Sabado, Abril 4, 2020

PINILI SA KABILA NG MGA KAHINAAN

7 Abril 2020 
Mga Mahal na Araw: Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33; 36, 38 


Maganda ang mga salita sa pahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa: "Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ako ng Panginoon, pinili Niya ako para maging lingkod Niya" (49, 5). Ang bawat lingkod ng Diyos ay hinirang sa simula't sapul. Ang Diyos ay may plano para sa bawat isa sa atin. Iyan ang aral na nais ipaalala sa atin ng Unang Pagbasa. Tayong lahat ay pinili ng Diyos sa simula't sapul. May plano na Siya para sa atin bago pa man tayo isilang. 

Subalit, kahit na may plano ang Diyos para sa bawat isa sa atin, hindi ibig sabihin nito na wala na tayong mga kahinaan. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote at tatlong ulit na ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Kahit na ang dalawang ito ay pinili't hinirang ng Panginoong Hesus upang maging mga alagad Niya, hindi nawala ang kanilang mga kahinaan. Katulad na lamang ni Hudas na nagkanulo sa Kanya. Ipinagkanulo ni Hudas ang Panginoon sa halagang tatlumpung piraso ng pilak. Dahil nasilaw siya sa salapi, tinalikuran niya si Kristo. Wala nang halaga ang kanyang ugnayan kay Kristo. Si Apostol San Pedro naman ay nagpakita ng kaduwagan. Kahit na buong kayabangan niyang sinabing handa siyang mamatay kasama ang Panginoong Hesukristo, hindi niya iyon ginawa. Bigla na lamang siya natakot. Dahil nabahag ang kanyang buntot, tatlong beses niyang ipinagkaila ang Panginoong Hesukristo. 

Nakakapagtaka kung bakit may plano pa rin ang Panginoon para sa bawat isa sa atin kahit alam naman Niyang paulit-ulit tayong magkakasala laban sa Kanya sa buhay natin dito sa daigdig. Bakit nga ba? Ang Kanyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, hindi Niya tayo susukuan kailanman. Oo, alam Niyang makasalanan ang bawat isa sa atin. Subalit, para sa Panginoon, hindi iyan dahilan upang tumigil sa pagmamahal sa atin. Patuloy Niya tayong pipiliin para sa Kanyang higit na ikaluluwalhati dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. 

Habang patuloy nating ginugunita ang mga Mahal na Araw, huwag nating kalimutan ang dahilan kung bakit may plano ang Panginoong Diyos para sa bawat isa sa atin, kahit na tayo'y mga makasalanan. Pag-ibig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento