Sabado, Disyembre 15, 2018

HINDI PEKENG BALITA

18 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikatlong Araw 
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong inako ni San Jose ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos. Iniatasan ng Diyos si San Jose upang tumayo bilang amain ng Banal na Sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria na kanyang magiging kabiyak ng puso. Ito'y matapos ipaliwanag sa kanya ng isang anghel ng Panginoon na nagpakita sa kanya sa isang panaginip ang lahat ng bagay. Matapos ipaliwanag ng anghel ang lahat ng bagay sa kanyang panaginip, tahimik na inako ni San Jose ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos nang buong kababaang-loob at kapanatagan. Sinunod niya ang kalooban ng Diyos para sa kanya. 

Tiyak na nagulumihanan si San Jose nang mabalitaan niya ang pagdadalantao ni Maria. Hindi pa nga nagaganap ang kanilang pag-iisang-dibdib, natagpuan na siyang nagdadalantao. Paano pa nga ba maipapaliwanag sa isang lohikal na pamamaraan ang pagbubuntis ng isang babae? Pakikipagtalik. Nakipagtalik ang isang babae sa isang lalaki. Iyan ang balitang kumakalat noon. Iyan ang tsismis na kumakalat sa bayan ng Nazaret noon. Si Maria ay nakipagtalik 'di umano sa ibang lalaki kahit na ikakasal na siya kay Jose. At kapag sinabi ni Maria na hindi siya nakipagrelasyon at nakipagtalik sa ibang lalaki sa labas ng kasal, lalabas siyang ilusyonada, loko-loko, sinungaling. Walang maniniwala sa kanya. Kalokohan iyan para sa kanila. Paano nga ba magdadalantao ang isang babae kung hindi siya makikipagtalik sa isang lalaki? Ba't buntis si Maria kung hindi siya nagkipagtalik sa ibang lalaki sa labas ng kasal? Hindi siya paniniwalaan ng mga tao noon. 

Batid ng Diyos ang kalagayan ni San Jose. Batid ng Panginoon na si San Jose ay labis na nagugulumihanan sa mga sandaling yaon. Hindi na niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Kaya naman, isang anghel ang ipinadala ng Diyos kay San Jose upang ipaliwanag sa kanya ang lahat. Ang anghel na ipinadala ng Diyos ay nagpakita sa panaginip ni San Jose. Ipinaliwanag ng anghel kay San Jose na ang Sanggol sa sinapupunan ni Maria ay hindi niya anak sa ibang lalaki. Bagkus, ang dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus. Pumanatag ang loob ni San Jose matapos mapakinggan ang paliwanag ng anghel ng Panginoon. 

Ang Sanggol na dinadala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan ang tinutukoy sa mga pahayag ng Diyos na inilahad ng mga propeta sa Lumang Tipan. Katulad na lamang ng pahayag na inilahad ni propeta Isaias na binanggit ni San Mateo sa kanyang salaysay at ng pahayag na inilahad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Siya ay inilarawan bilang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin, sa pahayag na inilahad ni propeta Isaias na siya namang ginamit ni San Mateo bilang reperensiya sa Ebanghelyo. Siya naman ay inilarawan bilang isang sangang matuwid, isang matuwid na haring may karunungan, sa pahayag na inilahad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa (23, 5). Sa pamamagitan ng mga pahayag na ito, inihayag ng Diyos sa lahat na Siya'y darating bilang Mesiyas at Tagapagligtas. At natupad ang mga pahayag na ito sa pamamagitan ni Hesus, ang Sanggol na dinadala ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang sinapupunan. 

Hindi nagdalawang-isip si San Jose na paniwalaan at sundin ang lahat ng mga sinabi sa kanya ng anghel sa panaginip. Batid niyang totoo ang lahat ng mga sinabi ng anghel sa kanya. Batid niyang nagmula sa Diyos ang paliwanag na iyan. Ang kaniyang mga katanungan ay sinagot na ng Diyos. Inilahad lamang ng anghel ang tugon ng Panginoon. Hindi man niya alam kung sino sa bayan ng Nazaret ang maaari niyang pagkatiwalaan, alam niyang may isa siyang mapagkakatiwalaan - ang Diyos. Hindi niya pinagdudahan ang Diyos. Sapagkat batid ni San Jose na hinding-hindi magsisinungaling ang Diyos kahit kailan. Walang pekeng balita, walang kasinungaling magmumula sa Diyos. Ang lahat ng mga manggagaling sa Diyos ay pawang katotohanan lamang. 

Sa panahon ngayon, may mga balitang mahirap pagkatiwalaan. Lalung-lalo na sa mga balitang ipinakakalat ng ibang tao gamit ang modernong teknolohiya. Hindi na natin alam kung ano ang totoo at kung ano ang hindi. Madali kasing baluktutin ang katotohanan. Maraming mga tao ang bumabaluktot ng katotohanan, lalung-lalo na sa mundo ng pulitika. Magpapakalat ng pekeng balita, kasinungalingan, para lang pabunguhin ang kanilang mga pangalan. Iyan ay dahil lamang sa kanilang ambisyon, pagkasilaw sa kapangyarihan. Hindi paglilingkod sa bayan ang kanilang hangarin kundi ang pagtupad sa personal na ambisyon. Walang pakialam kung sino ang masagasaan, sino ang maaapektuhan, para lamang sa ambisyon. Handang pumatay ng tao, handang pumatay ng mga inosente, alang-alang sa ambisyon, kayabangan, at pagkauhaw sa kapangyarihan. 

May isang tunay na mapagkakatiwalaan - ang Diyos. Hindi Siya magkakalat ng kasinungalingan. Walang pekeng balita na magmumula sa Kanya. Bagkus, anuman ang manggaling sa Kanya ay pawang katotohanan. Tunay na katotohanan ang Kanyang ipinapalaganap. Siya ang bukal ng katotohanan. Tanging sa Kanya lamang magmumula ang katotohanan. Kaya, ibigay natin sa Diyos ang buong pusong pagtitiwala natin sa Kanya, tulad nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. 

Biyernes, Disyembre 14, 2018

PINILI ANG KAPAYAKAN

17 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalawang Araw 
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17


Tampok sa Ebanghelyo na hango sa pambungad na kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo ang mahaba-habang talaan ng angkang kinabibilangan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at maging tao katulad natin. Ipinasiya ng Diyos na yakapin at akuin ang ating pagkatao. Kung kaya't Siya'y pumarito sa daigdig bilang ating Tagapagligtas sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Subalit, ang Kanyang pagparito bilang tao ay hindi kakaiba. Sa Kanyang unang pagdating bilang Mesiyas mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan, hindi kakaiba ang Kanyang pagpasok sa daigdig. Hindi Siya pumarito sa daigdig bilang tao sa isang maringal o engrandeng pamamaraan. Bagkus, sa Kanyang pagtanggap at pag-ako sa ating pagkatao, niyakap Niya ang proseso ng pagpasok ng bawat tao sa daigdig na ito. Ang pamamaraan ng ating pagpasok o pagsilang sa daigdig ay ipinasiya Niyang tanggapin at pagdaan. Pinili ng Panginoon maging payak katulad ng bawat tao, maliban sa kasalanan. Ipinasiya Niyang pagdaanan ang paglilihi at pagluwal sa Kanya ng isang babae. Ang babaeng yaon ay walang iba kundi si Maria, ang Kalinis-linisang Birhen, ang Mahal na Ina. 

Ang pasiyang ito ng Panginoong Diyos ang ipinahihiwatig ng pahayag ni Jacob sa kanyang mga anak na inilahad sa Unang Pagbasa. Inihayag ni Jacob sa kanyang mga anak sa Unang Pagbasa na magmumula sa angkan ni Juda ang tunay na Hari. Naangkop ang nilalaman ng Unang Pagbasa sa nilalaman ng Ebanghelyo. Malaki ang ugnayan ng nilalaman ng dalawang pagbasang ito sa isa't isa sapagkat iisa lamang ang pinagtutuunan ng pansin - ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesukristo. Si Hesus ang Diyos na nagpasiyang bumaba sa lupa at yakapin ang ating pagkatao upang tayo'y tubusin. Siya ang tunay at nag-iisang Haring walang hanggan na nagmamahal sa atin. Dahil sa Kaniyang walang hanggang pag-ibig para sa atin, ipinasiya Niyang makapiling tayo. 

Kahit maaari naman Siyang pumasok sa daigdig nang hindi nagpapabilang sa isang angkang binubuo ng mga taong maikli lamang ang buhay dito sa daigdig, pinili pa rin ng Panginoon na magpabilang sa isang angkan. Kung tutuusin, hindi naman kinailangan ng Diyos na magpabilang sa isang angkan. Nasa Kanya naman ang lahat. Taglay Niya ang kapangyarihang hindi mapapantayan. Maari naman Niyang gawin ang anumang naisin Niya. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin ng Panginoon na magmula sa isang angkan. Kahit na Siya'y sinamba ng Kanyang mga ninuno, buong kababaang-loob Siyang nagpabilang sa angkang kinabibilangan nila. 

Pinili ng Panginoong Hesus ang kapayakan. Sa pamamagitan ng pasiyang ito, ang hangarin ng Diyos na makapiling ang Kanyang bayan ay nahayag. Nais ng Diyos na maramdaman ng bawat tao na Siya'y tunay na karamay at kaisa nila. Hindi Niya binalak na pumarito sa daigdig taglay ang kaengrandehan. Ang kaengrandehan, ang kaluwalhatian, ay Kanyang tinalikuran upang tayo'y makapiling. Ang proseso ng pagiging tao na pinagdaanan natin, ang paglilihi at pagsilang sa atin, ay tinanggap, niyakap, at pinagdaanan Niya nang buong kababaang-loob. Napatunayang tunay ang pakikiramay at pakikiisa ng Diyos sa pamamagitan ng ginawa ni Hesus. 

Sa kabila ng Kanyang kadakilaan at kapangyarihang walang kapantay, buong kababaang-loob na ipinasiya ng Diyos na tanggapin at ang ating pagkatao. Ito ang buod ng kuwento ng unang Pasko. Dito nagsisimula ang kasaysayan ng pagtubos sa atin ng Diyos. Iyan ay tunay ngang kahanga-hanga. 

Miyerkules, Disyembre 12, 2018

BALITANG NAGHAHATID NG KAGALAKAN

16 Disyembre 2018 
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Unang Araw
Sofonias 3, 14-18a/Isaias 12/Filipos 4, 4-7/Lucas 3, 10-18 


Inaanyayahan ng Simbahan ang bawat mananampalataya ngayong Ikatlong Linggo ng Adbiyento na magalak. Habang ang lahat ay naghahanda at naghihintay nang buong kataimtiman ngayong banal na panahong ito, hinihikayat ng Simbahan ang lahat na gawin ito nang may kagalakan. Nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Ang pinaghahandaan natin sa kapanahunang ito ng Adbiyento ay malapit nang maganap. Malapit nang maganap ang katuparan ng pangako ng Panginoon.

Kaya naman, ang Salmo ay angkop na angkop sa tema ng kagalakan. Ang Salmo para sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, Siklo K, ay isang paanyaya na magpuri sa Diyos nang buong saya (12, 6). Ito rin ang sentro ng paalala sa Ikalawang Pagbasa na hango mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos. Pinaalalahanan ang lahat ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa, "Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo." (4, 4) Inilahad sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang kadahilanan kung bakit dapat magalak. Ano nga ba talaga ang pangakong ito ng Diyos? 

Sa Unang Pagbasa, hinikayat ni propeta Sofonias ang lahat ng mga Israelita na magalak sapagkat kapiling na nila ang Panginoong Diyos. Ang Diyos na nagpatalsik sa mga kaaway ng mga Israelita ay mananahan sa kanilang piling. Makakapiling Niya ang Kaniyang bayan. At sa Ebanghelyo, inihayag ni San Juan Bautista sa mga taong nakikinig sa kanyang pangangaral na may darating na higit na dakila kaysa sa kanya. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus ang tinutukoy ni Juan Bautista. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, niyakap ng Diyos ang ating pagkatao at bumaba sa lupa upang tayo'y makapiling. 

Hindi ba Magandang Balita iyan? Sinong hindi masisiyahan sa balitang iyan? Ang ating pagkatao ay niyakap ng Diyos upang makapiling tayo. Nais ng Diyos na makapiling ang lahat. Hinahangad ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao. Kaya, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa langit at maging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang kagandahan ng balitang iyan ay higit pa sa balitang iniuulat sa lahat. Kahit matagal na panahon ang lumipas mula nang maganap ang unang pumarito ni Kristo bilang Tagapagligtas, maganda pa ring balikan ang kasaysayan ng pagliligtas sa atin ng Panginoon. Patuloy itong naghahatid ng kapayapaan at kagalakan sa lahat. Walang kapantay ang halaga ng Magandang Balita kung saan isinalaysay ang pagtubos ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Nananawagan ang Inang Simbahan sa bawat isa sa atin na magalak habang ating pinananabikan at pinaghahandaan nang buong kataimtiman ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Malapit nang sumapit ang Pasko. Ang pagdating ng Panginoon ay malapit nang maganap. Walang pangakong hindi Niya tinutupad. Tinutupad Niya ang lahat ng mga pangakong Kaniyang binitiwan. Sa Kanyang pagdating, hatid Niya sa bawat isa'y pag-asa, kapayapaan, pagpapala, at kagalakan. 

Ang paghahanda at paghihintay natin para sa pagdating ng Panginoon sa buhay natin ay dapat mapuspos ng galak. May gagawin Siyang napakahalaga para sa atin. 

MAGALAK! GAUDETE! 

Lunes, Disyembre 10, 2018

BUKAL NG KAGALAKAN

12 Disyembre 2018 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17/Judith 13, 18bkde. 19/Lucas 1, 39-47 


Ang paksang tinatalakay sa mga Pagbasa ay ang pinagmulan ng kagalakan. Saan nga ba nagmumula ang kagalakan? Kung hindi saan, sino ang pinagmumulan ng kagalakan? Totoo ba ang kagalakang yaon? Ano nga ang kaibihan nito sa galak na hatid ng sanlibutang ito? Ang mga katanungang ito'y sinasagot sa mga Pagbasa para sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe. 

Saan nagmumula ang kagalakan? Sino nga ba ang bukal ng kagalakan? Tama naman ang mga katanungang ito. Wala namang mali sa dalawang tanong ito dahil ang kagalakan ay nagmumula sa langit at ang bukal ng kagalakan ay naging tao. Sa Diyos nagmumula ang kagalakan. Ang Diyos ang bukal ng kagalakan. At noong dumating ang takdang panahon, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At si Hesus ay ipinaglihi at iniluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga mula sa Nazaret. Ang babae o ang dalaga na naglihi at nagsilang sa Kanya ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Si Maria na isang payak na dalaga mula sa bayan ng Nazaret ang hinirang ng Diyos upang maging tagapagdala ni Kristo. 

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Matapos dalawin ng Arkanghel na si San Gabriel na nagbalita sa kanya tungkol sa paghirang ng Diyos sa kanya bilang ina ni Hesukristo, agad-agad na naglakbay si Maria patungo sa bahay ni Zacarias upang dalawin ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Kahit napakalayo mula sa kanyang bayan ng Nazaret ang bayan kung saang nakatira sina Zacarias at Elisabet, ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na ituloy ang kanyang pagbisita sa kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin tulad niya. Sa kaniyang pagdalaw sa kamag-anak niyang si Elisabet na nagdadalantao sa kabila ng kaniyang katandaan, dala-dala ni Maria ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus sa kaniyang sinapupunan. Kaya naman, nang marinig ang pagbati ni Maria, ang sanggol na si San Juan Bautista ay gumalaw sa tuwa sa loob ng sinapupunan ni Elisabet. 

Ang mga salita ng Panginoon na inilahad ni propeta Zacarias sa Unang Pagbasa ay mga salitang nagdudulot ng kagalakan. Ang pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos ay dapat ngang ikagalak. Darating Siya upang makapiling ang Kanyang bayan. Ang pangakong ito na Kaniyang binitiwan ay natupad sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, tinupad ng Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan sa Lumang Tipan. Tunay ngang dakila at kahanga-hanga ang gawaing ito ng Diyos. Kaya naman, ang bawat isa'y inaanyayahan ng mang-aawit ng Salmo na magpuri sa Kaniya. 

Kung ikukumpara natin ang kagalakang kaloob ng Diyos at ang kagalakang kaloob ng sanlibutan, buong kalinawan nating makikita ang napakalaking kaibahan ng dalawang ito. Ang kagalakan dito sa sanlibutan ay pansamantala lamang. Saglit lamang iyan. Hindi mananatiling maligaya ang bawat tao dito sa sanlibutan habambuhay. Subalit, ang kagalakang hatid ng Diyos ay walang hanggan. Tunay ang kagalakang hatid ng Diyos. At ang tunay na kagalakang ito na mula sa Diyos ay walang hanggan. Ang tunay na kagalakang walang hanggan na kaloob ng Diyos ay matatamasa natin sa Kaniyang piling sa langit. Kaya naman, ang kagalakang kaloob ng Diyos ay higit na dakila kaysa sa kagalakang hatid ng sanlibutang ito. Hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ng sanlibutang ito ang kaloob ng Diyos. 

Ang Diyos ang bukal ng kagalakan. Ang kagalakang hatid Niya sa atin ay tunay at walang kapantay. Ang kagalakang kaloob ng Diyos sa bawat isa ay walang hanggan. Kaya naman, nararapat lamang na magbigay papuri't pasasalamat sa Diyos dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na Kaniyang ginawa, tulad ng inilarawan sa awitin ng Mahal na Ina sa huling bahagi ng Ebanghelyo. Kaisa natin ang Birhen ng Guadalupe na si Maria, ang ating Mahal na Ina, sa pagbibigay papuri sa nag-iisang bukal ng kagalakan - ang Panginoon. 

Linggo, Disyembre 9, 2018

KARANASAN NG PAG-IBIG AT HABAG NG DIYOS

10 Disyembre 2018 
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Katedral ng Maynila 
(Ika-60 Anibersaryo) 
*Ang mga piling Pagbasa ay mula sa Pangkat ng mga Pagdiriwang - Sa Taunang Paggunita sa Pagtatalaga ng Bahay-Dalaganinan
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 94/1 Pedro 2, 4-9/Lucas 19, 1-10


Ang mga gusaling Simbahan ay itinayo at itinalaga para sa kapakanan ng bawat mananampalataya. Sa tuwing sila'y papasok sa mga Simbahan, nagkakaroon sila ng panahong manalangin at magpasalamat sa Diyos nang taimtim. At linggo-linggo, ang bawat mananampalataya ay nagkakatipon-tipon upang makiisa sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, nakakapiling ng bawat mananampalataya si Kristo Hesus na dumarating sa anyo ng tinapay at alak. Ang karaniwang tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Kristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo sa Konsekrasyon. Ang Katawan at Dugo ng Panginoon ay tinatanggap ng bawat deboto't mananampalataya sa Banal na Misa na ipinagdiriwang sa bawat araw ng sanlinggo. 

Sa Simbahan, nararanasan ng bawat mananampalataya ang habag at pag-ibig ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagsasawang tumutungo sa mga banal na lugar na ito ang mga mananampalataya. Nararamdaman nila ang banal na presensya ng Diyos sa tuwing papasok sila sa Simbahan. Nararanasan nila sa kanilang pag-apak sa loob ng Simbahan ang pagbuhos ng pagpapala, pag-ibig, at habag ng Diyos. Sa Simbahan, nananahan ang Diyos. Dinadalaw ang Diyos ng bawat mananampalataya sa tuwing papasok sila sa Simbahan. At sa kanilang pagpasok sa Simbahan, nararanasan nila ang grasya ng Diyos. Kaya naman, ang Simbahan ay daluyan ng habag, pag-ibig, at pagpapala ng Diyos. 

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Isaias ang pahayag ng Diyos tungkol sa Templo. Sabi ng Panginoong Diyos sa Kanyang pahayag na inilahad ni Isaias, magiging bahay-dalanginan ng lahat ng mga bansa ang Templo. Tutungo ang lahat ng tao sa Templo ng Diyos upang dumalangin sa Kanya. Sa kanilang taimtim na pagdalangin sa Diyos, itataas nila sa Kanya ang kanilang mga kahilingan, pagpupuri, at pasasalamat. Isang paanyaya naman ang inilahad sa Salmo. Inaanyayahan ang lahat na lumapit sa Diyos upang itaas sa Kanya ang mga panalangin ng papuri't pasasalamat, gayon din ang mga kahilingan sa buhay. At ang paanyayang ito mula sa Salmo'y umaalingangaw sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro. Ang lahat ng mga Kristiyano'y inaaanyayahang lumapit sa presensya ng Diyos upang maghandog ng mga haing espirituwal na kalugud-lugod sa paningin Niya (2, 4-5). 

Sa Ebanghelyo, si Zaqueo na isang publikanong kinasusuklaman at pinagtatabuyan ng kaniyang lipunan ay binigyan ng pagkakataon ng Panginoong Hesukristo na maranasan ang Kanyang habag at pagpapala. Ang paksang pinagtuunan ng pansin sa kabuuan ng Ebanghelyo ni San Lucas ay ang larawan ng Panginoong Hesus bilang maawain at mahabaging Panginoon. Kahit si Zakeo ay hindi tinatanggap ng lipunang kanyang kinabibilangan noon dahil sa kanyang trabaho bilang publikano, pinili pa rin ni Hesus na dumalaw sa kanyang tahanan. Hindi ipinagkait ni Hesus sa kanya ang pagkakataong maranasan ang habag at grasyang kaloob Niya sa lahat. At dahil sa karanasang ito, nagbago ang buhay ni Zakeo. 

Tulad ng ibang mga Simbahan, ang Katedral ng Maynila ay itinatag at itinalaga para sa espirituwal na kapakanan ng bawat mananampalataya, lalung-lalo na para sa mga pamayanang nasasakupan ng Arkidiyosesis ng Maynila. Subalit, ang halaga nito'y higit pa sa ibang mga Simbahan sapagkat ang Katedral na ito'y kinikilala bilang Inang Simbahan ng Pilipinas. Dito rin nakaluklok ang Mahal na Kardinal at Arsobispo ng Maynila. At ang kasaysayan ng Katedral ng Maynila ay kasaysayan rin ng lahat ng mananampalatayang Pilipino. Ilang ulit mang madapa o bumagsak, paulit-ulit na babangon. Iyan ang buod ng mahabang kasaysayan ng Katedral ng Maynila na sumasalamin sa kuwento ng bawat mananampalatayang Pilipino. Kaya, ang pagtatalaga sa Katedral ng Maynila ay ginugunita taun-taon. 

Sa tuwing tayo'y pumapasok sa mga Simbahan tulad ng Katedral ng Maynila, hayaan nating kumilos ang presensya ng Diyos. Damhin natin ang habag, pag-ibig, at pagpapalang kaloob ng Diyos habang ipinapadama sa atin ng Panginoon ang Kaniyang presensya. Tulad ni Zakeo, nawa'y himukin tayo ng ating karanasan ng presensya ng Diyos na baguhin ang ating mga sarili. At nawa'y walang sawa tayong bumalik sa mga Simbahan upang dumulog, magpuri, at magpasalamat sa Diyos. At sa ating patuloy na pagdalangin sa Diyos, sinasamahan tayo ng Mahal na Birheng Maria, ni San Jose, at ng lahat ng mga anghel at banal sa langit. 

Sabado, Disyembre 8, 2018

PANAHON NG PAGTUTUNGANGA?

9 Disyembre 2018 
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-6 



Isa sa mga temang pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan tuwing sasapit ang kapanahunan ng Adbiyento ay ang tema ng paghahanda. Bukod sa pagiging panahon ng pananabik, ang Adbiyento ay panahon rin ng paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoon. Mas pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento ang tema ng paghahanda. Sa mga Pagbasa, tinatalakay ang kahalagahan ng paghahanda habang naghihintay. Hindi sapat ang maghintay lamang na walang ginagawa. May paghahandang kailangang gawin. 

Tampok sa Ebanghelyo ang panawagan ni San Juan Bautista na umalingawngaw mula sa Ilog Jordan. Panawagan ni Juan Bautista sa lahat - talikuran ang kasamaan at magpabinyag bilang paghahanda ng kanilang mga sarili para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng paghahandang ito, sila'y magiging marapat na tumanggap at sumalubong sa Panginoon sa Kanyang pagdating. Sa tulong ng kanilang paghahanda para sa pagdating ng Panginoon, magiging busilak ang kanilang mga puso't kalooban. Ang pagkakaroon ng isang busilak na puso't loobin ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Ang pahayag ni propeta Isaias tungkol sa pagdating ng Panginoon ay pinagtuunan ng pansin ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral. Nakasaad sa pahayag na ito mula sa aklat ni propeta Isaias kung ano ang mangyayari pagdating ng Mesiyas. Ayon sa pahayag na ito, ang kaligtasang kaloob ng Diyos ay mahahayag sa lahat sa pamamagitan ng Mesiyas. Sa pamamagitan ng Mesiyas, ang Diyos ay darating upang tubusin ang lahat. Masasaksihan ng lahat kung paanong ililigtas ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos. At ang pahayag na ito'y natupad sa pagdating ni Hesus. Ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus ang sentro ng pangangaral ni Juan Bautista na naunang lumitaw upang ihanda ang lahat para sa Kanyang pagdating. 

Ito ang tinutukoy sa Salmong Tugunan ngayon. "Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa." (125, 3) Ang pagdating ng Panginoong Hesus bilang Mesiyas ay gawa ng Diyos. Ipinasiya ng Diyos na pumanaog sa sanlibutan bilang tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang gawaing ito ng Diyos ay tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Tunay ngang nagdudulot ng tuwa't galak sa bawat isa ang gawang ito ng Diyos. Ito rin ang Mabuting Balitang tinukoy ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos. Ang Mabuting Balitang ito na ipinapalaganap at pinatotohanan sa bawat panig ng daigdig upang ihanda ang lahat ng tao para sa muling pagdating ni Kristo sa wakas ng panahon. Ang Panginoong Hesukristo, na tumubos sa lahat ng tao sa Kanyang unang pagdating sa lupa, ay muling magbabalik sa wakas ng panahon. 

Kaya nga, ang pahayag ni propeta Baruc sa Unang Pagbasa ay isang panawagan na magsaya. Ang panawagang ito ni Baruc ay hindi lamang para sa mga Israelita noong panahong yaon kung saan  itinapon ang mga Israelita sa pagkabihag sa Babilonia. Bagkus, ang panawagang ito'y para sa lahat, anuman ang panahong kinabibilangan. Kahit na lumipas ang napakatagal na panahon mula noong ito'y isinulat, naangkop pa rin ang panawagang ito ni propeta Baruc, lalo na ngayong panahon ng Adbiyento. Ang panawagang ito'y nagsisilbing paalala sa lahat kung bakit ang panahong ito ng Adbiyento ay inilalaan sa paghahanda at pananabik para sa pagdating ng Panginoon. Pag-asa't kagalakan ang hatid ng Panginoon sa bawat isa. Hindi Siya maghahasik at magpapalaganap ng lagim at takot. Hatid Niya'y pag-asa't tuwa sa lahat. Kaya naman, ang panawagang ito ni propeta Baruc ay isang panawagang naghahatid ng pag-asa. 

Batay sa panawagan ni San Juan Bautista ang panawagan ng Simbahan sa bawat isa ngayong panahon ng Adbiyento. Nananawagan ang Simbahan sa lahat na ihanda ang sarili nang buong kataimtiman upang ang bawat isa'y maging marapat na sumalubong at tumanggap sa Panginoon sa Kaniyang pagdating. Habang ang pagdating ng Panginoon ay pinananabikan, napakahalaga para sa bawat isa na ihanda ang kanilang mga sarili. Ang panahon ng Adbiyento ay hindi panahon para tumanganga lamang. Ang panahon ng Adbiyento ay panahon ng paghihintay at paghahanda nang buong kataimtiman para sa pagdating ng Panginoon. 

Lunes, Disyembre 3, 2018

BUKOD-TANGING KAGANDAHAN AT KALINISAN

8 Disyembre 2018 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38


Sa retablo ng altar mayor ng Katedral ng Maynila, mababasa ang mga salitang ito sa wikang Latin, "Tota pulchra es Maria, et macula originalis non est in te." (Ika'y puspos ng tunay na kagandahan, Maria, at ang dungis ng kasalanang mana ay hindi matatagpuan sa iyo) Hango mula sa pambungad ng isa sa mga antipona para sa araw na ito ang mga salitang ito. Pinagtutuunan ng pansin sa mga katagang ito ang kalinisan, kabanalan, pagkadalisay, pagkabusilak ng Mahal na Birheng Maria. Ipinaglihing walang bahid ng kasalanang mana ang Mahal na Inang si Maria. Ang bahid ng kasalanang mana ay hindi mahahanap sa kanya sapagkat naranasan niya ang pagliligtas ng Diyos bago pa man iluwal ng kanyang inang si Santa Ana mula sa kanyang sinapupunan. Siya lamang ang bukod tanging nilalang sa kasaysayan ng daigdig na binigyan ng ganitong karangalan mula sa Diyos. 

Ito ang dahilan kung bakit ang karangalang nakalaan sa Mahal na Birheng Maria ay higit pa sa karangalang nakalaan sa lahat ng mga santo't santa sa hanay ng mga banal sa Simbahan. Ang lahat ng mga santo't santa sa hanay ng mga banal ay pinahahalagahan, itinatampok, at pinaparangalan ng Simbahan dahil sa kanilang halimbawa. Ano ang kanilang halimbawa? Namuhay silang may kabanalan. Buong katapatan nilang tinalima at sinunod ang kalooban ng Diyos hanggang sa kanilang pagpanaw sa daigdig. Sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos nang buo nilang buhay, tinahak nila ang landas ng kabanalan. Subalit, ang Mahal na Birheng Maria ay namumukod-tangi sa lahat ng mga banal na tao na namuhay at naglakbay sa daigdig sapagkat niloob ng Diyos na tubusin siya bago pa man siya isilang. 

Kaya gayon na lamang ang pagbati ng Arkanghel na si San Gabriel noong dinalaw niya ang Mahal na Birheng Maria upang ihatid sa kanya ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Hesukristo sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Wika ng anghel sa Mahal na Birhen, "Aba, napupuno ka ng grasya! Ang Panginoon ay sumasaiyo." (1, 28) Ito rin ang isinasalungguhit ng dogma tungkol sa Inmaculada Concepcion o Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Bago pa man isilang sa daigdig, ang Mahal na Birheng Maria ay pinuno ng Diyos ng Kaniyang grasya. Dahil sa grasyang ito, wala siyang bahid ng kasalanang mana. Ipinasiya ng Diyos na tubusin si Maria bago pa man ipanganak sa sanlibutan dahil siya ang Kaniyang pinili't hinirang upang maging Kanyang tahanan at tagapagdala sa loob ng siyam na buwan sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Sa pamamagitan ng pasiya ng Diyos, tinupad Niya ang pangakong Siya mismo ang naghayag sa huling bahagi ng Unang Pagbasa. Inihayag ng Panginoong Diyos na ang babae at ang ahas ay laging magkakasagupa at ang ulo ng binhi ng ahas ay dudurugin ng binhi ng babae (3, 15). Si Maria ang babaeng tinutukoy ng Diyos sa pahayag na ito. Magmumula sa kanya ang dudurog sa ulo ng ahas. Ang Panginoong Hesus na kanyang dinala sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan at iniluwal pagkatapos nito ang tatalo sa demonyo. Kasama ni Hesus, dinurog rin ni Maria ang ulo ni Satanas sa pamamagitan ng kanyang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos nang buong kababaang-loob hanggang wakas. 

Ang pasiya ng Diyos na tubusin ang Mahal na Ina bago ang kanyang kapanganakan sa daigdig ang naghayag ng Kanyang kagandahang-loob na tinalakay ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Hinirang at itinalaga ng Diyos si Maria upang maging Kanyang tahanan at tagapagdala sa loob ng siyam na buwan. Inihanda ng Diyos ang magiging tahanan Niya sa loob ng siyam na buwan bago Siya isilang sa daigdig sa pamamagitan ng Kanyang pagtubos sa Mahal na Inang si Maria bago pa man ipanganak. Sa pamamagitan nito'y ang Mahal na Birheng Maria ay pinagindapat ng Diyos na maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Diyos na bukal ng lahat ng kabanalan ay pumanaog sa lupa upang tubusin ang sangkatauhan.

Bukod-tangi ang kagandahan at kalinisang taglay ng Mahal na Birheng Maria. Ang pinagmumulan ng angkin niyang kagandahan at kalinisang namumukod-tangi ay ang Diyos na tumubos sa kanya bago siya isilang sa daigdig. Ipinasiya ng Diyos na gawin ito upang si Maria ay maging marapat na dalhin at iluwal Siya mula sa kanyang sinapupunan pagkatapos ng siyam na buwan. At sa pamamagitan ni Maria, dumating ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus.