Linggo, Abril 16, 2017

BUOD AT RUROK NG PANANAMPALATAYA

16 Abril 2017 
Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 



Sa kalendaryong liturhikal ng Simbahan, ang araw na ito ang pinakamahalagang araw sa buong taon. Higit na mahalaga ang araw na ito kaysa sa ibang araw para sa Inang Simbahan. Sapagkat sa araw na ito, ipinagdiriwang ng Inang Simbahan ang rurok at buod ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Ang araw na ito ay ang araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Muling nabuhay ang Panginoong Hesukristo mula sa mga patay. Lumabas at bumangon nang matagumpay mula sa libingan ang ating Panginoong Hesukristo.

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa kahalagahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo sa pananampalatayang Kristiyano sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Sinabi niya na kung hindi muling nabuhay si Kristo, walang katuturan ang ating pananampalataya. Tanging ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ang nagbibigay saysay sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. 

Ang pananampalatayang ito ang siyang ipinangaral ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Isinalaysay ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa ang Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Ang Panginoong Hesus ay ipinako sa krus, namatay, at muling nabuhay sa ikatlong araw. Iyan ang buod at ang rurok ng pananampalatayang Katoliko. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagbibigay-saysay sa ating pananampalataya bilang mga Katolikong Kristiyanong nananalig at sumasampalataya sa Kanya bilang ating Panginoon at Diyos. 

Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, pinatunayan ni Hesus na totoo ang Kanyang mga winika tungkol sa Kanyang sarili. Tinupad ni Hesus ang bawat hula ng mga propeta sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas. Tinupad ni Hesus ang Kanyang ipinahayag at ipinangako sa lahat. Siya'y papatayin, ngunit Siya'y hindi mananatili sa libingan. Hindi mananatiling patay si Hesus. Ang Kanyang katawan ay hindi mananatili sa loob ng libingan. Bagkus, bumangon nang matagumpay si Hesus mula sa libingan at muling nabuhay sa ikatlong araw. Pinatunayan Niya na ang lahat ng Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang sarili ay totoo. Siya nga ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas at Mananakop ng lahat. 

Ipinakita rin ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay na hindi nagwawakas ang lahat sa kamatayan. Hindi Kalbaryo ang hantungan ng Kanyang misyon. Bagkus, ang Kanyang misyon ng paghahain ng sarili para sa lahat ng tao ay nakumpleto sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang krus at ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay magkakaugnay. Kung wala ang krus sa Kalbaryo, walang Muling Pagkabuhay na magaganap. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang huling yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal. 

Kaya nga, noong makita ng alagad na minamahal ni Hesus na si Apostol San Juan ang libingang walang laman sa Ebanghelyo, agad siyang naniwala sa katotohanang hindi ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Siya'y naniwala agad na ang Panginoon ay muling nabuhay. Batay pa lamang sa ayos ng mga tela na pambalot sa bangkay ng Panginoon, mga kayong lino, hindi ito kaso ng pagnanakaw. Hindi ninakaw ang bangkay ni Kristo; tunay ngang Siya'y muling nabuhay. 

Ang libingang walang laman ang saksi sa buod at rurok ng pananampalataya natin bilang mga Katolikong Kristiyano. Ang libingang walang laman ang nagpapatotoo na tunay ang Misteryo Paskwal ni Hesus. Si Hesus ay ipinako sa krus, namatay, at inilibing. Subalit, hindi nanatiling patay ang Panginoong Hesus. Hindi nanatili sa libingan ang Panginoong Hesus matapos Siyang mamatay sa krus. Bagkus, noong sumapit ang ikatlong araw, bumangon nang matagumpay ang Panginoong Hesus. Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw. 

Ang buod at rurok ng ating pananampalatayang Katoliko ay ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo. Binibigyan ng kabuluhan ng Pasyong Mahal at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang pananampalatayang Kristiyano. Kung hindi Siya namatay sa krus at muling nabuhay, walang saysay o kahalagahan ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, binuo ni Hesus ang Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tinubos Niya ang lahat ng tao. Tayong lahat ay nagtitipon linggo-linggo sa Misa bilang mga Kristiyano dahil sa krus at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. 

SI KRISTO'Y MULING NABUHAY! ALELUYA! 

Sabado, Abril 15, 2017

AWITIN ANG ALELUYA KASAMA ANG MAHAL NA BIRHENG MARIA

15 Abril 2017 
Sabado de Gloria - Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41; 42 (o kaya: 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Mateo 28, 1-10 



Ang pagdurusa at kamatayan ng Panginoong Hesukristo ay nagdulot ng matinding hapis sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Matapos masaksihan ang pagdurusa at kamatayan ng Panginoong Hesukristo, napuno ng lungkot at lumbay ang Mahal na Birhen. Ang luha mula sa kanyang mga mata. Bagamat ang Mahal na Ina ay buong pusong nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos, hindi maiaalis sa kanyang puso ang hapdi at kirot dulot ng Pasyon ng kanyang Anak. Sinong ina ang hindi labis na masasaktan kapag may nangyaring masama sa kanyang anak? 

Nasaksihan ni Maria ang bawat sandali ng Pagpapakasakit ni Hesus. Bawat saglit ng pagdurusa at kamatayan ni Hesus ay kanyang dinibdib. Natunghayan ni Maria ang bawat saglit noon. Bawat minuto, bawat segundo, bawat oras ng pagdurusa ni Hesus. Napakasakit para kay Inang Maria na saksihan ang bawat minuto ng araw na iyon. Napakasakit para kay Maria na masaksihan nang personal kung paanong kinutya, pinagtulungan, at pinatay si Hesus. Nandoon si Maria habang nagdusa si Hesus. Nakita ng kanyang mga mata ang matinding pagpapakasakit ni Hesus. 

Tiniis ng Mahal na Birheng Maria ang lahat ng sakit. Tiniis ni Maria ang hapdi at kirot sa kanyang puso. Nagdusa siya kasama ni Hesus. Nakiisa siya sa pagdurusa ng Panginoong Hesus. Tiniis ng Mahal na Inang si Maria ang pagtarak ng tabak sa kanyang puso, tulad ng hinulaan ni Simeon sa templo. Ang kanyang puso'y hiniwa ng isang tabak. Napakasakit ng hiwa. Subalit, ang lahat ng iyon ay tiniis ni Maria habang sinasaksihan ang bawat sandali ng Pasyong Mahal ni Kristo. 

Subalit, hindi nagtagal ang paghahapis ni Maria. Nagwakas ang kanyang hapis at pagluluksa noong muling nabuhay si Kristo Hesus. Nagwakas ang paghihinagpis ng Mahal na Ina noong nagpakita sa kanya ang Panginoong Muling Nabuhay. Kay laki ng tuwa't galak na naramdaman ng Mahal na Birhen. Napuspos ng kagalakan ang puso ng Birheng Maria nang makita ng kanyang mga mata ang kanyang Anak na muling nabuhay. Ang hapis ng Mahal na Birheng Maria ay tuluyang napawi at nagwakas dahil sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. 

Liwanag, kapayapaan, at kagalakan ang hatid ng Panginoong Muling Nabuhay na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan nito, ang kadiliman ay nasindak. Ang lungkot at hapis ay tuluyang pinawi ng Panginoong Hesukristo na Muling Nabuhay. Ang mga biyayang kaloob ng Panginoong Muling Nabuhay ang siyang ipinapalaganap. 

Kaya nga sa Ebanghelyo, sinabihan ng Panginoong Muling Nabuhay ang dalawang Maria na pumunta sa libingan - sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria - na huwag silang matakot. Hindi takot ang hatid ni Kristong Muling Nabuhay. Bagkus, kagalakan, kapayapaan, at kaliwanagan ang hatid ni Kristong Muling Nabuhay sa lahat ng mga nananalig at sumusunod sa Kanya nang buong puso. 

Batid ng Mahal na Birheng Maria na hindi takot ang hatid ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Alam ni Maria na hindi takot kundi kagalakan ang hatid ng Anak niyang Muling Nabuhay. Alam ni Maria na ang Anak niyang Nabuhay ang tagapawi ng takot at hapis. Alam ni Maria na ang hapis ay magiging tuwa't galak sa pamamagitan ng Anak niyang Muling Nabuhay, ang Panginoong Hesukristo. 

Sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, huwag tayong matakot lumapit sa Panginoong Muling Nabuhay. Huwag tayong matakot na pagmasdan si Hesus na Muling Nabuhay. Bagkus, lumapit tayo nang may buong pananalig sa Kanya. Papawiin ng Panginoong Muling Nabuhay ang ating mga hapis at takot. Mula sa pagiging mga taong puno ng takot at hapis, tayong lahat ay mapupuno ng tuwa't galak. Nawa, kasama ang Mahal na Birheng Maria, awitin natin ang "Aleluya" na may tuwa't galak sa Panginoong Muling Nabuhay. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY SA LAHAT! 

Biyernes, Abril 14, 2017

LARAWAN NG DAKILANG PAG-IBIG

14 Abril 2017
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42



Tuwing sasapit ang Biyernes Santo, pumapasok ang Simbahan sa hiwaga ng krus ni Kristo. Ang krus ni Kristo ang sagisag ng ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo sa krus, ang sangkatauhan ay tinubos. Ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paghahain ng sarili ni Kristo sa krus dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ang krus ni Kristo ang larawan ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. 

Hinulaan ang paghahain ni Kristo ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Binigyang-diin ni propeta Isaias na ang Mesiyas ay labis na masusugatan dahil sa kasalanan ng bawat tao. Labis ang pagdurusa ng Mesiyas dahil sa mga makasalanan. Dahil sa bigat ng mga kasalanan ng bawat tao, si Kristo'y nagtiis ng matinding hirap at kirot. Ang mga kasalanan natin ang nagdulot ng matinding pagdurusa kay Kristo. Nagpakasakit Siya dahil sa bigat ng ating mga kasalanan. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan si Kristo ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo bilang dakilang saserdote. Isa sa mga titulo ni Kristo Hesus ang titulo ng dakilang saserdote sapagkat hindi pangkaraniwang kordero ang Kanyang inihandog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ang Korderong inihain ni Hesus alang-alang sa sangkatauhan ay ang Kanyang sarili. Inihain ni Hesus ang Kanyang sarili para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Kaya naman, ang Panginoong Hesus ay kilala bilang Kordero ng Diyos at Dakilang Saserdote. 

Inilarawan ni San Juan sa unang bahagi ng kanyang salaysay ng Pasyong Mahal kung paanong ipinagtanggol ng Panginoong Hesus ang mga apostol mula sa mga kawal. Ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga kawal at sinabihan sila na pakawalan ang mga apostol. Siya ang hinahanap ng mga kawal. Kaya, hiniling ni Hesus sa mga kawal na huwag na nilang idamay ang Kanyang mga alagad. 

Sa pamamagitan ng pagpasan ng ating mga kasalanan, ipinamalas at ipinadama ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoong Hesus na akuin at pasanin ang bigat ng ating mga kasalanan. Ipinasiya ni Hesus na mamatay sa krus bilang dakilang hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Inako at pinasan ni Hesus ang kabigatan ng mga kasalanan natin upang tayong lahat ay maligtas at mapatawad. Dumanak ang Kanyang dugo mula sa krus para sa ating kaligtasan. Dumanak ang Kanyang dugo mula sa krus upang magkaroon ng kapatawaran ang ating mga sala. 

Magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tunay at wagas ang Kanyang pagmamahal para sa atin. Magpasalamat tayo sapagkat ipinagkaloob ng Diyos ang Bugtong na Anak Niyang si Hesukristo upang maging ating Tagapagligtas. Magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat inihain ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili upang tayong lahat ay maligtas. Magpasalamat tayo sapagkat tayo'y nagkaroon ng kaligtasan at kapatawaran para sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kabanal-banalang Dugo ng Panginoong Hesukristo na Siyang nagligtas sa ating lahat. 

Ang paghahain ni Hesus sa krus ay ang larawan ng dakilang pag-ibig. Iyan ang larawang nais iguhit ng misteryo ng krus ni Hesus. Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay upang ipakita at ipadama sa ating lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig na mananatili magpakailanman. Pag-ibig ang dahilan kung bakit kusang ibinigay ni Kristo Hesus ang Kanyang sarili bilang handog nang buong kababaang-loob para sa ating lahat. Dahil sa Kanyang-pag-ibig para sa atin, tayong lahat ay tinubos at pinatawad ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus. 

PITONG HULING WIKA - IKAPITONG WIKA

IKAPITONG WIKA (Lucas 23, 46):
"AMA, SA MGA KAMAY MO'Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU!" 


Hanggang sa huling sandali ng Kanyang buhay sa krus, ang Panginoong Hesus ay nanalig sa Ama. Hindi nawalan ng tiwala si Hesus sa Ama kailanman. Buong-buo ang pananalig ni Hesus sa kalooban ng Ama hanggang sa katapusan. Kaya nga, sa Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemane, namutawi ang mga salitang ito mula sa mga labi ni Hesus, "Huwag ang kalooban Ko ang masunod, O Ama, kundi ang kalooban Mo." (Lucas 22, 42)

Sa Kanyang Ikapitong Huling Wika mula sa krus, muling ipinakita ni Hesus ang buong puso Niyang pananalig sa Ama. Kahit nagdurusa sa krus, hindi nagmaliw ang pananalig ni Hesus sa Ama. Dahil sa pananalig ni Hesus sa Ama, tinanggap Niya ang krus nang buong kababaang-loob. Buong kababaang-loob na tumalima sa kalooban ng Ama si Hesus, kahit ang katumbas nito'y ang Kanyang buhay. 

Niloob ng Ama na ialay ni Hesus ang Kanyang buhay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Niloob ng Ama na si Hesus ay mag-alay ng buhay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Batid ni Hesus na napakahirap ang ipinapagawa sa Kanya ng Ama. Batid ni Hesus na mahirap tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama. Batid Niya na napakahirap at napakasakit ang kailangan Niyang danasin. Subalit, tinanggap at niyakap ni Hesus ang kalooban ng Ama nang buong pusong pananalig.  

Puno ng kahirapan ang mga huling sandali ng Kanyang buhay. Puno ng hapis ang mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang mga huling sandali ng Kanyang buhay ay puno ng kadiliman. Subalit, sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling mapanatag ang loob ni Hesus dahil sa Kanyang pananalig sa Ama. Para kay Hesus, mapapanatag ang kalooban ng bawat isa, kahit sa mga sandali ng kahirapan, kung ibibigay ang buong pusong pananalig sa Amang makapangyarihan at maawain. 

May nais ituro sa atin ang Panginoong Hesus sa Kanyang Ikapitong Huling Wika mula sa krus. Nais ituro sa atin si Hesus na ang Diyos lamang ang magbibigay ng kapanatagan sa ating buhay, lalung-lalo na sa mga oras ng kahirapan. Totoo ngang hindi madaling manalig sa Diyos sa lahat ng pagkakataon sa buhay, lalung-lalo na sa mga oras ng kagipitan. Subalit, ang Panginoon lamang ang makakapagdulot ng kapantagan ng loob sa bawat sandali ng ating buhay. Kinakailangan lamang nating manalig sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. 

Tanging ang Diyos lamang ang makakapagbigay ng kapanatagan ng loob sa bawat sandali ng ating buhay, lalung-lalo na sa mga sandali ng kagipitan. Ibigay lamang natin ang buong puso nating pananalig sa Kanya. Sa gayon, magiging maayos ang lahat sa tulong ng Kanyang makapangyarihang Awa at Pag-Ibig. 

PITONG HULING WIKA - IKAANIM NA WIKA

IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30):
"NAGANAP NA!" 


"Anong ganap?" Tinatanong ito upang malaman kung anong mayroon. Tinatanong ito upang malaman kung anong mangyayari. Kapag ang pangyayaring magaganap ay nakakainteresado para sa isang tao, siya'y mananatili upang saksihan nang buo ang pangyayaring ito. Hindi niya nais malampasan ang kaganapang iyon mula sa simula hanggang sa katapusan niyon. Kapag hindi naman nakakainteresado, aalis na lamang siya. May mga ilang magsasabing, "Balitaan mo na lang ako." 

Tuwing sasapit ang Biyernes Santo, ginugunita ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng daigdig - ang paghahain ng Panginoong Hesus sa krus. Inalay ni Hesus ang Kanyang sarili alang-alang sa ating kaligtasan. Inako Niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayong lahat ay matubos. Siya'y naging dakilang hain upang ang lahat ng kasalanan ay magkaroon ng kapatawaran. 

Sa pamamagitan ng pagsigaw ng mga katagang "Naganap na!", inihayag ni Hesus na nagkaroon ng kapatawaran ang lahat ng kasalanan. Inihayag rin ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng mga salitang ito na tinubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Pinalaya na ang sangkatauhan mula sa pagkaalipin dulot ng kasalanan sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo. Hindi na mga bihag ng kasaalanan ang bawat tao. Ang bawat tao'y may kalayaan upang mamuhay bilang mga inangking anak ng Diyos. Ang lahat ng iyon ay naganap sa pamamagitan ni Kristo. 

Inihayag ni Kristo sa pamamagitan ng mga katagang ito kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos, sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ay pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao. Nang magawa iyon, inihandog Niya ang sariling buhay alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ibinigay ng Panginoon ang Kanyang buong sarili upang magkaroon ng kapatawaran ang kasalanan ng tao. Ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Mapalad tayong lahat. Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na lubos na nagmamahal. Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na puspos ng Awa at Habag. Mapalad tayo sapagkat pinili tayong iligtas ng Diyos. Mapalad tayo dahil mayroon tayong Tagapagligtas - si Kristo - na nag-alay ng Kanyang sarili para sa ating lahat. Mapalad tayong lahat sapagkat nagkaroon ng kapatawaran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo ni Kristo. 

Ano'ng ganap ngayong Biyernes Santo? Nasa krus ni Kristo Hesus ang kasagutan. Sa pamamagitan ng krus ni Hesus, naligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng krus ng Panginoong Hesus, nagkaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan ng tao. Sa pamamagitan ng krus ni Hesus, ipinamalas kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan - walang kapantay at walang hanggan. 

Lunes, Abril 10, 2017

PITONG HULING WIKA - IKALIMANG WIKA

IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28): 
"NAUUHAW AKO!" 


Hindi lamang pisikal ang pagkauhaw ng tao. Mayroong iba't ibang kinauuhawan ang tao, bukod sa pisikal na pagkauhaw. Nauuhaw ang tao para sa tagumpay, pag-ibig, paggalang, kaginhawaan, at maraming iba pa. Gagawin ng tao ang lahat para mapawi ang pagkauhaw na iyon. Napakatindi ng pagkauhaw ng tao. Hindi lamang tubig ang lunas sa pagkauhaw ng tao. 

May ilan mga taong uhaw na naghahanap ng mga pamatid-uhaw sa mga maling lugar. Halimbawa, ang mga taong uhaw sa pag-ibig. May mga taong uhaw sa pag-ibig na naghahanap ng tunay na pag-ibig sa pornograpya. Hahanap ng pag-ibig sa pakikipagtalik. Makikipagtalik nang hindi pa ikinakasal. Makikipagtatalik sa mga hindi nila kabiyak. Hindi pag-ibig ang tawag diyan kundi libog, pagnanasa. Hindi tunay na pag-ibig iyan kundi pagnanasa. Isa pang halimbawa, ang mga uhaw para sa kaginahawaan. May mga ilan nagdodroga sapagkat paniwala nila'y giginhawa't luluwag ang kanilang pakiramdam. Hindi totoo iyan! Masisira lamang ang buhay ng tao kapag siya'y gumamit at umabuso ng pinagbabawal na droga.  

Saan tayo makakahanap ng pamatid-uhaw? Ano ang makakapawi sa mga matindi nating pagkauhaw? Ang Panginoong Hesukristo ay ang tunay na tagapawi ng mga matitinding pagkauhaw ng tao. Siya lamang ang makakapawi ng mga matitinding pagkauhaw natin. Batid ni Hesus ang ating mga pangangailangan. Batid Niya ang ating pagkauhaw. Siya lamang ang nakababatid sa ating mga pagkauhaw. 

Paanong tinugon ni Kristo ang pagkauhaw ng tao? Buong kababaang-loob Siyang bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao. Ibinigay ni Kristo ang Kanyang buong sarili bilang handog. Inalay Niya ang Kanyang sarili para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Inihain Niya ang Kanyang buhay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang Panginoon, ang Tubig na nagbibigay-buhay, ay nag-alay ng Kanyang sarili upang ang sangkatauha'y magkaroon ng daan patungo sa Diyos. 

Ang ikalimang wika na namutawi mula sa bibig ni Hesus mula sa krus ay tungkol naman sa Kanyang pagkauhaw. Subalit, hindi inilalarawan ni Hesus sa wikang ito ang pisikal Niyang pagkauhaw. Tayong lahat ang Kanyang kinauuhawan. Uhaw si Hesus para sa ating pananalig at pagmamahal sa Kanya. 

Paano nating mapapawi ang pagkauhaw ng Panginoong Hesus? Mapapawi natin ang pagkauhaw ni Hesus sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. Magbigay tayo ng limos sa mga kapus-palad. Ibahagi ang Awa ng Diyos sa kapwa, lalo na sa mga maralita. Ang Panginoong Hesus mismo ang nagsabi, "Anumang gawin ninyo para sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ito ang ginagawa ninyo para sa Akin." (Mateo 25, 40)

Tumugon ang Panginoong Hesukristo sa pagkauhaw ng tao para sa kaligtasan at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay para sa ating lahat. Hinahamon tayo ni Kristo na tularan ang Kanyang halimbawa. Hinahamon tayo ni Hesus na pawiin ang Kanyang pagkauhaw. Hinahamon tayo ni Hesus na tumugon sa Kanyang pagkauhaw. Kung paanong pinawi ni Kristo ang ating pagkauhaw, gayon din naman, pawiin rin natin ang Kanyang pagkauhaw. 

PITONG HULING WIKA - IKAAPAT NA WIKA

IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34): 
"DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?" 


Madali bang magpuri sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok sa buhay? 
Madali bang manalig sa Diyos sa panahon ng sakuna? 
Madali bang manalangin sa Panginoon sa panahon ng ligalig? 
Madali bang magpasalamat sa Diyos kapag ika'y bigo? 

Madaling magpasalamat sa Diyos kapag ang buhay natin ay masaya. Madaling magpuri sa Diyos kapag maginhawa ang buhay. Madaling manalangin sa Diyos kapag maaayos ang lahat. Madaling manalangin at magpasalamat sa Panginoon kapag nakamit ang tagumpay. Madaling magpasalamat sa Panginoon kapag ang lahat ng mga mithiin sa buhay ay nakamit. 

Kung babaliktarin naman natin ang mga sitwasyon, mapapansin natin na hindi madaling manalig sa Diyos. Mahirap manalig sa Panginoon kapag ang buhay ay puno ng kahirapan at kabiguan. Mahirap para sa atin na kumapit at manalig sa Diyos sa panahon ng matitinding pagsubok. Mahirap magpasalamat sa Diyos sa mga sandali ng kapighatian at sakit. 

Mga matitinding sakuna katulad ng mga lindol sa Bohol at Cebu at ang Bagyong Yolanda na tumama sa Leyte tatlo't kalahating taon na ang nakalipas. Nitong mga nakaraang araw, nagkaroon ng mga malalakas na lindol sa lalawigan ng Batangas. Mga seryosong sakit at karamdaman, katulad ng kanser at HIV/AIDS. Kawalan ng mga mahal sa buhay. Kasawian, kabiguan sa buhay pag-ibig. Mga pagkakataon sa buhay kung saang mahirap manalig at manalangin sa Diyos. 

Habang nakabayubay sa krus, malakas na sumigaw si Hesus. Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan? Ang ikaapat na salitang ito ni Hesus mula sa krus ay hindi salita ng isang taong nawawalan ng pag-asa. Bagkus, ang ikaapat na wika ni Hesus ay ang mga unang kataga ng Salmo 22. Ang Salmo 22 ay isang awit-panalangin na dinadasal sa panahon ng matitinding pagsubok. 

Ano naman ang laman ng panalanging ito ni Hesus? Si Hesus ay nanalangin para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, tayong lahat ay ipinagdasal ni Hesus. Tayong lahat ay ipinagdasal ng Panginoong Hesus upang ipakita sa bawat isa sa atin kung gaano Niya tayo kamahal. Kahit ilang ulit nating sinusugatan ang Mahal Niyang Puso sa pamamagitan ng ating mga kasalanan, patuloy Niya tayong iniibig. Si Hesus, ang Tagpamagitan ng Amang Diyos at ng tao, ay nagdasal nang buong kataimtiman para sa ating lahat. 

Ipinakita ni Hesus sa wikang ito na ang pinakamabisang sandata sa mga oras ng pagsubok ay ang panalangin. Bagamat mahirap gawin sa panahon ng pagsubok, ang pananalangin ang pinakamabisang sandata sa mga oras ng kagipitan. Kapag tayo'y nananalangin nang buong kataimtiman, mararamdaman natin ang Awa at Pagmamahal ng Diyos. Ang Awa at Pagmamahal ng Diyos ang magbibigay sa atin ng panibagong lakas. Ang Awa at Pag-Ibig ng Diyos ang tutulong sa atin na buuin muli ang ating pananalig sa Diyos. Ang Awa at Pagmamahal ng Diyos ang tutulong sa atin na bumangon, lampasan, at pagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay. Ang Awa at Pag-Ibig ng Diyos ang aayos ng lahat ng bagay. 

Sa mga panahon ng pagsubok, lumapit tayo sa Diyos. Kumapit tayo sa Diyos. Oo, hindi madaling gawin ito sa mga sandali ng kagipitan. Subalit, kahit mahina ang pananalig natin sa Diyos sa mga oras na iyon, sa Kanya tayo lumapit at kumapit. Ang Diyos na ating Sanggalang at Tagapagligtas ang tutulong sa atin sa mga oras ng matitinding pagsubok sa buhay.