Biyernes, Hunyo 8, 2018

AUTENTIKONG PAG-IBIG AT PANANALIG

9 Hunyo 2018 
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 


Sinasagisag ng Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pag-ibig para sa Diyos. Ang mga ginawa ni Maria na nagpapahayag ng pagpupuri at pagtitiwala sa Diyos ang nagpapatunay sa kanyang pag-ibig. Kahit may mga sandaling hindi niya maunawaan ang plano ng Diyos, pinili pa rin ni Maria na tumalima at manalig sa Kanya. Hindi niya ipinagpilit ang kanyang mga plano na mas nauunawaan niya. Subalit, buong puso niyang itinalaga ang kanyang sarili sa Diyos. Ang pagtatalaga ng sarili ni Maria sa Panginoon ay kanyang inihayag sa pamamagitan ng kanyang pagtalima at pananalig. 

Batid ng Mahal na Inang si Maria ang pangakong pagliligtas ng Diyos. Batid ni Maria ang pangakong binitiwan ng Diyos nang paulit-ulit sa Kanyang bayan sa Lumang Tipan. Isang halimbawa ng pagkakataon sa Lumang Tipan kung saan inihayag ng Diyos ang Kanyang pangakong pagliligtas sa Kanyang bayan ay ang huling bahagi sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias. Batid ni Maria na tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako pagdating ng panahon. At ang takdang panahon ay dumating noong ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, sa pamamagitan ni Hesus. 

Hindi inakala ni Maria na siya ang magiging ina ng Tagapagligtas. Hindi niya inakala na siya ang hihirangin ng Diyos para sa tungkuling iyon. Hindi niya akalain na siya na isang simpleng dalaga ang hihirangin ng Diyos sa lahat ng mga babae sa mundo upang gampanan ang responsibilidad na iyon. Isang hamak na babae ang itinampok ng Diyos sa lahat ng kababaihan. Ang magiging ina ng Manunubos ay hindi nagmula sa isang pamilyang mataas ang posisyon sa lipunan kundi sa isang pamilyang mababa ang posisyon sa lipunan. Siya na isang babae mula sa kahirapan ay pinagpala at pinarangal ng Diyos sa lahat ng mga babae, subalit ang pagpapalang iyon ay may kaakibat na pananagutan at mga pagsubok na haharapin at dadanasin sa pagtupad sa responsibilidad na iyon. 

Ang salaysay sa Ebanghelyo ay tungkol sa isa sa mga sandali sa buhay ni Maria kung saan siya'y humarap sa isang matinding pagsubok bilang ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Tatlong araw na nawala si Hesus. Ang tatlong araw na iyon ay ginugol nina Maria at Jose sa paghahanap sa Batang Hesus. Punung-puno ng hapis at balisang-balisa ang Mahal na Inang si Maria sa mga sandaling yaon. Inilarawan sa salaysay na iyon kung gaano kahirap para sa Mahal na Inang si Maria ang responsibilidad na ibinigay ng Diyos. Subalit, sa kabila ng pagsubok na iyon, nanatiling tapat sa Diyos ang Mahal na Birhen. Patuloy pa ring ibinigay ni Maria ang buo niyang pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos. Nanalig siya na tutulungan siya ng Diyos na lampasan ang pagsubok na iyon. Ang Batang Hesus ay natagpuan nina Maria at Jose sa Templo sa ikatlong araw ng kanilang paglilibot at paghahanap para sa Kanya. 

Sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang buhay, hindi siya nawalan ng pag-ibig at pananalig sa Diyos. Bagkus, patuloy niyang ibinigay ang kanyang pag-ibig at pananalig sa Diyos. Ipinakita ng Mahal na Inang si Maria ang kanyang pag-ibig at pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanya. Kaya nga, si Maria ay pinagpala at itinampok ng Diyos dahil sa kanyang pananalig at pag-ibig para sa Kanya na sinasagisag ng kanyang Kalinis-linisang Puso. Ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria ang sagisag ng pag-aalay ng buo niyang sarili sa Dios. Ang Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria ang larawan ng kanyang tunay at autentikong pag-ibig at pananalig sa Diyos. 

Martes, Hunyo 5, 2018

PUSO NG TUNAY NA NAGMAMAHAL

8 Hunyo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (B) 
Oseas 11, 1. 3-4. 8k-9/Isaias 12/Efeso 3, 8-12. 14-19/Juan 19, 31-37 


Ang paksang tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ay ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Nagsisilbing sagisag ng dakilang pag-ibig ng Diyos ang larawan ng Mahal na Puso ni Hesus. Ipinapaalala ni Hesus sa lahat sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang Mahal na Puso na tunay at wagas ang dakilang pag-ibig ng Diyos. At ang dakilang pag-ibig ng Diyos na tunay at wagas ay walang hanggan. Tanging sa Diyos lamang matatagpuan ng bawat isa ang tunay na walang hanggan. 

Inilahad ni propeta Oseas sa Unang Pagbasa ang isang pahayag mula sa Diyos para sa Kanyang bayan. Sa pahayag na ito, inilarawan ng Diyos kung gaano Niya inibig at kinalinga ang Kanyang bayan sa simula pa lamang. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal para sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng pag-aaruga at pagbibigay ng gabay sa kanila. Subalit, ang Diyos ay nasaktan dahil paulit-ulit na nilabag ng Kanyang bayan ang Kanyang mga utos. Siya'y itinakwil at tinalikuran ng Kanyang bayan. Labis-labis ang sakit na naramdaman ng Diyos dahil sa kanilang mga ginawa laban sa Kanya. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, inihayag ng Diyos na hindi Niya ipapakita ang Kanyang poot sa kanila. Bagkus, ipapakita Niya sa kanila ang Kanyang habag at malasakit (8k-9). Nanaig ang pagiging mahabagin at mapagmalasakit ng Panginoong Diyos sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakasala ng Kanyang bayan laban sa Kanya. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kanyang misyon bilang saksi ni Kristo sa mga Hentil. Inihayag ni Apostol San Pablo na siya'y iniatasan ng Diyos na maging isang misyonero. Sa pamamagitan ng kanyang pagmimisyon sa mga Hentil, makilala ng lahat ang Diyos na mapagmahal. Hinirang si Apostol San Pablo ng Panginoon upang ipakilala Siya sa lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa sa daigdig bilang Diyos na tunay na mapagmahal at mapag-aruga. Ang pagmamahal ng Diyos ay Kanyang ipinamalas sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang mga kaganapan matapos malagutan ng hininga ang Panginoong Hesus na nakabayubay mula sa krus. Matapos sibatin ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus na sinundan ng pagdaloy ng dugo at tubig mula sa Kanyang tagiliran, Siya'y pinagmasdan ng kawal na iyon. Ito'y ipinahiwatig ni San Juan sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo noong binanggit niya ang isang talata mula sa aklat ni propeta Zacarias (12, 10) kung saan nasusulat, "Pagmamasdan nila ang kanilang inulos." (19, 37) 

Ang talatang ito na mula sa ika-12 kabanata ng aklat ni propeta Zacarias ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng mga salitang ito, "Tatangisan nila Siya na parang kaisa-isang anak o anak na panganay." (12, 10) Subalit, walang sinabi si San Juan ukol sa reaksyon ng kawal na sumibat kay Hesus o kung mayroon man siyang reaksyon. Nababatid lamang natin na pinagmasdan ng kawal na ito si Hesus na nalagutan ng hininga matapos niyang sibatin ang tagiliran ng Panginoon. At habang pinagmamasdan niya ang Panginoong Hesus na nalagutan ng hininga sa krus, nakita ng kawal ang isang tunay na nagmamahal. Nakita niya ang sukdulan ng pag-ibig ng isang tunay na nagmamahal. Nakita niya ang tunay at ganap na pag-ibig na hinding-hindi matatagpuan sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang inulos - ang Panginoong Hesukristo na nakabayubay sa krus. 

Sinasagisag ng Mahal na Puso ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Ipinakita Niya ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Kahit na maaari na lamang Siya manatili sa langit kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, ipinasiya ng Anak na si Hesus na ipamalas at ihayag sa lahat ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagyakap at pagtanggap sa ating pagkatao (maliban sa kasalanan). Noong dumating ang takdang panahon, inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus upang tayong lahat ay maligtas. Sa pamamagitan ng pagtubos sa atin, inihayag at ipinamalas ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus kung gaano Niya tayo kamahal. 

Iisa lamang ang nais iparating sa atin ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang Kamahal-mahalang Puso - tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, nahayag ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Tunay tayong mapalad sapagkat mayroon tayong Diyos na tunay na nagmamahal at nagmamagandang-loob. 

Sabado, Hunyo 2, 2018

ANG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN

3 Hunyo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (B) 
Exodo 24, 3-8/Salmo 115/Hebreo 9, 11-15/Marcos 14, 12-16. 22-26 


Wika ni Moises sa Unang Pagbasa habang winisikan niya ang mga Israelita ng dugo, "Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ng Panginoon sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito." (24, 8) Sa mga katagang ito'y inilarawan kung bakit napakahalaga ang pakikipagtipan ng Diyos sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng pakikipagtipan o pakikipagkasundo, ipinapakita ng Dios ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa Kanyang bayan. Nais ng Panginoong Diyos na lalong mapalapit sa Kanyang bayan, kahit ilang ulit silang nagkasala laban sa Kanya. Ang pakikipagtipan ng Diyos sa Kanyang bayan ang nagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa kanila. Pinagtitibay ito ng dugo ng mga hayop na pinaslang para sa paghahandog - kalahati ng dugo nito'y ibubuhos sa altar kung saang gaganapin ang paghahandog at ang isa pang kalahati nito'y ilalagay sa isang mangkok upang magamit sa pagwiwisik sa mga tao, tulad ng nakasaad sa salaysay ng Unang Pagbasa. 

Dumating ang panahon kung kailan ipinasiya ng Diyos na gumawa ng isang panibagong kasunduan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na hinding-hindi mababali kailanman. Isinalaysay ito sa Bagong Tipan. Ang panibagong tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na inilarawan sa Bagong Tipan ay walang hanggan. Ang Dugo ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo Hesus ang katibayan sa walang hanggang tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan. Ang Banal na Dugong ito'y dumaloy mula sa Kanyang tagiliran  noong Siya'y mamatay sa krus para sa ating kaligtasan (Juan 19, 34). 

Ang Bagong Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na binigyang katibayan ni Kristo ang paksang isinalungguhit ng Ikawalang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Dakilang Pistang ito. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Diyos ay gumawa ng isang panibagong kasunduan sa pagitan Niya at ng tao na walang hanggan. Ang dakilang paghahain ng sarili ni Kristo sa bundok ng Golgota ang nagbigay ng katibayan sa Bagong Tipang ito na walang hanggan. 

Tinalakay ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa ang isang titulo ni Hesus - ang titulo ng Dakilang Saserdote. Isinalungguhit niya kung paanong ang paghahandog ni Kristo ay higit pa sa paghahandog ng mga saserdote. Kung ang mga hayop tulad ng mga batang tupa, kambing, o bisirong baka ang ginamit ng mga saserdote upang ihandog sa Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng bayan, inihandog ni Kristo ang buo Niyang sarili para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng lahat ng tao (9, 14). At ang paghahandog ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus alang-alang sa ating lahat ay kinalugdan at tinanggap ng Amang nasa langit. 

Isinalaysay sa Banal na Ebanghelyo ang pagkakatatag sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Itinatag ng Panginoong Hesus ang Banal na Eukaristiya noong bisperas ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Ibinigay ni Hesus ang Kanyang sarili upang maging ating espirituwal na pagkain at inumin. Ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya na itinatag ni Hesus sa gabi bago Siya mamatay ay patuloy na ipinagdiriwang araw-araw. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, si Hesus ay nagiging kapiling natin sa anyo ng tinapay at alak. Hindi isang simbolo o sagisag ni Hesus ang tinapay at alak; Siya iyon mismo sa anyo ng tinapay at alak. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanya, tayong lahat ay Kanyang nililinis at dinadalisay. Sa tuwing tinatanggap natin ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa, patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin ang biyaya ng kaligtasang kaloob Niya - ang Dakilang Saserdote ng Bagong Tipan na naghandog ng buo Niyang sarili alang-alang sa ating lahat na lubos Niyang minamahal. 

Ang Bago at Walang Hanggang Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan ang pinakadakilang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Isang panibagong kasunduan na hinding-hindi mawawalan ng saysay ang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng tao. Ang Panginoong Hesukristo ang katibayan ng Bagong Tipang ito. 

Itinatag ng Panginoong Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya upang ang ating puso't isipan ay mamulat sa katotohanang tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. Ang tinapay at alak na ating tinatanggap sa Banal na Misa ay ang Kanyang Katawan at Dugo. Inihandog Niya ang Kanyang Katawan at Dugo upang tayong lahat ay maligtas. Patuloy Niyang ibinibigay ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya upang lalo nating maramdaman ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob na walang hanggan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang Bago at Walang Hanggang Tipan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na binigyang katibayan ni Hesus. 

Martes, Mayo 29, 2018

MARIA: TAGAPAGDALA NG KAGALAKAN, PAG-ASA, AT PAG-IBIG

31 Mayo 2018 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56 


Sa kabila ng kanyang pagdadalantao noong kapanahunang yaon, ang Mahal na Birheng Maria ay naglakbay nang napakalayo upang dalawin ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ayon sa salaysay sa Ebanghelyo, sina Elisabet at Zacarias ay nakatira sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Ang bayang ito'y napakalayo mula sa bayan ng Nazaret kung saan nakatira ang Mahal na Birheng Maria. Maaaring nanatili at nagpahinga na lamang sana si Maria sa kanyang tahanan sa Nazaret upang makapagpahinga sa loob ng siyam na buwan. Katunayan, nakakapagod naman ang maglakbay nang ganung kalayo. Subalit, mas pinili ni Maria na lisanin ang kanyang tahanan sa Nazaret at maglakbay nang malayo patungo sa tahanan ng kanyang kamag-anak na si Elisabet sa Juda upang siya'y makadalaw at makasama sa kanyang kamag-anak kahit na siya'y nagdadalantao. 

Isang nakapahalagang sandali ang naganap noong binati ni Maria ang kanyang kamag-anak na si Elisabet, tulad ng nakasaad sa Ebanghelyo. Ang sanggol na nasa sinapupunan ni Elisabet na si San Juan Bautista ay gumalaw sa tuwa noong bumati ang Mahal na Inang si Maria. Hindi nakasulat sa Ebanghelyo kung ano nga ba talaga ang sinabi ni Maria kay Elisabet. Subalit, ang tinig ni Maria ay naghatid ng galak kina Elisabet at ang sanggol sa kanyang sinapupunan na si San Juan Bautista sapagkat dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan ang bukal ng tunay na kagalakang walang hanggan - ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Si Maria, ang Kaban ng Bagong Tipan, ay dumalaw kay Elisabet bilang tagapaghatid ng tunay na kagalakang kaloob ni Hesus. Ito ang pumakaw sa sanggol na si San Juan Bautista na gumalaw sa tuwa sa sinapupunan ng kanyang inang si Elisabet. At si Elisabet ay napuspos ng Espiritu Santo sa sandaling yaon. 

Ang mensahero ng Diyos na si propeta Sofonias ay nanawagan sa bayang Israel sa pamamagitan ng isang awitin sa Unang Pagbasa. Sa awiting yaon, ang bayang Israel ay hinihimok ni propeta Sofonias na magalak sapagkat ang kanilang mga kaaway ay iaalis at itatapon na ng Panginoong Diyos (3, 15). Makakamit nila ang kalayaan upang makapamuhay bilang sambayanang binuklod ng Diyos. Si Apostol San Pablo, sa alternatibong bersyon ng Unang Pagbasa, ay nagsalita tungkol sa pagiging mga tagapaghatid ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula kay Kristo. Sina propeta Sofonias, Apostol San Pablo, at Inang Maria ay naging mga tagapaghatid ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Panginoon. At tunay at walang hanggan ang kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Panginoon. 

Dinalaw ng Mahal na Inang si Maria ang kanyang kamag-anak na si Elisabet na nakatira sa Juda bilang tagapagdala ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig. Ang galak, pag-asa, at pag-ibig na hinatid ng Mahal na Birheng Maria kay Elisabet ay nagmula sa Sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan na si Kristo Hesus. Ang pag-ibig, pag-asa, at kagalakang nagmumula sa Panginoong Hesukristo ay tunay, wagas, at walang hanggan.  Sa Panginoong Hesus lamang nagmumula ang tunay at ganap na pag-asa, pag-ibig, at kagalakan na walang hanggan. 

Hamon sa ating mga Kristiyano ang maging tagapagdala ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Panginoong Hesus. Isang babae na naging tagapagdala ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig, ang itinatampok at ipinapakilala upang matularan natin ang halimbawang kanyang ipinakita. At ang babaeng iyon ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay isang tunay na tagapagdala ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Panginoong Hesus. Sa kabila ng kanyang pagdadalantao, dinalaw pa rin niya ang kanyang kamag-anak na si Elisabet upang ihatid sa kanya ang kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Diyos na nagkatawang-tao na nasa kanyang sinapupunan. Ginawa pa rin niya ito kahit napakalayo ng kanyang nilakbay mula sa kanyang tahanan sa Nazaret patungo sa tahanan ng kanyang kamag-anak sa Juda. 

Sabado, Mayo 26, 2018

PAGKAKAISANG NAGHAHAYAG NG PAG-IBIG AT KAGANDAHANG-LOOB

27 Mayo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (B) 
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40/Salmo 32/Roma 8, 14-17/Mateo 28, 16-20 



Madalas batikusin ng ibang mga relihiyon ang Simbahan dahil sa doktrina ng Banal na Santatlo. Isa raw maling turo ang doktrina ng Banal na Santatlo sapagkat hindi ito tumutugma sa mga itinuturo sa Banal na Bibliya. Labag raw ito sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos. Itinuturo sa Banal na Bibliya na iisa lamang ang Diyos. At ayon sa interpretasyon nila ng doktrinang ito, tatlo ang Diyos na sinasamba. Subalit, mali ang kanilang interpretasyon ng doktrinang ito. Hindi itinuturo sa doktrinang ito na tatlo ang Diyos. Itinuturo sa doktrinang ito na mayroong Tatlong Personang bumubuo sa iisang Diyos na sinasamba't sinasampalatayanan ng lahat ng mga Katoliko. At ang Tatlong Personang bumubuo sa iisang Dios na pinupuri't sinasamba ng Simbahan ay ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Winika ni Moises sa Unang Pagbasa na ang Panginoon lamang ang nag-iisang diyos na dapat sambahin ng mga Israelita. Ang Panginoong Diyos na nagpalaya sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto ay iisa lamang. Siya lamang ang dapat sambahin at purihin ng bayang Israel. Sa Ebanghelyo, binigyang-diin ng Panginoong Hesus sa Kanyang pagsugo sa mga apostol ang pagiging isa ng Diyos. Sinabihan Niya ang mga apostol na binyagan ang lahat ng mga tao "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." (28, 19) Hindi Niya sinabihan ang mga alagad na magbinyag "Sa mga Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo" kundi "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." Naisasalungguhit ang pagiging isa ng Diyos na binubuo ng Tatlong Persona - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo - sa pormulang ito. 

Subalit, sa kabila nito, isang napakakumplikadong doktrina ang misteryo ng Banal na Santatlo. Mahirap unawain ang misteryo ng Banal na Santatlo. Sa sobrang pagka-kumplikado ng misteryong ito, maraming mga maling interpretasyon o kuro-kuro tungkol sa misteryong ito ang umusbong. Gaano mang katalino ang isang tao, hindi niya lubusang maiintindihan ang misteryo ng Banal na Santatlo dahil sa mga limitasyon sa isipan ng bawat tao. At iyan ang katotohanan, limitado ang espasyo sa isipan ng bawat tao. Hindi kayang alamin at unawain ng bawat tao ang lahat ng bagay. May kakayahang alamin at unawain ang maraming bagay, pero hindi ang lahat ng bagay. Kaya naman, masyado nang mabigat para sa isipan ng bawat tao ang unawain ang misteryong ito. Hindi natin maintindihan kung papaanong naging isa ang tatlo. Hindi rin natin lubusang maintindihan kung bakit ang Panginoong Diyos ay nagpakilala sa ating lahat sa isang napakakumplikadong paraan. 

Gaano mang kahirap para sa atin ang unawain ang misteryo ng Banal na Santatlo dahil sa pagkakumplikado nito, iisa lamang ang matitiyak natin. Ang Banal na Santatlo ang larawan ng tunay at ganap na pagkakaisa. Ang tunay at ganap na pagkakaisa ay ipinakita ng Banal na Santatlo sa lahat. Walang makakapantay o makahihigit sa pagkakaisa ng Banal na Santatlo. At ang pagkakaisa ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hinding-hindi matitinag. Walang hanggan ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay nagkaisa upang buuin ang iisang Diyos na ating sinasamba't sinasampalatayanan.

Ipinakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang Banal na Santatlo ay nagkaisa noong nilikha ang daigdig. Nagkaisa ang Banal na Santatlo noong ipinagpasiyahang likhain ang tao. Nagkaisa ang Banal na Santatlo noong ipinagpasiya ang pagligtas sa sangkatauhan. Iniligtas ng Diyos Anak na si Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay dahil sa pagkakaisang ipinakita ng Banal na Santatlo sa pagpapasiya tungkol sa pagligtas sa sangkatauhan. Naihayag sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo ang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na tumubos sa lahat. 

Dahil tayong lahat ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang tayo'y patnubayan. Ito ang binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Wika niya na ang lahat ng mga anak ng Diyos ay pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos (8, 14). Tayong lahat ay itinuring ng Diyos na mga anak Niya dahil sa pagtubos sa atin ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Dahil dito, ipinagkaloob sa atin ang Espiritu Santo upang maging gabay natin. Sa pamamagitan ng Espiritu Santong gumagabay sa atin, maitatawag natin ang Diyos bilang Ama. At iyon ang karapatang ibinigay sa atin ng Diyos bilang Kanyang mga anak na minamahal. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng karapatang tawagin ang Diyos bilang ating Ama sapagkat tayo'y itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak. 

Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ay naihayag sa ating lahat sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang pagkakaisa ng Banal na Santalo ang nagpapakilala sa nag-iisang Diyos na tunay na nagmamahal sa atin. At ang Banal na Santatlo ay patuloy na kumikilos sa iba't ibang pamamaraan upang maaalala natin na iisa lamang ang Diyos na nagmamahal nang tunay. Iisa lang ang Diyos na nagmamahal nang tunay. At ang iisang Diyos na tunay na nagmamahal sa atin ay binubuo ng Tatlong Personang nagkakaisa - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo; ang Banal na Santatlo. 

Linggo, Mayo 20, 2018

INANG MARIA: BIYAYANG KALOOB NG PANGINOON SA KANYANG SIMBAHAN

21 Mayo 2018 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34 


"Ginang, narito ang iyong anak... Narito ang iyong ina." (19, 25-27) Namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesukristo ang mga salitang ito nang masilayan Niya mula sa krus ang Mahal na Birheng Maria at ang alagad na minamahal na si San Juan. Sa sandaling yaon, ang Simbahan ay ipinagkatiwala ng Panginoong Hesus sa pagkalinga ng Mahal na Inang si Maria. Si Maria ay ipinakilala ni Hesus bilang Ina ng Simbahan. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay naging mga anak ng Mahal na Birheng Maria sa sandaling yaon. Si Maria ay ipinagkaloob ni Hesus sa ating lahat na bumubuo sa Kanyang Simbahan. 

Isang tunay na biyaya mula sa Diyos ang Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay binigyan ng Diyos ng isang napakahalagang papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Hinirang siya ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Panginoong Hesukristo. At noong nakabayubay sa krus ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus, si Maria ay ipinagkaloob Niya sa lahat ng mga kaanib ng Simbahan na kinatawan ni Apostol San Juan. Isang tunay na pagpapala ang Mahal na Birheng Maria. 

Unang naipakilala ang Mahal na Birheng Maria noong nalugmok ang tao dahil sa pagkakasala nina Eba't Adan na isinalaysay sa Unang Pagbasa. Inihayag ng Diyos na dudurugin ng binhi ng babae ang ulo ng binhi ng ahas. Si Maria ang babaeng tinukoy ng Panginoon sa Kanyang propesiya. Sa kanyang sinapupunan magmumula ang dudurog sa ulo ng ahas. Si Hesus ang dumurog sa ulo ng ahas na si Satanas. At si Hesus ay ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria. Bago pa man isilang, inihayag ng Diyos ang magiging papel ng Mahal na Inang si Maria pagdating ng takdang panahon. Kaya naman, ang Mahal na Inang si Maria ay isang napakahalagang panauhin sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. 

At noong Siya'y nakabayubay sa krus, ibinigay ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus sa Kanyang Simbahan na kinatawan ni Apostol San Juan sa mga sandaling yaon ang Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Ina sa ating lahat, ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagmamahal para sa atin. Labag sa Kanyang kalooban ang ating pagkaligaw ng landas dahil sa diyablo. Hindi Niya ninanais na tayo'y ipahamak ni Satanas. Kaya naman, ang Mahal na Inang si Maria ay ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus upang tayo'y ipagsanggalang mula sa mga tukso ng demonyo sa pamamagitan ng kanyang pananalangin para sa atin. Ang Mahal na Birheng Maria ang kakalinga sa atin at magtatanggol sa atin mula sa diyablo sa pamamagitan ng kanyang pananalangin. Siya rin ang aakay sa ating lahat patungo kay Kristo. Sa pamamagitan niya, lalo tayong napapalapit kay Kristo. 

Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay tunay ngang pinagpala sapagkat pinagkalooban tayo ng Panginoon ng isang ina - ang Mahal na Inang si Maria. Bilang ating Mahal na Ina, tayong lahat ay laging ipinapanalangin ni Maria para sa ating kapakanan. Laging ipinapanalangin ng Mahal na Birheng Maria na tayo'y ilayo mula sa pang-aakit at tukso ng demonyong hinahangad ang ating kapahamakan. At inaakay rin tayo ng Mahal na Inang si Maria patungo kay Hesus na tumubos sa ating lahat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay. Tayong lahat ay laging inilalapit ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang Anak na minamahal at ating kapatid na si Hesus na atin ring Panginoon at Manunubos. 

Biyernes, Mayo 18, 2018

PAGBABAGONG HATID NG ESPIRITU SANTO

20 Mayo 2018 
Linggo ng Pentekostes (B) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Galacia 5, 16-25)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 15, 26-27; 16, 12-15) 



Ang pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo ang pinagtutuunan ng pansin sa pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes. Sa salaysay ng pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol na inihayag sa Unang Pagbasa, isinalungguhit ang pagbabagong dulot Niya sa mga apostol. Mula sa pagiging mga duwag na nagtatago sa isang silid, sila'y naging mga saksi ni Kristo na puno ng katatagan at pag-asa. Hindi na naghari ang takot sa kanilang mga puso sapagkat silang lahat ay nakaranas ng isang matindi't malaking pagbabago mula sa Espiritu Santo. Dahil sa pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo, ang mga apostol ay nagkaroon ng lakas at tibay ng loob upang magampanan nila ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo.

Sa Ebanghelyo, sinabi ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa mga apostol na isinusugo Niya sila kung paanong Siya'y isinugo ng Ama upang maging Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan (Juan 20, 21). Inilarawan ni Hesus sa mga apostol kung ano ang magiging misyon nila. Silang lahat ay magiging mga misyonerong saksi na Kanyang sinusugo sa iba't ibang mga lugar sa daigdig. Lilibutin nila ang bawat lugar sa daigdig para ipakilala ang Panginoon sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng kanilang mga salita tungkol kay Kristo, ang lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa sa daigdig ay makakakilala at makakasampalataya sa Kanya. 

Batid ni Hesus ang mga kahinaan ng mga apostol. Batid ni Hesus ang kanilang takot at kahinaan ng loob. Kaya naman, ipinangako ni Hesus sa mga apostol na ipapadala Niya buhat sa Ama ang Espiritu Santo upang maging kanilang Patnubay (Juan 15, 27). Ang Espiritu Santo ang papatnubay at gagabay sa mga apostol sa bawat sandali ng kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ni Kristo Hesus. Hindi sila mag-iisa at mabibigo sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sapagkat kasama nila ang Espiritu Santo saan man sila pumaroon. Ang Espiritu Santo ang magbibigay sa kanila ng tulong sa panahon ng pangangailangan. Ang Espiritu Santo rin ang magbibigay sa kanila ng lakas at tibay ng loob upang manatiling tapat sa kanilang pananalig sa Panginoon sa mga sandali ng pagsubok. At natupad ang pangakong ito ng Panginoon noong araw ng Pentekostes. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia tungkol sa pagbabagong dulot ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang pumapatnubay sa lahat upang ang mga pita ng laman ay tutulan at talikdan (Galacia 5, 16). Ang bawat tao'y binabago ng Espiritu Santo. Hindi na sila tumatalima't nagpapaalipin sa mga makamundong hilig. Bagkus, ang bawat tao'y namumuhay bilang mga tunay na Kristiyano na tanging sa Diyos lamang naglilingkod at sumasamba. Gaano mang kasama ang bawat makasalanan, mayroon silang pagkakataon magbago sa tulong ng Espiritu Santo. At ang Espiritu Santo ay laging handang magbigay ng tulong at gabay sa mga nais magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. 

Ang puntong ito ang siya ring pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Wika nga niya sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa, "Hindi masasabi ninuman, 'Panginoon si Hesus' kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo." (12, 3b) Mula sa pagiging mga makasalanan at mga walang pakialam, ang bawat tao'y nagiging mga masigasig at tapat na Kristiyanong nananalig, sumusunod, at sumasaksi kay Kristo Hesus sa tulong ng Espiritu Santo. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang bawat tao na magpatotoo at sumampalataya kay Kristo. Sa tulong ng pamamatnubay ng Espiritu Santo, ang lahat ay makakasampalataya at makakapagbigay ng patotoo tungkol kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang mga salita't gawa. 

Tinutulungan ng Espiritu Santo ang bawat isa na magbago. Ang bawat tao'y pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo tungo sa pagbabago. Hindi nag-iisa ang bawat tao sa proseso ng pagbabago sapagkat lagi nilang kasama ang Espiritu Santo. Nagbabago ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo. At ang pagbabagong dulot ng Espiritu Santo sa lahat ay puno ng kabutihan. Hindi lalong lulubha ang kasamaan ng bawat tao dahil sa pagbabagong dulot ng Espiritu Santo. Bagkus, mapapabuti ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo. Lalong lalalim at titibay ang pananalig ng bawat tao sa Panginoon. Lalong mapapabuti ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo na laging pumapatnubay at gumagabay sa kanila. 

May pagkakataong magbago sa tulong ng Espiritu Santo. Patuloy na nagbibigay ng pagkakataong magbagong-buhay sa bawat isa ang Espiritu Santo. Hindi natin maaaring sabihin na wala nang pag-asang magbago ang mga makasalanan, lalung-lalo na ang mga pinakamasamang tao. Gaano mang kasama ang isang tao, mayroon siyang pag-asang baguhin ang kanyang buhay. Ang Espiritu Santo ay lagi nilang kasama upang tulungan silang baguhin ang kanilang mga buhay. 

Kung paanong binago ng Espiritu Santo ang buhay ng mga apostol, binibigyan Niya tayo ng isang panibagong buhay. Tinutulungan Niya tayong baguhin ang ating mga sarili upang lalo tayong mapalapit sa Panginoon. Pinapatnubayan at ginagabayan Niya tayo sa landas ng buhay upang manatili tayong matatag at matapat sa ating pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. At tunay ngang nagdudulot ng kabutihan at kabanalan sa ating lahat ang pagbabagong hatid ng Espiritu Santo.