Linggo, Disyembre 23, 2018

ANG PAG-IBIG NG "EMMANUEL"

24 Disyembre 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25)



Sa mga Pagbasa, itinalakay ang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa lahat, ipinasiya ng Panginoon na iligtas ang sangkatauhan. Ito ang natatanging kadahilanan kung bakit ang Panginoong Hesukristo ay isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang maisakatuparan ang pangako Niyang pagtubos sa sangkatauhan. Ang Diyos ay dumating sa daigdig bilang isang sanggol noong unang Pasko. Si Hesus, ang Diyos na Sanggol, ay ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria. 

Nagsalita si propeta Isaias sa Unang Pagbasa ukol sa pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa Kanyang bayan. Naghatid ng kagalakan si propeta Isaias sa lahat ng mga kabilang ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang pahayag. Inilarawan ang hangarin ng Diyos na iligtas ang Kanyang bayan. Inilarawan kung paanong nalulugod at nagagalak ang Panginoon sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na inihayag ni propeta Isaias, ang Diyos ay nagdulot ng kaligayahan sa lahat. Kaligayahan ang dulot ng mga salitang ito sa mga kabilang sa bayan ng Diyos. Sa kabila ng kanilang mga pagkakasala, iniibig pa rin sila ng Diyos. At sa pahayag ring ito, inihayag ang pangakong pagtubos ng Diyos sa Kanyang bayan. Ipagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang pagtubos sa Kanyang bayan sapagkat mahal na mahal Niya ang Kanyang bayan. At iyan ay naghatid ng kaligayahan sa lahat. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nangaral sa isang sinagoga tungkol kay Kristo Hesus. Itinuro niya na sa pamamagitan ni Kristo Hesus, naihayag ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Matandang Tipan ay natupad sa pamamagitan ni Kristo. Sabi ni Apostol San Pablo sa isang bahagi ng kanyang pangangaral na si Hesus ang ipinangakong Manunubos na nagmula sa lipi ni Haring David (13, 24). Si Hesus ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na naghayag ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos sa lahat. Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Diyos Anak, na walang sawang umiibig sa lahat. Pinatunayan Niya ito noong ipinasiya Siya dumating sa sanlibutan bilang Mesiyas at Tagapagligtas. 

May dalawang bahagi ang Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, itinampok ang talaan ng angkang kinabilangan ng Panginoong Hesus. At sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtanggap ni San Jose sa kanyang pananagutan bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria at amain ng Panginoong Hesus dito sa lupa. Inihayag ng anghel na nagpakita sa panaginip ni San Jose na ang Sanggol na dinadala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang ipinangakong Tagapagligtas. Siya ang Emmanuel, ang Diyos na nananahan kapiling ang bawat tao. At ang Pangalan Niya ay Hesus. Iyan ang pinagtuunan ng pansin ng napakahabang salaysay sa Ebanghelyo. 

Ang ating ginugunita sa pagdiriwang ng Pasko ay ang pag-ibig ng Emmanuel. Dahil sa pag-ibig, ipinasiya ng Emmanuel na si Kristo Hesus na maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang mamuhay sa ating piling. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang maging isang sanggol na kalong-kalong ni Maria. Nais ipaalam sa atin ni Hesus na Siya'y lagi nating kasama. Nais ni Hesus na malaman natin kung gaano Niya tayo kamahal. Si Hesus ang lagi nating kasama at kaisa sa lahat ng pagkakataon. Hinding-hindi Siya iiwanan o pababayaan. Siya'y lagi nating kasama. Mananatili Siyang tapat sa Kanyang pangako. Mananatili Siyang tapat sa atin at ang katapatan Niya'y hindi magmamaliw. Ganyan tayo kamahal ng Emmanuel. 

Sabado, Disyembre 22, 2018

PATOTOO TUNGKOL SA PAG-IBIG NG DIYOS

24 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikasiyam na Araw 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79


Sa Ebanghelyo, ang ama ni San Juan Bautista na si Zacarias ay nagbigay ng patotoo tungkol sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng isang awitin. Sa awit na ito, inilarawan ni Zacarias kung paanong inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa lahat. Ang awit ni Zacarias ay isang patotoo tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ang dahilan ng lahat ng nangyari noong kapanahunang yaon. Mga kaganapang hindi akalaing magaganap. 

Nangyari ito matapos ang pagpapangalan kay Juan Bautista. Isang sumpa ang ibinigay kay Zacarias dahil pinagdudahan niya ang ibinalita ng Arkanghel na si San Gabriel sa kanya noong nagpakita ang anghel sa kanya sa loob ng templo. Subalit, ang sumpang ito ay may hangganan. Sabi ng anghel na si Gabriel na mananatiling pipi't bingi si Zacarias hanggang sa matupad ang pagsilang at pagpapangalan sa kanilang anak (1, 20). At nangyari nga ang lahat ng iyon. Nang maipanganak ang sanggol at pinangalanang Juan, saka pa lamang nanumbalik ang kakayahan ni Zacarias na makapagsalita at makarinig. At nang manumbalik ang kanyang boses at pandinig, ang unang ginawa ni Zacarias ay magbigay ng papuri at karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng isang awit. At sa awiting ito, nagpatotoo si Zacarias tungkol sa kabutihan at kagandahang-loob ng Panginoon. 

Ang pag-ibig at kabutihan ng Panginoong Diyos na pinatotohanan ni Zacarias sa kanyang awit ay nahayag noon pa man. Katulad na lamang kay Haring David sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Natan ang Kanyang pangako kay David. Ipinangako ng Panginoon kay David na patatatagin Niya ang kanyang sambahayan. Ang kanyang sambahayan ay magiging matatag dahil sa Panginoon. At isa sa mga magiging anak niya ang pipiliin at hihirangin ng Diyos upang maging kahalili ni David bilang hari ng Israel. Tinupad nga ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ng Kanyang paghirang kay Solomon. Si Solomon na pangalawang anak ni David kay Bat-seba (ang una nilang anak ay namatay) ay hinirang ng Diyos upang maging kapalit ng kanyang ama. At nagmula rin sa angkan ni Haring David ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus na Anak ng Ama at Anak ni Maria. 

Sa kabila ng mga nagawa nila, tinupad pa rin ng Diyos ang Kanyang ipinangako sa kanila. Si Haring David ay nagkasala laban sa Diyos na humirang sa kanya bilang hari ng Israel sa pamamagitan ng pakikiapid kay Bat-seba at pag-utos sa kanyang mga kawal na isubo si Urias sa mga kalaban at umatras para mamatay siyang mag-isa (2 Samuel 11, 26). Ang resulta noon, namatay ang kanyang unang anak kay Bat-seba dahil sa isang malubhang karamdaman. Subalit, ang pangalawang anak niya kay Bat-seba na si Solomon ay hinirang ng Diyos upang maging kanyang kahalili. Si Zacarias naman ay hindi naniwala sa ibinalita sa kanya ng anghel. Dahil diyan, nakatanggap siya ng isang sumpa. Hindi siya makakapagsalita o makakarinig sa loob ng siyam na buwan hanggang sa mangyari ang inihayag sa kanya. Sa kabila ng mga iyon, hindi binawi ng Diyos ang Kanyang plano. Hindi binawi ng Diyos ang Kanyang pangako. Bagkus, itinuloy pa rin Niya ang Kanyang plano. Ang pangakong binitiwan ay Kanya pa ring tinupad. Sa pamamagitan nito'y nahayag ang Kanyang walang hanggang pag-ibig at kabutihan. 

May magandang plano ang Diyos para sa bawat isa. Hindi mapipigilan ng anumang pagkakasalang gawin natin laban sa Kanya ang Kanyang maganda at mabuting hangarin para sa bawat isa. Ang Kanyang magandang hangarin para sa ating lahat ay isinasalamin ng Kanyang plano. Wala Siyang hinahangad na masama para sa bawat isa. Ang lahat ng Kanyang hinahangad para sa bawat isa ay mabuti't maganda. Sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng Kanyang pagpapatupad ng Kanyang pangako sa bawat isa, inihahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kabutihan. Kahit hindi tayo karapat-dapat na maranasan iyon, pinahintulutan ng Diyos na ipadama sa bawat isa sa atin ang Kanyang walang hanggang pag-ibig at kabutihan. 

Katulad ni Zacarias na ama ni San Juan Bautista, may mga pagkakataon sa ating buhay kung saan nating pinagdudahan ang Diyos. Subalit, katulad rin ni Zacarias, naranasan pa rin natin ang katuparan ng pangako ng Panginoon na naghahayag ng Kanyang pag-ibig at kabutihan. At tulad ni Zacarias, tinatawag tayong magpatotoo tungkol sa pag-ibig at kabutihan ng Diyos na hindi magmamaliw kailanman. 

Biyernes, Disyembre 21, 2018

PINAGPAPALA ANG MGA NANANALIG

23 Disyembre 2018 
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikawalong Araw 
Mikas 5, 1-4a/Salmo 79/Hebreo 10, 5-10/Lucas 1, 39-45 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Napakalayo ng kanyang nilakbay mula sa Nazaret patungo sa lugar kung saan nakatira ang kanyang kamag-anak. Maaari rin siyang malagay sa peligro dahil sa kanyang kalagayan. Si Maria ay nagdadalantao rin tulad ni Elisabet noong panahong iyon. Sa kabila ng kanyang pagdadalantao, tinuloy pa rin ni Maria ang kanyang planong maglakbay nang napakalayo tungo kila Elisabet at Zacarias upang makadalaw at makasama ang kanyang kamag-anak. Dala-dala ni Maria sa kaniyang sinapupunan si Hesus habang dinadala naman ni Elisabet sa kanyang sinapupunan si San Juan Bautista. 

Ang mga salita ni Elisabet kay Maria sa pinakahuling bahagi ng Ebanghelyo ang kanyang pagbibigay-pugay sa kanyang kamag-anak na naglakbay nang malayo para lang makadalaw sa kanya. Sabi niya, "Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (1, 45) Ang Mahal na Birheng Maria ay nanalig sa kalooban ng Diyos. Kahit mahirap intindihin ang kalooban ng Diyos, ipinakita pa rin ni Maria ang kanyang pananalig sa Kanya. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang Kanyang plano para sa sangkatauhan. Hindi man alam ng Mahal na Ina ang eksaktong pamamaraan kung paano isasakatuparan ng Diyos ang Kanyang kalooban, nanalig pa rin siyang matutupad ang Kanyang kalooban. At iyon ay sapat na. Para sa Mahal na Birhen, ang Diyos na ang bahala. 

Inilahad sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ang kalooban ng Diyos. Inihayag ng Panginoon sa Unang Pagbasa na hango sa aklat ni propeta Mikas na isang hari ang magmumula sa bayan ng Betlehem. At sa Ikalawang Pagbasa, inihayag na si Hesukristo ang katuparan ng propesiyang ito. Sinasalamin ng propesiyang ito ang kalooban ng Diyos para sa lahat. Niloob ng Diyos na maligtas ang lahat. Kaya naman, gumawa Siya ng paraan para matubos ang sangkatauhan. Ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Hesus, ang Banal na Sanggol na dala-dala ni Maria sa kanyang sinapupunan, ang magbibigay ng katuparan sa dakilang planong ito. Sa pamamagitan Niya, maisasakatuparan na ang plano ng Banal na Santatlo na tubusin ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan. 

Si Maria ay nanalig sa kalooban ng Diyos. Nanalig siya na para sa ikabubuti ng lahat ang kalooban ng Diyos. Nanalig siya na walang masamang hinahangad ang Diyos para sa bawat tao. Nanalig siya sa kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos. Kaya naman, ibinigay ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang buong pusong pananalig sa Diyos. Ang lahat ng nauukol sa kanya, ang lahat ng kanyang mga binalak sa buhay bago ang pagbabalita sa kanya ng Arkanghel na si San Gabriel, ay kanyang tinalikuran upang bigyang daan ang katuparan ng kalooban ng Panginoong Diyos. Ang pagsuko ng buong sarili ng Mahal na Inang si Maria sa Diyos ay nagpahayag ng kanyang pananalig at pagmamahal sa Kanya. 

Kaya naman, tunay na pinagpala ang Mahal na Ina. Itinuro sa atin ni Maria kung paano maging tunay na mapalad. Kung nais nating maging tunay na mapalad, ibibigay natin sa Diyos ang buong puso nating pagmamahal at pananalig sa Kanya. Tatalikdan natin ang lahat ng ating mga plano sa buhay upang magbigay-daan sa katuparan ng Kanyang plano. Mahirap man gawin ito, subalit kung tunay nating iniibig at pinananaligan ang Diyos, handa tayong gawin iyan. Ang mga nananalig at nagmamahal nang buong puso't kaluluwa ay binubuhusan ng Diyos ng Kanyang pagpapala. Iyan ang Kanyang regalo para sa bawat nananalig at umiibig sa Kanya. 

Huwebes, Disyembre 20, 2018

AWIT NG BUHAY

22 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikapitong Araw 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 


Mga awitin ang itinatampok sa mga Pagbasa. Isinasalmin ng mga awitin ang kalagayan ng bawat isa sa buhay. Malalaman natin kung ano ang nararamdaman ng bawat isa sa pamamagitan ng pakikinig sa mga awit na kanilang pinapakinggan at sinasabayan. Kapag nakikinig ng mga masasayang kanta ang isang tao, masasabi nating masaya at maginhawa ang kanyang buhay. Kapag mga malulungkot na awitin naman ang pinapatugtog ng isang tao, mapagtatanto nating mayroon siyang pinagdadaanan. Ito ang nagpapatunay na ang mga awiting pinapakinggan at inaawit natin ay may ugnayan sa ating buhay. 

Dalawang babae sa mga Pagbasa ay nagpahayag ng kanilang mga nararamdaman sa pamamagitan ng kanilang mga awit. Tuwa ang naghahari sa puso't damdamin ng mga babaeng may-akda ng mga awiting tampok sa mga Pagbasa. Ang mga awiting ito ay sumasalamin sa kaligayahang kanilang nararamdaman. Inilalarawan sa mga awiting ito kung saan nagmula ang kanilang kaligayahan. 

Sa Unang Pagbasa at Salmo, si Ana ay napuspos ng tuwa sapagkat dininig ng Diyos ang kanyang panalangin. Matagal siyang nanalangin sa Panginoon na bigyan siya ng kahit isang anak man lamang. Si Ana ay lumuluhang dumulog at sumamo nang buong kataimtiman sa Panginoong Diyos para lamang matupad ang kanyang kaisa-isang kahilingan sa buhay. Humingi pa nga siya ng panalangin mula sa saserdoteng si Eli. At nang magkaanak, ang batang si Samuel na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos upang maging kanyang anak ay kanya namang inihandog sa Kanya. At buong puso't kaluluwang nagbigay ng papuri sa Panginoong Diyos si Ana sa pamamagitan ng isang awitin. Sa kanyang awit ng papuri, si Ana ay nagpatotoo tungkol sa walang hanggang kabutihan ng Panginoong Diyos. 

Tulad ng awit ni Ana na itinampok sa Salmo, ang awit na itinampok sa Ebanghelyo ay nagpahayag tungkol sa kabutihan ng Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ay nagbigay papuri't karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng pag-awit. Umawit siya ukol sa ginawa ng Diyos para sa kanya. Isang dalagang namumuhay nang payak sa bayan ng Nazaret ay itinampok ng Diyos. Sa kabila ng kanyang pagkaaba, siya'y itinampok at itinaas ng Diyos. Siya'y kinalugdan at dinakila ng Diyos sa lahat ng mga babae. Si Maria, ang Mahal na Ina, ay pinili't hinirang ng Diyos upang maging tagapagdala at ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. 

Inihayag ni Ana at ng Mahal na Ina ang kanilang kagalakan sa Diyos sa mga awit ng kanilang buhay. Kaya naman, itinatanong sa atin ng mga Pagbasa kung ano ang awit ng ating buhay. Anuman ang kalagayan natin sa buhay, sumentro nawa ito sa Diyos. Sana nakasentro ang Diyos sa awit ng buhay ng bawat isa sa atin, kahit may pinagdadaanan tayo sa buhay. Huwag nating kalimutan ang Diyos sa pagbuo ng mga awit ng ating buhay. Siya ang tangi nating makakapitan sa bawat oras, anuman ang kalagayan natin sa buhay. Lagi Siyang nandiyan para sa atin. 

Ano ang awit ng iyong buhay? 

Miyerkules, Disyembre 19, 2018

SINO (O ANO) ANG DINADALA MO?

21 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaanim na Araw 
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45 


Ang konsepto ng tinig ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Likas sa katangian ng bawat isa sa atin bilang tao na kapag nakakarinig tayo ng tinig, lalung-lalo na ang mga malalakas na tinig, pansamantala nating ititigil ang anumang ginagawa natin upang pakinggan ito nang mabuti. Kapag nanggaling sa mga likuran natin ang tinig na iyon, lilingon tayo para malaman kung kanino nanggaling ang tinig na iyon. Maaaring isa iyon kakilala natin, o 'di kaya ibang tao na nagkataon kasing-boses ng isang kakilala natin at makikipag-usap sa kanyang kakilala. 

Iba ang nagagawa ng mga tinig. Anuman ang ginagawa natin, mapapatigil tayo kapag nakakarinig ng tinig. Handa tayong pakinggan ang mga tinig. Isasantabi natin ang ating mga ginagawa para makinig. Lalung-lalo na kapag tayo mismo ang binabati o kinakausap. Susundan natin ang tinig upang malaman kung saan ang pinanggalingan ng tinig na iyon at kung kakilala ba natin o hindi. 

Subalit, ibang uri ng tinig ang itinatampok sa mga Pagbasa. Ang tinig na ito'y isang tinig na kahali-halina. Iba ang hatid ng mga tinig na ito sa mga tagapakinig ng mga ito. Maaakit ang sinumang makikinig sa mga tinig na ito. Ang mga tinig na ito ay maihahalintulad sa mga musikang masarap pakinggan. Mapapayapa, gagaan ang loob ng bawat taong makikinig sa mga tinig na ito. Ang mga tinig mula sa ilang mga panauhin sa mga Pagbasa, kahit mahinhin, ay nagdudulot ng tuwa't saya. 

Ang tinig ng isang sinisinta ay itinatampok sa Unang Pagbasa. Ang karakter na umiibig ay nakakaramdam ng ginhawa sa tuwing napapakinggan niya ang tinig ng kanyang iniibig. Tinig pa lamang ang napapakinggan, humihinahon na siya. Kung mainit ang kanyang ulo, mawawala ito agad kapag ang matamis na tinig ng kanyang sinisinta. Hihinto siya sa anumang ginagawa niya para lamang mapakinggan ang tinig na kanyang iniibig na masarap pakinggan. 

Itinampok sa Ebanghelyo ang tinig ng Mahal na Birheng Maria. Matapos ibalita sa kanya ng Arkanghel na si San Gabriel na siya'y hinirang ng Diyos upang maging ina ng Panginoong Hesukristo, agad na tumungo si Maria sa lugar kung saan nakatira sina Elisabet at Zacarias. Sa kabila ng layo nito sa Nazaret, desidido si Maria na dalawin ang kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin katulad niya noong panahong iyon sa kabila ng kanyang katandaan. At ang tinig ng Mahal na Birhen ay hindi lamang nagdulot ng tuwa kay Elisabet kundi na rin sa sanggol na si San Juan Bautista na kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan. 

Hindi nasasaad sa Ebanghelyo kung ano nga ba talaga ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ng Mahal na Inang si Maria nang batiin niya ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ang tanging pinagtuunan ng pansin ni San Lucas sa kanyang salaysay ay ang tinig ng Mahal na Ina. Ang tinig ni Maria ay nagdulot ng tuwa sa kanyang kamag-anak na si Elisabet at sa sanggol na kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan na si Juan Bautista sapagkat ang ipinangakong Tagapagligtas na si Hesus ay dala-dala ni Maria sa kanyang sinapupunan. Si Maria ay naghatid ng tuwa sa pamamagitan ng pagdadala kay Hesus. At kapag si Hesus ay tinaglay ng bawat isa sa kani-kanilang mga puso, sila'y magiging tagapaghatid at tagapagpalaganap ng tunay na kaligayahan. 

May tanong ang mga Pagbasa para sa bawat isa sa atin - sino o ano ang dinadala natin? Sino o ano ang ating tinataglay natin sa ating mga puso? Ano ang ating ipinapalaganap at inihahatid sa kapwa? Kapag naririnig ng kapwa ang iyong tinig, ano ang kanilang nararamdaman? Sapagkat nararamdaman ng ating kapwa ang dinadala natin sa pamamagitan ng pakikinig sa ating mga tinig. 


Martes, Disyembre 18, 2018

SIYA ANG BAHALA

20 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalimang Araw 
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 


Isang dalaga ang itinatampok sa mga Pagbasa. Isang dalaga ang hinirang ng Diyos upang maging Kanyang instrumento sa pagpapahayag ng Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng dalagang ito, isasagawa ng Diyos ang Kanyang kaloobang tubusin ang lahat ng tao. Kalooban ng Diyos ang kaligtasan at kalayaan ng sangkatauhan mula sa pagkabihag at pagkaalipin sa ilalim ng mga puwersa ng kadiliman at kasamaan. At sa pagpapahayag ng kalooban Niyang ito, ang Diyos ay humirang at gumamit ng isang dalaga bilang Kanyang instrumento. Ang Diyos ang nagpapahayag ng Kanyang kalooban na sumasalmin sa Kanyang kadakilaan. Ang dalagang Kanyang hinirang ay instrumento lamang. At ang dalagang ito ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. 

Si Maria ang pinagtutunan ng pansin sa mga Pagbasa. Siya ang dalagang tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang pahayag na inilahad sa pinakadaulo ng Unang Pagbasa tungkol sa palatandaang ibibigay ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Isang dalaga ang maglilihi't manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging Emmanuel (7, 14). Ito ang ibinalita sa kanya ng Arkanghel na si San Gabriel sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ibinalita sa kanya ng anghel na siya'y hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Sa kabila ng kanyang pagkadalaga, si Maria ay nakatanggap ng isang napakabigat na pananagutan mula sa Diyos. 

Para kay Maria, ang pagiging ina ni Kristo ay isang napakalaking karangalan at isang napakalaking pananagutan. Ang pananagutang kaakibat ng karangalang ito na ibinigay sa kanya ng Diyos ay napakalaki at napakabigat. Kaya naman, si Maria ay nanginig at nangatog nang marinig niya mula sa anghel kung ano ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos. Napakalaki at napakabigat ang pananagutang iyon para sa isang katulad niya. Ito ang ipinahiwatig ng kanyang katanungan sa anghel na si Gabriel. Sino ba naman ang hindi manginginig at mangangatog kapag nabigyan ng isang pananagutang tulad ng natanggap ng Mahal na Ina? 

Subalit, sa kabila nito, tinanggap pa rin ng Mahal na Birhen ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Ipinakita niya ang kanyang pananalig sa Panginoon na kaniyang iniibig at sinasamba nang higit sa lahat. Nanalig siyang aayusin ng Diyos ang lahat ng bagay para sa kanya. Isinuko niya ang lahat sa Diyos na kanyang inaaasahan sa lahat ng pagkakataon. Ang lahat ng ipinlano ng Mahal na Birhen ay isinantabi niya upang matupad ang hangarin ng Panginoon. 

Isang napakahalagang aral ang nais ituro ng Mahal na Inang si Maria. May plano ang Diyos para sa bawat isa. Maganda ang Kanyang plano para sa bawat isa. Ang kalooban Niya para sa bawat isa ay higit na maganda kaysa sa naisin natin. Wala Siyang niloloob na masama para sa atin. Mabuti at maganda ang Kanyang niloloob para sa atin. Nais ng Diyos na gamitin tayo upang mahayag sa pamamagitan natin ang Kanyang kaluwalhatian. Nais ng Diyos na maging Kanyang mga instrumento na maghahayag ng Kanyang kadakilaan. 

Napakahalaga ang itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria, ang ating Mahal na Ina. Lahat tayo ay tinuturan niyang manalig sa Diyos. Magtiwala lang tayo sa Diyos. Siya ang bahala sa atin. Siya ang mag-iingat at papatnubay sa atin. Siya ang kikilos para sa atin. Hindi Niya tayo hahayaang mapahamak. Tayong lahat ay lagi Niyang ipagsasanggalang mula sa kasamaan. At tulad ng sinabi ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Ina sa Ebanghelyo, walang hindi kayang gawin ang Diyos. Ang lahat ng Kanyang naisin ay tutuparin Niya. Tiwala lang, Siya ang bahala. 

Lunes, Disyembre 17, 2018

PAGPAPALANG KAHANGA-HANGA

19 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaapat na Araw 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25


Ang pagpapala ng Diyos ay kahanga-hanga. Ito ang nais pagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa pamamagitan ng mga pagpapalang Kanyang ipinagkakaloob sa lahat, ipinapamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan. Ang mga pagpapala ng Diyos ay sumasalamin sa Kanyang kapangyarihan at kadakilaang tunay ngang kahanga-hanga. Patuloy Niyang ibinubuhos sa bawat isa ang Kanyang mga kahanga-hangang pagpapala. Ang pinakadakilang pagpapalang natanggap ng sangkatauhan ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Dalawang magkabiyak ng puso ang itinatampok sa mga Pagbasa. Sa mga mata ng sanlibutan, walang katiyakang ang dalawang mag-asawang ito na makatanggap ng kahit isang pagpapalang katulad ng ipinagkaloob sa kanila ng Diyos sa mga tampok na salaysay sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, pinagkalooban ng isang anak na lalaki sina Manoa at ang kanyang asawa. Hindi nasasaad sa salaysay kung sino nga ba kina Manoa at ang kanyang misis ang baog. Iyon lamang ang kaisa-isang impormasyong ibinibigay sa Unang Pagbasa - hindi mabuntis ang misis ni Manoa. Subalit, ang hindi inakalang mangyayari ay nangyari. Ang Panginoong Diyos ay gumawa ng isang kahanga-hangang himala para kina Manoa at sa kanyang misis. Ang asawa ni Manoa ay nabuntis. Isang anak na lalaki ang ipinagkaloob ng Diyos kay Manoa at sa kanyang asawa - si Samson. 

Sa Ebanghelyo, sina Zacarias at ang kanyang asawang si Elisabet ay pinagkalooban ng isang anak na lalaki. Sa kabila ng kanilang katandaan, isang anak na lalaki ang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Ang ipinapanalangin nila sa loob ng napakahabang panahon ay tinugon ng Diyos sa panahong hindi inaaasahan. Kung kailan sila tumanda at nasa edad kung saan hindi na sila puwedeng magkaanak, saka pa lamang sila magkakaroon ng anak. Si San Juan Bautista ang ipinagkaloob ng Diyos kina Zacarias at Elisabet upang maging kanilang anak. Ang mauuna sa Mesiyas upang ipaghanda ang kanyang daraanan, ang Tagapaguna, ang Tagapaghanda. Siya ang magiging anak nina Zacarias at Elisabet. 

Walang sinuman sa kapanahunan nila ang nag-akalang magkakaanak ang dalawang magkabiyak ng puso na ito. Sa mata ng daigdig, tapos na ang panahong puwede silang magkaanak. Hindi na sila puwedeng magkaanak. Wala nang pag-asa para sa kanila. Subalit, sa kabila ng pananaw ng sanlibutan tungkol sa mga katulad nila, ang dalawang magkabiyak ng pusong itinatampok sa mga Pagbasa ay tumanggap ng isang kahanga-hangang pagpapala mula sa Diyos. Sila ay ginamit ng Diyos upang ihayag sa pamamagitan nila ang Kanyang kahanga-hangang kapangyarihan. Mangyayari ang anumang loobin ng Diyos. Walang bagay na hindi Niya kayang gawin sapagkat kaya Niyang gawin ang lahat kung ito'y Kanyang naisin. 

Ang mga karanasan ng dalawang mag-asawa sa mga Pagbasa ang nagpapatunay na kahanga-hanga ang pagpapala ng Panginoon. Kahit ang mga hindi inakalang makakatanggap ng biyaya mula sa Panginoon ay nakakatanggap rin ng biyaya mula sa Kanya. Ang lahat ng tao'y pinagkakalooban ng pagpapala mula sa Diyos. Ito ang nagpapatunay na tunay ngang mabuti ang Diyos sa lahat.  Ang bawat isa'y Kanyang kinahahabagan, kinakalinga, at pinagpapala.