Miyerkules, Abril 15, 2020

PATULOY SIYANG NAGHAHATID NG GALAK AT KAPAYAPAAN

15 Abril 2020 
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-34 


Tinalakay sa mga Pagbasa ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon. Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, ipinamalas ng Panginoong Muling Nabuhay ang Kanyang kapangyarihang walang kapantay. Ang mga kahanga-hangang gawang ito ay nagsisilbing mga patunay na Siya'y tunay ngang buhay. 

Sa Unang Pagbasa, pinagaling ni Apostol San Pedro ang isang lalaking isinilang na lumpo sa Ngalan ni Kristong Muling Nabuhay. Ang lalaking ito na lumpo mula sa kanyang kapanganakan ay nakalakad dahil kay Kristong Muling Nabuhay. Ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro ay ginamit lamang bilang instrumento ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang nagpagaling sa lalaking isinilang na lumpo. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagpapakita ng Panginoon sa dalawang apostol sa daang patungong Emaus. Ipinakilala Niya ang Kanyang sarili sa dalawang apostol na ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila tungkol sa mga propesiya tungkol sa Kanya sa Lumang Tipan at sa pamamagitan ng paghahati-hati ng tinapay. Subalit, ang Panginoong Hesukristo ay nakilala na lamang ng mga apostol matapos Niyang hatiin ang tinapay. Doon lamang nilang napagtanto na tunay ngang nabuhay na mag-uli si Kristo. Si Hesus na kanilang pinagluluksa ay muling nabuhay. 

Maraming mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ang Panginoon. Hindi Siya titigil sa paggawa ng maraming mga kahanga-hangang bagay. Pinapatunayan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga kahanga-gawang gawang ito na Siya'y tunay na buhay at patuloy na naghahatid ng galak sa lahat. Ang Panginoong nag-alay ng buo Niyang sarili sa krus alang-alang sa atin ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Ang Panginoong Hesus ay tunay ngang nabuhay na mag-uli at Siya'y nagpapatuloy sa paghahatid ng galak at kapayapaan sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento