Sabado, Abril 25, 2020

BUKAL SA KALOOBAN

1 Mayo 2020 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58 


Sabi sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo na kaunti lang ang mga kababalaghang ginawa ng Panginoong Hesus sa bayang kinalakihan Niya, ang bayan ng Nazaret, dahil hindi Siya sinampalatayanan ng Kanyang mga kababayan (Mateo 13, 58). Si Hesus ay nakaranas ng pagmamaliit mula sa Kanyang mga kababayan. Si Hesus ay minaliit at hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret dahil Siya'y kilala nila bilang anak ng karpinterong si San Jose (Mateo 13, 55). Kaya, sa kabila ng Kanyang kasikatan, hindi nila Siya tinanggap. Sila'y hindi makapaniwala na ang isa nilang kababayan ay ipinadala ng Diyos upang maging biyaya sa lahat. 

Iyan ang misyon ng Panginoong Hesukristo. Ang misyon Niya ay maging biyaya sa sangkatauhan. Katunayan, Siya mismo ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Isinugo si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. Siya ang Tagapagligtas na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Iyan ang misyon ni Hesus. Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay dumating sa daigdig pagsapit ng panahong itinakda. Iniligtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, 

Tinupad ng Panginoong Hesus ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan nang may pag-ibig. Hindi Niya tinupad ang Kanyang misyon nang sapilitan. Bagkus, bukal sa Kanyang kalooban ang Kanyang pagtupad sa misyong ibinigay sa Kanya ng Ama. Sabi nga ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Colosas na ang pagsasagawa ng anumang gawain ay dapat maging magaan sa kalooban (3, 23). Iyan ang ginawa ni Kristo. Kusa Niyang tinupad ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas. 

Ang paglikha ng Panginoong Diyos sa sanlibutan sa simula ng panahon ay hindi sapilitan. Ang Diyos ay hindi napilitang likhain ang daigdig. Bagkus, kusa Niya itong ginawa. Katunayan, hindi rin Niya kinailangang likhain ang tao. Subalit, ipinasiya pa rin ng Panginoon na likhain ang tao. Gaya ng Kanyang sinabi: "Ngayon, lalangin natin ang tao" (Genesis 1, 26). Napakalinaw sa talatang ito na ang Panginoon ay hindi napilitang likhain ang tao. Bagkus, kusa Niyang nilikha ang tao dahil sa pag-ibig. Magaan sa kalooban ng Diyos ang paglikha sa tao. Nang likhain ng Diyos ang daigdig, nilikha rin Niya ang tao dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Makikita rin kay San Jose ang katangiang ito. Siya'y naghanap-buhay bilang isang karpintero para sa kanyang pamilya. Hindi siya napilitan maghanap-buhay bilang isang karpintero. Bagkus, kusa niya itong ginawa. Ang kanyang paghahanap-buhay bilang isang karpintero ay sumasalamin sa kanyang pagmamahal para sa Mahal na Birheng Maria at sa Panginoong Hesus. Buong kasipagang naghanap-buhay si San Jose para kay Hesus at sa Mahal na Inang si Maria dahil sa kanyang pag-ibig. 

Hindi dapat maging sapilitan ang ating mga pagsisikap. Bagkus, ang mga gawaing ito ay dapat nating gawin nang bukal sa ating kalooban. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento