10 Abril 2020
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42
Walang Misa tuwing Biyernes Santo. Tuwing sasapit ang Biyernes Santo taun-taon, hindi idinadaos ng Simbahan ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Mayroong liturhiya, subalit walang Misa. Bagamat mayroong Komunyon o Pakikinabang sa nasabing liturhiya, hindi ito Misa. Ang Biyernes Santo ay ang bukod tanging araw sa buong taon kung saan walang Misa sa Simbahan.
Ang Biyernes Santo ay inilaan ng Simbahan sa paggunita sa paghahain ng sarili ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus sa krus. Nakatuon ang pansin ng Simbahan sa krus ng Panginoong Hesukristo sa napakahalagang araw na ito. Ginugunita at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo sa krus.
Tampok sa Ebanghelyo para sa Biyernes Santo ang mahabang salaysay ng mga huling sandali sa buhay ni Kristo dito sa daigdig. Isinalaysay nang buong detalye ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoon sa Ebanghelyo. Walang maikling bersyon ang salaysay na ginagamit sa liturhiya ng Biyernes Santo, hindi tulad ng salaysay na ipinahayag sa Misa ng Linggo ng Palaspas. Sa Ebanghelyo para sa liturhiya ng Biyernes Santo, binibigyan ng pansin ang bawat detalye ng Mahal na Pasyon ng Panginoong Hesukristo.
Hindi lamang binibigyan ng pansin ang pagpapakasakit ni Hesus sa napakahabang salaysay sa Ebanghelyo. Pati sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa, binigyan ng pansin ang pagdurusa ng Manunubos. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang mga pagdurusang binata ng Lingkod ng Diyos. Sino ang Lingkod ng Diyos na ito? Ang Lingkod ng Diyos na tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang pahayag ay walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Iyon nga ang nangyari sa mga huling sandali sa buhay ni Hesus dito sa mundo. Si Hesus ay nagbata ng maraming hirap at pagdurusa alang-alang sa sangkatauhan. Si Hesus ay ipinakilala bilang dakilang saserdote sa Ikalawang Pagbasa. Bakit Siya ang dakilang saserdote? Dahil inalay Niya ang Kanyang sarili sa krus alang-alang sa sangkatauhan.
Nakakatawag ng pansin ang paglarawan sa sasapitin ni Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay dito sa daigdig sa Unang Pagbasa: "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan" (Isaias 53, 5). Nakakapagtaka kung bakit pinili ni Hesus na ibigay ang buo Niyang sarili bilang handog sa krus alang-alang sa ating lahat kahit alam naman Niya na tayong lahat ay mga makasalanan. Alam naman natin na tayo'y mga makasalanan. Kung alam natin iyan, mas lalong alam iyan ni Hesus. Alam ni Hesus na paulit-ulit naman tayong magkakasala. Dahil diyan, nakakapagtaka kung bakit ipinasiya ni Hesus na magbata ng maraming hirap at pagdurusa alang-alang sa atin.
Bakit nga ba talaga pinili ni Hesus na magbata ng maraming hirap at pagdurusa alang-alang sa atin? Hindi ba mas mabuti para kay Hesus na manatili na lamang sa langit at magpakasarap sa pagiging Diyos at Hari? Oo, dahil wala naman Siyang kailangang gawin para sa atin. Tayo ang nagkasala laban sa Kanya. Kaya, dapat lamang na tayo ang magdusa dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, pinili ni Hesus na gawin ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus, pinatunayan ng Panginoong Hesus na tayong lahat ay tunay Niyang minamahal.
Pinatunayan ng Panginoong Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat noong Siya'y magbata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa sa krus. Kahit hindi Niya kinailangang gawin iyon, ginawa pa rin Niya iyon dahil mahal Niya tayo. Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, iniibig pa rin Niya tayo. Pinatunayan Niya iyon sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Ang bawat isa sa atin ay Kanyang minamahal at patuloy na mamahalin magpakailanman. Tapos ang usapan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento