Lunes, Setyembre 12, 2016

MARIA: PATULOY NA NANALIG SA AWA NG DIYOS SA GITNA NG PAGDADALAMHATI

15 Setyembre 2016 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 



Bago ang Aleluya at Mabuting Balita, ipinahayag o inawit ang Stabat Mater, ang Awit tungkol sa Mabuting Balita (Sequencia). Ang pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria habang nasa paanan ng krus ng Panginoong Hesus ay isinalarawan sa awiting ito. Labis na nasugatan ang puso ng Mahal na Inang si Maria habang pinagmamasdan ang kanyang Anak na si Hesus na nagdurusa at unti-unting nawawalan ng buhay sa krus. Tumutulo ang luha ng Mahal na Birheng Maria habang pinagmamasdan ang Panginoong Hesukristo na nakabayubay sa krus. 

Nakasulat sa Ebanghelyo ngayon na si Maria ay nakatayo sa paanan ng krus ni Hesus. Kahit nagdadalamhati, kahit puspos ng kapighatian ang kanyang puso, nakatayo pa rin si Maria. Kahit napapaluha at napapatangis si Maria dahil sa kanyang pinagmamasdan, nakatinding pa rin siya sa paanan ng krus ni Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria ay nakatindig sa paanan ng krus ni Kristo Hesus, sa gitna ng pagdadalamhati at kapighatian, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. 

Ano ang ipinakita ng Mahal na Ina noong siya'y nakatindig sa paanan ng krus ng Panginoon? Nagpakita ng matatag na pananalig ang Mahal na Ina noong siya'y tumindig sa paanan ng krus. Kahit nagdadalamhati, ang Mahal na Inang si Maria ay tumindig sa paanan ng krus ng Panginoong Hesus. Kahit napupuspos siya ng hapis, sakit, at kapighatian sa mga sandaling iyon, tumindig ang Mahal na Ina. Sa gitna ng sandaling iyon na puno ng kadiliman, ang Mahal na Ina ay nagpakita ng katatagan ng pananalig sa Awa ng Diyos sa pamamagitan ng pagtayo sa paanan ng krus ni Kristo, kahit nagdadalamhati at nagdurusang kasama Niya. 

Kadalasan, kapag hinaharap natin ang mga pagsubok sa buhay, nanghihina ang ating pananalig sa Diyos. Tinatanong natin kung nasaan ang Diyos sa mga oras ng pangangailangan. Lagi nating tinatanong kung bakit wala ang Diyos sa mga oras kung kailan kailangan natin Siya. Nanghihina ang ating tiwala sa Diyos. Parang gusto na nating sa ating mahinang pananalig sa Diyos. Mahirap nang manalig sa Diyos sa mga sandaling iyon. Hindi na natin alam kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan. Hindi na natin alam kung saan o kanino tayo kakapit. Hindi na natin alam kung dapat nating pagkatiwalaan ang Diyos. Hindi na natin alam kung dapat ba tayong kumapit sa Poong Maykapal. 

Ang Mahal na Birheng Maria, habang nakatindig sa paanan ng krus ni Hesus, ay hindi nawalan ng pananalig sa Awa ng Diyos. Buo ang pananalig ng Birheng Maria sa Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na magtatagumpay ang Awa ng Diyos. Nanalig si Maria sa plano ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na hindi pa kumpleto ang pinakadakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na ang kamatayan ni Hesus sa krus ay hindi katapusan ng lahat. Nanalig si Maria na ang kanyang pagdadalamhati dahil sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa krus ay hindi magtatagal. Nanalig si Maria na muling mabubuhay si Hesus sa ikatlong araw. Nanalig si Maria na ang kanyang pagtangis ay mapapawi sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Tularan natin ang halimbawa ng ating Mahal na Inang si Maria. Ibinahagi siya sa atin ng Poong Hesus habang nakabayubay sa krus bilang ating Ina at huwaran ng pananalig sa Maykapal, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Itinuro siya ni Hesus na Poong Mahal sa ating lahat, mga kinatawan ni Apostol San Juan. Utos sa atin ng ating Manunubos at Poong si Hesus habang nakabayubay sa krus, "Narito ang iyong Ina!" (19, 27) Parang sinasabi sa atin ni Hesus, "Ang Aking Inang si Maria ay ibinabahagi Ko sa inyo bilang inyo ring ina at huwaran. Tularan ninyo siya. Tularan ninyo ang kanyang pananalig sa Aking Awa." 

Tularan natin ang Mahal na Inang si Maria na Nagdadalamhati. Nanalig ang ating Inang si Maria sa Awa ng Diyos, kahit siya'y tigib ng luha at hapis sa pagpanaw ng kanyang Anak na sinisinta sa krus ng Kalbaryo. Manalig din nawa tayo sa Awa ng Diyos, kahit nasa gitna ng mga madidilim na sandali ng buhay, katulad ng ating Mahal na Ina ng Hapis, ang Mahal na Birheng Maria. 

Linggo, Setyembre 11, 2016

HUWAG KALIMUTAN ANG AWA NG DIYOS NA IPINAMALAS SA KRUS NI HESUS

14 Setyembre 2016 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


courtesy: Mr. Noli Yamsuan (http://rcam.org/)

Ilan sa mga dambanang dinadayo ng mga deboto at mananampalatayang Pilipino ay ang Quiapo, Antipolo, at Baclaran. Ang Quiapo ay dinadagsa dahil sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Baclaran naman ay dinadagsa dahil sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Ang Antipolo naman ay dinadagsa dahil sa Mahal na Birhen ng Antipolo, ang Mahal na Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. 

Karamihan sa mga pumupunta sa mga lugar na iyon ay may mga panalangin at kahilingan. Halimbawa, ang mga kukuha ng panglisensyadong pagsusulit, ang mga maysakit at karamdaman, ang mga manlalakbay, ang mga naghahanap ng trabaho, ang mga estudyante sa mataas na paaralan at kolehiyo, ang mga sawi sa pag-ibig, at marami pang iba. Lahat sila ay pumupunta sa mga lugar na ito upang hilingin sa Diyos na pakinggan at tuparin ang kanilang mga panalangin. 

At kapag tinupad ng Diyos ang kanilang mga kahilingan, marami sa kanila ang bumabalik sa mga banal na lugar na iyon upang magpasalamat sa Kanya. Sila'y nagpapasalamat sa Dios sapagkat dininig Niya ang kanilang mga panalangin at kahilingan. Nagpapasalamat sila dahil ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa kanila. Nagpapasalamat din sila sa Mahal na Ina at ang mga santo at santa ng Simbahan. Pinasasalamatan din nila ang Mahal na Ina at ang mga santo at santa sapagkat sila'y tinulungan at sinamahan nila sa pananalangin sa Diyos upang matupad ang kani-kanilang mga panalangin at kahilingan. At doon nagsisimula ang kanilang pagdedebosyon sa Panginoon, sa Mahal na Ina, at sa mga banal. 

Gaya ng tugon sa ating Salmo ngayon, hindi nila kinalimutan ang ginawa ng Diyos para sa kanila. Hindi nila kinalimutan ang Awa ng Diyos. Hindi nila kinalimutan ang kabutihan ng Diyos. Naalala nila ang kabutihan at Awa ng Diyos. Lumingon sila sa kanilang pinanggalingan - ang Diyos. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi nila makakamit ang kanilang mga pangarap at mithiin. Ang Diyos ang dahilan kung bakit nakamit nila ang kanilang mga pangarap at mithiin sa buhay. Kaya, bilang pasasalamat sa Diyos, nagsisimba sila. 

Ang mga Pagbasa ngayong Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ay isang pagtatampok sa mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Hindi natin mabibilang ang mga dakilang Gawa ng Awa na ginawa ng Diyos. Ang mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos ay hindi dapat makalimutan. Dapat alalahanin ang mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Maraming kahanga-hanga at dakilang bagay ang nagagawa ng Diyos dahil sa Kanyang Awa. Sapagkat ang Diyos ay puspos ng Awa. Ang Diyos ang pinagmulan at bukal ng Awa. 

Sa Unang Pagbasa, iniligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa kamatayan. Sa pamamagitan ng ahas na gawa sa tanso, iniligtas ng Diyos ang bawat Israelitang natuklaw ng isang makamandag na ahas. Sa Ikalawang Pagbasa, isinalaysay ni Apostol San Pablo ang pinakadakilang Gawa ng Awa - hinubad ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay bilang tao katulad natin (maliban sa kasalanan). At nang maging tao, inalay ni Hesus ang Kanyang sarili sa krus. Kaya, katulad ng sinabi ni San Pablo Apostol, itinampok Siya ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan (2, 9). At sa Ebanghelyo, ipinahayag na itatampok si Kristo sa krus, katulad ng ahas na tanso sa ilang, upang magkaroon ng buhay ang sinumang sumasampalataya sa Kanya. 

Gumawa ng maraming mga kahanga-hanga at dakilang bagay ang Diyos. Marami Siyang ginawang mga Gawa ng Awa. Subalit, ang pinakadakilang Gawa ng Awa na ginawa ng Diyos ay ang pag-aalay ng buhay ni Kristo Hesus sa krus. Itinampok ng Diyos ang Panginoong Hesus sa kahoy na krus upang ipamalas ang Kanyang Awa para sa sangkatauhan. Ang Panginoong Hesukristo na bugbog-sarado, dinudugo, nagdurusa, hinahamak at kinukutya ng mga tao habang nakabayubay sa krus, ay itinampok ng Diyos upang ipakita kung gaano kadakila ang Kanyang Awa. 

Hindi dapat makalimutan ang Awa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay iniligtas mula sa kasamaan at kasalanan. Tinubos tayong lahat mula sa kasalanan dahil sa Awa ng Diyos. Pinalaya tayo mula sa mga tanikala ng kasalanan dahil sa Awa ng Diyos. Nagkaroon tayo ng katubusan at kalayaan dahil sa Awa ng Diyos. At ang pinakadakilang larawan ng Awa ng Diyos ay si Kristong nakapako sa krus. 

Si Cardo ng teleseryeng Ang Probinsyano na ipinapalabas gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN, na mas kilala natin sa totoong buhay bilang si Coco Martin, ay deboto ng Poong Nazareno sa Quiapo. Ikinuwento niya sa isang panayam sa ABS-CBN na lagi siyang nagdadasal at nagsisimba sa Quiapo kasama ang kanyang lola noong bata pa siya. Pumunta siya sa Quiapo noong naghahanap siya ng trabaho. Nanalangin siya nang taimtim sa Mahal na Poong Nazareno na bigyan siya ng trabaho, kahit hindi na siya matulog. At dahil diyan, nakarating na siya sa kanyang kinaroroonan ngayon - isang masikat na artista na mapapanood gabi-gabi sa ABS-CBN. Subalit, kahit isa na siyang napakasikat na artista, patuloy pa rin siyang pumupunta sa Quiapo upang magdasal at magpasalamat sa Mahal na Poong Nazareno. Katulad ng ibang mga deboto, hindi nakakalimutan ni Coco Martin ang Mahal na Poong Nazareno. 

Kung ang mga masisikat na artista katulad ni Coco Martin ay hindi nakakalimot sa Panginoon, tayo pa kaya? Naaalala pa ba natin ang Diyos?

Huwag nating kalimutan ang Diyos. Huwag nating kalimutan ang Kanyang Awa. Huwag nating kalimutan ang awang ipinamalas sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng krus ni Hesus. Alalahanin natin ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Hesus sa krus upang ipamalas sa atin ang Awa ng Diyos. Itinampok si Hesus sa krus upang ipamalas sa atin ang Awa ng Diyos na napakadakila at kahanga-hanga. 

Salamat, O Hesus, sa pagpapamalas ng walang hanggang Awa ng Diyos sa pamamagitan ng Iyong pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Salamat at itinampok Mo ang Iyong sarili sa krus upang mamulat ang aming mga mata sa kadakilaan ng Awa ng Diyos. Amen. 

Sabado, Setyembre 10, 2016

PAGHINGI NG AWA AT KAPATAWARAN MULA SA DIYOS

11 Setyembre 2016 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-32 (o kaya: 15, 1-10) 



Isang linggo na ang nakalipas magmula noong natapos ang pag-ere ng teleseryeng Tubig at Langis sa ABS-CBN. Isa sa mga karakter sa teleseryeng iyon na hinding-hindi ko makakalimutan ay si Lucy (Dionne Monsanto). Sa simula ng teleserye, siya'y isang kontrabida. Naging kontrabida siya sa buhay ni Irene (Cristine Reyes) at ang kanyang pamilya. Subalit, habang nagpatuloy ang kwento, siya'y nagkaroon ng pagbabago. Mula sa pagiging kontrabida, siya'y naging isang mabuting tao at kakampi nina Irene at Natoy (Zanjoe Marudo). Nagbagong-buhay siya, humingi ng kapatawaran kina Irene at sa kanyang pamilya para sa kanyang mga pagkakamali laban sa kanila. Napatunayan niyang hindi pa huli ang lahat upang magbagong-buhay, magsimula muli, at pumanig sa kabutihan. 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa paghingi ng awa at kapatawaran mula sa Diyos. Hindi nagsasawang magpatawad ang Dios. Lagi tayong hinihintay ng Diyos upang lumapit at humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Paulit-ulit na sinasabi ng ating Mahal na Santo Papa na si Papa Francisco, "Ang Dios ay hindi nagsasawang magpatawad. Tayo ang nagsasawang humingi ng kapatawaran mula sa Kanya." Tayo ang nagsasawa, hindi ang Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, si Moises ay humingi ng kapatawaran sa Diyos para sa mga kasalanang ginawa ng mga Israelita. Labis na nagalit ang Diyos sa ginawa ng mga Israelita. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga ginawa ng mga Israelita. Tinalikdan at sinuway ng mga Israelita ang utos ng Diyos. Subalit, si Moises ay nananalangin at nagsumamo sa Diyos na patawarin ang mga Israelita. Nananalangin si Moises na alalahanin ng Diyos ang pangakong Kanyang binitiwan kina Abraham, Isaac, at Jacob, na naging Kanyang mga lingkod. At dahil sa panalangin ni Moises, hindi tinuloy ng Diyos ang Kanyang planong lipulin ang mga Israelita. Dininggin ng Diyos ang panalangin ni Moises. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga Israelita noong hindi Niya tinuloy ang Kanyang plano. 

Kahit labis na nagalit at kinasuklaman ng Diyos ang ginawa ng mga Israelita, hindi Niya tinuloy ang paglipol sa mga Israelita. Dumalangin si Moises para sa mga Israelita. Hiniling niya sa Dios na kaawaan ang mga Israelita. Si Moises ang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Dios para sa mga Israelita. Nagtiwala si Moises sa Awa ng Diyos. Nagtiwala si Moises na ipapakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga Israelita. Gayon nga ang nangyari. Dahil sa panalangin ni Moises na nagpapakita ng pananalig sa Awa ng Dios, naligtas ang mga Israelita. Hindi sila nilipol o ipinahamak. Naligtas sila mula sa tiyak na kapahamakan. 

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tunay na dahilan ng pagparito ni Kristo Hesus sa daigdig. Ayon kay San Pablo, si Kristo ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. Hindi Siya naparito sa sanlibutan upang ipahamak, lipulin, o parusahan ang mga makasalanan dahil sa kanilang mga ginawang pagkakasala. Ang Panginoon ay naparito upang tubusin ang mga makasalanan. Si Kristo Hesus ay naparito sa sanlibutan upang ipakita at ibahagi ang Awa ng Diyos sa bawat makasalanan. 

Tayong lahat ang sinadya ni Hesus. Tayo ang dahilan kung bakit naparito si Hesus sa lupang ibabaw. Tayo ang dahilan kung bakit hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay tulad ng isang alipin.  Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang ipagtanggol at iligtas tayo mula sa mga pwersa ng kasamaan. Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang tayong lahat ay maligtas at maibalik sa tamang landas pabalik sa Ama. Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang tayong lahat ay magkaroon ng isang buhay na ganap at kasiya-siya. Sa pamamagitan ng mga iyon, ipinakita at ibinahagi sa atin ni Hesus ang Awa ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, tatlong parabula ang isinalaysay ng Panginoong Hesus. Tatlong talinghaga ang ginamit ni Hesus sa Kanyang pagtuturo tungkol sa Awa ng Diyos. Iisa lamang ang mensahe ng tatlong talinghagang ito - hindi titigil ang Diyos. Ang Diyos ay hindi titigil sa paghihintay para sa araw ng ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Labis ang kagalakan ng Diyos pagsapit ng araw na iyon. Nagagalak nang labis ang Diyos sa tuwing may (mga) makasalanang nagsisisi't tumatalikod sa kanilang mga kasalanan, at nagbabalik-loob sa Kanya.

Ang Diyos ay puspos ng Awa para sa sangkatauhan. Kinaawaan ng Diyos ang sangkatauhan, magkasala man sila nang paulit-ulit laban sa Kanya. Hindi Niya kasusuklaman ang tao kahit kailan. Kinaaawaan ng Diyos ang tao. Kasalanan ang kinasusuklaman ng Diyos, hindi ang tao. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang kasamaan at kasalanan. Pero, ang sangkatauhan ay napakahalaga sa paningin ng Diyos. Puspos ng awa at pagsinta ang pagtingin ng Panginoon sa tao. 

Masakit para sa Diyos ang mawalay tayo sa Kanyang paningin dahil sa ating mga kasalanan. Labag sa kalooban ng Diyos ang mawalay tayo sa Kanya. Hindi Niya gustong mawalay tayo sa Kanya. Hindi rin pumayag ang Diyos na mapahamak tayo dahil sa ating pagkawalay sa Kanya. Bagkus, hinubad ng Diyos ang Kanyang sarili, nagkatawang-tao, at namuhay bilang tao tulad natin (maliban sa kasalanan) sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ipinakita at ipinadama sa makasalanang sangkatauhan ang walang hanggang Awa ng Diyos. 

Kung si Hesus ay hindi nag-atubiling pumarito sa sanlibutan bilang Tagapagligtas natin, huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Diyos. Hindi nag-atubili si Hesus sa pagpapakita at pagbabahagi ng Kanyang Awa sa sangkatauhan. Hindi nag-atubili si Hesus nang Siya'y naging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) at nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang tayo'y tubusin. Huwag rin tayong mag-atubiling lumapit sa Panginoon upang hingin ang Kanyang Awa. Hinihintay tayo ng Panginoon na lumapit sa Kanya para humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Ang Panginoon ay hindi mag-aatubili sa pagkakaloob ng Kanyang Awa sa sinumang lumalapit sa Kanya upang hingin ito para sa kanyang mga kasalanan. 

Huwag tayong matakot lumapit sa Diyos. Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Diyos. Lumapit tayo sa Diyos at humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya para sa mga kasalanang nagawa natin. Ang kagalakan ng Diyos ay magiging labis-labis kapag tayo ay nagsisi't tumalikod sa ating mga kasalanan at nagbalik-loob sa Kanya. Hindi Niya itatakwil o ipagkakaila ang sinumang makasalanang nagsisisi't nagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, tatanggapin muli ng Diyos at pagkakalooban ng Kanyang Awa ang sinumang makasalanang nagsisisi mula sa kanyang mga kasalanan at nagbabalik-loob sa Kanya. 

Lunes, Setyembre 5, 2016

MARIA: ISINILANG NA PUNO NG GRASYA AT AWA NG DIYOS

8 Setyembre 2016 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 3, 1-4a/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 



Siyam na buwan matapos ang Kalinis-linisang Paglilihi sa kanya, ang Mahal na Birheng Maria ay iniluwal mula sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana. Isinilang ang Mahal na Birheng Maria sa daigdig na walang bahid ng kasalanang mana. Ito ay dahil sa awang ipinakita sa kanya ng Diyos noong Siya'y ipinaglihi ng kanyang inang si Santa Ana. Kaya, noong isinilang ang Mahal na Ina sa mundong ibabaw, siya'y napuno ng grasya at Awa ng Diyos. 

Ipinahintulot ng Diyos na mapuspos ng Kanyang grasya at Awa si Maria sapagkat hinirang Niya si Maria upang maging ina ni Kristo. Unang naranasan ng Mahal na Ina ang grasya at Awa ng Diyos sa sinapupunan ni Santa Ana. Dahil sa grasya at Awa ng Diyos, siya'y iniligtas ng Diyos mula sa dungis ng kasalanan. Si Kristo ay malinis at walang bahid ng kasalanan. Kaya, kinakailangang maging malinis ang magdadala sa Kanya. Dahil pinili ng Diyos ang Birheng Maria upang maging ina ni Kristo Hesus, iniligtas Niya ang Mahal na Birhen mula sa bahid ng kasalanang mana bago pa siya iluwal ng kanyang inang si Santa Ana. 

Ang Mahal na Birheng Maria ang babaeng itinutukoy ni propeta Mikas sa Unang Pagbasa. Isang babae ang magluluwal ng isang sanggol na nakatakdang maging hari. Natupad ang propesiyang ito noong ipinaglihi at iniluwal ang Hari ng mga Hari na si Kristo mula sa sinapupunan ng Mahal na Birhen. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang mga kaganapan noong ipinaglihi at iniluwal ni Maria si Hesus. Bago iluwal ni Maria si Hesus mula sa kanyang sinapupunan, nasangkot siya sa isang napakalaking kontrobersya. Natagpuan siyang buntis, nagdadalantao, sa labas ng kasal. Bago pa siya ikasal kay San Jose, ang Mahal na Birheng Maria ay natagpuang nagdadalantao. Isang napakalaking iskandalo ito noong kapanahunang iyon. Ang mga sangkot sa iskandalong ito ay tatanggap ng isang napakabigat na kaparusahan. Parurusahan ng kamatayan ang mga taong nahuli sa akto ng pakikiapid noong kapanahunang iyon. 

Subalit, naligtas si Maria mula sa panganib dahil sa grasya at Awa ng Diyos. Ang Diyos ay nagpasugo ng anghel upang magpakita kay San Jose sa pamamagitan ng panaginip. Nagpakita sa panaginip ni Jose ang isang anghel ng Panginoon upang ipahayag sa kanya ang kalooban ng Diyos. Ipinaliwanag ng anghel na nagpakita sa panaginip ni Jose na ang sanggol na dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay hindi bunga ng pakikiapid. Bagkus, si Maria ay nagdadalantao dahil niloob ng Diyos. Nagdalantao si Maria dahil ito'y kalooban ng Diyos. At ang sanggol na nasa sinapupunan ni Maria ay si Hesus, ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. 

Hindi pinabayaan ng Diyos na mapahamak ang Mahal na Birheng Maria. Hindi pinabayaan ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa oras ng pangangailangan. Nang dumating ang oras ng pangangailangan, ang Diyos ay sumaklolo sa Mahal na Ina. Ang Diyos ang naging tagapagtanggol at sanggalang ng Mahal na Inang si Maria sa oras ng matinding pangangailangan. Hindi kinalimutan o pinabayaan ng Diyos ang Mahal na Birhen. Lagi Niyang inaalala ang Mahal na Inang si Maria, ang Kanyang hinirang upang maging ina ng Panginoong Hesukristo. 

Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanang mana bago siya isilang, gayon din naman, iniligtas siya ng Diyos mula sa kapahamakan at kamatayan sa lupa. Naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang pagliligtas ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa lupa. 

Sa araw ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, alalahanin natin ang grasya at Awa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit naging malinis at kalugud-lugod ang Mahal na Inang si Maria sa paningin ng Diyos. Naranasan ni Maria ang grasya at Awa ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay. Mula noong ipinaglihi siya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay sa daigdig, ang grasya at Awa ng Diyos ay laging naranasan ni Maria. At ang grasya at Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit isinilang ang Mahal na Inang si Maria na malinis at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Linggo, Setyembre 4, 2016

PAGPASAN NG KRUS: PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

4 Setyembre 2016 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 9, 13-18b/Salmo 89/Filemon 9b-10. 12-17/Lucas 14, 25-33 



Sa pelikulang The Passion of the Christ, nagsalita ang Panginoong Hesus habang tinatanggap at niyayakap ang Kanyang krus. Ang Kanyang winika noong niyakap at tinanggap ang krus, "Ako'y Iyong lingkod, Ama." Ipinakita ng eksenang ito ang pagiging masunurin ni Kristo hanggang kamatayan. Ang Panginoon ay nanatiling masunurin sa kalooban ng Ama hanggang sa sandali ng Kanyang kamatayan sa krus, katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo (Filipos 2, 6-11). 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Bilang mga tunay na Kristiyano, kailangan nating sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi sapat ang sumampalataya lamang tayo sa Maykapal. Kailangan nating tumalima at sumunod sa kalooban ng Poong Maykapal. 

Nagsimula ang Unang Pagbasa sa pamamagitan ng mga katanungang ito, "Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos? Sino ang makaalam sa kalooban ng Panginoon?" (9, 13) Bilang tao, hindi natin kayang unawain nang sarilinan ang nasa isipan ng Diyos. Hindi natin matatanto agad-agad kung ano ang iniisip ng Diyos. Sino ang makababatid ng kalooban ng Diyos? Ang manunulat na rin mismo ang sumagot sa katanungang ito, "Malibang bigyan Mo siya ng iyong Karunungan, at lukuban ng inyong diwang banal mula sa kaitaasan." (9, 17) Mauunawaan natin ang kalooban ng Diyos kung hihilingin natin sa Kanya na ipagkaloob sa atin ang Kanyang banal na Karunungan. Ang banal na Karunungan ng Diyos ang gagabay sa atin upang maunawaan natin ang kalooban ng Diyos. 

Hiniling ni Apostol San Pablo kay Filemon sa Ikalawang Pagbasa na makipag-ayos kay Onesimo, ang kanyang dating alipin na naaakit sa pananampalataya sa tulong ng apostol. Hinihikayat ni Apostol San Pablo si Filemon na tanggapin si Onesimo bilang kapatid kay Kristo Hesus, katulad ng kanyang pagtanggap sa apostol. Hindi ito madali para kay Filemon, sapagkat hindi siya nakinabang kay Onesimo noong alipin pa siya. Subalit, kailangang gawin ito ni Filemon sapagkat ito'y kagustuhan ng Diyos. Hindi madaling sundin ang kalooban ng Diyos. Naranasan mismo ni San Pablo Apostol sa kanyang pagmimisyon ang mga paghihirap na kalakip ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi siya tinanggap ng karamihan, marami ang magbabanta laban sa kanya, at hinatulan siya ng kamatayan. Subalit, tinanggap ni San Pablo Apostol bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus ang mga kundisyon ng pagiging tagasunod Niya. Kailangang pasanin ng bawat isa ang kanya-kanyang krus at sumunod sa Kanya. Hindi tayo maaaring maging tagasunod ng Panginoon kung hindi nating susundin ang Kanyang kagustuhan. Ang pagpasan ng mga sariling krus sa buhay ay tanda ng ating pagtalima at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung hindi nating papasanin ang ating mga krus sa buhay, hindi tayo maaaring maging tagasunod ni Kristo. Kung hindi nating pahahalagahan at uunahin ang kalooban ng Diyos, hindi tayo kikilalanin bilang mga tagasunod ng Panginoon. 

Hindi madaling sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi magiging maginhawa ang ating buhay kapag sumunod tayo sa kalooban ng Diyos. Si Hesus nga mismo ay hindi naligtas mula sa paghihirap na kalakip ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Kahit Siya ay Diyos, hindi Siya naging ligtas mula sa mga tukso at pagsubok sa buhay. Kahit sumunod Siya ng kalooban ng Ama, hindi naging maginhawa ang Kanyang buhay sa lupa. Tatlong ulit Siyang tinukso ni Satanas sa ilang. Nagdusa Siya sa Hetsemani bago Siya dinakip ng mga kawal na padala ng Sanedrin sa tulong ni Hudas Iskariote. Hinagupit, pinutungan ng koronang tinik, binugbog, pinasan ang krus, ipinako sa krus, at nilibak ng Kanyang mga kaaway. Subalit, tiniis ni Hesus ang lahat ng mga paghihirap bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Ama. Naging masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama, kahit alam Niyang maraming pagpapakasakit ang kailangan Niyang danasin.  

Tulad ng Panginoong Hesus, kailangan nating pasanin ang sarili nating mga krus sa buhay. Pasanin natin ang mga ito bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Poong Diyos. Ang tunay na tagasunod ng Panginoon ay tumatalima at sumusunod sa Kanyang kalooban. Kung nais nating maging mga tunay na tagasunod ni Kristo, kailangan nating pasanin ang ating mga sariling krus sa buhay. 

Linggo, Agosto 28, 2016

KINALULUGDAN AT PINAGPAPALA NG DIYOS ANG MGA MAPAGPAKUMBABA

28 Agosto 2016 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 3, 19-21. 30-31 (gr. 17-18. 20. 28-29)/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14 



Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na ang kapakumbabaan ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob. Ang Diyos ay malapit sa mga taong mapagpakumbaba. Ang mga taong mapagpakumbaba ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang Diyos ay labis na nasisiyahan sa tuwing nakakakita Siya ng mga taong nagpapakumbaba. 

Bakit kinalulugdan ng Diyos ang mga mapagpakumbaba? Bakit mas malapit Siya sa mga taong may kababaan ng loob? Ayon sa abad at pantas ng Simbahan na si San Bernardo, ang pagpapakumbaba ay isang birtud na kung saan hinahamak ng isang tao ang kanyang sarili dahil nakikilala niya ang kanyang tunay na sarili. Sa ibang salita, pagpapakatotoo. Ang pagpapakumbaba ay pagpapakatotoo sa ating tunay na pagkatao. Nababatid natin na bilang tao, hindi tayo malakas sa lahat ng oras. May mga pagkakataong tayo ay mahina. May mga pagkakataong kailangan nating humingi ng tulong mula sa kapwa. Higit sa lahat, may mga pagkakataong kailangan nating humingi ng saklolo mula sa Poong Maykapal. 

Kapag tayo ay nagpapakumbaba, hindi natin nakakalimutan ang Diyos. Kaya, mas malapit ang Diyos sa mga taong may kababaan ng loob. Kinalulugdan ng Poon ang mga mapagpakumbaba. Naaalala at ipinagmamalaki ng mga mapagpakumbaba ang Diyos. Binibigyan natin ng papuri at karangalan ang Diyos kapag inaalala at ipinagmamalaki natin Siya sa pamamagitan ng pagiging mapagpakumbaba. 

Kapag tayo ay nagpapakumbaba, ayon sa Ikalawang Pagbasa, tayo ay makakalapit sa Diyos. Mas magiging malapit ang ating puso't kalooban sa Diyos. Mas lalo tayo magiging malapit sa Diyos kung tayo ay magpapakumbaba. Sapagkat ang Diyos na ating nilalapitan ay ang Diyos na malapit sa mga may kababaan ng loob. 

Ang kabaligtaran ng pagpapakumbaba ay ang pagmamataas (kayabangan). Kung ang kapakumbabaan ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon, ang kayabangan ay kasuklam-suklam sa Kanyang paningin. Para sa Panginoon, ang pagmamataas ay nakakasuka. Kapag ang isang tao ay nagmataas, nakakalimutan niya ang lahat ng mga tumulong sa kanya. Pati nga ang Diyos, nakakalimutan. Mataas ang tingin sa sarili, pero kung umasal, akala mo naman walang katapat. Katunayan, may mga ibang tao na matagumpay sa buhay, pero hindi naman ganyan umasal. 

Isang napakalaking kasalanan sa paningin ng Diyos ang pagmamataas. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang kayabangan. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga mapagmataas. Hindi makakabahagi sa Panginoon ang mga mapagmataas. 

Kung ang mga mapagmataas ay hindi makakatanggap ng pagpapala at gantimpala mula sa Panginoon, ang mga mapagpakumbaba ay makakatanggap ng pagpapala at gantimpala mula sa Kanya. Ang Panginoon ay may inilaang gantimpala para sa mga mapagpakumbaba. May gantimpalang inihanda ang Panginoon para sa mga mapagpakumbaba. Isinalarawan sa Ebanghelyo ang pagpapala at gantimpalang ipagkakaloob ng Diyos sa mga mapagpakumbaba. 

Sa Ebanghelyo, isinalarawan ni Hesus sa pamamagitan ng isang talinghaga ang pagpapala at gantimpalang ipagkakaloob sa mga mapagpakumbaba. Itataas ng Diyos ang mga maamo at may kababaan ng loob. Ang Diyos ang magbibigay ng karangalan sa mga maamo at may kababaan ng loob bilang pagganti sa kanilang paggawa ng kabutihan. Pagpapalain at gagantimpalaan ng Diyos ang mga may kaamuan at kababaan ng loob. May mga inilaang pagpapala at gantimpala ang Diyos para sa mga maamo at may kababaan ng loob. 

Naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang pagpapala at gantimpala ng Diyos para sa mga may kaamuan at kababaan ng loob. Kahit iniligtas siya ng Diyos bago siya isilang, kahit hinirang siya ng Diyos upang maging ina ni Kristo, hindi nagmataas si Maria kahit kailan. Bagkus, nanatili ang kaamuan at kababaan ng loob ng Mahal na Birheng Maria. Noong nagwakas ang kanyang buhay sa lupa, iniakyat sa langit ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Inang si Maria nang buong-buo. Ipinahayag ng Mahal na Ina sa kanyang awit ng pagpupuri, "Itinaas (ng Diyos) ang mga nasa abang kalagayan." (Lucas 1, 52b)  Mula sa kanyang abang kalagayan, si Maria ay itinaas ng Diyos. Iniakyat ng Diyos ang Mahal na Ina sa langit nang buong-buo, katawan at kaluluwa, noong nagwakas ang kanyang buhay sa lupa. 

Ang mga mapagpakumbaba ay kinalulugdan at pinagpapala ng Diyos. Kung nais nating maranasan ang kaluguran at pagpapala ng Poong Diyos, magpakumbaba tayo. Magkaroon nawa tayo ng kaamuan at kababaan ng loob upang maranasan natin ang kaluguran at pagpapala ng Panginoon. 

Linggo, Agosto 21, 2016

SUMUNOD SA PANGINOON UPANG MAKAMIT ANG KALIGTASAN

21 Agosto 2016
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66, 18-21/Salmo 116/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30 



Mayroong kasabihan sa wikang Ingles, "When in Rome, do what the Romans do." (Kapag nasa Roma ka, gawin mo kung ano ang ginagawa ng mga Romano.) Kung ano ang ginagawa ng karamihan, iyan din ang dapat nating gawin. Sa madaling salita, sumabay ka na lang sa agos. Minsan, ginagamit ang kasabihang ito para sa kabutihan. Ginagawa natin iyon upang maging maganda ang ating pakikitungo sa kapwa. Subalit, sa panahon ngayon, mas ginagamit ng karamihan ang kasabihang ito upang mangatwiran para sa maling gawain. Nakakalungkot, ang kasabihang ito ay ginagamit ng karamihan upang gawing tama ang mali. Pinipilit nating gawing tama ang mali. Subalit, ang mali ay mananatiling mali. Kung anong pagpupumilit ang gawin natin, hindi magiging tama ay mali. 

Sa Ebanghelyo, nagbigay ng babala si Hesus laban sa pakikisabay sa agos. Ito'y matapos tanungin Siya ng isang tao kung kakaunti lamang ang maliligtas. Para kay Hesus, mali ang tanong na ibinigay sa Kanya. Hindi iyan ang dapat tinanong sa Kanya. Ang dapat itinanong sa Kanya ay kung paano maliligtas ang bawat isa. Ano ang dapat gawin ng bawat isa upang makamit nila ang biyaya ng kaligtasan mula sa Diyos? Paano makakamit ng bawat isa ang kaligtasan ng Diyos? Paano matitiyak ng bawat isa na sila'y maliligtas? 

Ang Panginoong Hesus ang Siyang sumagot sa katanungang iyan, "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan." (13, 24) Napakahirap ang ipinapagawa sa atin ng Panginoon. Kinakailangan nating magsikap upang makapasok tayo sa makipot na pintuan. May kasamang pagtitiis ang pagkakamit ng kaligtasan mula sa Diyos. Kinakailangan nating ibuhos ang ating buong lakas at tibay ng loob para makapasok tayo sa makipot na pintuan. Sapagkat ang makipot na pintuan ay ang daan patungo sa biyaya ng kaligtasang kaloob ng Panginoon. 

Kung ito'y ipinahayag ng Poong Hesus sa panahon ngayon, siguradong maraming magrereklamo. Napakahirap ang ipinapagawa ng Panginoong Hesukristo. Tiyak, kaliwa't kanan ang mga reklamo sa Poong Hesus. "Panginoon, bakit naman pong kailangan naming gawin iyan para maligtas? Wala po bang mas madaling paraan? Ayaw po namin ng masyadong mahirap! Gusto po naming maligtas pero huwag Niyo naman po kaming pahirapan! Hindi po namin kaya ito!" 

Iyan ang hirap sa atin sa panahon ngayon. Ayaw natin ng mahirap. Gusto natin ng madali at agad-agad. Ayaw nating pahirapan ang ating mga sarili. Tama naman na huwag nating pahirapan ang ating mga sarili. Subalit, huwag nating kaligtaan na may mga bagay na hindi madali, kahit gusto pa nating gawin iyon. May mga pagkakataon na kung saan kinakailangan nating magtiis ng maraming hirap kung gustong-gusto nating gawin ang isang bagay. May mga pagkakataong kailangan nating magtiis upang makamit natin ang tagumpay. Hindi magiging madali ang lahat ng bagay, lalung-lalo na ang iilan sa mga bagay na gusto nating gawin. 

Kaya, may mga kasabihan tayo ngayon, "Masarap ang bawal," at "Mas madali gumawa ng mali kaysa gumawa ng tama." Nakakalungkot, mas gugustuhin nating gumawa ng mali kaysa tama. Kahit alam nating mali ang isang bagay, gagawin pa rin natin ito kasi mas madaling gawin ito. Isa pa, ginagawa rin ito ng karamihan. Halimbawa, ang pagmumura. Alam nating na mali ang magmura. Subalit, bakit ginagawa pa rin natin ito? Kasi, nagpapahayag ng damdamin, ginagawa din iyan ng karamihan. Kahit ipinapahayag natin ang ating mga damdamin, mali pa rin iyon. Hindi ito magiging tama, kahit anong pagpupumilit ang gawin natin. 

Isa pang halimbawa, ang paggamit ng mga ipinagbabawal na droga. Alam natin na mali ang paggamit ng mga ilegal na droga. Subalit, marami pa rin ang gumagamit. Bakit? Kasi, magkakaroon ng kaginhawaan ang ating pakiramdam kapag tayo ay gumamit ng mga ipinagbabawal na droga. Pero, mali pa rin iyon, eh. Kahit anong pagpupumilit natin, mali pa rin ang paggamit ng mga ilegal na droga. Masama ang idudulot ng mga ilegal na droga sa ating kalusugan. Kahit maraming tao ang gumamit ng mga ilegal na droga, mali pa rin iyon. 

Ang pagsunod sa agos ay hindi laging tama. Hindi tama ang lahat ng bagay na ginagawa ng karamihan. Maaaring maging madali ang lahat ng bagay na ginagawa ng karamihan, subalit, hindi ibig sabihin noon tama ang lahat ng kanilang mga ginagawa. Mayroon din silang mga ginagawa na mali. Kahit mukhang madali ang mga maling gawain, mali pa rin ito. Kahit masarap gawin ang mga maling bagay, mali pa rin ito. Ang mali ay mananatiling mali, kahit ito'y ginagawa ng karamihan. Ang tama ay mananatiling tama, kahit kakaunti lamang ang gumagawa nito. 

Napakahirap ang ipinapagawa sa atin ng Panginoon. Ang pagpasok sa makipot na pintuan ay hindi madali. Subalit, kahit gaano kahirap sumunod sa mga salitang namutawi mula sa bibig ng Panginoon, ito ang tamang gawin. Ito ang dapat nating gawin. Kahit kaunti lamang ang gumagawa nito, ang pagsunod sa Panginoon ay laging tama. Kahit ang kalooban ng Panginoong ay salungat sa agos ng panahon, dapat nating gawin ito. Kahit napakahirap sundin ang kalooban ng Panginoon, ito'y dapat nating gawin sapagkat ito ang tamang gawain. 

Kung ang pagsunod sa agos ay hindi laging tama, ang pagsunod sa Diyos ay laging tama. Natitiyak natin na tayo ay maliligtas kapag tayo ay sumunod sa Panginoon. Tiyak, nasa tamang landas tayo kapag sumunod tayo sa Diyos. Hindi tayo aakayin ng Diyos patungo sa kapahamakan. Bagkus, aakayin tayo ng Panginoon patungo sa kaligtasan. Minsan, may mga pagkakataong sasalungat sa agos ng panahon ang kalooban ng Diyos. Huwag tayong magdalawang-isip; sumalungat tayo sa agos ng panahon at sumunod sa Panginoong Diyos. Pumasok tayo sa makipot na pintuan bilang pagsunod sa Panginoon upang makamit natin ang Kanyang pagliligtas.