Miyerkules, Abril 10, 2019

HANGGANG SA HULI

PAGNINILAY SA IKAPITONG WIKA: 
"Ama, sa mga kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." (Lucas 23, 46) 


Bago malagutan ng hininga, ang Panginoong Hesus ay tumawag muli sa Ama. Ang pagtawag ni Hesus sa Ama ay hindi bago sa Ebanghelyo ni San Lucas. Hindi lang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay kung saang tumawag Siya sa Ama. Ayon sa salaysay sa Ebanghelyo ni San Lucas, may mga pagkakataon sa buhay ni Hesus kung saan Siya'y nakikitang nananalangin sa Ama. Kadalasan, bago ang mga importanteng pangyayari sa salaysay. Ilang halimbawa nito ay ang sandaling Siya'y umahon mula sa tubig ng Ilog Jordan noong Siya'y binyagan, bago Niya piliin ang labindalawang apostol, bago Siya nagbagong-anyo sa bundok, at higit sa lahat, bago Siya dakipin ng mga kawal sa Halamanan ng Hetsemani. 

Hindi ipinagkaila ni Hesus ang Kanyang relasyon sa Ama. Hindi Siya nahiyang ipakita ang pagmamahal Niya sa Ama. Mahal na mahal ni Hesus ang Amang nasa langit. Ang Kanyang pakikipag-usap sa Ama sa pamamagitan ng pananalangin ay nagpapakita ng Kanyang pag-ibig para sa Ama. Nakikipag-usap Siya sa Ama sa bawat oras. Naglalaan Siya ng oras upang makipag-usap sa Ama. Kadalasan itong ginagawa ng Panginoong Hesus nang mag-isa. 

Ipinakita ni Hesus sa mga sandaling Siya'y natagpuang nananalangin nang mag-isa na lagi Siyang handang makinig sa Ama. Sa bawat sandaling kinakausap Niya ang Ama sa pamamagitan ng pananalangin, pinakikinggan Niya ang tinig ng Ama. Ang panalangin ay hindi lamang pagkakataon para kay Hesus na magsalita sa Ama kundi na rin para pakinggan ang Ama. Ipinapakita ni Hesus sa pamamagitan nito ang Kanyang ugnayan sa Ama. Silang dalawa ng Ama ay iisa, tulad ng Kanyang sinabi sa Ebanghelyo ni San Juan (10, 30). 

Walang sandali sa buhay ni Hesus kung saan binalak Niyang suwayin ang kalooban ng Ama. Kahit noong Siya'y natatakot at nagdurusa sa Halamanan ng Hetsemani, hindi Niya binalak suwayin ang kalooban ng Ama. Bagkus, tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. Sa kabila ng matinding takot at hapis na nadama dahil sa malagim na kamatayang naghihintay sa Kanya, ipinasiya ni Hesus na tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama. Sabi nga Niya sa Kanyang panalangin sa Halamanan, "Huwag ang kalooban Ko kundi ang kalooban Mo ang masunod" (Lucas 22, 40). 

Kaya naman, bago Siya malagutan ng hininga, ang mga salitang ito'y namutawi mula sa mga labi ni Kristo Hesus: "Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu" (23, 46). Inihayag ni Hesus sa pinakahuling wika na Kanyang namutawi bago mamatay na nananatili Siyang tapat hanggang kamatayan. Ang bawat hirap, sakit, at pagdurusang kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas, ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama, ay Kanyang tiniis bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. 

Alam naman ng Panginoong Hesus kung ano ang magiging kapalit ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Alam Niya kung gaano katindi ang sakit idudulot sa Kanyang pangangatawan at damdamin ng pagtalima sa kalooban ng Ama. Bago pa man mangyari ang lahat ng iyon, alam na Niya ang sakit. Nailalarawan na ni Hesus sa Kanyang isipan ang sakit at pighati dulot ng pagtanggap at pagsunod sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan. 

Maaari sana Siyang gumawa ng kompromiso sa Ama. Maaari na lang sana Niyang hilingin sa Ama na gumawa na lang ng ibang plano. Kung nagkagayon, hindi na kakailanganin ni Hesus na tiisin ang lahat ng iyon. Hindi biro ang sakit na dinanas ni Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Hindi nga sapat ang mga salita upang ilarawan kung gaano kasakit para kay Hesus na tiisin ang lahat ng iyon. 

Subalit, hindi nakipagkompromiso si Hesus. Ang kalooban ng Ama ay Kanyang tinanggap at sinunod. Kahit mas maigi pang gumawa ng ibang paraan upang iligtas ang sangkatauhan na hindi kailangang pagdaanan ni Kristo ang lahat ng iyon, ang orihinal na plano ay tinanggap at sinunod ni Kristo. Ipinasiya ni Kristo na manatiling masunurin hanggang sa Kanyang huling hininga. Kahit napakasakit ang kinailangan Niyang pagdaanan, tinanggap pa rin Niya ang lahat ng iyon. Ang lahat ng sakit na kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas ay tinanggap ni Hesus. 

Itinuturo sa atin ni Hesus sa Kanyang ikapitong wika, ang Kanyang pinakahuling wika mula sa krus, kung paanong sumunod sa kalooban ng Ama, gaano mang kahirap gawin ito. Alam ni Hesus na napakahirap sumunod sa kalooban ng Ama, lalung-lalo na't maraming mga tukso sa buhay. Nakakatakot rin tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama dahil napakasakit ang magiging kapalit nito. Subalit, nanatiling masunurin si Hesus sa Ama hanggang sa malagutan ng Kanyang hininga. Ang aral na ipinapaabot sa atin ni Hesus sa wikang ito, bago Siya malagutan ng hininga, tularan ang Kanyang halimbawa. Tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama hanggang sa huling sandali ng ating buhay, gaano mang kahirap ito gawin, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon. 

Hinihimok ni Hesus na maging tapat at masunurin sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan. Turo ni Hesus sa atin na ang Diyos ay ang ating Ama. Bilang mga anak ng Diyos at mga kapatid ni Kristo, tanggapin natin at sundin ang kalooban ng Ama. Sikapin nating tularan ang halimbawang ipinakita sa atin ng Panginoong Hesus, ang ating Kapatid at Tagapagligtas. Manatili tayong tapat sa Ama hanggang sa huling sandali ng ating buhay dito sa lupa tulad ni Hesus. 

Martes, Abril 9, 2019

MENSAHE PARA SA ATING LAHAT

PAGNINILAY SA IKAANIM NA WIKA: 
"Naganap na!" (Juan 19, 30) 


Hanggang sa pinakahuling sandali ng Kanyang buhay dito sa lupa, walang ibang inisip ang Panginoong Hesus kundi ang bawat isa sa atin. Tayong lahat ang laman ng Kanyang puso't isipan sa bawat sandali ng Kanyang buhay dito sa lupa. Walang sandaling lumipas na hindi Niya inisip ang ating kapakanan. Bago pa man Niya tiniis ang matinding hirap at pagdurusa hanggang sa Siya'y mamatay sa krus, ang bawat isa sa atin ay Kanyang inisip. At kahit nakabayubay sa krus, tayo pa rin ang laman ng Kanyang puso't isipan. 

Kaya naman, ang wikang ito ay isang mensahe para sa atin. "Naganap na!" Naganap na ang ipinangako ng Diyos sa Matandang Tipan. Ang ipinangakong pagtubos ng Diyos ay naganap na sa pamamagitan ni Kristo. Si Kristo ay dumating sa daigdig bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. Ang Kanyang misyon bilang Mesiyas ay tinanggap at tinupad Niya. Kahit batid Niyang marami Siyang titiising sakit dahil sa Kanyang misyon, ipinasiya pa rin Niyang ganapin ito. Hinayaan Niyang maganap ang ipinangakong pagtubos ng Diyos sa pamamagitan Niya. 

Ang mga katagang ito na namutawi mula sa mga labi ni Hesus ang nagpatunay na tayong lahat ay Kanyang iniisip hanggang sa kahuli-hulihan. Tayong lahat ang laman ng Kanyang puso't isipan. Ipinakita Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga ginawa, lalung-lalo na sa ginawang paghahain ng sarili sa Kalbaryo, na wala Siyang ibang inisip kundi ang bawat isa sa atin. Tayo naman kasi ang natatanging dahilan kung bakit ipinasiya Niyang pagdaanan ang lahat ng pagdurusang ito sa mga huling sandali ng Kanyang buhay.  

Kung tutuusin, hindi naman kinailangang gawin ng Diyos ang iligtas tayo. Hindi naman Niya kinailangang bumaba mula sa lupa para sa ating kaligtasan. Maaari na lamang Siya magpakasarap at manatili sa langit. Noong nagkasala ang una nating magulang na sina Eba't Adan laban sa Diyos, maaari na lang pinabayaan ng Diyos ang sangkatauhan. May karapatan namang pabayaan ng Diyos ang tao dahil sa pagsuway nila sa Kanya. Sina Eba't Adan nga, kinain ang pinagbabawal na bunga, kahit na labag ito sa utos ng Diyos. Ano pa ba ang kayang gawin ng mga susunod na henerasyon? Para bang wala nang saysay umasa pa. 

Bakit ipinasiya ng Diyos na tayo'y iligtas? Dahil sa Kanyang pag-ibig. Sa kabila ng mga kasalanang nagawa ng sangkatauhan, mahal pa rin tayo ng Diyos. Kahit patuloy tayong gumawa ng kasalanan laban sa Diyos, mahal pa rin Niya tayo. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at maging tao katulad natin, liban sa kasalanan, sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ni Kristo, iniligtas ng Diyos ang lahat mula sa iba't ibang bansa, kultura, at henerasyon. 

Tayong lahat ay hindi karapat-dapat maranasan at makinabang sa biyaya at pag-ibig ng Panginoon. Lagi tayong nagkakasala laban sa Kanya; lagi nating sinusuway ang Kanyang kalooban. Kahit ano pang paglaban sa tukso na gawin natin, sadyang may mga pagkakataon sa buhay natin kung saan bumibigay tayo sa pang-aakit ng tukso. Kahit alam nating mali ang mga iyon, kahit alam nating labag ito sa kalooban ng Diyos, bumibigay tayo kadalasan. Walang sinuman sa atin ang makakapagsabing sinunod natin sa lahat ng oras ang kalooban ng Diyos. Kasinungalingan iyan. May mga pagkakataong sumusuway tayo sa Diyos. Batid nating lahat ang katotohanang iyan. Batid ng Diyos na hindi tayo perpekto at sumusuway din sa Kanya. 

Subalit, sa kabila nito, hindi nawala o nabawasan man lamang ang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat. Lagi tayong minamahal ng Panginoon. Lumipas man ang panahon, nadagdagan man ang mga kasalanang ginawa ng bawat, patuloy tayong iniibig ng Diyos nang buong katapatan. Nananatiling tapat at mapagmahal sa atin ang Diyos. Walang sandaling hindi tayo inibig ng Diyos. 

Ang paghahain ng sarili ng Panginoong Hesukristo sa krus ang katibayan ng pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat. Ipinasiya ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na pagdaanan at tiisin ang lahat ng pagdurusa hanggang kamatayan alang-alang sa ating lahat. Pinatunayan Niya sa pamamagitan ni Kristo na tayong lahat ay lagi Niyang iniisip. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at pagdurusa, gaano mang kasakit ito para sa Kanya, para lamang sa ating lahat. 

Batid ng Diyos ang tindi ng sakit na Kanyang pagdadaanan kapag ipinasiya Niyang tubusin ang sangkatauhan. Alam Niyang magdudulot lamang ng matinding sakit at hirap para sa Kanya ang pagtubos sa sangkatauhan. Hindi naman Niya kailangang gawin iyon para sa ating lahat. Sino ba naman tayo upang ang Diyos ay pakitaan ng Kanyang dakilang pag-ibig? Pero, hindi ito tanong tungkol sa anumang kailangang gawin. Ito ay tungkol sa kung ano ang gustong gawin. Ninais ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao. Kaya, ipinasiya Niyang tiisin at pagdaanan ang lahat ng iyon. 

Pinatunayan ng Diyos na hindi Siya pusong bato. Nasasaktan at nagagalit Siya, pero hindi ito nangangahulugang magiging pusong bato ang Diyos. Kahit kailan, kahit minsan, hindi naging pusong bato ang Diyos. Bagkus, ang Puso ng Diyos ay puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa bawat isa. Ang puso't loobin ng Diyos ay hindi malamig o matigas.  Kung mayroong mga taong nagiging pusong bato, ang Diyos ay hindi nagiging pusong bato. Anuman ang mga kasalanang gawin ng bawat tao sa daigdig, hindi magiging pusong bato ang Puso ng Diyos. Ang Puso ng Diyos ay puno ng katapatan at pag-ibig para sa lahat. 

Ipinakita ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang paghahain ng sarili sa krus na ang Diyos ay hindi pusong bato. Kung ang Diyos ay may pusong bato, hahayaan lang ba Niyang mamatay ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus para lamang sa kaligtasan ng sangkatauhan? Hindi. Kung ang Puso ng Diyos ay isang pusong bato, hindi Niya papansinin ang tao. Magpapakasarap na lamang Siya sa langit. Papabayaan na lamang Niya mapahamak ang sangkatauhan. Pero, hindi Niya iyon ginawa. Bagkus, ang Kanyang Bugtong na Anak na Siya ring Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo ay Kanyang ipinadala sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Dugo. 

Ang ikaanim na wika ng Panginoong Hesukristo habang nakabayubay sa krus ay isang napakahalagang mensahe para sa ating lahat. Ang mensaheng nais ipaabot ng Panginoong Hesus sa ating lahat sa wikang ito - hindi Siya pusong bato. Bagkus, ang Kanyang Puso'y puspos ng pag-ibig at katapatan para sa ating lahat. Patuloy Niya tayong iniibig nang buong katapatan sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Nais Niya tayong makasama sa langit balang araw. Kaya Siya bumaba sa lupa upang maging ating Tagapagligtas. Kaya Niya tayong iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang Kabanal-banalang Dugo. 

HUGOT NG "NAUUHAW"

PAGNINILAY SA IKALIMANG WIKA: 
"Nauuhaw Ako!" (Juan 19, 28) 


May dalawang babae na matalik na magkaibigan. Parehas silang nagtatrabaho para sa isang kumpanya. Isang araw, nagpasiyang lumabas ang isa sa kanila upang bumili ng pagkain sa isa sa mga tindahang malapit sa kanilang opisina. Bago umalis, tinanong ng babaeng ito ang kanyang kaibigan kung ano ang gusto niyang ipabiling pagkain. Ang sagot ng kaibigang ito, "Yung pagkaing mabubusog ako... sa pagmamahal!" Nang marinig ito mula sa kanyang kaibigan, tinanong na lamang ng babae kung anong gusto niyang inumin upang may mabili siya para sa kanyang kaibigan. Sumagot na naman yung kaibigan, "Matagal na 'kong uhaw sa pag-ibig. Tapos itatanong mo pa ngayon?" Nang marinig ito, tinanong na lamang ng babae ang kanyang kaibigan kung may gusto siyang i-meryenda. Sumagot uli ang kaibigang ito, "Bakit? Kaya mo bang bilhin yung gusto ko? Ayaw nga sa akin yung gusto ko, eh!" Dahil ubos na ang pasensya ng babae, sinabi na lamang niya sa kanyang kaibigan, "Eh kasi yung gusto mo, hindi naman available! Puro ka hugot, eh!" Saka umalis ang babae. Pero, nang paalis na ang babaeng ito, sinabi niya na gusto niya ng cheeseburger, fries, at ketchup. 

Ang maikling kuwentong ito ay hango mula sa isang bidyo sa YouTube na nailathala ng isang kilalang istasyon ng radyo. Dalawang babae na nagtatrabaho bilang mga DJ sa nasabing istasyon ang gumanap sa dalawang magkaibigan. Inilalarawan nito kung paanong iniuugnay ng karamihan, lalung-lalo na ng mga kabataan, ang pag-ibig sa ibang mga paksa. Tulad na lamang sa maikling kuwentong iyon. Kahit na tungkol sa pagkain at inumin ang katanungan, tungkol sa buhay pag-ibig ang sagot. Lahat na lamang ay kinokonekta sa pag-ibig. Ang tawag sa mga linyang ito ay mga "hugot." May pinaghuhugutan ang karamihan ng mga kabataan sa panahon ngayon. Halos lahat na lamang ng bagay na kanilang makita ay magpapaalala sa kanila tungkol sa pag-ibig. Hindi lamang mga kabataan ang humuhugot. Kahit na sino ang maaaring magbitaw ng mga hugot. 

Inilalabas ng mga bumabanat ng mga hugot ang kanilang mga saloobin. Ang kanilang mga nararamdaman dahil sa kanilang mga karanasan ay nasasalamin sa mga hugot. Kaya naman, kapag may bumanat ng hugot, iisipin agad ng karamihan sa paligid nila na mayroon silang naaalala. Naaalala ang mga sakit at problema sa buhay pag-ibig. Mga masasamang alaala dulot ng paghihiwalay. 

Kadalasan ring inaaasar ang mga bumabanat ng mga hugot. Para sa karamihan, nakakatawa kasing pakinggan. Lalo na kung kilala ang taong iyon bilang isang taong sawi sa pag-ibig. Tatawagin silang mga inggit o mga ampalaya. Halos lahat na lang kasi ng kanilang nakikita o naririnig ay nagpapaalala sa kanila sa mga alaala ng kanilang nakaraan sa buhay pag-ibig. 

Maituturing na isang hugot ang ikalimang wika ng Panginoong Hesukristo habang nakabayubay sa krus. Kahit na labis Siyang nanghina at nasaktan sa mga sandaling iyon, nakuha pa ng Panginoong Hesus na bumanat ng isang hugot. Kung tutuusin, bago pa man nauso ang mga hugot na binabasa at napapakinggan ng karamihan sa panahon ngayon, bumanat ng hugot si Hesus. "Nauuhaw Ako!" Kung ito'y sinabi sa kasalukuyang panahon, hihintayin muna ng karamihan ang magiging kasunod nito. Mukhang may kulang kasi. Hindi sapat ang mga salitang "Nauuhaw Ako!" Kasi, iisipin ng karamihan na baka hindi tubig o anumang inumin ang tinutukoy. 

Kapansin-pansin sa wikang ito ang hindi pag-ubos ng Panginoong Hesus sa sukang inalok sa Kanya. Kahit na namutawi mula sa Kanyang mga labi ang mga salitang "Nauuhaw Ako," hindi Niya ininom o inubos ang suka. Sinipsip lamang Niya ito, pero hindi Niya tinuloy ang pag-inom nito. Para bang tahimik na sinasabi ni Hesus sa nag-abot ng suka sa Kanya gamit ang sanga ng isopo na hindi naman iyan ang kinauuhawan Niya. Hindi pisikal na uhaw ang Kanyang tinutukoy. Ibang pagka-uhaw ang tinutukoy ni Kristo. 

Siguro, mas lalong maiintindihan at mararamdaman ng karamihan sa panahon ngayon ang emosyon ng Panginoong Hesus. Bukod sa ikaapat na wikang namutawi mula sa Kanyang mga labi habang nakabayubay sa krus, nakita sa ikalimang wikang ito ang pagka-emosyonal ni Hesus. Halos lahat kasi ng mga tao sa kasalukuyang panahon ay emosyonal, kung tutuusin. Lahat na lang ng kanilang mga emosyon ay kanilang ipinapakita. May ilan na inililihim ito sa iba. Makikita ng mga tao sa wikang ito kung gaano ka-emosyonal ang Panginoon. Tulad nating lahat, may mga emosyon din ang Diyos. Ipinakita Niya ito sa pamamagitan ni Kristo. 

Layunin ng mga hugot ang ilabas ang emosyon ng bawat isa. Inilalabas sa mga hugot ang pagka-uhaw ng karamihan para sa pagmamahal. Uhaw sila sa pag-ibig. Uhaw sila sa matamis na "oo" ng kanilang sinisinta. Hinahangad at inaaasam-asam nilang makapiling at magkatuluyan ng kanilang sinisinta. Iyan ang tanging hiling at dasal ng karamihan, lalung-lalo na ang mga kabataan, sa panahon ngayon. Sino nga ba naman ang hindi sasaya kapag nakasama't nakatuluyan niya ang nilalaman ng kanilang mga puso? 

Inilabas ng Panginoong Hesus ang Kanyang mga emosyon sa wikang ito. Inihayag ni Kristo ang Kanyang nararamdaman para sa atin. Hangad Niyang makasama sa langit ang bawat isa sa atin. Hangad ni Hesus na matanggap natin ang Kanyang pag-ibig na patuloy Niyang ibinibigay sa atin hanggang sa kasalukuyang panahon. Hangad ng Panginoon na lalo tayong mapalapit sa Kanya. 

Sa wikang ito, inilabas ni Hesus ang Kanyang mga emosyon. Tayong lahat ay kinauuhawan Niya. Uhaw Siya para sa ating pagtanggap at pag-ibig. Tatanggapin at mamahalin ba natin si Hesus nang buong-buo? Papawiin ba natin ang Kanyang pagka-uhaw para sa atin? 

Lunes, Abril 8, 2019

TINIIS ANG LAHAT NG SAKIT DAHIL SA PAG-IBIG

PAGNINILAY SA IKAAPAT NA WIKA: 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34)



Labis ang sakit na tiniis at dinanas ng Panginoong Hesukristo sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Maraming sugat Siyang natamo mula sa paghagupit sa Kanya sa haliging bato. Lalo pang nabawasan ang Dugo mula sa Kanyang Katawan noong Siya'y putungan ng koronang tinik. Labis na nasaktan ang Kanyang balikat dahil sa bigat ng krus na pinasan Niya patungong Kalbaryo. At ang mga pako ay nagdulot ng matinding sakit sa Kanyang mga Kamay at Paa. Marami nang sakit ang dinanas ni Hesus sa Kanyang pangangatawan. Katawan pa lamang iyan. 

Hindi lamang pisikal ang sakit na dinanas ng Panginoong Hesus. Hindi lamang ang Kanyang Katawan ang labis na nasaktan. Nasaktan rin ang damdamin ni Hesus. Ang Puso ni Hesus ay labis na sinugatan. Nasaktan Siya nang labis-labis dahil sa mga pangungutya ng Kanyang mga kaaway. Ang paglilibak ng Kanyang mga kaaway habang Siya'y nakapako sa krus na walang kalaban-laban ay nagdulot ng malaking sugat sa Kanyang Puso. Bago pa man Siya sinibat ng isa sa mga kawal nang Siya'y malagutan ng hininga, nasugatan na ang Puso ni Hesus. Gaano kasakit ang sugat na ito? Maihahalintulad ito sa paghiwa ng balaraw. Hindi nawawala agad ang sakit nito. Habang tumatagal, lalong sumasakit. Patuloy na hinihiwa ng balaraw na iyon ang Kanyang Kabanal-banalang Puso.

Ang emosyonal na sakit na naramdaman ni Hesus sa mga sandaling iyon ay hindi lamang nagmula sa mga paglilibak na ginawa ng Kanyang mga kaaway. Lalo Siyang nasaktan sa ginawa ng mga itinuring Niyang kaibigan. Halimbawa na lamang ang ginawa ng nagkanulo sa Kanya na si Hudas Iskariote. Ipinagpalit ni Hudas si Hesus sa tatlumpung piraso ng pilak na inalok sa kanya ng mga Pariseo't matatanda ng bayan. Ang tatlong taong pagsasama at pagkakaibgan ay ibinasura na lamang ni Hudas para lamang sa sariling interes. Binalewala niya ang samahan nila ni Hesus dahil lamang sa salapi. Si Apostol San Pedro, tatlong ulit niyang ipinagkaila ang Panginoong Hesukristo. Malakas niyang ipinangako kay Hesus na handa siyang ipagtanggol at samahan ang Panginoon. Subalit, nang tanungin kung siya nga'y isa sa mga kasama ni Hesus, ipinagkaila niya ito nang tatlong ulit dahil sa kaduwagan. Ang iba pang mga apostol, maliban na lamang kay Apostol San Juan, ay agad na tumakas nang dakipin si Hesus sa Halamanan. Ang mga sumalubong at nagbigay-pugay sa Kanya noong Siya'y pumasok sa Herusalem, karamihan sa kanila ay bigla na lamang sumigaw ng "Ipako sa krus" noong Siya'y hinarap ni Poncio Pilato. 

Kaawa-awa ang kalagayan ni Hesus sa mga sandaling iyon. Wala Siyang kalaban-laban. Mahinang-mahina Siya sa mga sandaling iyon. Katunayan, naghihingalo Siya sa mga oras na iyon. Labis na ngang nasaktan ang Kanyang Katawan. Dumagdag pa ang emosyonal na sakit sa puso at damdamin. Bigla na lamang Siya tinalikuran ng lahat ng mga nagmamahal sa Kanya, maliban na lamang kina Apostol San Juan, sa Mahal na Birheng Maria, Santa Maria Magdalena, at iba pang mga kababaihan sa paanan ng krus. Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan kung gaano nasaktan si Hesus. Inibig ni Hesus ang lahat ng mga taong iyon. Tapos, karamihan sa kanila ay umalis sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. 

Batid ng Panginoong Hesus na mangyayari ang lahat ng iyon. Bago pa man mangyari ang lahat ng iyan, alam ni Hesus kung ano ang mangyayari. Subalit, kahit alam na ni Hesus kung anong mangyayari sa Kanya, hindi Siya naging ligtas sa sakit dulot ng mga ito. Bukod sa pinakahalatang sakit na Kanyang naramdaman sa mga sandaling iyon, ang sakit sa pangangatawan, nakaramdam Siya ng sakit sa kaloob-looban Niya. Ang mga huling sandali ng buhay ni Hesus ay napuno ng sakit. Alam ni Hesus na napakatindi ang sakit na Kanyang dadanasin sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Alam Niyang labis Siyang masasaktan. 

Ang wikang ito ng Panginoong Hesukristo mula sa krus ay ang mga unang kataga ng Salmo 22. "Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" Isang mahabang panalangin ang Salmong ito. Isinasalungguhit sa Salmong ito ang pananalig sa Diyos sa gitna ng mga kapighatian at kadiliman ng buhay. Isa itong panalangin ng mga taong nagdurusa sa buhay pero nagtitiwala pa rin sa Panginoon. At sa bandang huli ng Salmong ito, ang Diyos ay binigyan ng papuri't pasasalamat ng mang-aawit dahil sa Kanyang ginawa. 

Iyon nga lang, bakit pinili ni Hesus na bigkasin nang malakas ang mga unang kataga ng Salmo 22? Bakit hindi Niya dinasal nang malakas ang buong Salmo? Ano ang nais iparating o ipahiwatig ni Hesus? 

Sa pamamagitan ng pagbigkas sa mga salitang ito, ang mga unang kataga ng Salmo 22, ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagkatao. Hindi lamang Siya tunay na Diyos; tunay rin Siyang tao. Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang ating pagkatao ay kusa Niyang niyakap at tinanggap, maliban sa kasalanan. At nang maging tao, hinayaan ng Diyos na maranasan ang iba't ibang uri ng sakit sa buhay. Hindi lamang ang pisikal na sakit ng pangangatawan ang narasan ng Diyos kundi na rin ang emosyonal na sakit. Sa kabila ng Kanyang pagka-Diyos, hindi naging ligtas mula sa mga sakit na dinanas ng tao sa buhay ang Panginoong Hesus. 

Ipinasiya ng Diyos na tiisin ang lahat ng sakit hatid ng buhay dito sa lupa sa pamamagitan ni Hesus upang ipakita ang Kanyang pag-ibig para sa lahat. Ang lahat ng sakit, pisikal at emosyonal, ay tiniis at dinanas ng Panginoon upang iligtas ang bawat isa sa atin. Tayong lahat ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis ng sakit at pagdurusa sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang pag-aalay ng sarili ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus ang sagisag ng Kanyang pag-ibig sa ating lahat. Ang pag-ibig na nagdulot ng kaligtasan sa lahat. 

Pinahintulutan ng Diyos na maranasan ang iba't ibang mga sakit sa buhay dito sa lupa dahil sa Kanyang pag-ibig. Hindi naman Niya kailangang gawin iyon, kung tutuusin. Subalit, kahit hindi naman Niya kinailangang gawin ito, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito. Isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, upang tayong lahat ay iligtas. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. 

Mapalad tayong lahat sapagkat mayroon tayong Diyos na patuloy na umiibig sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan. Pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili ni Hesus sa Kalbaryo para sa ating kaligtasan. Iyan ang nais ipaalala ng larawan ni Kristong nakapako sa krus. Inalay ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa lahat. Tiniis Niya ang lahat ng sakit, pisikal man o emosyonal, alang-alang sa ating lahat. Ganyan tayo kamahal ng Panginoon. 

Linggo, Abril 7, 2019

NAKAKAPANLIIT ANG KANYANG PAG-IBIG

PAGNINILAY SA IKATLONG WIKA: 
"Ginang, narito ang iyong Anak... Narito ang iyong ina." (Juan 19, 26-27) 





Ipinakita ng Panginoong Hesus sa wikang ito ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Ang Mahal na Birheng Maria at ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan ay ipinagkatiwala ni Hesus sa pangangalaga ng isa't isa. Si Apostol San Juan ang kumatawan sa bawat isa sa atin na bumubuo sa sambayanang Kristiyano noong unang Biyernes Santo. Sa sandaling ibinigay ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria kay Apostol San Juan, tayong lahat ay naging mga anak ni Maria. Mula sa krus, si Maria ay ibinigay sa atin ni Hesus upang maging ating Mahal na Ina. Dahil ang bawat isa sa atin ay naging mga anak ni Maria mula noong oras na iyon, si Hesus ay naging kapatid na rin natin. Kapamilya natin ang Panginoong Hesukristo. 

Tunay ngang nakakapanliit ang ginawang ito ni Hesus para sa atin. Samantalang nakabayubay sa krus, ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Ina. Sa pamamagitan nito, ibinilang Niya ang bawat isa sa atin sa Kanyang pamilya. Ang Kanyang pagbibigay kay Maria sa atin upang maging Ina natin ang tanda ng Kanyang pagtanggap sa atin sa Kanyang pamilya. Nakakapanliit. Nakakamangha. Nakakagulat. 

Halos katulad ng katanungan ni Elisabet noong siya'y dinalaw ni Maria ang ating katanungan. May kaunting pagkakaiba nga lang sa ilang mga salitang ginamit sa ating bersyon. Bukod pa roon, halos magkakatulad lang ang tono at esensya ang tanong ni Elisabet at ang tanong ng bawat isa sa atin. Ang tanong ni Elisabet noong siya'y dinalaw ng kanyang kamag-anak na si Maria, "Sino ako upang dalawin ng Ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1, 43) Ang tanong naman ng bawat isa sa atin: "Sino ba ako upang ako'y ituring ng Panginoon bilang Kanyang kapamilya?" Sa tanong na ito'y nasasalamin ang ating kababaang-loob. Hindi tayo karapat-dapat na ibilang ng Panginoon dahil sa dami ng mga kasalanang ginawa natin laban sa Kanya. Subalit, sa kabila nito, itinuring Niya tayong kapamilya. 

Walang sinuman sa atin ang makakapagsabing karapat-dapat tayong ituring na kapamilya ng Panginoon. Kayabangan na iyan. Paulit-ulit tayong nagkakasala laban sa Kanya. Ang mga kasalanan natin ang dahilan kung bakit Siya ipinako sa krus. Ang bawat isa sa atin ang dahilan ng pagdurusa ni Kristo hanggang sa Siya'y malagutan ng hininga sa krus. Tayo na nga ang mga nagkasala, tayo pa ang may lakas ng loob na magsabing nararapat lamang na ibilang sa pamilya ni Kristo. May tawag sa mga gumagawa ng ganyan: makapal ang mukha. Dahil nasobrahan sa yabang, kinapalan ang mukha. Wala man lang kahihiyang ipinakita kay Kristong ipinako sa krus. Hindi natin maipagkakaila ang katotohanang iyan. Ang bawat isa sa atin ay hindi karapat-dapat na maging kapamilya ng Panginoon.

Batid naman ng Panginoon ang katotohanan tungkol sa ating pagkatao at sa ating mga kahinaan. Batid Niya ang bigat ng ating mga pagkakasala. Batid Niya ang sakit dulot ng mga kasalanang ginawa natin laban sa Kanya - ang dahilan kung bakit inalay Niya ang buo Niyang sarili sa krus. Subalit, sa kabila ng katotohanang ito tungkol sa ating pagkatao, sa kabila ng ating mga pagkakasala, ang bawat isa sa atin ay tinanggap pa rin Niya bilang Kanyang mga kapatid. Hindi ito nangangahulugang kinukunsinti Niya ang ating mga kasalanan dahil kahit kailan ay hinding-hindi Niya iyon gagawin. Pero, ang bawat isa ay ibinilang Niya sa Kanyang pamilya. 

Ang pagtanggap ng Panginoon sa atin bilang Kanyang mga kapamilya ay hindi naman tungkol sa atin. Hindi naman ito tungkol sa mga kasalanang nagawa natin laban sa Kanya. Hindi naman tayo ang itinatampok. Bagkus, ang pagtanggap ni Kristo sa bawat isa sa atin bilang Kanyang mga kapatid ay tungkol sa Kanyang pag-ibig. Iyan ang nag-iisang kadahilanan kung bakit tayong lahat ay ibinilang ni Hesus sa Kanyang pamilya. Sa pamamagitan ng pagturing sa bawat isa sa ating lahat bilang Kanyang mga kapamilya, ipinakita ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Kahit tayong lahat ay mga makasalanan, pamilya pa rin ang turing sa atin ng Panginoong Hesukristo. 

Nakakapanliit. Marami tayong mga nagawang kasalanan laban kay Kristo. Subalit, sa kabila ng mga ito, ipinasiya Niyang tanggapin at ibilang ang bawat isa sa atin sa Kanyang pamilya. Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang pag-ibig ni Kristo para sa bawat isa sa atin. Tunay ngang mapagmahal ang Panginoon. Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang pag-ibig ng Panginoon. Kahit tayong lahat ay maraming ulit na nagkasala, pinakitaan pa rin tayo ni Kristo ng Kanyang pag-ibig.

Ipinakita ng Panginoon sa wikang ito ang Kanyang hangarin na maging bahagi ng pamilya Niya. Iyan naman ang dahilan kung bakit Siya bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Iyan ang dahilan kung bakit tayong lahat ay Kanyang iniligtas. Iyan rin ang dahilan kung bakit ang Mahal na Inang si Maria ay Kanyang ibinigay sa bawat isa sa atin upang maging ating Ina. Nais ng Panginoong Hesus na maging kapamilya natin Siya. Nais Niyang maranasan nating lahat ang galak sa pagiging kabilang sa Kanyang pamilya.

Patuloy tayong ipinaalalahanan ni Maria, ang ating Mahal na Ina, tungkol sa pag-ibig ng Diyos na nakakapanliit. Ang kanyang pagkalinga sa atin bilang kanyang mga anak sa pamamagitan ng patuloy niyang pananalangin ang nagpapaalala sa atin sa espesyal na sandaling ito sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Si Maria, ang Mahal na Ina ni Hesus, ay ibinigay sa ating lahat upang maging ating Ina. Bilang ating Ina, siya'y nagsisilbing paalala sa atin tungkol sa pag-ibig ng ating Panginoon at Kapatid na si Hesus. Sa kabila ng ating mga kasalanan na hindi na mabilang, itinuring pa rin Niya tayong Kanyang mga kapamilya.

Tayong lahat ay tunay ngang pinagpala bilang isang sambayanang Kristiyano. May pamilyang ibinigay sa atin ang Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ay ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus upang maging ating Ina. Sa pamamagitan nito, ibinigay ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili sa atin bilang ating Kapatid. Isa itong biyaya mula sa Diyos. Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, ang bawat isa'y tinanggap at minahal pa rin ng Panginoong Hesus bilang Kanyang kapamilya. Kapamilya natin si Hesus.

Nakakapanliit nga ang pag-ibig ng Diyos. Ito'y dahil tayong lahat ay tunay Niyang minamahal sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Ipinakita Niya ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat sa pamamagitan ni Hesus. Ang bawat isa sa atin ay ibinilang ng Ama bilang Kanyang mga Anak sa pamamagitan ni Hesus. Isa itong biyaya para sa ating lahat. Tayong lahat ay kabilang sa pamilya ng Diyos. Si Maria ang ating Mahal na Ina. Si Hesus, ang Panginoon at Tagapagligtas nating lahat, ay Kapatid nating lahat. 

Sabado, Abril 6, 2019

PARAISONG PANGARAP

PAGNINILAY SA IKALAWANG WIKA: 
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." (Lucas 23, 43) 



Likas sa bawat tao ang mangarap. May mga pangarap ang bawat isa sa buhay. Sari-sari ang mga pinapangarap natin sa buhay. May mga nangangarap maging isang doktor, pulis, negosyante, inhinyero (inhinyera kung babae), abugado, o 'di kaya artista. Hindi lingid sa tao ang mangarap. Talagang may mga pinapangarap ang bawat tao. Maski nga sa buhay pag-ibig, may mga pangarap din ang bawat isa. Pinapangarap ng bawat taong umiibig na makarelasyon at makapiling ang kanilang sinisinta. Mula pagkabata, may mga pangarap na tayo sa buhay. Mas malinaw ito sa mga kabataan dahil mayroon silang pinapangarap para sa kanilang kinabukasan. 

Subalit, sa kabila ng dami ng ating mga pangarap sa buhay, iisa lamang ang ating pinapangarap sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Kung ang bawat isa sa ati'y may maraming pangarap sa buhay, iisa lamang ang pangarap nating makamit sa katapusan nito. Magkaiba man ang ating mga pinapangarap habang tayo'y naglalakbay sa daigdig na ito, iisa lamang ang ating pangarap sa huling sandali ng ating buhay sa lupa. Ang nag-iisang pangarap na iyon, na pinapangarap ng bawat isa sa atin, ay ang makapasok sa langit pagdating ng oras ng ating paglisan sa daigdig na ito. Pangarap nating lahat na makapiling ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman pagsapit ng huling sandali ng ating buhay dito sa lupa. 

Katulad ng pagkamit ng mga pangarap natin sa buhay, mahirap matamasa ang pangako ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. Katunayan, mas mahirap pa ngang makamit ang pangako ng Paraiso na kaloob ng Diyos sa wakas ng ating buhay dito sa lupa kung ito'y ikukumpara sa pagkakamit ng mga pangarap sa buhay. Kung ang mga pangarap natin sa buhay ay nakasalalay sa ating kasipagan at katiyagaan, lalo na pagdating sa pag-aaral para sa mga kabataan, ang pagpasok natin sa langit ay nakasalalay naman sa mga ginagawa natin habang ang bawat isa sa atin ay naglalakbay dito sa lupang ibabaw. 

Tanging mga banal lamang ang nakakapasok sa langit. Sabi nga sa aklat ng Pahayag: "[H]indi makakapasok [sa langit - ang Bagong Herusalem] ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos, ang sinumang gumagawa ng kahihiyan, at ang mga sinungaling." (21, 27) Ang problema lamang, hindi tayo malinis. Maraming tayong mga karumihan. Lahat tayo ay may dungis ng kasalanan. Madalas tayong natitisod, nadadapa, sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa lupa. May mga pagkakataon sa buhay natin kung saan tayo'y nagkakasala. Walang sinuman sa atin ang makakapagsasabing malinis siya at karapat-dapat pumasok sa langit. Ang mga magsasabing wala silang bahid ng kasalanan o hindi nagkasala kailanman sa kanilang buhay ay mga sinungaling. 

Pero, kung titingnan natin ang lahat ng mga banal katulad nina Apostol San Pedro, Apostol San Pablo, San Agustin, lahat sila ay may nakaraan. Lahat sila ay nagkasala rin noong sila'y namumuhay pa dito sa lupa. Si Apostol San Pedro, tatlong ulit niyang ipinagkaila si Hesus bago tumilaok ang manok. Si Apostol San Pablo ang umusig sa mga sinaunang Kristiyano bago pa niya nakatagpo sa daang patungong Damasco si Kristo. Si San Agustin ay gumawa ng maraming kasalanan bago naging Obispo, tulad ng kanyang isinalaysay sa kanyang Mga Kumpesyon (Confessions). 

Ang bawat banal sa langit ay may nakaraan. Hindi sila naging perpekto sa bawat sandali ng kanilang buhay dito sa lupa. May mga pagkakataon kung saan sila'y bumigay sa mga tukso sa buhay. Subalit, ang mga kasalanang ito'y kanilang pinagsisihan. Lagi nilang nagsumikap na maging tapat at masunurin sa Diyos. Ang loobin ng Panginoon ay buong puso nilang tinanggap at sinunod, kahit mahirap itong gawin dahil sa dami ng mga tukso sa buhay. Kung tutuusin, araw-araw nilang hinarap at nilabanan ang mga tukso sa buhay. 

Itinatampok sa Ikalawang Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus ang kuwento ng pagbabalik-loob ng isang salaring kilala sa tradisyon bilang si Dimas. Si Dimas ay hinatulan ng kamatayan sa krus dahil sa pagnanakaw. Siya ang salaring nakipag-usap sa Panginoong Hesukristo habang siya'y nakapakong kasama Niya sa bundok ng Kalbaryo. Ipinangako sa kanya ni Kristo na siya'y isasama Niya sa Paraiso. Kung tutuusin, inunahan ni Dimas ang mga apostol sa langit, ang tunay na Paraiso. Siya ang unang pinapasok ng Panginoong Hesus sa langit. 

Habang nakabayubay sa krus si Dimas tulad ni Hesus, buong kataimtiman siyang nagsisi't nagbalik-loob sa Panginoon. Batid niyang napakarami ang mga kasalanang ginawa niya buong buhay niya. Batid niya na bago pa siya hinatulan ng kamatayan, marami na siyang pagkakamali. Puro pagkakasala na lamang ang kanyang ginawa. Ang lahat ng mga masasamang bagay ay kanyang ginawa. Bagamat kilala siya sa tradisyon bilang isang magnanakaw, marahil ay hindi lamang siya nagnakaw. Ang ibang mga bagay na kanyang ginawa ay hindi natin alam, subalit alam nating masama ang lahat ng iyan sa paningin ng Diyos. Marahil siya'y pumatay ng kapwa, o 'di kaya nakiapid sa isang babaeng may asawa. 

Sa kabila ng mga paglilibak na ginawa laban kay Kristo, si Dimas ay nagpasiyang magbalik-loob nang buong kataimtiman. Hindi siya nagpadala sa mga paglilibak na ginawa ng mga kaaway ni Hesus. Kung si Hestas, ang isa pang salarin na ipinakong kasama nina Hesus at Dimas, ay nakisali sa paglilibak kay Hesus kahit na siya'y ipinako rin sa krus tulad Niya, si Dimas ay sumalungat sa agos. Si Dimas ay hindi nagpaimpluwensiya sa mga pangungutya laban sa Panginoon. Kahit na natutukso siyang gayahin si Hestas at ang mga kaaway ni Hesus, hindi siya nagpatalo sa tuksong iyon. Ang tuksong iyon ay kanyang nilabanan at pinagtagumpayan sa pamamagitan ng kanyang taos-pusong pagsisisi't pagbabalik-loob sa mga nalalabing sandali ng kanyang buhay dito sa daigdig. 

Nang marinig ni Hesus ang taos-pusong pagtitika ni Dimas, naibsan ang sakit na Kanyang naramdaman sa mga oras na iyon. Hindi lamang ang Kanyang Katawan ang nakaramdam ng matinding sakit sa mga sandaling iyon. Nakaramdam din ng sakit si Hesus sa Kanyang puso't damdamin. Labis Siyang nasaktan sa mga salitang binitiwan ng Kanyang mga kaaway. Subalit, sa kabila ng lahat ng sakit na Kanyang naramdaman, si Hesus ay natuwa nang marinig ang tinig ng pagsisisi ni Dimas. Sa gitna ng hapdi't pagdurusa sa krus, nakaramdam ng tuwa si Hesus. At ang sanhi ng tuwang naramdaman ni Hesus ay ang pagsisisi ni Dimas. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang tuwa sa pagbabalik-loob ng magnanakaw na si Dimas sa pamamagitan ng pagbibitiw ng isang pangako. Ipinangako ni Hesus kay Dimas na siya'y Kanyang isasama sa tunay na Paraiso - ang Kanyang kaharian sa langit. 

Itinuturo sa atin ng Ikalawang Wika ni Kristo mula sa krus na Siya'y natutuwa kapag tayong lahat ay nagsisi't nagbalik-loob sa Kanya. Lagi Niyang hinihintay ang araw o oras ng ating pagtitika. Tulad ng Ama sa Talinghaga ng Alibughang Anak (Lucas 15, 11-32), laging inaabangan ng Panginoon ang ating pagbabalik-loob. Sa sandali ng ating pagbabalik-loob sa Kanya, labis Siyang natutuwa at nagagalak dahil hinahangad Niya na tayong lahat ay makabalik-loob sa Kanya. Hindi Niya nais mapahamak ang bawat isa gawa ng kani-kanilang mga kasalanan. Ang nais ng Panginoon, maligtas ang lahat at makapiling Siya magpakailanman sa langit. 

Batid ng Panginoon na may mga pagkakataon sa buhay natin dito sa lupa kung saan tayo'y magkakamali't magkakasala laban sa Kanya. Subalit, lagi Siyang handang ibukas ang Kanyang pintuan para sa bawat isa. Lagi Niyang hinihintay na tayo'y magbalik-loob sa Kanya. At ang pangako Niya sa mga nagsisisi't nagbabalik-loob sa Kanya, isasama Niya sila sa langit. 

Laging nagkakasala ang bawat tao. Paulit-ulit nga, kung tutuusin. Subalit, may pag-asa pa ang bawat isa sa atin na makapiling ang Panginoon sa langit. Habang tayo'y naglalakbay dito sa daigdig, samantalahin natin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos na makapagsisi't makabalik-loob sa Kanya. Sundin rin natin ang Kanyang kalooban. At kapag ginawa natin ang mga iyon, makakamit natin ang pangako ng Paraiso na inaasam-asam nating lahat. 

Biyernes, Abril 5, 2019

IPANALANGIN ANG MGA NAGKASALA LABAN SA ATIN; TUTULUNGAN TAYO NG DIYOS NA PATAWARIN SILA

PAGNINILAY SA UNANG WIKA: 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." (Lucas 23, 34) 


Sa wakas ng kanyang salaysay ng pagtukso sa Panginoong Hesus sa disyerto sa ikaapat na kabanata ng kanyang Ebanghelyo, isinulat ni San Lucas na ang diyablo'y umalis at naghintay ng pagkakataong tuksuhin muli si Hesus (4, 13). Ang tatlong tukso ni Satanas ay tinutulan at tinanggihan ni Hesus. Kahit apatnapung araw Siyang nag-ayuno sa ilang, kahit tiniis Niya ang kagutuman at kauhawan sa loob ng mahabang panahon, napagtagumpayan ng Panginoong Hesus ang mga tukso't pang-aakit ni Satanas. Mahinang-mahina ang pangangatawan ni Kristo sa mga sandaling iyon nang Siya'y tuksuhin ng demonyo. Pero, napagtagumpayan Niya ang lahat ng iyon. Pero, ayaw tanggapin ng diyablo na natalo siya laban kay Kristo. Kaya, naghintay siya ng pagkakataon upang tuksuhin muli si Kristo. 

Hindi dapat maliitin ang katalinuhan ng demonyo. Ang demonyo ay tunay ngang napakatalino. Hindi siya manunukso kapag nakikita niyang malakas ang loob ng isang tao. Alam ng demonyo na matatalo lamang siya kapag tinukso niya ang tao kapag sila'y malakas pa. Hihintayin niya ang sandaling sila'y napakahina. At kapag dumating ang sandaling ang tao'y napakarupok na, saka pa lamang siya mang-aakit at manunukso. Malaki kasi ang posibilidad na mahuhulog sa bitay ng kanyang mga tukso ang bawat tao kapag sila'y mahinang-mahina. 

Iyan din ang ginawa ng demonyo kay Hesus. Kahit alam ng demonyo na si Hesus ang Bugtong na Anak ng Diyos, hindi niya pinalampas ang pagkakataong tuksuhin Siya. Layunin ng demonyo na pigilin ang Panginoong Hesukristo sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Nais makita ng demonyo na suwayin ni Hesus ang Ama. Kahit tinalo siya ni Hesus sa ilang, humanap pa rin siya ng ibang pagkakataon upang manalo laban kay Hesus. At dumating ang pagkakataong iyon na hinintay ng demonyo sa loob ng mahabang panahon noong si Hesus ay ipinako sa krus. 

Mas mahina ang kalagayan ni Hesus sa mga sandaling iyon. Kahit hindi nasasaad sa salaysay ng Mahal na Pasyon, matitiyak nating nakaranas ng panunukso mula sa demonyo si Hesus. Tinukso Siya dahil mahinang-mahina na Siya. Mas matindi ang kahinaan ni Hesus noong Siya'y nakabayubay sa krus kaysa noong Siya'y nag-ayuno at nanalangin sa ilang sa loob ng apatnapung araw. Naghihingalo na si Hesus sa mga sandaling iyon. At para sa demonyo, lalong lumaki ang posibilidad na masilo si Hesus dahil nakabayubay Siya sa krus na walang kalaban-laban. 

Ang tukso ng demonyo sa Panginoong Hesus na nakabayubay sa krus - huwag kaawaan at patawarin ang mga taong kumukutya sa Kanya. Mula sa krus, nakita't narinig ni Hesus kung paano Siya nilibak at kinutya ng Kanyang mga kaaway. Ang pangungutya ng mga tao sa Kanya habang Siya'y nakabayubay sa krus na walang kalaban-laban ay nagdulot ng matinding hapdi sa Kanyang Puso. Kaya gayon na lamang ang tukso ng demonyo na hindi mababasa sa salaysay ng Pasyon. Para bang bumulong ang demonyo sa pandinig ni Hesus. 

Ginamit ng demonyo ang mga tao laban kay Kristo. Ang mga taong kumukutya kay Kristo. Habang pinagmamasdan ni Kristo ang pangungutya sa Kanya ng Kanyang mga kaaway, maaari nating ilarawan sa ating isipan kung paanong Siya tinukso ng demonyo sa mga sandaling iyon. Maaari nating ilarawan sa ating isipan kung paanong ibinulong ng demonyo kay Hesus na ipagkait sa kanila ang Kanyang awa't kapatawaran. Matapos ang lahat ng mga ginawa ng mga taong iyon laban sa Kanya, nararapat bang sila'y patawarin? Maririnig rin natin sa ating isipan kung paanong ibinulong ng demonyo kay Hesus, "Pagmasdan Mo nang mabuti ang ginagawa nila laban sa Iyo, Hesus. Hindi sila karapat-dapat patawarin. Patatawarin Mo pa ba matapos marinig ang kanilang pangungutya laban sa Iyo habang Ika'y nakabayubay sa krus na iyan na walang kalaban-laban?"

Subalit, kapansin-pansin kung paanong pinagtagumpayan ng Panginoong Hesus ang tukso't pang-aakit ng demonyo. Hindi Niya hinayaang magtagumpay ang demonyo laban sa Kanya. Sa kabila ng Kanyang kahinaan sa mga sandaling iyon, lumaban pa rin si Hesus. Nilabanan at pinagtagumpayan ng Panginoong Hesus ang tukso ng demonyo. Hindi Siya nagpatalo laban sa demonyo. Ito ang ipinapakita ng unang wikang namutawi mula sa mga labi ng Panginoon habang nakapako sa krus. 

Kapansin-pansin kung paanong sinabi ng Panginoong Hesus, "Ama, patawarin Mo sila..." Ipinapakita lamang sa wikang ito na si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao. Nais ni Hesus na patawarin ang Kanyang mga kaaway, gaano pa mang kasama ang kanilang ginawa laban sa Kanya. Ang mga taong lumalait sa Kanya ay gusto Niyang patawarin. Alam naman nating lahat na ang Diyos ay lubos na maawain at mapagpatawad. Subalit, sa sandaling ito, ipinakita ni Hesus na Siya'y tunay na tao. Ipinakita ni Hesus na Siya'y nasasaktan rin tulad ng ibang tao, kahit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Kahit na si Hesus ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, nasasaktan rin Siya. Hindi naging ligtas si Hesus mula sa mga sakit sa buhay, sa kabila ng Kanyang pagka-Diyos. 

Nais patawarin ni Hesus ang mga taong kumukutya sa Kanya habang nakabayubay sa krus na walang kalaban-laban. Subalit, sa mga sandaling iyon, labis ang sakit na Kanyang naramdaman. Hindi lamang nanggaling sa mga naghampas sa Kanya sa haliging bato, sa koronang tinik, sa kabigatan ng kahoy na krus na Kanyang pinasan patungong Kalbaryo, at sa mga pako ang sakit na Kanyang dinanas sa mga oras na iyon. Nanggaling rin sa mga pangungutya ng mga tao ang sakit na Kanyang dinanas. Hindi lamang nasaktan nang labis ang pangangatawan ni Hesus; nasaktan rin ang Kanyang puso't damdamin. Kaya gayon na lamang ang unang ginawa ni Hesus mula sa krus. Nanalangin Siya sa Ama para sa kapatawaran ng Kanyang mga kaaway. Gaano mang kasakit ang kanilang ginawa laban sa Kanya, hinangad pa rin ng Panginoong Hesus na silang lahat ay mapatawad. 

Itinuturo ni Hesus sa wikang ito na manalangin sa Diyos para sa mga nagkasala laban sa atin. Batid ni Hesus na hindi madaling magpatawad. Batid rin Niya ang halaga ng oras at panahon para makaranas ng paghihilom ang bawat isa. Hindi basta-basta aalis ang mga sugat agad-agad. Kailangan ng panahon ang bawat isa upang makaranas ng paghihilom na kaloob ng Diyos. Kaya, habang hinihilom tayo ng Diyos, mahalaga rin na ipagdasal ang mga nagkasala laban sa atin. Sa ating pananalangin para sa mga nagkasala laban sa atin, ipinapakita natin sa Diyos na tayong lahat ay nangangailangan ng Kanyang tulong, lalung-lalo na sa mga sandaling tayong lahat ay mahihina. Hindi natin magagawa ang lahat ng bagay nang mag-isa sa lahat ng oras. Hindi naman tayo malakas sa bawat sandali ng ating buhay. May mga oras sa ating buhay kung saan tayo'y mahina. Sa mga sandaling iyon, ang tulong ng Diyos ay kakailanganin natin, lalung-lalo na pagdating sa pagpapatawad sa mga nagkasala laban sa atin. 

Batid ng Panginoong Hesus kung gaano kahirap para sa atin ang patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. Alam Niyang labis tayong nasasaktan at ang mga sugat dulot ng mga kasalanang ginawa laban sa atin ay hindi basta-basta gagaling. Alam rin ni Hesus na tayo'y tutuksuhing magtanim ng galit at ipagkait sa mga nagkasala laban sa atin ang kapatawaran, lalung-lalo na kapag tayo'y mahinang-mahina. Kaya, ang turo ng Panginoong Hesus sa wikang ito, manalangin sa Ama para sa mga nagkasala laban sa atin. Huwag tayong mahiyang humingi ng tulong mula sa Diyos. Hihilumin ng Diyos ang mga puso nating nasugatan nang labis gawa ng mga pagkakasala ng ating kapwa laban sa atin. Tutulungan rin Niya tayong patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. 

Tayong lahat ay natutuksong ipagkait ang kapatawaran sa mga nagkasala sa atin, lalung-lalo na sa mga sandaling tayo'y mahinang-mahina. Hindi pa naman madaling magpatawad. Kung madali lang sanang magpatawad, nagawa na natin iyon. Pero, hindi madaling patawarin ang mga nagkasala laban sa atin, lalo na kapag ito'y mabigat. Kaya naman, itinuro sa atin ng Panginoong Hesus kung paano nating mapagtatagumpayan ang tuksong ito - manalangin sa Diyos. Kapag hindi pa tayo handang magpatawad dahil sa sakit dulot ng mga mabibigat na kasalanang ginawa laban sa atin, manalangin tayo sa Diyos. 

Sa mga pagkakataong hindi pa tayo handang magpatawad at natutuksong maging mapaghiganti sa mga nagkasala laban sa atin, manalangin tayo sa Panginoon. Hilingin natin sa Panginoon na hilumin tayo mula sa mga sakit na dulot ng mga kasalanang ginawa laban sa atin. Habang hinihilom ng Panginoon ang mga sugat na ito, ipanalangin rin natin ang mga nagkasala laban sa atin. Ipanalangin natin sa Panginoon na sila'y Kanyang patawarin mula sa kanilang mga kasalanang ginawa laban sa atin. Hilingin natin sa Panginoon na tulungan tayong patawarin sila mula sa kanilang mga kasalanan laban sa atin.