Sabado, Abril 4, 2020

PAGHAHAYAG NG PAG-IBIG

6 Abril 2020 
Mga Mahal na Araw: Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 



"Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa Akin" (Juan 12, 7). Ito ang mga salita ni Hesus matapos Siyang lagyan ng pabango ni Santa Maria na taga-Betania sa Ebanghelyo. Ipinagtanggol ni Hesus si Maria dahil batid Niya ang laman ng kanyang puso. Batid ni Hesus na bumili si Maria ng isang mamahaling pabango dahil sa kanyang pagmamahal. Hindi binili ni Maria ang pabangong iyon upang ipagyabang kung gaano kalaki ang kayamanang mayroon siya kundi alang-alang sa Panginoon. Nais ipakita ni Maria kay Kristo ang kanyang pagmamahal para sa kanya. Iyan lamang ang dahilan. Pagmamahal sa Panginoon.

Subalit, ang nakakatawag ng pansin sa mga salitang ito ni Hesus sa Ebanghelyo ay kung paano Niya binanggit ang nalalapit Niyang kamatayan. Maitatanong natin kung bakit naman Siya magsasalita tungkol sa Kanyang kamatayan. Hindi ba't nasa isang masayang okasyon si Hesus? Kasalo Niya ang kaibigan Niyang si San Lazaro na binuhay Niya. Bakit naman Siya magsasalita ng ganyan sa piling ng mga malalapit sa Kanya? Para bang wala sa lugar ang mga sinabi ng Panginoon. 

Bahagyang nagsalita ang Panginoong Hesukristo tungkol sa Kanyang nalalapit na pagpapakasakit at pagkamatay sa krus dahil sa Kanyang pag-ibig. Inilarawan ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa lahat, ipinasiya Niyang tanggapin ang pagdurusa't kamatayan sa krus. Ang pag-ibig na ito ng Panginoong Hesus ay hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman. Ang Kanyang paghahain ng sarili sa krus ang nagpapatunay nito. 

Itinampok ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa ang Kanyang lingkod. Bakit ginawa ito ng Diyos? Dahil sa pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ang lingkod ng Diyos ay ipinakilala at itinampok sa Unang Pagbasa. Ipinakilala at itinampok ng Diyos ang Kanyang lingkod dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Ang lingkod na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. 

Bakit ang sanlinggong ito'y tinatawag na Mahal na Araw? Dahil inaalala natin muli ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang hanggan. Inaaalala natin kung paanong nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento