Martes, Abril 28, 2020

BIYAYA NG MABUTING PASTOL

3 Mayo 2020 
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Linggo ng Mabuting Pastol 
Mga Gawa 2, 14a. 36-41/Salmo 22/1 Pedro 2, 20b-25/Juan 10, 1-10 


Hindi maririnig sa Ebanghelyo ang pahayag ng Panginoong Hesukristo kung saan ipinakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Mabuting Pastol. Kahit na ipinagdiriwang ang Linggo ng Mabuting Pastol tuwing sasapit ang Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, wala sa Ebanghelyo ang pahayag ng Panginoong Hesus kung saan ipinakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Mabuting Pastol. Ang bahaging iyon ng pangaral ng Panginoong Hesukristo na matatagpuan rin sa ika-10 kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan ay mapapakinggan sa mismong Linggong ito kapag ito'y pumapaloob sa Taon B. Sa Kalendaryo ng Simbahan, napapaloob ang taong ito sa Taon A. Dahil diyan, hindi bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo ang pahayag na ito ni Kristo: "Ako ang Mabuting Pastol" (Juan 10, 11).

Subalit, sa kabila nito, tinalakay pa rin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo kung anong klaseng pastol si Hesus. Katunayan, hindi lamang sa Ebanghelyo inilarawan kung anong uri ng pastol si Kristo. Inilarawan rin ang mga katangian ni Kristo bilang Mabuting Pastol sa iba pang mga Pagbasa sa Misa para sa Linggong ito. Paano ba talaga Siya naging Mabuting Pastol? Paano Siya bilang isang pastol? 

Inihayag ni Hesus sa Ebanghelyo na Siya ang sanggalang at nagbibigay-buhay sa mga tupa. Ipinahiwatig ni Hesus na Siya ang sanggalang ng Kanyang kawan nang sabihin Niyang Siya ang pintuan (Juan 10, 7. 9). Ipinagsasanggalang ni Hesus ang Kanyang kawan mula sa iba't ibang panganib. Dahil dito, natitiyak ng mga tupa na ligtas dahil si Hesus ang nagsasanggalang sa kanila. Batid ng mga tupa na dahil si Hesus ang kanilang tagapagtanggol, hindi sila mapapahamak. Siya nga mismo ang nagsabi na maliligtas ang mga pumapasok sa pamamagitan Niya (Juan 10, 9). At bukod pa roon, si Hesus ang nagbibigay-buhay sa mga tupa. Ang buhay na ito ay hindi katulad ng buhay dito sa daigdig. Bagkus, ang buhay na ito'y "isang buhay na ganap at kasiya-siya" (Juan 10, 10). Iyan ang biyaya ng buhay na kaloob ni Hesus sa Kanyang kawan. Iyan ang Mabuting Pastol. Ang Mabuting Pastol na si Hesus ay maawain at mahabagin sa Kanyang kawan. 

Ang pagiging maawain at mahabagin ng Mabuting Pastol na si Hesus ay tinalakay ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, kung paanong ipinakita ng Mabuting Pastol na si Hesus ang Kanyang awa at habag sa Kanyang kawan. Maraming hirap at sakit ang tiniis ni Hesus alang-alang sa bawat isa (1 Pedro 2, 21). Tiniis Niya ang lahat ng iyon nang hindi nagrereklamo. Hindi Siya nagtanim ng sama ng loob o hinangad na maghiganti laban sa Kanyang mga kaaway. Bagkus, kusa Niyang tiniis ang lahat ng pagdurusang iyon alang-alang sa atin. Iyan ang awa at habag ng Mabuting Pastol. Ganyan Niya kamahal ang Kanyang kawan. Kaya, napakaganda ng mga salita sa wakas ng pangaral ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Muling tinipon ni Kristo, ang Mabuting Pastol, ang Kanyang mga tupang nagkawatak-watak (1 Pedro 2, 25). Tunay ngang maawain at mahabagin ang Mabuting Pastol. 

Bukod sa pagsasalita tungkol sa awa at habag ng Mabuting Pastol na si Hesus sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan rin si Apostol San Pedro ang pagiging pagpapala ni Hesus sa Unang Pagbasa. Napakaganda ng mga sinabi ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Ipinakilala niya si Kristo sa madla bilang isang pagpapala mula sa Ama. Sabi niyang si Hesus na taga-Nazaret ay ginawa at hinirang ng Diyos upang maging Panginoon at Kristo (Gawa 2, 36). Si Hesus ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Siya'y ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Siya'y ipinagkaloob dahil sa pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus ay isang biyaya mula sa Diyos. Ipinamalas ng Diyos ang Kanyang awa at habag sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang pagsugo sa Panginoong Hesukristo, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Tayong lahat ay biniyayaan ng isang pastol - ang Panginoong Hesukristo. Siya ang ating Mabuting Pastol. Siya'y ipinagkaloob ng Ama sa ating lahat dahil sa Kanyang pag-ibig, awa, at habag. Siya'y ipinagkaloob sa atin ng Ama bilang ating Pastol. At bilang Mabuting Pastol, ipinamalas ng Muling Nabuhay si Hesus ang Kanyang pag-ibig, habag, at awa para sa bawat isa sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, ipinakita ni Hesus ang Kanyang awa, habag, at pag-ibig para sa ating lahat na bumubuo sa Kanyang kawan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento