Huwebes, Abril 16, 2020

DAHILAN NG SIGLA

17 Abril 2020 
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48 


Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang mga kaganapang sumunod sa pagpapagaling sa lalaking ipinanganak na lumpo. Matapos na pagalingin ang lalaking lumpo mula kapanganakan, si Apostol San Pedro ay nangaral sa mga tao tungkol kay Kristong Muling Nabuhay na patuloy na kumikilos sa pamamagitan ng mga apostol. Siya ay hindi tumitigil sa pagkilos mula sa kalangitan. Tinutulungan Niya ang Kanyang mga apostol sa kanilang ministeryo na maging Kanyang mga saksi sa bawat bahagi ng daigdig. Sa pamamagitan ng pagtulong sa mga apostoles, pinapatunayan Niya na tunay nga Siyang muling nabuhay. Ginagamit ng Panginoong Muling Nabuhay ang Kanyang mga alagad bilang Kanyang mga instrumento sa bawat sulok ng daigdig upang patunayan na totoo nga ang kanilang ipinapangaral. 

Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay nagpakita sa mga apostol sa Herusalem. Pinatunayan Niyang Siya'y tunay ngang muling nabuhay sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila. Hindi Siya naghatid ng galit o poot nang magpakita Siya sa kanila. Bagkus, si Hesus ay naghatid ng kapayapaan. Iyan ang Kanyang hatid. Hindi Siya naghiganti sa Kanyang mga apostoles, kahit mayroon naman Siyang karapatang gawin iyon. Bagkus, Siya'y naghatid ng kapayapaan. 

Ang Muling Nabuhay na si Hesus ang pinatotohanan ni Apostol San Pedro nang buong kagitingan sa Unang Pagbasa. Si Kristo Hesus, na namatay sa krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sangkatauhan, ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Si Hesus na nagpakita sa kanila matapos Siyang muling mabuhay ay pinatotohanan niya nang buong sigasig sa mga tao. Patuloy na kumikilos si Hesus sa pamamagitan ng mga apostol upang tulungan sila sa misyong ibinigay Niya sa kanila. Iyan ang dahilan kung bakit masigasig ang mga apostoles sa pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ni Hesus. Tinutulungan Niya sila. 

Bilang mga tao, tayong lahat ay nakakaranas ng sigla. Ang tanong para sa atin sa araw na ito - sino o ano ang nagpapasigla sa iyo? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento