19 Abril 2020
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
"Linggo ng Mabathalang Awa"
Mga Gawa 2, 42-47/Salmo 117/1 Pedro 1, 3-9/Juan 20, 19-31
Sabi ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa na ang bawat isa ay binigyan ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo dahil sa habag ng Diyos (1, 3). Inilarawan rin ni Apostol San Pedro kung anong uri ng buhay na iyan at kung ano ang kaibahan nito sa buhay dito sa lupa. Sabi ni Apostol San Pedro na ang panibagong buhay na iyan "ang nagbigay sa atin ng malaking pag-asa na kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, 'di masisira, at 'di kukupas" (1, 3-4). Iyan ang bagong buhay hatid ni Kristong Muling Nabuhay. Ang bagong buhay na puno ng pag-asa sa Diyos.
Ang bagong buhay na ito na hatid ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay isang biyaya. Ang biyayang ito ay sumasalamin sa Kanyang Mabathalang Awa. Sa pamamagitan ng paghahatid ng isang panibagong buhay na puno ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok sa buhay dito sa lupa, ipinakita ng Muling Nabuhay na si Hesus ang Kanyang awa at habag para sa ating lahat. Nais ni Hesus na umasa at manalig tayo sa Kanyang awa at biyaya.
Ito ang bagong buhay na nakita sa mga apostol at sinaunang Kristiyano sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Kahit alam nilang marami silang haharaping pag-uusig at pagsubok sa buhay bilang mga tagasunod ng Panginoon, sila'y puspos ng pag-asa at galak. Ipinagdiriwang pa nga nila ang paghahati-hati ng tinapay kahit na may nalalabing panganib sa kanilang buhay bilang mga tagasunod ni Kristo.
Tampok naman sa salaysay sa Ebanghelyo ang dalawang pagpapakita ni Hesus sa mga apostol matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Ibinigay Niya ang Espiritu Santo sa mga apostol sa Kanyang unang pagpapakita. Ipinakita Niya ang Kanyang mga kamay at paa kay Apostol Santo Tomas sa Kanyang ikalawang pagpapakita. Iyan ang mga ginawa ng Panginoong Hesukristo para sa mga alagad. Siya'y naghatid ng biyaya ng bagong buhay sa mga apostoles sa pamamagitan ng Kanyang mga ginawa sa dalawang pagkakataong ito. Ang kanilang takot at pagdududa ay nawala dahil kay Hesus. Ang kanilang takot at pagdududa ay pinalitan ng galak. Ang mga isipan at puso nila ay napuspos ng galak dahil kay Hesus.
Hindi tumitigil ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay, ang Hari ng Awa, sa paghahatid ng biyayang ito. Patuloy na ipinagkakaloob Niya ang biyaya ng bagong buhay sa bawat isa sa atin. Nais ng Panginoong Hesukristo, ang Hari ng Awa, na tayong lahat ay mapuspos ng Kanyang Awa. Ibinabahagi Niya sa atin ang Kanyang Awa na naghahatid ng isang bagong panibagong buhay na puspos ng pag-asa at galak sa Kanya. Iyan ang biyaya ni Hesus, ang Panginoon at Hari ng Awa.
Pagpapala ang hatid ng Mabathalang Awa sa atin. Ang Panginoon at Hari ng Awa na si Hesus ay patuloy na naghahatid ng pagpapala sa atin. Ibigay natin sa Kanya ang buong puso nating pananalig, pagmamahal, at pagsamba sa Kanya. Ang mga buong pusong nananalig, nagmamahal, at sumasamba sa Kanya ay mapupuno ng galak at pag-asa na nagmumula sa Kanya.
O Hesus, Hari ng Awa, kami'y nananalig sa Iyo!

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento