Lunes, Marso 21, 2016

PITONG HULING WIKA (Espesyal na Pagninilay para sa Mahal na Araw 2016)

Marso 25, 2016 - Biyernes Santo

Unang Wika (Lucas 23, 34) 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.


Buong buhay ni Hesus, awa ang Kanyang ipinakita. Hindi Siya nagtanim ng galit sa sinumang tao kahit kailan. Kahit noong Siya'y pinalayas ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret, hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila. Hindi hinangad ni Hesus na sumpain ang Kanyang mga kababayan sa Nazaret dahil doon. O kaya noong ginawang palengke o pugad ng mga magnanakaw ang Templo, hindi nagtanim ng galit sa mga tindero't tindera at sa mga namamalit ng salapi si Hesus. Nagalit nga si Hesus noon, pero ang ikinagalit Niya ay ang kanilang ginawa, hindi ang mga tao mismo. Ginawang palengke at pugad ng magnanakaw ang Templo, ang Tahanan ng Diyos - iyon ang Kanyang ikinagalit. At kahit noong malaman ni Hesus na may mga masamang binabalak ang Kanyang mga kaaway laban sa Kanya, hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila. Bagkus, iisa lamang ang ipinakita at ipinadama ni Hesus sa bawat isa sa mga iyon - awa. 

Karamihan din sa mga itinuturo ni Hesus sa Kanyang ministeryo ay tungkol sa awa at habag. Sa ilan sa Kanyang mga pagtuturo, binigyang-diin ni Hesus ang pagiging mahabagin katulad ng Amang nasa langit. Nagturo din Siya tungkol sa pag-ibig sa kaaway at pananalangin para sa mga tagausig. Ang tinuturo ni Hesus ay kabaligtaran ng tinuturo ng mundo. Kung ang turo ng mundo ay gamitin ang karahasan bilang pagganti sa mga ginawang masama laban sa iyo, ang turo naman ni Hesus ay gantihan ng awa at pag-ibig ang ating mga kaaway at ang mga gumawa ng masama laban sa atin.  Ang turo ng sanlibutan - gamitin ang dahas bilang pagganti sa mga nagkamali sa iyo. Ang turo ni Hesus - gantihan ng awa at pagmamahal ang mga nagkamali o nagkasala laban sa iyo, gaano mang kalaki o kabigat ang kasalanang ginawa laban sa iyo. 

Marami ding pinatawad si Hesus sa Kanyang ministeryo. Sa pamamagitan ng pagpapatawad, ipinadama ni Hesus sa mga makasalanan ang Awa at Habag ng Diyos. Naranasan ng mga pinatawad ni Hesus ang Kanyang awa noong sila'y pinatawad Niya. Isang halimbawa ay ang babaeng nahuling nakikiapid. Sa batas ng mga Hudyo, ang pakikiapid ay isang napakabigat na kasalanan. Napakabigat ng kaparusahang sasapitin ng mga nahuling nakikiapid - babatuhin sila hanggang kamatayan. Subalit, sa halip na hatulan ang babae, pinatawad ni Hesus ang babaeng iyon. Awa ang ipinakita at ipinadama ni Hesus sa babae sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanya. Hinikayat din ni Hesus ang babae na Kanyang pinatawad na magbagong-buhay at huwag nang magkasala muli. 

Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay sa daigdig, awa pa rin ang ipinakita ni Hesus. Noong Siya'y ipinako sa krus, ipinagdasal ni Hesus ang Kanyang mga kaaway at tagausig. Sa Kanyang panalangin sa krus, hiniling ni Hesus sa Ama na patawarin ang Kanyang mga kaaway at tagausig. Hindi hiniling ni Hesus ang kapahamakan ng Kanyang mga kaaway. Hindi hiniling ni Hesus ang pagdurusa ng Kanyang mga kaaway. Hindi nanalangin si Hesus upang parusahan ng Ama ang mga nagpako sa Kanya sa krus. Hindi hinangad ni Hesus na magdusa ang Kanyang mga kaaway at tagausig. Bagkus, awa at kapatawaran ang hiniling ni Hesus sa Ama para sa sa mga umuusig sa Kanya. 

Patuloy na humihingi ng awa at kapatawaran si Hesus sa Ama para sa ating lahat. Tayo ang dahilan kaya Siya ipinako sa krus. Nagdusa at namatay si Hesus sa krus dahil sa ating mga kasalanan. Ang ating mga kasalanan ang nagpako sa Kanya sa krus. Sa tuwing nagkakasala tayo, dinadagdagan natin ang pagdurusa ni Hesus. Nagdurusa si Hesus sa tuwing tayo ay nagkakasala. Subalit, hindi nagsasawa si Hesus sa paghingi ng awa at kapatawaran sa Ama para sa ating lahat. Paulit-ulit Siyang humihingi ng awa at kapatawaran mula sa Ama para sa ating lahat. 

Tayong lahat ay mga makasalanan, hindi tayo karapat-dapat na makinabang sa Awa ng Diyos. Bilang tao, tayong lahat ay marupok at nagkakamali. Nagkakasala tayo dahil sa ating karupukan bilang tao. Dahil sa paulit-ulit nating pagkakasala, nagdurusa ang Panginoon. Hindi tayo karapat-dapat na makinabang sa Awa ng Panginoon. Sino tayo upang pahintulutan ng Panginoon na maranasan ang Kanyang Awa at makinabang dito? Mga abang makasalanan lamang tayo. Bakit pahihintulutan ng Panginoon na makinabang tayo sa Kanyang Awang walang hanggan, kahit alam Niyang tayong lahat ay mga abang makasalanan? 

Gaano mang karami ang ating mga kasalanan at gaano mang kabigat ang mga ito, hindi mapapantayan ng mga ito ang lalim at kadakilaan ng Awa ng Diyos. Mas makapangyarihan ang Awa ng Diyos kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan. Hindi mananaig ang kasalanan laban sa Awa ng Diyos. Laging magtatagumpay ang Awa ng Diyos. Ipinapakita ito ng Panginoong Hesus noong Siya'y ipinako sa krus. Humingi si Hesus ng kapatawaran para sa Kanyang mga kaaway, kahit gaano mang kasakit ang ginagawa nilang pagpako sa Kanya sa krus. Humingi din Siya ng kapatawaran para sa mga paglilibak na ginawa ng Kanyang mga kaaway habang Siya'y nakabayubay sa krus. Awa ang iginanti ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang mga kaaway na nagpako at nanira sa Kanya.

Magkakatugma ang mensahe ng Mahal na Araw at ang tema ng Banal na Taon ng Awa. Ang Diyos ay maawain at mahabagin. Dahil sa Awa ng Diyos, inihain ni Hesus ang Kanyang sarili sa krus para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan. Si Kristo ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang ipakita kung gaanong kadakila at kung gaanong kalalim ang Awa ng Diyos. Ang pag-aalay ng Panginoong Hesukristo ng Kanyang sarili sa krus ay tanda ng Awa at Habag ng Diyos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paghahain ng Panginoong Hesukristo sa krus, ipinakita at ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan kung gaanong kadakila at kalalim ang Kanyang Awa. Ito ang ating ginugunita sa mga Mahal na Araw. Ito ang ating inaalala at pinagninilayan sa pagdiriwang ng Mahal na Araw. 

AWIT SA PAGNINILAY: "Pagkabighani" 



Ikalawang Wika (Lucas 23, 43) 
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso."


May isang adbokasiyang inilunsad ng Romanong Katolikong Arkidiyosesis ng Maynila sa pakikipagtulungan ng Pamantasang Adamson. Ito ang Ikapitong Utos: Huwag Kang Magnakaw. Hango ito sa ikapitong utos sa Sampung Utos ng Diyos - Huwag kang magnakaw. Ang layunin ng adbokasiya o kampanyang ito ng Simbahan sa Pilipinas ay labanan ang iba't ibang uri ng pagnanakaw sa lipunan - katulad ng katiwalian, kurapsyon, kasinungalingan, at pagdaraya. Mayroon silang ibinebentang mga damit kung saang nakaukit ang mga salitang Huwag Kang Magnakaw upang maipalaganap ang adbokasiya ng Simbahan laban sa iba't ibang uri ng pagnanakaw, bukod pa sa pisikal na pagnanakaw. 

Hindi lamang iisa ang pamamaraan ng pagnanakaw. May iba't ibang uri ng pagnanakaw sa panahon ngayon. Laganap na sa lipunan ngayon ang iba't ibang uri ng pagnanakaw. Halimbawa, ang kasinungalingan. Sa pagsisinungaling, ninanakaw ang tiwala ng tao. Ninanakaw ang karapatan ng tao na malaman ang katotohanan. Ang pakikiapid ay isa ring uri ng pagnanakaw. Ninanakaw ang kabiyak ng puso o esposo ng isang tao mula sa iba. Ang pagpatay ay isa ring uri ng pagnanakaw. Kapag nakapatay ka ng isang tao, ninanakaw mo ang karapatan nila upang mabuhay. Sari-sari ang mga uri ng pagnanakaw sa ating lipunan. Iisa lamang ang layunin ng mga ito - magnakaw. 

Ipinangako ni Hesus ang Paraiso sa isang magnanakaw na kilala sa tradisyong bilang si Dimas. Ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya at sa pananampalatayang Katoliko, ito ay maituturing na kauna-unahang kanonisasyong isinagawa. Ang mga kanonisasyon ay isinasagawa ng Santo Papa at kadalasan itong ginaganap sa Basilika ni San Pedro Apostol sa Lungsod ng Vaticano. Sa bawat seremonya ng kanonisasyon, ipinapahayag ng Santo Papa sa harap ng mga Katoliko mula sa iba't ibang dako ng daigdig na ang isang tao ay isang ganap na santo. Pero sa dinami-daming mga kanonisasyong naganap sa kasaysayan, ito lang ang katangi-tanging kanonisasyong hindi isinagawa ng isang Santo Papa. Ang Panginoong Hesukristo ang nagsagawa at namuno sa kanonisasyong ito. 

Kataka-taka. Ang Simbahan ay nakikipagdigma laban sa pagnanakaw, katiwalian, at kurapsyon. Subalit, ang unang santong itinanghal sa hanay ng mga banal ay isang magnanakaw. Kataka-taka ito. Ibig bang sabihin nito na ang langit ay tahanan ng mga magnanakaw pagkatapos ng kanilang pagpanaw? Paano nakapasok ang isang magnanakaw sa langit? Sabi pa nga ni Apostol San Pablo, "Walang pakinabang ang mga magnanakaw, masakim, mapaglasing, mapanlait, magdaraya, nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyusan, o nakikiapid sa kapwa-lalaki o kapwa-babae sa kaharian ng Diyos." (1 Corinto 6, 10) Kakaiba. Isang tao na naging magnanakaw buong buhay niya ay ginawang santo ni Kristo.

Paano nakapasok ang isang magnanakaw katulad ni Dimas sa langit? Paanong naging santo o banal ang isang katulad ni Dimas? Dahil sa Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang gumabay sa isang taong katulad ni Dimas na lumapit sa Kanya upang humingi ng awa at kapatawaran, kahit sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Namulat ang mga mata ni Dimas sa Dakilang Awa ng Diyos. Nakita ni Dimas ang Awa ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Inakay siya ng Awa ng Diyos patungo kay Hesus, ang Mukha ng Awa ng Diyos. 

Noong nakipagtitigan si Dimas kay Hesukristo, ano ang kanyang nakita sa mga mata ni Hesukristo? Awa. Awa ang nakita ni Dimas sa mga mata ni Kristo sa mga sandaling iyon. Tiningnan ng Panginoong Hesus si Dimas na punung-puno ng awa. Walang galit ang makikita sa mga mata ni Hesus sa mga sandaling iyon. Bagkus, awa ang makikita sa Kanyang mga mata. Sa kabila ng mga paglilibak at pag-iinsultong ginawa ng mga tao at ng masamang magnanakaw na si Hestas laban kay Hesus, awa ang makikita sa Kanyang mga mata. At ito ang ipinakita ng Panginoong Hesukristo kay Dimas nang makipagtitigan Siya sa kanya. 

Ginamit ni Dimas ang pagkakataong iyon upang hingin ang awa ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. At pinagbigyan ni Hesus ang kahilingan ni Dimas - ipinangako Niya kay Dimas ang biyaya ng Paraiso. Makakapiling na ni Dimas ang Panginoong Hesus sa Paraiso. Kahit napakabigat ng mga kasalanang ginawa ni Dimas, nakamit niya ang biyaya ng Paraiso. Kahit napakarami siyang ninakaw buong buhay niya, makakasama niya ang Panginoon sa Paraiso. Bakit? Ginamit ni Dimas ang mga huling sandali ng kanyang buhay upang magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Humingi si Dimas ng awa mula kay Hesus, kahit siya ay nasa bingit ng kamatayan sa mga sandaling yaon, at ito'y pinagkalooban ni Hesus.

Kung ginamit ni Dimas ang huling pagkakataong binigay ng Diyos sa kanya upang magsisi at humingi ng awa at kapatawaran, paano naman tayo tutugon sa bawat pagkakataong ibinigay ng Diyos upang pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya? Paano ba tayo tutugon sa paanyaya ng Diyos na magsisi at magbagong-buhay? Gagamitin ba natin ang bawat pagkakataong ibinigay ng Diyos sa atin upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya? Binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataong magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Tayo ang papasiya kung gagamitin natin ang pagkakataong iyon upang pagsisihan ang ating mga kasalanan, magbagong-buhay, at magbalik-loob sa Diyos. 

Lubhang maawain ang Panginoong Diyos. Hindi Siya nagsasawa sa pagbibigay ng awa at kapatawaran sa mga makasalanan. Kahit paulit-ulit na nagkakasala ang tao, nakahanga ang Panginoon upang ipagkaloob sa tao ang Kanyang Awa at Kapatawaran. Kaya, huwag tayong matakot na lumapit sa Kanya upang humingi ng awa mula sa Kanya. Walang makasalanang lumalapit sa Panginoon upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya na Kanyang itinakwil. Ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang Awa sa sinumang humihiling at nagnanais nito, kahit sa pinakamasahol na makasalanan. Ang pagsisisi at pagbabalik-loob ng isang makasalanan ay nakakapagbigay ng matinding kagalakan para sa Diyos. 

AWIT SA PAGNINILAY: "Pag-Ibig Ko" 



Ikatlong Wika (Juan 19, 25-27)
"Ginang, narito ang iyong anak... Narito ang iyong ina!"


Marami sa mga tagasunod ng Panginoong Hesus ang tumalikod sa Kanya. Ang una ay si Hudas Iskariote. Ipinagkanulo at ipinagbili ni Hudas si Hesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Tinalikuran ng mga alagad (maliban kay San Juan Apostol) si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Nangako sila noong gabing iyon na ipagtatanggol nila ang Panginoon, subalit nang dumating ang oras, sila'y naduwag at nagsitakas. Iniwanan at pinabayaan nilang mag-isa ang Panginoon dahil sa tindi ng takot. Si San Pedro Apostol din ay tumalikod kay Hesus. Tatlong ulit niyang ipinagkaila si Hesus, kahit na sinabi niya noong una na hindi niya gagawin iyon. Ang mga taong sumalubong at nagbunyi sa Panginoong Hesukristo noong Linggo ay tumalikod sa Kanya. Noong hinarap ni Pilato si Hesus sa taong-bayan, hiniling ng taong-bayan ang Kanyang kamatayan sa krus. 

Sa kabila ng mga ginawang pagtalikod kay Hesus, may mga nanatiling tapat sa Kanya. May mga taong hindi tumalikod at hindi nagpabaya sa Kanya. Kabilang na rito ang Mahal na Ina, ang Birheng Maria. Hindi pinabayaan ni Maria si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Sinamahan ni Maria si Hesus hanggang sa Kalbaryo. Iwanan man ng lahat ng tao si Hesus, hinding-hindi iniwanan ni Maria si Hesus. Mamukhaan o makilala man si Maria ng mga opisyal at mga tao bilang ina ni Hesus, hinding-hindi niya pababayaan ang kanyang anak. 

Makikita ang katatagan ng Mahal na Birheng Maria sa mga huling sandali ng buhay ni Hesus. Nang marinig ni Maria ang mga paratang at paglilibak ng taong-bayan kay Hesus, tiniis niya ang lahat ng iyon. Tiniis niya ang sakit dulot ng mga paglilibak at pag-iinsultong ginawa ng mga tao kay Hesus noong araw na iyon. Napakasakit para kay Maria na marinig ang mga paglilibak at pag-iinsulto ng taong-bayan laban kay Hesus. Pinapatay na nga ng mga tao si Hesus, nililibak pa nila Siya. Nadagdagan ang pagdurusa ni Maria sa kanyang puso't kalooban. Masakit na para kay Maria ang masaksihan ang kamatayan ng kanyang anak na si Hesus. Dinagdagan ang sakit ni Maria nang marinig niya ang paglilibak at pag-iinsultong ginawa ng taong-bayan laban kay Hesus. 

Ang katapangan ng Mahal na Ina ay nakita rin natin sa pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo. Iniwanan at pinabayaan ng mga alagad si Hesus sa Halamanan ng Getsemani dahil sa matinding takot sa mga opisyal. Natatakot sila dahil baka dakipin din sila kasama ni Hesus. Ayaw pa nilang mamatay. Subalit, hindi natakot si Maria sa mga opisyal at sa mga tao. Hindi natakot si Maria na baka makilala at mahuli dahil siya ang ina ni Hesus. Hindi siya natakot na makilala ng mga opisyal at mga tao. Bagkus, naglakas-loob si Maria na samahan si Hesus sa Kanyang pagdurusa. Balewala sa kanya ang mga posibleng mangyayari sa kanya. Ang mahalaga para kay Maria sa mga sandaling yaon ay samahan ang kanyang anak na si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Kung iniwanan at pinabayaan ng mga alagad si Hesus sa halamanan, sinamahan naman ni Maria si Hesus hanggang sa huli. 

Kasama ni Maria sa mga sandaling iyon si San Juan Apostol. Si San Juan Apostol ang nag-iisang alagad na naglakas-loob upang samahan ang Mahal na Birheng Maria sa kanyang pakikiisa sa pagdurusa ng Panginoong Hesus. Takot din siguro ang nararamdaman ni San Juan Apostol sa mga sandaling iyon, katulad ng mga kapwa niyang apostol. Subalit, kinailangang lakasan ni Juan ang kanyang loob para samahan si Maria at si Hesus sa kanilang pagdurusa. 

Nang makita ni Hesus sina Maria at Juan, naawa Siya sa Kanyang nakita. Naawa si Hesus kay Maria sapagkat wala nang mag-aalaga para sa kanya. Wala nang mag-aalaga at mag-aaruga kay Maria kapag wala na si Hesus. Kahit nakita ni Hesus ang katatagan, katapatan, at katapangan ng Mahal na Birheng Maria sa mga sandaling iyon, naaawa Siya sa mangyayari sa Mahal na Birheng Maria kapag wala na Siya. Naawa din si Hesus kay San Juan Apostol. Kahit nagpupumilit si San Juan Apostol na magpakatatag sa mga sandaling iyon, nakikita ni Hesus ang takot na nararamdaman niya. Alam ni Hesus na natatakot si Juan sa mga sandaling iyon. Kaya, inihabilin ni Hesus sina Maria at Juan sa isa't isa. 

Si San Juan Apostol ang nagsilbing kinatawan sa lahat ng mga mananampalataya kay Kristo sa mga sandaling iyon. Hindi lamang kay San Juan Apostol inihabilin ang Mahal na Birheng Maria, kundi sa lahat ng mga Kristiyano sa mundo. Tayong lahat ay inihabilin ni Kristo sa maka-inang pag-aalaga at pag-aaruga ni Maria. At bilang Ina ng Sambayanang Kristiyano, hinding-hindi iiwanan o pababayaan ni Maria ang kanyang mga anak. Bagkus, sasamahan ni Maria ang lahat ng kanyang mga anak hanggang sa huli, katulad ng ginawa niya para kay Kristo. 

Inihabilin ni Hesus ang mga kaanib ng Kanyang Simbahan sa pag-aalaga ng Mahal na Birheng Maria. Alam ni Hesus na magsisilbing huwaran ng katapatan, katatagan, at katapangan si Maria sa mga kaanib ng Simbahan. Alam ni Hesus na ang paghahabilin sa mga kaanib ng Kanyang Simbahan sa maka-inang pag-aalaga ng Mahal na Ina ay makabubuti para sa mga kanila. Kung paanong hindi pinabayaan ni Maria si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, gayon din naman, hinding-hindi rin tayo pababayaan ni Maria sa bawat sandali ng ating buhay. Patuloy tayong ipagdadasal ng Mahal na Inang Maria sa ating kapatid at Panginoong Hesukristo sa bawat sandali ng ating buhay. 

AWIT SA PAGNINILAY - "Stabat Mater Dolorosa" (Pergolesi) 


Ikaapat na Wika (Mateo 27, 45; Marcos 15, 34)
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?"


Si Hesus ay naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Kahit si Hesus ay Diyos, buong pagpapakumbaba Niyang piniling maging tao. Pinili Niyang maging taong katulad natin upang ipakita sa tao ang Awa at Habag ng Diyos. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at namuhay dito sa mundo katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, sa pamamagitan ni Hesukristo. Sa pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo, ipinapakita ng Diyos na Siya ay kaisa at karamay ng sangkatauhan sa lahat ng bagay, maliban na lamang sa kasalanan. 

Bilang Diyos na naging tao, naranasan ni Hesus ang pag-iisa, lalung-lalo na sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Mag-isa lamang si Hesus sa Kanyang pagdurusa sa kadiliman sa Halamanan ng Getsemani. Hindi dumamay ang Kanyang mga alagad sa Kanyang pag-iisa sa kadiliman ng Getsemani. Tinulugan ng mga alagad si Hesus sa Getsemani at pinabayaang manalangin nang mag-isa. Walang dumamay kay Hesus noong Siya'y nagdurusa sa Getsemani. Mag-isa lamang hinarap ni Hesus ang mga huling sandali ng Kanyang buhay. 

Noong dinakip si Hesus ng mga kawal at opisyal sa halamanan, pinabayaan Siyang muli ng mga alagad. Tumakas ang mga alagad dahil sa matinding kaduwagan. Ang mga alagad na nangakong ipagtatanggol nila ang Panginoon ay tumalikod sa Kanya. Iniwanan ng mga alagad ang Panginoon na nag-iisa sa Halamanan. Pinabayaan nilang maidakip ng mga kawal at opisyales ang Panginoon. Ayaw nilang maidakip sila ng mga kawal. Ayaw pa nilang mamatay. Takot na takot silang mamatay. Kaya, iniwanan at pinabayaan ng mga alagad ang Panginoong Hesukristo sa Halamanan ng Getsemani. 

Sa krus, isinambit ng Panginoong Hesus ang mga unang kataga ng Salmo 22. Ang Salmo 22 ay isang awit-panalangin patungkol sa isang taong nagdurusa. Sa simula ng Salmong ito, mapapakinggan natin ang pagdurusang dinanas ng taong ito. Subalit, sa bandang huli, ipinapahayag ng taong nagdurusa ang kanyang pananalig sa Diyos. Sa kabila ng mga pagdurusa at kapighatian sa buhay, hindi nawalan ng tiwala at pananalig ang taong ito sa Diyos. Kahit nasa harap ng pagdurusa ang taong ito, nananalig at nagtitiwala pa rin siya sa Panginoon. 

Ang tinutukoy ng manunulat ng Salmo 22 ay si Hesus. Kahit Siya'y pinabayaan at tinalikuran ng Kanyang mga tagasunod, hindi nawalan ng tiwala si Hesus sa Diyos. Bagkus, nanatiling tapat at masunurin si Hesus sa Diyos. Matatag pa rin ang pananalig at tiwala ni Hesus sa Diyos. Talikuran man Siya ng Kanyang mga alagad at tagasunod, pabayaan man Siyang mag-isa sa Kanyang pagdurusa, nananalig at nagtitiwala pa rin si Hesus sa Ama. Nananalig si Hesus sa presensya ng Ama, sa kabila ng matinding pagdurusa. Lubos na nananalig at nagtitiwala si Hesus na kasama at karamay Niya ang Ama sa mga sandaling iyon. 

Hinding-hindi nagpapabaya ang Diyos. Laging nating kasama at karamay ang Diyos. Kasama natin ang Diyos sa hirap at ginhawa. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos, lalung-lalo na sa mga sandali ng matitinding pagdurusa. Maaaring pababayaan tayo ng Diyos, kung naisin Niya. Subalit, ayaw ng Diyos na tayo ay magdusang mag-isa. Hindi papayag ang Diyos na pabayaan tayong magdurusa. Bagkus, pinili ng Diyos na samahan at damayan tayo sa bawat yugto ng ating buhay, sa pagdurusa at kaginhawaan. Sa pamamagitan ng pananatiling kasama natin sa bawat sandali ng ating buhay, ipinapakita at ipinapadama ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa ating lahat. 

Kung hindi nagpapabaya ang Diyos, nasaan Siya sa mga sandali ng pagdurusa at kapighatian? Kaisa natin Siya sa ating pagdurusa. Nararamdaman ng Diyos ang bawat sakit na ating nararamdaman. Nakikiisa ang Diyos sa ating pagdurusa. Ang Diyos ay nagdurusa sa katahimikan kasama natin. Tahimik ang Diyos sa mga sandali ng pagdurusa at kapighatian sapagkat nararamdaman din Niya ang sakit at kapighatiang ating nararamdaman. Tahimik na nakikiisa at nakikiramay ang Diyos sa ating mga pagdurusa sa buhay, ang ating mga "Kalbaryo". 

Huwag tayong mawalan ng pananalig at tiwala sa Diyos. Lagi nating tandaan na hindi nagpapabaya ang Diyos. Lagi nating kasama at karamay ng Diyos sa hirap at ginhawa. Sa bawat sandali ng ating buhay, kasama natin ang Diyos. Sa hirap at ginhawa, nandiyan ang Diyos kasama natin. Dahil sa Kanyang Awa at Habag sa atin, lagi tayong sinasamahan at dinadamayan ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Nagtiwala at nanalig si Hesus na kasama Niya ang Ama sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Manalig at magtiwala din nawa tayo na kasama at karamay natin ang Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. 

AWIT SA PAGNINILAY - "Huwag Kang Mangamba" 


Ikalimang Wika (Juan 19, 28) 
"Nauuhaw Ako!" 


Marami ang kinauuhawan ng tao ngayon, bukod pa sa literal na pagkauhaw. May mga pagkauhaw ang tao na hindi mapapawi ng tubig lamang. May mas malalim na hinahangad ang tao kaysa sa tubig. Nandiyan ang pagkauhaw para sa atensyon. Nauuhaw ang tao upang mapansin sila ng iba. Gagawin nila ang lahat, mapansin lamang nila ang iba. May mga tao din na uhaw sa pagmamahal. Gusto nila maramdaman ang pagmamahal ng iba. Para sa kanila, walang nagmamahal sa kanila. Walang makakapagbigay ng pagmamahal na hinahanap nila. 

Ganun din ang naramdaman ni Hesus noong Siya'y ipinako sa krus. May pagkauhaw na naramdaman si Hesus noong Siya'y ipinako sa krus. Bukod pa sa literal na pagkauhaw dala ng pagbawas ng dugo mula sa Kanyang Katawan, may pagkauhaw din si Hesus na hindi mapapawi ng tubig o ng anumang inumin. Ang kinauuhawan ni Hesus ay ang pananalig at pagtitiwala ng sangkatauhan sa Kanya. Hangad ni Hesus ang pananalig at pagtitiwala ng tao sa Kanya. Ang tao ang dahilan kaya inihain ni Hesus ang Kanyang sarili sa krus. 

Nais ni Hesus na manalig ang sangkatauhan sa Awa ng Diyos. Awa ng Diyos ang dahilan kaya dumating si Hesus sa sanlibutan. Naparito si Hesus sa sanlibutan upang ipakita at ipadama sa sangkatauhan ang Awa ng Diyos. Kung hindi dahil sa Awa ng Diyos, hindi bababa si Hesus mula sa langit upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Hindi tatawid si Hesus mula langit patungong lupa upang maging Manunubos ng sangkatauhan kung hindi dahil sa Awa ng Diyos. Si Hesus ay pumarito sa sanlibutan bilang ating Tagapagligtas upang ipakita at ipadama sa lahat ang Awa ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan para sa ating lahat. 

Ayaw ni Hesus na mawalan ng saysay ang Awa ng Diyos. Ayaw ni Hesus na mawalan ng kabuluhan ang Kanyang paghahain sa krus. Kaya, dalawang salita ang binigkas ni Hesus upang makuha Niya ang pansin ng sangkatauhan. "Nauuhaw Ako!" Uhaw Siya para sa pananalig ng sangkatauhan sa Kanya. Ang ating pananalig sa Kanya ang tinutukoy ng Panginoon noong binigkas Niya ang mga katagang, "Nauuhaw Ako!" Tayo ang kinauuhawan ng Panginoon. Uhaw ang Panginoong Hesus para sa ating pananalig at pagtitiwala sa Kanya. 

Maraming mga "Gawa ng Awa" ang ginawa ni Hesus para sa atin. Isa na roon ang Kanyang pagparito sa lupa bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Alam ni Hesus na matindi ang pangangailangan ng sanlibutan para sa isang tagapagligtas. Kaya, bilang tugon sa matinding pangangailangang iyon, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesukristo ay bumaba mula sa langit, nagkatawang-tao, at ibinigay ang Kanyang sarili sa sangkatauhan bilang Tagapagligtas. 

Si Kristo naman ang humihingi sa wikang ito. Matindi ang pangangailangan ni Kristo. Tayo lamang ang makakatugon sa matinding pangangailangang ito ni Kristo. May isang bagay na hinihingi Niya sa atin - ang ating pananalig. Manalig at magtiwala tayo sa Panginoon. Manalig at magtiwala sa Awa ng Panginoon. Sa pamamagitan ng panananalig at pagtitiwala sa Panginoon, pinapawi natin ang Kanyang pagkauhaw. Ang ating pananalig at pagtitiwala sa Panginoon ang nagbibigay ng kabuluhan sa Kanyang paghahain sa krus. 

Ibinigay ni Hesus ang Kanyang sarili sa ating lahat bilang Tagapagligtas. Ito'y bilang tugon sa matinding pangngailangan ng sangkatauhan para sa isang tagapagligtas. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa at Habag sa ating lahat. Hinahamon naman tayo ni Hesus na tumugon sa Kanyang pangangailangan. Kailangan ni Hesus ang ating pananalig at pagtitiwala sa Kanya upang magkaroon ng saysay ang Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus. Katulad ni Hesus, magkaroon nawa tayo ng awa at habag at ibigay natin sa Kanya ang ating buong pananalig at pagtitiwala sa Kanya upang mapawi ang Kanyang pagkauhaw. 

AWIT SA PAGNINILAY: "Awit ng Paghahangad" 


Ikaanim na Wika (Juan 19, 30)
"Naganap na!"


Napakahirap ng mga pinagdaanan ni Hesus. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, napakaraming hirap at pagdurusa na Kanyang tiniis at dinanasan. Pinagtiisan Niya ang sakit dulot ng paghahagupit sa Kanya. Maraming dugo ang dumaloy mula sa Kanyang Katawan dahil sa paghahagupit sa Kanya. Tiniis din Niya ang sakit dulot ng koronang tinik. Lalo pang dumami ang dugong dumaloy mula sa Kanyang Katawan. Pinasan Niya ang isang mabigat na krus mula sa palasyo ni Pilato hanggang sa Golgota. Tiniis din Niya ang sakit dulot ng mga pako. At higit sa lahat, tiniis Niya ang lahat ng mga paglilibak at pag-iinsultong ginawa ng Kanyang mga kalaban sa Kanya habang Siya'y nakabayubay sa krus. 

Sulit ang mga pagdurusang tiniis at dinanas ni Hesus. Papalapit na ang wakas ng Kanyang misyon. Matatapos na ang Kanyang misyon. Makikita na Niya ang tagumpay sa gitna ng pagdurusa. Alam ni Hesus na makukumpleto na ang Kanyang misyon bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kaya, kahit Siya ay naghihingalo sa krus, buong tagumpay Niyang isinambit ang mga salitang "Naganap na!" Ang mga salitang iyon ang nagpahayag ng tagumpay ni Hesus, sa kabila ng pagdurusa at hapis sa mga sandaling iyon. 

Ipinahayag ni Hesus sa salitang ito ang tagumpay ng Awa ng Diyos. Nagtagumpay ang Awa ng Diyos laban sa kasamaan at kasalanan. Sa digmaan laban sa kasamaan at kasalanan, nagtagumpay ang Awa ng Diyos. Nakamit ni Hesus ang tagumpay nang hindi dinadaanan sa dahas. Hindi dinaanan sa dahas ang pakikipagdigma ni Hesus sa kasalanan at kasamaan. Bagkus, dinaanan ni Hesus ang Kanyang pakikipaglaban sa kasalanan at kasamaan sa awa at habag. Awa, habag, at pagmamahal ang naging sandata ni Hesus sa Kanyang pakikipagdigma sa kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan. 

Tagumpay sa gitna ng pagdurusa. Kahit nagdusa si Hesus, nakamit Niya ang tagumpay. Nakamit Niya ang tagumpay sa pamamagitan ng pagiging masunurin at tapat sa Diyos. Ani San Pablo Apostol, "Naging masunurin si Hesus hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus." (Filipos 2, 8) Dahil sa pagsunod ni Hesus sa kalooban ng Diyos hanggang sa huling sandali ng Kanyang buhay, nagtagumpay Siya laban sa kasamaan at kasalanan. Nakamit ni Hesus ang tagumpay dahil Siya ay sumunod at naging tapat sa kalooban ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng tagumpay ni Hesus laban sa kasamaan at kamatayan, nagkaroon ng kalayaan ang sangkatauhan. Naging malaya na ang sangkatauhan. Mula sa pamumuhay bilang mga alipin ng kasamaan at kasalanan, tayo ay namumuhay nang may kalayaan bilang mga inampong anak ng Diyos. Salamat sa Diyos para sa tagumpay! Salamat sa Diyos at nagtagumpay ang Kanyang Awa! Salamat sa Diyos para sa Kanyang Awa! Salamat sa Diyos at dahil sa Kanyang Awa, namumuhay tayo ngayon nang may kalayaan. 

Binago ni Kristo ang sagisag ng krus noong nakamit Niya ang tagumpay sa krus. Ang krus, na dating tanda ng kapahamakan at kamatayan, ay naging tanda ng Awa ng Diyos para sa ating lahat. Ang isinasagisag ng krus ngayon ang tagumpay na nakamit ni Kristo sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang buhay. Ito ang dahilan kaya ipinagmamalaki ng mga tunay na Kristiyano ang krus ni Kristo. Ipinagmamalaki ng mga tunay na sumasampalataya kay Kristo ang krus ni Kristo. Sapagkat sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang sariling buhay sa krus, iniligtas ni Kristo ang buong sangkatauhan. 

Magpasalamat tayo sa Panginoon sa Kanyang Awa at Habag sa atin. Ipinakita at ipinadama ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang Banal na Awa at Habag sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng sariling buhay sa krus. Sa pamamagitan ng paghahain ng sariling buhay sa krus, pinalaya tayo ni Kristo mula sa kaalipinan. Pinalaya tayo ng Panginoon mula sa kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan. Tayo ngayon ay namumuhay nang may kalayaan dahil sa tagumpay na nakamtan ni Kristo sa krus para sa ating kaligtasan. Salamat sa Diyos para sa krus! Salamat sa Diyos para sa pag-aalay ni Kristo sa krus para sa atin! 

AWIT SA PAGNINILAY: "Hesus ng aking buhay" 


Ikapitong Wika (Lucas 23, 46) 
"Ama, sa mga kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu!"


Makapangyarihan ang kamay. Marami ang nagagawa ng mga kamay. Kung ang utak ang nag-iisip at nagpaplano, ang mga kamay naman ang gumagawa. Maaaring gamitin sa mabuti o masama ang kamay. Ang kamay ay maaaring maging sanhi ng kabutihan. Halimbawa, ginagamit ang mga kamay sa pagkakawanggawa at pagtulong. Maaari din naman maging sanhi ng kasamaan ang kamay. Halimbawa, ginagamit ang kamay upang magnakaw at mang-abuso. Nasa utak ng tao ang iniisip at pinaplano, nasa mga kamay ng tao ang paggawa. Tayo ang magpapasya kung gagamitin natin sa kabutihan o sa kasamaan ang ating mga kamay. Iba talaga ang kapangyarihan ng mga kamay. 

Ginamit ng Panginoong Hesus ang Kanyang mga kamay upang gumawa ng kabutihan para sa kapwa. Ginamit ni Hesus ang Kanyang mga kamay upang magpagaling ng mga maysakit, magpatawad ng mga kasalanan, magturo tungkol sa Awa ng Diyos, at buhayin ang mga patay katulad ni Lazaro. Sa pawang kabutihan lamang ginamit ni Hesus ang Kanyang mga kamay. Maraming kabutihang ginawa si Hesus gamit ang Kanyang mga kamay. Hindi ginamit ni Hesus ang Kanyang mga kamay sa kasamaan. Bagkus, ginamit ni Hesus ang Kanyang mga kamay para sa pawang kabutihan lamang. 

Taliwas naman ang ginawa ng mga kaaway ni Hesus. Kung ginamit ni Hesus ang Kanyang mga kamay para gumawa ng kabutihan, ginamit naman ng mga kaaway ni Hesus ang kanilang mga kamay upang gumawa ng masama. Ginamit nila ang kanilang mga kamay upang dakipin si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Kaya nga, sinabi ni Hesus bago Siya dakipin, "Dadakipin at ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga makasalanan, at hahatulan ng kamatayan." 

Hindi ginamit ni Poncio Pilato ang kanyang mga kamay upang gawin ang tama. Kahit nababatid ni Pilato sa kanyang isipan na wala namang masamang ginawa si Hesus, hindi niya magamit ang kanyang mga kamay upang mapalaya si Hesus. Kahit siya ang pinakamataas na opisyal sa lungsod noon, ang kumakatawan sa Cesar sa Roma noon, hindi niya magamit ang kanyang kapangyarihan upang mapalaya si Hesus. Ninais ni Pilatong mapalaya si Hesus, pero hindi niya magawa iyon dahil baka maghimagsik ang mga tao. Kaya, ginamit ni Pilato ang kanyang mga kamay upang pahintulutan ang taong-bayan na gawin nila ang kanilang naisin. Hinugasan pa nga ni Pilato ang kanyang mga kamay upang ipakita na wala siyang kinalaman sa kamatayan ni Hesus. 

Sa tuwing tayo ay nagdedesisyon, ang ating mga kamay ang huling ginagamit. Kapag gumagawa tayo ng mga desisyon, ang una nating ginagamit ay ang ating isipan. Ang mga kamay ang nagbibigay ng kumpirmasyon sa ating mga desisyon. Kaya nga, sinasabi ng karamihan, darating ang panahon kung kailan mawawala ng bisa ang mga salitang namutawi mula sa ating mga bibig. Pero, ang mga isinulat ay hindi mawawalan ng bisa. Mas paniniwalaan pa raw ng mga tao ang mga isinulat kaysa sa mga salitang namutawi sa bibig ng isa't isa. 

Tunay ngang makapangyarihan ang mga kamay. Mayroon tayong tinataglay na kapangyarihan sa ating mga kamay. Kinukumpirma ng ating mga kamay ang ating mga desisyon. Marami tayong napapasiyahan gamit ang ating mga kamay. Ang ating mga kamay ay napakahalaga sa pagpapasya natin araw-araw. Maaaring magmula ang kabutihan mula sa ating mga kamay. Maaari din namang magmula ang kasamaan mula sa ating mga kamay. Paano ba nating gagamitin ang ating mga kamay? Gagamitin ba natin ang ating mga kamay sa paggawa ng kabutihan o gagamitin ba natin ang ating mga kamay sa paggawa ng mga kamay? 

AWIT SA PAGNINILAY: "Sumasamba, Sumasamo" 


Linggo, Marso 20, 2016

HESUS: ANG BAGONG KORDERONG PAMPASKUWA; NAGPAKUMBABA, NAGING TAO, AT NAGLINGKOD UPANG IPADAMA ANG AWA NG DIYOS SA SANGKATAUHAN

24 Marso 2016
Huwebes Santo - Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15



Ang Pista ng Paskuwa ang pinakamalaki at pinakamahalaga sa mga pista ng mga Hudyo. Ito ang pangunahing kapistahan ng Hudaismo. Ginugunita ng mga Hudyo ang pagliligtas ng Diyos sa kanilang mga ninuno mula sa kaalipinan sa Ehipto. Matatagpuan ang kasaysayan ng Pista ng Paskuwa sa Lumang Tipan, sa Aklat ng Exodo. Sa tulong at awa ng Diyos, nagkaroon ng kalayaan ang mga Israelita pagkatapos ng mahigit apatnadaang taong pamumuhay bilang mga alipin sa Ehipto. Dahil sa Awa ng Diyos, natapos ang pagdurusa at kapighatian ng mga Israelita dulot ng kanilang pagkaalipin sa Ehipto. Dahil sa Awa ng Diyos, nakamit nila ang kalayaan. Tumawid sila mula sa pamumuhay bilang mga alipin patungo sa pamumuhay nang may kalayaan sa tulong ng Awa ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Diyos ang bayang Israel sa pamamagitan nina Moises at Aaron na pahiran ng dugo ang mga pintuan ng kani-kanilang mga tahanan. Ang dugo ng kordero na pinapahiran sa pintuan ng kanilang mga bahay ang magpapakilala na sila ay mga Israelita. Papatayin ng Diyos ang lahat ng mga kabilang sa sambahayan ng mga Ehipto sa gabing yaon. Ang lahat ng mga lalaking panganay, tao man o hayop, ay pinatay ng Diyos noong gabing yaon. Pati ang anak ng Faraon ay hindi naligtas mula sa kamatayan. Subalit, iniligtas ng Diyos ang bawat Israelitang pamilya at kasambahay noong gabing yaon. Ang palatandaan - ang dugong pinahiran sa pintuan ng bawat tahanan ng mga Israelita. 

Hinding-hindi kinalimutan ng mga Israelita ang dakilang gawa ng Diyos para sa kanila. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi magiging malaya ang bayang Israel. Ang Diyos ang nagpalaya sa bayang Israel mula sa kaalipinan sa Ehipto. Mula sa pagiging mga alipin ng mga Ehipsiyo, ang mga Israelita'y tumawid at naging malaya. Ang tanging gumabay sa mga Israelita sa kanilang pagtawid mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan ay ang Diyos. Kaya, tuwing Pista ng Paskuwa, sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat ang bayang Israel sa Diyos. 

Ang ginawang pagpapalaya ng Panginoong Diyos sa bayang Israel sa Lumang Tipan ay muli Niyang ginawa sa Bagong Tipan. Subalit, ang buong sangkatauhan na ang pinalaya ng Diyos. Kakaiba rin ang pamamaraang ginamit ng Diyos sa pagpapalaya sa sangkatauhan. Ipinadala Niya si Hesukristo upang maging Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ni Hesukristo, palalayain ng Diyos ang sangkatuhan mula sa kaalipinan dulot ng kasamaan at kasalanan patungo sa kalayaan dulot Niya. Kaya, ayon sa turo ng Simbahan, si Hesukristo ang bagong Korderong Pampaskuwa. Sapagkat sa pamamagitan Niya ay iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan mula sa kasamaan at kasalanan. 

Isinalaysay ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang Huling Hapunan ng Panginoong Hesukristo. Sa Huling Hapunan, itinatag ng Panginoong Hesukristo ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Ang mga salitang "Ito ang Aking Katawan na ihahandog para sa inyo... Ito ang kalis ng Aking Dugo na ibubuhos para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan," ay tumutukoy sa mangyayari sa Panginoong Hesus kinabukasan. Ipinapakita ng Panginoong Hesus sa mga alagad sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Katawan at Dugo sa anyo ng tinapay at alak ang mangyayari sa Kanya kinabukasan. Si Hesus ay magtitiis ng matinding hirap at pagdurusa, at mamamatay sa krus sa Kalbaryo. 

Sa Ebanghelyo, hinugasan ni Hesus ang paa ng Kanyang mga apostoles. Noong kapanahunan ni Kristo, ang mga abang lingkod lamang ang naghuhugas ng paa ng kanilang mga amo. Nagulat ang mga alagad, lalung-lalo na si San Pedro Apostol, nang makita nila si Hesus na hinuhugasan ang kanilang mga paa. Para sa mga apostol, si Hesus ang kanilang Guro at Panginoon, ang pinakamataas sa kanilang samahan. Hindi nila lubusang maisip at maisalarawan sa kanilang mga isipan na huhugasan ng Panginoong Hesus ang kanilang mga paa. Hindi rin nila lubusang maunawaan kung bakit ganyan ang ginagawa ng Panginoon. Para sa mga alagad, dapat sila mismo ang maghugas sa paa ng Panginoon. Para sa mga alagad, ang Panginoon ang dapat paglingkuran at hindi sila. 

Sa pamamagitan ng paghuhugas sa paa ng mga apostol, itinuturo ni Hesus sa mga alagad kung paano Siya naparito sa sanlibutang ito. Hindi Siya pumarito mula sa langit na nakasakay sa isang kabayo. Kahit Siya ay Diyos, ayon kay San Pablo Apostol, hindi tinaglay ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos noong una Siyang pumarito sa daigdig. Bagkus, nagpakumbaba si Hesus, nagkatawang-tao, at isinilang ng isang babae sa katauhan ng Mahal na Birheng Maria. Si Hesus ay naging tao katulad natin, maliban lamang sa kasalanan. Kahit Siya ay naging tao tulad natin, hindi nagkasala si Hesus kahit kailan. Hindi tinatakan o dinungisan ng kasalanan si Hesus noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. 

Dahil sa Kanyang pagpapakumbaba, namuhay si Hesus bilang lingkod ng Diyos at kapwa buong buhay Niya. At kahit sa mga huling sandali ng Kanyang buhay kasama ang mga alagad, inalay ni Hesus ang Kanyang sarili sa pagpapakumbaba at paglilingkod. Ipinakita ni Hesus sa mga alagad kung paanong magpakumbaba at maglingkod. Ang halimbawang ginamit ni Hesus ay ang paghuhugas sa paa ng Kanyang mga apostol. Kahit si Hesus ang Panginoon at Guro ng mga alagad, hinugasan pa rin Niya ang paa ng mga alagad, kahit tumutol pa ang ilan sa mga iyon. Pumasok si Hesus sa mundo bilang isang mapagpakumbaba at masunuring lingkod ng Diyos. Aalis si Hesus sa mundo sa ganung paraan. Kung paanong pumasok si Hesus sa sanlibutang ito, ganun din Niya iiwanan ang sanlibutan. 

Muling ipinadama ng Diyos ang Kanyang Dakilang Awa sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus. Dahil sa laki ng Awa ng Diyos sa sangkatauhan, ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang maging ating Manunubos at Bagong Korderong Pampaskuwa. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay nagpakumbaba at naging kaisa natin, maliban sa kasalanan. Sa pamamagitan ni Hesus, pinaglingkuran ng Diyos ang sangkatauhan. Ginawa iyon ng Diyos upang ipadama ang Kanyang Awa sa ating lahat. 

Humantong ang lahat ng ginawang pagpapakita at pagpapadama ng Diyos ng Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan sa Kalbaryo. Sa Kalbaryo, ipinamalas ng Diyos ang pinadakilang Gawa ng Awa na hindi mapapantayan ng sinumang tao kahit kailan - ang paghahain ni Hesukristo ng Kanyang sariling Buhay, Katawan, at Dugo sa krus. Nang ialay ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa Kalbaryo, tinubos Niya ang sangkatauhan. Iniligtas tayo ng Awa ng Diyos mula sa kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng dakilang paghahain ng Manunubos sa krus. Tayo ay itinawid ng Panginoong Hesukristo mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan. Malaya tayo ngayon nang dahil sa Dakilang Gawa ng Awa ng Diyos na naganap sa bundok ng Kalbaryo - ang Paghahain ni Hesukristo ng Kanyang sarili sa krus para sa ating kaligtasan at kalayaan. 

KINALIMUTANG PAGSASAMA

23 Marso 2016 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 



Sa Ebanghelyo, palihim na nakipagpulong si Hudas Iskariote sa mga Pariseo at mga matatanda ng bayan. Palihim siyang nakipagkita at nakipagkasundong ipagkanulo ang Panginoon. Nagkasundo si Hudas at ang mga Pariseo, mga eskriba, at mga matatanda ng bayan na ipagkakanulo niya ang Panginoon kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Tatlumpung piraso ng pilak ang gantimpala para kay Hudas sa kanyang pagkakanulo kay Hesus. Pumayag si Hudas na ipagkanulo si Kristo kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Tinalikdan at kinalimutan ni Hudas ang kanyang pagkakaibigan sa Panginoon makuha lamang niya ang gantimpala ng tatlumpung piraso ng pilak. 

Nakakalungkot, tatlong taong magkasama sina Hesus at Hudas Iskariote. Kabilang si Hudas Iskariote sa labindalawang alagad na nakasama ni Hesus sa loob ng tatlong taon. Sa loob ng tatlong taon ay lumalim ang pagkakaibigan ni Hesus at ng Kanyang labindalawang alagad. Ang kanilang pagsasama at pagkakaibigan ay tumagal ng tatlong taon. Subalit, kinalimutan at binalewala ni Hudas ang mga alaala ng samahan at pagkakaibigan nila ni Hesus na tumagal ng tatlong taon. 

Dahil sa pagkagumon sa salapi, palihim na tinalikuran ni Hudas si Kristo. Tumalikod siya dahil nanaig sa kanya ang paghahangad sa salapi. Palihim siyang nakipagkita at nakipagkasundo sa mga kaaway ni Hesus. Nagkasundo sila upang maidakip si Hesus. Tutulungan ni Hudas ang mga kaaway ni Hesus sa pagdakip sa Kanya. Ipagkakanulo ni Hudas Iskariote si Hesus upang maidakip Siya ng Kanyang mga kaaway. Subalit, ginawa nila iyon ng palihim upang hindi malaman ni Hesus ang kanilang binabalak laban sa Kanya. 

Kahit palihim ang pakikipagkita nina Hudas Iskariote sa mga Pariseo at mga matatanda ng bayan, alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Alam Niya na Siya'y dadakipin, at alam Niya kung sino ang magiging kasabwat ng Kanyang mga kalaban. Alam ni Hesus na isa sa Kanyang mga alagad ay traydor, kasabwat ng Kanyang mga kaaway. Nakipagsabwatan ang isa sa Kanyang mga alagad, ang isa sa mga itinuring Niyang kaibigan, sa mga kaaway Niya. Ang isa sa Kanyang mga alagad, ang isa sa Kanyang mga kaibigan, ay magiging taksil Niyang kaaway - si Hudas Iskariote. Mula sa pagiging alagad at matalik na kaibigan ni Hesus, tinalikuran at ipinagkanulo ni Hudas si Hesus. 

Ano ang naramdaman ni Hesus noong naisip Niya ito? Lungkot dahil sa nawalan Siya ng kaibigan? Siguro. Matagal na silang nagsama bilang magkaibigan. Mga tatlong taon sila nagsama bilang magkaibigan. Pagkatapos ng tatlong taon, nang dahil sa salapi, binalewala ang pagkakaibigan. Nang dahil sa salapi, tinalikuran ang kaibigan. Napakasakit para kay Hesus na malaman na isa sa mga matalik Niyang kaibigan ang Siyang magiging taksil Niyang kaaway. 

Kahit binalewala ni Hudas Iskariote ang tatlong taong ng kanyang pagsasama at pagkakaibigan kay Hesus, hindi nagtanim ng galit si Hesus. Hindi ninais ni Hesus na mapahamak si Hudas Iskariote, kahit napakalaki at napakabigat ng kasalanang gagawin ni Hudas laban sa Kanya. Hindi kinalimutan ni Hesus ang kanilang pagsasama at pagkakaibigan na tumagal sa loob ng tatlong taon. Hindi nagwala si Hesus noong malaman Niya na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote. Bagkus, awa pa rin ang ipinakita ni Hesus kay Hudas, kahit kapootan ang ipinakita ni Hudas sa pamamagitan ng kanyang pagtataksil sa Kanya. 

Madalas nating kalimutan ang Diyos, lalung-lalo na kapag maginhawa ang buhay natin. Kapag nakakaranas tayo ng tagumpay sa buhay, hindi natin naalala ang Diyos. Hindi natin pinapansin ang Panginoon kapag matagumpay at maginhawa ang ating buhay. Kung kailan tayo nahihirapan sa buhay, saka pa lamang natin naaalala ang Diyos. Subalit, ang Diyos ay hindi nakakalimot. Hinding-hindi tayo nakakalimutan ng Diyos. Lagi Niya tayong naaalala sa bawat araw. 

Ilang ulit man nating kalimutan ang Diyos, katulad ni Hudas Iskariote, hinding-hindi tayo nililimot ng Diyos. Hinding-hindi tayo kakalimutan ng Diyos. Lagi tayong naalala ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalaala sa atin, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang Dakilang Awa at Habag sa ating lahat. Nasa atin ang desisyon kung papansinin natin ang pagpapadama ng Awa ng Diyos sa atin. Tayo ang magpapasiya kung ano ang ating tugon sa pagpapadama ng Awa ng Diyos sa atin. 

Sabado, Marso 19, 2016

KAHINAAN NG LOOB

22 Marso 2016
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Dalawa sa mga alagad ni Hesus ang magpapakita ng mga matitinding gawain na nagpapakitang tinalikuran nila ang Panginoon. Una, si Hudas Iskariote. Si Hudas Iskariote ang magkakanulo sa Panginoong Hesus sa pamamagitan ng halik. Tatlumpung pirasong pilak ang ibabayad kay Hudas Iskariote matapos niyang ipagkanulo ang Panginoon. Pangalawa, si San Pedro Apostol. Si San Pedro Apostol ang punong alagad ng Panginoong Hesukristo. Subalit, dahil sa kanyang takot na madakip at patayin, katulad ng Panginoon; tatlong ulit na ipinagkaila ni San Pedro Apostol na siya'y alagad ni Hesus. Kahinaan ng loob ang dahilan kaya ginawa ng dalawang alagad na ito ang kanilang pagtalikod sa Panginoon. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na alam ni Hesus kung ano ang gagawin ng dalawang ito. Kahit nasa hapag-kainan at nagsasalu-salo kasama ang Kanyang mga alagad, alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa mga alagad sa gabi ng Kanyang pagdurusa. Alam ni Hesus na magkakawatak-watak ang Kanyang mga alagad dahil sa Kanyang pagkadakip at pagkamatay sa kamay ng mga pinuno ng bayan. Nalalaman din ni Hesus na dalawa sa mga alagad na kasalo Niya sa hapag-kainan ay may napakahalagang papel sa Kanyang Misteryo Paskwal. 

Ang una ay si Hudas Iskariote. Siya ang taga-ingat ng mga salapi. Subalit, magnanakaw din si Hudas Iskariote. Kinukupit niya ang pera ng samahan. Pera ang kanyang habol. Salapi lamang ang kanyang kagustuhan. Nais niyang magkaroon ng pera. Nais niyang dumami ang kanyang kinikita. Gusto niyang dumami ang kanyang pera at kayamanan para sa kanyang sarili. Nagbubulag-bulagan siya sa pera. Binubulag niya ang sarili dahil sa pera. Pumayag siyang ipagkanulo ang Panginoong Hesukristo dahil sa salapi. Para kay Hudas, mas mahalaga ang salapi kaysa sa pagkakaibigan. 

Ang pangalawa naman ay si San Pedro Apostol. Siya ang nagpahayag na si Hesus ang Mesiyas sa lupain Cesarea ng Filipos. Hinirang siya ng Panginoong Hesukristo bilang bato. Siya ang bato kung saan itatag ni Hesus ang Kanyang Simbahan. Siya ay hinirang upang maging pinuno ng mga alagad. Ipinagkatiwala sa kanya ni Hesus ang mga susi ng langit. Subalit, takot ang nanaig kay San Pedro Apostol sa mga huling sandali ng buhay ni Hesus. Kahit na malakas na sinabi ni San Pedro Apostol na hindi niya tatalikuran o pababayaan ang Panginoon hanggang kamatayan, alam ng Panginoon na hindi mangyayari iyon. Alam ng Panginoon na tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni San Pedro Apostol. At gayon nga ang nangyari. 

Kahinaan ng loob. Ito ang dahilan kaya si Kristo ay tinalikuran ng dalawang alagad na ito. Humina ang kanilang kalooban. Sa harap ng pagsubok, bumagsak sila. Kung maihahalintulad ito sa isang pagsusulit sa mga paaralan, bagsak sila San Pedro Apostol at Hudas Iskariote. Ang isa ay nagpadala sa kanyang pagnanasa para sa mga kayamanan at kapangyarihang mula sa mundong ito. Ang isa naman ay nagpadala sa kanyang takot. Marami silang kahinaan, kabilang na doon ang paghahangad ng kayamanan at kapangyarihan sa mundo at ang takot. Dahil sa mga kahinaan na ito, bumagsak sila San Pedro Apostol at Hudas Iskariote bilang mga alagad ni Hesus. Hindi sila pumasa sa pagsusulit. 

Hindi masama ang pagkakaroon ng kahinaan. Likas sa ating pagkatao ang kahinaan. Mayroon tayong mga karupukan, at hindi natin maipagkakaila iyon. May mga pagkakataong kung saan ipinapakita natin ang ating mga kahinaan. Hindi natin kayang takasan ang ating mga kahinaan. Anuman ang gawin natin, may mga karupukan tayo bilang tao. Marupok ang tao. Hindi natin maipagkakaila ang katotohanang iyon. Katulad ng nasasaad sa titik ng isang awitin,

"Ang tao'y marupok, kay daling lumimot. 
Sa Diyos na ang lahat ay Siya ang nagdulot.

Ano ang reaksyon ng Panginoong Hesukristo nang makita Niya ang kahinaan ng Kanyang mga alagad sa mga sandali ng Kanyang pagdurusa? Awa. Isang napakagandang halimbawa ay ang ginawa ni Hesus matapos ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. Matapos ipagkaila ni San Pedro Apostol ng tatlong ulit na hindi niya kilala ang Panginoong Hesus, tinitigan ng Panginoong Hesus si San Pedro Apostol. Nakipagtitigan Siya kay San Pedro Apostol. Walang galit na makikita sa mata ni Hesus noong nakipagtitigan Siya kay San Pedro Apostol matapos ang tatlong ulit na pagkakailang ginawa niya. Mga matang puno ng awa ang ipinakita ni Hesus noong Siya'y nakipagtitigan kay Apostol San Pedro. Ito ang nagpatangis kay San Pedro Apostol at nagpaalala sa pahayag ni Hesus noong sila'y magkasalo sa hapag-kainan bago Siya idinakip ng mga kawal. 

Awa ang tugon ng Panginoon sa bawat isa sa atin. Sa tuwing nakikita Niyang ipinapamalas natin ang ating mga kahinaan, awa ang Kanyang ipinapamalas. Awa ang Kanyang tugon sa kahinaan ng loob ng bawat isa. Pinapalakas ng Panginoon ang ating mga kalooban sa pamamagitan ng pagpapamalas ng Kanyang Awa sa ating lahat. Ang Awa ng Panginoon ay nagdudulot ng lakas sa kalooban ng bawat isa na punung-puno ng kahinaan. Sa tuwing tayo ay nakakaranas ng kahinaan sa ating kalooban at gusto nang sumuko, nandiyan ang Awa ng Diyos upang palakasin tayo. Sa pamamagitan ng lakas na dulot ng Awa ng Panginoong Diyos, tayo'y nagkakaroon ng lakas upang harapin ang bawat yugto ng buhay. 

PASASALAMAT AT PAGTANAW NG UTANG NA LOOB SA PANGINOON

21 Marso 2016 
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 



Sa Ebanghelyo, binusan ng kapatid ni Lazaro na si Maria ang paa ni Hesus. Pinaglingkuran ni Mariang kapatid ni Lazaro si Hesus sa pamamagitan ng pagbuhos ng langis sa mga paa ni Hesus. Subalit, ang ginawang pagbuhos ng langis ni Mariang taga-Betania sa mga paa ni Hesus ay nagdulot ng kontrobersya. Ang langis na binusan sa paa ng Panginoong Hesus ay napakamamahalin. Pinagsalitaan ng masama si Mariang kapatid ni Lazaro dahil napakamahal ang langis na binili niya. Maski si Hudas Iskariote, ang magkakanulo sa Panginoon, ay nagalit nang masaksihan niya ang pangyayaring ito. 

Ang daming sigurong humusga kay Santa Mariang taga-Betania sa mga sandaling yaon. Ang ibang taong nagkatipon sa lugar ng tatlong magkapatid sa Betania ay nagbulung-bulungan. Si Mariang taga-Betania ang pinagbubulung-bulungan ng mga ibang taong nagkatipon sa bahay nila noon. Binatikos si Mariang taga-Betania dahil sa langis na binuusan niya sa paanan ni Hesus. Maraming batikos ang tinanggap ni Maria dahil sa kanyang ginawa para sa Panginoong Hesus. Dahil sa ginawang pagbuhos ng langis ni Maria sa paa ni Hesus, marami ang bumatikos kay Maria. Naamoy ng lahat ng nagkatipon sa bahay na iyon ang langis na iyon, at alam ng lahat na napakamahal ng langis na binili ni Maria. Kaya, marami ang bumatikos kay Maria. Maski si Hudas Iskariote na magkakanulo sa Panginoong Hesus ay bumatikos rin kay Maria dahil sa kanyang ginawa. 

Sa kabila ng mga batikos na ginawa laban kay Maria, pinagtanggol pa rin siya ni Hesus. Alam ni Hesus na ginawa ni Maria ang lahat, mabili lang niya ang langis na iyon. Nalalaman ni Hesus na malinis ang mga intensyon ni Maria. Ginawa ni Maria ang lahat upang mabili ang langis na iyon. Pinaghirapan niyang bilhan ang langis na iyon para lamang kay Hesus. Tumatanaw ng utang na loob si Maria kay Hesus. Isa itong gawa ng pasasalamat ni Maria para kay Hesus. Nagpapasalamat si Maria kay Hesus dahil muling binuhay ni Hesus ang kanyang kapatid na si Lazaro. Bilang pasasalamat, binusan ni Maria ng langis ang mga paa ni Hesus. 

Napakahalaga para sa ating mga Pilipino ang pagtanaw ng utang na loob. Tumatanaw tayo ng utang na loob sa gumawa ng mabuti para sa atin. Hindi natin kinakalimutan ang kabutihang ginawa sa atin o para sa atin. Lagi nating inaalala ang mga mabubuting ginawa ng tao para sa atin. Ayaw nating kalimutan ang mga mabubuting ginawa sa atin. Sinisikapan nating huwag kalimutan ang mga taong gumawa ng mabuti para sa atin. Nais nating bayaran ang mga taong gumawa ng mabuti sa atin sa pamamagitan din ng paggawa ng mabuti para sa kanila. Nais nating ipakita ang ating utang na loob at pasasalamat sa kanila. Nais nating pasalamatan sila muli kapag dumating ang araw na muli natin sila makikita. 

Ganyan din ang ginagawa natin bilang mga Pilipinong Katoliko, lalung-lalo na tuwing sasapit ang Mahal na Araw. Nandiyan ang Pabasa ng Pasyong Mahal. Marami ang mga nagpa-Pabasa tuwing Mahal na Araw. May mga sumasali sa peregrinasyon o pilgrimahe sa mga lugar katulad ng Antipolo, Manaoag, Marilao (Bulacan), Kamay ni Hesus sa Lucban, Quezon; atbp. Sa Maynila, dalawa sa mga Simbahang dinadagsaan ng mga deboto ay ang Katedral ng Maynila (Manila Cathedral) sa Intramuros at ang Basilica Minor del Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Quiapo. Tuwing Huwebes Santo, marami sa atin ay nagbi-Bisita Iglesya. Pitong Simbahan ang dinadalaw natin sa gabi ng Huwebes Santo para sa Bisita Iglesya. Nagdarasal din tayo ng Daan ng Krus (Via Crucis) tuwing Mahal na Araw. Iilan lamang iyan sa mga ginagawa natin bilang mga Katolikong Pilipino tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma at Mahal na Araw. 

Bakit natin ginagawa ang mga iyan? Sapagkat nagpapasalamat tayo sa Panginoon sa mga ginawa Niya para sa atin. Tumatanaw tayo ng utang na loob sa Kanya. Mayroon tayong utang na loob sa Panginoon. Ang ating pamamanata ay isa sa mga paraan ng pagpapakita ng pasasalamat sa Panginoong Diyos. Tayo ay namamanata sapagkat nagpapasalamat tayo sa Panginoon. Hinding-hindi nating kinakalimutan ang mga ginawa ng Panginoon para sa atin. Ang bawat pagpapala at biyayang ating tinatanggap ay nagmumula sa Panginoon. Sa pagkakaloob ng mga pagpapala at biyaya sa atin, ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang Awa sa ating lahat. Hindi nating mabayaran ng lubos ang mga Gawa ng Awa ng Panginoon para sa atin. Subalit, ang mahalaga ay hindi natin kinakalimutan ang Panginoon at ang mga Gawa ng Awa na Kanyang ginawa para sa atin. Lagi nating pasalamatan ang Panginoon dahil sa Kanyang Awang walang hanggan. 

Masasaksihan sa mga Mahal na Araw ang pinakadakilang Gawa ng Awa ng Diyos para sa atin - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Sa pamamagitan ng Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Kristo, ipinapakita ng Diyos ang kapangyarihan ng Kanyang Awa at Pagmamahal sa sangkatauhan. Katulad ni Maria na nagbuhos ng langis sa paa ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo, huwag nating kalimutan ang mga Gawa ng Awa na ginawa ng Diyos. Hindi dapat limutin ninuman ang kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Sapagkat sa pamamagitan ng Kanyang Awa ay tinubos ng Panginoon ang sandaigdigan. 

Sabado, Marso 12, 2016

MAPAGPAKUMBABA, MASUNURIN, AT MAHINAHON

20 Marso 2016
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (K) 
Sa Prusisyon ng Palaspas: Lucas 19, 28-40 
Sa Banal na Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49)


Sinisimulan ng Inang Simbahan sa araw na ito ang mga Mahal na Araw. Tuwing kapanahunan ng Semana Santa, ginugunita ng Simbahan ang Misteryo Paskwal - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Si Hesus ay nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay upang ipakita at ipadama sa sangkatauhan ang Dakilang Awa ng Diyos. Inalay ng Panginoon ang Kanyang buhay alang-alang sa ating mga kasalanan. Napakaespesyal ng Mahal na Araw ngayong taon, lalung-lalo na't napapaloob ito sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco noong nakaraang taon. 

Ngayong araw na ito ang unang araw ng Semana Santa. Sa araw na ito ng Linggo ng Palaspas, ginugunita natin ang Maluwalhating Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem. Pumasok si Hesus sa Jerusalem na nakasakay sa isang asno upang harapin at ganapin ang Kanyang misyon. Sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem, sinalubong Siya ng napakaraming taong nagwawagayway ng kanilang mga palaspas at inilalatag ang kanilang mga balabal sa daan. Ang mga tao'y nagbigay-puri sa Diyos at sa Panginoong Hesus. Subalit, ang mga taong sumalubong sa Panginoong Hesukristo noong Siya'y pumasok sa Jerusalem ang sumigaw kay Pilato upang hilingin ang Kanyang kamatayan sa kahuli-hulihan. 

Tatlong katangian ng Panginoong Hesukristo ang ipinapahiwatig ng mga Pagbasa ngayong Linggo ng Palaspas - ang pagiging mapagpakumbaba, masunurin, at mahinahon. Ipinakita ng Panginoong Hesus ang mga katangiang ito noong Siya'y pumasok sa Jerusalem at noong hinaharap Niya ang Kanyang pagdurusa. 

Una, ang pagiging mapagpakumbaba. Noong ang Panginoong Hesukristo ay pumasok sa lungsod ng Jerusalem, Siya ay nakasakay sa isang bisirong asno. Ito ay tanda ng Kanyang pagpapakumbaba. Katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, "Hinubad Niya (ni Hesus) ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay na isang alipin." (Filipos 2, 7) Si Hesus ay nagpakumbaba noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Siya'y nagkatawang-tao at ipinanganak ng isang babae, ang Mahal na Birheng Maria. Ngayong matatapos na ng Kanyang misyon, nanatili pa rin Siyang mapagpakumbaba. Hindi isang kabayo ang pinili ni Hesus upang isakay patungong Jerusalem. Bagkus, isang bisirong asno ang pinili at isinakay ni Hesus papasok sa Jerusalem. 

Mula pa sa pagsilang ni Hesus, hindi naging ekstraordinario ang Kanyang buhay. Hindi Niya itinaas ang Kanyang sarili. Bagkus, namuhay Siya ng buong kapakumbabaan at kahinahunan. Tinuruan din ng Panginoong Hesus ang Kanyang mga tagasunod at mga alagad na dapat silang magpakumbaba at maging maawain sa bawat isa. Dagdag pa ni Hesus, dapat ding mahalin, paglingkuran, at tulungan ang kapwa. Isinabuhay at isinadiwa din ni Hesus ang Kanyang mga itinuro sa Kanyang mga tagapakinig at alagad. Hindi nagmataas si Hesus kahit kailan. Hindi Siya naging mayabang. Hindi hinangad ni Hesus na maging higit na dakila kaysa sa kapwa-tao noong Siya'y nandito sa daigdig. Bagkus, hinangad ni Hesus na maging kaisa ang tao sa lahat ng bagay, maliban sa kasalanan. 

Ikalawa, ang pagiging masunurin. Buong buhay ni Hesus, naging masunurin Siya sa kalooban ng Ama. Hanggang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, hindi Niya sinuway o tinalikuran ang kalooban ng Diyos. Bagkus, ayon pa kay San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, "Naging masunurin Siya (si Hesus) hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus." (Filipos 2, 8) Ganun din ang ipinahayag ni propeta Isaias tungkol kay Hesus sa Unang Pagbasa. Ipinakilala ni propeta Isaias ang isang lingkod ng Diyos na nagdurusa. Si Hesus ang lingkod ng Diyos na tinutukoy ni propeta Isaias. Tiniis ni Hesus ang lahat ng pagdustang ginawa laban sa Kanya, ngunit hindi sumuway sa kalooban ng Diyos kahit kailan. 

Para kay Hesus, hindi naging hadlang ang pagdurusa sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Bago Siya dinakip, nagdusa si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Doon sa hardin, taimtim na nanalangin si Hesus sa Ama na ilayo sa Kanya ang kalis ng pagdurusa. Sa mga sandaling yaon, natatakot si Hesus dahil sa mga pagdurusang dadanasin Niya. Sina Pedro, Santiago, at Juan - ang tatlong alagad na isinama Niya sa halamanan, ay natulog na lamang. Wala Siyang karamay sa mga sandaling yaon. Lumapit si Hesus sa Ama sa pamamagitan ng panalangin. Nakahanap si Hesus ng lakas ng loob sa Kanyang Ama. Kaya, sa katapusan ng Kanyang panalangin sa Getsemani, binigkas ni Hesus ang mga salitang ito, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." 

Ikatlo at panghuli, ang pagiging mahinahon. Kahinahunan. Noong si Kristo'y hinarap sa Sanedrin, kay Poncio Pilato, at kay Herodes, Siya'y naging mahinahon. Mahinahon si Hesus noong Siya'y hinatulan ng kamatayan ng Sanedrin. Kahit hindi naging patas ang pagsasakdal ng Sanedrin kay Hesus, hinatulan pa rin Siya ng kamatayan. Noong hinarap ang Panginoon kay Pilato, naging mahinahon din Siya. Ang tanong ni Pilato na Kanyang sinagot, ayon kay San Lucas, ay ang katanungan kung Siya ba ang Hari ng mga Hudyo. Pagkatapos noon, tahimik na lamang si Hesus. Mas lalong naging tahimik si Kristo noong Siya'y hinarap kay Herodes. Noong hiniling ni Herodes si Hesus na gumawa ng kababalaghan sa Kanyang harapan, hindi pinagbigyan ni Hesus ang kahilingan nito. Hindi kumibo si Hesus. Tahimik. Mahinahon. Kahit nasa harapan Niya ang pagdurusa, kapighatian, at kamatayan, nanatiling tahimik at mahinahon si Hesus. 

Ang hirap maging mahinahon sa panahon ngayon, lalung-lalo na't punung-puno na ng kaguluhan ang ating kapaligiran. Sa panahon ngayon, dinadaanan na lamang sa karahasan ang pagtugon sa sari-saring mga problema. Wala nang puwang sa atin ang kahinahunan. Kinakailangang maging marahas ang tao kung maghahanap ng solusyon sa mga problema at kaguluhan ngayon. Mag-aayos lang ng problema, dadaanan sa karahasan. Ano na ang nangyari sa kahinahunan? 

Nahirapan din siguro si Hesus sa pananatiling mahinahon sa mga sandaling yaon. Subalit, pinili pa rin ni Hesus na maging mahinahon, kahit hinaharap Niya ang pagdurusa, kapighatian, at kamatayan. Si Hesus ay naging mahinahon sa kabila ng mga sigaw ng mga tao noong Siya'y pumasok sa Jerusalem at noong hinatulan Siya ng kamatayan. Sa halip na maging marahas, pinili ni Hesus na maging mahinahon at maamo, kahit hinaharap Niya ang pagdurusa at kamatayan. 

Sa kabila ng mga sigaw ng mga taong nagbibigay-pugay sa Kanya noong Siya'y pumasok sa Jerusalem, nanatiling mapagpakumbaba, masunurin, at mahinahon ang Panginoong Hesukristo. Kahit na tinalikuran Siya ng mga taong sumalubong at nagbigay-pugay sa Kanya noong Siya'y hinarap ni Pilato, nanatili pa rin Siyang mapagpakumbaba, masunurin, at mahinahon. Hindi nagpadala si Hesus sa mga sigaw ng mga tao para sa Kanya at laban sa Kanya. Bagkus, tiniis at pinagdaanan ni Hesus ang lahat ng iyon. Hinarap ni Hesus ang lahat ng iyon nang buong pagpapakumbaba, kahinahunan, at pagtalima sa Diyos. Tiniis Niya ang lahat ng iyon alang-alang sa ating kaligtasan. Nakamit ni Hesus ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis nang buong kapakumbabaan, kahinahunan, at pagtalima sa kalooban ng Ama. Sa gayon, tayong lahat ay naligtas ng Diyos dahil sa pagpapamalas ng Kanyang Awa sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Linggo, Marso 6, 2016

TAHIMIK, MASIPAG, MASUNURIN

19 Marso 2016
Dakilang Kapistahan ni San Jose,
Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen (ABK) 

2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 



Matatagpuan sa mga unang kabanata ng Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas ang ilan sa mga sandali sa buhay ni San Jose. Sa Ebanghelyo ni San Mateo, tinanggap ni San Jose ang Mahal na Birheng Maria bilang kanyang esposo bago isinilang si Hesus. Pagkatapos ng pagsilang ni Hesus, itinakas ni San Jose ang Mahal na Birheng Maria at ang Sanggol na Hesus mula kay Haring Herodes patungo sa Ehipto. Una siyang mapapakinggan sa salaysay ng pagsilang ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ni San Lucas. Muli siyang mapapakinggan sa Ebanghelyo ni San Lucas noong dinala sa Templo ang Sanggol na Hesus upang ihandog. Ang huling sandaling ni San Jose na naitala ni San Lucas sa kanyang pagsasalaysay ng Mabuting Balita ay noong hinanap ang Batang Hesus sa Templo. Wala na tayong mapapakinggan tungkol kay San Jose noong sinimulan na ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang ministeryo. 

Ang pagsasalarawan nina San Mateo at San Lucas kay San Jose sa kanilang pagsasalaysay ng Mabuting Balita ay nakakainteresado. Sa pagsasalarawan nina San Mateo at San Lucas kay San Jose, naitala nilang dalawa ang tatlong katangian ni San Jose na nakakainteresado. Bagamat may mga pagkakaiba sina San Mateo at San Lucas sa pamamaraan ng kanilang pagsasalaysay, itinala nilang dalawa ang tatlong nakakainteresadong katangian ni San Jose - ang kanyang katahimikan, kasipagan, at pagiging masunurin (lalung-lalo na sa kalooban ng Diyos). 

Una, tahimik si San Jose. Isang nakaka-interesadong katangian ni San Jose ay ang kanyang katahimikan. Laging tahimik si San Jose kapag mapapakinggan natin siya sa Ebanghelyo. Wala, ni isang salita na lumabas mula sa bibig ni San Jose. Walang naitalang salita si San Jose sa mga Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas. Walang salitang lumabas mula sa labi ni San Jose. Puro katahimikan at gawa lamang ang ginawa ni San Jose, ayon kina San Mateo at San Lucas. Hindi siya yung tipong pala-salita. Isang taong tahimik si San Jose. 

Ikalawa, masipag si San Jose. Kahit tahimik si San Jose sa mga Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas, si San Jose ay masipag. Karpintero ang hanapbuhay ni San Jose, ayon sa mga Ebanghelista. Bilang isang karpintero, pinagbubutihan ni San Jose ang kanyang paghahanap-buhay, katulad ng napakaraming mga manggagawa. Masipag siya sa kanyang paghahanap-buhay para sa kanyang pamilya. Nais niyang mamuhay nang maginhawa ang kanyang mga kapamilya. Nais din niyang mapabuti at mapaganda ang kanyang sariling buhay. Kaya, buong sipag at tiyagang naghanap-buhay si San Jose upang mapaganda ang kanyang buhay at ang buhay ng kanyang mga kapamilya. 

Ikatlo, masunurin si San Jose. Isang napakagandang huwaran ng pagiging masunurin si San Jose. Masunurin si San Jose, lalung-lalo na sa kalooban ng Diyos. Laging tumatalima si San Jose sa mga kalooban at plano ng Diyos. Hindi siya natatakot tumalima sa kalooban ng Diyos. Hindi rin niya sinuway ang kalooban ng Diyos. Bagkus, tahimik siyang tumalima sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng tahimik na pagtalima ni San Jose sa kalooban ng Diyos, ipinapakita niya ang kanyang napakalaking pananalig sa Diyos. 

Napakahalaga ng katahimikan, kasipagan, at pagiging masunurin. Kinakailangan natin ng katahimikan upang magmuni-muni, magnilay, mag-isip-isip. Kinakailangan din natin ng katahimikan upang mapalakas ang ating mga sarili, lalung-lalo na ang ating kalooban. Mahalaga din para sa atin ang kasipagan, katulad ng mga manggagawa. Ang mga manggagawa, katulad ni San Jose, ay buong kasipagang nagsusumikap sa kanilang paghahanap-buhay upang mapaganda at mapabuti ang buhay nila at ng kani-kanilang mga pamilya. Kinakailangang maging masipag tayo sa pagtulong sa kapwa upang mapabuti ang buhay ng bawat isa sa atin. Higit sa lahat, kinakailangan din nating sumunod at tumalima sa Diyos at kapwa. Sa pagsunod at pagtalima sa Diyos at kapwa, ipinapakita natin ang ating pananalig at pagmamahal sa Diyos at kapwa. 

Tahimik, masipag, at masunurin. Iyan si San Jose. Iyan ang mga katangiang ipinakita ni San Jose sa kanyang buhay hanggang sa kamatayan. Ginamit niya ang mga katangiang ito para sa ikadarakila ng Diyos. Ginamit ni San Jose ang mga katangiang ito upang magbigay kapurihan, karangalan, at pagsamba sa Diyos. Tahimik na tumalima nang buong kasipagan at pananalig si San Jose sa kalooban ng Diyos hanggang sa araw ng kanyang pagpanaw. Sa gayon, naipakita ni San Jose ang kanyang pananalig at pagmamahal sa Diyos buong buhay niya.