Sabado, Disyembre 29, 2018

KAPAMILYA NATIN

30 Disyembre 2018 
Linggo sa loob ng walong araw na pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria at Jose (K) 
1 Samuel 1, 20-22. 24-28 [o kaya: Sirac 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)]/Salmo 83 [o kaya: Salmo 127]/1 Juan 3, 1-2. 21-24 [o kaya: Colosas 3, 12-21]/Lucas 2, 41-52 



Ang Panginoong Hesus ay pumasok sa daigdig bilang tao katulad nating lahat, maliban sa kasalanan. Hindi Siya pumasok sa daigdig taglay ang buo Niyang kapangyarihan bilang Diyos. Kahit na Siya ay Diyos, kahit na Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, niyakap Niya ang ating pagkatao. Ipinasiya Niyang tanggapin at yakapin ang ating pagkatao. Iniwan Niya ang Kanyang kaluwalhatian sa langit upang maging tao. Nang maging tao, namuhay Siya nang payak. Si Hesus ay nagpasiyang pumasok sa daigdig tulad nating lahat, bilang isang sanggol, bilang isang tao, maliban sa kasalanan. 

Katulad natin, si Hesus ay nagkaroon ng mga magulang. Siya'y ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Kanyang Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Si San Jose ay tumayo naman bilang Kanyang amain dito sa lupa. Sabi sa wakas ng Ebanghelyo na naging isang masunuring anak si Hesus kila Maria at Jose (2, 51). Makikita dito ang kababaang-loob ni Hesus. Kahit na Siya'y Diyos, ginalang pa rin Niya ang Kanyang mga magulang dito. Sina Maria at Jose ay Kanyang pinakitaan ng pagmamahal at paggalang. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos na lubusang ginagalang at sinasamba ng lahat ng tao dito sa daigdig nang buong puso't kaluluwa ay nagkaroon ng mga magulang na Kanyang ginalang at minahal - sina Maria at Jose. 

Bakit nga ba ipinasiya ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo na dumating sa daigdig sa isang payak na pamamaraan? Bakit ipinasiya ng Panginoon na tanggapin at yakapin ang ating pagkatao? Dahil nais Niyang mapabilang tayo sa Kanyang pamilya. Ito ang itinuturo ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa na hango sa ikatlong kabanata ng kanyang unang sulat. Sabi nga niya sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay itinuturing ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Kaya nga, ang Panginoong Hesus ay ipinagkaloob sa atin ng Ama upang ihayag sa ating lahat ang katotohanang ito. Kung paanong ipinagkaloob si Samuel kay Ana sa Unang Pagbasa, gayon din naman, ipinagkaloob sa atin si Kristo Hesus upang tayong lahat ay maligtas mula sa kadiliman at kasalanan at mamuhay nang malaya bilang mga anak ng Diyos. 

Ang Diyos ay nagpakilala sa ating lahat bilang ating kapamilya. Ito ang nais Niyang ipabatid sa atin. Siya ay ating kapamilya. Mayroon tayong Diyos na pamilya ang turing sa atin. Kaya Siya dumating sa lupa sa pamamagitan ni Hesus. Nais Niyang makilala natin Siya bilang ating kapamilya. Nais Niyang malaman natin na tayong lahat ay itinuturing Niyang kapamilya. Nais ng Diyos na madama natin ang Kanyang pagmamahal sa lahat ng mga itinuturing Niyang kapamilya. At ang lahat ng mga itinuturing ng Panginoon bilang Kanyang kapamilya ay makakaranas ng tunay na kaligayahan at kapayapaan. At ang kaligayahan at kapayapaang mula sa Panginoon ay hindi matutumbasan ng sanlibutan. 

Ito ang aral na itinuturo sa atin. Ang Diyos ay kapamilya natin. Mapalad tayong lahat sapagkat itinuturing ng Diyos ang bawat isa sa atin bilang Kanyang mga anak. Ang bawat isa sa atin ay Kanyang kinakalinga at minamahal. Tayong lahat ay lubos Niyang pinahahalagahan at minamahal. Ganyan tayo kamahal ng Panginoon. Lahat tayo ay itinuturing Niyang mga kapamilya. 

DUMATING ANG LIWANAG

29 Disyembre 2018 
Ikalimang Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35 


Ipinapakilala ang Panginoong Hesukristo sa mga Pagbasa bilang kaliwanagan. Si Kristo ang tunay na liwanag. Sa Kanya nagmumula ang tunay na kaliwanagan. Siya ay naghatid ng kaliwanagan sa bawat isa noong Siya'y dumating bilang Mesiyas. Sa pamamagitan ng liwanag ni Kristo Hesus, ang kadiliman ay napawi. Iyan ang katotohanang nais pagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. 

Sa Unang Pagbasa, muling itinuro ni Apostol San Juan kung paanong maging mga tunay na kapanig ni Kristo. Sabi nga niya sa gitna ng Pagbasa na hindi bago ang kanyang itnuturo (2, 7). Paulit-ulit siya sa kanyang itinuturo. Binigyang-diin ni Apostol San Juan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ng Panginoon. Kung ninanais ng bawat isa na pumanig sa Panginoon, kinakailangan nilang sundin ang Kanyang mga utos. Ito ang makapagpapatunay na pumapanig tayo sa Kanya. Ang mga pumapanig sa Kanya ay namumuhay sa Kanyang kaliwanagan. Ang mga nasa panig ng Panginoon ay nasa panig ng kaliwanagan. Ang Panginoon mismo ang liwanag na pinapanigan ng lahat ng mga sumusunod sa Kanyang mga utos. 

May mga salitang ginamit si Simeon sa kanyang pahayag na itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para ipakilala ang Panginoong Hesus. Ang Panginoong Hesus ay ipinakilala ni Simeon bilang liwanag na tumatanglaw sa mga Hentil at magbibigay-karangalan sa Israel (2, 37). Nagniningning sa buong kapaligiran ang liwanag ni Hesus. Ang liwanag ni Hesus ay makikita ng lahat mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ang liwanag ni Hesus ang papawi sa dilim. Ang kadilimang laganap sa kapaligiran ay pinawi ng liwanag ni Hesus. Si Hesus ang maningning na liwanag na pumapawi sa dilim. Ang maningning na liwanag na si Hesus na pumapawi sa dilim ay nakikita ng lahat ng mga tao nasaan man sila. Hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ng kapangyarihan ng kadiliman ang kapangyarihan ng Panginoong Hesukristo, ang kaliwanagang tumatanglaw at nagniningning sa lahat ng dako. 

Ang Panginoong Hesus ay dumating sa daigdig upang palaganapin ang Kanyang liwanag. Ang Kanyang liwanag ang pumapawi sa kadiliman. Tinatawag Niya ang bawat isa na mamuhay sa Kanyang kaliwanagan. Siya ay pumarito upang palayain ang lahat ng tao mula sa kadiliman. Ang lahat ng tao'y binibigyan ng pagkakataong mamuhay sa Kanyang maningning na liwanag na pumapawi sa dilim. 

Huwebes, Disyembre 27, 2018

MISYON NG MGA NASA PANIG NG PANGINOON

28 Disyembre 2018 
Kapistahan ng mga Banal na Sangol na Walang Kamalayan, mga martir 
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18 


Isang malagim na pangyayari ang isinalaysay ni San Mateo sa Ebanghelyo. Ang kaganapan ito ay puno ng dugo, ng karahasan, ng kadiliman. Isa itong madilim sa sandali sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Iniutos ni Haring Herodes na paslangin ang lahat ng mga sanggol na lalaki sa Betlehem. Maraming mga sanggol na lalaki na dalawang taong gulang pababa ang pinatay ng mga tauhan ni Herodes. Sa kanyang pagkauhaw at pagkasakim sa kapangyarihan, ipinapaslang niya ang lahat ng mga lalaking sanggol para lamang manatiling hari. 

Walang awang pinaslang ang mga lalaking sanggol na walang malay sa bayan ng Betlehem. Silang lahat ay mga biktima ng karahasan. Wala naman silang nagawa laban kay Herodes. Natakot lamang si Haring Herodes sa katuparan ng propesiya sa Lumang Tipan. Nais niyang magpakasarap sa kanyang posisyon. Balak niyang manatili sa kapangyarihan habambuhay. Para sa kanya, ang Banal na Sanggol na si Hesus ay sagabal sa kanyang plano. Sagabal ang Panginoong Hesus sa kanyang ambisyong manatiling hari. Kaya, ipinasiya ni Haring Herodes na utusan ang kanyang mga kawal na patayin ang lahat ng mga sanggol na lalaking dalawang taong gulang pababa para lamang matiyak na mawala na ang sagabal na si Kristo. 

Sa pamamagitan ng ginawa ni Haring Herodes, lumaganap ang kadiliman. Sabi nga ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa na ang kadiliman ay hindi nagmumula sa Diyos. Ang ginawa ni Haring Herodes sa mga inosenteng sanggol na lalaki ay isang halimbawa ng pagsuway sa kalooban ng Diyos. Taliwas sa kalooban ng Diyos ang ginawa ni Haring Herodes. Kadiliman ang kanyang ipinalaganap. Ginamit niya ang kanyang kapangyarihan upang mang-api ng mga inosente. At ang pang-aapi ng inosente ay nagpapalaganap ng kadiliman. Subalit, ang Diyos ay nagpapalaganap ng kaliwanagan at kabutihan. Hindi ginamit ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan para mang-api ng tao. Bagkus, ginamit ng Diyos ang Kanyang kapangyarihang hindi mapapantayan o mahihigitan upang iligtas ang lahat ng tao. 

Tinatanong ang bawat isa sa atin ng mga Pagbasa kung nais ba nating pumanig sa Diyos. Kung talagang gusto nating maging mga tunay na kapanig ng Panginoon, ipalaganap natin ang Kanyang kaliwanagan at kabutihan. Huwag nating abusuhin o apihin ang kapwa, lalo na ang mga inosente't mahihina. Kung aapihin natin ang kapwa nating mahihina't inosente, hindi tayo magiging kapanig ng Diyos. Iyan ay labag sa kalooban ng Panginoon. Kung gagawin natin iyan, kadiliman ang ating ipinapalaganap at inihahatid sa kanila. Hindi iyan ang misyon ng lahat ng nasa panig ng Panginoon. Ang misyon ng mga nasa panig ng Panginoon ay ipalaganap ang kapayapaan at kaliwanagang nagmumula sa Kanya. 

Kung nais nating maging kapanig ng Panginoon, tatanggapin at tutuparin natin ang misyong ibinigay Niya sa atin. 

Miyerkules, Disyembre 26, 2018

APOSTOL NA NAG-AANYAYA

27 Disyembre 2018 
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita 
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8 


Si San Juan Ebanghelista ay isa sa mga hinirang ng Panginoong Hesus upang maging Kanyang alagad. Tulad ng iba pang mga alagad, nakasama niya si Hesus sa loob ng mahabang panahon. Ang kanilang samahan ay tumagal nang mahaba mula noong sila'y piliin at hirangin ni Hesus. Habang nagkasama sila ng Panginoong Hesukristo sa loob ng mahabang panahon, naranasan nila ang Kanyang wagas na pagmamahal. Naranasan nila kung paano silang inibig ni Hesus. At silang lahat ay iniatasan ni Hesus na maging Kanyang mga saksi sa lahat ng mga bansa. 

Tampok sa mga Pagbasa ang mga patotoo ni San Juan tungkol sa wagas na pag-ibig ni Kristo na kanyang naranasan noong Siya'y nakasama niya. Kung papansining mabuti ang mga sinulat ni San Juan, iisa lamang ang nais niyang pagtuunan ng pansin - ang pag-ibig ng Panginoon. Paulit-ulit siya sa kanyang mga sulat. Lagi siyang nangangaral tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Halimbawa na lamang ay ang nasasaad sa Unang Pagbasa na hango mula sa pambungad ng kanyang unang sulat. At sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paano siya pumunta sa libingang walang laman kasama ni Apostol San Pedro matapos ang Panginoong Hesukristo ay mabuhay na mag-uli. Tulad ng iba pang mga pagkakataon sa kanyang Ebanghelyo, hindi niya binabanggit ang kanyang pangalan. Bagkus, ang tawag niya sa kanyang sarili ay "ang alagad na minamahal." 

Ano ang layunin ni Apostol San Juan sa tuwing ipinapakilala niya ang kanyang sarili sa kanyang salaysay ng Ebanghelyo bilang "alagad na minamahal ni Hesus"? Minamaliit ba niya ang iba pang mga alagad? Sinasabi ba niyang siya'y higit na dakila kaysa ang ibang mga alagad tulad nina Apostol San Pedro? Hindi. Bagkus, ginawa niya ito upang bigyan ng pagkakataon ang mga magbabasa ng kanyang sinulat na maranasan ang kanyang naranasan. Nais niyang ilagay natin ang ating mga sarili sa kanyang posisyon. 

Inaanyayahan ni Apostol San Juan ang bawat isa na maranasan ang pag-ibig ng Panginoon katulad niya. At ang karanasan na ito ay hindi dapat ilihim. Bagkus, ito'y dapat ibahagi at patotohanan sa lahat. 

TAPAT SA SALITANG NAGKATAWANG-TAO

26 Disyembre 2018 
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Tampok sa Unang Pagbasa ang isang maikling talambuhay ni San Esteban. Si San Esteban ang kauna-unahang martir ng Simbahan. Siya ang unang namatay alang-alang sa pananampalataya. Sa halip na talikdan at tumiwalag sa Simbahan upang mailigtas ang kanyang sarili, pinili niyang mamatay nang buong katapatan bilang isang martir. Ipinasiya niyang maging martir para kay Kristo. Si Kristo ang kanyang pinili kaysa sa kanyang buhay dito sa lupa na pansamantala lamang. Dahil pinili niyang manatiling tapat kay Kristo, siya'y pinatay ng kaniyang mga tagausig. Hindi siya natakot mamatay sa kamay ng kanyang mga tagausig dahil sa kaniyang katapatan kay Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao. Kahit sa harap ng kamatayan, nanatili pa rin siyang tapat sa Salitang nagkatawang-tao. Pumanig pa rin siya sa Salitang nagkatawang-tao na si Kristo Hesus. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Panginoong Hesus sa mga apostol ang kanilang mararanasan sa kanilang buhay bilang Kanyang mga saksi. Itatakwil sila ng marami dahil sa kanilang ipinangangaral. Silang lahat ay hinirang ni Hesus na mangaral tungkol sa Kanya sa lahat. Subalit, hindi magiging madali ang kanilang misyon. Ang bawat isa sa mga apostol ay dadanas ng napakaraming mga pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya at katapatan kay Kristo. Iyan ang naranasan ni San Esteban. Nagtiis siya ng maraming pag-uusig dahil kay Kristo. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, nanatili siyang tapat sa Panginoon. 

Isang ehemplo ng katapatan si San Esteban. Hindi niya tinalikuran si Kristo kahit nasa harap ng matinding pag-uusig. Hindi siya nagdalawang-isip ukol sa kanyang pananampalataya at pananalig kay Kristo. Buong katapatan siyang nanatiling tapat sa kanyang pananampalataya sa Panginoon. Nanalig siya sa Panginoon nang buong katapatan. Pinanindigan niya ang kanyang pananalig at pagpanig sa Panginoon hanggang sa kanyang huling hininga. Tinuturan tayo ni San Esteban na manatiling tapat sa Panginoong Hesukristo sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. 

Lunes, Disyembre 24, 2018

SALITANG NAGDUDULOT NG KALIGTASAN

25 Disyembre 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Araw] 
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14)




Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong ang Diyos ay nagsalita sa paglipas ng panahon. Sa Lumang Tipan, ang Diyos ay naghirang ng mga propeta upang maging tagapaghatid ng Kanyang Salita. Sa pamamagitan ng mga propeta, ang Diyos ay nagsalita sa lahat. Naihatid Niya ang Kanyang Salita sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng mga propeta. Subalit, sa pagsapit ng kapanahunan ng Bagong Tipan, ang pamamaraang ginamit ng Diyos sa paghahatid ng Kanyang Salita ay nagbago. Sa pamamagitan mismo ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ipinarating ng Diyos ang Kanyang Salita sa lahat. 

Ang Panginoong Hesus ay ipinakilala ni San Juan sa simula ng kanyang Ebanghelyo bilang Salitang nagkatawang-tao. Ang Panginoong Hesukristo ang Salita ng Diyos na naging tao at namuhay kapiling ng lahat ng tao. Siya ang Salitang magdudulot ng kaligtasan sa lahat. Sa pamamagitan Niya, mahahayag ang pagliligtas ng Diyos, tulad ng inilarawan ni propeta Isaias sa kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Ang Salita, na kasama ng Diyos sa simula pa lamang at Diyos rin, ay nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. 

Noong gabi ng unang Pasko, dumating ang Salita sa daigdig. Dumating ang Salita bilang isang munting sanggol. Siya'y isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabing yaon. Ang Salita ay dinala ng Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan. Ang sinapupunan ng Mahal na Ina ay naging tahanan Niya sa loob ng siyam na buwan. At nang makumpleto ang siyam na buwang pananahan sa sinapupunan ni Maria, isinilang ang Salita. Iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria ang Salita. Ang Salita na dumating sa daigdig bilang isang sanggol. 

Sa pamamagitan nito'y natupad ang nasasaad sa Salmo, "Ang pangako sa Israel lubos Niyang tinupad." (97, 3ab) Nangako ang Diyos noong unang panahon na darating Siya upang iligtas ang Kanyang bayan. Ang mga propeta sa Lumang Tipan ay nagsalita tungkol sa pangakong binitiwan ng Panginoon. Ipinangako ng Diyos sa Kanyang bayan na darating Siya bilang Mesiyas at Manunubos. Siya ay darating upang tubusin ang Kanyang bayan. At nang dumating ang panahong itinakda, ang pangakong ito ay tinupad ng Diyos sa pamamagitan ng pagsilang ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesukristo. 

Ang Salita ay nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Inang si Maria noong gabi ng unang Pasko upang tayo'y tubusin. Sa pamamagitan Niya, nahayag ang dakilang plano ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao. Nahayag ang katuparan ng ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan. At sa pamamagitan ng Salita, ang Diyos ay nakapanayam at nakasama ng mga tao. Ang Panginoon ay lumapit sa tao sa pamamagitan ng Salita. Si Hesus ang Salitang kasama na ng Diyos sa simula pa lamang at Diyos rin katulad Niya. Iniwanan Niya ang kaluwalhatian ng langit at naging isang sanggol noong unang Pasko alang-alang sa ating lahat. 

Iyan ang misteryong ating ginugunita tuwing sasapit ang Pasko. Ang Salita ng Diyos na si Hesus ay naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayong lahat ay iligtas. Ang ating pagkatao, lalo na ang pagka-sanggol natin sa simula ng ating buhay dito sa lupa, ay Kanyang niyakap at tinanggap nang buong-buo. Sa pamamagitan nito'y nahayag ang Kanyang pagmamahal para sa atin. 

KAPAYAPAAN ANG KANYANG HATID

25 Disyembre 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Hatinggabi] 
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 



Sa Kanyang unang pagdating dito sa daigdig bilang isang munting sanggol, may dinala ang Panginoong Hesus sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang, si Hesus ay naghatid ng kapayapaan sa lahat. Siya'y dumating hindi upang maghasik ng lagim at takot. Bagkus, Siya'y dumating bilang isang sanggol noong unang Pasko upang maghatid ng kapayapaan sa lahat. Iyan ang Kanyang regalo sa bawat isa sa atin - kapayapaan. 

Ito ang paksang pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Ang Panginoong Hesukristo ay ipinakilala ni propeta Isaias sa kanyang propesiya tungkol sa Kanya sa Unang Pagbasa bilang Prinsipe ng Kapayapaan. Sa Kanya magmumula ang kapayapaan. Kapayapaan ang Kanyang hatid sa lahat ng Kanyang pinaghaharian. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin sa Ebanghelyo noong isinalaysay ang pagdalaw ng anghel sa mga pastol upang ibalita sa kanila na si Kristo ay isinilang na. Ang mga pastol ay sinabihan ng anghel na huwag matakot. Sa mga salitang ito, inilarawan ng anghel ang kaloob ng Panginoon sa bawat isa. Hindi Siya dumating para manakot. Ang pakay ng Panginoon ay maghatid ng kapayapaan sa lahat. Kapayapaan ang nais Niyang ipalaganap sa lahat. 

Bakit ipinasiya ni Kristo na maghatid ng kapayapaan sa lahat sa gabi ng Kanyang pagsilang? Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit. May nais ipabatid ang Diyos sa lahat ng tao. Nais ng Diyos na mamulat ang bawat isa sa Kanyang kagandahang-loob. Sabi nga ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa, "Inihayag ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao." (2, 11) Iyan ang tunay na dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoon na maghatid ng kapayapaan sa lahat ng tao noong gabi ng unang Pasko. Sa pamamagitan ng pagsilang ni Kristo, inihayag ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob. 

Walang ibang nais ihatid ang Panginoon kundi kapayapaan. Hindi Niya hinangad na maghatid ng anumang bagay na masama. Hindi Niya binalak na maghasik ng takot at kasamaan. Siya ang bukal ng lahat ng kabutihan at kabanalan. Kaya, ang lahat ng Kanyang ibinibigay sa bawat isa ay mabuti at sagrado. Walang masamang bagay na nagmumula sa Kanya. Kahit kailan, hindi nanaisin ng Panginoon na may masamang mangyari sa bawat isa. Labag rin sa Kanyang kalooban na makatanggap ng mga bagay-bagay ang bawat isa na kanilang ikasasama o mag-iimpluwensiya sa kanila na gumawa ng anumang bagay na masama.  

Kaya naman, ang Pasko ay isang panahon ng pagpapasalamat sa Diyos. Ang Diyos ay dapat pasalamatan dahil inihayag at ipinadama Niya ang Kanyang kagandahang-loob sa bawat isa. Ang Diyos ay dapat ring pasalamatan dahil sa kapayapaang hatid Niya sa bawat isa. At ang Kanyang pagdudulot ng kapayapaan sa lahat ng tao ay tanda ng Kanyang kagandahang-loob sa bawat isa. 

Tayong lahat ay mapalad sapagkat mayroon tayong Diyos na naghahatid ng kapayapaan sa lahat. Tayong lahat ay mapalad dahil tunay na nagmamagandang-loob ang Diyos. At ang kagandahang-loob ng Panginoong Diyos ay ating nasaksihan at naramdaman.