Linggo, Disyembre 24, 2017

ANG PINAKADAKILANG AGUINALDO

25 Disyembre 2015
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 


Tuwing sasapit ang kapanahunan ng Pasko, marami ang mga nagbibigayan ng mga aguinaldo, lalung-lalo na sa mga bata. Sa kasaysayan ng ating daigdig, panigurado na may mga taong nakatanggap at nakapagregalo ng mga mamahaling aguinaldo. Mayroon ring mga taong hindi nakatanggap o nakapagregalo ng mamahalin. Hindi sa pinatatamaan ang tradisyon nating mga Pilipino ng pagbibigay at pagbabahagi ng mga aguinaldo tuwing Pasko, pero may isang aguinaldo na hindi mabibili ng pera o anumang kayamanan sa daigdig. Ang aguinaldong ito ay walang katulad. Ito ang pinakadakilang aguinaldo sa kasaysayan ng ating daigdig. Ito ang pinakamahalagang aguinaldo, higit pa sa milyones at bilyones ng salapi. Katunayan, ang aguinaldong ito'y hindi mabibili ng pera; hindi ito kayang bayaran ng pera. At isa pa, ang aguinaldong ito'y hindi mula sa sanlibutang ito. 

Ano naman ang aguinaldong ito? Inilarawan ito sa mga Pagbasa ngayon. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Isaias na isang sanggol na lalaki ang isinilang para sa lahat ng tao. Ang Sanggol na ito ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan (9, 6). Dinugtungan pa ng mang-aawit ng Salmo at ng mga anghel na nagpakita sa mga pastol sa Ebanghelyo kung sino nga ba ang Sanggol na ito. Ang Sanggol na ito ay ang Tagapagligtas na si Kristo. Ang Sanggol na si Kristo na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birhen ang pinakadakilang aguinaldo. At ang nagkaloob ng pinakadakilang aguinaldo - si Kristo Hesus - ay walang iba kundi ang Diyos na Siyang naghayag ng Kanyang kagandahang-loob sa lahat na nagdulot ng kaligtasan, tulad ng inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. 

Ibinigay ng Diyos ang Kanyang sarili noong unang Pasko. Sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus, ang Diyos ay pumanaog sa lupa't nagkatawang-tao. Niyakap at tinanggap Niya ang ating mga tao upang makapiling natin Siya. Ipinasiya ng Diyos na magkatawang-tao at ipanganak ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng Panginoong Hesus upang tubusin ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan ang inihatid ng Sanggol na Hesus noong unang Pasko. Ito ang pinakadakilang regalo, ang pinakadakilang aguinaldong tinanggap ng sangkatauhan. Walang sinumang tao dito sa lupa ang makapagbibigay ng aguinaldong kapantay o higit pa rito. Tanging ang Panginoon lamang ang nakapagbigay sa atin ng pinakadakilang aguinaldo - ang kaligtasan ng lahat sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan nito, inihayag sa santinakpan ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na walang hanggan.

Si Hesus ang pinakadakilang aguinaldo. Siya ang Diyos na Sanggol na isinilang ni Maria sa bayan ng Betlehem. Ang kahulugan ng pangalan ng Betlehem, ang bayang kung saan Siya'y ipinaglihi't isinilang ni Maria, ay "Tahanan ng Tinapay." Napakahalaga ang kahulugan ng pangalan ng bayang ito sa misyon ni Hesus sapagkat Siya'y bumaba mula sa langit at pumanaog sa lupa upang maging pagkaing nagdudulot ng buhay at kaligtasang walang hanggan. Si Hesus ang Tinapay ng Buhay na nagmula sa langit. Sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang, dumating ang pagkaing magdudulot ng buhay at kaligtasan. Sa pamamagitan Niya, ibinigay ng Diyos ang buo Niyang sarili bilang Tinapay na nagdudulot ng buhay at kaligtasan sa lahat ng tatanggap at kakain nito. Tunay ngang napakadakila ang pamaskong aguinaldong ito na nagmula sa Panginoong Diyos na puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. 

Hindi mabibili o matutumbasan ng pera at anumang kayamanan sa mundo ang pinakamahalaga at pinakadakilang aguinaldong ibinigay ng Diyos noong gabi ng unang Pasko. Hinding-hindi masusukatan ng pera ang halaga nito. Ang pinakamahalaga't pinakadakilang aguinaldong tinanggap ng bawat tao ay ibinigay ng Diyos noong unang Pasko - si Hesus, ang Tinapay ng Buhay. Sa pamamagitan ni Hesus, niyakap at tinanggap ng Diyos ang ating pagkatao upang lalong mapalapit sa atin. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob na walang hanggan. Dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob, ipinasiya ng Diyos na tubusin tayong lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Talaga namang ito ang pinakadakilang aguinaldong ibinigay. At ang aguinaldong ito mula sa Panginoong Diyos ay para sa ating lahat na tunay Niyang iniibig at inaaruga nang lubusan. 

PISTA NG PAG-IBIG

24 Disyembre 2017
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25) 


Akmang-akma ang Salmong Tugunan sa pagdiriwang ngayon. Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin. Isa itong pagpapatotoo sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan. Hindi ito mapapantayan ng sinumang tao dito sa lupa. Tunay ngang naangkop ang Salmong ito sa pagdiriwang ng Bisperas ng Pasko sapagkat ang Pasko ay pagdiriwang ng pag-ibig. Sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, inaaalala natin ang ipinamalas ng Diyos sa lahat noong unang Pasko. Ipinasiya ng Diyos na Siya'y magkatawang-tao, ipaglihi, at iluwal mula sa sinapupunan ng isang Nazarenang dalaga na nagngangalang Maria. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na si Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang ihayag sa lahat ang Kanyang pag-ibig na walang hanggan. Kaya nga, ang Pasko ay tunay na pagdiriwang ng pag-ibig. 

Bukambibig sa mga Pagbasa ngayon ang pag-ibig ng Diyos. Nagsalita si propeta Isaias tungkol sa pag-ibig ng Diyos para sa bayang Israel sa Unang Pagbasa. Labis na kinalulugdan at iniibig ng Diyos ang bayang Israel. Nagsalita rin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagkakaloob ng Diyos sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo bilang Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Hesukristo bilang Mesiyas at Tagapagligtas, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan sa sangkatauhan. Ito rin ang binigyang-diin ni San Mateo sa Ebanghelyo na napakahaba. Hindi lamang kung paanong si Hesus ay isinilang ang isinalaysay ni San Mateo sa Ebanghelyo. Ibinahagi rin ni San Mateo ang talaan ng angkang pinagmulan ni Kristo Hesus. Ang mga naging ninuno ni Kristo ay hindi perpekto. Lahat sila'y nagkaroon din ng mga pagkukulang at pagkakasala laban sa Diyos. Si Jacob ay nagnakaw at nanlinlang. Nilinlang niya ang kanyang amang si Isaac na naghihingalo, at ninakaw pa niya ang basbas na nararapat sa kanyang kapatid na si Esau. Si Haring David ay nakiapid sa dating asawa ni Urias na si Batseba. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya ng Diyos na mapabilang sa angkan ng mga makasalanan sa pamamagitan ni Kristo Hesus dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. 

Noong sumapit ang unang Pasko, ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Ipinakita Niya ito sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Hindi naman kinailangan ng Diyos na gawin ito. Hindi naman kinailangan ng Diyos na magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak. Subalit, nais ng Diyos na mamulat ang mga mata ng sangkatauhan sa misteryo ng Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Nais ng Diyos na makilala Siya ng sangkatauhan bilang isang diyos na tunay na nagmamahal at nag-aaruga sa kanila. Nais ng Diyos na malaman ng bawat isa sa atin kung gaano Niya tayo iniibig sa pamamagitan ng pagtanggap at pagyakap sa ating pagkatao, maliban sa kasalanan, at pamumuhay na kapiling natin. Nais ng Diyos na mapalapit sa ating lahat upang maranasan natin ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria at nakahimlay sa isang sabsaban. 

Sa pagdiriwang ng Pasko, inaalala ng Simbahan ang dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinakita Niya noong gabi ng unang Pasko. Ipinakita ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus kung gaano Niya iniibig ang sangkatauhan. Ang Diyos ay nagpasiyang magkatawang-tao at iluwal ng Mahal na Inang si Maria mula sa kanyang sinapupunan alang-alang sa ating lahat. Siya'y nagkatawang-tao at iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus upang ipalaganap at ihatid sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na Hesus, inihayag ng Diyos ang natatanging dahilan kung bakit Siya'y nagkatawang-tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus upang ipamalas at ipagkaloob sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. 

Kaya, nararapat lamang na ipagdiwang ang Kapaskuhan nang may buong tuwa't galak. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig ng Diyos sapagkat inaalala natin kung paano Niyang ipinamalas ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao at pagsilang ng Sanggol na Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng lahat; ang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Sabado, Disyembre 23, 2017

ANG PINAKAMAHALAGANG ARAL AT MENSAHE NG ADBIYENTO

24 Disyembre 2017
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikasiyam na Araw
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Roma 16, 25-27/Lucas 1, 26-38 


Iisa lamang ang aral at mensaheng nais iparating ng mga Pagbasa ngayon habang unti-unting nagwawakas ang kapanahunan ng Adbiyento, ang panahon ng taimtim na paghahanda at paghihintay para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ang aral at mensaheng ito ay ang Diyos ay puspos ng pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit pinaghahandaan natin ang ating mga sarili ngayong panahon ng Adbiyento. Ito ang napakahalagang aral at mensaheng nais iparating sa atin ng Simbahan ngayong kapanahunan ng Adbiyento. Sa pamamagitan ng apat na Linggong paghahanda sa panahon ng Adbiyento, tayong lahat ay tinutulungan ng Simbahan na imulat ang ating mga mata, ang ating mga puso't isipan, sa katotohanang ang Diyos ang bukal ng pag-ibig, at ang pag-ibig na Kanyang kaloob sa bawat isa ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ng sinumang tao dito sa lupa. 

Hindi na kailangang bilangin kung ilang ulit gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Diyos dahil sa pag-ibig sa bawat aklat ng Banal na Bibliya, mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. Tiyak na kapaguran lamang ang aabutin natin sa pagbibilang nang eksakto ang mga pagkakataong gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Panginoon upang ipamalas ang Kanyang dakilang pag-ibig sa lahat. At kung tutuusin, isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon ang dalawa sa napakaraming mga pagkakataong gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Panginoong Diyos upang ipamalas ang Kanyang pag-ibig. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong naging hari ng Israel si David. Si David, isang batang namuhay nang payak bilang pastol ng mga tupa ng kanyang pamilya, ay pinili't hinirang ng Diyos upang maging hari ng Israel. Para kay David, isa itong napakalaki at napakabigat na pananagutan. Dagdag pa riyan, hindi naman nagmula sa isang pamilyang maharlika si Haring David. Subalit, siya'y itinaas ng Diyos mula sa kanyang kalagayan bilang isang payak na pastol ng mga tupa ng kanyang pamilya at ginawang hari ng Israel. Sa pamamagitan nito'y ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa Kanyang bayan. Isang pastol ang Kanyang ipinagkaloob sa Kanyang bayan upang maging pinuno't hari nila. Isang pastol, na tatalima't susunod sa mga utos at habilin ng Panginoong Diyos, ang hinirang upang maging hari ng bayang Israel. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Arkanghel si San Gabriel sa Mahal na Inang si Maria. Ibinalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria na siya'y pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ng Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan nito'y natupad ang hula ni propeta Isaias kung saang inihayag niya na isang dalaga ang maglilihi't manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging Emmanuel (7, 14). Isang napakalaking pananagutan ang ibinigay ng Diyos kay Maria. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin at iluwal mula sa kanyang sinapupunan pagkatapos ng siyam na buwan ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat na si Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang tuparin ang Kanyang pangako ng pagliligtas sa lahat ng tao. Ipinamalas ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan noong ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at magkatawang-tao para tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Kristo Hesus. 

Iyan ang aral at mensaheng nais iparating ng Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo. Ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Hindi Siya nauubusan ng pag-ibig at kagiliwan para sa ating lahat. At sabi pa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang Mabuting Balitang ito ukol sa Panginoong Hesukristo ay nagpapatibay sa bawat isa. Pinapatatag at pinapagaan ng Diyos ang ating mga kalooban sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus. Kaya nga ito'y Mabuting Balita. Mabuti ang ibinabalita sa atin ng Salita ng Diyos. Ang Mabuting Balitang iniuulat sa atin ng Salita ng Diyos ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Ang Mabuting Balitang ito'y nagdudulot ng tibay ng loob sa ating lahat. Sino pa naman sa atin ang hindi lalakas at gagaan ang kalooban kapag narinig ang Mabuting Balita tungkol sa pag-ibig ng Diyos na ipinamalas sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus? 

Ang pinakamahalagang aral at mensaheng nais bigyang-diin sa buong kapanahunan ng Adbiyento - ang Diyos ay puspos ng pag-ibig. Hindi nauubusan ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa atin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit mayroong Kapaskuhan ating pinaghahandaan nang buong kataimtiman at ipinagdiriwang nang buong tuwa't galak pagkatapos ng apat na Linggo ng Adbiyento. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at pumanaog sa lupa bilang tao katulad natin upang tayo'y tubusin at palayain mula sa mga tanikala ng kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo. 

Biyernes, Disyembre 22, 2017

MAGIGING ANO SIYA?

23 Disyembre 2017 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikawalong Araw
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 


"Magiging ano nga kaya ang batang ito?" (1, 66) Ito ang katanungan ng mga kapitbahay, mga kamag-anak, at iba pang mga bisita nina Zacarias at Elisabet sa seremonya ng pagtutuli sa kanilang bagong silang na anak na si San Juan Bautista. Pinag-isipan nilang mabuti kung ano nga ba ang magiging tadhana ng batang ito na kapanganganak pa lamang. Kakasilang pa lang ng sanggol na si Juan Bautista, inisip na nila kung ano ang magiging kinabukasan ng batang ito pagdating ng araw. Bakit isinilang si Juan Bautista? Ano ang kanyang magiging papel sa buhay ng bawat tao sa lipunan pagdating ng panahon? Anong epekto ang kanyang idudulot sa buhay ng bawat tao sa lipunan? Ano ba ang kanyang layunin sa buhay? Ano bang meron sa batang ito? Ano bang mangyayari sa batang ito kapag lumaki na siya? 

Isang propesiya ang itinampok sa Unang Pagbasa. Sa propesiyang ito, inilarawan kung ano ang magiging papel ni San Juan Bautista sa dakilang plano ng Diyos ng pagliligtas sa Kanyang bayan. Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Malakias na bago Siya lumitaw ay isusugo Niya ang Kanyang tagapagpauna na maghahanda ng Kanyang daraanan. At sa huling bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag na ang sugong yaon ay si Propeta Elias. Pero, hindi literal ang nakasaad sa bahaging ito ng Unang Pagbasa. Hindi nangangahulugang iisang tao lamang si San Juan Bautista at si Propeta Elias. Hindi muling nagkatawang-tao si Elias sa pamamagitan ni Juan Bautista sa kadahilanang siya'y iniakyat sa langit, nakasakay sa isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy, nang magwakas ang kanyang buhay dito sa lupa (2 Hari 2, 11). 

Paano nating mauunawaan natin ang propesiyang ito? Paanong nangyaring si San Juan Bautista ang tinutukoy sa propesiyang ito kung hindi naman siya ang literal na Elias? Ang Arkanghel na si San Gabriel mismo ang nagbigay ng paliwanag tungkol dito noong siya'y nagpakita kay Zacarias sa loob ng templo (Isinalaysay ito sa Ebanghelyo para sa ikaapat na araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo). Sinabi ng anghel Gabriel na tataglayin ni Juan Bautista ang espiritu at kapangyarihan ni Elias (1, 17) Ito ang nagpapatibay na siya nga ang tinutukoy sa Unang Pagbasa noong inihayag na mauuna si Propeta Elias ang unang lilitaw upang ihanda ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na matagal nang pinanabikan ng lahat. 

Si San Juan Bautista ay isinilang upang magsilbing palatandaan sa bayan ng Diyos na nalalapit na ang araw kung saan tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako. Ihahayag niya na nalalapit na ang pagdating at paglitaw ng Mesiyas. Ihahayag niya sa lahat ang Magandang Balita ukol sa kagiliwan, kabutihan ng Diyos. Ang pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangako ang nagpapatunay na Siya'y tunay na magiliw, tunay na mabuti, tunay na bukal ng tanang kabanalan. Hinding-hindi Niya pinapako ang mga pangakong Kanyang binibitiwan sa lahat ng tao na lubos Niyang iniibig at kinakalingang tunay. 

Ang pagsilang ni San Juan Bautista ay isang napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Ang pagsilang ni San Juan Bautista ang hudyat na nalalapit na ang panahon ng pagpanaog, pagsakop, at pagsilang ng Mesiyas sa sanlibutan, tulad ng ipinangako ng Diyos. Sa pamamagitan nito, nahayag ang kagiliwan at kabutihan ng Diyos sa lahat. Ang katapatan ng Diyos sa Kanyang mga pangako ang nagpapatunay na Siya, ang bukal ng kabanalan, ay tunay na magiliw, mabuti, mapagmahal, at mapag-aruga. 

Huwebes, Disyembre 21, 2017

KARANASAN NG DALAWANG BABAE

22 Disyembre 2017
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikapitong Araw
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 


Dalawang babae ang itinatampok ng mga Pagbasa ngayon. Ang dalawang babaeng ito'y nagbigay ng papuri sa Diyos dahil sa Kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanilang nasaksihan at naranasan. Itinatampok sila dahil sa halimbawang kanilang ipinakita sa mga Pagbasa ngayon. Ang unang babaeng karakter na itinatampok ngayon ay ang ina ni Samuel na si Ana, na ating narinig sa Unang Pagbasa, at ang pangalawang babaeng karakter na itinatampok ngayon ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, na ating narinig sa Ebanghelyo. Itinuturo sa atin ng mga Pagbasa ngayon na ang halimbawang kanilang ipinakita ay dapat tularan. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung ano ang ginawa ni Ana matapos isilang ang kanyang anak na si Samuel. Kung matatandaan natin, lumuluha't nanalangin nang taimtim si Ana sa Diyos. Hiniling niya sa kaniyang madamdaming pananalangin sa Diyos na pagkalooban siya ng isang anak na lalaki at nangakong ihahandog niya ang kanyang anak nang siya'y maawat. Unang inakala ng saserdoteng si Eli na siya'y lasing nang makita niyang nanalangin si Ana nang gabing yaon. Nang maipaliwanag ni Ana ang kanyang sarili, binasbasan siya ni Eli at pinauwi. Hindi nagtagal at naglihi't nanganak ng isang sanggol na lalaki si Ana na kanyang pinangalanang Samuel. Nang dumating ang panahong umawat na si Samuel, tulad ng nasasaad sa Pagbasa, siya'y inihandog ng kanyang ina sa Diyos upang Siya'y paglingkuran ng kanyang anak habambuhay. At matapos nito, nagbigay ng papuri sa Diyos si Ana sapagkat naranasan niya ang kabutihan at habag ng Diyos. 

Gayon din ang naranasan ng Mahal na Birheng Maria. Kaya nga, ang mga titik ng Magnificat (Ang puso ko'y nagpupuri), ang awit ng Mahal na Birhen, ay itinampok sa Ebanghelyo ngayon. Sa awiting ito, inilarawan ni Maria kung ano ang ginawa niya ng Diyos para sa kanya. Mula sa kanyang abang kalagayan bilang alipin, siya'y itinaas ng Panginoon. Dahil siya'y itinaas, si Maria ay tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi (1, 48). Bagamat hinulaan ni propeta Isaias na isang dalaga ang maglilihi't magluluwal sa sanggol na Mesiyas, walang nag-akalang ang simpleng dalagang ito na mula sa bayan ng Nazaret, isang dalagang Nazarenang payak ang pamumuhay, ang pipiliin ng Diyos na maging ina ng Mesiyas. Sinong mag-aakala na gayon ang mangyayari? Hindi magmumula sa isang maharlikang pamilya ang Mesiyas. Siya'y magmumula sa isang pamilyang payak ang pamumuhay, namumuhay bilang mga dukha. Sinong mag-aakalang gayon ang mangyayari? 

Kung pagtutuunan rin natin ng pansin ang mensahe at aral na nais iparating sa awitin ng Mahal na Ina sa Ebanghelyo, makikita natin ang pagkakatulad nito sa mga itinuturo ng kanyang anak na si Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Itinuro ni Hesus nang ilang ulit sa Ebanghelyo ni San Lucas, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." (14, 11; 18, 14) Ito ang aral na nais iparating ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang awit. Ang lahat ng mga may kababaang-loob, ang lahat ng mga nasa abang kalagayan, ay itataas ng Diyos. At naranasan mismo ni Maria kung paanong itinaas ng Diyos ang isang abang aliping katulad niya. Si Maria ang abang aliping itinaas ng Diyos dahil binigyan niya ng kaluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito'y naranasan ni Maria ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Naranasan ng dalawang kababaihang itinampok sa mga Pagbasa ngayon ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Tulad ng Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo at ni Ana sa Unang Pagbasa, inaanyayahan tayong maranasan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na Kanyang ipinapamalas sa Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Masasaksihan at mararanasan lamang ito kung buong pananalig at kababaang-loob tayong tatalima sa Diyos, isusuko't ihandog natin ang ating mga sarili sa Kanya. Sa pamamagitan nito'y binibigyan natin ng papuri't pagsamba ang Panginoong Diyos, hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita kundi na rin sa pamamagitan ng ating mga gawa. 

Miyerkules, Disyembre 20, 2017

IBAHAGI ANG KAGALAKAN AT PAGPAPALANG HATID NG DIYOS

21 Disyembre 2017
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaanim na Araw
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Parehas na nagdadalantao sina Maria't Elisabet. Nauna lamang ng anim na buwan si Elisabet sa pagdadalantao. Nang marinig ni Elisabet ang tinig ng kanyang kamag-anak na si Maria, hindi lamang siya ang napuspos ng galak at sigla. Pati ang sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan, si San Juan Bautista, ay gumalaw sa tuwa nang marinig ang pagbati ni Maria. Tulad ng babaeng napuno ng tuwa't sigla nang marinig ang tinig ng lalaking kanyang sinisinta sa Unang Pagbasa mula sa Awit ni Solomon, si Elisabet at ang sanggol sa kanyang sinapupunan na si Juan Bautista ay napuno ng tuwa't sigla nang marinig ang tinig ng Birheng Maria na bumabati sa kanyang kamag-anak. 

Hindi natin batid kung ano nga ba talaga ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ng Mahal na Birheng Maria noong binati niya si Elisabet sapagkat hindi naman ito nakasaad sa salaysay ng kanyang pagdalaw sa kanyang kamag-anak. Marahil ay binati niya si Elisabet sa ganitong pamamaraan, "O Elisabet, mahal kong kamag-anak, kumusta ka na?" Maaari niyang binati si Elisabet sa ganung pamamaraan, maaaring hindi. Walang sinuman ang nakababatid sa mga eksaktong salitang ginamit ni Maria noong binati niya ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. 

Subalit, iisa lamang ang natitiyak natin. Noong nilakbay ni Maria ang napakahabang landasing mula Nazaret patungo sa bayan kung saan nakatira ang kanyang kamag-anak na si Elisabet (na nagdadalantao rin noong kapanahunang yaon) at ang kanyang mister na si Zacarias, dinala niya sa kanyang sinapupunan ang nagkatawang-taong Salita ng Diyos na nagbibigay-buhay ng buhay na walang hanggan (Juan 6, 68). Ang Salita ng Diyos na naghahatid ng kagalakan at ng iba pang mga pagpapala ay nanahan sa sinapupunan ni Maria. Ito ang dahilan kung bakit si Elisabet at ang sanggol na kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan na si Juan Bautista ay napuspos ng galak nang marinig ang pagbati ni Maria.

Ang kagalakang naranasan ni Elisabet at ng sanggol sa kanyang sinapupunan na si Juan Bautista noong sandaling yaon ay hindi nagmula sa tao. Hindi nagmula kay Maria mismo ang kagalakang pumuspos kay Elisabet at sa sanggol. Bagkus, ang kagalakang ito ay nagmula sa Diyos. Sa Panginoon mismo nagmula ang kagalakang naranasan ni Elisabet at ng kanyang anak na si Juan Bautista (na noo'y nasa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina). Ang Mahal na Birheng Maria ay instrumento lamang ng Panginoong Diyos. Tinanggap niya ang pagpapala ng Diyos at ito naman ay kanyang ibinahagi sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ang pagpapalang ito ng Diyos ay nagdudulot ng kagalakan sa lahat. 

Ibinahagi ng Mahal na Inang si Maria ang kagalakan at pagpapalang hatid ng Diyos sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Kahit nagdadalantao tulad ng kanyang kamag-anak, pinili pa rin ng Mahal na Ina na lakbayin ang malayong landasin mula Nazaret patungo sa bayang tinitirhan ng kanyang kamag-anak at ng kanyang asawa. Hindi naging hadlang para kay Maria ang kanyang pagdadalantao, ang kanyang pagdadala sa Mesiyas at Manunubos na si Hesus sa kanyang sinapupunan, sa pagbabahagi ng kagalakan at pagpapala ng Diyos sa kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin katulad niya. Hinahamon tayong lahat na tularan ang halimbawang ipinakita ni Maria sa Ebanghelyo ngayon. Hinahamon tayong lahat na ibahagi ang kagalakan at pagpapalang kaloob ng Diyos sa iba, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. Unang ibinahagi sa atin ng Diyos ang mga kaloob Niyang pagpapala't kagalakan, ibahagi naman natin ito sa lahat ng mga kapatid nating nangangailangan, lalung-lalo na ang mga kapus-palad. Iyan ang tunay na diwa ng Pasko na ating pinaghahandaan at pinananabikan. Dapat natin itong isabuhay at isadiwa, ano pa man ang panahong napapalooban natin sa bawat taon. 

Martes, Disyembre 19, 2017

ANO NGAYON?

20 Disyembre 2017 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalimang Araw
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 


Alam nating lahat bilang mga Kristiyano na ang buhay ng Panginoong Hesukristo, lalung-lalo na ang mga importanteng nangyari sa Kanya, ay hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ang buhay ng Panginoong Hesukristo ang paksa ng karamihan ng mga pahayag ng mga propeta. At alam rin nating iniuugnay ng apat na manunulat ng Mabuting Balita na sina San Mateo, San Marcos, San Lucas, at San Juan, ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ng Panginoong Hesus sa mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ang mga Pagbasa ngayon ay walang pinagkaiba sa iba pang mga talata sa Banal na Bibliya tungkol sa mga yugto ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus sa Bagong Tipan at ang koneksyon nito sa mga hinulaan ng mga propeta ng Lumang Tipan. 

Inihayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung paanong isisilang sa abang daigdig na ito ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang pagsilang ng Mesiyas ang palatandaang ibibigay ng Diyos sa Kanyang bayan. Una itong ibinunyag ng Panginoong Diyos kay propeta Isaias sa pamamagitan ng isang rebelasyon at ito naman ay kanyang ibinabahagi't ipinapamalita sa bayang Israel. Ang Mesiyas na tatawaging Emmanuel, ang pangalang ito'y nangangahuluga'y "Ang Diyos ay sumasaatin", ay ipaglilihi at iluluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga. Isang dalaga, isang birhen ang magiging tahanan ng sanggol na Mesiyas sa loob ng siyam na buwan. Ang dalagang ito ang siyang magluluwal sa sanggol na Mesiyas mula sa kanyang sinapupunan na naging tahanan ng sanggol sa loob ng siyam na buwan. 

Sa Ebanghelyo, ipinakilala kung sino ang dalagang tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang propesiya sa Lumang Tipan. Ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang inilarawan sa propesiya ni Isaias. Isang dalagang Nazarena, isang birhen mula sa isang bayan sa Galilea na nagngangalang Nazaret, na nagngangalang Maria ay hinirang ng Kataas-taasang Diyos upang maging ina ng Mesiyas na si Hesus. Ang propesiya ni Isaias sa Lumang Tipan ay natupad sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Mahal na Inang si Maria. Bagamat isang dalaga, si Maria'y pinili't hinirang ng Diyos na maging tagaluwal ni Kristo. Niloob ng Diyos na si Maria ang dalagang magdadala at magluluwal sa Manunubos mula sa kanyang sinapupunan. Bagamat hindi niya lubusang naintindihan noong una niya itong narinig, ang kalooban ng Diyos ay buong pusong tinanggap at tinalima ng Mahal na Birheng Maria. 

Marahil, mayroong ilan sa atin na nagtatanong "Ano ngayon?" Para bang walang halaga o saysay ang katuparan ng propesiyang ito. Dahil lang natupad na iyon, para bang wala na tayong pakialam sa propesiya. Ano nga ba ang halaga nito? Bakit may mga propesiyang tulad nito? Bakit patuloy nating binabalik-balikan ang nakaraan? Natupad na, eh. Anong saysay ng pagbabalik-tanaw at pagbubulay-bulay sa isang propesiyang matagal nang tinupad? Kailangan pa ba nating gawin ito? Nakakalungkot aminin subalit totoo ito. Nakakalungkot sabihin na para bang wala nang halaga para sa atin ang propesiyang ito dahil matagal na itong tinupad. 

Binabalik-tanaw, inaalala't pinagninilay-nilayan natin nang mabuti ang mga propesiyang ito dahil sa kahalagahan nito. Sa pamamagitan ng mga propesiyang ito, ang Diyos ay nagbibitiw ng pangako para sa lahat ng tao. Sa pamamagitan naman ng katuparan ng mga propesiyang ito, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako. Ipinapakita ng Diyos sa pamamagitan ng mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan at ang katuparan ng mga ito sa Bagong Tipan na Siya'y tapat at totoo sa Kanyang pangako. Loobin Niyang tuparin ang Kanyang pangakong binitiwan sa Kanyang pamamaraan at sa panahong Kanyang itinakda. Hinding-hindi Siya nakakalimot sa Kanyang mga pangako. 

Ang mga propesiyang inihayag ng mga propeta sa Lumang Tipan ay hindi dapat mawalan ng saysay o halaga, kahit matagal na itong tinupad. Hindi natin ito dapat ibalewala o dedemahin na lamang. Ang mga propesiyang inihayag ng mga propeta sa Lumang Tipan ay isang pagpapahayag ng pangako ng Diyos. Nagbitiw ng pangako ang Diyos sa Kanyang bayan. Ang pangako Niyang ito'y Kanyang tinupad sa panahong Kanyang itinakda at sa Kanyang pamamaraan. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos na Siya'y tunay na tapat at totoo sa Kanyang mga ipinangako. 

Huwag nating itanong, "Ano ngayon?". Bagkus, dapat nating imulat ang ating mga mata at mga puso't isipan sa katotohanang ang Diyos ay hindi nakakalimot sa Kanyang mga pangako. Lagi Niya itong inaalala. Siya'y tapat at totoo sa Kanyang pangako; ito'y Kanyang tinutupad. Sa pamamagitan nito'y nahayag sa lahat ang Kanyang pag-ibig na walang hanggan. Ang Panginoong Diyos ay laging tapat at totoo sa Kanyang mga pangako dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Iyan ang dahilan kung bakit mayroong Kapaskuhan na ating pinaghahandaan at pinanabikan nang buong kagalakan sa panahon ng Adbiyento at Simbang Gabi (Misa de Gallo).