Sabado, Oktubre 14, 2017

PAANO TAYO TUTUGON SA PAANYAYA NG DIYOS?

15 Oktubre 2017 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22, 1-10)



Ang larawan ng isang piging ay ginagamit sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Isaias na magdadaos ng isang piging ang Panginoong Diyos at aanyayahan Niya ang lahat ng mga bansa sa piging na ito. Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga ukol sa kasalan ang angkop na tugon sa paanyaya ng Diyos. 

Sa talinghaga tungkol sa kasalan, inilarawan ng Panginoong Hesus ang apat na uri ng maling pagtugon sa paanyaya ng Diyos. Una, ang mga ayaw dumalo. Pangalawa, ang mga nandedma, hindi pinansin ang paanyaya. Pangatlo, ang mga sumunggab, humamak, at pumatay sa mga alipin. At pang-apat, ang tumanggap ng paanyaya subalit hindi naghanda ng maigi at maayos. 

Sa unang tingin, parang sinasabi ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng talinghagang ito na ang Diyos ay isang marahas na diktador na hindi nagpapahalaga sa kalayaan ng tao. Subalit, hindi diktador ang Diyos. Tayong lahat ay binibigyan ng kalayaan ng Diyos upang makapagpasiya para sa ating mga sarili. Tayo ang magpapasiya para sa ating mga sarili. Inilalarawan lamang ng Panginoong Hesus kung ano ang magiging kahihitnatnan natin kung hindi tayo magpapasiya nang tama, kung hindi natin tatanggapin ang tawag at paanyaya ng Diyos. 

Oo, masakit para sa Diyos na makita tayong magdusa dahil sa hindi natin pagtanggap sa Kanya. Masakit para sa Diyos na makita tayong magdusa dahil hindi natin tinanggap ang Kanyang paanyaya, ang Kanyang kalooban. Subalit, wala na Siyang magagawa kung hindi natin tatanggapin ang Kanyang paanyaya. Hindi Niya tayo pipilitin na gawin ang Kanyang kalooban. Binibigyan Niya tayo ng kalayaan upang magpasiya para sa ating mga sarili. At hinding-hindi Niya ilalabag ang ating karapatan at kalayaan na magpasiya para sa ating mga sarili. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos tungkol sa kapangyarihan at kalayaang ito. Inihayag ni Apostol San Pablo na magagawa niya ang lahat ng bagay dahil sa lakas na kaloob ni Kristo (4, 13). Binibigyan tayo ng lakas ni Kristo upang magpasiya para sa ating sarili. Tayong lahat ay binibigyan ng lakas at kalayaan upang magpasiya kung tatalima ba tayo sa kalooban ng Diyos o hindi. Binibigyan rin tayo ng lakas ng loob upang manatiling tapat sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, tulad ng mga personal na karanasang isinalaysay ni Apostol San Pablo. 

Tayong lahat ay tinatawag at inaanyayahan ng Diyos na makasalo Siya sa Kanyang piging. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Panginoon na maranasan at makibahagi sa Kanyang Awa't Pag-Ibig. Tayong lahat ay inaanyayahang maging masunurin sa kalooban ng Diyos. Paano tayo tutugon sa paanyaya ng Diyos? Paano tayo tutugon sa Kanyang tawag? Tayo ang magpapasiya. 

Sabado, Oktubre 7, 2017

ANG KAHANGA-HANGANG GAWA NG DIYOS

8 Oktubre 2017 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 


Isang buod ng mahabang salaysay ukol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang ibinahagi ni Hesus sa pamamagitan ng talinghagang Kanyang isinalaysay sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang may-ari ng ubasan (na sumasagisag sa Diyos) ay nagtanim ng ubas sa kanyang bukid bago nag-ibang bayan. Nang dumating ang panahon ng pitasan, ipinadala ng may-ari ang kanyang mga alipin sa mga kasama sa ubasan upang kunin ang kanyang kaparte. Subalit, ang mga aliping ipinadala ng may-ari ng ubasan ay sinunggaban at pinatay ng mga kasama. Sa kahuli-huliha'y ipinasiya ng may-ari ng ubasan na isugo ang kanyang anak, baka-sakaling igalang siya ng mga kasama. Subalit, sa kasiwang palad, walang awang sinunggaban at pinatay ng mga kasama ang anak ng may-ari ng ubasan. 

Sa pamamagitan ng talinghagang ito, ibinunyag ng Panginoong Hesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Para bang inihayag ni Hesus sa pamamagitan ng talinghagang ito ang Kanyang kamatayan sa kamay ng mga punong saserdote, mga matatanda ng bayan, at iba pang mga autoridad. Inilarawan ni Hesus na Siya'y hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan bilang Mesiyas at Tagapagligtas na kaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Kung paanong itinakwil at pinatay ang mga propeta sa Lumang Tipan, gayon din naman, Siya'y itatakwil at papatayin. 

Naranasan ng Anak ng Diyos ang kalupitan ng Kanyang bayan. Naranasan Niya ang pagtakwil ng Kanyang bayan. Kahit na Siya ang makapangyarihan sa lahat, kahit na Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, hindi Siya naging ligtas mula sa kasamaan at kalupitan ng Kanyang bayan. Kahit na minahal Niya ang Kanyang bayan, nilusob Siya ng pagtakwil nila sa Kanya bilang Mesiyas at Manunubos. Kung paanong itinakwil ng bayang Israel ang Panginoong Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga masasamang gawain na inilarawan sa talinghaga ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa (5, 1-7), gayon din naman, ang Nazarenong si Hesus ay itinakwil at pinatay ng Kanyang mga kababayan na inimpluwensyahan ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan na inggit sa Kanya. 

Subalit, hindi nagwakas ang lahat sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus. Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw. Hindi nanatili sa libingan ang Panginoong Hesus. Bagkus, pagsapit ng ikatlong araw, Siya'y bumangon at lumabas mula sa libingan taglay ang Kanyang maningning na kaluwalhatian. Ang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Sapagkat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, tinubos ang sangkatauhan. 

Kaya naman, hinihimok ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga Kristiyano sa Filipos sa Ikalawang Pagbasa na isagawa ang lahat ng kanyang mga itinuro niya sa kanila. Wala siyang ibang itinuro sa kanila kundi ang Mabuting Balita ukol sa pagliligtas ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Hinihimok niya ang lahat ng mga Kristiyano, hindi lamang ang mga nasa bayan ng Filipos, na isabuhay ang mga aral at utos ni Kristo sa Ebanghelyo. Iyan lamang ang munti nating magawa para sa Kanya. Isabuhay ang mga aral ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesukristo. Inalay ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang buhay para sa ating lahat. Ialay naman natin ang ating buhay sa Kanya. Nararapat lamang na tuparin natin ang utos ng Poong Maykapal na gumawa ng maraming dakila at kahanga-hangang bagay para sa ating lahat. 

Ang kahanga-hangang gawa ng Diyos ay ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Si Hesus ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na pumanaog sa sanlibutan nang buong kababaang-loob upang iligtas ang sangkatauhan, sa kabila ng pagtakwil sa Kanya ng Kanyang mga kababayan. Tinanggap Niya ang lahat ng pagtakwil at pagdurusang ipinataw sa Kanya upang ipamalas ang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, ipinamalas sa lahat ang kahanga-hangang gawa ng Maykapal. At ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos ay hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman. 

Sabado, Setyembre 30, 2017

HINDI SAPAT ANG MGA SALITA

1 Oktubre 2017 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezkekiel 18, 25-28/Salmo 24/Filipos 2, 1-11 (o kaya: 2, 1-5)/Mateo 21, 28-32 


"Mas malakas ang pagkilos kaysa sa salita." Ang kasabihang ito ay napakasikat. Isinasalungguhit ng kasabihang ito ang kahalagahan ng pagkilos. Hindi sasapat ang mga salita lamang. Magkalakip ang mga salita at mga gawa. Hindi natin maaaring paghiwalayin ang salita't gawa. Ang mga gawa o pagkilos ang magpapatunay kung totoo ngang pinapahalagahan natin ang ating mga salita. Ipinapakita ng mga gawa kung tayo ba'y totoo sa ating mga prinsipyo o nagyayabang lamang. 

Naaangkop rin ang kasabihang ito sa ating pananampalataya. Sabi ni Apostol Santiago sa kanyang sulat, "Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa." (2, 14-17) Kung hindi natin isinasabuhay ang ating pananampalataya, walang kabuluhan ang ating pananampalataya. Walang saysay ang ating pananampalataya sa Panginoon kung hindi naman natin ito ipapakita sa pamamagitan ng ating mga gawa. Pinalalabas lamang natin sa pamamagitan noon na tayo'y nagmamataas lamang, hindi sinsero, hindi tapat at totoo sa ating pananampalataya. Ang ating mga pagkilos o mga gawa ang nagpapatunay kung tayo ba'y tapat at totoo sa ating pananampalataya sa Diyos o gumagawa lamang ng walang kwentang palabas. 

Isinalungguhit rin ng mga Pagbasa ang temang ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel na mabubuhay ang mga makasalanang nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at gumawa ng kabutihan. Ibubuhos sa kanila ng Diyos ang Kanyang Awa't Pag-Ibig na wagas dahil sa kanilang pagsisisi't pagbabalik-loob sa Kanya. Sa Ikalawang Pagbasa, hinimok ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga mananampalataya na tularan ang halimbawang ipinakita ng Panginoong Hesukristo - ang Kanyang pagiging masunurin sa Ama. At sa Ebanghelyo, ipinakita ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga ng dalawang anak kung paanong nakamit ng mga makasalanang nagsisisi't nagbabalik-loob ang wagas na pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. 

Hindi sapat ang mga salita upang patunayan na totoo ang ating pananampalataya't pamamanata sa Diyos. Kinakailangan nating dugtungan ng mga gawa o pagkilos ang ating mga salita. Ang mga gawa ang magpapatunay kung tayo'y sinsero sa ating pananampalataya't pamamanata sa Panginoon o kung hanggang satsat lamang tayo. Walang kabuluhan ang ating pananampalataya't pamamanata sa Panginoon kung puro lamang tayo salita subalit walang kalakip na gawa o pagkilos. Hindi rin natin mararanasan ang paglingap ng Diyos kung ang pananampalataya natin ay puro lamang salita na walang kalakip na pagkilos. 

Kung nais nating maranasan ang paglingap ng Panginoon, kinakailangan nating ipakita sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa ang ating pagtalima sa Kanya. Ang pagtalima sa Panginoon ang nagpapatunay na totoo ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Mapapatunayan lamang natin na totoo ang ating pagtalima sa Panginoon, ang ating pananampalataya't pamamanata sa Kanya, sa pamamagitan ng ating mga salita't pagkilos. Kung magkagayon, mararanasan natin ang paglingap ng Panginoong Diyos sa ating lahat. Kung ihahayag nating lahat sa pamamagitan ng ating mga salita't kilos ang ating pagtalima sa kalooban ng Diyos, mapapatunayan natin na tayo'y tunay na sinsero sa ating pananampalataya't pamamanata sa Kanya. 

Linggo, Setyembre 24, 2017

KAGITINGAN AT KATAPATAN

28 Setyembre 2017 
Paggunita kina San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25*/Mateo 5, 1-12 
(*Maaaring laktawan) 


Napakahalaga ang araw na ito para sa bawat Pilipinong Katoliko sapagkat ginugunita natin sa araw na ito ang buhay at kagitingan ni San Lorenzo Ruiz de Manila, ang unang Pilipinong Santo't Martir ng Simbahan. Ipinakita ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang kagitingan sa harap ng matinding panganib. Kahit nanganganib ang kanyang buhay sa bansang Hapon dahil sa kalupitan ng gobyerno ng bansang iyon sa mga Kristiyano noong kapanahunang yaon, nagpakita siya ng kagitingan noong pinanindigan niya ang kanyang pananampalataya bilang Katoliko. Kahit na labis siyang pinahirapan ng mga autoridad, hindi tinalikuran ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang pananampalataya sa Panginoong Diyos. Bagkus, ipinasiya niyang manatiling Katoliko hanggang kamatayan. 

Angkop na angkop ang mga piling Pagbasa para sa araw na ito sapagkat ang mga katangiang ito'y ipinamalas ni San Lorenzo Ruiz sa kanyang pagkamartir. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Sirak na ang sinumang nagnanais maglingkod sa Panginoon ay dapat maging tapat at matatag sa panahon ng pagsubok. Sa Ebanghelyo, itinuro ni Hesus kung sino ang mga mapapalad. Isang pangkat na kabilang sa hanay ng mga mapapalad ay ang mga inuusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang pagkamartir, si San Lorenzo Ruiz ay nagpakita ng halimbawa ng pagiging isang tapat na lingkod ng Panginoon. Kahit na hindi naging madali para sa kanya gawin iyon, pinili ni Lorenzo na manatiling tapat sa kanyang pananampalataya at paglilingkod sa Diyos. 

Hindi naging madali para kay San Lorenzo Ruiz na magpasiya kung itatakwil niya ang kanyang pananampalataya sa Diyos upang mamuhay nang malaya o kaya mamatay bilang isang Katolikong martir. Maaari niyang iligtas ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtakwil sa kanyang pananampalataya sa Diyos bilang Katoliko. Maaari naman niyang ipasiyang mamuhay nang malaya. Subalit, ipinasiya niyang manatiling tapat sa Diyos. Kahit hindi madali gawin ito, pinili ni San Lorenzo Ruiz na manatiling tapat sa Diyos. Mas minatamis pa niyang mamatay alang-alang sa Panginoon kaysa talikuran Siya kapalit ng kanyang buhay sa lupa. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang kagitingan at katapatan sa kanyang pananampalataya sa Dios. Buong kagitingan at katapatan na ipinaglaban ni Lorenzo Ruiz ang kanyang pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang pasiyang mag-alay ng buhay para sa Kanya. 

Si San Lorenzo Ruiz ang ating huwaran ng kagitingan at katapatan. Buong kagitingan siyang nanatiling tapat sa kanyang pananampalataya sa Diyos hanggang sa kanyang kamatayan sa kamay ng mga autoridad. Kahit na mahirap itong gawin, pinili ni San Lorenzo Ruiz na maging martir ng Diyos. Pinili ni San Lorenzo Ruiz na ialay nang buong katapatan ang kanyang buhay sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang pag-aalay ng buhay bilang paninindigan para sa kanyang pananampalataya sa Diyos, nakita ang kagitingan at katapan ni San Lorenzo Ruiz. 

Isang halimbawa ng kagitingan at katapatan si San Lorenzo Ruiz. Nawa'y matularan natin ang kagitingan at katapatan ipinakita ni San Lorenzo Ruiz noong ipinasiya niyang ialay ang kanyang buhay para sa Diyos. Tulad ng unang Pilipinong Santo na si San Lorenzo Ruiz, ialay nawa nating lahat ang ating mga abang sarili sa Diyos. Tanggapin at sundin natin ang Kanyang kalooban nang buong katapatan at kagitingan, gaano mang kahirap gawin ito. Sa gayon, tayo ay magiging mga tunay na mapalad sa paningin ng Diyos. 

Sabado, Setyembre 23, 2017

DIYOS ANG BUKAL NG KABUTIHAN

24 Setyembre 2017 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 6-9/Salmo 144/Filipos 1, 20k-24. 27a/Mateo 20, 1-16a


Isinalungguhit ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang kabutihan ng Diyos. Wagas ang kabutihan ng Diyos. Walang hanggan, hindi nagmamaliw ang Kanyang kabutihan. Hindi mapapantayan ng sinuman ang kabutihan ng Diyos. Walang higit na mabuti kaysa sa Kanya Tanging ang Diyos lamang ang pinakamabuti sa lahat. Siya ang pinakamabuti sa lahat. Ang Diyos mismo ang bukal ng kabutihan. Una Niyang ipinamalas ang Kanyang kabutihan noong nilikha Niya ang langit at lupa, lalung-lalo na noong nilikha Niya ang sangkatauhan. Subalit, ang pagsugo Niya sa Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus upang maging ating Mesiyas at Tagapagligtas ang pinakadakilang pagpapamalas ng kabutihan na ginawa ng Diyos. 

Nagsalita si propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa kabutihan ng Diyos. Kung ang bawat tao'y magsisisi't tatalikod sa kanilang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Diyos, makakamit niya ang Kanyang pagpapatawad. Hindi ipagkakait ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga magsisisi't magbabalik-loob sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. Bagkus, agad Niya itong ibibigay at ibubuhos sa kanila. Sa pamamagitan nito, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang kabutihan sa lahat ng mga taos-pusong magbabalik-loob sa Kanya. 

Hinihimok ni Apostol San Pablo ang bawat Kristiyano sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na magsikap na mamuhay ayon sa Mabuting Balita ni Kristo. Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Ebanghelyo ni Kristo, tayo ay nagbibigay ng karangalan kay Kristo. Bakit kailangan nating magbigay ng karangalan kay Kristo? Ipinamalas ni Kristo ang walang hanggang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Hindi natin mapapantayan ang ginawa ni Kristo para sa atin upang tayo'y iligtas. Ang magagawa lamang natin ay bigyan Siya ng karangalan sa pamamagitan ng pamumuhay nang ayon sa Mabuting Balita tungkol sa Kanya. Isabuhay ang Mabuting Balita ni Kristo. Sapat na iyon upang bigyan ng karangalan ang Mahal nating Panginoon at Manunubos na si Hesus. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng talinghaga ukol sa mga manggagawa sa ubasan ang kabutihan ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Lahat ay espesyal sa paningin ng Diyos. Kaya naman, ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang kabutihang walang kapantay sa bawat isa. Sa mga mata ng Diyos, walang higit na dakila sa bawat isa. Tayong lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Walang mayaman o mahirap, walang higit na dakila kaysa iba, lahat ay magkakapantay sa paningin ng Panginoon. Kaya nga, wika ni Hesus sa pagtatapos ng Mabuting Balita ngayon, "Ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli." (20, 16a) 

Tunay at wagas ang kabutihan ng Diyos. Ang kabutihan ng Diyos ay walang kapantay at walang hanggan. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kabutihan. Siya lamang ang mabuti. Ang Kanyang kabutihan ay hindi tulad ng kabutihang ipinapakita ng mundo. Higit na dakila ang kabutihan ng Diyos kaysa sa kabutihang mula sa sanlibutan. Higit na dakila ang kabutihan ng Diyos kaysa sa kabutihan ng tao. Ang lahat ng Kanyang mga ginawa ay nagpapatotoo sa dakila Niyang kabutihan na walang katapusan. Ang ating buhay at ang lahat ng mga pagpapalang ating natanggap mula sa Panginoon ang nagpapatotoo sa Kanyang wagas na kabutihan.

Patuloy na ipinapakita sa atin ng Diyos ang Kanyang kabutihang-loob. Nawa'y mahimok tayong mamuhay para sa Kanya. Tanggapin at sundin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Salita ng Panginoon, binibigyan natin Siya ng papuri't karangalan. Nararapat lamang magbigay ng luwalhati at karangalan sa Panginoong Diyos na hindi nagsasawa sa pagpapakita't pagbabahagi ng Kanyang wagas at walang hanggang kabutihan sa ating lahat. 

Sabado, Setyembre 16, 2017

PATAWARIN ANG KAPWA KATULAD NG GINAWANG PAGPAPATAWAD SA ATIN NG PANGINOON

17 Setyembre 2017 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 27, 33-28, 9/Salmo 102/Roma 14, 7-9/Mateo 18, 21-35 


Ang pagpapatawad ay hindi madaling gawin. Kapag tayo at ang may atraso sa atin ay nagkrus ng landas, maiinis tayo. Iinit lamang ang ating mga ulo kapag nakatagpo natin ang ating mga kagalit. Maaalala lamang natin ang kasalanang ginawa nila laban sa atin, ang sanhi ng ating galit at poot sa kanila. At tiyak, kung talagang gugustuhin natin, malamang sasaktan natin ang nagkasala sa atin. Napakahirap talagang patawarin ang mga may kasalanan laban sa atin. 

Pagpapatawad ang paksang nais isalungguhit ng mga Pagbasa ngayong Linggo. Ito ay isang mahalagang birtud para sa bawat Kristiyano. Sa pamamagitan ng pagpapatawad, nagpapakita tayo ng awa't pag-ibig sa ating kapwa na nagkamali laban sa atin. Sa pamamagitan ng pagpapatawad, ipinapalaganap ang Awa't Pag-Ibig ng Diyos sa lahat. Ibinabahagi natin sa kapwa natin, lalung-lalo na sa mga nagkasala laban sa atin, ang Awa't Pag-Ibig ng Diyos na ipinakita't ipinadama Niya sa atin sa pamamagitan ng Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ng Kanyang Bugtong na Anak - ang ating Panginoong Hesukristo. 

Inihayag sa Unang Pagbasa na dapat magpatawaran at makipagkasundo ang bawat isa. Kung paano tayo pinatawad ng Diyos, gayon din naman, dapat rin nating patawarin ang mga nagkasala sa atin. Kung papatawarin natin ang ating kapwang nagkasala laban sa atin, papatawarin tayo ng Diyos. Kung hindi natin patatawarin ang ating kapwang nagkasala sa atin, hindi tayo patatawarin ng Diyos. Kalugud-lugod sa paningin ng Diyos ang pagpapatawad at pagkakasundo. Sa pamamagitan ng pagpapatawad at pakikipagkasundo sa ating kapwa, pinapairal natin sa lahat ng dako ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Pinili ni Kristo na magpakasakit, mamatay, at mabuhay na mag-uli para sa kaligtasan nating lahat. Ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang gawin ito ay isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma. Si Kristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng lahat, mga patay at mga buhay. Kaya, ang bawat nabubuhay ay nabubuhay para sa Panginoon. At ang bawat namamatay ay namamatay para sa Panginoon. Kaya naman, dapat nating ibahagi sa ating kapwa ang Awa't Pag-Ibig na ibinahagi sa atin ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Pagkabuhay dahil tayong lahat ay namumuhay para sa Kanya. Dahil tayo'y namumuhay para sa Panginoon, dapat nating tuparin at sundin ang Kanyang kalooban. 

Muling nagturo ang Panginoong Hesus tungkol sa pagpapatawad sa Ebanghelyo. Itinuro ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa aliping hindi marunong magpatawad na ang pagpapatawad ay hindi lamang dapat gawin nang pitong ulit kundi pitumpung ulit pa nito. 70 x 7. Kung ikakalkula natin iyon, ito'y katumbas ng apatnaraa't siyamnapu (490). Tiyak na hindi natin kayang bilangin nang tig-isang ulit nito. Subalit, hindi isang aralin mula sa aghambilang (matematika) ang nais ituro ni Hesus. Ang nais ituro ni Hesus, magpatawad katulad ng ginagawang pagpapatawad ng Diyos. Hindi binibilang ng Diyos kung ilang ulit tayong lumalapit sa Kanya upang humingi ng kapatawaran. Kapag humihingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos, ibinibigay Niya ito sa atin. Kung paanong paulit-ulit tayong pinapatawad ng Diyos, dapat paulit-ulit rin tayong magpatawad ng ating kapwa na nagkamali sa atin. Huwag tayong magsawang magpatawad ng kapwang nagkasala laban sa atin dahil ang Diyos ay hindi nagsasawang patawarin tayo. 

Tayong lahat ay inuutusan ng Panginoon na magpatawad ng kapwa tulad ng ginawa Niyang pagpapatawad sa ating lahat. Kung paano tayong pinatawad ng Diyos, dapat rin nating patawarin sa ganoong paraan ang ating kapwang nagkasala laban sa atin. Magpapakita tayo ng pag-ibig sa kapwa tulad ng Panginoon na nagpakita't nagpadama ng Kanyang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay. Hindi nga madaling gawin ito, subalit kung nais nating pumanig sa Panginoon at maging kalugud-lugod sa Kanyang paningin, tatalima at susundin natin ang Kanyang mga atas at habilin na ibigin Siya nang higit sa lahat at ibigin ang kapwa kung paano nating iniibig ang sarili. 

Lunes, Setyembre 11, 2017

SA PAGDADALAMHATI, NAKITA ANG KATATAGAN NG LOOB NI INANG MARIA

15 Setyembre 2017 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 



Ginugunita sa araw na ito ang pagdadalamhati ng ating Mahal na Inang Birhen na si Maria. May mga pagkakataon sa buhay ng Mahal na Birheng Maria na kung saan nakaranas siya ng matinding hapis. Meron ngang Pitong Hapis ang Mahal na Birheng Maria. Subalit, ang pinakamasakit na sandali sa buhay ng Mahal na Inang si Maria ay ang mga huling sandali ng buhay ng Panginoong Hesukristo. Labis ang pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria noong siya'y nakatayo sa tabi ng krus ng Panginoong Hesus, ang Anak na minamahal niya nang buong puso. 

Dalawa ang Ebanghelyo na maaaring pagpilian. Ang isa ay tungkol sa Mahal na Birheng Maria sa tabi ng krus ng Panginoong Hesus (Juan 19, 25-27) at ang isa nama'y tungkol sa propesiya ni Simeon tungkol sa mangyayari sa Batang Hesus pagdating ng takdang panahon (Lucas 2, 33-35). Malaki ang ugnayan ng dalawang sandaling ito sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Nasaksihan nang personal ng Mahal na Birheng Maria sa Kalbaryo ang katuparan ng propesiya ni Simeon. Habang sinaksihan ni Maria ang katuparan ng hula ni Simeon - ang Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Hesus, naramdaman niya ang pagtarak ng isang matalas na balaraw sa kanyang pusong kalinis-linisan. 

Ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus ay nagdulot ng matinding sugat sa puso ng Mahal na Ina. Labis ang kanyang pagdadalamhati nang masaksihan niya nang personal ang pagdurusa't kamatayan ng kanyang Anak. Ito ang pangyayaring hinulaan ni Simeon na magdudulot ng matinding kapighatian sa Mahal na Ina. Noong nasaksihan ni Mahal na Birheng Maria ang mga huling sandali sa buhay ni Hesus sa Kalbaryo, naramdaman niya ang talim ng isang balaraw na tumatarak sa kanyang puso. Napakasakit para sa Mahal na Birhen na saksihan nang personal ang kamatayan ng kanyang Anak sa krus. 

Subalit, hindi pinapakita ng pagdadalamhati ng Mahal na Inang si Maria ang kanyang kahinaan ng loob. Kabaligtaran nito ang ipinapakita ni Maria. Sa pagdadalamhati, si Maria'y nagpakita ng katatagan ng loob. Kahit labis ang kanyang pagtangis dahil sa pagdurusa't kamatayan ng kanyang Anak, hindi natinag ang Mahal na Birhen. Bagkus, nanatiling matatag ang puso't kalooban ng Mahal na Birhen sa harap ng pinakamatinding pagsubok sa buhay. Ipinakita ito ni Maria noong sinamahan at dinamayan niya si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Kahit labis na nagdadalamhati, ang Mahal na Birheng Maria ay dumamay at nakiisa kay Kristo sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Nananatili si Maria sa tabi ni Hesus na sumunod at tumupad sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay, tulad ng nasasaad sa Unang Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo (5, 7-9).

Ipinapakita ng Mahal na Ina ng Hapis na hindi tanda ng kahinaan ng loob ang pagdadalamhati. Ang pagdadalamhati ay hindi nagdudulot ng kahinaan. Bagkus, ito ang magpapatatag sa ating kalooban. Ito ang mag-uudyok sa atin na manalig, sumunod, at tumalima sa Diyos sa harap ng pinakamatinding pagsubok sa buhay, kahit na napakahirap manalig at sundin ito. Mapapanatag ang ating kalooban dahil matitiyak natin na kasama natin ang Diyos sa mga matitinding pagsubok sa buhay, at tutulungan Niya tayong lampasan at pagtagumpayan ang mga ito.