Linggo, Disyembre 6, 2015

KALINIS-LINISANG BIRHENG MARIA: PUNO NG GRASYA AT AWA NG DIYOS

8 Disyembre 2015
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (ABK) 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38


Pormal nang sinisimulan ng Simbahan ang Banal na Taon ng Awa sa araw na ito. Binuksan ng Santo Papa Francisco ang Banal na Pintuan ng Awa sa Basilika ni San Pedro Apostol sa Lungsod ng Vaticano bilang pagbubukas sa Hubileyo ng Awa. Sa Pilipinas, bubuksan din ang Pintuan ng Awa ng Katedral-Basilika ng Kalinis-linisang Paglilihi na mas kilala bilang Katedral ng Maynila (Manila Cathedral) kinabukasan. Ang Mahal na Kardinal ng Arkidiyosesis ng Maynila na si Luis Antonio Cardinal Tagle ang magbubukas Banal na Pintuan ng Awa ng nasabing Katedral. Isa lamang ang Manila Cathedral sa mga itinalagang Lugar ng Peregrinasyon para sa Hubileo ng Awa sa Arkidiyosesis ng Maynila. Ang tema para sa isang taong pagdiriwang ng Hubileo ng Awa ay, "Maawain tulad ng Ama." 

Maraming siguro ang magtatanong: Bakit sa Kapistahan ng Inmaculada Concepcion binuksan ang Hubileo ng Awa? Bakit hindi na lang noong Unang Linggo ng Adbiyento? Ayon sa Bulla de Iubilaeo Extraordinario Indicendo, Misericordiae Vultus, noong nagkasala sina Adan at Eba laban sa Diyos, hindi ninais ng Diyos na mamuhay bilang mga alipin ng kasamaan at kasalanan. Kaya, pinili ng Diyos si Maria upang maging ina ng Tagapagligtas ng sangkatauhan, ang ating Manunubos at Panginoong si Hesukristo. 

Ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ay isa sa mga dinami-daming dakilang gawa ng Diyos. Tugmang-tugma ang Salmo sa araw na ito, "Umawit sa D'yos ng awa, ang gawain N'ya'y dakila." Bago pa siya'y ipinaglihi ni Santa Ana, ang Mahal na Birheng Maria ay iniligtas ng Diyos mula sa kasalanang mana. Kaya, noong isinilang ang Mahal na Ina, hindi siya dinungisan ng kasalanang mana. Bakit ito ginawa ng Diyos? Sapagkat ang Kanyang plano para kay Maria ay di-pangkaraniwan - pinili ng Diyos si Maria na maging ina ni Hesus, ang dakilang Manunubos ng sangkatauhan, ang Diyos na Emmanuel. 

Sa Ebanghelyo, maririnig natin ang bati ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Ina, "Aba, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoon ay sumasaiyo!" (Lucas 1, 28) Pinuno ng Diyos ng Kanyang grasya at awa kay Maria. Naging kalugud-lugod si Maria sa paningin ng Diyos. Si Maria'y puno ng grasya at awa ng Diyos. Dahil sa ginawang pagliligtas ng Diyos kay Maria bago pa siya iluwal ni Santa Ana, siya'y naging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Walang dungis ng kasalanang mana. Bagkus, punung-puno ng dakilang awa at grasya ng Diyos si Maria. 

Hindi pinayagan ng Diyos na dungisan si Maria ng kasalanang mana. Alam Niya na ang sanggol na dadalhin ni Maria sa loob ng siyam na buwan at iluluwal pagkatapos ng siyam na buwan ay ang Tagapagligtas ng sangkatauhan na si Kristo. Si Kristo ay perpekto at banal, kaya kinakailangang banal at perpekto ang magdadala sa Kanya. Pinabanal ng Diyos ang Mahal na Ina bago pa siya iniluwal ni Santa Ana dahil siya ang magdadala kay Kristo. 

Kung si Hesus ang Panginoon at Hari ng Awa, si Maria ay ang Ina at Reyna ng Awa. Ang Panginoong Hesus ay naging anak ng Mahal na Birheng Maria. Ang awa ng Panginoon sa daigdig ang nag-udyok sa Kanya na magkatawang-tao at isilang ng isang babae, katulad natin. Nagkatawang-tao ang Diyos ng Awa, sa pamamagitan ni Hesus. Kaya, ang Mahal na Birheng Maria ay tinatawag din Ina ng Awa sapagkat iniluwal niya ang Panginoong Hesukristo, ang Panginoon ng Banal na Awa. Tinaglay ni Hesus ang Dakilang Awa ng Diyos sa Kanyang pagsilang noong unang Pasko. 

Mapalad at kahanga-hanga si Maria! Puno siya ng grasya at awa ng Diyos. Bago pa siya isinilang, iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa dungis ng kasalanang mana. Hindi siya dinungisan ng anumang kasalanan sapagkat iniligtas siya ng Diyos. Pinabanal ng Diyos si Maria upang maging kalugud-lugod sa Kanyang paningin at upang maging karapat-dapat na dalhin si Kristo sa kanyang sinapupunan. Mula sa kalinis-linisang paglilihi sa kanya hanggang sa sandaling siya'y iniakyat sa langit, sa kapangyarihan ng Panginoon, naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang dakilang grasya at awa ng Diyos. 

MAGHINTAY AT MAGHANDA: MGA PANAWAGAN NG PANAHON NG ADBIYENTO

6 Disyembre 2015
Ikalawang Lingo ng Adbiyento (K) 
Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-6


Tuwing Ikalawang Linggo ng Adbiyento, mapapakinggan natin sa Ebanghelyo ang pangangaral ni San Juan Bautista. Si San Juan Bautista ay isang napakahalagang karakter sa panahon ng Adbiyento. Ayon kay San Juan Bautista at sa mga propeta ng Lumang Tipan, si San Juan Bautista ang "Tinig na sumisigaw sa ilang." Si San Juan Bautista ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoong Hesukristo. Inihahanda niya ang mga Israelita, lalung-lalo na ang mga makasalanan, para sa pagdating ng Mesiyas na si Hesukristo. 

Dalawa ang panawagan sa atin ng panahon ng Adbiyento - paghihintay at paghahanda. Kasabay ng ating paghihintay para sa pagdating ng Panginoon ay ang paghahanda. Magkarugtong ang paghihintay at paghahanda sa panahon ng Adbiyento. Tanungin natin ang ating mga sarili: Papaano ba nating pinaghahandaan ang pagdating ng Panginoon?  

Sa Ebanghelyo, napakinggan natin na may panawagan si San Juan Bautista sa kanyang mga tagapakinig. Nananawagan si San Juan Bautista na pagsisihan at talikdan ng mga makasalanan ang kanilang mga likong gawain. Ang bayang Israel ay naghintay nang matagal para sa pagdating ng kanilang Manunubos, ang Mesiyas. Nangako ang Diyos na isusugo Niya ang Mesiyas sa bayang Israel upang iligtas sila. Subalit, kinakailangan nilang magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan para sa pagdating ng Mesiyas. 

Ang papel ng mga propetang isinugo ng Diyos bago Niya isinugo si Kristo ay maging tagapagsalita ng Diyos. Ipinapahayag ng mga propetang isinugo ng Panginoong Diyos ang mga salita at panawagan ng Diyos sa Kanyang bayan. Si San Juan Bautista ang huling propeta bago dumating si Kristo. Hinirang ng Diyos si San Juan Bautista na maging tagapaghanda ng daraanan ni Kristo. Hinirang ng Diyos si San Juan Bautista upang maging propeta bago dumating ang Panginoon. 

"May isang tinig na sumisigaw: Ipaghanda ng daan sa ilang ang Panginoon; isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos." (Isaias 40, 3) Ito ang propesiya ni propeta Isaias patungkol sa paglitaw ng Panginoong Hesukristo. Bago lumitaw ang Mesiyas, may isang tinig na nananawagan sa mga tao na ipaghanda ng isang matuwid na daraanan ang Panginoon. Natupad ang propesiyang iyon sa pamamagitan ni San Juan Bautista. Si San Juan Bautista ang tinig na sumisigaw sa ilang. May panawagan ang tinig na ito na sumisigaw sa ilang - ipaghanda at tuwirin ang daraanan ng Panginoon. 

Nakakatuwang pansinin na hinirang ng Diyos si San Juan Bautista na nasa ilang. Ang Salita ng Diyos ay dumating kay San Juan Bautista sa ilang. Sa ilang ay tinawag at hinirang ng Diyos si San Juan Bautista upang ipaghanda ang daraanan ni Hesus. Darating na kasunod ni San Juan Bautista si Hesus. Lilitaw si Hesus kasunod ni San Juan Bautista. Si Hesus ang BIDA sa salaysay ng pagliligtas ng Diyos. Tunay ngang napakadakila ang pagliligtas ng Diyos. Niligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas, si Hesus. 

Subalit, nagsalita ba si San Juan Bautista sa ganang sarili? Ang panawagan ng paghahanda at paghihintay ay nanggaling ba kay San Juan Bautista? HINDI. Nanggaling ito sa Diyos. Ang Diyos ay nananawagan sa lahat ng mga makasalanan na pagsisihan at talikdan ang kasalanan bilang paghahanda para sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng ating Emmanuel na si Hesus. Tataglayin ng Mesiyas ang dakilang awa at habag ng Diyos sa Kanyang pagdating. 

Ang panahon ng Adbiyento ay isang makabuluhang panahon upang maghintay at maghanda para sa pagdating ng Panginoon. Sa pagdating ng Panginoon, tataglayin Niya ang Kanyang dakilang awa at habag. Nananawagan ang Panginoon na maghintay at maghanda para sa Kanyang pagdating. Ang pagdating ng Panginoon ay pagdating din ng Kanyang dakilang awa. Ang dakilang awa ng Panginoon ang sanhi ng Kanyang pagparito sa daigdig para sa kaligtasan ng sangkatauhan. 


Linggo, Nobyembre 29, 2015

PAGHAHANDA PARA SA PAGDATING NG MAAWAING PANGINOON

29 Nobyembre 2015
Unang Linggo ng Adbiyento (K) 
Jeremias 33, 14-16/Salmo 24/1 Tesalonica 3, 12-4, 2/Lucas 21, 25-28. 34-36 



Sinisimulan po natin ang isang bagong taon sa loob ng ating Simbahan sa pamamagitan ng panahon ng Adbiyento. Sumapit na naman po ang napakahalagang panahong ito sa ating Santa Iglesia. Tayo'y maghihintay at maghahanda sa loob ng apat na linggo para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Inaalala natin sa panahong ito ngayon ang pananabik ng mga Israelita para sa pagdating ng kanilang Tagapagligtas, ang Mesiyas. Buong pananabik tayong naghahanda para sa panahon ng Kapaskuhan, ang araw ng pagsilang ni Kristo. 

Ipinahayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa ang Kanyang pangako sa Israel - magpapadala Siya ng isang dakilang sugo. Ang dakilang sugong iyon ay ang Mesiyas, ang kanilang Tagapagligtas. Darating ang Mesiyas upang palayain at iligtas ang Kanyang bayan. Ang papel ng mga propeta katulad nina Isaias at ni Jeremias ay magpahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas at ihanda ang bayang Israel para sa Kanyang pagdating. Dumating nga ang Mesiyas sa katauhan ni Hesus. Si Hesus ang tumupad sa lahat ng mga propesiya ng mga propeta ng Matandang Tipan patungkol sa Mesiyas. 

Nananawagan sa atin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na maging matatag para sa muling pagbabalik ni Hesus sa wakas ng panahon. Ayon sa pagpapahayag ng pananampalataya (Credo), si Hesus ay babalik bilang hukom ng mga nabubuhay at mga namatay. Subalit, katulad ng sinabi ni Hesus, walang nakakaalam o nakababatid sa araw ng Kanyang muling pagparito sa lupa kundi ang Ama. Ang Ama lamang ang nakababatid sa araw ng muling pagbabalik ng Panginoong Hesus dito sa lupa. Inuulit ni San Pablo ang panawagan ni Kristo - maging handa para sa Kanyang pagbabalik. 

Ang Adbiyento ay isang panahon ng pananabik. Tayong lahat ay nananabik para sa pagdating ni Kristo. Nakikiisa tayo sa paghihintay at paghahanda para sa pagsilang ni Kristo. Tayo rin po ay naghahanda para sa Kanyang pagbabalik sa wakas ng panahon. May halong pagpepenitensya at kagalakan ang ating paghihintay at paghahanda tuwing panahon ng Adbiyento. Ipinaghahandaan natin ang pagsilang ni Kristo sa sabsaban sa Betlehem at ang Kanyang muling pagbabalik bilang Hukom sa wakas ng panahon. 

Sa ating Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus na malapit na ang Araw ng Kaligtasan. Subalit, walang makababatid sa araw na iyon. Walang makakaalam kung kailan darating ang araw na iyon. Walang makakatiyak kung kailan muling darating si Hesus. Kaya, binabalaan ng Panginoong Hesus ang mga alagad na laging maging handa. Darating ang araw na iyon sa araw na hindi inaasahan ng karamihan. Malapit nang dumating si Hesus, subalit walang makababatid kung kailan ang oras o araw ng Kanyang pagdating. 

Paano naman tayo makakapaghanda para sa Kapaskuhan? Paano nating maihahanda ang ating sarili para sa pagdating ni Kristo? Tatlong bagay ang maaari nating gawin. Una, panalangin. Napakahalaga ng panalangin. Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos. Sa labas ng pagdiriwang ng Banal na Misa, napakahalaga ang pananalangin sa Diyos. Binibigyan natin ng panahon ang Diyos. Kinakausap natin ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Kinakausap din tayo ng Diyos sa ating mga panalangin. 

Pangalawa, pagsisisi. Nandiyan ang Sakramento ng Kumpisal, ang Sakramento ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ang panawagan sa atin sa panahon ng Adbiyento ay pagsisihan natin ang ating mga kasalanan bilang paghahanda para sa pagdating ng Panginoon sa ating buhay. At pangatlo, tanggapin natin si Hesus sa Banal na Eukaristiya. Napakahalaga ang pagdalo at pakikiisa sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Tinatanggap natin ang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus sa Banal na Eukaristiya. Sa pamamagitan ng pagtanggap natin sa Katawan at Dugo ng Panginoon, Siya'y pumapasok sa ating buhay. 

Ano ang idudulot sa atin ng pagdating ni Hesus? Napakarami ang kabutihang idudulot ng pagdating ni Hesus. Kabilang na doon ang awa ng Diyos. Si Hesus ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa ng Diyos. Iisa lamang ang sadya ni Hesus noong pumanaog Siya sa lupa - iligtas ang sangkatauhan. Bakit Niya ginawa iyon? Ang Kanyang Banal at Dakilang Awa ang dahilan nito. Ang pagdating ni Hesus ay ang pagdating ng Banal na Awa sa daigdig sapagkat si Hesus ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa. Banal at Dakila ang awang ipagkakaloob sa atin ni Hesus.

Sabado, Nobyembre 21, 2015

HINDI MAKAMUNDONG KAHARIAN

Nobyembre 22, 2015
Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (B)
Daniel 7, 13-14/Salmo 92/Pahayag 1, 5-8/Juan 18, 33b-37



Bahagi ng salaysay ng Pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo na pinapakinggan natin tuwing Mahal na Araw (lalung-lalo na tuwing Linggo ng Palaspas at Biyernes Santo) ay ang paghaharap nina Hesus at Poncio Pilato. Sa Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos, at San Lucas, maiksi lamang ang naging usapan nina Hesus at Pilato. Tinanong lamang ni Pilato si Hesus nang ganito, "Ikaw ba ang Hari ng mga Hudyo?" Ang tugon ni Hesus sa katanungan ni Pilato, ayon sa tatlong manunulat na ito, "Ikaw na ang nagsasabi.

Subalit, kakaiba ang salaysay ni San Juan patungkol sa harapan nina Hesus at Pilato. Mas mahaba pa ang naging usapan nina Hesus at Pilato sa Ebanghelyo ni San Juan kung ikukumpara natin ang naging usapan nina Hesus at Pilato sa mga Ebanghelyo nina San Mateo, Marcos, at Lucas. Mas maraming detalye ang naging usapan nina Hesus at Pilato noong sila'y nagkaharap sa loob ng palasyo ni Pilato sa salaysay ni San Juan tungkol sa Pasyong Mahal. 

Noong nagkaharap ang Panginoong Hesus at si Poncio Pilato, ayon kay San Juan, isang katanungan ang naging tugon ni Hesus sa katanungan ni Pilato sa Kanya. Tinanong ni Pilato si Hesus kung Siya nga ba talaga ang Hari ng mga Hudyo. Isang tanong ang naging kasagutan ni Hesus sa katanungan ni Pilato sa Kanya. Ang tanong ni Hesus kay Pilato, "Iyan ba'y galing sa iyong sariling isipan, o may ibang nagsabi sa iyo?" Kakaiba ito, si Hesus na nga ang nasasakdal, si Hesus pa rin ang nagtatanong kung saan ang basehan ng tanong ni Pilato sa Kanya. Laking gulat siguro si Pilato nang marinig niya ang sagot ni Hesus. 

Isang malaking abala lamang si Hesus para kay Pilato. Wala siyang pakialam kung ano ang mangyari kay Hesus. Alam nga ni Pilato na dinala sa kanya si Hesus dahil sa problemang panrelihiyon. Hindi naman magiging malaking abala sa Roma ang problema ng mga Pariseo at mga eskriba kay Hesus. Kaya, nang marinig ni Pilato ang sagot ni Hesus, may halong gulat at inis ang reaksyon ni Pilato. Nagulat siya dahil sa sagot ni Hesus - Siya na nga ang nasasakdal, Siya pa ang nagtatanong ng ganun. Nainis din si Pilato dahil naaksaya lamang ang kanyang panahon sa kanyang pakikialam sa problemang ito. 

"Ako ba'y Hudyo? Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang siyang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?" Dito nating makikita na naiinis na si Pilato. Ayaw niyang makisawsaw o makihalo sa kaguluhang ito. Ang nais lamang niyang asikasuhin ay ang Emperador ng Roma na si Cesar. Sinakop ng mga Romano ang Israel noong kapanahunang yaon. Tapos, nasasangkot na siya sa kaguluhang ito? Uminit ang ulo ni Pilato nang marinig ang sagot ni Hesus. Ang gusto ni Pilato ay tapusin ang kaguluhang ito agad-agad. 

Kakaiba na naman ang tugon ni Hesus. Bagamat hindi diretsyo ang Kanyang pag-amin, inamin ni Hesus na may kaharian Siya. Subalit, kakaiba rin ang kaharian ng Panginoong Hesukristo. Ang kaharian ni Kristo ay hindi katulad ng iniisip ni Pilato. Hindi ito isang kaharian ng paghihimagsik, rebolusyon, o kaya'y pulitiko. Wala ring karahasan o katiwalian sa kaharian ni Kristo. Bagkus, ang kaharian ni Kristo ay isang kaharian ng kapayapaan, ng awa at habag, at ng pagmamahal. Banal at dakila ang kaharian ng Panginoon. Ang kaharian ng Panginoon ay isang perpektong kaharian, isang kahariang hindi makamundo.

Mahirap para kay Poncio Pilato na isalarawan sa kanyang isipan ang kahariang tinutukoy ni Hesus. Hindi niya maintindihan ang kaharian ni Hesus. Ang daming karahasan at katiwaliang nagaganap sa pulitiko. Noong kapanahunang yaon, nakaranas din siguro ng karahasan at katiwalian sina Poncio Pilato, ang mga Romano, at ang mga Israelita. Maraming mga Israelita ang naghihimagsik laban sa imperyo ng Roma sa Israel. Karahasan sa pamamagitan ng mga Israelita at ng mga Romano ay nagbunga dahil dito. 

Dahil hindi maunawaan ni Pilato ang mga sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang kaharian, tinanong na niya ng diretsyo si Hesus kung talaga bang hari Siya. Ang sagot ni Hesus, "Kayo na po ang nagsasabing Ako'y isang hari. Ito ang dahilan ng Aking pagsilang dito sa daigdig na ito - upang magpatotoo sa katotohanan. Ang sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa Aking tinig." Walang katiwalian ang kaharian ni Hesus. Hindi Siya manloloko. Bagkus, isang tunay at totoong hari ang Panginoong Hesukristo. At bilang isang hari at pinuno, Siya'y nasa panig ng katotohanan at katuwiran. 

Walang katulad at hindi mapapantayan ang pagkahari ng Panginoong Hesus. Bilang hari at pinuno, si Hesus ay matuwid at nasa panig ng katotohanan. Si Hesus ay puno ng awa at habag sa lahat. Hindi Siya ang hari na gumagamit ng karahasan para sa mga pansariling kagustuhan. Bagkus, ang ipinapalaganap Niya sa Kanyang pagkahari ay kapayapaan, awa, habag, pagmamahal, katuwiran, kabutihan, katotohanan, at kabanalan. 

Si Hesus ay isa ring mapagpakumbabang hari. Ang Kanyang pagkakatawang-tao at ang Kanyang pagsilang ay katunayan ng Kanyang pagpapakumbaba. Namuhay din Siya katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan. Turo nga ni Hesus, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." Bukod pa sa mga salita, nagpakita din Siya ng isang halimbawa - hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga alagad sa gabi ng Huling Hapunan bago Siya namatay sa Kalbaryo. Kahit na si Hesus ang Guro at Panginoon ng mga alagad, hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga apostol. Naging masunurin din Siya hanggang sa Kanyang huling hininga sa Krus. 

Sa pagdiriwang natin ng Maringal na Kapistahan ng Kristong Hari, atin pong pagnilayan ang pagkahari ng Panginoong Hesukristo. Halina't pagnilayan natin kung ano nga ba ang Kanyang kaharian na hindi makamundo. Pagnilayan natin ang pagpapakababa ni Kristo, sa kabila ng Kanyang pagiging hari. 

AWIT-PAGNINILAY: "Luwalhati kay Kristong Hari" 




Linggo, Agosto 23, 2015

MANATILI O UMALIS?

Agosto 23, 2015
Ikadalawampu't Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Josue 24, 1-2a. 15-17. 18b/Salmo 33/Efeso 5, 21-32/Juan 6, 60-69 



Ngayong Linggo ang huling araw ng Linggo ng Taon B kung kailan mapapakinggan natin ang ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan sa Ebanghelyo ng Lingguhang Banal na Misa. Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pag-alis ng mga tao. Tumalikod ang mga tao kay Hesus dahil para sa kanila, loko-loko si Hesus. Nawawala si Hesus sa Kanyang sarili dahil sa mga turo Niya tungkol sa pagkain sa Kanyang Katawan at Dugo. Ayon kay Hesus, ang Kanyang Katawan at Dugo ang makapagbibigay ng buhay na walang hanggan. Bilang mga Kristiyano, tayo ay sumasampalataya at nananalig sa tunay na presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya sa anyo ng tinapay at alak. 

Ang akala ng mga tagapakinig ni Hesus ay nawawala na Siya sa Kanyang sarili. Hinangaan si Hesus ng mga tao dahil sa Kanyang mga talinghaga at mga himalang nasaksihan nila. Subalit, kakaiba ang tinuturo ni Hesus. Ngayon lamang sila nakarinig ng dalubhasang nagtuturo ng ganito. Sino nga ba ang kakain ng laman ng tao at iinom ng dugo ng tao? 

Maaari sanang sabihin ni Hesus, "Patalinghaga lamang ang mga sinabi Ko tungkol sa Aking laman at dugo. Ipapaliwanag Ko sa inyo kung ano ang ibig sabihin ng mga sinabi Ko." Pwede sanang sabihin iyon ni Hesus dahil naloloko na ang mga tao sa Kanya. Maaaring sabihin ni Hesus na Siya ay nagbibigay ng talinghaga. Mawawalan ng mga tagasunod si Hesus kung hindi Niya sinabi iyon. Pero, hindi iyon ang sinabi ni Hesus. Bagkus, ang unang tanong ni Hesus sa Kanyang mga tagapakinig, "Dahil ba rito'y tatalikuran ninyo ako?" 

Para sa mga tagapakinig ni Hesus, sumusobra na Siya. Napakabigat ng mga salitang binitiwan Niya. Hindi nila kayang tanggapin ang diskurso ng Panginoon. Napakahirap para sa kanila na tanggapin si Kristo bilang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Hindi nila matanggap na ang pagkaing nagbibigay-buhay ay wala sa mga pagkaing matagpuan nila sa mundo. Matatagpuan lamang iyon sa katauhan ng Panginoong Hesukristo. 

Hindi naparito si Hesus upang maging kalugud-lugod sa mata ng tao. Si Hesus ay naparito upang ipahayag ang katotohanang mula sa Diyos. Kaya, maraming pagkakataon kung kailan hinahangaan ng mga tao si Hesus at marami ding mga pagkakataon kung kailan nagagalit ang mga tao kay Hesus. Noong Siya ay nangaral sa Nazaret, hindi Siya tinanggap ng mga kababayan. Hindi tinanggap si Hesus ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret dahil hindi nila matanggap na Siya ay higit pa sa kanila - Siya ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas. 

Dahil sa mga tinuturo ni Hesus, karamihan sa Kanyang mga tagasunod ay tumalikod sa Kanya. Iniwanan nila si Hesus sapagkat hindi nila kayang tanggapin ang Kanyang mga turo. Para sa kanila, napakahirap intindihin ang mga salita ni Hesus. Paano nga bang makapagkakaloob ng buhay na walang hanggan si Hesus, gayong kilala nila Siya bilang anak ng karpinterong taga-Nazaret na si San Jose at ng dalagang si Maria? Iyan ang dahilan kaya nila tinalikuran si Hesus. 

Ang tanong ni Hesus sa Labindalawa, "Ibig din ba ninyong umalis?" Hindi Niya pipilitin ang Labindalawang alagad na manatiling kasama Niya. Alam Niyang hindi maunawaan ng mga alagad ang Kanyang mga itinuturo. Binibigyan Niya ng kalayaan ang mga alagad. Malaya ang kanilang kalooban. Hindi mapilit si Hesus. Bagkus, iginagalang ni Hesus ang kalayaan ng Labindalawang alagad. 

Patuloy Niya itong tinatanong sa atin, "Ibig din ba ninyong umalis? Ibig din ba ninyo Akong iwanan at talikuran?" May kalayaan tayo. Hindi tayo pipilitin ni Hesus. Iginagalang Niya ang ating kalooban at kalayaan. Si Hesus ay hindi isang diktador. Hindi mang-aapi si Hesus. Bagkus, binibigyan tayo ng kalayaan upang mamili ng kabutihan at kasamaan. Nasa ating mga kamay ang desisyon kung tayo ay mananatiling tagasunod ni Hesus o umalis at iwanan si Hesus. 

Martes, Agosto 4, 2015

KASAMA NI MARIA, PURIHIN NATIN ANG DIYOS

Agosto 15, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria (B)
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 22-27/Lucas 1, 39-56



May apat na dogma ang Santa Iglesia patungkol sa Mahal na Birheng Maria. Ang una ay si Maria bilang Ina ng Diyos. Ipinahihiwatig ng dogmang ito na si Maria ay ang Ina ng Panginoong Hesukristo, ang Diyos na nagkatawang-tao at namuhay bilang taong tulad natin, maliban na lamang sa kasalanan. Ang pangalawang dogma ay ang pananatiling birhen ni Maria, kahit na isinilang niya si Hesus. Hindi nagwakas ang pagka-birhen ni Maria sa pagsilang ni Hesus. Sa kapangyarihan ng Diyos, si Maria ay nanatiling birhen, kahit na siya ay nagdalantao at nagsilang kay Kristo. 

Ang pangatlo ay ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (Inmaculada Concepcion), ang doktrina tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa Mahal na Ina bago pa siya isilang ni Santa Ana. Sa gayon, hindi nadungisan ng kasalanan ang Mahal na Ina noong siya'y ipinanganak ni Santa Ana. At ang pang-apat naman ay ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Si Maria'y iniakyat ng Diyos sa langit nang buong katawan at kaluluwa noong matapos ang kanyang buhay dito sa sanlibutan. 

Sa apat na doktrinang ito tungkol sa Mahal na Ina ay ipinagdiriwang natin ngayong ang Pag-Aakyat sa Mahal na Birheng Maria. Siya'y iniakyat, buong katawan at kaluluwa, sa langit. Malaki ang pinagkaiba nito sa Pag-Akyat ni Hesus sa Langit. Si Hesus ay umakyat sa langit sa Kanyang kapangyarihan. Dahil sa kapangyarihan ni Hesus bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, si Hesus ay umakyat sa langit. Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi diyosa. Kaya lang siya nakaakyat sa langit ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Inakyat ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa langit sa katapusan ng kanyang buhay. 

Pinaglingkuran ng Mahal na Birheng Maria ang Panginoong Diyos buong buhay niya. Wala siyang ibang hinangad kundi ang paglingkuran ang Diyos. Buong pagpapakumbabang pinaglingkuran niya ang Diyos. Noong ibinalita sa kanya ni San Gabriel Arkanghel na siya ang magiging ina ni Kristo, ang sagot ni Maria ay, "Narito ang alipin ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo." (Lucas 1, 38) Para kay Maria, hindi lamang karangalan ang pagiging ina ni Kristo. Bagkus, pananagutan din ito sa Diyos. Ang pagiging Ina ni Kristo ay isang pananagutan sa Diyos para kay Maria.  

Hinarap ni Maria ang bawat pagkakataon sa buhay nang may buong pananalig sa buhay. Nananalig siya sa Diyos at inaasahan din niya ang presensya at pagtulong sa kanya ng Diyos. Alam ng Mahal na Inang Maria na hindi niya kakayananin ang buhay kundi ang Diyos. Alam ni Maria na kung wala ang Diyos, hindi niya magagawa ang lahat ng bagay. 

Dahil sa pagpapakumbaba at pagpapakatao ni Maria, itinaas siya ng Diyos. Idinakila ng Diyos si Maria. Katulad ng sinabi ni Maria sa kanyang awit: "Tinanggal (ng Diyos) sa kanilang luklukan ang mga maykapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan." (Lucas 1, 52) Ganun din ang itinuturo ni Hesus. Sa pagtuturo tungkol sa mapapalad, sinabi ni Hesus, "Mapalad ang mga aba na walang ibang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat mapapasakanila ang kaharian ng langit." (Mateo 5, 3) 

Pagkahirang sa kanya ng Diyos bilang Ina ng Mesiyas, hindi lumaki ang ulo ni Maria. Hindi siya naging mayabang. Bagkus, tumungo siya sa kanyang kamag-anak na si Elisabet na mas kilala natin bilang si Santa Isabel. Pinaglingkuran ng Mahal na Ina si Santa Isabel, kahit ang dinadala niya ay higit na dakila kaysa sa dinadala ng kanyang kamag-anak sa kani-kanilang sinapupunan. 

Hindi rin nakalimutan ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos. Naaalaala pa rin niya ang Diyos. Lagi niyang natatandaan ang Diyos. Hinding-hindi niya nakalimutan ang Diyos, kahit kailan. Alam ni Maria na ang Diyos ang dumakila sa kanya. Alam ni Maria na ang Diyos ang dahilan kaya siya ay tatawaging banal ng lahat ng salinlahi (Lucas 1, 48). Kaya, laging pinupuri ni Maria ang Diyos. Hindi tumitigil si Maria sa pagbibigay ng papuri sa Diyos. 

Nakakalungkot na paminsan-minsan, kapag matagumpay tayo sa buhay, hindi natin inaalaala ang Diyos. Kapag tayo ay umaangat sa buhay, lumalaki ang ating mga ulo at wala nang halaga ang Diyos sa ating buhay. Tularan natin si Maria, ang ating Mahal na Ina, sapagkat lagi niyang inaalala at pinupuri ang Diyos, kahit na siya ay dinakila niya. 

SA BANAL NA EUKARISTIYA, SI HESUS ANG TAGABIGAY NG BUHAY

Agosto 9, 2015
Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
1 Hari 19, 4-8/Salmo 33/Efeso 4, 30-5, 2/Juan 6, 41-51



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay ang pagpapatuloy ng diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Muling ipinapakilala ni Hesus na Siya ang Tinapay ng Buhay na ibinigay ng Ama. Si Hesus ay hindi tulad ng manna na kinain ng mga ninuno ng Kanyang mga tagapakinig. Bagkus, higit pa si Hesus sa manna ng Lumang Tipan. Kayang-kayang pawiin ni Hesus ang mga matitinding kagutuman at kauuhawan, hindi lamang pampisikal kundi pati na rin ang mga espirituwal na kagutuman at pagkauhaw. 

Hindi makapaniwala ang mga tagapakinig ni Hesus. Noong marinig ng mga Hudyo ang mga sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang Sarili, nagbulung-bulungan sila at nagtatalu-talo. Para sa kanila, naloloko na si Hesus. Kilalang-kilala nila kung sino si Hesus at kung sino ang mga kamag-anak Niya. Kilala nila ang Kanyang ama-amahang si San Jose at ang Kanyang Mahal na Inang si Maria. Imposible para sa kanila na paniwalaan ang mga winika ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili. Ayon sa kanila, kalokohan at katarantaduhan ang ipinapalaganap ni Hesus. Nawawala na si Hesus sa Kanyang sarili, nasisiraan na Siya ng bait. 

Subalit, patuloy na nangangaral si Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga tao bilang Tinapay ng Buhay. Ang Tinapay ng Buhay, si Hesus, ay nanggaling sa Ama. Bilang Tinapay ng Buhay, pinapawi ni Hesus ang mga matitindi at malalalim na kagutuman ng mga tao. Hindi Siya pangkaraniwang pagkaing kinakain ng mga tao. Bagkus, si Hesus ay ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kung ang mga tinapay at anumang pagkaing kinakain natin ay napapanis, si Hesus ay hindi mapapanis kahit kailan. 

Ang pagkaing nagbibigay-buhay na si Hesus ay hindi pansamantala lamang. Hindi Siya katulad ng mga pagkaing kinakain natin. Ang mga pagkaing kinakain natin ay nagpapahaba ng buhay, subalit hindi ito nagkakaloob ng buhay na walang hanggan. Pansamantala lamang ang pagkain na kinakain natin dito sa mundo. Subalit, ang buhay dulot ni Hesus ang pang-walang hanggan. Si Hesus lamang ang makapagkakaloob ng buhay na walang hanggan. 


Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo. Sa Banal na Konsekrasyon, ang ostiya at ang alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Kristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya, sa Banal na Komunyon, hindi na tinapay at alak ang tinatanggap natin. Bagamat ang itsura at lasa ay tinapay at alak pa rin, si Hesus pa rin iyon. Ang tawag doon ay transubstansiyasyon. Sa Banal na Misa, ang sangkap ng tinapay at alak ay nagbago, hindi ang anyo.  

Kapag sinasabi sa atin ng pari sa Banal na Komunyon, "Katawan ni Kristo," ang sagot natin ay, "Amen." Ang ibig sabihin ng "Amen" ay "Oo." Sa pamamagitan ng pagsagot ng "Amen," sinasabi natin na tayo ay naniniwala na hindi lamang tinapay at alak ang ating tinatanggap. Ang Panginoon na ang ating tinatanggap. Hindi na pangkaraniwang tinapay at alak ang ating tinatanggap at kinakain. Bagkus, ang tinatanggap natin sa Banal na Komunyon ay si Kristo, ang Panginoong nagbibigay-buhay sa Banal na Eukaristiya. Tayo ay binibigyan ni Kristo ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo.