Martes, Abril 3, 2018

SIYA NGA

5 Abril 2018
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48


Muling nangaral sa taumbayan si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa tungkol sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Matapos mapagaling ang lalaking ipinanganak na lumpo, nilinaw ni Apostol San Pedro sa taumbayan na hindi siya ang may kagagawan noon. Hindi nakatayo't nakalakad na rin sa wakas ang pulubing lumpo mula sa kanyang pagsilang dahil sa kanya. Nakalakad siya dahil sa Muling Nabuhay na si Hesus. Si Hesus na Nabuhay na mag-uli ang nagpagaling sa lumpo. Siya, ang Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos, ang nagdulot ng kagalingan sa lumpo. Siya'y pinatay ng Kanyang mga kaaway ngunit nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Taliwas sa mga iniisip ng karamihan noong kapanahunang yaon, ang Nazarenong si Hesus na pinatay sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Ang Muling Nabuhay na si Hesus ang paksa ng pangangaral at pagpapatotoo ng mga apostol. 

Pinatotohanan ng mga apostoles ang kanilang nakita. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa kanila. Akala nila noong una na multo ang kanilang nakikita. Subalit, tiniyak ng Panginoong Hesus sa mga apostol na Siya nga talaga ang kanilang nakikita. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang mga kamay at paa. Kumain pa nga si Hesus sa harapan nila upang patunayan na Siya nga talaga ang kanilang nakikita. At sa katapusan ng Ebanghelyo, iniutos Niya sa mga apostol na dapat nilang patotohanan ang kanilang mga nakita. Ang mga apostol mismo ang magpapatotoo tungkol kay Kristo Hesus na Muling Nabuhay sa lahat ng dako. At iyon nga ang kanilang ginawa. 

Ang mga apostol ay hinirang upang mangaral at magbigay ng patotoo tungkol kay Hesus. Si Hesus ang Mesiyas na ipinagkaloob ng Diyos. Siya ang tinutukoy ng mga propeta ng Matandang Tipan sa kanilang mga propesiya tungkol sa Tagapagligtas na ipinangako. Siya ang Diyos na nagkatawang-tao upang tayo'y tubusin dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Siya'y pinatay ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. At Siya'y nagpakita sa mga apostol upang ang lahat ay manalig at sumampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng kanilang pangangaral at pagpapatotoo. Si Hesus nga ang Panginoong nagtagumpay sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang pinatotohanan at sinasampalatayanan ng Simbahan magpahanggang ngayon. 

Lunes, Abril 2, 2018

ANG PINAKADAKILANG GAWA

4 Abril 2018
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35


Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang pagpapagaling sa isang lalaking ipinanganak na lumpo. Ang pulubing ipinanganak na lumpo ay pinagaling ni Apostol San Pedro sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kabanal-banalang Pangalan ni Kristong Muling Nabuhay. Sa pamamagitan ni Apostol San Pedro, nahayag ang kapangyarihan ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay. Ang kapangyarihan ng Panginoong Muling Nabuhay na si Hesukristo ang nagdulot ng kagalingan sa naglilimos na pulubing ipinanganak na lumpo. Si Apostol San Pedro ay nagsilbing instrumento ni Kristo; siya'y nagsilbing daluyan ng kapangyarihan ng Panginoong Muling Nabuhay. Dahil sa kapangyarihan ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na ibinahagi naman ni Apostol San Pedro, ang lalaking lumpo ay tumayo't lumakad. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang paglalakbay ng Muling Nabuhay na si Hesus kasama ang dalawa sa Kanyang mga apostol patungong Emaus. Habang sila'y naglalakbay sa daan, ibinahagi ng dalawang alagad kay Hesus ang lahat ng kanilang mga hinanakit tungkol sa Kanya. Hindi pa nalalaman ng dalawa na si Hesus pala ang kanilang kausap. Akala nilang isang dayong estranghero ang kanilang kausap at kasama. Nang pinaghati-hati ni Hesus ang tinapay sa hapag-kainan, doon lamang nakilala ng dalawa na Siya pala yung kasama nila sa daan. Hindi na patay si Hesus. Hindi Siya nanatili sa loob ng libingan. Tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Ang lahat ay hindi nagwakas sa kamatayan ni Hesus. May dahilan kung bakit namatay ang Panginoong Hesus. Kinailangan Niyang pagdaanan ang pagdurusa't kamatayan sa krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Ito'y unang inihayag ng mga propeta sa Lumang Tipan at ipinaliwanag sa kanila ni Hesus habang sila'y naglalakbay patungong Emaus. 

Maraming ginawang dakilang bagay ang Panginoong Hesukristo. Subalit, walang hihigit pa sa kadakilaan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang mga ginawa. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, nakamit Niya ang kaluwalhatian at tagumpay. Ang lahat ng mga inihayag ukol sa Kanya sa Lumang Tipan ay nagkaroon ng katuparan. Siya ang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. Iniligtas Niya ang lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang ating sinasampalatayanan nang buong puso't kaluluwa bilang sambayanan ng Muling Pagkabuhay. Ang Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ang nagpapatunay na Siya ang Diyos na tunay na mahabagin at mapagmahal sa lahat. 

TAGAPAWI NG MGA LUHA

3 Abril 2018
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18 


Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Muling Nabuhay ay nagpakita kay Santa Maria Magdalena na umiiyak. Ang Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay ay hindi agad nakilala ni Maria Magdalena. Inakala ni Maria Magdalena na ang kanyang nakatagpo ay isa lamang tagapag-alaga ng halamanan. Nakilala lamang ni Maria Magdalena ang Muling Nabuhay na si Hesus noong binati Niya ito sa pamamagitan ng kanyang pangalan. Labis siyang umiyak dahil sa pagkawala ng katawan ni Hesus sa libingan. Inakala niyang ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Inakala niyang hindi na ginalang ang Panginoon, kahit na Siya'y patay na. Subalit, ang lahat ng mga luha ay tuluyang napawi mula sa mga mata ni Maria Magdalena noong nakilala niya ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Mula sa pagiging puno ng kalungkutan, siya'y napuno ng kagalakan. Ang kanyang pag-iyak ay naging isang malaking ngiti't tuwa. Ang lahat ng iyon ay dahil kay Kristong Muling Nabuhay. 

Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na pinatotohanan ni Apostol San Pedro sa  taumbayan sa Unang Pagbasa at ni Santa Maria Magdalena sa mga apostol sa huling bahagi ng Ebanghelyo ang tagapawi ng mga luha. Hindi kalungkutan ang Kanyang hatid sa lahat. Bagkus, ang Kanyang hatid sa lahat ay kagalakan. Pinapawi ni Kristo ang lahat ng ating kalungkutan. Pinapawi Niya ang mga luhang dumadaloy mula sa mga bata ng bawat isa. Ang dalamhati't kapighatian ay Kanyang pinapalitan ng tuwa't kagalakan. Ang kalungkutan at kapighatian ay naging kagalakan at kasaganaan sa pamamagitan Niya. Dahil si Kristo ang Panginoong nagtagumpay sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang tagumpay ng ating Panginoong Muling Nabuhay ay tunay ngang nagdudulot ng isang buhay na puno ng kagalakan at pag-asang mula sa Kanya sa bawat isa. 

Tapos na ang panahon ng pagdadalmhati't pagluluksa. Wala nang laman ang libingan. Si Hesus ay tunay ngang muling nabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, pinawi Niya ang lahat ng ating kalungkutan at kabiguan. Ang lahat ng mga luhang pumapatak mula sa ating mga mata ay Kanyang pinapawi. Tayong lahat ay inaaanyayahan Niyang maranasan at makibahagi sa kagalakang hatid Niya sa bawat isa. Kagalakang dulot ng Kanyang maluwalhating tagumpay na inihayag ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Linggo, Abril 1, 2018

SIYA ANG LUMALAPIT AT BUMABATI

2 Abril 2018 
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 16/Mateo 28, 8-15


Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay nagpakita sa mga babaeng pumunta sa libingan. Habang sila'y patakbong bumalik sa kinaroroonan mga apostol, sinalubong sila ng Muling Nabuhay na si Hesus sa daan. Binati ni Hesus ang mga babaeng pumunta sa libingan at isinugo sa mga apostol upang ipamalita sa mga apostol na tunay ngang Siya'y muling nabuhay. Nagpatotoo si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa tungkol sa pagpapakita ng Panginoong Muling Nabuhay sa kanila. Pinatay ang Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus, ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. At nang mabuhay na mag-uli, si Hesus ay nagpakita sa kanila.

Ang nakakatawag ng pansin sa mga salaysay ng mga pagpapakita ng Panginoong Muling Nabuhay ay kung paano Niyang nilalapitan at binabati ang Kanyang mga tagasunod. Siya ang unang lumalapit at bumabati. Hindi Niya iniiwasan o nilalayuan ang Kanyang mga tagasunod na Kanyang nakakatagpo. Bagkus, kusa Niyang nilalapitan at binabati ang lahat ng Kanyang mga tagasunod na Kanyang pinagpapakitaan o di kaya nakakatagpo, tulad na lamang ng Kanyang ginawa sa mga kababaihang pumunta sa libingan na isinalaysay sa Ebanghelyo. 

Nais ituro ni Kristo na kahit na Siya'y muling nabuhay, kahit iba na ang Kanyang kalagayan ng pag-iral kaysa sa iba, hindi Niya nilalayo ang Kanyang sarili mula sa atin. Bagkus, nais pa rin Niyang maging malapit sa atin. Nais Niyang lalo tayong mapalapit sa Kanyang loob. Batid Niya na tayong lahat bilang tao ay marupok. Batid Niya na tayong lahat ay makasalanan. Nahihiya tayong lumapit sa Kanya sapagkat ang ating mga kasalanan ang siyang dahilan kung bakit Siya ipinako sa krus at namatay roon. Kaya naman, nais ipakita ni Kristong Muling Nabuhay na higit na dakila ang Kanyang kapangyarihan kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan. At tayong lahat ay nilalapitan Niya upang ating maranasan ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob na Siyang dahilan ng ating kaligtasan sa pamamagitan Niya. 

Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga pagkakasala, nilalapitan at binabati pa rin tayo ni Hesus. Siya ang lumalapit at bumabati sa atin. Nais ng ating Panginoon na maranasan natin ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob na ugat ng ating kaligtasan. Nais ng ating Panginoon na makinabang tayo sa Kaniyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob na lumilinis sa atin mula sa ating mga kasalanan upang makasalo natin Siya sa banal na piging na Kanyang inihanda. 

Lunes, Marso 26, 2018

ARAW NG PAGBUBUNYI AT PAGDIWANG NANG BUONG KAGALAKAN

1 Abril 2018
Pasko ng Muling Pagkabuhay (Araw ng Linggo) 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 (Misa sa Gabi: Lucas 24, 13-35) 


Ang araw ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay araw ng kagalakan at pagdiriwang. Ito ang pinakamahalagang araw sa Kalendaryo ng ating Simbahan. Sa araw na ito, ginugunita ang pagbangon at paglabas ng Muling Nabuhay na si Hesus mula sa libingan. Si Hesus ay hindi nanatili sa loob ng libingan. Pagsapit ng ikatlong araw, si Hesus ay muling nabuhay. Ang Kanyang kamatayan sa krus ay hindi naging katapusan Niya. Ang Kanyang kamatayan sa krus ay bahagi lamang ng Kanyang misyon. Ang Kanyang Muling Pagkabuhay ang huling bahagi ng Kanyang misyon bilang Manunubos. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay tunay ngang iniligtas ni Hesus. Kaya nga, nararapat lamang na magdiwang nang buong kagalakan ang lahat sa araw na ito. 

Laman ng mga Pagbasa ngayon ang mga patotoo tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pedro tungkol sa pagkamatay at Pagkabuhay ni Kristo. Si Kristong pinatay sa pamamagitan ng pagpapako sa krus ay hindi nanatili sa loob ng libingan. Si Kristong pinatay sa krus ay nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Nang Siya'y muling mabuhay, nagpakita Siya sa lahat ng mga apostol upang ang lahat ay maniwala sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo at pangangaral. Sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto, inilarawan ni Apostol San Pablo si Kristo bilang Korderong Pampaskuwa. Si Kristo ang Bagong Korderong Pampaskuwa inihain para sa kaligtasan at kapatawaran ng lahat ng tao. At ang Bagong Korderong Pampaskuwa na si Kristo ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Tumawid Siya mula sa kamatayan patungo sa Muling Pagkabuhay. Ito ang ating ginugunita tuwing Pasko ng Pagkabuhay. 

Nakatuon sa libingang walang laman ang salaysay ni San Juan sa Ebanghelyo. Ang libingan ni Hesus ay natagpuang walang laman. Hindi na mahanap ang bangkay ni Hesus. Una itong nakita ni Santa Maria Magdalena. Nakita rin ito ng dalawa sa mga apostol na sina Pedro at ang minamahal na alagad ni Hesus na si Juan. Nang makita nina Apostol San Pedro at San Juan, nakita nila ang mga kayong lino at ang panyong ibinalot sa ulo ni Hesus na nakatiklop. Walang pagnanakaw na naganap dahil hindi namang ititiklop ng mga magnanakaw ang mga kayong lino. Aaalis na lamang sila agad-agad. Subalit, ang mga telang pinambalot kay Hesus ay nakatiklop at nakaayos. Ito ang nagpapatunay na ang Panginoong Hesus ay tunay ngang nabuhay na mag-uli, tulad ng Kanyang ipinangako. 

Hindi nagpakalat ng pekeng balita ang mga apostol. Totoo ang kanilang ipinangaral at pinatotohanan sa lahat. Ang Panginoong Hesukristo ay namatay ngunit nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, Siya'y nagtagumpay laban sa mga pwersa ng kasamaan, kadiliman, at kamatayan. Kinamit Niya ang tagumpay para sa ating lahat. Dahil sa tagumpay na Kanyang nakamit sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay Kanyang naligtas at pinalaya mula sa kaalipinan. Tayo ay tumawid mula sa pagiging mga alipin ng kasamaan at kadiliman patungo sa bagong buhay na puno ng kalayaan bilang mga inampong anak ng Diyos dahil sa tagumpay ng Panginoong Hesukristo na Kanyang kinamtan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Ito ang Mabuting Balitang pinatotohanan at sinasampalatayanan ng Simbahan mula noon hanggang ngayon. Si Hesus ay muling nabuhay sa ikatlong araw. Inalay Niya ang buo Niyang sarili sa krus at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw upang tayong lahat ay maligtas. Iyan ang rurok ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Ang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus ang rurok ng Mabuting Balitang pinahahalagahan at sinasampalatayanan natin bilang mga Kristiyano. At ang krus at Muling Pagkabuhay ay magkakaugnay sapagkat kung hindi hinarap ni Kristo ang Kanyang kamatayan sa krus, walang Muling Pagkabuhay na magaganap. Ang krus at Muling Pagkabuhay ang bumubuo sa Misteryo Paskwal ni Hesus. Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ni Hesus, ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay Kanyang tinubos. 

Kaya nga, nararapat lamang na ang bawat isa'y magdiwang nang buong kagalakan sa araw na ito. Ang araw na ito ay araw ng kagalakan, pagdiriwang, at pagbubunyi dahil kinamtan ng Panginoong Hesus ang tagumpay na naghahayag ng Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal, ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay tinubos at pinalaya ni Hesus. 

Linggo, Marso 25, 2018

KAGALAKANG HATID NG MULING PAGKABUHAY

31 Marso 2018 - Sabado de Gloria 
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 33)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 51)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Marcos 16, 1-17


Labis na nalumbay ang Mahal na Birheng Maria sa pagpanaw ni Hesus. Punung-puno ng hapis ang kanyang puso. Ang mga lumipas sa mga nakaraang araw ay nagdulot ng matinding kapaitan sa kanya. Labis siyang namimighati sa mga sandaling sinamahan niya ang kanyang Anak na si Hesus patungong Kalbaryo. At ang pinakamasakit para sa kanya ay ang pagsaksi sa pagdurusa't pagkamatay ni Hesus sa krus. Ang mga huling sandali sa buhay ni Hesus ay tandang-tanda pa rin ni Maria. Sa tahimik niyang pagbulay-bulay at pagmumuni-muni, nakakaramdam siya ng matinding hapdi at kirot sa kanyang damdamin dahil sa alaala ng barbarikong pagdurusa't pagkamatay ni Hesus sa Kalbaryo. 

Ang pagdaramdam ng Mahal na Inang si Maria ay nagwakas noong si Hesus ay muling mabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, pinawi ni Hesus ang mga luha sa mga mata ni Maria. Mula sa pagiging puno ng hapis at lumbay, ang Mahal na Birheng Maria ay napuno ng sigla't tuwa. Ang kanyang hapis ay naging kagalakan dahil sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Natapos na ang panahon ng pamimighati at pagluluksa. Hindi na hapis ang pumupuno sa puso. Wala nang laman ang libingan. Si Hesus ay tunay ngang muling nabuhay. 

Kagalakan ang hatid ng Panginoong Hesus na nabuhay na mag-uli. Hindi takot at lungkot. Ang lahat ng takot at lungkot ay tuluyang pinapawi ng Panginoong Muling Nabuhay. Tulad ng sinabi ng binata sa tatlong babaeng pumunta sa libingan ng Panginoon na sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago, at Salome, "Huwag kayong matakot... Wala na Siya rito - Siya'y muling nabuhay!" (16, 6) Hindi naman talaga sindak ang hatid ni Kristong Muling Nabuhay kundi kagalakan. Kagalakang pumapawi sa lahat ng takot at lumbay. Kagalakang nagdudulot ng panibagong pag-asa, panibagong buhay, sa lahat ng mga nananalig nang buong puso't kaluluwa. 

Hindi guni-guni ang Muling Pagkabuhay ni Kristo. Tunay ngang muling nabuhay ang Panginoon. Wala nang laman ang libingan. Isang binatang nakasuot ng isang mahaba at maputing damit, marahil isang anghel, ang naghayag ng Mabuting Balita tungkol sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Hindi pekeng balita ang inihayag ng binata sa tatlong babae sa Ebanghelyo. Hindi iyon gawa-gawa lamang; tunay at totoo ang balitang iyon. Iyan ang Mabuting Balitang sinasampalatayanan at pinatotohanan ng Simbahan. Si Kristo ay namatay sa krus alang-alang sa ating kaligtasan ngunit nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. 

Ilang ulit na winika ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na dapat Siyang magbata ng maraming hirap, pagdurusa, at kamatayan sa krus sa kamay ng Kaniyang mga kaaway. Subalit, hindi nagtatapos sa pagdurusa't kamatayan ang lahat para kay Kristo. Dagdag pa ni Kristo, Siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Hindi Siya mananatili sa loob ng libingan. Pagsapit ng ikatlong araw, Siya'y babangon nang matagumpay at lalabas mula sa Kanyang libingan. Pagkatapos magtiis ng maraming hirap at sakit hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus, si Hesus ay muling mabubuhay sa ikatlong araw. At ang Kanyang mga sinabi sa mga apostol ay natupad sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, ang Kanyang Misteryo-Paskwal. Si Hesus ay pinatay ng Kanyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagpapako sa krus, ngunit hindi Siya nanatili sa loob ng libingan sapagkat Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad ng Kanyang sinabi. 

Tapos na ang panahon ng pagluluksa at pagdadalamhati. Tunay ngang muling nabuhay ang Panginoong Hesukristo. Tunay nga Siyang nagtagumpay. Kagalakan ang hatid Niya sa bawat isa. Pinapawi Niya ang lahat ng luha mula sa mga mata ng bawat isa, tulad ng Kanyang ginawa noong Siya'y nagpakita sa Kanyang Inang si Maria, na siyang ginugunita sa rito ng Salubong. Ang kalungkutan at kapaitan dala ng Biyernes Santo ay tuluyang napawi ng Panginoong Muling Nabuhay. Ang kalungkutan at kapaitan ay naging kagalakan dahil sa Kanya. Kaya naman, "Aleluya" ang awit ng lahat ng mga bumubuo ng sambayanang nagagalak sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus, tayong lahat ay binigyan Niya ng kaligtasan at kalayaan. Hindi na tayo mga alipin ng kasamaan at kadiliman; tayong lahat ay ganap nang nailigtas at naging malaya dahil sa Nazarenong naghain ng Kanyang buhay sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw na si Kristo Hesus. 

Sabado, Marso 24, 2018

NAMATAY ALANG-ALANG SA LAHAT

30 Marso 2018
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42


Sa mga mahahabang Pagbasa para sa Biyernes Santo, pinagtutuunan ng pansin ang dalawang titulo ng Panginoong Hesukristo. Ang dalawa sa napakaraming mga titulo ng Panginoong Hesukristo na itinatampok at tinatalakay ng mga Pagbasa ay ang mga titulo ng Dakilang Saserdote at Kordero ng Diyos. Ang dalawang papel na ito ay ginampanan ng Panginoong Hesus sa Kalbaryo sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa't kamatayan sa isang kahoy na krus. 

Binanggit ni San Juan sa kanyang salaysay tungkol sa Pasyong Mahal ni Hesukristo na inihayag sa Ebanghelyo ang mga sinabi ni Caifas sa kanyang mga kasamahan sa Sanedrin. Sinabi ni Caifas sa kanyang mga kasamang autoridad na isang tao lamang ang dapat mamatay alang-alang sa bayan (18, 14). Isang tao ang ibibigay at ihahandog upang ang sambayanan ng Israel ay hindi mapahamak. Inilarawan ng mga salitang ito ang pamamaraan ng pagkamatay ng Panginoong Hesukristo. Si Kristo ay ihahain tulad ng isang kordero. Siya'y ibibigay sa mga Romano upang patayin. At ang mga salitang ito ni Caifas ay natupad sa Lugar ng Bungo na tinatawag na Golgota noong unang Biyernes Santo.

Ang mga kaganapan sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo ay inihayag ni propeta Isaias sa Lumang Tipan. Ang propesiyang ito tungkol sa pagpapakasakit ng Mesiyas ay itinampok sa Unang Pagbasa. Wika ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa, "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa paghihirap na tinamo Niya at sa mga hampas na Kanyang tinanggap." (53, 5) Ito rin ang siyang binibigyang-diin ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Si Hesus ay labis na nasugatan at pinahirapan hanggang sa mamatay alang-alang sa atin. Kahit inosente, kahit na hindi Siya nagkasala kailanman, tinanggap at tiniis Niya ang pagdurusa't kamatayan sa krus upang tayong lahat ay maligtas. Tiniis Niya ang inhustisiya at ang pagkabarbariko ng Kanyang mga kaaway hanggang sa Kanyang pagkamatay. Sa pamamagitan ng paghahain ng buo Niyang sarili sa krus, tinupad Niya ang Kanyang tungkulin bilang Dakilang Saserdote at Bagong Korderong Pampaskuwa. 

Dagdag pa ni propeta Isaias sa kanyang propesiya na inihayag sa Unang Pagbasa, ang nagdurusang lingkod ng Diyos na si Kristo'y halos hindi na makilala kung Siya'y tao nga ba dahil sa pambubugbog sa Kanya (52, 14). Punung-puno ng mga pasa ang Mukha ni Kristo. Duguan na ang Kanyang Mukha. Tinanggap Niya ang mga pambubugbog sa Kanya. Labis Siyang pinahirapan ng Kanyang mga kaaway. Dahil sa tindi ng pagpapahirap na ginawa sa Kanya, ang buo Niyang Mukha't Katawan ay napuno ng mga sugat. Bago pa man Siya ipako sa krus, labis-labis ang mga paghihirap na tiniis ni Hesus sa kamay ng Kanyang mga kaaway na halos ikamatay pa Niya ito. Bago ipako sa krus, unti-unti Siyang pinapatay. Walang salitang sasapat upang ilarawan kung gaano karumal-dumal ang pagdurusa't kamatayan ng Panginoong Hesus sa krus. 

Hindi sapilitan ang pagtanggap at pagtitiis ni Hesus. Kusa Niyang tinanggap at tiniis ang lahat ng ito. Kaya nga, noong Siya'y dinakip ng mga kawal sa halamanan, kusa Niyang ipinakilala ang Kanyang sarili. Wika Niya, "Ako si Hesus... Kung Ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito." (18, 5-8) Siya ang lumapit nang kusa sa Kanyang mga kaaway. Kahit na Siya ang hinahanap ng mga kawal, kahit batid Niya ang malagim na kamatayang naghihintay sa Kanya, hindi tumakas si Hesus. Bagkus, kusa Niyang hinarap at nilapitan ang mga kawal na padala ng Kanyang mga kaaway upang ihain ang buo Niyang sarili alang-alang sa kaligtasan at kalayaan ng lahat ng mga minamahal Niya. 

Wika nga ni Hesus, "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." (Juan 15, 13) Ito ay pinatunayan Niya sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa't pagkamatay sa krus. Bilang Dakilang Saserdote at Bagong Korderong Pampaskuwa, si Hesus ay kusang nag-alay ng buo Niyang sarili sa krus upang ang lahat ay maligtas at mapalaya mula sa pamumuhay sa ilalim ng mga pwersa ng kadiliman at kasamaan. Ang lahat ng tao ay naligtas at napalaya sa pamamagitan ng Dugong ibinubo ni Hesus mula sa krus. Siya'y namatay alang-alang sa kaligtasan at kalayaan ng lahat. Sa pamamagitan ng kusang paghahain ng sarili alang-alang sa ating lahat, nahayag ang dakilang pag-ibig ni Hesus. Tunay ngang walang makahihigit o makakapantay sa dakilang pagmamahal ni Hesus.