Linggo, Nobyembre 13, 2016

ANG TUNAY NA WALANG HANGGAN

13 Nobyembre 2016
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19 


Sa nalalapit na pagtatapos ng Taon K sa ating Kalendaryong Panliturhiya para sa taong ito, tayo ay binibigyan ng pagkakataong pagnilayan ang mga pangyayaring magaganap sa katapusan ng panahon. Ang lahat ng bagay dito sa mundo ay may katapusan. May hangganan ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Subalit, ang walang hanggan ay matatagpuan natin sa kabilang buhay. 

Mahahanap natin ang walang hanggan sa dalawang lugar sa kabilang buhay - ang langit at ang impyerno. Ang mga mabubuting tao at ang mga banal ay mapupunta sa langit. Ang mga masama na hindi nagsisi at tumalikod mula sa kanilang mga kasalanan ay mapupunta at magdurusa sa impyerno. Ang mga mabubuting tao na namatay sa estado ng grasya ng Diyos, subalit may bahid ng kasalanang benyal, ay mapupunta muna sa Purgatoryo. Pansamantala lamang ang kanilang pananatili sa Purgatoryo. Hindi sila mananatili roon magpakailanman. Lilinisin muna sila mula sa mga bahid ng mga kasalanang benyal, mga maliliit na kasalanan. Pagdating ng takdang panahon, kung kumpleto na ang proseso ng paglilinis sa kanila, maaari na silang pumasok sa kaharian ng langit. 

Binababalaan tayong lahat ng mga Pagbasa ngayong Linggo. Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa ngayon na nalalapit na ang pagwawakas ng panahon. Hindi natin alam kung kailan sasapit ang takdang araw. Subalit, hindi magluluwat at darating din, sasapit na rin, ang wakas ng panahon. Darating din ang ating Panginoon. Muli Siyang darating bilang Hukom ng nangagbubuhay at nangamatay na tao. 

Isang napakatinding babala mula sa Panginoong Diyos ang mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa. Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Malakias. Sa Unang Pagbasa, isinilarawan ng Diyos ang Kanyang poot. Lilipulin ng Diyos ang mga palalo at masasama. Dahil hindi nila pinagsisihan o tinalikdan ang kanilang mga kasalanan, parurusahan sila ng Diyos. Ang parusang ipapataw sa kanila ng Dios ay napakabigat. Masakit man para sa Diyos ang lipulin ang mga ito, gagawin Niya ito sapagkat hindi sila nagsisi o tumalikod sa kasalanan. 

Subalit, may pangakong binitiwan ang Diyos sa bandang huli ng Unang Pagbasa. Ang pangakong binitiwan ng Diyos ay para sa mga matutuwid, mabubuti, at ang mga nagsisi't tumalikod mula sa kanilang mga kasalanan. Ipinangako ng Diyos na ang mga matutuwid, mabubuti, at ang mga nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan ay makakaranas ng Kanyang pagliligtas. Ililigtas sila ng Diyos mula sa Kanyang kaparusahan. Makakapiling din nila ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit sa katapusan ng panahon. 

Ang mga taga-Tesalonica ay iniutos ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na huwag bigyan ng pagkain, inumin, o anumang gantimpala ang ayaw gumawa. Ito ang parusang ipapataw sa kanila dahil sa kanilang katamaran. Itinagubilin rin ng buong kahigpitan ni San Pablo Apostol na ang lahat ay dapat maghanap-buhay at mamuhay nang maayos. Maaari din natin itong gamitin sa konteksto ng kaligtasan natin. Kailangan nating pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan nang sa gayo'y kahahabagan, kaaawaan, at ililigtas tayo ng Diyos. Mahirap mang gawin ito, kailangan itong gawin upang maranasan ang Awa, Habag, at Pagliligtas ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, isang mensahe na magbibigay ng pag-asa ang namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesus. May pangako si Hesus para sa mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig sa buhay dito sa lupa. Makakatanggap ng gantimpala mula sa Kanya ang bawat taong mananatiling tapat sa Kanya, sa kabila ng kalupitan ng buhay. Tiniis ang bawat tukso, pagsubok, pag-uusig, sa buhay alang-alang kay Kristo. May gantimpalang inilaan si Kristo Hesus para sa mga tapat sa Kanya hanggang sa katapusan. 

Pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Sikapin nating umiwas mula sa mga kasalanan, malaki man o maliit. Sikapin rin nating mamuhay para sa Diyos. Harinawa, mararanasan natin ang Awa, Habag, at Pagliligtas ng Diyos. Sa Diyos natin matatagpuan ang tunay na magpakailanman. Hindi natin matatagpuan ang tunay na walang hanggan dito sa daigdig. Sa Diyos lamang matatagpuan ito. Siya ang Alpha at Omega, ang Simula at ang Katapusan. Walang hanggan ang Kanyang Awa, Habag, Katarungan, at Pagliligtas. Siya rin ang magpapasiya sa katapusan ng panahon kung saan tayo hahantong magpakailanman. 

Lunes, Nobyembre 7, 2016

DALUYAN NG AWA NG DIYOS

9 Nobyembre 2016
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


Sa pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa, ang bawat (Arki)Diyosesis sa buong mundo ay nagtalaga ng mga Simbahan para sa Peregrinasyon. Mayroong mga Banal na Pintuan ang bawat Simbahang itinalaga bilang Simbahan para sa Peregrinasyon o Banal na Paglalakbay. Sa Arkidiyosesis ng Maynila, limang Simbahan ay itinalaga bilang mga Simbahan ng Peregrinasyon. Kabilang na rito ang Kalakhang Katedral at Basilika Menor ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Intramuros, Maynila.

Ano ang nais ipahiwatig ng Simbahan sa pagtatalaga ng mga Simbahan para sa Banal na Paglalakbay? Nais ipahiwatig ng Simbahan na ang Simbahan ay daluyan ng Awa ng Diyos. Tayong lahat ang bumubuo sa Simbahan ni Kristo. Ibinuhos ng ating Panginoong Hesukristo sa Kanyang Simbahan ang Kanyang Banal na Awa na puspos ng kadakilaan. Ang Kanyang Simbahan ay daluyan ng Kanyang Awa. 

Sa Ebanghelyo, nilinis ni Hesus ang Templo dahil sa Kanyang malasakit. Para sa mga Hudyo, ang Templo ay ang Tahanan ng Diyos. Dito matatagpuan ang Kaban ng Tipan. Dito nananahan ang Diyos. Kaya, noong makita ng Panginoong Hesus ang mga tindero't tindera at ang mga namamalit ng salapi sa buong kapaligiran ng Templo, agad Niyang pinalayas ang mga ito. Ginawang palengke o pugad ng mga magnanakaw ang tahanan ng Diyos. Hindi binigyan ng halaga ang kasagraduhan ng Banal na Lugar. Hindi binigyan ng halaga ang presensya ng Diyos sa Templo. Ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay binastos at binaboy. 

Hindi pinahalagahan ng tao ang Awa ng Diyos na dumadaloy sa Banal na Lugar na ito. Naging ignorante ang mga taong ito sa pagdaloy ng Awa ng Diyos. Ang Templo ang tahanan ng Diyos. Dito nananahan ang Diyos. Ibinubuhos Niya ang Kanyang Awa sa lahat. Subalit, hindi ginamit ng mga tao ang pagkakataong maramdaman ang presensya at Awa ng Diyos. Mas mahalaga ang pagkakaitaan. Mas gusto nilang kumita ng maraming pera kaysa maramdaman at damhin ang presensya at Awa ng Diyos. Ang Diyos ay kanilang pinagpalit. Iba na ang kanilang Diyos. Hindi na ang Diyos ang kanilang sinasamba kundi ang kanilang kayamanan. 

Kaya, noong ang mga Hudyo'y humingi ng tanda mula kay Hesus, sinabi Niyang muli Niyang itatayo ang Templo sa loob ng tatlong araw. Kahit winasak o giniba ang Templo, muli itong itatayo ni Hesus sa loob ng tatlong araw. At ang Templo na itinutukoy ni Hesus ay ang Kanyang Katawan. Nagkatotoo ito sa Misteryo Paskwal ni Hesus. Si Hesus ay namatay sa krus, at nang mamatay, ang Kanyang tagiliran ay inulos ng isa sa mga kawal gamit ang kanyang sibat. Ang dugo at tubig - mga simbolo ng Awa ni Kristo - ay dumaloy mula sa Kanyang tagiliran. At sa ikatlong araw, si Hesus na Poong Mahal ay muling nabuhay. 

Dumaloy ang Dugo at Tubig mula sa tagiliran ni Hesus noong Siya'y namatay. Ang Dugo at Tubig ay mga simbolo ng Kanyang Awa. Nililinis Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Dugo at Tubig na dumaloy mula sa Kanyang tagiliran. Nilinis ang sangkatauhan mula sa bahid ng kasalanan. Gaano mang kalaki ang bahid ng kasalanan sa bawat tao, hindi mapapantayan nito ang kapangyarihan ng Awa ng Diyos na dumaloy sa pamamagitan ni Hesus na nakapako sa krus. 

Patuloy na ipinapadaloy ng Panginoon ang Kanyang Banal na Awa na puspos ng kadakilaan sa ating lahat. Ibinubuhos Niya ito sa atin sapagkat tayong lahat ang bumubuo sa Kanyang Simbahan. Ang tanong ay - Binibigyan ba natin ng halaga ang Awa ng Diyos na patuloy na ibinubuhos sa atin? Mahalaga pa rin ba sa atin ang presensya at Awa ng Diyos? Iba na ba ang Diyos natin? 

Bigyan natin ng halaga ang presensya at Awa ng Diyos. Patuloy na ipinapadama sa atin ng Panginoon ang Kanyang presensya at Awa. Tayong lahat ay napakahalaga sa Kanya sapagkat tayong lahat ang bumubuo sa Kanyang Simbahan. Ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa Kanyang Simbahan. Mapalad tayong lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo sapagkat patuloy na ipinapadama sa atin ang presensya at Awa ng Panginoon. 

Linggo, Nobyembre 6, 2016

MANALIG SA PANGINOON, SA GITNA NG MGA SULIRANIN SA BUHAY

6 Nobyembre 2016 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14/Salmo 16/2 Tesalonica 2, 16-3, 5/Lucas 20, 27-38 (o kaya: 20, 27. 34-38) 



Muli nating pagninilayan ngayong Linggo ang paksa ng pananalig sa Diyos, lalo na sa gitna ng mga suliranin sa buhay. Sa mga panahon ng ligalig o kagipitan, tayo ay humahanap ng makakapitan o masasanggalang. Kailangan natin ng tulong sa mga oras na iyon. Gagawin natin ang lahat para lang makahanap ng makakatulong sa atin. Kailangan natin ng karamay, sanggalang, at maraming iba pa. Hindi natin kayang harapin ang mga ito na nag-iisa lang. 

Mahalaga ang pananalig sa Diyos. Sa panahon ng pagsubok, sa mga sandali kung kailan wala tayong makakapitan, nandiyan Siya. Ang Panginoon ay laging nandito para sa atin. Lagi nating kasama ang Panginoon. Hindi Niya tayo bibiguin, hindi Niya tayo iiwanan o pababayaan sa mga oras ng pangangailangan. Siya'y laging kasama natin upang makakapit tayo sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang kwento ng pananalig ng isang ina at ng kanyang pitong anak na lalaki. Lalo nilang hinigpitan ang kanilang pagkapit sa Panginoon sa mga oras na iyon. Nanalig sila na hindi sila bibiguin ng Diyos. Kung sakali mang ipapataw ng hari ang parusang kamatayan sa kanila dahil sa kanilang pananalig at pagtalima sa Diyos, buong puso nila ito iaalay sa Kanya. Buong puso silang nanalig na sila'y bubuhayin muli ng Panginoon. Gagantimpalaan Niya ang Kanyang mga tapat na lingkod. 

Ganun din ang naranasan ni San Lorenzo Ruiz de Manila. Ilang ulit man siyang hinagupit ng mga pinunong Hapones noong kapanahunang iyon, hindi bumitiw o kumalas si San Lorenzo Ruiz mula sa kanyang pananampalataya at pananalig sa Diyos. Pinili niyang tanggapin ang parusang-kamatayang ipinataw sa kanya at sa kanyang mga kasama alang-alang sa Panginoon. Bago siya namatay, ito ang mga salitang namutawi mula sa kanyang mga labi:
"Sanlibo man ang aking buhay, iaalay ko ang lahat ng iyon sa Kanya." 
Sa Ikalawang Pagbasa, ipinahayag ni Apostol San Pablo ang kanyang panalangin para sa mga taga-Tesalonica. Nanalangin siya na nawa'y patatagin ng Diyos ang pananalig ng mga taga-Tesalonica sa Kanya. Sa pamamagitan nito, pinapalakas ni Apostol San Pablo ang kalooban ng mga taga-Tesalonica. Kakailanganin nila ang malakas at matibay na pananalig sa Panginoon sa kanilang mga atupagin. Si San Pablo Apostol ay humingi rin ng panalangin mula sa mga taga-Tesalonica upang magampanan niya ang kanyang misyon bilang saksi ni Kristo. Kailangan rin niya ng mga panalangin upang magamapanang mabuti ang misyon niya bilang saksi ni Kristo - ipalaganap ang Mabuting Balita sa iba't ibang dako ng daigdig. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus na muling mabubuhay ang mga patay. Ito'y matapos Siyang tanungin ng ilang mga Saduseo tungkol sa usaping ito. Ibinunyag ni Hesus ang maling paniniwala ng mga Saduseo tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Ang mga Saduseo ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. Ayon sa kanilang paniniwala, kapag pumanaw ang isang tao, tapos na ang lahat para sa kanya. Mabubulok ang kanyang bangkay sa hukay sapagkat patay na siya. Subalit, ayon kay Hesus, mali ang paniniwalang iyon. Sa Kanyang paliwanag, ipinakita ni Hesus sa mga Saduseo na pinatunayan mismo ni Moises na ang mga patay ay mabubuhay muli. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo, "Ang Diyos ay Diyos ng mga buhay, hindi ng mga patay." (20, 38)

Ipinapatatag ni Hesus ang ating pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pahayag na ito. May muling pagkabuhay. Muling bubuhayin ng Diyos ang mga patay. Ang mga nananalig at naglilingkod sa Diyos at kapwa nang buong katapatan ay hindi pababayaang mabulok sa lupa. Bagkus, gagantimpalaan ng Diyos ang mga tapat Niyang lingkod sa kabilang buhay. Ipagkakaloob Niya sa kanila ang gantimpala ng langit. Hindi Siya nakakalimot o nagpapabaya. Lagi Siyang nandiyan para sa mga tapat na nananalig at naglilingkod sa Kanya, at gagantimpalaan Niya ang mga ito sa kabilang buhay. Ipagkakaloob Niya sa kanila ang pangako ng langit. 

Lagi nating kasama ang Diyos. Alam ng Diyos na may mga sandali sa buhay natin kung kailan mangangailangan tayo ng makakapitan. Kumapit tayo sa Kanya nang buong pananalig. Hindi Niya tayo pababayaan o bibitawan. Bagkus, tutulungan Niya tayong umahon at pagdaanan ang mga matitinding suliranin sa buhay. Ang bawat nananalig at naglilingkod sa Diyos nang buong katapatan, lalo na sa mga matitinding pagsubok sa buhay, ay gagantimpalaan ng Diyos sa kabilang buhay. 

Huwag tayong mawalan ng pananalig sa Diyos. Huwag nating hayaang maglaho ang ating pananalig sa Diyos. Lumapit tayo sa Diyos, kumapit tayo sa Kanya nang buong katapatan. Tutulungan tayo ng Diyos sa mga pinagdadaanan natin, gaano mang katindi ito. Lagi Siyang kasama natin. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan o lilimutin. Gagantimpalaan din Niya tayo sa kabilang buhay kung mananalig tayo sa Kanya nang buong katapatan, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. 

Lunes, Oktubre 31, 2016

MAHIMLAY NAWA NANG MAPAYAPA ANG MGA YUMAO SA PILING NG AWA NG DIYOS

2 Nobyembre 2016 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
(Paalala: Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito.)
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 115; 116/1 Corinto 15, 20-24a. 25-28 (o kaya: 1 Corinto 15, 20-23)/Mateo 11, 25-30 



Isa sa mga Espiritwal na Gawa ng Awa ay ang pananalangin para sa mga yumao. Tayo ay nananalangin, humihingi ng Awa mula sa Diyos para sa mga yumao. Sa pamamagitan ng pananalangin para sa mga yumao, tayo ay nagpapakita ng awa at habag para sa mga kapatid nating yumao. Ibinabahagi natin ang Awa at Habag ng Diyos sa mga yumao. Tayo ay nananalangin na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Panginoon ang mga kaluluwa ng mga yumao nating mga kapatid. 

Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan para sa panalangin at paggunita sa mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao sa Purgartoryo. Binubuo ng mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao ang Simbahang Nagdurusa. Nananalangin tayo na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Diyos ang mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao na nagdurusa sa Purgatoryo. Tinutulungan natin ang mga kaluluwa na nasa Purgatoryo ang kanilang pangarap na makapiling ang Diyos sa langit. Inaasam-asam nilang mamuhay sa piling ng Diyos sa langit. 

Sa ika-11 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo, inaanyayahan ni Hesus ang lahat na humimlay sa Kanyang piling. Inaanyayahan tayong lahat ni Hesus na lumapit sa Kanya upang tayo'y makaranas ng tunay na kapahingahan sa Kanyang piling. Ang Panginoong Hesus lamang ang makakapagbigay ng tunay na kapahingahan at kaginhawaan sa atin. Sa Kanya lamang matatagpuan, masusumpungan, ang tunay na kaginhawaan at kapahingahan (11, 28-30). 

Tulad nating lahat, ang mga kaluluwa sa Purgatoryo ay umaasang makahimlay sa piling ng Panginoon sa langit. Subalit, dahil hindi sila naging malinis mula sa mga kasalanang benyal, kailangan silang linisin sa Purgatoryo. Kaya, kailangan nila ang ating mga panalangin upang mapabilis ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo. Ang mga kaluluwa ay umaasa sa mga panalangin natin sapagkat hindi sila maaaring manalangin para sa kanilang mga sarili. Tulungan natin ang mga kapatid nating yumao sa Purgatoryo na makamit ang kanilang pangarap na makapiling nila ang Diyos sa langit. Manalangin tayo na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa. 

Ang pananalangin para sa mga kapatid nating yumao ay isang napakahalagang gawa. Ito'y isang Espirituwal na Gawa ng Awa. Katulad ng ibang mga Korporal at Espirituwal na Gawa ng Awa, isinasabuhay ng gawaing ito ang tema ng Banal na Taon ng Awa na malapit nang magtapos sa buwan na ito, "Maging maawain tulad ng Ama" (Lucas 6, 38). Tayo ay nagiging maawain at mahabagin sa mga kapatid nating yumao. Ibinabahagi natin sa kanila ang Awa at Habag ng Diyos. Kung tayo ay magiging maawain at mahabagin sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga yumao, tayo ay magiging kalugud-lugod at mapalad sa paningin ng Diyos. 

MGA BANAL: SUMAKSI SA AWA NG DIYOS HABANG NABUBUHAY DITO SA LUPA

1 Nobyembre 2016 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 



Pinararangalan natin ngayong unang araw ng Nobyembre ang lahat ng mga banal sa langit. Noong sila'y namumuhay dito sa lupa, ang lahat ng mga banal ay naging mga saksi ng Awa at Habag ng Diyos. Bilang mga saksi ng Awa ng Diyos, ang lahat ng mga banal ay nagpatotoo sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. 

Ang lahat ng mga kabilang sa hanay ng mga banal ay nananalangin sa Diyos para sa ating lahat dito sa lupa. Noong sila'y namumuhay dito sa lupa, ang mga banal ay nagpatotoo at sumaksi sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga kilos at salita. Ngayong kapiling na nila ang maawain at mahabaging Diyos sa langit, ang kanilang tungkulin ay ang patuloy na pananalangin para sa ating lahat dito sa lupa. Nananalangin sila na nawa'y maligtas tayo mula sa kapahamakan at nawa'y pagdating ng takdang panahon, makapiling din natin ang Diyos. 

Habang nabubuhay pa sila dito sa lupa, ang lahat ng mga santo't santa ng ating Simbahan ay tiyak na nagkasala. May mga pagkakataon sa buhay kung saan ang mga santo't santa ay nakaranas ng matinding kahinaan. Dahil sa mga ito, sila ay nadapa at nagkasala. Subalit, sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, ang mga santo't santa ay nagpatuloy sa kanilang pagsusumikap na mamuhay na puno ng kabanalan sa paningin ng Diyos. Nanalig sila sa Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa kanilang pananalig at pagtitiwala sa Awa ng Diyos, nagsumikap ang mga santo't santa na mamuhay nang kalugud-lugod at puno ng kabanalan. 

Kapiling na ngayon ng lahat ng mga banal na tao sa langit ang Diyos. Sila ngayon ay nasa langit, kapiling ang Diyos. Pagkatapos ng pakikipagdigma at pakikibaka laban sa kasamaan at kasalanan noong sila'y nabubuhay dito sa mundo, ang mga santo't santa ng ating Simbahan ay kapiling na ng Diyos. Namumuhay silang puno ng kaginhawaan at kapayapaan kapiling ang Diyos sa langit. Nagtagumpay sila sa kanilang pakikibaka laban sa mga tukso ng kasalanan at kasamaan sa tulong ng Awa ng Diyos. Kaya naman, tulad ng nasasaad sa Unang Pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag, ang lahat ng mga banal ay nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos nang walang humpay sapagkat tinulungan Niya silang magtagumpay. 

Noong ang mga banal ay namuhay dito sa mundo, nagsumikap rin silang maging maawain tulad ng Diyos. Dahil ang Diyos ay nagpakita ng Awa at Habag sa kanila, naging maawain rin sila. Sinikap nilang tumulad sa Diyos sa pagiging maawain sa kapwa. Kahit napakahirap maging maawain tulad ng Diyos, sinikap pa rin nilang mamuhay bilang mga maawain at mahabaging tagasunod ng Panginoon. Dahil naging maawain at mahabagin ang Diyos sa kanila, buong pagsusumikap nilang tinularan ang Panginoon sa pagiging maawain at mahabagin. Sa pamamagitan ng pagtulad sa Panginoon, ibinahagi nila ang Awa at Habag ng Panginoon sa kapwa. 

Ang mga maawain at mahabagin ay nasa sentro ng isa sa mga Beatitudo na itinuro ni Hesus sa Ebanghelyo. Para kay Kristo, mapalad sa paningin ng Diyos ang mga maawain at mahabagin. Kaawaan at kahahabagan rin sila ng Diyos. Ang lahat ng mga banal sa langit ang patunay. Dahil tinularan nila ang halimbawang ipinakita sa kanila ng Panginoon, dahil naging maawain at mahabagin sila tulad Niya, muli silang kinaawaan at kinahabagan ng Diyos. Ang pinakadakilang gantimpala ng Diyos sa kanila ay ang pamumuhay na kapiling Niya sa langit. 

Gaano kadakila o kalaki ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos? Napakalaki. Hindi natin ito kayang sukatin. Sabi ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa, tayong lahat ay tinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak dahil sa Kanyang Pag-Ibig para sa atin. Dahil sa Pag-Ibig ng Diyos sa atin, kinaawaan at kinahabagan Niya tayo. Itinuring Niya tayong mga anak Niya. Kahit mga makasalanan tayo, kahit ilang ulit tayong magkasala laban sa Kanya, iniibig tayo ng Diyos at hinihintay Niya ang araw kung kailan tayo lalapit sa Kanya upang humingi ng Awa at Habag mula sa Kanya. Pagdating ng araw na iyon, agad na ipagkakaloob ito ng Diyos sa atin sapagkat labis ang Kanyang pag-irog sa ating mga itinuring Niyang anak. 

Ito ang naranasan ng mga santo't santa ng ating Simbahan. Naranasan nila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos, sa kabila ng kanilang mga pagkukulang at mga kasalanan. Kahit marami silang mga kahinaan at kasalanan, naramdaman nila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Pinalakas at pinatibay ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos ang kanilang kalooban. Dahil dito, lalo nilang pinagsikapang maging maawain at mahabagin tulad ng Diyos. Patuloy nilang pinagsikapang sumunod at tumulad sa halimbawa ng Panginoon. 

Ang lahat ng mga banal sa langit ay sumaksi sa Awa ng Diyos noong nabubuhay pa sila dito sa lupa. Tayo rin lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maging banal, mga saksi ng Awa ng Diyos. Tinatawag at inaanyayahan tayo ng Diyos para sa kabanalan dahil sa Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa atin. Patuloy pa rin itong ipinapadama ng Diyos sa atin. Nawa'y tanggapin natin ang panawagan at paanyayang ito mula sa Diyos. Nawa'y sumaksi tayo sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

HINDI PANAHON NG KASINDAKAN

31 Oktubre 2016 
Pagninilay para sa Panahon ng Undas 



Tuwing sasapit ang ika-31 ng Oktubre, nagsisilabasan ang mga kasuutan ng mga nakakatakot na karakter, tulad ng mga mangkukulam, mga multo, mga ispiritista, at iba pa. Meron pa ngang naglalabas ng mga disenyong nakakatakot, tulad ng mga bungo. Sa telebisyon at radyo naman, pinapalabas ang mga pelikula o programang nakakasindak. Nakakatakot. Kung papanoorin o papakinggan nang mag-isa ang mga programang iyon, malamang maubusan ang ating mga hininga sa kakasigaw. Bakit? Nakakatakot. Nakakasindak. 

Ang Ika-31 ng Oktubre ay ang simula ng Undas. Ang gabi ng Ika-31 ng Oktubre ay tinatawag ring Gabi ng Pangangaluwa. Subalit, ang gabing ito ay parang nagiging gabi ng kasindakan. Gabi ng pananakot. Bakit naging gabi ng kasindakan o gabi ng pananakot ang gabi ng Ika-31 ng Oktubre? Iyan ba ang gusto ni Hesus? 

Si Hesus ay pumarito hindi upang magbigay sindak sa sangkatauhan. Bagkus, si Hesus ay pumarito upang ipakita at ipadama sa lahat ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Nagkaroon ng Mukha ang Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Mukha ni Hesus. Hindi naparito si Hesus upang magdala ng sindak sa tao. Naparito si Hesus upang ipakita at ipadama ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. 

Kaya, ang panahon ng Undas ay hindi panahon ng kasindakan. Ang panahon ng Undas ay panahon ng pananalangin para sa mga kaluluwa ng mga mahal nating yumao upang makapiling nila ang Diyos sa langit. Sa piling ng Diyos sa langit, mararanasan nila muli ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig. Hindi ito panahon upang takutin o manindak ng kapwa-tao. Bagkus, ito'y panahon ng pananalangin para sa mga kaluluwa ng mga yumao upang maranasan nila ang Awa at Habag ng Diyos sa langit. Si Hesus ay naparito hindi upang manindak ng tao. Naparito Siya upang ihatid sa atin ang mensahe ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. 

Linggo, Oktubre 30, 2016

LAGI NATING PURIHIN ANG DIYOS NA MAAWAIN, MAHABAGIN, AT MAPAGMAHAL

30 Oktubre 2016 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 11, 22-12, 2/Salmo 144/2 Tesalonica 1, 11-2, 2/Lucas 19, 1-10 



"Diyos ko at aking Hari, pupurihin Kitang lagi." 

Ang Diyos ay dapat nating purihin lagi. Dapat lagi nating purihin ang Diyos dahil sa Kanyang Awa at Habag. Dakila ang Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa Kanyang Awa at Habag, tayo ay Kanyang nilikha mula sa lupa. Noong tayo ay nalugmok sa kasalanan, ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang maging ating Manunubos. Sa pamamagitan ni Kristo, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa lahat. Sapagkat ang Panginoong Hesukristo ang Mukha ng Awa ng Ama. Kay Hesus makikita ang Awa at Habag ng Diyos. 

Ipinahayag ng Manunulat ng Unang Pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan na ang Diyos ay maawain, mahabagin, at mapagmahal. Ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan. Walang makakahigit pa sa Awa, Habag, at Pagmamahal ng Diyos. Dakila ang Awa, Habag, at Pagmamahal ng Diyos. Hindi ito mapapantayan o matutumbasan ng sinuman dito sa lupa. Walang makahihigit pa sa kadakilaan ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. 

Mahalaga sa paningin ng Diyos ang bawat nilalang, lalo na ang tao. Ang lahat ng mga nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang nilikhang masama ang Diyos. Mabuti ang lahat ng mga nilikha ng Diyos. Kaya naman, pinahahalagahan ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga nilikha, lalo na ang sangkatauhan. 

Nagkaroon lamang ng bahid ng kasamaan at kasalanan ang sangkatauhan dahil sa kasalanan nina Eba at Adan sa Halamanan ng Eden. Magmula noong kinain nina Eba at Adan ang pinagbabawal na bunga mula sa Puno ng Karunungan tungkol sa Kabutihan at Kasamaan, nagkaroon ng dungis ng kasalanan ang lahat ng tao. Ang kasamaan at kasalanan ay pumasok sa sanlibutan dahil sa kanilang pagsuway sa utos ng Diyos sa Halamanan. Dahil sumuway sina Adan at Eba sa utos ng Diyos, ang sangkatauhan ay naging mga makasalanan. 

Subalit, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, pinahahalagahan pa rin tayo ng Diyos. Mahalaga pa rin tayo sa paningin ng Diyos. Kahit mga makasalanan tayo, tayong lahat ay Kanyang pinapahalagahan. Gaano man kadalas tayo nagkakasala laban sa Panginoon, mahalaga pa rin tayo sa Kanyang paningin. Minamahal pa rin tayo ng Panginoon, kahit ilang ulit tayong magkasala laban sa Kanya. Iniirog tayo ng Diyos. Ang mga makasalanan ay mahal ng Diyos, hindi ang salang nagawa. 

Ito ang paksa ng panawagan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga-Tesalonica. Nanawagan si Apostol San Pablo sa lahat ng mga mananampalataya na magbigay ng papuri at karangalan sa Banal na Pangalan ng ating Panginoong Hesukristo, ang Mukha ng Awa ng Ama. Dapat nating bigyan ng papuri at karangalan ang Kabanal-banalang Pangalan ng ating Panginoong Hesus sapagkat ipinamalas Niya sa lahat ang Awa at Habag ng Diyos. Ipinamalas ni Kristo ang Awa at Habag ng Diyos upang tayong lahat ay magbalik-loob sa Kanya. Kahit tayong lahat ay mga abang makasalanan, ipinadama pa rin sa atin ng Panginoon ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa ating lahat. 

Sa Ebanghelyo, ang publikanong si Zakeo ay nagbigay ng papuri at karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisi sa kanyang mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Kanya. Nangyari iyon noong makatagpo niya ang Mukha ng Awa at Habag ng Diyos na si Hesus. Pinagsisihan ni Zakeo ang kanyang mga kasalanan at nagbalik-loob sa Diyos dahil nakatagpo niya si Hesus. Noong nakatagpo ni Zakeo si Hesus, naranasan niya ang pagkilos ng Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa karanasang iyon, nagbago ang buhay ni Zakeo. Sa pamamagitan ng kanyang ginawang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos, binigyan ni Zakeo ng papuri at karangalan ang Diyos. 

Si Hesus ang pinakadakilang larawan ng Awa at Habag ng Diyos. Noong Siya ay pumarito sa sanlibutan, isinilarawan ni Hesus ang Awa at Habag ng Ama. Nakita ng sangkatauhan ang Awa at Habag ng Diyos sa katauhan ni Hesukristo. Noong Siya'y pumarito sa daigdig, nagpatoto si Hesus tungkol sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Pumarito si Hesus sa daigdig upang maging ating Tagapagligtas. At bilang ating Tagapagligtas, ipinamalas ng Panginoong Hesukristo sa lahat kung gaano kalalim at kadakila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Ang pinakadakilang gawa ng Panginoong Hesukristo kung saan ipinakita Niya sa lahat ang Awa at Habag ng Diyos ay ang Kanyang Banal na Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. 

Nararapat lamang na ang Diyos ay bigyan ng papuri at karangalan. Dapat tayong magbigay ng papuri at karangalan sa Diyos pagkat Siya'y puspos ng Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa lahat. Ipinakita sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig na puspos ng kadakilaan. Ito'y patuloy na ipinapakita ng Diyos sa atin magpahanggang ngayon. Paulit-ulit Niya itong ginagawa para sa atin. Ang Diyos ay hindi nagsasawa sa pagpapamalas ng Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa atin. Kaya, nararapat lamang na ang Diyos ay lagi nating papurihan at parangalan. Huwag sana tayong magsawa sa pagbibigay ng papuri at karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.