Linggo, Setyembre 10, 2017

LAGING ALALAHANIN ANG PANGINOONG DIYOS NA NAGLIGTAS

14 Setyembre 2017 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17



Ang pinakamahalagang simbolo ng Kristiyanismo ay ang krus. Sinasagisag ng krus ang kaligtasan ng sangkatauhan. Iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang krus, na dati-rati'y sumasagisag sa kapahamakan at kamatayan, ang siyang sumasaigsag ngayon sa tagumpay ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa tao, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng krus ni Kristo, ipinamalas ng Diyos sa lahat ang tagumpay ng Kanyang kaluwalhatian. 

Kaligtasan ang dulot ng Diyos sa lahat. Hindi Siya nagdudulot ng kapahamakan o kapighatian. Ang Diyos ay nagdudulot ng kaligtasan at kalayaan. Ito ang ipinamalas ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Hindi nais ng Diyos na mapahamak ang sangkatauhan dahil sa kasalanan. Niloob ng Diyos na sila'y iligtas at palayain mula sa kaalipinan dulot ng kasalanan. At iniligtas nga ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus. 

Tampok sa mga Pagbasa ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan. Ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan ay kahanga-hanga. Hindi mahihigitan ng sinumang taong namumuhay sa daigdig na ito ang gawang ito ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa sangkatauhan, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pagiging kahanga-hanga. Tunay ngang kahanga-hanga ang ginawang pagliligtas ng Diyos sa abang sangkatauhang lubos Niyang sinisinta. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang ang sinumang matuklaw ng makamandag na ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay mabubuhay. Hindi ang ahas na tanso ang nagligtas sa tao kundi ang Diyos. Ang ahas na tanso na ginawa ni Moises ang instrumento ng Diyos. Ang Dios ang nagligtas sa Kanyang bayan. Ginamit ng Diyos ang ahas na tanso na ginawa ni Moises upang maging Kanyang instrumento sa pagligtas Niya sa mga Israelita. Sa pamamagitan ng ahas na tanso na ginawa ni Moises, iniligtas ng Diyos ang bayang Israel mula sa kapahamakan at kamatayan. 

Binigyang-diin sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo kung paanong ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang maging ating Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Kristo, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kababaang-loob at pagtalima ng Panginoong Hesus sa Kanyang kalooban hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Ipinakita ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob ang dakilang pag-ibig ng Diyos na hinding-hindi magwawakas kailanman. 

Huwag na huwag nating kalilimutan ang Diyos. Hindi Siya dapat limutin. Dapat lagi natin Siyang alalahanin dahil marami Siyang ginawa para sa atin. Ang Diyos ay gumawa ng maraming mga kahanga-hangang bagay para sa atin. Isa na rito ang pagtubos Niya sa ating lahat mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Sa pamamagitan ng Banal na Krus ng Panginoong Hesus, tayong lahat ay tinubos at pinalaya mula sa kasamaang umalipin at bumihag sa atin. Sa pamamagitan rin ng krus ni Hesus, ipinamalas sa atin ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan. 

Kaya naman, kapag nakakakita tayo ng krusipiho sa altar ng Simbahan o nag-aatanda ng krus, alalahanin natin ang pinakadakilang gawa ng Diyos. Lagi nating tatandaan kung paano tayong iniligtas ng Diyos. Sa pamamagitan ng kababaang-loob ng Panginoong Hesukristo hanggang sa Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay tinubos ng Poong Maykapal mula sa kasamaan at binigyan ng kalayaan upang mamuhay bilang Kanyang mga anak na sinisinta. 

Sabado, Setyembre 9, 2017

PAGPAPAKITA NG PAG-IBIG SA KAPWA

10 Setyembre 2017 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 33, 7-9/Salmo 94/Roma 13, 8-10/Mateo 18, 15-20 




Kung pagninilayan natin nang mabuti ang mga utos ng Panginoong Diyos sa Banal na Bibliya, mapapansin natin na isinasalungguhit ng mga ito ang kahalagahan ng pag-ibig. Lalung-lalo na sa Sampung Utos ng Diyos na mapapakinggan sa Lumang Tipan. Kung babalangkasin natin nang mabuti ang Sampung Utos ng Diyos, mapapansin natin na ang unang bahagi ay tungkol sa pagpapahayag ng pag-ibig sa Diyos at ang ikalawang bahagi naman ay tungkol sa pagpapahayag ng pag-ibig sa kapwa-tao. Ang pangunahing tema ng Sampung Utos ng Diyos ay pag-ibig; pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa-tao. Pag-ibig ang batayan ng mga utos ng Dios. 

Ang buod ng mga utos ng Diyos ay inihayag sa Bagong Tipan. Nagbigay ng isang bagong utos sa mga alagad ang Panginoong Hesus noong gabing bisperas ng Kanyang Misteryo-Paskwal. "Mag-ibigan kayo." (Juan 13, 35) Wala itong pinagkaiba sa mga utos ng Diyos na inihayag sa Matandang Tipan. Sa katunayan, ang utos na ito ni Hesus ang buod ng kautusan ng Diyos na inihayag sa Lumang Tipan. Pinaikli ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus ang Kanyang utos na inihayag sa Lumang Tipan sa dalawang simpleng salita - mag-ibigan kayo. 

Mukhang madaling gawin ang iniuutos sa atin ng Panginoon. Subalit, mahirap magpakita ng pag-ibig sa kapwa, lalung-lalo na kapag kagalit natin ang ating kapwa. Kahit sinumang taong namumuhay dito sa daigdig ang tatanungin, sasabihin nila na hindi madaling magpakita ng pag-ibig sa kagalit. Kapag galit ka sa isang tao, mahirap magpakita o magpadama ng pag-ibig sa kanya. Hindi nagpapansinan o nag-uusap man lang ang mga magkagalit. 

Inilalarawan ng mga Pagbasa ngayon na magkarugtong ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig sa kapwa-tao. Hindi maaaring paghiwalayin ang pag-ibig sa Panginoon at ang pag-ibig sa kapwa. Magkaugnay ang pag-ibig para sa Panginoon at ang pag-ibig para sa kapwa-tao. Kung tunay nating iniibig ang Panginoong Diyos, dapat nating ibigin ang ating kapwa-tao. Pananagutan natin sa Maykapal ang ating kapwa. 

Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel, inihayag ng Panginoong Diyos na ang bawat tao'y may pananagutan sa kanyang kapwa. Ang mga masasama'y dapat paalalahanan at bigyan ng babala tungkol sa magiging kahihinatnan nila kapag sila'y nagpatuloy sa kanilang makasalanang pamumuhay. Ang gawaing ito'y isang pagpapahayag ng pag-ibig sa kapwa. Sa pamamagitan ng paghikayat sa kapwa natin na dapat pagsisihan at talikdan ang kasalanan, ipinapakita't ipinapadama natin sa kanila ang ating pag-ibig tulad ng iniuutos ng Diyos sa ating lahat. 

Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma na ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan. Kapag umibig ang bawat isa, natutupad ang mga utos ng Diyos. Tinutupad ng sinuman ang mga utos ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pag-ibig sa Diyos at kapwa sa pamamagitan ng salita't gawa. Hindi sapat na ibigin lamang ang Diyos. Dapat ibigin rin ang kapwa kung paano nating iniibig ang Diyos. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na dapat natin gawin ang lahat upang ibalik ang ating kapwa sa landas patungo sa Diyos. Kausapin natin. Kapag hindi siya nakinig, ihayag ito sa iba pa nating kapwa, pati na rin sa Simbahan, upang maisamantala niya ang pagkakataong magsisi at magbalik-loob sa Diyos. At kapag hindi pa rin siya nakinig sa iba, lalung-lalo na sa Inang Simbahan, dapat natin siyang ituring na Hentil o publikano. Papaano nating tatratuhin ang mga Hentil o publikano? Habilin ni Hesus, ibigin pa rin natin. Ipakita't ipadama pa rin natin ang ating pagmamahal sa kanila, kahit ayaw nilang makinig sa atin o sa Inang Simbahan. 

May utos sa atin ang Diyos. Umibig. Ibigin ang kapwa kung paano nating ibigin ang Diyos at ang ating mga sarili. Kung tunay nating minamahal ang Diyos, mamahalin rin natin ang ating kapwa, gaano mang kahirap ito. Kinalulugdan ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa kapwa. Ang pag-ibig ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Makakamit natin ang paglingap ng Panginoong Diyos sa ating lahat kung tunay nating mamahalin ang ating kapwa, kahit napakahirap itong gawin. 

Lunes, Setyembre 4, 2017

MARIA: ISINILANG PARA SA ISANG NAPAKAHALAGANG MISYON

8 Setyembre 2017 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 




Ang Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay isang napakahalagang araw para sa Simbahan. Si Maria ang babaeng bukod na pinagpala ng Diyos sa lahat ng kababaihan. Si Maria ay hinirang upang maging ina ng Mesiyas at Mananakop ng sangkatauhan na si Kristo Hesus, ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao para sa kaligtasan at kalayaan ng lahat ng tao. Matapos ang kanyang kalinis-linisang paglilihi at pananahan sa loob ng sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana sa loob ng siyam na buwan, isinilang ang Mahal na Birheng Maria. At ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay nagdulot ng matinding kagalakan sa kalangitan sapagkat isinilang na ang Kaban ng Bagong Tipan. Isinilang ang magiging tagapagdala ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. 

Inilarawan sa mga Pagbasa ngayon ang papel ng Mahal na Birheng Maria sa salaysay ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Mahal na Birheng Maria ang babaeng itinutukoy ni propeta Mikas sa Unang Pagbasa. Siya ang babae na maglilihi at mangaganak ng isang sanggol na itinakdang maging haring dakila. Mula sa kanyang sinapupunan magmumula ang Hari ng mga Hari. Sa kanyang sinapupuna'y magmumula ang kaligtasang kaloob ng Diyos. Inihayag rin ni San Mateo sa Ebanghelyo na si Maria ang dalagang itinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang propesiya tungkol sa Mesiyas. Si Maria ang dalagang hinulaan ni propeta Isaias na maglilihi at manganganak sa Mesiyas na si Kristo Hesus, ang Diyos na laging sumasaatin, Emmanuel. 

Mahalaga ang papel ng Mahal na Birheng Maria sa salaysay ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Siya ang naging tahanan ng Banal na Sanggol na si Hesus sa loob ng siyam na buwan hanggang sa Kanyang pagsilang sa mundo. Siya ang nagsilang sa Mesiyas. Siya ang nag-aruga sa Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. At bilang abang lingkod ng Diyos, buong puso't pananalig na tinanggap ng Mahal na Inang si Maria ang papel na ibinigay sa kanya. 

Hindi madali para sa Mahal na Birheng Maria na gampanan ang papel na ibinigay sa kanya ng Diyos. Maraming mga pagsubok ang kinailangan niyang harapin. Isang halimbawa nito ay binanggit ni San Mateo sa Ebanghelyo. Bago pa man siya ikasal kay San Jose, natagpuan siyang nagdadalantao. At ayon sa batas ng mga Hudyo, ang mga natagpuang nagdadalantao sa labas ng kasal ay babatuhin hanggang sa mamatay. Subalit, nanalig si Maria na ang Diyos ang bahala sa kanya. Si Maria ay nanalig na siya'y ililigtas ng Diyos mula sa anumang panganib na magiging hadlang sa pagtupad ng pananagutan niya sa Diyos. At iyon nga ang nangyari. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay hinirang ng Diyos para sa isang napakahalagang misyon. Binigyan siya ng isang mahalagang papel sa salaysay ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Siya'y hinirang ng Diyos upang maging ina ng Panginoong Hesukristo. Ang kanyang sinapupunan ang magiging tahanan ni Kristo Hesus sa loob ng siyam na buwan. Ang papel na ginampanan ng Mahal na Ina ay hindi madali. Subalit, sa kabila nito, patuloy na nanalig ang Mahal na Ina sa Diyos na nagliligtas. Buong pusong nanalig si Maria na siya'y kahahabagan at tutulungan ng Diyos upang magkaroon ng katuparan ang Kanyang kalooban. 

Sabado, Setyembre 2, 2017

PAG-AALAY NG SARILI SA PANGINOON

3 Setyembre 2017 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Jeremias 20, 7-9/Salmo 62/Roma 12, 1-2/Mateo 16, 21-27 


Ayon sa isang alamat mula sa tradisyong Kristiyano, si Apostol San Pedro ay umalis ng Roma upang takasan ang parusang kamatayan noong kapanahunang yaon. Ang uri ng pagbitay na ipinapataw ng gobyerno ng Roma noon sa mga hindi taga-Roma katulad ni Apostol San Pedro ay ang kamatayan sa krus. Tanging mga mamamayan ng Roma lamang ang hindi pinapatawan ng ganoong uri ng pagbitay noon. 

Habang tumatakas mula sa lungsod ng Roma, nakatagpo ni Apostol San Pedro sa daan ang Panginoong Hesus, pasan-pasan ang krus. Tinanong ni Apostol San Pedro ang Panginoon, "Quo vadis?" ("Saan po kayo pupunta?") Sumagot sa kanya ang Panginoon nang ganito, "Romam eo iterum crucifigi." ("Sa Roma upang doo'y muling ipako sa krus.") Dahil sa pagtatagpong ito, nagkaroon ng katatagan ng loob si Apostol San Pedro upang bumalik sa Roma at ipagpatuloy ang kanyang ministeryo bilang unang Santo Papa ng Simbahan, sa kabila ng matinding panganib na naghihintay sa kanya. Humantong ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay sa krus nang patiwarik sa kamay ng mga autoridad noon. 

Pag-aalay ng sarili sa Panginoon ang temang isinasalungguhit ng mga Pagbasa ngayon. Ang pag-aalay ng sarili sa Panginoon ay napakahalaga para sa bawat Kristiyano. Kinakailangang ialay ang buong sarili sa Kanya. Ipinapakita nito ang ating pagtalima at pananalig sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili sa Panginoon, hinahayaan nating matupad ang Kanyang kalooban.

Inihayag ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa ang tunay niyang minimithi. Iisa lamang ang minimithi ni propeta Jermias - makamit ang paglingap ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-alay ng kanyang buhay para sa Kanya. Wala siyang ibang hangarin. Mas mamatamisin niyang pagtawanan at kutyain siya ng mga tao para sa kanyang tapat na paglilingkod sa Panginoon. Nais ni propeta Jeremias na siya'y lingapin ng Diyos kaysa lingapin ng tao. Ang tanging hangarin ni propeta Jeremias ay ialay ang kanyang buhay para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. 

Binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma ang pag-aalay ng sarili sa Diyos. Inihayag ni Apostol San Pablo na ang pag-aalay ng buong sarili sa Diyos bilang handog ay kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Kinalulugdan ng Diyos ang mga buong puso't kaluluwang naghahandog ng sarili sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghandog ng sarili sa Panginoon, tayo'y tumatanggap at tumatalima sa Kanyang kalooban. Hinahayaan nating magkaroon ng kaganapan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan nito. 

Mayroong dalawang bahagi ang Ebanghelyo ngayon. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ni Hesus sa mga apostol ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay sa unang pagkakataon. At sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inilahad ni Hesus ang kundisyon sa pagiging tagasunod Niya. Sa dalawang bahaging ito, binigyang-diin ni Hesus ang kahalagahan ng pag-aalay ng sarili para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. Kung paanong inihandog ni Hesus ang Kanyang buong sarili upang matupad ang kalooban ng Ama sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Pagkabuhay, gayon din naman, dapat nating ihandog ang buo nating sarili upang matupad ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghandog ng buo nating sarili sa Diyos, ipinapakita natin ang ating pananalig at pagtalima sa Kanyang kalooban. Kapag ginawa natin iyon, makakamit natin ang paglingap ng Diyos. 

Kinalulugdan ng Diyos ang mga naghahandog ng sarili sa Kanya. Ang pag-aalay ng sarili bilang handog sa Panginoon ay nagpapakita ng pananalig at pagtalima sa Kanya. Nakakamit ng mga naghahandog ng sarili sa Panginoon ang Kanyang paglingap. At sa pamamagitan ng gawang ito, pinahihintulutan at hinahayaan ng mga naghahandog ang Diyos na tuparin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng paghandog ng sarili sa Diyos, pinipili't tinatanggap ang Kanyang kalooban kaysa ang kalooban at naisin ng sarili. At ang kalooban ng Diyos ay tunay na dakila at walang kapantay kung ito'y ikukumpara sa kalooban ng sarili. 

Paano maging tunay na Kristiyano? Paano maging isang tunay na tagasunod ng Panginoong Hesukristo? Paano nating makakamit ang paglingap ng Diyos? Limutin at talikuran ang sarili. Isentro natin ang Diyos sa ating buhay. Ipagkatiwala ang sarili sa Kanya. Ialay natin ang ating buhay at sarili sa Diyos bilang handog. Hangarin natin na magkaroon ng katuparan ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito, ibinibigay natin ang ating pananalig at pagtalima sa Diyos. Sa gayon, lalo nating binibigyan ng luwalhati ang Poong Maykapal. 

Sabado, Agosto 26, 2017

MULA SA DIYOS

27 Agosto 2017 
Ikadalawampu't Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 22, 19-23/Salmo 137/Roma 11, 33-36/Mateo 16, 13-20 



"Sapagkat mula sa Kanya at sa pamamagitan Niya at sa Kanya ang lahat ng bagay." (Roma 11, 36). Ang mga katagang ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma ang paksang nais bigyang-diin ng mga Pagbasa ngayon. Sa Diyos nagmumula ang lahat ng bagay. Siya lamang ang may tunay na kakayahang ibigay o bawiin ang mga ito. Ang Diyos ang tunay na may-ari ng lahat ng bagay na nakikita at 'di nakikita. Sa Kanya lamang nagmumula ang lahat ng mga bagay na hindi kayang ibigay ng sinumang tao sa daigdig. 

Sa Unang Pagbasa, binawi ng Panginoong Diyos mula kay Sabna ang kanyang posisyon bilang katiwala sa palasyo ni Haring Ezequias. Si Sabna ay naging isang mapagmataas na tao noong hawak niya ang tungkuling iyon. Dahil sa pagmamataas ni Sabna, inabuso niya ang kanyang kapangyarihan bilang katiwala ng palasyo. Hindi ikinalugod ng Diyos ang pagmamataas at pang-aabusong ginawa ni Sabna bilang katiwala ng palasyo. Kaya, inialis ng Diyos si Sabna mula sa kanyang tungkulin bilang katiwala ng palasyo at hinirang si Eliaquim na anak ni Helcias upang maging kanyang kapalit. 

Sa Ebanghelyo, ibinigay ng Panginoong Hesus kay Apostol San Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang mga susi ng kaharian ng langit ang sumasagisag sa kapangyarihang ibinigay ni Hesus kay Apostol San Pedro bilang punong lingkod ng Simbahan. Binigyan ni Hesus si Apostol San Pedro ng kapangyarihan bilang pinuno at tagapangasiwa ng Simbahan. Bilang pinuno at tagapangasiwa ng Simbahang itinatag ni Kristo sa lupa, pangungunahan at pangangasiwaan ng Santo Papa ang pangunahing misyon ng Simbahan - ipangaral at ipalaganap sa lahat ng mga bansa ang Mabuting Balita ng kaligtasang kaloob ng Panginoon. Magpahanggang ngayon, ipinagpapatuloy ito ng Simbahan sa pamumuno ng kasalukuyang Santo Papa na si Papa Francisco, ang isa sa maraming humalili kay Apostol San Pedro. 

Ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala sa ating lahat upang magamit natin ang mga ito para sa kabutihan. Mayroong tayong tungkulin mula sa Diyos - ipalaganap ang kabutihan. Nais ng Diyos na ipalaganap natin ang kabutihan sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagpapalang ipinagkaloob Niya sa ating lahat. At ang paggamit ng mga pagpapalang kaloob ng Diyos sa atin para sa atin ay ang tamang paggamit sa mga ito. Iyon ang dahilan kung bakit ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Kanyang mga biyaya. Ang mga pagpapala ng Diyos ay ipinagkaloob sa bawat isa sa atin upang maipalaganap natin ang kabutihan.

Tayong lahat ay mga katiwala lamang ng mga kaloob ng Diyos. Hindi porke't ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala ay nangangahulugang maaari natin gamitin ang mga iyon para sa anumang naisin natin. Huwag nating iabuso ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Huwag tayong maging abusado sa pagtupad ng ating tungkulin bilang mga katiwala ng mga kaloob ng Diyos. Gamitin natin ang mga pagpapalang ipinagkaloob sa ating lahat ng Diyos sa tamang pamamaraan, sa tunay na layunin nito. 

Ang bawat Kristiyano ay pinagkatiwalaan ng isang mahalagang tungkulin mula sa Diyos - ipalaganap ang kabutihan. Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala sa bawat isa sa ating lahat, mga Kristiyanong lubos na nananalig at sumasampalataya sa Kanya, upang makagawa ng kabutihan sa ating kapwa. Sa gayon, ipinapalaganap natin ang kabutihan sa lahat ng mga bansa sa daigdig, ayon sa kalooban ng Poong Maykapal. 

Mayroon tayong kontribusyon sa misyon ng Inang Simbahan - ipalaganap ang kabutihan. Gamitin natin ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Maykapal para sa kabutihan. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay nagpapatotoo sa kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos na Siyang nagligtas sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan nito, ipinapangaral at ipinapalaganap natin ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa sa lupang ibabaw. At higit sa lahat, lalo nating dinadakila ang Diyos na Siyang bukal ng lahat ng kabutihan at kadakilaan. 

Sabado, Agosto 19, 2017

ANG AWA'T BIYAYA NG DIYOS AY PARA SA LAHAT

20 Agosto 2017
Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28




Ang paksa o tema ng mga Pagbasa ngayong Linggo ay ibinuod sa Salmo: "Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng tao" (Salmo 66). Iisa lamang ang kahulugan nito - ang Diyos ay ang Diyos ng lahat. Hindi ekslusibo ang Diyos sa iisang bayan o lahi lamang. Siya ay para sa lahat ng tao. Siya ang Diyos ng lahat. Siya ang lumikha sa bawat tao mula sa iba't ibang lahi at bansa sa mundong ito. Siya lamang ang nag-iisang Diyos na Kataas-taasan at Makapangyarihan na pinupuri at sinasamba ng lahat, anuman ang lahi o wika ng bawat tao. Ang Awa't Pagpapala ng Diyos ay para sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lahi at bansa sa mundong ibabaw. 

Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na ang Kanyang pagliligtas ay malapit nang dumating at hindi na magluluwat. At ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang para sa iisang bayan o lipi lamang - ito ay para sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa lahat ng tao, ipinapakita't ipinapadama ng Diyos ang Kanyang Awa't Biyaya. Ang Awa't Biyaya ng Diyos ang nagdudulot ng kaligtasan sa lahat. Ibinabahagi Niya ang Kanyang awa't biyaya sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa. 

Tinalakay nang mabuti ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma ang temang ito. Ang awa't biyayang ibinahagi ng Diyos sa mga Hudyo ay ibinabahagi rin Niya sa mga Hentil. Kung paanong kinahabagan at pinagpala ng Diyos ang bayang Israel, gayon din naman, ang mga Hentil ay kinahabagan at pinagpala ng Diyos. Anuman ang lahi, wika, lipi, o bansang pinagmulan ng bawat tao sa mundo, mararanasan nila ang pagpapala't awa ng Diyos. Ang habag at biyaya ng Maykapal ay para sa lahat ng tao. 

Sa Ebanghelyo, pinagaling ni Hesus ang anak ng isang Cananea. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni Hesus ang Kanyang habag at biyaya sa Cananea at sa kanyang anak. Noong una, mistulang hindi pinansin ng Panginoong Hesus ang pagsusumamo ng Cananea. Subalit, ang mistulang pagsasawalang-bahala ni Hesus ay isang pagsubok para sa Cananea. Sinubukan Niya ang pananalig ng Cananea. At nang makita ni Hesus ang tapat at malalim na pananalig ng Cananea, ipinakita ni Hesus ang Kanyang awa't pagpapala sa pamamagitan ng pagpagaling sa anak ng babae. Kahit na isang Hentil ang Cananea, ibinahagi pa rin ni Hesus ang Kanyang Awa't Pagpapala. Isinalungguhit ng Panginoong Hesus sa Banal na Ebanghelyo na ang Awa't Pagpapala ng Diyos ay para sa lahat. At iyan ang Mabuting Balita. 

Ang Diyos ay para sa lahat. Ibinabahagi Niya ang Kanyang Awa't Pagpapala sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, bayan, at bansa. Anuman ang lahi ng bawat tao, ipinapakita't ipinapadama sa kanila ng Diyos ang Kanyang walang hanggang Awa't Pagpapala. Walang pinipili o itinatangi ang Diyos. Pinagpapala, kinahahabagan, kinakalinga, at iniibig Niyang lubos ang bawat taong namumuhay dito sa daigdig, anuman ang kanyang lahi, matuwid man o makasalanan. Hindi ekslusibo ang Awa't Biyaya ng Panginoon; ang Awa't Biyaya ng Panginoon ay para sa lahat. 

Lunes, Agosto 14, 2017

MARIA: PINAGPALANG ALIPIN, NILINGAP NG PANGINOON

15 Agosto 2017
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria: Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56




Malaki ang pagkakaiba ng pagkaka-akyat sa langit ng Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Birheng Maria. Ang Panginoong Hesukristo ay umakyat sa langit taglay ang Kanyang maluwalhating kapangyarihan bilang Anak ng Diyos, Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ang Mahal na Birheng Maria naman ay hindi umakyat sa langit taglay ang sariling kapangyarihan sapagkat hindi siya isang bathala, diyos, o diyosa. Nakaakyat ang Mahal na Inang si Maria sa langit dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Ang Diyos ang nag-akyat sa Mahal na Birheng Maria sa langit sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupa.

Ang Pag-Aakyat sa Mahal na Birheng Maria sa langit ay isa sa mga maraming dakilang bagay na ginawa ng Diyos para sa Mahal na Birheng Maria. Gumawa ng maraming mga dakilang bagay ang Diyos para sa Mahal na Birhen. Bago pa man isilang ni Santa Ana, ang Mahal na Birheng Maria ay iniligtas ng Diyos mula sa bahid ng kasalanang mana (Kalinis-linisang Paglilihi o Inmaculada Concepcion). Pinili't hinirang ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa lahat ng mga kababaihan upang maging ina ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus. At sa katapusan ng kanyang buhay dito sa lupang ibabaw, ang Mahal na Birheng Maria'y iniakyat ng Diyos sa langit, katawan at kaluluwa. 

Ipinamalas ng Diyos ang Kanyang paglingap kay Maria sa pamamagitan ng pag-akyat sa kanya sa langit sa katapusan ng kanyang buhay sa lupa. Hindi pinahintulutan ng Diyos na mabulok sa lupa ang katawan ng Kanyang abang lingkod at alipin na si Maria. Kaya, nang magtapos ang buhay ng Mahal na Ina sa lupa, ang kanyang katawan at kaluluwa ay iniakyat ng Diyos sa langit. Hindi nabulok o naagnas ang katawan ng Mahal na Birheng Maria sa katapusan ng kanyang buhay sa lupa dahil sa paglingap ng Diyos. 

Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, ang Mahal na Birheng Maria ay umawit ng isang awit ng papuri sa Diyos (Magnificat). Umawit siya nang buong kagalakan sa Diyos na lumingap sa kanya. Sa kanyang awit, inihayag ni Maria na itinaas ng Maykapal ang lahat ng mga nasa abang kalagayan (1, 52b). Si Maria mismo ang nagpapatotoo sa katagang ito. Siya, na buong kababaang-loob at pananalig na naglingkod sa Kataas-taasang Diyos, ay itinaas mula sa kanyang pagkaaba. Dahil sa paglingap ng Diyos, si Maria ay bukod na pinagpala sa lahat ng kababaihan. 

Ang Mahal na Birheng Maria ang abang alipin at lingkod na pinagpala at nilingap ng Panginoong Diyos. Bilang abang alipin ng Panginoon, ang Mahal na Birheng Maria ay naglingkod sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. Buong kababaang-loob siyang nanalig at tumalima sa mga atas ng Diyos. Kaya naman, si Maria'y kinalugdan at nilingap ng Diyos sa lahat ng kababaihan. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang paglingap kay Maria sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Kabilang na roon ang pag-akyat sa katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria sa langit nang magwakas ang kanyang buhay sa lupa. 

Tanggapin natin ang papel na ibinigay ng Diyos sa ating lahat - maging Kanyang mga abang lingkod. Buong kababaang-loob tayong manalig at tumalima sa Kanyang kalooban. Manalig tayo sa Kanya, sa kabila ng mga pasakit na dulot ng buhay. Isentro natin ang buhay natin sa Diyos na Siyang may kontrol sa buhay ng bawat isa sa atin. Tularan natin ang halimbawang ipinakita sa atin ng Mahal na Inang si Maria upang maranasan rin natin ang pagpapala't paglingap ng Mahal na Poon.