang sakim. Sa sobrang sakim o pagkagahaman, nakukuha pa nilang magnakaw ng iba't ibang bagay, lalo na ang mga mamahaling bagay. Marami silang mga bagay-bagay, pero kulang pa iyon para sa kanila. Mga uhaw sa kayamanan. Mga uhaw sa pera at salapi. Nasobrahan sa pagkasakim at pagkagahaman. 

Sa wikang ito, nagturo si Hesus laban sa pagkagahaman at kasakiman. Tayong lahat ay tinuturuan ni Hesus na nakabayubay sa krus tungkol sa kahalagahan ng pagkakawanggawa. Ayaw ni Hesus na tayo'y maging sakim at gahaman. Ayaw ni Hesus na magkaroon tayo ng ibang diyos-diyosan. Ayaw ni Hesus na Siya'y ating ipagpapalit sa mga materyal na bagay dito sa mundo. Ang nais ni Hesus para sa atin - maging mga salamin ng Kanyang awa at habag para sa atin. Magpakita tayo ng malasakit sa kapwa, lalung-lalo sa mga nangangailangan. Kapag iyan ang ating gagawin, ginagawa natin iyan kay Hesus. 

Tingnan natin kung gaano tayo kahalaga sa paningin ni Hesus. Siya'y nagbitiw ng dalawang salita lamang upang tayo'y turuan, kahit nakapako sa krus. Bakit Niya iyon ginawa? Dahil tunay Niya tayong iniibig. Tunay tayong mahalaga sa Kanyang paningin. Kaya nga Niya inalay ang Kanyang sarili sa krus, hindi ba? 

Linggo, Marso 29, 2020

NASAAN ANG DIYOS?

IKAAPAT NA WIKA: 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 
(Mateo 27, 46; Marcos 15, 34) 


Sa mga panahon ng pagsubok, mabilis para sa marami ang magtanong kung tunay ba talaga ang Diyos. Para sa marami, tila hindi nagpaparamdam ang Diyos sa mga panahon ng pagsubok. Sa mga panahon ng pandemya o 'di kaya kapag dumating ang mga problema sa buhay, madaling magtanong kung tunay nga ba talaga ang Diyos. Sa mga oras na higit nating kailangan ang Diyos, saka pa lamang Siya hindi magpaparamdam sa atin. Para bang pinabayaan na tayo. 

Mayroon ring mga tao na nagsasabing "Walang Diyos!" dahil sa mga karanasang katulad nito. Buong puso nilang pinaniniwalaan at pinanaligan ang Diyos para lang sa wala. Tila nauwi lamang sa wala ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Dahil diyan, iniisip nilang walang silbi ang pananampalataya sa Diyos. Isang gawa-gawa lamang ang Diyos. Isa lamang imahinasyon ang Diyos. 

Hindi natin sila masisisi. Bakit? Naitanong na rin natin iyan minsan sa buhay natin, lalung-lalo na kapag humaharap tayo sa mga matitinding pagsubok sa buhay. Ang tanong kung ang Diyos ay totoo ay naitanong rin natin. Kung tunay nga ang Diyos, bakit hindi Siya nagpaparamdam sa panahon ng matitinding pagsubok sa buhay? Parang wala nang saysay ang ating paniniwala sa Kanya dahil diyan. Kung hindi naman magpaparamdam ang Diyos sa mga sandaling ito, bakit pa tayo maniniwala sa Kanya? Ano pang saysay nito kung hindi naman Niya tutulungan? 

Ang wikang ito ng Panginoong Hesukristo mula sa krus, na hango mula sa Salmo 22, ay naging samo natin sa Diyos Ama. Sa mga sandali ng kadiliman at pagsubok sa buhay natin, iyan ang naitatanong natin sa Diyos. Sa tuwing darating ang mga pagsubok sa buhay, tinatanong natin ang Diyos kung bakit Niya tayo pinabayaan. 

Bakit hindi natin maramdaman ang Diyos sa mga panahon ng pagsubok? Hindi ba nasusulat sa aklat ni propeta Isaias na ang Diyos ay kasama natin (7, 14)? Ang Panginoon ay ang ating Emmanuel, hindi ba? Bakit hindi natin Siya maramdaman sa mga sandali ng pagsubok? Bakit ganyan ang Panginoon? 

Oo, ang Panginoon ay ang ating Emmanuel. Siya'y palagi nating kasama sa bawat sandali ng ating buhay. Hindi man natin Siya nakikita o naririnig sa mga sandaling yaon, kasama pa rin natin Siya. Nandoon Siya kasama natin. Bakit Siya tahimik o hindi nagpaparamdam sa mga sandaling iyon? Pagmasdan natin nang mabuti ang krus ni Kristo. Iyan ang nangyayari sa Panginoon sa tuwing nakikita Niya tayong nagdurusa. Sa tuwing tayo'y nagdurusa, nagdurusa rin Siya. Ang ating mga sakit at paghihirap ay dinadala rin Niya. Kaisa Niya tayo. Hindi Niya tayo pababayaang mag-isa sa mga matitinding hamon at pagsubok sa buhay. 

Nasaan ang Diyos sa mga panahon ng matitinding pagsubok sa buhay? Siya'y kasama nating nagdurusa. Ang Panginoong Diyos ay kaisa natin sa pagharap sa mga matitinding hamon at pagsubok sa buhay. 

Sabado, Marso 28, 2020

KASAMA SA SAKIT AT LUNGKOT

IKATLONG WIKA: 
"Ginang, narito ang iyong Anak . . . Narito ang iyong Ina!
(Juan 19, 26-27) 


Sabi sa simula ng imnong Stabat Mater, "Ang Inang nangungulila / sa Anak n'yang nagdurusa / ay nasa tabi ng krus." Sa simula pa lamang ng imnong ito, inilarawan kung ano ang nararamdaman ng Mahal na Birheng Maria samantalang siya'y nasa paanan ng krus ng Panginoong Hesus. Hindi lamang siya napupuspos ng hapis, lungkot, at sakit sa mga sandaling yaon. Siya'y nangulila dahil kay Kristo Hesus, ang kanyang minamahal na Anak. 

Ano ang ibig sabihin ng salitang "nangungulila"? Ang ibig sabihin ng salitang ito ay naghahangad. Kapag nangulila ang isang tao, hinahangad niya ang presensya ng kanyang minamahal. Nais niyang makapiling ang kanyang minamahal. Para bang hindi niya kaya mag-isa kapag wala ang kanyang iniirog. Ang tanging nais niya ay makasama ang kanyang minamahal. 

Bihirang gamitin ang mga malalaim na salitang tulad ng "nangungulila," lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon. Kapag hinahangad nating makapiling ang ating mga minamahal, lalung-lalo na ang mga nakatira sa mga malalayong lugar, sinasabi na lamang natin na "I miss you." Bihira na lamang natin maririnig ang mga malalim na salita, lalo't higit baka hindi na magkaintindihan ang mga magkasintahan. Kapag ginamit ang mga salitang katulad ng "nangungulila", baka hindi na magkaunawaan ang mga magkasintahan o 'di kaya mabaduyan yung isa sa kanila. 

Ngayon, sa kaso ng Mahal na Inang si Maria, nangulila siya dahil kay Hesus. Ang kanyang minamahal na Anak na si Hesus ang dahilan ng kanyang pangungulila. Si Hesus na minamasdan niyang naghihingalo sa krus ay gusto niyang makapiling at makasama, lalung-lalo na sa mga sandaling yaon. Ang puso ni Maria ay nangulila para kay Kristo. Kahit sa mga sandali ng matinding hapis, wala siyang ibang ninais o hinangad kundi ang makasama si Kristo hanggang sa huli. 

Hindi ininda ng Mahal na Birheng Maria ang hapis at sakit sa kanyang puso. Kahit napakasakit para sa kanya na masilayan ang pagkamatay ng kanyang Anak na si Kristo, pinili pa rin niyang makapiling ang kanyang Anak. Sa kabila ng paulit-ulit na paglibak at pagkutya ng mga tao, sa kabila ng hapdi at sakit na dulot ng sandaling ito sa kanyang buhay, pinili pa rin ni Maria na makapiling si Kristo sa Kalbaryo. Ang sakit dulot ng pagdurusa't kamatayan ni Hesus ay hindi naging hadlang para kay Maria. Walang nakapagpigil kay Maria na samahan si Hesus hanggang sa huli.

Iyan ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria sa ating lahat na noo'y kinatawan ni Apostol San Juan sa paanan ng krus. Sinamahan ng Mahal na Birheng Maria ang Panginoong Hesukristo hanggang sa huli. Iyan ang hangad ng Panginoong Hesukristo para sa bawat isa sa atin na bahagi ng Kanyang Simbahan dito sa mundo. Nais ni Hesus na tayo'y samahan ni Maria hanggang sa kahuli-hulihan, tulad ng kanyang ginawa para sa kanyang Anak. Hindi ninanais ng Panginoong Hesus na isipin natin na tayo'y pinabayaan na mag-isa lamang. 

Marami tayong kasama sa ating buhay. Ang Panginoon ay kasama natin sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa. Kasama rin natin ang lahat ng mga anghel at banal sa langit na nananalangin para sa atin. At higit sa lahat, kasama rin natin ang ating Mahal na Inang si Maria. Sa hirap at ginhawa sa buhay, hindi tayo nag-iisa. Gaano mang kasakit ang ating pinagdadaanan, hindi tayo nag-iisa. Lagi nating kasama sa katahimikan ang Panginoon at ang Mahal na Ina, pati na rin ang lahat ng mga anghel at banal sa langit. Hindi tayo nag-iisa.