Marso 19, 2015
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birheng Maria at Amain ng Panginoong Hesukristo (ABK)
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)
Walang salitang namutawi si San Jose sa mga Ebanghelyo, lalung-lalo na sa Ebanghelyo ni San Mateo. Madalas nating matagpuan si San Jose sa Ebanghelyo ni San Mateo na natutulog bago magpakita ang anghel ng Panginoon sa kanya. Ang unang pagkakataon ay noong malaman ni San Jose na ang Mahal na Birheng Maria ay nagdadalantao, kahit hindi pa sila kasal at ang pangalawang pagkakataon ay bago siya tumakas kasama ang Mahal na Birheng Maria at ang Sanggol na Hesus patungong Ehipto dahil sa plano ni Haring Herodes na ipagpaslang ang Sanggol na Hesus (Mateo 2, 13-15).
Bilang tao, kinakailangan din nating magpahinga. Ang pagpapahinga ay napakaimportante para sa atin. Kung hindi tayo nagpapahinga, hindi tayo lalakas. Bagkus, tayo ay hihina at hihina. Magkakaroon tayo ng panibagong lakas pagkatapos ng ating pagpapahinga.
Isang karpintero si San Jose. Napakahirap ang trabaho ng isang karpintero. Subalit, masipag at matiyaga si San Jose sa kanyang hanapbuhay. Kapag may problema o napapagod si San Jose, madalas nating nakikita siyang nagpapahinga, katulad ng natunghayan natin sa Ebanghelyo natin ngayon. Bago tinawag ng Diyos si San Jose sa pamamagitan ng Kanyang anghel sa panaginip, nagpahinga si San Jose. Maraming mga gawain at problema ang hinarap ni San Jose, kaya nagpahinga siya upang magkaroon ng lakas para sa kinabukasan.
Kakaiba ang tugon ni San Jose sa sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon noong siya'y nagpapahinga. Walang salitang namutawi mula sa labi ni San Jose. Bagkus, tahimik na sumunod at ginawa ni San Jose ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos na ipinamalita sa kanya ng anghel sa panaginip. Kinabukasan, tinanggap ni San Jose ang pananagutan bilang kabiyak ng Mahal na Birheng Maria at amain ng Panginoong Hesukristo dito sa lupa.
Anuman ang ating propesyon sa buhay, tinatawag tayo ng Diyos na pagsilbihan Siya bilang mga manggagawa Niya, katulad ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Si San Jose ay isang manggagawa ng Diyos dahil may responsibilidad siya bilang isang karpintero, bilang kabiyak ng Mahal na Birhen, at bilang amain ni Kristo dito sa lupa. Pinagbutihan ni San Jose ang kanyang trabaho bilang isang karpintero para sa ikabubuhay niya, ng Mahal na Ina, at ng Panginoon.
Laging nakahanda si San Jose na paglingkuran ang Diyos. Tahimik na sumunod at pinaglingkuran ni San Jose ang Diyos bilang manggagawa Niya. Ang responsibilidad ni San Jose sa Diyos ay maging kabiyak ng Mahal na Birheng Maria at amain ng Panginoong Hesus dito sa lupa bago Niya simulan ang Kanyang pangangaral. Kahit gaano mang kahirap ang pananagutang ito, tahimik na tinanggap at tumalima si San Jose sa kalooban ng Diyos.
Tayong lahat ay tinatawag ng Diyos na paglingkuran Siya. Kahit gaano kataas o kababa ang ating posisyon sa buhay, lalo na sa ating trabaho, tinatawag tayo ng Diyos na maglingkod sa Kanya. Isa sa napakaraming mga huwaran ng mga simpleng taong tinawag ng Diyos upang paglingkuran Siya ay si San Jose. Kung paanong tinanggap at sumunod si San Jose sa kalooban ng Diyos, dapat din nating sumunod sa Diyos katulad ni San Jose.
Panginoon, tulungan Mo kaming tumalima at sumunod sa Iyong kalooban, katulad ni San Jose. Amen.
Inang Maria, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
AWIT SA PAGNINILAY - "Pagsamo kay San Jose"
Katesismo para sa panahon ng Kuwaresma
Ang Laetare Sunday ay ang alternatibong pangalan ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Ang ibig sabihin ng salitang Laetare ay "Magalak." Nagmula ang pangalang Laetare Sunday sa Antipona sa Pasimula ng Banal na Misa, "Lungsod ng kapayapaan, magalak tayo't magdiwang. Noo'y mga nalulumbay, ngayo'y may kasaganaan sa tuwa at kasiyahan." (Isaias 66, 10-11)
Katulad ng Gaudete Sunday sa panahon ng Adbiyento, maaari ding magsuot ng rosas ang mga pari sa mga Misa tuwing Laetare Sunday sa panahon ng Kuwaresma. Maaari ding maglagay ng mga bulaklak sa altar at gamitin ang organo bilang solo instrumento.
Binibigyang diin ng Laetare Sunday ang kagalakan. Ito ang pagkakaiba ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma sa ibang mga Linggo ng Kuwaresma. Nagagalak tayong lahat dahil sa pag-asa dulot ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang Laetare Sunday ang hudyat na papalapit na ang pinakaimportanteng pagdiriwang ng Simbahan - ang pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Sa kabila ng pagpepenitensya ngayong panahon ng Kuwaresma, hinihikayat tayong lahat ng Simbahan ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma na magalak. Magalak dahil sa pag-asang ibinibigay sa atin ng Diyos. Hinihikayat din tayong magalak dahil malapit nang matapos ang panahon ng Kuwaresma at malapit na ang pinakadakilang kapistahan ng Simbahan - ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus.
Marso 15, 2015
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
2 Cronica 36, 14-16. 19-23/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21
Ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, hinihikayat tayo ng Simbahan na magalak. Ang tawag sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay Laetare Sunday o Linggo ng Kagalakan. Sa kabila ng penitensya ngayong panahon ng Kuwaresma, hinihikayat tayong lahat ng Simbahan na magalak ngayong Linggo. Ang Ebanghelyo ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ngayong taon ang dahilan kung bakit dapat tayong magalak sa kabila ng ating pagpepenitensya sa banal na panahon ng Kuwaresma.
Ang pinakamasikat na talata sa Banal na Bibliya ay mapapakinggan sa Ebanghelyo ngayong Linggo. "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." (Juan 3, 16). Ito ang mensahe ng Simbahan sa ating lahat ngayong papalapit na ang mga Mahal na Araw.
Sa kabila ng ating mga penitensya ngayong Kuwaresma, tinatawag tayong lahat na magalak sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Hindi ipinagkait ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak. Bagkus, buong puso Niyang inialay ang Kanyang Bugtong na Anak para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bagamat napakasakit para sa Diyos Ama ang makita ang Diyos Anak na nagdurusa para sa kaligtasan ng sangkatauhan, ginawa pa rin Niya ito dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin.
Ang pag-ibig ng Diyos ay nakakaakit. Inaaakit tayo ng pag-ibig ng Diyos na pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Tinatawag tayo ng Diyos na magbagong-buhay, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang pag-ibig ng Diyos ay napakadakila. Maaawain at mapagmahal ang Diyos. Sino ang hindi maaakit sa dakilang pag-ibig ng Diyos?
Nais ipaalala sa atin ng Salita ng Diyos ngayong Linggo na ang Diyos ay pag-ibig. Ang pag-ibig na tunay at perpekto ay ang pag-ibig ng Diyos. Mahal na mahal tayong lahat ng Diyos. Ang pag-aalay ng Panginoong Hesus ng Kanyang sarili sa krus ang patunay ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Maaaring iligtas tayo ng Diyos nang hindi nadadamay pa ang Kanyang Anak. Maaari ding iligtas ng Diyos Ama ang Diyos Anak na si Hesus upang hindi Niya maranasan ang sakit dulot ng krus. Subalit, pinili pa rin ng Diyos na ialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus upang ipamalas sa atin ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin.
Isang panahon ng espirituwal na paglalakbay ang panahon ng Kuwaresma. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagsisilbing liwanag para sa atin sa ating paglalakbay. May mga pagkakataon kung kailan maliligaw tayo ng landas. Sa mga pagkakataong naliligaw tayo ng landas dahil sa ating mga kasalanan, nandiyan ang pag-ibig ng Diyos na nagsisilbing liwanag para sa atin. Tayo ay inaakay ng liwanag na dulot ng pag-ibig ng Diyos pabalik sa Kanya. Sundan natin ang liwanag na dulot ng dakilang pag-ibig ng Diyos.
Dapat tayong magalak ngayong Linggong ito, sa kabila ng ating penitensya. Pag-asa ang mensahe ngayong Linggo ng Laetare. Kahit naliligaw tayo ng landas, nandoon ang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagsisilbing liwanag para sa ating lahat upang manumbalik sa Diyos mula sa kadiliman ng ating mga kasalanan. Sumunod nawa tayong lahat sa liwanag dulot ng dakilang pag-ibig ng Diyos.
AWIT SA PAGNINILAY: "Pagkabighani"
Marso 8, 2015
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3. 7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 13, 22-25/Juan 2, 13-25
Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang Sampung Utos ng Diyos. Ang Sampung Utos ng Diyos ay hindi isang pangkaraniwang, "Dapat gawin at hindi dapat gawin." Bagkus, ang Sampung Utos ay ibinigay ng Diyos sa bayang Israel upang maging gabay kung paanong mamuhay para sa Kanya. Nais ng Diyos na mamuhay ang lahat ng tao nang may pagmamahal sa Kanya at sa Kanyang mga nilikha, lalung-lalo na ang kapwa-tao.
Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay sambahin lamang ang Diyos. Ang Diyos ang dapat sambahin ng lahat. Ang Diyos ay ang iisang Diyos na dapat sambahin ng lahat. Walang kapantay ang Diyos. Nararapat lamang na sambahin at ibigin ang Diyos sapagkat Siya ang makapangyarihan sa lahat. Walang diyos-diyosan ang makahihigit sa kapangyarihan at kadakilaan ng nag-iisang Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat.
Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na nagalit si Hesus sa nakita Niya sa Templo. Hindi nagustuhan ni Hesus ang ginagawa ng mga tao sa Templo. Binastos ang Templo - ang tahanan ng Diyos. Walang paggalang ang mga tao sa presensya ng Diyos. Nakita ni Hesus na hindi totoo ang pagsamba ng mga tao sa Diyos. Hindi galing sa puso ang pagsamba ng mga tao sa Templo.
Para kay Hesus, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay galing sa puso. Hindi basta-basta sa templo o sa isang gusaling sambahan lamang ang tunay na pagsamba. Dapat din nating isabuhay ang ating pagsamba sa Diyos. Kailangang isabuhay, isadiwa natin ang ating pagsamba sa Diyos. Sapagkat pagpapaimbabaw, kaek-ekan lamang ang ating pagsamba sa Diyos nang hindi ito isinasabuhay, kahit sa labas ng Simbahan.
Hindi magkahiwalay ang buhay sa loob ng Simbahan at ang buhay sa labas ng Simbahan. Magkakaugnay ang ating buhay at sarili sa loob ng Simbahan at sa labas ng Simbahan. Hindi pwede ang magsimba-simba ka at magdasal-dasal ng mga nobenaryo at maraming iba pang mga gawain at pagkatapos ay magpapatuloy ka ng mga masasamang bagay. Ang pagsimba at pagdarasal ay hindi lamang isang obligasyon.
Ang hirap sa atin at sa mundo ngayon, iniisip natin na pagkatapos tayong magsimba at manalangin, pwede na tayong magbalik sa dati nating gawain, lalo na kung ito'y masama. Iniisip natin na hiwalay ang ating buhay at asal sa loob ng Simbahan at kapag nasa labas ng Simbahan. Iniisip natin na kapag lumabas tayo ng Simbahan, pwede tayong bumalik sa mga dati nating gawain, lalo na ang mga masasamang bagay.
Para sa Panginoong Hesus, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay dapat galing sa puso. Hindi tayo sumasamba sa Diyos upang ipagyabang natin sa mga tao o dahil obligasyon lamang iyon. Bagkus, ang tunay na Kristiyano ay sumasamba sa Diyos nang buong puso at buong buhay. Isinasabuhay ng isang tunay na Kristiyano ang kanyang pagsamba sa Panginoong Diyos, sa loob at labas ng Simbahan.
Suriin at tanungin natin ang ating mga sarili: Galing ba sa aking puso ang aking pagsamba sa Diyos?
Manalangin tayo:
O Diyos, tulungan Mo kaming sumamba sa Iyo nang taos sa puso. Amen.
Marso 1, 2015
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10
Bago ang salaysay ng pagbabagong-anyo ni Hesus, ipinahayag ni Hesus sa unang pagkakataon na Siya'y dadakipin at papatayin ng mga autoridad, at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Napakalungkot ang pahayag na ito mula kay Hesus. Para sa mga alagad, mahirap unawain at tanggapin ang sinabi ni Hesus tungkol sa nalalapit Niyang kamatayan. Hindi nila iyon inaasahan kay Hesus bilang Mesiyas at makapangyarihang Tagapagligtas.
Pagkatapos ipahayag ni Hesus ang Kanyang kamatayan, muling nagpahayag si Hesus sa mga alagad. May kundisyon ang pagsunod sa Kanya. Hindi biro-biro o laro-laro lamang ang pagsunod kay Hesus. Kailangang seryoso ang pagsunod kay Hesus. Para kay Hesus, kailangang limutin natin ang ating sarili, pasanin ang ating mga krus, at sumunod sa Kanya. Napakahirap ang pagsunod kay Hesus. Hindi basta-basta lamang ang pagsunod kay Hesus. Hindi laging maginhawa ang ating pagsunod kay Hesus. May mga pagsubok at pagdurusa na kailangan nating harapin sa pagsunod kay Hesus.
Sa bundok, nasilayan ng mga alagad ang unang sulyap sa kaluwalhatiang kakamtan ng Panginoong Hesus pagkatapos ng Kanyang mga pagdurusa. Ang kaluwalhatian ng Panginoong Hesus ay napakaningning at napakadakila. Walang tagumpay na makakasukat o makakapantay sa tagumpay na makakamtan ni Hesus sa pamamagitan ng krus at ng muling pagkabuhay.
Nagsalita ang Diyos mula sa langit. Muling ipinakilala ng Diyos ang Kanyang Anak na si Hesus. May dagdag pa Siyang utos: makinig tayo sa Kanya. Ano ang nais gawin ni Hesus? Sundin ang kalooban ng Diyos. Nais Niyang tumalima sa kalooban ng Ama. Hindi ang sariling kalooban ang nais masunod ni Hesus. Nais Niyang sumunod sa kalooban ng Diyos Ama.
Pinili ni Hesus na sundin ang kalooban ng Diyos. Tinatawag tayo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo na makinig at sumunod sa kalooban ng Diyos, katulad Niya. Ang utos pa ng Amang Diyos mula sa langit, "Makinig kayo sa Kanya." Ang utos ng Diyos sa atin ay makinig kay Hesus, at sinasabihan tayo ni Hesus na sumunod sa kalooban ng Diyos.
Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi madali. Marami tayong mga pagsubok at pagdurusang haharapin sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ganun din ang nangyari kay Hesus. Kahit Siya ang Anak ng Diyos, naranasan Niya ang pagdurusa at paghihirap. Hindi man ninais ni Hesus na mangyari ito sa Kanya, tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama.
Mahirap ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi magiging madali at maginhawa ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Subalit, pagkatapos ng mga paghihirap, pagtitiis at pagsubok, makakamtan natin ang tagumpay. Ang ating mga paghihirap at pagtitiis ay magtatapos din sa awa ng Diyos. Sumunod nawa tayong lahat sa kalooban ng Diyos, katulad ni Hesus.
O Diyos, tulungan Mo kaming sumunod sa Iyong kalooban, katulad ng aming Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus. Amen.
REFLECTIVE SONG: "Sa Iyong Mga Yapak" - Philippine Madrigal Singers
UNANG WIKA:
"AMA, PATAWARIN MO SILA, SAPAGKAT HINDI NILA NALALAMAN ANG KANILANG GINAGAWA." (Lucas 23, 34)
Bilang tao, madalas tayong nagtatanim ng galit sa ating kapwa, lalung-lalo na kapag gumawa ng masama ang ating kapwa laban sa atin. Dahil sa bigat ng kasalanang ginawa sa atin, tayo ay nagtatanim ng galit laban sa kanila. Habang tumatagal, tinatanim ng ating galit ang alitan. Nahihirapan tayo sa pagpapatawad. Dahil sa alitan, hindi na natin kayang hilumin ang mga sugat na iniwan ng kasalanang ginawa laban sa atin.
Madalas, kapag gumawa ng masama ang ating kapwa laban sa atin, ano ang ginagawa natin? Gumaganti. Hindi ba, dahil sa kasalanang ginawa laban sa atin, gusto nating gumanti? Kung ano ang ginawa laban sa atin, iyon din ang kabayaran nila. May kasabihan pa nga, "Mata sa mata at ngipin sa ngipin."
Subalit, noong si Hesus ay sinasaktan at pinapatay, taliwas ang ginawa Niya. Sa halip na sumpain Niya ang mga tao dahil sa ginagawa nila sa Kanya, humingi ng kapatawaran si Hesus para sa mga kaaway Niya. Kakaiba. Bakit inisip ni Hesus na humingi ng kapatawaran para sa mga kaaway Niya? Parang mali ang ginagawa ni Hesus. Hindi nga makatarungan ang ginagawa sa Kanya, pinapatawad pa Niya? Parang imposibleng gawin iyon! Kalokohan!
Hindi kalokohan ang ginagawa ni Hesus sa krus. Binibigyan tayo ng halimbawa ng Panginoong Hesus kung paanong magpatawad. Sa ministeryo ng Panginoon, nagturo Siya tungkol sa awa at pagpapatawad. Kahit nakapako sa krus, tinuturuan tayo ng Panginoon kung paanong magpatawad. Ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesukristo ang tunay na pagpapatawad, kahit nakapako sa krus.
Para sa atin, bilang tao, ang pagpapatawad ay napakahirap gawin. Ang pagpapatawad ay isa sa mga bagay na napakahirap gawin. Pero, hindi imposible ang pagpapatawad. May mga bagay na mahirap gawin, subalit hindi imposible. Kahit napakahirap magpatawad, may pag-asa pang magpatawad. Hindi imposible ang pagpapatawad.
Itinuturo sa atin ni Hesus sa wikang ito na kung paanong pinapatawad tayo ng Diyos, dapat magpatawaran din tayo. Hindi imposible ang pagpapatawad, kahit napakahirap gawin ito. Kung kayang patawarin ng Panginoon, kahit ang pinakamabigat na kasalanan, kaya din nating magpatawad. Ang tunay na Kristiyano ay maawain at mapagpatawad, katulad ng Panginoong Diyos na nagpapadama ng awa at habag.
REFLECTIVE SONG: "Panginoon, Patawad Po"
IKALAWANG WIKA:
"SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI'Y ISASAMA KITA SA PARAISO."
(Lucas 23, 43)
May ugnayan ang pangalawang wika ng Panginoong Hesus sa unang wika Niya sa krus. Kung sa unang wika, humingi ang Panginoong Hesus ng kapatawaran mula sa Ama para sa Kanyang mga kaaway, ngayon naman, pinapatawad ng Panginoong Hesus ang kasalanan ng isang makasalanang ipinako sa krus na kasama Niya. Isang magnanakaw ang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng kanyang buhay.
Buong kayabangang kinutya ni Hestas si Kristo dahil hindi Niya mailigtas ang Kanyang sarili. Narinig ni Hestas na si Hesus ang Mesiyas, at hinamon niya si Hesus na ibaba ang Kanyang sarili at ang mga kasama Niya. Subalit, naaakit si Dimas sa Panginoong Hesus. Narinig ni Dimas ang unang wika ng Panginoon mula sa krus. Naakit si Dimas sa awa at habag ng Panginoon.
Napakabigat ng kasalanang ginawa nina Hestas at Dimas. Dahil sa bigat ng kasalanan ginawa ng dalawang salaring ito laban sa bayan, hinatulan sila ng kamatayan. Ang hatol iginawad ng batas ay kamatayan sa krus. Subalit, inosente ang Panginoong Hesus dahil walang Siyang ginawang kasalanan. Pero, pinili ni Hesus na tanggapin ang kamatayan sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Ama at upang tayong lahat ay mailigtas.
Inamin ni Dimas ang kanyang kasalanan nang buong pagpapakumbaba. Alam ni Dimas na makatarungan ang parusa sa kanya. Subalit, hindi makatarungan ang parusa sa Panginoon dahil wala Siyang ginawang masama kahit kailan. Nakita ni Dimas ang isang inosente at matuwid na tao sa katauhan ni Hesus. Nakita din ni Dimas kay Hesus ang tunay na Haring maawain, mapagmahal at mapagpatawad.
Sa kabila ng mabigat na kasalanang ginawa ni Dimas, pinatawad ni Hesus si Dimas. Tinupad din ni Hesus ang kahilingan ni Dimas. Nakita ni Hesus ang pagpapakumbaba at ang taos-pusong pagsisisi ni Dimas. Kahit kilala si Dimas ng buong bayan bilang isang magnanakaw at makasalanan, pinatawad pa rin siya ng Diyos. Nanaig ang awa at habag ng Diyos sa mga makasalanan.
Walang kasalanang napakabigat na hindi mapapatawad ng Diyos. Ang Diyos ay laging handang magpatawad. Papatawarin ng Panginoon ang lahat ng uri ng kasalanan. Maawain at mapagmahal ang Diyos sa ating lahat. Hinding-hindi itatakwil ng Diyos ang puso ng isang makasalanan na taos-pusong nagtitika at nagbabalik-loob sa Kanya.
Katulad ni Dimas, buong pagpapakumbaba tayong lumapit sa Panginoong mahabagin at mapagpatawad at humingi ng kapatawaran. Sinabi nga ng ating Santo Papa Francisco, "Hindi nagsasawa sa pagpapatawad ang Diyos, tayo ang nagsasawa sa paghingi ng kapatawaran sa Kanya." Huwag tayong matakot o sumawa sa paghingi ng kapatawaran sa Panginoon. Walang kasalanang makakapantay sa Kanyang awa at pagmamahal. Ang awa at pagmamahal ng Diyos ay walang kupas at hindi magwawakas.
Magbalik-loob tayo sa Diyos. Sa ating pagbabalik-loob sa Diyos, tayo ay tatanggapin Niya muli sa Kanyang mga kamay. Yayakapin Niya tayo sa ating pagbabalik sa Kanya. Hinihintay ng Panginoon ang ating pagbabalik-loob sa Kanya. Hindi tayo itatakwil ng Panginoon sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, bukas-palad tayong tatanggapin ng Panginoon.
REFLECTIVE SONG: "Pagbabalik" - Bukas Palad Music Ministry
IKATLONG WIKA:
"GINANG, NARITO ANG IYONG ANAK... NARITO ANG IYONG INA."
(Juan 19, 25-27)
Noong si Hesus ay dinakip ng mga kawal sa Halamanan ng Getsemani, iniwanan Siya ng Kanyang mga alagad. Ang mga alagad ay natakot at naduwag (maliban na lamang kay San Juan). Kahit malakas na sinabi ng mga alagad na hindi nila iiwanan ang Panginoong Hesus, naduwag sila at iniwanan nilang mag-isa ang Panginoon. Dinakip ang Panginoong Hesukristo na walang kalaban-laban sa Halamanan ng Getsemani. Ang mga alagad ay natakot at nagsitakas dahil ayaw nilang madakip at mapatay.
Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi naduwag. Kahit alam niya na idinakip ang kanyang anak ng mga kawal, hindi natakot si Maria na samahan si Hesus. Sinunod ng Mahal na Ina ang bawat hakbang nina Hesus at ng mga kawal. Walang makakapigil o makakahadlang sa Mahal na Inang Maria sa pakikiisa sa pagpapakasakit at pagdurusa ng Panginoong Hesukristo.
Habang ang Panginoong Hesus ay nagdurusa, ipinapakita ng Mahal na Inang Maria ang kanyang pakikiisa at katapatan sa kanyang Anak. Masakit man para sa kanya na makita ang pagdurusa ng kanyang Anak, hindi iniwanan ni Maria si Hesus hanggang sa katapusan ng misyon ni Hesus. Naging matapat si Maria kay Hesus. Kung ang ibang mga alagad ay natakot at nagtago sa isang silid, hindi iniwanan ni Maria si Hesus. Sinamahan ni Maria si Hesus mula sa simula hanggang sa katapusan ng Kanyang misyon.
Pagmamahal ng isang ina ang umudyok sa Mahal na Ina na samahan ang Panginoong Hesukristo hanggang sa huli. Sinakripisyo ng Mahal na Birheng Maria ang lahat, makasama lamang ang Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang katapangan ni Maria sa pagpapakasakit at pagdurusa ni Hesus ay bunga ng kanyang pagmamahal kay Hesus bilang Kanyang Ina.
Kahit ang Panginoong Hesukristo ay nakabayubay sa krus, hindi Niya kinalimutan ang Mahal na Birheng Maria. Inihabilin ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria kay San Juan Apostol (na kumakatawan sa ating lahat). Alam ni Hesus na kung paanong minahal, inaruga at sinamahan Siya ni Maria, gayun din ang gagawin ni Maria para sa ating lahat.
Inihabilin tayo ng Panginoong Hesus sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria. Katulad ni Hesus, tayo'y mga anak ng Diyos at anak ni Maria. Bilang ating ina, mahal na mahal tayo ng Mahal na Birheng Maria. Kung paano niyang sinamahan ang ating kapatid at Panginoong si Hesus, sasamahan din tayo ng Mahal na Ina sa bawat sandali ng ating buhay. Kasama natin ang Diyos at kasama din natin ang Mahal na Inang Maria.
Alam ni Hesus ang nakakabubuti para sa atin. Alam ni Hesus na hinding-hindi tayo makakalimutan ni pababayaan ni Maria. Kaya, tayo'y inihabilin ng Panginoong Hesus sa Mahal na Birheng Maria. Tayong lahat ay mga anak ng Diyos at ni Maria, katulad ni Hesus. Sa bawat araw ng ating buhay, hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Diyos, kasama din natin ang Mahal na Birheng Maria.
Minamahal tayong lahat ng Mahal na Inang Maria bilang kanyang mga anak. Ipinapadama sa atin ng Mahal na Birheng Maria na minamahal niya tayo at aarugain, katulad ng pagmamahal at pag-aruga niya sa Panginoong Hesukristo.
REFLECTIVE SONG: "Mariang Ina Ko" - Bukas Palad Music Ministry
IKAAPAT NA WIKA:
"DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?"
(Mateo 27, 46/Marcos 15, 34)
Sa huling araw ng pagbisita ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas, bumisita muna siya sa UST para sa pakikipagkita sa mga kabataan. Bago siya pumunta sa Quirino Grandstand sa Luneta para sa huling Misa niya sa Pilipinas sa hapon, pumunta siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang makipagkita at makipagsalamuha sa mga kabataan.
Habang pinapakinggan ang mga testimonya ng mga kabataan, tinanong ng isang batang babae na ang pangalan ay Glyzelle Palomar ang pinaka-emosyonal na tanong. Ang kanyang katanungan ay, "Maraming mga bata ay iniwan ng kanilang mga magulang. Maraming mga bata ay naging mga biktima at maraming masasamang bagay ang nangyari sa kanila, katulad ng droga o prostitusyon? Bakit pumapayag ang Diyos na may mga ganitong mangyari, kahit hindi kasalanan ng mga bata? At bakit kakaunti lamang ang tumutulong sa amin?"
Bilang sagot sa katanungan ni Glyzelle, buong pagpapakumbabang inamin ng Santo Papa na hindi niya alam ang sagot. Dagdag pa niya, "Kapag ang puso'y natutong tanungin ang sarili at umiyak, mauunawaan din natin... Kapag hindi tayo marunong umiyak, hindi tayo maaaring maging mga mabubuting Kristiyano."
Ganun din siguro ang tinanong ng mga kapatid at kapanalig nating nasa Kabisayaan noong 2013. Dalawang malalakas na kalamidad ang gumuho sa Kabisayaan. Ang una ay ang lindol sa Bohol at Cebu noong Oktubre at ang pangalawa ay ang bagsik ng bagyong Yolanda noong Nobyembre. Sa pagsasara ng taong 2013, nakaranas ng matitinding pagsubok ang ating bansa. Ang ating katanungan, "Bakit pinapayagan ng Diyos na mangyari ito? Bakit pinabayaan tayo ng Diyos? Nasaan ang Diyos kung kailan kinailangan natin Siya?"
Sa krus, si Hesus ay nananalangin para sa atin. Si Hesus, ang Tagapamagitan ng Diyos at ng tao, ay nananalangin sa Ama na huwag tayong pabayaan. Hindi nananalangin ang Panginoong Hesus para sa Kanyang sarili sa wikang ito. Tayong lahat ay ipinapanalangin Niya sa Ama. Ganyan tayo kamahal ni Hesus.
Ang Diyos ay hinding-hindi nagpapabaya. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos. Siya ang ating Emmanuel. Kasama natin ang Diyos. Walang araw kung kailan pinabayaan tayo ng Diyos. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos dahil mahal na mahal Niya tayo.
Sa panahon ng mga pagsubok, kaisa at karamay natin ang Panginoong Diyos. Kapag tayo ay nasasaktan, nasasaktan din ang Diyos. Kapag tayo ay nagdurusa, nagdurusa rin ang Diyos. Hindi tayo nag-iisa sa mga panahon ng pagsubok sa ating buhay. Ang Diyos ay kasama at karamay natin sa mga panahon ng pagsubok. Ipinapadama sa atin ng Diyos sa pagiging kasama at karamay natin sa bawat sandali ng ating buhay ang Kanyang pagmamahal sa atin.
REFLECTIVE SONG: "Pananatili" - Hangad
IKALIMANG WIKA:
"NAUUHAW AKO!" (Juan 19, 28)
Inialay ng Panginoong Hesus ang Kanyang buong buhay sa paglilingkod. Sa kabuuan ng Kanyang ministeryo, inilaan ng Panginoong Hesus ang Kanyang panahon sa paglilingkod. Pinaglingkuran Niya ang lahat ng mga nakikinig sa Kanya. Nagturo ang Panginoon tungkol sa Salita ng Diyos at ang Kaharian ng Diyos. Nagpagaling ng maraming maysakit ang Panginoong Hesukristo, anuman ang kanilang karamdaman.
Noong ang mga tao'y nagugutom, pinakain ng Panginoong Hesus ang mga tao. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang nandoon. Subalit, ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang paramihin ang pagkain. Ang limang tinapay at dalawang isda ay naparami at nabusog ang limang libong katao.
Sa wikang ito, ang Panginoong Hesus naman ang humihingi. Ang Kanyang ikalimang wika mula sa krus ay nakakatawag ng pansin sa ating lahat. Nauuhaw ang ating Panginoon. Uhaw na uhaw Siya. Ang Panginoong Diyos na may likha ng lahat ng bagay. Nilikha ng Panginoong Diyos ang tubig. Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Bakit hindi mapawi ng Panginoong Hesus ang Kanyang pagkauhaw? Diyos pa naman si Hesus.
Hindi nagsasalita ang Panginoong Hesus para sa Kanyang sarili. Nagsasalita Siya para sa mga kapatid nating dukha. Kung paanong nanalangin si Hesus sa Ama para sa atin sa ikaapat na wika, gayon din naman, tinatawag ni Hesus ang ating pansin. Tinatawag tayo ni Hesus na pansinin ang mga kapatid nating mga maralita. Sinasabihan tayo ni Hesus sa wikang ito na tugunan ang pangangailangan ng mga kapatid nating dukha.
Kung paanong tinugunan ng Panginoong Hesus ang ating mga pangangailangan, kinakailangan din nating tumugon sa pangangailangan ng ating kapwa, lalung-lalo na ang mga aba. Binibigyang diin ng Panginoong Hesus sa wikang ito ang pagkakawanggawa. Ang pagkakawanggawa ay napakahalaga para sa ating espirituwal na pamumuhay. Ipinapadama natin sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha, ang awa at pagdamay ng Panginoong Diyos sa kanila.
"Anuman ang ginawa ninyong mabuti sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ginawa ninyo ito para sa Akin." (Mateo 25, 40) Iyan ang sinabi ng Panginoong Hesus sa mga tupa sa Araw ng Paghuhukom. Kaya, napakahalaga ang pagkakawanggawa. Hindi lang natin ginagawa iyon para sa kapwa natin, kundi para rin sa Panginoong Hesus. Anumang paglilingkod ang ginawa natin para sa ating mga kapanalig nating mahihirap, ginagawa din natin iyon para sa ating Panginoong Hesukristo na Siyang gaganti sa atin.
Sa pamamagitan ng pagkakawanggawa, ipinapahayag din natin ang ating pag-ibig sa ating kapwa at sa Panginoon. Ang pagkakawanggawa ay isang gawa ng pag-ibig. Ipinahayag ni Hesus sa Kanyang pagkakatawang-tao at pag-aalay ng sarili sa krus ang Kanyang pag-ibig sa atin. Nagsakripisyo si Hesus dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Naglingkod si Hesus dahil sa pag-ibig. Hinahamon din tayong maglingkod at magmahal, katulad ni Hesus.
Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pagkauhaw. Paano tayo tutugon sa pagkauhaw ni Hesus? Gagawin ba natin ang ating makakaya para pawiin ang pagkauhaw ng Panginoon? Pababayaan ba nating mauhaw ang Panginoon? Hanggang kailan nating pananatilihing uhaw ang Panginoon para sa pag-ibig natin sa Kanya?
REFLECTIVE SONG: "Panalangin sa Pagiging Bukas-Palad"
IKAANIM NA WIKA:
"NAGANAP NA." (Juan 19, 30)
Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito ang Kanyang tagumpay. Matagumpay Niyang binuo at tinapos ang Kanyang misyon. Sa kabila ng pagdurusa, matagumpay na tinapos ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang misyon. Binayaran na ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang sarili sa krus ang ating utang sa Diyos.
Sa pamamagitan ng bawat dugong pumatak sa lupa, tinubos ni Hesus ang sangkatauhan. Dahil sa kasalanan, tayo ay nahiwalay sa Diyos. Naging alipin tayo ng kasalanan. Tayo'y namuhay bilang mga bihag ng kasalanan. Subalit, dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa daigdig, ang Panginoon ay nagkatawang-tao at namuhay katulad natin, maliban sa kasalanan. At sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus, tinubos Niya ang sandaigdigan. Ang bawat dugong dumaloy mula sa katawan ng Panginoong Hesukristo ang tumubos sa ating lahat.
Tayong lahat ay pinalaya ng dugo ni Kristo. Hindi na tayo alipin ng kasalanan. Bagkus, tayo ay malaya na upang paglingkuran ang Diyos. Pinalaya tayo ng Panginoon dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Kahit nakabayubay at nagdurusa sa krus, ipinakita ng Panginoong Hesus hanggang sa huli ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Walang makahihigit pa sa pag-ibig na ipinakita ni Hesus noong Siya ay nakapako sa krus.
Ang tagumpay na nakamit ng Panginoong Hesukristo sa krus ay hindi lamang ang personal na tagumpay Niya. Ang tagumpay na ito ay kinamit ng Panginoong Hesukristo para sa ating lahat. Napakalaki ng ating utang sa Diyos. Bilang taong makasalanan, hindi natin kayang bayaran ang napakalaking utang natin sa Diyos. Subalit, dahil sa awa at pagmamahal ng Diyos sa atin, ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang bayaran ang ating utang sa Kanya.
Para sa Ama, napakasakit pagmasdan ang Anak na nakapako at nagdurusa sa krus. Masakit para sa Ama na makita ang Anak, na kaisa Niya, ay nagdurusa sa krus. Subalit, alam ng Diyos na ito'y para sa kabutihan nating lahat. Ang sangkatauhan ay maliligtas sa pamamagitan ng pagdurusa at pagkamatay ng Kanyang Anak na minamahal sa krus.
Buong pagmamahal tinapos ng Panginoong Hesus ang Kanyang misyon dito sa lupa. Namatay si Hesus nang may pagmamahal. Buong pagmamahal na inalay ni Hesus ang Kanyang sariling buhay. Tinanggap naman ng Amang nasa langit nang may buong pag-ibig ang paghahain ni Hesus sa krus para sa ating lahat.
Ipinakita sa atin ni Hesus ang Kanyang pagmamahal hanggang sa katapusan ng Kanyang misyon dito sa lupa ang ating pag-ibig sa atin. Ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa atin ang umudyok sa Kanya upang ialay ang Kanyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan. Hindi man Niya kinailangang gawin iyon, pinili pa rin iyon dahil mahal na mahal tayo ng Panginoon. Sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang sarili sa krus, binayaran ni Hesus ang ating utang sa Diyos. Tinubos tayong lahat sa pamamagitan ni Hesus.
REFLECTIVE SONG: "Pagkabighani" - Himig Heswita
IKAPITONG WIKA:
"AMA, SA MGA KAMAY MO'Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU." (Lucas 23, 46)
Kahit kailan, hindi nawalan si Hesus ng pananalig sa Ama. Hindi nawalan si Hesus ng pananalig sa Ama noong Siya ay nagdurusa sa Halamanan ng Getsemani o noong sinambit Niya ang ikaapat na wika, "Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" Bagkus, si Hesus ay nananalig na lagi Niyang kasama ang Ama. Alam ni Hesus na hindi Niya pinabayaan ng Ama.
Makikita natin na sa kabuuan ng misyon ni Hesus, lagi Siyang may ugnayan sa Ama. Kahit noong si Hesus ay nasa lupa, hindi nawala ang Kanyang koneksyon Niya sa Ama. Lagi Niyang kinakausap ang Ama sa bawat araw. Sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas, madalas nating makikitang nananalangin si Hesus sa Ama bago ang isang mahalagang pangyayari sa Kanyang buhay. Isang halimbawa nito ay noong si Hesus ay nananalangin nang magdamag sa Ama bago Niya pinili ang Labindalawang Apostol. (Lucas 6, 12)
Noong si Hesus ay nasa lupa, buong puso Niyang sinunod ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama. Si Hesus ay naging masunurin sa kalooban ng Ama. Hindi sinuway ni Hesus ang kalooban ng Ama kahit kailan. Bagkus, buong katapatan, pagpapakumbaba, at pagmamahal na sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama.
Ang Ama ang naging bukal ng lakas at tapang ni Hesus. Natakot at nagdusa si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Ayaw ni Hesus na harapin ang Kanyang kamatayan. Kahit noong nasa Halamanan ng Getsemani pa lamang si Hesus, naramdaman na Niya ang sakit na dulot ng hampas, koronang tinik at ng pako. Sa kabila nito, pinili ni Hesus na sundin ang kalooban ng Ama. Buong pagpapakumbabang sumunod si Hesus sa kalooban ng Ama at hinarap ang Kanyang kamatayan sa Kalbaryo.
Sinabi pa nga ng Panginoong Hesus, ayon sa sulat sa mga Hebreo, "Narito Ako, O Diyos, upang tupdin ang Iyong kalooban." (Hebreo 10, 9) Gayon nga ang ginawa ni Hesus noong Siya'y pumarito sa lupa. Kahit maaari Niyang suwayin ang kalooban ng Ama, pinili pa rin ni Hesus na sundin ang kalooban ng Ama. Iyan ang tunay na pag-ibig. Ang pag-ibig na handang magsakripisyo.
Dahil sa pag-ibig ni Hesus sa Ama, hindi Siya nawalan ng pananalig, kahit nagdurusa. Kahit hinatulan ng kamatayan si Hesus, hindi nawala ang Kanyang pag-ibig at pananalig sa Ama. Alam ni Hesus na ang lahat ng ito'y bahagi ng dakilang plano ng Banal na Santatlo. Buong pagpapakumbabang tumalima si Hesus sa dakilang plano ng kaligtasan.
Ang pag-ibig ni Hesus sa Ama ang dahilan ng Kanyang pagtalima sa kalooban ng Ama. Kahit karumal-dumal ang mga dinanas ni Hesus, tahimik Siyang sumunod sa Ama. Alam ni Hesus na makakabuti para sa lahat ang kalooban ng Ama. Sa pamamagitan ng pagkamatay ni Hesus sa krus, tinubos tayong lahat mula sa pagkaalipin ng kasamaan at kasalanan.
Walang pag-ibig na makahihigit pa sa pag-ibig na pinamalas ng Panginoong Hesus noong Siya'y nakabayubay sa krus. Alam ng Panginoong Hesus na ang planong sinusunod Niya ay isang plano ng pag-ibig. Sa pamamagitan ng paghahain ng sariling buhay sa krus, ipinadama sa ating lahat ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin at namalas din ang dakilang pag-iibigan ng Banal na Santatlo sa isa't isa.
REFLECTIVE SONG: "Kung 'Yong Nanaisin" - Bukas Palad Music Ministry
Pebrero 22, 2015
Unang Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
Genesis 9, 8-15/Salmo 24/1 Pedro 3, 18-22/Marcos 1, 12-15
Ang salaysay ni San Marcos patungkol sa pagtukso kay Hesus ay napakaiksi kumpara sa salaysay nina San Mateo at San Lucas. Binanggit lamang ni San Marcos kung gaano katagal na nanatili si Hesus sa ilang. Pero, hindi binanggit ni San Marcos kung ano ang mga tinukso ng demonyo kay Hesus. Ang mahalaga lamang para kay San Marcos sa pagsasalaysay sa pangyayaring iyon, pinagtagumpayan ni Hesus ang mga tukso ng demonyo.
Tinanggihan ng Panginoon ang lahat ng mga alok ni Satanas sa Kanya. Gaano mang kaaya-aya at kaakit-akit ang mga inaalok ni Satanas sa Panginoong Hesukristo, tinanggihan pa rin ng Panginoong Hesukristo ang mga alok ni Satanas. Bagkus, nanatiling tapat ang Panginoong Hesus sa kalooban at kagustuhan ng Ama. Pinili ng Panginoong Hesukristo na sundin ang kalooban at naisin ng Amang nasa langit.
Pagkatapos tuksuhin ng demonyo sa ilang, sinimulan ni Hesus ang Kanyang misyon. Ang kauna-unahang sinabi ni Hesus sa Kanyang pangangaral? "Dumating na ang takdang panahon, at malapit nang maghari ang Diyos! Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito." (Marcos 1, 15)
Tinatawag ni Hesus ang lahat na magsisi at maniwala sa Mabuting Balita. Ito ang tawag sa atin ng Inang Simbahan, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Tayong lahat ay tinatawag na magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Paniwalaan din natin ang Mabuting Balita ng Diyos na mahabagin at mapagdamay. Mahabagin at mapagdamay ang Diyos. Kaya, tinatawag Niya tayong lahat upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya.
Subalit, ang mahirap para sa atin ay ang talikuran ang masama, lalung-lalo na kung nakakaakit at mukhang kaaya-aya ang masama. Ang mas mahirap pa diyan, kapag nasanay na tayo sa kasalanan at ginagawa natin iyon araw-araw. Napakahirap! Gustuhin man nating magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos, hindi natin magawa nang buo. Nadadala tayo ng tukso na gawin iyon muli.
Isang pamamaraan ng demonyo ay ang tukso. Sa pamamagitan ng pagtukso, ipinapakita ng demonyo na talagang matalino siya. Alam niya kung kailan at kung ano ang ating mga kahinaan. Ginagamit ito ng demonyo upang akitin tayong gumawa ng masama. Hindi niya ipapakita ang pangit at ang mga masasamang bagay na mangyayari. Bagkus, ipinapakita niya ang kagandahan ng masamang gawain upang mas lalo nating gawin iyon.
Katulad natin, si Hesus ay hindi naging ligtas sa mga tukso ng demonyo. Subalit, binibigyan tayo ng pag-asa ni Hesus. Katulad Niya, maaari din nating pagtagumpayan ang tukso ng demonyo. Ang tukso ng demonyo, kahit gaano mang kaaakit-akit na tingnan, ay maaari ding pagtagumpayan. Hindi tayo manghihinayang kapag tinanggihan natin ang tukso ng demonyo.
Ngayong panahon ng Kuwaresma, tatlong sandata ang ibinibigay sa atin ng Simbahan sa ating pakikipaglaban sa tukso ng demonyo - panalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Sa pamamagitan nito, mapapalalim natin ang ating pananampalataya at pananalig sa Diyos. Ang tatlong ito ay makakatulong at makakaakay din sa atin sa ating pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Gamit ang tatlong sandatang ito, sa tulong at awa ng Diyos, mapagtatagumpayan at matatanggihan natin ang tukso ng demonyo.
Ang demonyo ang pinakamahirap na kalaban natin. Subalit, hindi imposibleng talunin siya. Kayang-kaya nating talunin ang demonyo at ang kanyang mga tukso sa atin. Kasama natin ang Diyos. Mas makapangyarihan at mas dakila ang Diyos kaysa sa demonyo. Hinding-hindi makapananaig o magtatagumpay laban sa Diyos ang demonyo.
Nawa'y akitin tayo ng kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos na magsisi at talikuran ang masama ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang Diyos ay maawain at mapagpatawad. Tayong lahat ay tatanggapin Niya sa ating pagbabalik. Hinihintay Niya tayo. Hinding-hindi tayo itatakwil ng Diyos sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Iyan ay isang Mabuti at Magandang Balita para sa ating lahat, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.