18 Abril 2020
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15
Bilin ng Panginoong Hesus kina Apostol San Pedro, Santiago, at Juan matapos ang Kanyang Pagbabagong-Anyo na huwag sabihin kaninuman ang kanilang mga nakitahangga't hindi pa nabuhay na mag-uli ang Anak ng Tao (Mateo 17, 9; Marcos 9, 9). Hangga't hindi pa nagaganap ang Muling Pagkabuhay ni Hesus, hindi muna ipagsasabi kaninuman ang kanilang nasaksihan.
Matapos mabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo, isinugo Niya ang mga apostol upang ipangaral ang Mabuting Balita. Sa wakas ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito, isinugo ni Hesus sa mga apostoles sa iba't ibang bahagi ng daigdig upang mangaral tungkol sa Kanya. Bagamat sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo ay hindi naniwala ang mga apostol na Siya'y tunay ngang nabuhay na mag-uli dahil sa kakulangan ng pananalig at katigasan ng puso't isipan hanggang sa Siya'y nagpakita sa kanila, isinugo pa rin sila ni Kristo dahil sa pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, isinugo pa rin ng Panginoon ang mga apostol sa kabila ng kanilang kahinaan upang magpatotoo tungkol sa Kanya.
Ito ang ginawa ng mga apostol tulad nina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa. Sa kabila ng mga pag-uusig, sila'y hindi tumigil sa pagsaksi kay Kristong Muling Nabuhay. Patuloy silang nangaral at nagpatotoo tungkol kay Kristo Hesus. Hindi naging hadlang para sa kanila ang mga pag-uusig upang magpatotoo tungkol sa pag-ibig ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ni Kristo. Katulad ng sinabi ni Apostol San Pedro sa Sanedrin sa wakas ng Unang Pagbasa, ang kanilang mga nakita't narinig ay hindi nila maaaring panatilihing lihim (4, 20).
Hindi na ipinaglihim ng mga apostol sa sinuman ang kanilang karanasan kasama ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Hindi na nila ipinaglihim sa lahat ang Magandang Balita tungkol sa pag-ibig ng Maykapal na inihayag ni Kristo Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ay dahil ang pag-ibig ng Diyos ay hindi dapat manatiling lihim kailanman.
Ang bawat isa sa atin ay isinusugo ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay upang ipahayag at isabuhay ang Magandang Balita tungkol sa Kanyang pag-ibig na naghatid ng kaligtasan sa lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento