Martes, Abril 16, 2019

MAGALAK AT MAGDIWANG

20 Abril 2019 (Sabado de Gloria) 
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 104 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Lucas 24, 1-12 


"Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala na Siya rito - Siya'y muling nabuhay!" (24, 5-6) Ang mga salitang ito'y sinabi sa mga babaeng pumunta sa libingan ng Panginoong Hesus. Dalawang lalaking nagsuot ng nakakasilaw na damit ang nagsabi nito sa kanila. Ibinalita ng dalawang lalaking ito sa mga babaeng pumunta sa libingan na ang Panginoong Hesukristo ay muling nabuhay. Kagalakan ang hatid ng balitang ito. Iyon ang pinakamagandang balita - si Hesus ay muling nabuhay tulad ng Kanyang sinabi bago pumasok sa Herusalem upang harapin at tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Natupad ang lahat ng mga sinabi ni Kristo tungkol sa Kanyang sarili. Matapos tiisin at pagdaanan ang lahat ng hirap at pagdurusa hanggang sa Siya'y mamatay sa krus, nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. 

Hindi nagtapos sa kamatayan at libingan ang lahat para kay Hesus. Matapos pagdaanan at tiisin ang lahat ng hirap at pagdurusang kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas, si Hesus ay muling nabuhay. Siya'y namatay sa krus, ngunit hindi nanatiling patay. Matapos ihandog ang sarili sa krus, si Hesus ay muling nabuhay. Mula sa kadiliman ng libingan, si Kristo Hesus ay bumangon at lumabas nang matagumpay. Ang kasalanan, kadiliman, at kamatayan ay Kanyang tinalo. Ang kapangyarihan ng Panginoong Hesus ay higit na makapangyarihan at dakila kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Pinatunayan ito ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Ang balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Hesus ang pinakamagandang balita sa lahat ng balita. Ang balitang ito ay naghahatid ng kagalakan sa lahat. Ang panahon para magluksa ay tapos na. Ang Panginoong Hesukristo ay nagtagumpay laban sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Hindi nanatiling patay sa loob ng libingan ang Panginoong Hesukristo tulad ng Kanyang ipinangako. Hindi Siya nagpatalo sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Bagkus, tinalo Niya ang kapangyarihan ng mga ito. At sa pamamagitan ng tagumpay na ito ni Hesus, napawi ang lumbay at luha. Ang hapis ay naging galak. 

Kaya, noong nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesus, Siya'y nagpakita sa Mahal na Inang si Maria. Dinalaw ng Panginoong Hesukristo ang Mahal na Birheng Maria upang pawiin ang mga luha sa kanyang mga mata. Noong siya'y dalawin ni Hesus, galak ang namayani sa kanyang puso. Ang hapis at lumbay ni Maria dahil sa mga pangyayari noong unang Biyernes Santo ay pinawi ng Muling Nabuhay na si Hesus. Inihatid ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa Mahal na Inang si Maria ang dulot Niyang kagalakan. Sa pamamagitan nito, pinawi ni Kristo nang tuluyan ang hapis at lumbay sa puso ni Maria. 

Sabi nga sa panalanging Regina Caeli ("Reyna ng Langit"), "Matuwa ka at magalak, O Birheng Maria. Aleluya! Sapagkat tunay na muling nabuhay ang Panginoon, Aleluya!" Ang Mahal na Inang si Maria ay kasama nating lahat na nagdiriwang nang buong kagalakan sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Si Kristo ay nabuhay na mag-uli taglay ang buo Niyang kaluwalhatian bilang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, ang panahon ng hapis at pagluluksa ay naging panahon ng pagdiriwang at kagalakan. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, binigyan ni Kristo ng dahilan ang bawat isa upang magdiwang nang buong kagalakan. Si Kristo ay nagtagumpay sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Kanyang tagumpay ay para sa ating lahat. 

Nananawagan ang Simbahan sa bawat isa sa atin na kabilang sa sambayanang Kristiyano na magalak at magdiwang. Panahon na upang magdiwang at magalak sapagkat ang Panginoong Hesukristo ay Muling Nabuhay. Kagalakan ang Kanyang hatid sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang hapis na tinataglay natin sa ating mga puso ay Kanyang pinapawi at pinupuno ng kagalakang bigay Niya sa ating lahat. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY!


Lunes, Abril 15, 2019

HUWAG NATING BALEWALAIN ANG PAG-IBIG NI KRISTO

19 Abril 2019 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 


Hindi kaila sa atin ang ilan sa mga pahayag ng isang kilalang pulitikong inihalal sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. Sa mga pahayag na ito, napakalinaw ang kanyang paglapastangan sa Diyos. Sa isa sa mga pahayag na ito, tinawag niyang "estupido" ang Diyos dahil nilikha Niya ang sangkatauhan kahit alam Niyang ilalabag nila ang Kanyang mga utos. Halimbawa na lamang ang ginawang pagsuway nina Adan at Eba sa utos ng Diyos na isinalaysay sa ikatlong kabanata ng aklat ng Genesis. At sa isang hiwalay na pahayag, sinabi niyang si Kristo'y "nakakawala ng bilib" dahil hinayaan na lamang Niya ang Kanyang sarili na maipako sa krus na walang kalaban-laban sa halip na gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang lipulin ang Kanyang mga kaaway at ang mga erehe. 

Bakit nga ba nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, kahit batid Niyang paulit-ulit na lamang nilang susuwayin ang Kanyang mga utos? Bakit hindi ginamit ni Hesukristo ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang lipulin ang Kanyang mga kaaway na walang ibang hangad kundi patayin Siya? Bakit hinayaan na lamang ni Kristo na Siya'y ipako sa krus? Sa unang tingin, mukhang may punto ang pulitikong ito. Kung pamantayan ng tao ang magiging batayan, kahangalan ang ginawa ni Kristo Hesus. Walang sinuman ang papayag na sila'y apihin o pagsamantalahan na lamang ng kanyang mga kaaway. Lalabanan niya sila kahit papaano. Subalit, si Kristo ay hindi man lamang kumibo noong Siya'y pinagsasamantalahan ng Kanyang mga kaaway. 

"Estupido" ba talaga ang Panginoon? Nakakawala ba Siya ng bilib? 

Sabi sa isang bahagi ng Unang Pagbasa, "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo Niya at sa mga hampas na Kanyang tinanggap." Ang larawang ito ay pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa noong si Hesus ay ipinakilala bilang Dakilang Saserdote. At bilang Dakilang Saserdote, inihain ng Panginoong Hesus ang buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Nang dakipin sa unang bahagi ng mahabang salaysay ng Kanyang Mahal na Pasyon sa Ebanghelyo, ang mga kawal ay pinagsabihan Niyang pakawalan mga apostol. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili sa mga kawal. Hindi tinakasan ni Hesus ang mga kawal na pumunta sa lugar na kinaroroonan Niya upang Siya'y dakipin. Bagkus, hinarap ni Hesus ang mga kawal at ibinigay ang buo Niyang sarili sa kanila. 

Ipinahihiwatig ng mga Pagbasa para sa Liturhiya ng Biyernes Santo ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at kung bakit Niya iniligtas sila noong sila'y nalugmok sa kasalanan. Iisa lamang ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang sangkatauhan sa pasimula ng panahon at kung bakit Niya iniligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang Kanyang dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon. Pag-ibig ang dahilan kung ipinasiya ng Diyos na tayo'y likhain, kahit alam Niyang susuwayin ng bawat isa sa atin ang Kanyang mga utos. Kahit batid ng Diyos na paulit-ulit tayong magkakasala laban sa Kanya at sa kapwa, tayong lahat ay binigyan Niya pa rin ng pagkakataong mabuhay dito sa lupa. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit ipinadala ng Diyos si Hesus sa lupa upang tayong lahat ay iligtas. Sa pamamagitan ng mga ito, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. 

Dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon para sa bawat isa sa atin. Kahit hindi naman kinailangang gawin ang lahat ng iyon para sa atin, ipinasiya pa rin Niyang gawin ang mga iyon. Nais ng Diyos na imulat ang ating mga mata't puso sa Kanyang dakilang pag-ibig. Nais Niyang maranasan ng bawat isa ang Kanyang dakilang pag-ibig.  

"Estupido" ba ang Panginoon dahil pinili Niya tayong ibigin? Nakakawala ng bilib ba ang Kanyang pasiyang mahalin tayo sa kabila ng ating mga kasalanan? Ano ang magiging pakiramdam natin kapag ang bawat isa sa atin ay tinawag na "estupido", sinabihang nakakawala ng bilib, dahil ipinasiya nating magmahal? Kung tayong lahat ay nasasaktan kapag tayo'y sinabihang nakakawala tayo ng bilib at may tumawag sa atin na "estupido" dahil ipinasiya nating magmahal, ano pa kaya ang Diyos? Hindi ba mas masasaktan ang Diyos? 

Tiniis ni Hesus ang lahat ng hirap at pagdurusa para sa ating lahat. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili bilang handog sa isang kahoy na krus sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Tapos sasabihin na lamang ng bawat isa sa atin na hindi Siya nakakabilib at "estupido"? Kung iyan ang paniniwalang paiiralin natin, bakit pa nga ba tayo makikiisa sa mga pagdiriwang sa Mahal na Araw? Ano pa ba ang silbi ng pamamanata, pagdedebosyon, pananalangin, at pagsimba kung ang dakilang pag-ibig ni Kristo ay balewala sa atin? Binabalewala lamang natin ang pag-ibig ni Kristo kapag pinairal natin ang paniniwalang hindi nakakabilib ang paghahain Niya ng sarili sa isang kahoy na krus sa Kalbaryo alang-alang sa atin. 

Huwag nating balewalain ang dakilang pag-ibig ni Kristo. Tayong lahat ay hindi binalewala ni Kristo. Dahil diyan, ibigay natin ang nararapat kay Kristo. Ibigay natin ang buo nating sarili sa Kanya. Pahalagahan natin ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. Pahalagahan natin ang Kanyang pag-aalay ng sarili sa Kalbaryo alang-alang sa ating lahat. Mahalin natin Siya sapagkat tayong lahat ay mahal na mahal Niya. Dahil sa pagmamahal Niya sa atin, inihain Niya ang buo Niyang sarili sa krus noong unang Biyernes Santo. 


IBINIGAY ANG BUONG SARILI DAHIL SA PAG-IBIG

18 Abril 2019 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Sabi sa pambungad ng salaysay sa Ebanghelyo, "Mahal [ni Hesus] ang Kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo'y ipakikita Niya kung hanggang saan ang Kanyang pag-ibig sa kanila" (13, 1). Ang mga salitang ito ay maituturing na isang napakaikling buod ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo. Inihain ni Hesus ang buo Niyang sarili alang-alang sa lahat ng Kanyang mga minamahal. Sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakasala ng Kanyang mga alagad laban sa Kanya, lalung-lalo na sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, silang lahat ay minahal pa rin ni Hesus. At masasabi rin natin iyan tungkol sa bawat isa sa atin. Kahit lahat tayo'y mga makasalanan, mahal tayo ni Hesus. Ito ay Kanyang ipinakita sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, ang Kanyang Misteryo Paskwal. 

Ang Banal na Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang pinakamahalagang panahon sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa tatlong araw na ito, ginugunita ng Simbahan ang ginawang pagpapakita ng pag-ibig ni Kristo. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, pinatunayan ni Kristo na ang bawat isa sa atin ay tunay Niyang mahal. Ang pag-ibig ni Kristo ay hindi hungkag. Ang pag-ibig ni Kristo ay hindi isang kathang-isip lamang. Bagkus, ang pag-ibig ni Kristo ay tunay at totoo. Tunay tayong iniibig ni Kristo sa kabila ng ating mga pagkukulang at kasalanan laban sa Kanya. Iyan ang dahilan kung bakit Niya hinarap at tinanggap ang kamatayan sa krus para sa ating lahat. Ganyan tayo kamahal ng Panginoon.

Tatlong araw ang inilalaan ng Simbahan upang gunitain ang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat na Kanyang inihayag sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Sinisimulan ng Simbahan ang paggunita sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo sa dapit-hapon ng Huwebes Santo kung saan ginugunita ang Huling Hapunan. Ang Panginoong Hesus ay nakipagsalu-salo sa mga apostol sa huling pagkakataon bago Siya mamatay sa krus. Sa Huling Hapunan, dalawang bagay ang ginawa ni Hesus upang ipakita sa kanila ang Kanyang pag-ibig.

Una, hinugasan ni Hesus ang paa ng mga apostol. Ito ang tampok na eksena sa salaysay ng Ebanghelyo para sa Misa sa Takipsilim ng Huwebes Santo. Hinugasan ni Hesus ang paa ng mga apostol upang ipakita sa kanila ang Kanyang pag-ibig. Sa paghugas sa paa ng mga apostol, nagpakita ng kababaang-loob si Hesus. Si Hesus ay nagpakababa dahil sa Kanyang pag-ibig. Buong kababaang-loob na ipinasiya ni Hesus na iwanan ang Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at maging tao tulad nating lahat, maliban sa kasalanan, dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Ang dakilang pag-ibig ni Hesus ay hindi lamang para sa mga apostol na itinuring Niyang mga kaibigan kundi pati na rin para sa lahat ng mga kabilang sa Kanyang kawan.

Pangalawa, itinatag ni Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Ang eksenang ito sa Huling Hapunan ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, na itinatag sa Huling Hapunan, ibinibigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, patuloy na dumarating si Hesus sa anyo ng tinapay at alak upang ipaalala sa atin ang Kanyang ginawa sa Kalbaryo. Sa Kalbaryo, inihain ni Hesus ang buo Niyang sarili para sa ating kaligtasan. Si Hesus ay patuloy na dumarating sa piling natin sa anyo ng tinapay at alak sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya upang patuloy na ipaaalala sa atin ang Kanyang ginawang paghahain ng sarili sa Kalbaryo. Tulad ng Kanyang pagbibigay ng buong sarili bilang hain sa Kalbaryo, ibinibigay ni Hesus ang buo Niyang sarili bilang pagkain at inumin sa pagdiriwang ng Banal na Misa upang ating mapakinabangan. Sa tuwing tayo'y nakikinabang sa Katawan at Dugo ni Hesus sa Banal na Misa, lagi nating inaaalala ang Kanyang ginawa sa Kalbaryo. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang pagtubos ng Panginoong Diyos sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Nilampasan ng Diyos ang mga bahay na may pahid ng dugo ng kordero, ang tanda na Israelita ang nakatira sa mga bahay na iyon, sa gabing nilipol Niya ang lahat ng panganay na lalaki sa Ehipto, tao man o hayop. Kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa mga Israelita sa pamamagitan ng pagtubos sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ipinakita Niya ang Kanyang pag-ibig para sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Kristo Hesus ay ibinigay sa atin ng Diyos para sa ating kaligtasan. Buong kababaang-loob na inihandog ni Kristo ang buo Niyang sarili, ibinubo ang Kanyang Dugo, upang tayong lahat ay Kanyang mailigtas.

Habang ang mga huling sandali ng Panginoong Hesukristo ay ating pinagninilayan at ginugunita sa Banal na Tatlong Araw, ang tatlong pinakaimportanteng araw sa Kalendaryo ng Simbahan, tandaan natin kung paano Niya ipinakita ang Kanyang dakilang pag-ibig. Ipinakita ng Panginoong Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay ng buo Niyang sarili para sa ating kaligtasan. Ang lahat ng hirap, sakit, at pagdurusa ay Kanyang hinarap, tiniis, at pinagdaanan nang buong kababaang-loob. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili bilang hain alang-alang sa ating lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog ng sarili, inihayag ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. 


Biyernes, Abril 12, 2019

TIWALA SA DIYOS

17 Abril 2019 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote. Alam ni Hesus na nakipagsabwatan si Hudas sa Kanyang mga kaaway. Alam ni Hesus kung ano ang pinagplanuhan ni Hudas at ng Sanedrin. Alam ni Hesus na si Hudas ay nakipagkasundo sa Kanyang mga kaaway na Siya'y ipagkakanulo niya kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Kahit mag-isa lamang si Hudas Iskariote noong siya'y nakipagpulong sa mga Pariseo, eskriba, at matatanda ng bayan, alam ni Hesus kung ano ang kanilang pinag-usapan at pinagkasunduan. 

Ang nakakapansin sa bahaging iyon ng salaysay sa Ebanghelyo, hindi pinigilan ng Panginoong Hesus si Hudas Iskariote. Kahit alam Niya kung ano ang balak gawin ni Hudas, hindi Niya ito pinigilan. Hindi sinabihan ng Panginoong Hesus ang iba pang mga alagad na gulpihin si Hudas. Bagkus, hinayaan na lang Niya si Hudas. Walang utos si Hesus sa mga alagad tungkol sa gagawin kay Hudas. 

Bakit walang ginawa si Kristo laban kay Hudas Iskariote? Alam naman Niya kung ano ang balak ni Hudas. Kapag ibang tao ang nasa posisyon ni Kristo, agad silang kikilos. Hindi sila magdadalawang-isip na maghiganti laban sa may balak traydorin sila. Katunayan, kapag nalaman nila ang plano ng traydor bago pa mangyari ang pagkakanulo, paniguradong mayroon na silang pinlano. Lalabanan nila ang traydor gamit ang dahas. Kahit umabot sa patayan, hindi sila aatras. 

May pagkakataon na nga si Hesus. Bakit wala Siyang ginawa? 

Nasasaad sa propesiya ni propeta Isaias na itinampok sa Unang Pagbasa na hindi tututulan ng Mesiyas ang pambubugbog at pang-iinsulto ng Kanyang mga kaaway. Bagkus, titiisin Niya ang lahat ng iyon. Gaano man ito kasakit sa Kanyang katawan at emosyon, titiisin Niya ang lahat ng iyon. Lahat ng pagpapahirap at paglilibak mula sa Kanyang mga kaaway ay Kanyang titiisin. Mananatili Siyang mahinahon sa harap ng Kanyang mga kaaway may masamang balak laban sa Kanya. Titiisin Niya ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang tiwala sa Diyos. 

Kaya si Hesus ay hindi lumaban. Kaya hindi Niya tinutulan o pinigilan ang balak ni Hudas laban sa Kanya. Hindi pinigilan ni Hesus si Hudas dahil sa Kanyang tiwala sa Ama. Nanalig ang Panginoong Hesus na hindi Siya pababayaan ng Ama sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang Kanyang pasiyang hindi pigilan o tutulan ang plano ni Hudas at ng Kanyang mga kaaway ay nagpapahayag ng Kanyang tiwala sa Ama hanggang sa pinakahuling sandali ng Kanyang buhay. 

Itinuturo sa atin ng Panginoong Hesukristo na manalig sa kalooban ng Ama, kahit na may mga nagbabalak ng masama laban sa atin. Ang bawat isa sa atin ay hindi pababayaan ng Amang nasa langit. Lagi tayong sasamahan sa hirap at ginhawa. Hindi magmamaliw kailanman ang Kanyang katapatan sa atin.

Huwebes, Abril 11, 2019

KARANASAN NG KABIGUAN

16 Abril 2019 
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Tampok sa Unang Pagbasa ang usapan ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Sa bahagi kung saan nagsalita ang Israel na lingkod ng Diyos, binigyang-diin ang kabiguan. Buong kababaang-loob na inamin ng Israel na siya'y nabigo bilang bayan ng Diyos. Sa kabila pagpili't paghirang ng Panginoong Diyos sa bayang Israel upang maging Kanyang bayan, nakaranas sila ng kabiguan bilang isang bayan. 

Itinuturo sa mga Pagbasa na kahit ang mga lingkod ng Diyos ay hindi ligtas mula sa kabiguan. Lahat ng mga taong tinawag at hinirang ng Diyos upang maging Kanyang mga lingkod ay nakaranas ng kabiguan. Hindi sila perpekto; sila'y mga tao lamang. Bilang tao, may mga pagkukulang din sila. Naranasan ng bawat lingkod ng Diyos ang madapa at magkulang dahil sa kanilang mga kahinaan. Hindi sila malakas sa lahat ng oras. May mga sandali sa kanilang buhay kung saan sila'y mahina. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote at tatlong ulit na ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Ang dalawang apostol na ito'y pinili't hinirang ng Panginoong Hesus upang maging Kanyang mga alagad. Subalit, hindi ito nangangahulugang na hindi sila mabibigo. May mga pagkakataon kung saan sila'y nadapa't natalo dahil sa kanilang mga karupukan. Si Hudas Iskariote ay nasilaw sa kayamanan dito sa daigdig habang si Apostol San Pedro ay nagpadala sa kanyang takot sa mga autoridad. 

Dalawang alagad ni Kristo ang itinampok sa Ebanghelyo. Tulad ng iba pa nilang mga kasama, binigo nila si Hesus. Subalit, isa lamang sa dalawang apostoles na pinagtuunan ng pansin sa salaysay sa Ebanghelyo ang nagpasiyang bumawi at bumangon mula sa kanyang kasalanan laban kay Hesus - si Apostol San Pedro. Sa kabila ng kanyang mga kahinaan, ipinasiya ni Apostol San Pedro na sikapin muli na maging tapat sa Panginoong Hesukristo. 

Katulad ni Apostol San Pedro, may pag-asa pa tayo. Ang ating mga karupukan ay hindi dahilan upang isipin na wala na tayong pag-asang magbago at sikapin muli na manatiling tapat sa Panginoong Hesus. Ilang ulit man madapa ang bawat isa sa atin dahil sa ating mga karupukan, patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong bumangon at magsimula muli. Habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig, may oras pa tayo upang sikapin maging tapat sa Diyos. 

Habang tayo'y nabubuhay at naglalakbay sa daigdig, may mga pagkakataon kung saan ang bawat isa sa atin ay makakaranas ng kabiguan at magpapadaig sa ating mga karupukan. Subalit, mayroon ring mga pagkakataon para sa ating lahat upang bumangon mula sa mga kabiguan at magsimula muli. 

PAGKILALA KAY HESUS

15 Abril 2019 
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 


Ipinakilala ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias ang Kanyang lingkod na hinirang. Siya ang ipinangakong Mesiyas na magmumula sa Diyos. Siya'y darating sa bayan ng Diyos upang ipalaganap ang katarungan, liwanag, at pag-asa. Sa pamamagitan Niya, ipapamalas ng Panginoon sa Kanyang bayan ang Kanyang kaluwalhatian. Ipapalaganap ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas ang Kanyang pagpapala. Ang pahayag na ito'y tinupad ng Diyos noong dumating ang takdang panahon sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus ay ipinadala ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang pagpapahid sa mga paa ng Panginoong Hesus. Binuhusan ni Santa Maria ng Betania, ang kapatid nina Santa Marta at San Lazaro, ng mamamahaling pabango ang mga paa ni Hesus. Sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pabango sa mga paa ni Hesus, kinilala ni Maria ang Panginoon. Ang ginawang pagbuhos ng pabango sa mga paa ni Hesus ay sumasaigsag sa pagkilala ni Maria kay Hesus bilang Panginoon. Kinilala ni Maria ang Panginoong Hesus bilang tagahatid ng pag-asa, liwanag, at kapayapaan. Dahil binuhay ng Panginoong Hesus ang kanyang kapatid na si Lazaro, ang pananalig, pag-asa, at tuwa ni Maria ay nabuhayan. Napawi ang kanyang hapis at muling sumilay ang kanyang tiwala at pag-asa. Ang lahat ng iyan ay dahil kay Kristo. 

Lagi tayong tumutungo sa Simbahan tuwing Linggo at sa mga espesyal na araw upang sumamba, purihin, at pasalamatan ang Diyos. May din tayong mga panata't debosyon. Subalit, lagi nating tandaan ang tunay na layunin ng pamamanata, pagdedebosyon. at pagsimba linggo-linggo. Ang layunin ng mga banal na gawaing ito'y palalalimin at palakasin ang ating pagkilala kay Kristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Tinutulungan tayo ng mga ito upang lalo pa nating makilala at lalong mapalapit sa Panginoong Hesukristo. 

Katulad ni Santa Maria ng Betania, hayaan nating lumalim at lumakas ang ating pagkilala kay Hesus. Alalahanin natin ang Kanyang mga ginawa para sa ating lahat bilang ating Manunubos. Huwag nating kalimutan ang Kanyang pag-ibig na patuloy Niyang ipinapakita't ipinapadama sa ating lahat. 

Miyerkules, Abril 10, 2019

DALAWANG SIGAW

14 Abril 2019 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (K) 
[Prusisyon ng mga Palaspas] Lucas 19, 28-40
[Misa] Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49)


"Kapag tumahimik ang mga tao, ang mga bato na ang sisigaw" (Lucas 19, 40). Ito ang sagot ng Panginoong Hesus sa mga Pariseong nagnanais patahimikin ang mga taong sumisigaw at nagbubunyi sa Kanyang maringal na pagpasok sa Herusalem sa huling bahagi ng Ebanghelyo para sa Prusisyon at Pagbabasbas ng mga Palaspas. Sa pahayag na ito ni Hesus, binigyan ng pansin ang salitang "sigaw". Ang mga tao'y sumigaw dahil sa Panginoong Hesus. Dalawang sigaw ang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa unang araw ng mga Mahal na Araw, ang Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon. 

Dalawang sigaw. Sa tuwing ginugunita ng Simbahan ang mga Mahal na Araw taon-taon, inaaalala ng Simbahan ang dalawang sigaw ng mga tao dahil kay Hesus. Ang unang sigaw ay naganap noong pumasok si Hesus sa Herusalem na nakasakay sa isang bisirong asno. Ang mga sigaw na natanggap ni Hesus noong Siya'y pumasok sa Herusalem ay mga sigaw ng pagpupugay at pagbubunyi. Ang pangalawang sigaw ay naganap noong iniharap ni Poncio Pilato si Hesus. Subalit, hindi ito katulad ng mga sigaw noong pumasok sa Herusalem ang Panginoon. Bagkus, mga sigaw ng paglilibak at pagkamuhi ang narinig mula sa mga tao. "Ipako sa krus!" 

Kaya nga, kung mapapansin natin, may dalawang Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Linggong ito na siyang simula ng mga Mahal na Araw. Ang unang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpasok ng Panginoong Hesus sa Herusalem. Binasa ang salaysay na ito sa Prusisyon at Pagbabasbas ng mga Palaspas. At ang pangalawang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus. Napakahaba ng salaysay sa pangalawang Ebanghelyo. 

Tampok sa dalawang Ebanghelyo ang dalawang sigaw. Noong si Hesus ay pumasok sa Herusalem, sumigaw ang mga tao upang magbigay-pugay at pagbubunyi. May mga palaspas pa nga silang iwinawagayway sa kanilang pagsalubong kay Hesus na pumapok sa Herusalem na nakasakay sa isang asno upang tuparin ang misyon Niya bilang Tagapagligtas. Subalit, hindi nagtagal ang pagsigaw ng mga tao para kay Hesus dahil nag-iba ito pagkalipas ng ilang araw. Noong iniharap ni Pilato si Hesus sa taumbayan, iba na ang kanilang isinigaw. Sumigaw sila nang malakas kay Pilato upang hilingin sa kanya na si Hesus ay ipako sa krus. 

Bago pa man nangyari ang lahat ng iyon, nagsalita si propeta Isaias tungkol dito. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si propeta Isaias tungkol sa mga huling sandali ng buhay ng Mesiyas, ang dakilang lingkod ng Diyos. Sa isang bahagi ng kanyang pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa, binanggit ni propeta Isaias na ang lingkod ng Diyos ay makakatanggap ng maraming insulto mula sa kanyang mga kaaway. Nangyari ito kay Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Mula noong Siya'y dakipin sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa Siya'y naipako sa krus, nakatanggap Siya ng napakaraming insulto. Ang masakit pa niyan, nakisali pa ang karamihan sa mga sumalubong sa Kanya noong Siya'y pumasok sa Herusalem. 

Alam naman ni Kristo na mangyayari ang lahat ng iyon. Alam ni Kristo na Siya'y tatalikuran at itatakwil ng karamihan sa mga sumalubong sa Kanya noong Siya'y pumasok nang matagumpay sa Herusalem. Subalit, hindi Niya pinigilan ang lahat ng iyon dahil ito'y niloob ng Ama. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na si Kristo ay nanatiling "masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus" (2, 8). Magbago man ang sigaw ng mga tao, mananatili Siyang tapat sa Ama. Niloob ng Ama na tanggapin ng Kanyang Anak na si Kristo Hesus ang lahat ng insulto at paglilibak ng Kanyang bayan upang ihayag ang Kanyang pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, tinanggap ng Diyos ang lahat ng mga insulto ng Kanyang mga kaaway hanggang sa malagutan ng hininga sa krus sa pamamagitan ni Hesus. 

Kahit napakalakas ng mga sigaw ng mga tao, nanatiling tapat si Hesus sa Ama. Ang tinig ng Ama, na naririnig lamang ni Hesus sa katahimikan, ang pinili Niyang pakinggan at sundin. Kahit nag-iba ang mga sigaw, iisa lamang ang ibinulong ni Hesus sa lahat - mahal Niya sila. Inihayag Niya sa pamamagitan ng Kanyang krus na tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. Magbago man ang sigaw ng mga tao, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon, ang Kanyang pag-ibig para sa atin ay hindi magbabago. Ito'y patuloy Niyang ibinubulong sa atin sa katahimikan. 

Dalawang sigaw ang itinatampok tuwing sasapit ang Linggo ng Palaspas sa bawat taon. Subalit, sa kabila ng dalawang sigaw na ito, iisa lamang ang hindi nagbabago - ang pag-ibig ng Diyos. Ilang araw matapos magbitiw ng mga sigaw ng pagbubunyi para kay Hesus, sumigaw muli ang mga tao para sa kamatayan ni Hesus. Silang lahat ay nagbago. Binago nila ang kanilang mga sigaw. Subalit, sa kabila nito, may hindi magbabago kailanman. Hindi magbabago ang pag-ibig ng Diyos kailanman. Mananatili ang Kanyang pag-ibig para sa atin magpakailanman.