Martes, Abril 7, 2020

PAG-IBIG NIYA'Y NAGTAGUMPAY

11 Abril 2020 
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Mateo 28, 1-10 


"Aleluya" ang awit ng Simbahan sa gabing ito. Matapos ang mahabang panahon ng pagtitika, paghahanda ng sarili, at pagdadalamhati, ang "Aleluya" ay inawit muli sapagkat ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong galak sa gabing ito ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Tapos na ang panahon ng dalamhati. Si Hesus ay nagwagi laban sa kasalanan at kamatayan. Tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. 

Hindi nagtapos ang lahat para sa Panginoong Hesukristo sa Kanyang kamatayan sa krus. Hindi Siya nanatiling patay. Hindi Siya nanatili sa libingan. Bagkus, Siya ay nabuhay na mag-uli. Bumangon at lumabas mula sa libingan si Kristo sa ikatlong araw, tulad ng Kanyang ipinangako. Kaya naman, ang sabi ng anghel sa mga babaeng pumunta sa libingan ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo, "Wala na Siya rito, sapagkat Siya'y muling nabuhay tulad ng Kanyang sinabi" (Mateo 28, 6). Ang Panginoong Hesus ay hindi na patay. Oo, si Kristo ay namatay sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Subalit, hindi Siya nanatiling patay. Bagkus, Siya'y nabuhay muli sa ikatlong araw. Iyan ang dahilan kung bakit wala nang laman ang libingan ni Kristo. Tunay ngang nabuhay na mag-uli si Kristo. 

Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, inihayag ang tagumpay ng pag-ibig ng Panginoon. Ang Kanyang dakilang pag-ibig ay nagtagumpay. Hindi nauwi sa wala ang mga sakit at pagdurusang dinanas Niya alang-alang sa bawat tao noong unang Biyernes Santo. Bagkus, ang lahat ng pagdurusang dinanas ng Panginoon dahil sa Kanyang pag-ibig ay naging hakbang tungo sa pagkamit ng tagumpay. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagtagumpay sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, nahayag ang tagumpay ng pag-ibig ng Diyos. 

Nagbata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa si Hesus hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus sa Kalbaryo dahil sa pag-ibig. Subalit, ang lahat ng pagtitiis ni Hesus ay hindi nagwakas sa kabiguan at pagkatalo. Hindi nagwakas ang lahat sa pagkamatay ni Hesus sa krus. Ang kamatayan ni Hesus sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo ay sinundan ng Kanyang Muling Pagkabuhay kung saan nahayag ang tagumpay ng Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan. 

Kasama ang ating Inang Mahal, ang Mahal na Birheng Maria, buong galak nating awitin ang "Aleluya!" Ipagdiwang natin nang buong galak ang tagumpay ng pag-ibig ng Diyos na ipinamalas ng Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Ang dalamhati at lumbay ng bawat isa ay pinawi na ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang hatid ng Panginoong Muling Nabuhay sa bawat isa sa atin ay kagalakan. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY! 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento