Lunes, Agosto 19, 2019

PAG-IBIG AT PAGGALANG SA ATING INANG REYNA

22 Agosto 2019 
Paggunita sa Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria 
Isaias 9, 1-6/Salmo 112/Lucas 1, 26-38 


Isinalaysay sa Ebanghelyo ang isang napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesukristo. Nagpakita ang Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria upang ibalita sa kanya ang Magandang Balita tungkol sa paghirang sa kanya ng Diyos. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Kahit na labis siyang namangha dahil sa ibinalita at ipinaliwanag sa kanya ng anghel, ibinigay ni Maria ang kanyang "oo" sa Diyos. Pinahintulutan ng Mahal na Inang si Maria na matupad sa pamamagitan niya ang kalooban ng Diyos. 

Kapansin-pansin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ang paggalang na ibinigay at ipinakita ni Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria. Ang paggalang na ibinigay ng anghel sa Mahal na Ina ay higit pa sa paggalang na inilalaan sa mga reyna. Ito ay pahiwatig ng karangalang ibinigay sa kanya ng Panginoon. Isa itong pagsulyap sa gagawin ng Diyos para sa Mahal na Birhen sa katapusan ng kanyang buhay sa daigdig. Pagdating ng oras ng kanyang paglisan sa lupa, ang katawan at kaluluwa ni Maria ay iaakyat ng Diyos sa langit. Sa pagpasok ng Mahal na Inang si Maria sa langit, tatanggapin niya mula sa Diyos ang kanyang korona bilang Reyna ng Langit at Lupa. Iyan ang ipinapahiwatig nito. Higit na espesyal si Maria kaysa sa ibang mga babaeng namuhay dito sa daigdig. Siya lamang ang binigyan ng ganitong karangalan at responsibilidad mula sa Diyos. 

Habang namumuhay pa sa daigdig si Maria, ipinasulyap na sa kanya ng Diyos ang karangalang ito sa pamamagitan ng pagsugo Niya kay Arkanghel San Gabriel upang ihatid ang Magandang Balita. At ang pagbati ng Arkanghel na si San Gabriel ang nagbigay ng paliwanag kung bakit si Maria ay itinampok ng Diyos sa lahat ng mga babae. Bakit nga ba napakaespesyal si Maria sa paningin ng Diyos? Bakit nga ba ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon para kay Maria? Sabi ni San Gabriel Arkanghel sa kanyang pagbati na dadalhin ni Maria sa kanyang sinapupunan ang Panginoong Hesus (1, 31). Si Hesus, na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, ang Sanggol na tinukoy ni propeta Isaias noong inihayag niya sa Unang Pagbasa na isisilang ang isang sanggol na lalaki upang mamahala sa lahat (9, 5). Ang kapalit nito'y ang pagtanggap sa pagpapala at karangalang bigay sa kaniya ng Diyos bilang Reyna ng Langit at Lupa. Iyan ang ipinasulyap sa kaganapang ito sa kasaysayan ng pagligtas sa atin ng Panginoong Diyos. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay ang Ina at Reyna ng Haring si Kristo Hesus. Kung tunay nating iniibig ang ating Panginoon at Haring si Hesus, iibigin rin natin ang Kanyang Reyna at Inang si Maria na Ina. Tandaan, ang Mahal na Birheng Maria ay hindi lamang Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus kundi Ina rin nating lahat. Siya'y Ina rin nating lahat na bumubuo sa sambayanang Kristiyano. Si Maria pa nga ang ibinigay sa atin ni Kristo upang maging ating Ina. Kaya, marapat lamang na ang Mahal na Ina ay ating ibigin at igalang bilang ating Ina at Reyna. At kapag iyan ang ating ginawa, ipinapahayag natin ang ating pagmamahal at pagsamba kay Hesus bilang ating Panginoon at Hari. 

Biyernes, Agosto 16, 2019

SIYA BA ANG ATING PAPANIGAN?

18 Agosto 2019 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53 


Isa sa mga titulo ng Panginoong Hesukristo ay "Prinsipe ng Kapayapaan" (Isaias 9, 6). Subalit, ang Kanyang pahayag sa Ebanghelyo ay parang taliwas sa nais ilarawan ng titulong ito. Dahil kilala Siya bilang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Panginoong Hesukristo ay inaaasahang maghatid ng kapayapaan. At iyon naman ang Kanyang ginawa. Kaya naman, nakakapagtaka kung bakit nagsalita nang ganoon na lamang sa Ebanghelyo ang Panginoong Hesukristo. 

Mapapaisip ang karamihan kung bakit iginawad sa Panginoong Hesus ang titulong iyon. Hindi iyon ang nararapat sabihin ng kinikilalang Prinsipe ng Kapayapaan. At kung tutuusin, ang kapayapaan at pagkahati-hati ay magkasalungat. Kaya naman, sa unang tingin pa lamang, ang mga sinabi ni Kristo sa Ebanghelyo at ang Kanyang titulo ay magkasalungat. Paano Niyang magagawang maghatid ng kapayapaan sa lahat at maging dahilan ng pagkahati-hati? Magtataka lamang tayo kung bakit ang Prinsipe ng Kapayapaan ay isa sa mga titulo ni Kristo kahit na ang mga salitang namutawi mula sa Kanyang mga labi sa Ebanghelyo ay ibang-iba. Nagmistulang huwad ang titulong Prinsipe ng Kapayapaan dahil sa mga inihayag ng Panginoon sa Ebanghelyo. Parang sumasalungat si Kristo sa Kanyang misyon.

Taliwas nga ba talaga ang pahayag ng Panginoon sa Ebanghelyo sa pagsasalarawan sa Kanya ng Kanyang titulong Prinsipe ng Kapayapaan? Talaga bang hindi naaayon ang Kanyang mga sinabi sa Kanyang titulo? Ano nga ba talaga ang nais iparating ng Panginoon sa pahayag Niyang ito sa Ebanghelyo? 

Si Hesus ay hindi tumataliwas sa pagiging Prinsipe ng Kapayapaan. Si Hesus ay hindi sumasalungat sa Kanyang tungkulin bilang Prinsipe ng Kapayapaan. Ang nais Niyang iparating sa pahayag na ito ay ibang-iba ang kapayapaang kaloob Niya sa bawat isa sa kapayapaang ibinibigay ng daigdig. Kapayapaan naman talaga ang Kanyang bigay sa lahat. Subalit, ang ibig sabihin ng Panginoong Hesus ay hindi Siya tatanggapin ng lahat ng mga pinagkalooban Niya ng kapayapaan. Nakakalungkot, pero iyon ang katotohanan. Si Hesus ay hindi tatanggapin ng lahat, kahit mabuti at maganda ang Kanyang ibinibigay. Hindi rin malabo ang posibilidad na kahit ang ating mga kapamilya, kapatid, kaibigan, o 'di kaya kapanalig ay hindi tatanggap sa butihing Panginoon at ang Kanyang mga kaloob. 

Naranasan ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa ang hindi pagtanggap sa kanya dahil sa kanyang pagtupad sa misyong ibinigay ng Panginoong Diyos nang buong katapatan. Hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan dahil nanatili siyang tapat sa Panginoon. Tampok pa nga sa salaysay sa Unang Pagbasa kung paanong si propeta Jeremias ay binalak patayin ng kanyang mga kaaway. Isinalaysay pa kung ano ang kanilang ginawa laban kay Jeremias upang tiyakin na siya'y mamamatay. Bakit nais nilang patayin si propeta Jeremias? Sapagkat hindi nila matanggap ang mensahe ng Diyos na inilahad sa kanila ni propeta Jeremias. Ipinasiya ni propeta Jeremias na manatiling tapat at masunurin sa Diyos. Ipinasiya niyang tuparin ang ipinagawa sa kanya ng Diyos nang buong katapatan. Subalit, ang kapalit ng kanyang pasiya ay napakabigat at napakasakit. Dumami ang kanyang mga kaaway. Dumami ang mga naghangad na siya'y patayin. Siya'y naging kaaway ng lahat. 

Iyan din ang pinatotohanan ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa. Alam niyang ang pag-uusig na kanyang dinadanas ay dinadanas rin ng kanyang mga tagasubaybay. Silang lahat ay inusig dahil ipinasiya nilang manalig at sumampalataya kay Kristo. Dahil sa kanilang pananalig at pananampalataya kay Kristo Hesus, ipinasiya nilang magpabinyag at umanib sa Kanyang Simbahan. Si Kristo ang natatanging dahilan kung bakit sila'y inusig. Si Kristo ang dahilan kung bakit lagi silang nanganib mula noong sila'y magpabinyag. Inusig sila dahil kay Kristo. 

Sa kasalukuyang panahon, marami ang nagiging mga martir dahil ipinasiya nilang pumanig sa Panginoon. Pinatotohanan nila ang habag ng Panginoon nang buong katapatan. Dahil sa kanilang tapat na pagsaksi sa Ebanghelyo, sila'y inusig ng mga ayaw tumanggap sa Kanya. Inuusig sila ng mga nagnanais isulong ang kultura ng pang-aapi, panlilinlang, at pagpatay. Ang garapalang katiwalian ay pinapairal nila nang buong sigasig. Iyan ang dahilan kung bakit inuusig nila nang gayon na lamang ang mga tapat na lingkod ng Panginoon. Tinututulan nila ang nais isulong ng mga garapal sa lipunan na pawang magdudulot ng masama sa lahat. Bakit sila tutol sa mga binabalak ng mga tiwali? Dahil ang mga adhikain na ito na magdudulot ng kasamaan ay labag sa paningin ng Diyos. Ang kulturang nais nilang isulong na puno ng katiwalian, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay sa tao, lalo na sa mga inosente, ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga tapat na lingkod ng Panginoon na sumasaksi sa Ebanghelyo ay naninindigan laban sa pagsulong ng kultura ng pang-aapi, panlilinlang, at pagpatay sa lipunan. 

Nakakalungkot nga lamang isipin na may mga pumapanig sa mga naghahangad na pairalin ang kultura ng garapalang katiwalian sa lipunan. Pinapanigan nila ang mga manlilinlang, mang-aapi, at walang pagpapahalaga sa buhay ng tao. Nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan, at nagpapalinlang. Kinukunsinti ang panlilinlang na ginagawa. Kinukunsinti ang panawagang pumatay ng mga tao, kahit inosente. At kapag binatikos o binigyan ng suhestiyon na mas maganda pa, sila pa ang magagalit dahil ang kanilang sinusundan ay laging tama at hindi nagkakamali. 

Ang bawat isa sa atin ay tinatanong kung handa ba tayong pumanig at maninidigan para sa Panginoon. Kaya ba nating maging tapat sa Panginoon kahit na hindi Siya tinatanggap ng iba? Ibibigay ba natin sa Kanya ang tapat nating pag-ibig, pananalig at pananampalataya? Handa ba tayong talikuran ang lahat para sa Kanya? 

Linggo, Agosto 11, 2019

PATUNGONG LANGIT

15 Agosto 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 


Ang buhay dito sa lupa ay pansamantala lamang. Hindi tayo mamumuhay dito sa daigdig magpakailanman. Ang buhay na walang hanggan ay hindi matatagpuan dito sa lupa. Darating ang panahon kung kailan ang bawat isa sa atin ay papanaw. Ang katotohanang ito tungkol sa buhay dito sa daigdig na ito ay hindi mapagkakaila. Masakit man ito marinig o tanggapin, iyan ang katotohanan. 

Kailan naman darating ang takdang oras? Kailan sasapit ang oras ng pagpanaw natin sa daigdig na ito? Hindi natin alam. Isang misteryo para sa atin ang araw ng ating pagpanaw. Diyos lamang ang tanging nakababatid kung kailan ang takdang oras ng ating paglisan sa daigdig. Lilisanin natin ang daigdig na ito balang araw. Hindi lang natin alam kung kailan iyon. Diyos lamang ang nakakaalam. At kung tutuusin, Siya ang bumabawi sa ating buhay. Kaya nga, sinasabi natin na ang mga pumapanaw ay binabawian ng buhay. Pag-aari ng Panginoon ang ating buhay. Siya lamang ang may karapatang bawiin iyon. 

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa Ikalimang Utos ng Sampung Utos, "Huwag kang papatay" (Exodo 20, 13). Si Job rin ay nagpatotoo tungkol sa katotohanang ito noong nawala sa kanya ang lahat. Sabi niya, "Ang Panginoon ang nagbigay at Siya rin ang bumabawi" (Job 1, 21). Ang lahat ng bagay, pati na rin ang buhay natin, ay galing sa Panginoon. Sa Kanya nagmula ang lahat ng bagay. Siya lamang ang may karapatang magbigay at bumawi. Ang Diyos lamang ang maaaring magbigay at bumawi ng buhay. Hindi ito maaaring gawin ng sinumang tao, kahit hawak pa niya ang pinakamataas na posisyon sa lipunan. 

Subalit, ang pagpanaw sa daigdig ay hindi hudyat ng katapusan. Kahit ang ating mga katawan dito sa lupa ay maaagnas sa katapusan ng ating buhay sa daigdig na ito, hindi nangangahulugang tapos na ang lahat para sa bawat isa. May kasunod na buhay pagkatapos ng ating paglalakbay sa lupa. Ang buhay dito sa lupa ay hindi lamang ang nag-iisang buhay na mayroon tayo. May buhay sa kabila. At hindi sakop ng oras o panahon ang buhay sa kabila. Kung ang buhay sa lupa ay may katapusan, walang katapusan ang buhay sa kabila. Iyan ang aral ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria.

Ano naman ang mayroon sa kabilang buhay? Sa kabilang buhay, ang bawat isa ay may pagkakataon na masilayan ang kaganapan ng kadakilaan ng Diyos. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nakikita natin dito sa lupa araw-araw ay isa lamang patikim o pagsulyap sa masisilayan ng bawat isa sa langit. Ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Diyos ay masisilayan ng lahat sa langit. Sa pagtawid ng bawat isa sa kabilang buhay, mayroon silang posibilidad na makita ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang inilarawan sa Unang Pagbasa tungkol sa langit ay kanilang makikita. At ang lahat ng makakakita sa kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon sa langit ay mamamangha. Tunay na mapalad ang mga nakarating sa langit sa katapusan ng kanilang paglalakbay sa daigdig na ito sapagkat ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon ay kanilang masisilayan magpakailanman. Ang langit na pinupuspusan ng Diyos ng Kanyang kadakilaan ay magiging kanilang tahanan magpakailanman. Makakapiling nila ang Panginoon na puspos ng kadakilaan magpakailanman sa langit. Tunay ngang maganda ang langit. 

Iyon nga lamang, hindi lahat ng naglalakbay dito sa daigdig ay makakarating at makakapasok sa langit. Iyan ang binigyan ng pansin ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang awitin na inilahad sa pangalawang bahagi ng Ebanghelyo. Inihayag niya na ang mga umaapi sa mga nasa abang kalagayan ay ibabagsak ng Diyos. Darating ang panahon kung kailan pagbabayarin ng Diyos ang lahat ng mga nang-aapi ng kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Ang mga umaabuso ng kapangyarihan ay ibabagsak ng Diyos pagdating ng takdang panahon. Ang mga sakim at mga kumikitil ng buhay ng bawat tao, lalo na ng mga inosenteng tao, ay hindi papapasukin sa langit. Magsaya man sila sa bawat sandali ng kanilang buhay dito sa mundo, pagbabayarin sila ng Panginoong Diyos sa kabilang buhay. Hindi Niya sila papapasukin sa langit. Iyan ang parusa at ganti ng Panginoon laban sa mga umaapi ng kapwa, lalo na ang mga umaapi sa mga maralita, habang namumuhay sa mundo. Sinu-sino sila? Ang mga sakim at kumikitil sa buhay ng tao. 

Paano tayo makakapasok sa langit? Isabuhay ang mga utos at aral ng Panginoong Hesus, ang pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Si Hesus na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Si Hesus na nagpamalas ng kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kapag isinabuhay natin ang Kanyang mga utos at aral, inihahayag natin ang ating pananalig at pagtanggap sa Kanya. Ang mga nananalig at tumatanggap sa Kanya hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa lupa ay Kanyang tatanggapin at papapasukin sa Kanyang kaharian sa langit. 

Kung nais nating matamasa ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit, mamuhay tayo ayon sa Kanyang mga utos at salita. Huwag tayong mang-abuso o mang-api ng kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Mamuhay tayo nang may pagmamahal sa Diyos at kapwa. Mamuhay tayo nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Mamuhay tayo ayon sa mga utos at aral ng Panginoong Hesukristo. Italaga natin ang ating mga sarili sa Panginoon, tulad ng Mahal na Ina. Buong puso nating tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos habang tayo'y naglalakbay sa mundong ito. Iyan ang paghahandang kailangan nating gawin kung nais nating tahakin ang landas patungong langit. 

Huwebes, Agosto 8, 2019

PINANANALIGAN NANG BUONG KATAPATAN

11 Agosto 2019 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 (o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40) 


Sa Ebanghelyo, inilahad ng Panginoong Hesus ang mga katangian ng mga tunay na nananalig sa Kanya. Ang mga tunay na nananalig sa Kanya ay nananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Ihahanda nila ang kanilang mga sarili para sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at aral. Ano nga ba ang Kanyang mga iniuutos at itinuturo? Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa. Kapag ang mga ito'y ating susundin, ipinapakita natin sa Panginoon na tayo'y tapat sa Kanya. Buong katapatan nating Siyang pinananaligan, sinasampalatayanan, at sinasamba. 

Ano ang mapapala ng mga tunay na nananalig sa Panginoon? Ang sagot sa tanong na ito ay inilahad sa Unang Pagbasa. Ang lahat ng mga nananalig sa Panginoon ay magagalak sa katuparan ng Kanyang mga pangako. Silang lahat ay nanalig nang buong katapatan sa Panginoon. Nanalig sila sa katapatan ng Diyos. Nanalig silang hindi sila bibiguin ng Diyos. Bagkus, nanalig silang tutuparin ng Panginoong Diyos ang Kanyang mga pangako. At ang pagtupad ng Panginoong Diyos sa Kanyang mga pangako ay kanilang pinaghahandaan at pinanabikan nang buong katapatan. Sila'y mapupuspos ng kagalakan sapagkat makikinabang sila sa mga pangako ng Diyos. At ang kanilang pananalig at katapatan sa Diyos hanggang wakas ang dahilan kung bakit sila makikinabang sa pangako ng Diyos. 

Tinalakay rin sa Ikalawang Pagbasa ang paksa ng pananalig sa Diyos nang buong katapatan hanggang wakas. Ang mga Hebreo ay hinimok na manatiling tapat sa Diyos hanggang wakas. Pinalalakas ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa ang loob ng mga Hebreo. Sa kabila ng mga pagsubok at pag-uusig sa buhay, hinihimok silang huwag isuko ang kanilang pananalig at katapatan sa Diyos. Dahil kapag silang lahat ay nanatiling tapat sa Diyos hanggang wakas, matatamasa nila ang gantimpalang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Kung iyon ang nais nilang matamasa, huwag silang bumitaw mula sa kanilang pananalig sa Diyos. Manalig sa Diyos nang buong katapatan hanggang sa huli. Ang buhay na walang hanggan sa langit ay ipagkakaloob ng Panginoon sa mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Iyan ang Kanyang gantimpala. 

Nakakalungkot isipin na may mga pagkakataon sa buhay kung saan ibinibigay natin ang ating pananalig at katapatan sa mga maling bagay. Katulad na lamang sa mga umaastang diyos-diyosan. Sa halip na maging pinuno at lingkod, inaabuso nila ang kapangyarihang kalakip ng posisyon. Ang kanilang mga posisyon ay ginagamit nila para sa sariling kapakanan. Hindi na iniisip ang kapakanan ng iba. Hindi lamang diyan natatapos. Binubulag pa niya ang kanyang mga alipores at tagasuporta. Ang lumalabas, hindi na ang bayan o lipunan ang pinaglilingkuran kundi ang sariling interes, lalo na ang mga kinasasabikan ng kanilang amo. Lantaran ang panlilinlang at pagmamataas. Hindi lamang iyan, inuusig ang mga bumabatikos at nagbibigay lamang ng suhestiyon para mapabuti ang kanyang pamamahala. Sakim sa sariling ambisyon, posisyon, kapangyarihan, kayamanan, at kayabangan. Handa pa nga silang pumatay ng tao, lalo na ng mga inosente, para lamang matupad ang kanilang mga hangarin. Nakakalungkot, sila pa ang pinananaligan nang buong katapatan. At higit na nakakalungkot, sila na ang pumalit sa Diyos. 

Kanino natin ibibigay ang ating pananalig at katapatan? Sana, ang Diyos ang ating piliin. Sana, pagpasiyahan natin na ibigay ang ating pananalig at katapatan sa Diyos hanggang sa huli. Sana, tutulan natin ang mga tukso na pumanig at sumunod sa mga may masasamang balak sa lipunan. Sana, manindigan at lumaban tayo laban sa mga kasakiman, kayabangan, karahasan, at kawalan ng hustiyang nais pairalin ng mga huwad at sakim na pinuno. Sana, pumanig tayo sa Panginoon. 

Miyerkules, Hulyo 31, 2019

PAGHAHAYAG NG HIWAGA

6 Agosto 2019 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K) 
Daniel 7, 9-10. 11-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36 


Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Daniel ang kanyang mga nakita sa isang pangitain. Tampok sa kanyang pangitain ang isang mahiwagang hari. Ang haring ito sa pangitain ni propeta Daniel ay hindi katulad ng mga hari sa daigdig. Ang mga hari sa daigdig ay namumuno nang pansamantala lamang. Kung ang mga hari sa daigdig ay bumababa mula sa kanilang mga trono at napapalitan, ang misteryosong haring tampok sa pangitain ni propeta Daniel ay nananatili. Ang kanyang pagkahari ay walang katapusan. Mananatiling hari magpakailanman ang mahiwagang hari sa pangitain ni propeta Daniel. Walang makakapalit sa kanya. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus sa Bundok ng Tabor. Sa pamamagitan ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus, nahayag ang hiwaga ng Kanyang identidad. Sino nga ba talaga ang Nazarenong ito? Bakit Siya naiiba sa iba pang mga kilalang personalidad? Ano nga ba ang meron sa Kanya? Anong espesyal sa Kanya? Bakit parang hindi Siya isang simpleng guro? Ang mga tanong na ito ay binigyan ng kasagutan ni Hesus sa Kanyang Pagbabagong-Anyo. Siya ang haring walang hanggan. Siya ang ipinangakong Mesiyas. Siya ang haring puspos ng pag-ibig para sa lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig, Siya'y dumating sa sanlibutan upang tubusin ang sangkatauhan. Iyan si Kristo Hesus. 

Tampok sa Ikalawang Pagbasa ang patotoo ni Apostol San Pedro ukol sa kanyang mga nasaksihan sa bundok noong nagbagong-anyo ang Panginoong Hesukristo. Isa siya sa tatlong apostol na nakasaksi sa pangyayaring ito. Nasaksihan nilang tatlo ang pagningning ni Kristo Hesus. Nasaksihan rin nila kung paanong nagpakita sina Moises at Elias at kung paano nilang kinausap si Kristo tungkol sa Kanyang misyon bilang Tagapagligtas. Nasaksihan rin nila kung paanong ang Ama ay nagsalita mula sa langit upang ipakilala kung sino si Kristo. Nasaksihan nila ang paghahayag ng hiwaga tungkol kay Hesus. 

Ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus ay isang napakahalagang pangyayari sa Kanyang buhay sa lupa. Sa kabanatang ito ng Kanyang buhay sa lupa, nahayag ang hiwaga tungkol sa Kanyang sarili. Siya ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas ang tao dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob. Siya ang tunay na hari. At ang Kanyang pagkahari ay walang hanggan. 

Sa Bundok ng Tabor, nahayag ang hiwaga tungkol sa Panginoong Hesus. Nahayag ang kadakilaan ng Kanyang pagkahari. Siya ang haring walang hanggan. Siya ang hari ng lahat ng tao. At bilang hari ng lahat ng tao, Siya ay may tunay na pag-ibig at kagandahang-loob para sa lahat. Patuloy Niyang ibinubuhos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa lahat ng tao sa iba't ibang panig ng daigdig na umiibig at sumasamba sa Kanya. 

Martes, Hulyo 30, 2019

WALANG SAYSAY ANG BUHAY KUNG WALA ANG DIYOS

4 Agosto 2019 
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23/Salmo 89/Colosas 3, 1-5. 9-11/Lucas 12, 13-21 



Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng mayamang hangal. Ang aral o puntong nais iparating ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagsalaysay ng talinghagang ito sa mga tao ay huwag isentro ang buhay sa mga kayamanan dito sa daigdig. Lalo't higit ang mga kayamanan at iba pang mga bagay dito sa daigdig ay lilipas lamang. Maglalaho ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Kapag isinentro natin ang ating buhay sa mga bagay na iyan, mawawalan ito ng kabuluhan. Ang buhay na nakasentro sa mga bagay dito sa daigdig ay walang saysay. 

Ang aral na tinalakay ni Kristo sa Ebanghelyo ay binigyan rin ng pansin sa Unang Pagbasa. Walang kabuluhan ang lahat ng gawain ng tao para sa kanyang sarili. Ang kanyang pagsusumikap at pamumuhanan ay walang saysay. Ang lahat ng gawin ng tao ay magdudulot lamang ng sakit at hinanakit. Para bang ipinapahiwatig na ang buhay dito sa lupa ay walang saysay. 

Hindi naman pinatatamaan ng manunulat ng Unang Pagbasa ang kasipagan. Ang kasipagan ay napakahalaga. Subalit, nagiging problema lamang ito kapag ang bawat isa'y inuudyok na maging sakim. Kapag kasakiman na ang motibo ng bawat isa na maging masipag sa kanyang paghahanap-buhay at pagsusumikap, mababaluktot ang kanyang mga pananaw. Iisipin niyang kayamanan ang nagpapaikot sa daigdig. Para sa mga sakim, walang magpapakuntento sa kanila. Habang nabubuhay pa sila sa daigdig na ito, kailangan nilang paramihin ang kanilang yaman. Wala na silang ibang hinahangad kundi ang kamunduhan. 

Isang halimbawa ng isang taong sakim ay ang mayamang hangal sa talinghaga ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Ang tanging hangarin ng mayamang hangal na ito ay pagyamanin ang kanyang sarili. Sarili lamang ang iniisip ng mayamang hangal na ito. Iniisip ng mayamang hangal na ito na umiikot sa mga yaman dito sa daigdig ang buhay. Isinentro niya ang kanyang buhay sa kanyang mga yaman. Kaya, ang kanyang buhay sa lupa ay walang kabuluhan, tulad ng pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Ang kanyang pagsusumikap at paghahanap-buhay ay walang kabuluhan dahil ipinagpalit niya ang Diyos sa mga bagay dito sa daigdig na lilipas lamang. Sa halip na isentro sa Panginoon ang kanyang buhay, isinentro niya ito sa mga kayamanang lilipas rin pagdating ng panahon. 

Paano natin bibigyan ng kabuluhan ang ating buhay? Si Apostol San Pablo mismo ang sumagot sa tanong na ito sa Ikalawang Pagbasa. Sinabi niyang ang mga bagay na nauukol sa langit ang dapat nating isipin (3, 2). Isentro natin ang ating buhay sa Diyos. Isapuso't isaisip natin ang mga turo't aral ni Kristo. Talikdan at tutulan ang mga tukso't pang-aakit ng laman. Papasukin natin ang Panginoon sa ating buhay at iluklok Siya bilang hari ng ating mga buhay. Pairalin natin ang Kanyang kalooban. Kapag iyan ang ating ginawa, magiging makabuluhan ang ating buhay. 

Magiging makabuluhan ang ating buhay kung ang Diyos lamang ay nasa sentro nito. Kapag Siya ang naghari sa ating mga puso, kapag pinahintulutan natin ang Diyos na tuparin ang Kanyang kalooban sa pamamagitan natin, magkakaroon ng saysay ang ating buhay. Kapag ang mga bagay dito sa daigdig, na maglalaho lamang pagdating ng panahon, ay ginawa nating hari ng ating buhay, sinasayang natin ang bawat sandali ng ating buhay. Sayang ang buhay natin kapag ang Panginoon ay wala sa sentro nito. Siya lamang ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating buhay. Kung ang Diyos ay wala sa sentro ng ating buhay, walang saysay ang ating buhay. 

Lunes, Hulyo 29, 2019

TINALIKURAN ANG LAHAT PARA SA DIYOS

31 Hulyo 2019 
Paggunita kay San Ignacio ng Loyola, pari 
Exodo 34, 29-35/Salmo 98/Mateo 13, 44-46 


Sa Unang Pagbasa, itinampok ang papel na ginampanan ni Moises matapos niyang tanggapin ang dalawang panibagong tapyas na bato kung saan muling isinulat ng Diyos ang Kanyang Sampung Utos. Siya ang kumausap sa Panginoong Diyos alang-alang sa mga Israelita. Sasabihin ng Panginoong Diyos kay Moises ang lahat ng mga nais Niyang iparating sa mga Israelita. Ang mga ipinasabi ng Panginoong Diyos kay Moises ay kanya namang inihayag sa mga Israelita. 

Ang Diyos na nagsalita kay Moises sa Lumang Tipan ay bumaba sa langit at naging tao pagdating ng takdang panahon sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Hesukristo, ang Diyos ay namuhay sa piling ng Kanyang bayan. Siya mismo ang nagsalita sa Kanyang bayan. Sa Lumang Tipan, hinirang Niya ang mga propeta upang maging Kanyang mga tagapagsalita sa Kanyang bayan. Sila ang iniatasang magsalita sa Kanyang Ngalan. Subalit, sa Bagong Tipan, mismong ang Diyos ang nagsalita sa Kanyang bayan. Siya mismo ang naglahad sa lahat ng mga bumubuo ng Kanyang bayan ang Kanyang mga aral at salita. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang isa sa mga pagkakataon kung saan si Hesus ay nangaral sa mga tao. Dalawang talinghaga ang isinalaysay ni Hesus sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo. Subalit, iisa lamang ang larawang ginamit ng Panginoong Hesus sa dalawang talinghaga na Kanyang isinalaysay sa mga tao - ang larawan ng kayamanan. Sa pamamagitan ng dalawang talinghagang ito, inihayag ng Panginoon na sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay na kayamanan. Ang kayamanang mula sa Diyos ay hindi matutumbasan o mahihigitan ng anumang kayamanan dito sa lupa. Iyan ang aral mula sa dalawang talinghagang ito ni Kristo. Ang tunay na yaman ay masusumpungan lamang sa piling ng Diyos lamang. Ang kayamanang bigay ng Diyos sa langit ay ang tunay na kayamanan. 

Si San Ignacio de Loyola ay pinukaw ng Salita ng Diyos na baguhin ang kanyang buhay. Matapos mapinsala sa isang digmaan, nagbasa siya ng mga libro tungkol kay Kristo at sa iba pang mga santo at santa. Habang binabasa niya mga librong iyon, ang Diyos ay kumilos. Tinulungan siya ng Diyos na magbagong-buhay. At mula sa pagiging isang ambisyosong kawal na naghangad ng mga yaman at kapangyarihan dito sa daigdig, siya'y naging kawal ng Panginoon. Tinalikuran niya ang kanyang mga pangarap bilang isang kawal at inialay ang kanyang sarili sa Diyos. Nang piliin niyang tahakin ang landas ng kabanalan at ialay ang kanyang sarili sa Diyos, ang tunay na yaman ay kanyang nasumpungan.

Nahanap ni San Ignacio de Loyola ang tunay na yaman sa Diyos. Tinalikuran niya ang lahat ng bagay dito sa daigdig para sa Diyos. Inihandog niya ang buo niyang sarili sa Diyos. Katulad ni San Ignacio de Loyola, talikuran natin ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Tutulan natin ang mga pang-aakit ng daigdig. Talikuran natin ang mga bagay na makamundo. Italaga natin ang ating mga sarili sa Diyos. Mamuhay tayo para sa Kanya. Doon lamang nating matatamasa ang tunay na kayamanan na nagmumula sa Kanya. Ang kayamanang kaloob ng Diyos ang tunay na kayamanan. Hindi ito matutumbasan ng anumang yaman dito sa daigdig.