Biyernes, Abril 17, 2020

TINUTULUNGAN NIYA TAYO

17 Abril 2020 
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14 


Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay nagpakita muli sa mga apostol sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang Kanyang ginawa sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay napakapamilyar. Tinulungan Niya ang Kanyang mga alagad sa pangingisda. Nakahuli ng maraming isda ang mga alagad sa tulong ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Inulit muli ng Muling Nabuhay na si Hesus ang Kanyang ginawa para sa mga alagad bago Niya hinarap ang Kanyang Misteryo Paskwal. 

Iisa lamang ang dahilan kung bakit inulit ni Kristo ang Kanyang ginawa noon para sa mga apostol. Nais patunayan ng Panginoong Muling Nabuhay sa Kanyang mga alagad na Siya nga talaga ang kanilang nakita at nakasama sa silid. Nais Niyang malaman ng mga apostol na tunay nga Siyang muling nabuhay. Nais patunayan ni Kristo ang Kanyang Muling Pagkabuhay sa mga apostol. Kaya naman, muling inulit ni Hesus ang Kanyang ginawa para sa mga alagad noon. Muli Niyang ginawa iyon upang maniwala ang mga apostol. 

Si Hesus na paulit-ulit na nagpakita sa mga apostol matapos na muling nabuhay ang pinatotohanan ni Apostol San Pedro sa harap ng Sanedrin Unang Pagbasa. Kahit na silang dalawa ni Apostol San Juan ay nasa harapan ng Sanedrin sa mga oras na iyon, si Apostol San Pedro na puspos ng Espiritu Santo ay nagsalita nang hayagan tungkol kay Hesus. Si Hesus, na namatay sa krus at muling nabuhay, ang tumulong sa kanya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Espiritu Santo. Gaya ng ipinangako ni Hesus bago Siya mamatay at muling nabuhay, ang Espiritu Santo ay dumating upang patatagin si Apostol San Pedro at ang iba pang mga apostol, lalo na sa mga sandali ng kagipitan. 

Paulit-ulit tayong tinutulungan ni Hesus upang lalo pang lumakas at tumibay ang ating pananalig sa Kanya. Hindi Siya titigil o magsasawa sa pagtulong sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento