Lunes, Abril 13, 2020

AWA AT PAG-IBIG MULA SA PANGINOONG HESUS NA MULING NABUHAY

14 Abril 2020 
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18 


Sa Unang Pagbasa, nanawagan si Apostol San Pedro sa lahat ng mga Hudyo na tumalikod sa kasalanan at magpabinyag sa Ngalan ng Panginoong Hesukristo, ang Muling Nabuhay. Ang Panginoong Hesus na namatay sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw ay ibinigay ng Diyos upang maging Manunubos ng lahat ng tao. Ito'y pinatunayan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus at Muling Pagkabuhay. Siya'y ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ang awa at pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ito ang pinatotohanan ni Apostol San Pedro at ng mga apostol nang buong sigla. Patuloy itong pinatotohanan ng Simbahan. 

Ipinakita ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang awa at pag-ibig na ito kay Santa Maria Magdalena sa Ebanghelyo. Nakita ng Muling Nabuhay na si Hesus si Maria Magdalena na umiiyak nang labis dahil inakala niyang ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Ipinakita ni Hesus ang awa at pag-ibig na ito sa pamamagitan ng pagpawi sa mga luha ni Magdalena. Ang mga luha ni Magdalena ay napawi nang tuluyan at pinalitan ng galak dahil kay Kristo. Si Maria Magdalena ay napuspos ng galak nang makita si Kristong Muling Nabuhay na nagpakita ng awa at pag-ibig ng Diyos sa kanya. Iyan ang Muling Nabuhay na si Hesus. 

Patuloy na ipinapakita ng Panginoong Muling Nabuhay sa atin ang Kanyang pag-ibig at awa. Hindi Siya titigil o magsasawa sa pagpapakita nito kailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento