Sabado, Enero 20, 2018

MENSAHE NG MAHAL NA POONG SANTO NIÑO

21 Enero 2018 
Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol (B) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Marcos 10, 13-16


"...kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang Kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila." (10, 16) Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nagwakas ang salaysay sa Ebanghelyo ngayon. Matapos pagsabihan ang mga alagad tungkol sa kanilang pagiging mahigpit sa mga batang dinala sa Kanya, hinayaan ni Hesus na Siya'y lapitan ang mga ito upang makatanggap sila ng pagpapala mula sa Kanya. Kung ano ang ginawa Niya sa mga batang dinala sa Kanya ay ginawa rin Niya para sa lahat ng tao sa bawat sulok ng daigdig. Sa pamamagitan ng Kanyang pagparito sa lupang ibabaw, ipinagkaloob ni Hesus sa sangkatauhan ang pinakadakilang pagpapala mula sa Kataas-taasan - ang kaligtasan at kalayaan mula sa mga pwersa ng kadiliman, kasalanan, at kamatayan. 

Ito ang mensaheng nais iparating sa atin ng imahen ng Banal na Sanggol na si Hesus, ang Mahal na Poong Santo Niño. Ang Panginoong Hesus ay buong kabababaang-loob na bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao katulad natin, maliban sa kasalanan, para sa ating kaligtasan. Tinanggap Niya ang bawat yugto ng ating pagkatao, mula sa pagkabata hanggang sa paglaki. Siya ang tinutukoy ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa noong kanyang inihayag na ipinanganak ang isang sanggol na lalaki para sa lahat ng tao. Ang Batang Hesus ay pumanaog sa mundo bilang isang sanggol na ipinaglihi ng Mahal na Birheng Maria upang ihatid sa lahat ng tao ang biyaya ng Kanyang kapayapaan at pagtubos. 

Ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Batang Banal na si Kristo Hesus ang nais bigyang-diin ng mang-aawit ng Salmo Responsorio, "Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas." (97, 3k) Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Kristo, inihayag at ipinamalas sa lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang dakila't matagumpay na pagliligtas ng Diyos. Ang tagumpay ng Diyos na nagpasiyang iligtas ang sangkatauhan dahil sa Kanyang pag-ibig at habag. Ang tagumpay ng habag at pag-ibig ng Diyos ay namalas sa Kanyang pagtubos sa sangkatauhan. Ang tagumpay na ito ng pag-ibig at habag ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ay inihayag sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo na dumaan sa yugto ng buhay ng bawat tao, mula pagkabata hanggang paglaki. 

Si Apostol San Pablo ay nagsalita rin tungkol sa misteryo ng habag at pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso. Wika ni Apostol San Pablo na dapat purihin ang Diyos dahil sa Kanyang pagkalinga sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus (1, 6). Sa pamamagitan ni Kristo na tumanggap sa ating pagkatao, lalung-lalo na ang ating kabataan, inihayag ang mapagkalingang habag at pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Kalooban ng Diyos na tayo'y kalingain. Ang mapagkalingang habag at pag-ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit Niyang ipinasiyang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesukristo. 

Napakahalaga ang mensaheng nais iparating ng Santo Niño sa ating lahat. Ang aral at mensaheng nais Niyang iparating sa atin - tayong lahat ay Kanyang iniligtas dahil sa Kanyang habag at pag-ibig. Inihayag at ipinamalas ng Diyos ang Kanyang mapagkalingang habag at pag-ibig sa lahat ng tao noong Kanyang ipinasiyang tubusin sa pamamagitan ng Batang Banal na si Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang ihayag at ipamalas sa lahat ang tagumpay ng Kanyang mapagpala at mapagkalingang habag at pag-ibig na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 

Sabado, Enero 13, 2018

IALAY ANG SARILI PARA SA KATUPARAN NG KALOOBAN NG DIYOS

14 Enero 2018 
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
1 Samuel 3, 3b-10. 19/Salmo 39/1 Corinto 6, 13k-15a. 17-20/Juan 1, 35-42 


Ang temang nais pagtuunan ng pansin ng mga Pagbasa ngayong Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon - ang tema ng pag-aalay ng sarili sa kalooban ng Diyos - ay ibinunyag ng mang-aawit ng Salmo Responsorio. Wika ng mang-aawit ng Salmo, "Handa akong naririto upang sundin ang loob Mo." Inihayag ng mang-aawit sa pamamagitan ng mga katagang ito ang kanyang paghahangad na paglingkuran ang Diyos. Sa pamamagitan ng kusang pagbibigay ng pahintulot na maging instrumento ng Diyos, siya'y nagbibigay ng higit na kadakilaan sa Diyos. Tunay ngang ito ang ginagawa ng bawat lingkod ng Diyos. Ang bawat lingkod ng Diyos ay kusang tumatalima at tumutupad sa Kanyang kalooban nang buong puso't kaluluwa. Sa pamamagitan nito'y lalo nilang binibigyan ng kadakilaan at karangalan ang Diyos. 

Ito ang nilalaman ng habilin ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Wika niya sa pagtatapos ng Ikalawang Pagbasa, "Gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos." (6, 20) Ang habiling ito ni Apostol San Pablo ay hindi lamang para sa mga taga-Corinto; ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano, mga nananalig at sumusunod kay Kristo nang buong puso't kaluluwa. Mapapatunayan ng bawat isa ang kanilang pagiging tunay na Kristiyano sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili sa Diyos upang matupad ang Kanyang kalooban, inihahayag ng bawat Kristiyano ang kanilang hangaring lalo pang mabigyan ng karangalan at kadakilaan ang Diyos. Sapagkat ang tunay na Kristiyano ay naghahangad na lalo pang mabigyan ng karangalan at kaluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng salita't gawa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Samuel ay hinirang ng Diyos. Ang batang si Samuel ay tatlong ulit na tinawag ng Diyos. Subalit, inakala ni Samuel noong una na siya'y tinatawag ni Eli. Naisip na lamang ni Eli na ang batang si Samuel ay tinatawag ng Diyos noong ang bata'y lumapit sa kanya sa ikatlong pagkakataon. Kaya, sinabihan ni Eli si Samuel na sumagot nang ganito kapag muli siyang tinawag sa ganitong pamamaraan, "Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod." (3, 9) Gayon nga ang ginawa ni Samuel. At mula noon, inialay ni Samuel ang kanyang sarili sa Diyos. Hinayaan niyang magamit siya ng Diyos bilang Kanyang instrumento para sa katuparan ng Kanyang kalooban. Tinanggap at tinupad ni Samuel ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos bilang Kanyang propetang hinirang at isinugo sa bayang Israel. Sa pamamaraang ito'y binigyan ni Samuel ng higit na kaluwalhatian ang Diyos. 

Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Hesus ay itinuro't ipinakilala ni San Juan Bautista sa dalawa sa kanyang mga alagad bilang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Inihayag ni Juan Bautista ang misyon ni Hesus. Ibububo ni Hesus ang Kanyang Dugo para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan. Kung paanong ang isang maamong tupa, kordero, ay iniaalay ng mga saserdote sa Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng bayan, gayon din naman, iniaalay ng Dakilang Saserdote na si Hesus ang Kanyang sarili para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan. Kaya nga, si Hesus ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan at ang Dakilang Saserdote. Inihain ng Dakilang Saserdote na si Hesus ang Korderong walang kapintasan, ang Kanyang sarili, alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. 

Niloob ng Ama na ibubo ni Hesus ang Kanyang sariling Dugo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbubo ni Hesus ng Kanyang sariling Dugo para sa kapatawaran ng mga kasalanan at kaligtasan ng sangkatauhan, natupad ang kalooban ng Diyos na matubos ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito'y namalas ang pag-ibig at habag ng Diyos para sa sangkatauhan na tunay ngang dakila at walang kapantay. Namalas ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang kadakilaan ng Diyos na nagliligtas dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa pamamagitan ng Dakilang Saserdote at Kordero ng Diyos na si Kristo Hesus. 

Si Hesus, si Samuel, si Apostol San Pablo, ang Mahal na Birheng Maria, si San Jose, at ang lahat ng mga banal ay mga tunay na huwaran ng pag-aalay ng sarili para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. Ang halimbawang ibinigay sa atin ng Panginoon, ng Mahal na Ina, at lahat ng mga banal ay dapat nating tularan. Kung tunay tayong mga Kristiyano, iaaalay natin ang ating mga sarili sa Diyos upang matupad ang Kanyang kalooban. Sapagkat ang tanging hangarin ng mga tunay na Kristiyano ay ang lalong ikadarakila ng Diyos. Ang pagnanais na ito'y inihahayag sa pamamagitan ng pagtalima't pagtanggap sa kalooban ng Diyos nang buong kababaang-loob upang ito'y magkaroon ng kaganapan at katuparan. 

Linggo, Enero 7, 2018

PAGHAHAYAG NG KAGANDAHANG-LOOB

8 Enero 2018 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (B) 
Isaias 55, 1-11 (o kaya: Isaias 42, 1-4. 6-7)/Isaias 12 (o kaya: Salmo 28)/1 Juan 5, 1-9 (o kaya: Mga Gawa 10, 34-38)/Marcos 1, 7-11 


Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang Kanyang kagandahang-loob sa lahat ng tao. Inaanyayahan at tinatawag ng Diyos ang lahat ng tao na lumapit sa Kanya upang makasumpong sila ng tunay na pagkain at inumin. Ang napakasarap na pagkai't inuming inaalok ng Diyos sa lahat ay hindi katulad ng pagkai't inuming inaalok at ibinibigay ng sanlibutan. Kung ang mga pagkai't inuming inaalok ng sanlibutan ay pansamantala lamang nakakapawi ng kagutuman at kauuhawan, ang mga pagkai't inuming inaalok at ibinabahagi ng Diyos ay tunay na nakakapawi ng kagutuman at kauuhawan. Sa pamamagitan nito'y inihayag na ang Diyos ay tunay na mahabagin at nagmamagandang-loob. Ang mga salitang ito na namutawi mula sa mga labi ng Panginoon ay nagpapatunay ng Kanyang habag at kagandahang-loob para sa sangkatauhan.

Sa Bagong Tipan, inihayag ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Marcos kung paanong si Hesus ay bininyagan ni San Juan Bautista sa Ilog-Jordan at kung paano Siyang ipinakilala ng Amang nasa langit sa lahat ng tao. Nang Siya'y umahon mula sa tubig, bumaba ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati at Siya'y ipinakilala ng Ama bilang Kanyang Bugtong na Anak na lubos Niyang kinalulugdan. Si Hesus ay ipinakilala sa lahat bilang Anak ng Diyos na magdudulot ng kaligtasan sa lahat. Sa pamamagitan ni Hesus, ililigtas ng Diyos ang lahat ng tao. Sa pamamagitan ni Hesus, nahayag ang mahiwagang planong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. 

Ang paksang ito ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat. Si Hesukristo, na bininyagan sa tubig ng Ilog-Jordan ni Juan Bautista, ay nagbubo ng Kanyang Kabanal-banalang Dugo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbubo ng Dugo ni Kristo, nahayag at namalas ang planong pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Ang planong pagligtas ng Diyos, na nagpapatunay ng Kanyang pag-ibig at pagkalinga sa sangkatauhan, ay Kanyang isinakatuparan at ipinamalas sa  pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristong Panginoon at Manunubos. 

Maaaring pagpasiyahan ng Diyos na dedmahin ang sangkatauhan. Maaari Niyang ihayag na wala Siyang pakialam sa sangkatauhan. Maaari Niyang piliin na pabayaan, hayaan na lamang magdusa't mapahamak ang lahat ng tao. Subalit, pinili ng Diyos na ibahagi't ipadama sa lahat ng tao ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Kahit na hindi tayo karapat-dapat makinabang sa Kanyang habag at kagandahang-loob dahil sa dami ng ating mga pagkakasala laban sa Kanya, ito'y ipinadama pa rin sa atin ng Diyos. Sa pamamagitan nito'y ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa atin bilang Diyos na may malasakit para sa lahat. 

Sa pamamagitan ng pagbaba mula sa langit at pagkakatawang-tao't pamumuhay sa lupa bilang tao katulad natin, inihayag ni Hesus ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit Siya'y pumanaog sa sanlibutan at nagkatawang-tao. Si Hesus ay pumarito upang ipalaganap ang Kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na inihayag sa lahat sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Hesus, tayong lahat ay Kanyang tinubos. 

Miyerkules, Enero 3, 2018

TALANG NAGHAHAYAG NG KADAKILAAN NG DIYOS

7 Enero 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon 
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12



Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagdalaw ng mga Pantas sa Sanggol na Hesus. Ang mga Pantas mula sa Silangan ay naglakbay nang napakalayo upang dalawin at sambahin ang bagong silang na Sanggol na Mesiyas, ang Hari ng mga Hudyo. Noong nakarating sila sa Herusalem, tinanong nila ang mga tagaroon kung saan nga ba nila matatagpuan ang lugar kung saan ipinanganak ang Banal na Sanggol. Sa kanilang pagtatanong sa mga tagaroon, inihayag nila na nakita nila ang tala ng Mesiyas mula sa Silangan. Ang tala ng Mesiyas ang umakay sa mga Pantas mula sa lugar na kanilang pinagmulan sa Silangan patungo sa lupain ng Judea. 

Maningning ang liwanag ng tala ni Kristo na umakay sa mga Pantas sa kanilang paglalakbay patungo sa Judea. Sa gitna ng kadiliman ng gabi, may isang tala na nagningning nang buong liwanag. Ang kaliwanagan ng talang ito ay higit na maliwanag at maningning kaysa sa ibang mga talang nagningning sa gabing yaon. Ang talang nagningning nang buong kaliwanagan sa gabing yaon ay ang tala ni Kristo. Ang liwanag ng tala ni Kristo ay higit na maningning at maliwanag kaysa sa ibang mga tala sa kalangitan noong gabing yaon. Ito'y nakita ng mga Pantas at sinundan upang mahanap ang Banal na Sanggol na si Kristo na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. 

Ang liwanag ng Diyos na naghahayag ng Kanyang kadakilaan ay una Niyang inihayag sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Sa pamamagitan ng bayang Israel, magniningning ang liwanag ng Diyos na naghahayag ng Kanyang kaluwalhatian sa lahat. Masasaksihan ng bawat tao mula sa iba't ibang bansang nababalot ng dilim ang liwanag ng Panginoon na nagniningning sa Herusalem. Ang liwanag ng Panginoon ay sisinag sa Herusalem. Ang Herusalem ay magiging instrumento ng Diyos sa paghahayag ng Kanyang kadakilaan na nagliliwanag at nagniningning sa gitna ng kadiliman. Ang kaliwanagan ng Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa kapangyarihan ng kadilimang bumabalot sa daigdig. Ang kadiliman ay hindi na mamamayani; mamamayani ang liwanag ng Diyos. 

Nagpatotoo rin si Apostol San Pablo tungkol sa liwanag ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso. Wika ni Apostol San Pablo na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos ang tungkulin ng pagpapatotoo at pagsaksi sa Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng pagsaksi ni Apostol San Pablo at ng kanyang mga kapwa misyonero't apostol, ang lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay namumulat sa katotohanan tungkol sa kadakilaan ng Diyos. Ang mga apostol ay nagsilbing mga instrumento ng liwanag ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang mga pagpapatotoo tungkol sa Mabuting Balita, naliwanagan ang mga puso't isipan ng bawat tao mula sa iba't ibang sulok ng daigdig tungkol sa misteryo ng kagandahang-loob ng Diyos na inihayag Niya sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. 

Kaya nga, sabi sa Salmo, "Poon, maglilingkod sa 'Yo tanang bansa nitong mundo." (71, 11) Ang bawat tao mula sa iba't ibang sulok ng mundo ay buong kagalakang maglilingkod sa Poong Maykapal sapagkat ang Kanyang kadakilaan ay ipinamalas Niya sa lahat ng tao. Ibinunyag ng Panginoong Diyos sa lahat ng tao ang misteryo ng Kanyang kadakilaan. Ipinasiya Niyang gawin ito dahil sa Kanyang kagandahang-loob. At nang maliwanagan ang mga puso't diwa ng bawat tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig, ang sangkatauhan ay napuno ng kagalakan pagkat ang Diyos ay tunay ngang dakila at may kagandahang-loob. 

Ang tala ng Betlehem na umakay sa mga Pantas mula sa Silangan patungo sa lugar ng kapanganakan ni Kristo ay naghayag ng Kanyang kadakilaan. Nagningning sa gitna ng kadiliman ng gabi ang tala ng Mesiyas. Sa pamamagitan ng liwanag ng talang nagningning sa gitna ng gabing madilim, inihayag ng Panginoon sa lahat ang Kanyang kadakilaan. Ang kadakilaan ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Sa pagliwanag ng talang ito, kagalakan ang inihatid ng Diyos sa mga Pantas at sa lahat ng tao sa iba't ibang sulok ng daigdig. Ipinasiya ng Diyos na gawin ito dahil sa Kanyang kagandahang-loob sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng paggawa nito, ang Dios ay nagdulot ng kagalakan sa lahat ng tao mula sa lahat ng mga bansa sa sanlibutan. 

Linggo, Disyembre 31, 2017

PINAKADAKILANG PAGPAPALA

1 Enero 2018 
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalong Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21 


Isa sa mga titulo ng Mahal na Birheng Maria ay ang titulo ng Theotokos. Ang kahulugan ng Theotokos ay "Tagapagdala ng Diyos" o "Ina ng Diyos". Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan ang Salitang nagkatawang-tao sa loob ng siyam na buwan. At matapos ng siyam na buwan ng pananahan sa sinapupunan ni Maria, iniluwal ang Sanggol na Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Dinala at iniluwal ni Maria mula sa kanyang sinapupunan ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan - ang Kanyang Bugtong na Anak at ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus.  

Ang pagkakaloob ng pinakadakilang pagpapalang ito ay pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia. Wika ni Apostol San Pablo na isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus at Siya'y isinilang ng isang babae nang sumapit ang takdang panahon. Nagmula sa sinapupunan ng isang babae, isang dalaga, ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus at ang dalagang nagdala, nagluwal, at umalaga sa Kanya ay si Maria. 

Sa huling bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtutuli sa Banal na Sanggol at ang pagpapangalan sa Kanya. Ang pangalang ibinigay nina Maria at Jose sa Banal na Sanggol ay ang pangalang ibinigay ng anghel noong Siya'y ipinaglihi. Hesus ang Pangalang ibinigay sa Kanya. Ang kahulugan ng pangalang ni Hesus sa wikang Hebreo ay "Ang Diyos ay nagliligtas." Sa pangalan pa lamang malalaman ang misyon ng Banal na Sanggol sa Kanyang paglaki. Sa pamamagitan ni Hesus, ililigtas ng Diyos ang lahat ng tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pastol sa unang bahagi ng Ebanghelyo ay umuwing nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos. Nakita ng mga pastol ang Sanggol na magliligtas sa lahat pagdating ng takdang panahon. Ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos ay nakita ng mga pastol sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban. Ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob Niya sa santinakpan. 

Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa sangkatauhan sa iba't ibang pamamaraan. Tulad na lamang sa Unang Pagbasa. Iniutos ng Panginoong Diyos kay Moises na ibigay kina Aaron at sa kanyang mga anak ang pormula ng pagbebendisyon sa bayang Israel. Sa pamamagitan ng bendisyon ng mga saserdote, ibinibuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa Kanyang bayan. At ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa lahat ng tao ay Kanyang ibinuhos sa pamamagitan ng Dakilang Saserdote na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Dakilang Saserdoteng si Hesus, ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang pinakadakilang pagpapala ng Kanyang pagliligtas. 

Si Hesus ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Siya, ang Bugtong na Anak ng Diyos na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Kanyang Kalinis-linisang Birheng Inang si Maria na Ina rin nating lahat, ay ipinagkaloob para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, nasilayan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang kahanga-hangang pagliligtas ng Diyos. At ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos, ang pagliligtas Niya sa lahat sa pamamagitan ni Hesus, ay nagdulot ng kagalakang tunay sa lahat ng tao sapagkat namalas nila ang kadakilaan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Sabado, Disyembre 30, 2017

HINDI MADALI

31 Disyembre 2017 
Linggo sa loob ng walong araw na pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (B) 
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3 [o kaya: Sirak 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)]/Salmo 104 [o kaya: Salmo 127]/Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19 [o kaya: Colosas 3, 12-21]/Lucas 2, 22-40 


Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang paghirang ng Diyos kay Abram, na ngayo'y kilala bilang si Abraham. Si Abraham, na kilala dati sa pangalang Abram, ay hinirang ng Diyos upang maging ama ng maraming bansa. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan ang bilang ng kanyang mga anak at apo, sa kabila ng katandaan niya at ng kanyang asawang si Sara na dating kilala bilang si Sarai. Si Abraham ay magiging ninuno ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa. Ang angkan ni Abraham ay bubuin ng maraming tao mula sa iba't ibang bansa, ayon sa pangako ng Panginoon. 

Ang kwento ng pananampalataya ni Abraham, na isinalaysay nang buo sa Lumang Tipan, ay binigyan ng isang maikling buod sa Ikalawang Pagbasa. Inilahad ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ang mga benepisyo at gantimpalang natanggap ni Abraham dahil sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Hindi naging madali para kay Abraham na manalig sa Diyos. Subalit, dahil sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos, siya'y ginantimpalaan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinakita ni Abraham ang kanyang malalim at buong puso't kaluluwang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Tumalima si Abraham sa kalooban ng Diyos, gaano pa mang kahirap tuparin at sundin ito, dahil sa kanyang pananalig. Dahil dito, si Abraham ay tumanggap ng maraming gantimpala mula sa Diyos. Siya at ang kanyang asawa ay ginantimpalaan ng anak sa kabila ng kanyang katandaan. At noong ipinasiya ni Abraham na ihandog ang kanyang anak na si Isaac bilang hain sa Diyos, tulad ng Kanyang iniutos, ipinagkaloob ng Diyos ang isang lalaking tupa bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac. 

Sa mahabang salaysay ng Mabuting Balita (2, 22-40), isang matandang lalaki na ang pangala'y Simeon ay nagsalita sa Mahal na Birheng Maria tungkol sa magiging misyon at tadhana ng Sanggol na Hesus paglaki Niya. Bagamat ang mga salitang ito ay winika ni Simeon kay Maria, marahil ay pinakinggan rin ni San Jose ang mga salitang ito tungkol sa Banal na Sanggol. Narinig ng mga magulang ni Hesus na hindi maganda ang mangyayari sa Kanya pagdating ng panahon. Isang kabalintunaan ang mangyayari - ang Mesiyas at Manunubos na si Hesus na dapat magsilbing palantandaan ng pagtubos ng Diyos ay hahamakin ng marami. Kamumuhian Siya ng Kanyang mga kababayan, kahit na Siya'y ipinagkaloob ng Diyos sa kanila upang sila'y maligtas Niya. At ang mangyayari kay Hesus pagdating ng takdang panahon ay magdudulot ng matinding hapdi't kirot sa puso ng Maria. Ang hapdi't kirot na ito ay kasinghapdi ng paghiwa ng isang balaraw. Ang puso ng Mahal na Inang si Maria ay parang tatarakan ng isang balaraw dahil sa mangyayari sa kanyang minamahal na Anak na si Hesus. 

Labis na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose sa mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Simeon tungkol sa magiging tadhana ng kanilang Anak. Iisa lamang ang ibig sabihin ng mga winika ni Simeon sa Templo, ang kanilang minamahal na Anak ay papatayin ng Kanyang mga kababayan. Kaloob nga Siya ng Diyos sa Kanyang bayan, subalit hindi Siya tatanggapin ng Kanyang mga kababayan. Kapopootan, kamumuhian Siya ng lahat, lalung-lalo na ng mga pinuno ng bayang Israel. Napakasakit para sa kanila na malamang iyan ang kalooban ng Diyos. Para kina Maria at Jose, napakasakit at napakahirap tanggapin ang katotohanang papatayin ng kanilang mga kababayan ang kanilang Anak na ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang bayan bilang Mesiyas at Manunubos at wala na silang magawa upang mapigilan ito. 

Sa kabila ng masakit na katotohanan ukol sa kalooban ng Diyos, ang masakit na katotohanan na walang magawa para pigilan ang pagpatay sa kanilang Anak na labis nilang minamahal at inaaaruga, hindi nawalan ng pananalig at pananampalataya ang Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Diyos. Patuloy na nanalig at sumampalataya nang buong puso't kaluluwa sina Maria at Jose sa kalooban ng Diyos sapagkat ito'y higit na dakila at higit na mabuti kaysa sa kanilang sariling kalooban at naisin. Tulad nina Maria at Jose, si Hesus ay tumalima sa kalooban ng Ama. Kaya nga Siya'y kinalugdan ng Diyos sa simula't simula pa lamang. Kahit gaano pa mang kahirap na tuparin ang kalooban ng Ama, pinili ni Hesus na maging masunurin sa kalooban ng Ama. Siya, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay naging masunurin sa plano ng pagliligtas na binuo bago pa man Siya pumanaog sa lupa at magkatawang-tao. Ang Banal na Mag-Anak nina Hesus, Maria, at Jose ay nanalig at tumalima sa kalooban ng Ama nang buong katapatan, gaano mang kahirap itong sundin at tuparin. 

Ang kalooban ng Diyos ay hindi madaling tuparin at sundin. May mga pagkakataong hindi natin maintindihan o maunawaan ito nang mabuti. Hindi ito matarok nang lubusan ng bawat tao, kahit ng pinakamatalinong tao sa mundo. Mayroon ding mga pagkakataon na tayo'y masasaktan dahil sa mga kailangang isakripisyo para sa katuparan nito. Subalit, kung hahayaan natin ang Diyos na maging sentro ng buhay natin bilang pamilya, kung isusuko natin ang lahat sa Kanya, binibigyan natin ng pahintulot ang pagtupad ng kalooban ng Diyos sa pamamagitan natin. Kung hahayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa buhay natin, malalampasan natin ang lahat ng mga pagsubok na haharapin natin sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Magkakaroon tayo ng lakas at tibay ng loob upang sundin ang kalooban ng Diyos, na higit pang dakila at maganda kaysa sa mga naisin ng bawat tao. Sapagkat sa pamamagitan ng buong puso't kaluluwang pagtupad at pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinapakita't inihahayag natin ang ating pagmamahal, pananalig at pananampalataya sa Kanya na Siyang Makapangyarihan sa lahat ng nilalang. 

NAGDUDULOT NG KAGALAKAN

30 Disyembre 2017 
Ikaanim na Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 12-17/Salmo 95/Lucas 2, 36-40 


Itinatampok sa Ebanghelyo ang karakter ni Ana, ang asawa ni Simeon at isang propetang babae. Nang masilayan rin ni Ana ang Sanggol na Hesus na kalong-kalong ng kanyang kabiyak ng pusong si Simeon sa kanyang mga bisig, siya'y nagpasalamat at nagpuri sa Diyos nang buong kagalakan. Siya'y napuspos ng kagalakan sapagkat nakita na ng kaniyang mga mata ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Dumating na ang pinakahihintay na Tagapagligtas. Tinupad na ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Kaya naman, matapos niyang masilayan ang Banal na Sanggol, si Ana ay nagsalita tungkol sa Kanya sa mga naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem. Nagbigay ng patotoo si Ana tungkol sa Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao na sa simula pa lamang ay Siya na, tulad ng winika ni Apostol San Juan tungkol sa Kanya sa Unang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat (2, 13).

Si Ana ay napuspos ng galak sapagkat nasaksihan niya ang katuparan ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesukristo. Dumating na sa wakas ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na matagal nang pinanabikan ng sambayanang Israel. Nangako ang Diyos noong kapanahunan ng kanilang mga ninuno, ang panahon ng Matandang Tipan, na Siya'y darating bilang Mesiyas at Manunubos. Ang bayang Israel ay nanabik nang buong kagalakan para sa araw na ito. Hinintay nila nang may buong galak ang pagsapit ng araw na iyon kung kailan tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Kaya naman, nang makita ni Ana ang Banal na Sanggol na si Hesus, buong galak siyang nagpuri't nagpasalamat sa Diyos at nagpatotoo sa mga naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem tungkol sa Banal na Sanggol. 

Hinding-hindi nakakalimot ang Diyos sa Kanyang pangako. Hinding-hindi Siya nakakalimot sa Kanyang bayan. Lagi Niyang naaalala ang Kanyang bayan. Lagi Niyang natatandaan ang Kanyang pangakong binitiwan. Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang pangako. Pinatunayan Niya ang Kanyang katapatan sa pangakong binitiwan noong Siya'y pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pammaagitan nito'y tinupad ng Diyos ang  pangakong binitiwan. At sa pamamagitan ng pagtupad sa pangakong binitiwan, ang Diyos ay naghatid, nagdulot ng kagalakan sa lahat ng tao na labis Niyang minamahal at kinahahabagan nang buong katapatan. At ang katapatan, pag-ibig, at habag ng Maykapal para sa sangkatauhan ay tunay at totoo.