Linggo, Disyembre 8, 2019

ANG PRESENSYA NG DIYOS

10 Disyembre 2019 
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila 
(Ang mga piling Pagbasa ay mula sa pangkat ng mga Pagbasa para sa Taunang Paggunita sa Pagtatalaga ng Bahay Dalaginan) 
Ezekiel 43, 1-2. 4-7a/Salmo 83/Efeso 2, 19-22/Lucas 19, 1-10 


Ang gusali ng isang Simbahan o bahay-dalanginan ay sagrado. Sa banal na lugar na ito, ang Diyos ay nananahan. Bagamat ang Diyos ay kasama natin sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, hindi natin maipagkakaila na ang Kanyang presensya ay mas nararamdaman natin sa loob ng gusali ng Simbahan. Oo, kasama natin ang Diyos saan man tayo pumunta. Kasama natin ang Diyos kapag pumupunta ang bawat isa sa Divisoria o 'di kaya sa EDSA. Subalit, aminin natin, mas nahihirapan tayong makinig sa tinig ng Diyos at maramdaman ang Kanyang presensya sa mga lugar na iyon. Kapag tayo ay nasa loob ng isang Simbahan, panatag ang ating puso't kalooban dahil mas nararamdaman natin ang presensya ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Ezekiel ang kanyang mga nakita sa isang pangitain. Sa pangitaing iyon, nakita ni propeta Ezekiel ang kaningningan ng Diyos na pumupuspos sa Templo. Sa Templo, nananahan ang Panginoong Diyos. Ang Kanyang presensya ang nagpapabanal sa lugar kung saan Siya nananahan. Kaya, ang isang bahay-dalanginan ay isang banal at sagradong lugar. Sa isang bahay-dalanginan, nananahan ang Diyos. Ang presensya ng Diyos ang nagpapabanal sa bahay-dalanginan. Iyan ang dahilan kung bakit mayroong mga bahay-dalanginan. 

Inihayag naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay bahagi ng Templo ng Diyos. Tayo ang Simbahan. Ang bawat isa ang bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo. Kaya naman, nararapat lamang na pahalagahan natin ang buhay ng bawat isa sapagkat bahagi rin sila ng Simbahan. Kung paano nating pinapahalagahan ang mga gusaling Simbahan dahil ang Panginoon ang Siyang nananahan doon, pahalagahan rin natin ang bawat isa. Gayon din ang dapat nating gawin sa ating mga sarili. Sabi ni Apostol San Pablo na ang bawat isa sa atin ay templo ng Diyos at pananahan ng Espiritu Santo (3, 16). Kaya naman, marapat lamang na ingatan at pahalagahan ang buhay ng lahat. 

Sa Ebanghelyo, habang nasa bahay ni Zaqueo, inihayag ng Panginoong Hesus na ang awa ng Diyos ay dumating sa nasabing lugar. Si Zaqueo ay tumalikod mula sa kanyang makasalanang pamumuhay dahil sa pagliligtas ng Diyos. Ang presensya ng Diyos ay naghatid ng kaligtasan kay Zaqueo. Ang buhay ni Zaqueo ay nagbago dahil sa awa ng Diyos na ipinadama sa kanya ni Hesus. Dahil siya'y pinakitaan ng habag at awa, si Zaqueo ay nagbagong-buhay. 

Ang Simbahan ay sagrado dahil ito ang tahanan ng Panginoon. Kaya naman, ang lahat ng mga gusaling Simbahan ay labis nating pinapahalagahan. Kung paano nating pinapahalagahan at iniingatan ang mga gusaling Simbahan, pahalagahan at ingatan rin natin ang ating mga sarili at ang ating kapwa. Ang bawat isa sa atin ay bumubuo sa Simbahan. Ang Diyos ay nananahan sa atin. 

Sabado, Disyembre 7, 2019

ARAW NG PASASALAMAT SA DIYOS

9 Disyembre 2019 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38 


Isang kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagpapakita ng Kanyang awa ay ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang awa para sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagsagip kay Maria mula sa bahid ng kasalanan bago pa man siya isilang sa daigdig. Sa sandali ng paglilihi sa kanya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, siya'y iniligtas ng Diyos. Niloob ng Diyos na si Maria ay iligtas Niya mula sa bahid ng kasalanan bago pa man Siya isilang sa daigdig dahil sa Kanyang awa. Niloob ng Diyos na si Maria ay ipaglihi at isilang na walang bahid ng kasalanan dahil siya'y pinili upang dalhin ang Mesiyas. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang maging pananahan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus pagdating ng panahon. 

Pinagnilayan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang misteryo ng awa ng Diyos. Sa huling bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos ang pangako Niyang pagligtas sa lahat ng tao. Inihayag ng Diyos ang tagumpay ni Kristo Hesus bago pa man ito maganap. Bagamat nagkasala ang tao sa pamamagitan nina Eba at Adan laban sa Diyos, hinangad pa rin Niyang maligtas ang sangkatauhan. Iyan ang dahilan kung bakit si Kristo ay dumating sa lupa. Sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria na ipinaglihing walang sala, si Kristo ay dumating sa daigdig bilang Tagapagligtas. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagbabalita ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Inang si Maria. Sa sandaling iyo'y inihayag ni Maria ang kanyang pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Tumalima siya sa kalooban ng Diyos. 

Sabi nga ni Apostol San Pablo sa simula ng Ikalawang Pagbasa, "Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo!" (1, 3) Nararapat lamang magpasalamat sa Diyos sa lahat ng oras, lalung-lalo na sa espesyal araw na ito sa Kalendaryo ng Simbahan. Ang araw na ito ay araw ng pasasalamat sa Diyos sa biyaya ng Inmaculada Concepcion. Ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Ina ay isang tunay na biyaya mula sa Panginoon. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawaing ito, inihanda ang magiging pananahan ni Hesus. Sa loob ng sinapupunan ni Maria, mananahan si Hesus sa loob ng siyam na buwan bago Siya iluwal. 

Ang espesyal na araw na ito ay isang araw ng pasasalamat. Habang buong galak tayong nagpipista sa araw na ito, huwag nating kakalimutan na magpasalamat sa Panginoong Diyos sa biyaya ng Kanyang awa. Iyon naman talaga ang tunay na diwa ng araw na ito. Pasalamatan natin ang Panginoon sa Kanyang pagsagip sa Mahal na Birheng Maria bago pa siya isilang sa daigdig na ito. Sa pamamagitan ng gawaing ito na tunay ngang kahanga-hanga, ipinakita Niya ang Kanyang awa para sa lahat. Iyan ang ating Diyos. 

Mapalad tayong lahat sapagkat ang Diyos ay tunay na maawain sa lahat. Tayong lahat ay Kanyang tinubos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo na ipinaglihi at iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria Inmaculada. 

Lunes, Disyembre 2, 2019

PAGHANDAAN NATIN NANG MABUTI ANG PAGDATING NG PANGINOON

8 Disyembre 2019 
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Isaias 11, 1-10/Salmo 71/Roma 15, 4-9/Mateo 3, 1-12 


Muling tinalakay sa mga Pagbasa para sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento ang tema ng paghahanda. Kung tutuusin, iyon naman talaga ang temang binibigyan ng pansin ng Simbahan sa kabuuan ng panahon ng Adbiyento. Paghahanda. At iyan ang panawagan ng Simbahan sa bawat isa sa atin sa panahong ito ng Adbiyento na kilala rin bilang Panahon ng Pagdating ng Panginoon. 

Ang pagdating ng Panginoon ang ating pinaghahandaan sa panahong ito. Kaya naman, inilaan ng Simbahan ang panahong ito ng Adbiyento sa paghahanda ng sarili upang maging marapat ang bawat isa na sumalubong ni Kristo sa Kanyang pagdating. Hindi dapat tayong nakatunganga na lamang habang hinihintay natin ang pagdating ng Panginoon. Hindi puwedeng wala tayong gagawin habang tayo'y naghihintay. Bagkus, nararapat lamang na ihanda ang ating mga sarili dahil hindi pangkaraniwan ang darating. At Siya'y walang iba kundi ang Panginoon. 

Hindi natin maipagkakaila na may mga pagkakataon sa buhay natin kung saan ang pagdating ng isang bisita ay hindi nating pinaghandaan nang mabuti. Subalit, hindi dapat maging ganyan ang ating paghanda para sa pagdating ni Kristo. Kailangan nating maghanda nang mabuti para sa Kanyang pagdating. Lagi nating tatandaan sa ating paghahanda na hindi lang sinu-sino ang ating pinaghahandaan. Hindi tayo maaaring maghanda para sa Panginoon na hindi ibinibigay ang lahat. Bagkus, kailangan natin ibuhos ang lahat ng ating sipag at tiyaga sa ating paghahanda upang maging marapat tayong sumalubong sa Kanya sa Kanyang pagdating. 

Sabi sa Unang Pagbasa, isang hari ang lilitaw mula sa lahi ni Jesse na ama ni Haring David. At ang haring iyon ay walang iba kundi ang Panginoon. Bilang hari, ang Panginoon ay hindi mapapantayan o mahihigitan ng mga hari dito sa lupa. Ang kapangyarihan at kadakilaan ni Kristo ay walang kapantay. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na si Kristo ay naparito upang ihayag ang katapatan ng Diyos sa lahat. Inihayag Niya ito sa pamamagitan ng pagtubos Niya sa lahat. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ni San Juan Bautista si Hesus sa lahat ng kanyang mga tagapakinig sa Ilog Jordan. Inihayag ni San Juan Bautista na si Hesus ay higit na dakila at makapangyarihan kaysa sa kanya. 

Iyan ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit kailangan nating paghandaan nang mabuti ang pagdating ng Panginoong Hesukristo. Inilarawan sa mga Pagbasa kung paanong si Hesus ay hindi lang kung sinu-sino. Bagkus, Siya ang pinakadakila at ang pinakamakapangyarihan. Kaya, nararapat lamang na ibigay natin ang ating sipag at tiyaga sa ating paghahanda para sa Kanyang pagdating. 

Paano ba tayo makakapaghanda nang mabuti para sa pagdating ni Hesus? Ang tanong na ito ay binigyan ng kasagutan ni San Juan Bautista sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Sabi ni San Juan Bautista na dapat pagsisihan at talikdan ng bawat isa ang kanilang mga kasalanan. Iyan ang kailangan nating gawin. Tayong lahat ay dapat magsisi't magbalik-loob sa Diyos. Walang ibang hangad ang Panginoong Hesus kundi ang isang busilak na puso at loobin mula sa atin. Nais Niyang Siya'y ating handugan ng isang busilak na puso at loobin. Iyan ay tunay na kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Iyan ang hanap Niya sa atin. 

Darating ang Panginoong Hesukristo. Darating Siya upang manahan sa piling ng bawat isa sa atin. Kaya, paghandaan natin ang ating mga sarili. Linisin natin ang ating mga puso't loobin upang ito'y maging tahanan Niya. Nais Niyang manahan at maghari sa ating mga puso. Paghandaan natin iyon nang mabuti. 

Lunes, Nobyembre 25, 2019

PAGHAHANDA PARA SA PANGINOON

1 Disyembre 2019 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44 


Binubuksan ng Simbahan ang isang panibagong taon sa pamamagitan ng pagpasok sa panahon ng Adbiyento. Ang panahong ito ay kilala rin bilang Panahon ng Pagdating ng Panginoon. Ang panahong ito ay inilalaan sa paghahanda ng mga sarili natin para sa pagdating ni Kristo. 

Katunayan, dalawa ang ating pinaghahandaan at pinananabikan sa panahong ito ng Adbiyento. Ang una ay ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo na ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Disyembre at ang pangalawa naman ay ang Kanyang Muling Pagbalik sa wakas ng panahon bilang Dakilang Hukom ng mga nangabuhay at nangamatay na tao.

Ano naman ang gagawin ng Panginoon sa Kanyang pagdating? Ano ang Kanyang hatid sa bawat isa sa Kanyang pagdating? Ang paksang ito ay tinalakay sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inihayag na kapayapaan ang iiral sa pagdating ng Panginoon (2, 4). Batay ito sa pangitain ni propeta Isaias tungkol sa Juda at Herusalem. Kapayapaan ang ihahatid ng Panginoon sa lahat sa Kanyang pagdating. Kaya nga, Siya'y tinawag na "Prinsipe ng Kapayapaan" (Isaias 9, 6). Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na kaligtasan ang dala ng Panginoon sa muli Niyang pagbalik (13, 12). Sino ang mga makikinabang sa biyayang ito na kaloob ni Kristo? Ang mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Bagamat nais ni Kristo na tubusin ang lahat, tanging ang mga nagpasiyang maging tapat sa Kanya hanggang sa huli ang maliligtas. 

Subalit, walang sinuman ang nakakaalam kung kailan babalik ang Panginoon. Ang araw kung kailan magaganap ang muling pagbalik ni Kristo bilang Hukom ay isang napakalaking lihim sa mga isipan ng bawat tao. Iyan ang ipinahiwatig sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na malapit nang bumalik ang Panginoon (13, 12). Subalit, walang binanggit na petsa si Apostol San Pablo. Hindi niya sinabi kung kailan nga ba talaga mangyayari ang lahat ng mga nasabing pangyayari. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na ang muli Niyang pagdating sa katapusan ng panahon ay magiging katulad ng pagdating ng matinding baha noong panahon ni Noe (24, 37). Darating Siya sa panahong hindi inaasahan ng lahat. Babalik Siyang muli ng biglaan. 

Kaya naman, napapanahon ang paalala ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo - maging handa sa lahat ng oras. Laging maging handa. Ang paalalang ito ni Hesus ay ipinarating rin ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa kung saan sinabi niyang "panahon na upang gumising sa pagkatulog" (13, 11). Dapat tayong maging handa sa lahat ng oras. Paano natin maihahanda ang mga sarili natin para sa maluwalhating pagdating ng Panginoon? Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paano natin ito magagawa. Sinabi niyang dapat mamuhay tayo nang marangal, talikuran ang makasalanang pamumuhay, at isentro ang ating buhay kay Kristo. Pahintulutan natin ang Panginoong Hesus na maging hari ng ating buhay. Iyan ang ating magagawa upang maging marapat tayong sumalubong sa Panginoong Hesukristo sa Kanyang pagdating. Kapag iyan ay ating ginawa, tayong lahat ay gagantimpalaan ng Panginoon.

Sa panahong ito ng Adbiyento, may isang panawagan ang Simbahan para sa bawat isa sa atin. Malapit nang dumating ang Panginoon. Kaya naman, nararapat lamang na ihanda natin ang ating mga sarili para sa Kanyang pagdating. Kung tunay tayong matapat sa Panginoon, igugugol natin ang oras na ibinibigay sa atin, lalung-lalo na ngayong panahon ng Adbiyento, sa paghahanda ng ating mga sarili para sa Kanyang pagdating. Habang tayo'y nananabik para sa Kanyang pagdating, hindi tayo magtutunganga lamang. Hindi tayo magiging tamad. Bagkus, ihahanda natin ang ating mga sarili para sa pagdating ng Panginoon. 

Ang panawagan ng Simbahan ngayong panahon ng Adbiyento - nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Bilang tugon sa panawagang ito ng Simbahan, ihanda natin ang ating mga sarili upang ang Panginoon ay ating salubungin nang buong tuwa't galak sa Kanyang pagdating. 

Lunes, Nobyembre 18, 2019

TUNAY TAYONG INIIBIG NI KRISTONG HARI

24 Nobyembre 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K) 
2 Samuel 5, 1-3/Salmo 121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43 



Sa Unang Pagbasa, si David ay kinilala ng mga Israelita bilang kanilang hari. Siya'y binuhusan ng langis bilang pagkilala sa kanya. Kinilala nila ang hinirang ng Diyos upang maging hari ng Israel. Tinanggap ng lahat ng mga angkan ng bayang Israel si David bilang kanilang hari. Buong galak nilang kinilala at tinanggap si David bilang kanilang hari. Buong galak silang nagpasalamat sa Diyos dahil si David ay Kanyang ipinagkaloob sa kanila upang maging kanilang hari. 

Subalit, ang kabaligtaran nito ay nasaksihan sa Ebanghelyo. Kung ang mga tao ay masayang nagbunyi at nagalak sa kanilang pagtanggap at pagkilala sa hinirang ng Diyos upang maging hari ng kanilang bayan sa Unang Pagbasa, ginawa nila ang kabaligtaran nito sa Ebanghelyo. Ipinakita nila ang kanilang pagkamuhi para sa hinirang ng Diyos. Ang ipinangakong Mesiyas na si Hesus, ang hinirang ng Diyos upang iligtas ang tanan, ay buong kamuhiang nilait at kinutya ng mga pinuno ng bayan at pati na rin ng mga tao na naroon sa Kalbaryo. Walang tigil ang panlalait at pangungutya na ginawa ng mga tao laban sa Panginoong Hesukristo habang Siya'y nakabayubay sa krus. 

Anong uri ng hari si Hesus? Bakit hinayaan na lamang Niya ang mga tao na Siya'y laitin at kutyain nang gayon na lamang? Hindi ba higit na dakila si Hesus kaysa kay Haring David? Hindi ba si Kristo ang Hari ng mga Hari? Hindi ba Siya lamang ang nag-iisang hari? Hindi ba Siya ang Anak ng Diyos? Hindi ba Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo? Hindi ba Siya ang Diyos? Bakit wala Siyang ginawa upang ipagtanggol ang Kanyang sarili? Bakit hindi ipinakita ni Kristo ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos? Parang hindi naman Siya Diyos kung umasta. Wala Siyang ginawa upang ipagtanggol o iligtas ang Kanyang sarili. Kung ang bawat isa'y hindi mga Kristiyano, iisipin nating isa Siyang manloloko o sinungaling. Bakit nga ba walang ginawa ang Panginoong Hesus? 

Ang dahilan kung bakit walang ginawa ang Panginoong Hesukristo habang Siya'y nakabayubay sa krus ay inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ang sangkatauhan ay iniligtas ng Diyos. Niloob ng Diyos na iligtas ng Kanyang Bugtong na Anak ang sangkatauhan. Niloob ng Diyos na mapatawad ang mga kasalanan ng lahat ng tao. Dahil hinangad ng Diyos na maligtas ang sangkatauhan at mapatawad ang kanilang mga kasalanan, ipinagkaloob Niya si Kristo upang maging Tagapagligtas ng tanan. Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa lahat. 

Iyan ang aral ng Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito. Si Kristong ating Hari ay puno ng pag-ibig para sa ating lahat. Iyan ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa daigdig upang tubusin ang lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Katulad ng salaring nagtika sa huling sandali ng kanyang buhay na si Dimas sa Ebanghelyo, imulat natin ang ating mga mata sa pag-ibig ni Hesus, ang tunay na Hari ng lahat. 

Mapalad tayong lahat sapagkat ang Hari natin ay tunay na mapagmahal. Ang pag-ibig ni Kristong Hari para sa atin ay tunay at walang hanggan. Pinatunayan Niya ito sa Kalbaryo. Kahit hindi Niya kinailangang maghain ng sarili sa krus para sa ating kaligtasan, pinili pa rin Niya itong gawin alang-alang sa atin. Tayong lahat ay tunay na mapalad sapagkat tunay tayong iniibig ni Kristong Hari. 

Martes, Nobyembre 12, 2019

GANTIMPALA PARA SA MGA TAPAT

17 Nobyembre 2019 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19 


Isang paksa lamang ang tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sinu-sino ang mga ililigtas ng Panginoon sa katapusan ng panahon? Paano natin matatamo ang pagtubos ng Diyos sa wakas ng panahon? Ano ang kahihitnan natin sa katapusan? 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Malakias ang isang pahayag mula sa Diyos tungkol sa Kanyang gagawin sa araw na Kanyang itinakda. Inihayag ng Panginoong Diyos na ililigtas Niya ang lahat ng mga nagpasiyang manatiling tapat sa Kanya at parurusahan naman ang lahat ng mga palalo't masasama sa araw na iyon. Iyon din ang nais iparating ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Sabi ni Hesus na ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya sa kabila ng mga pag-uusig ay makatatamo ng buhay na walang hanggan. Iyan ang Kanyang gantimpala sa lahat ng mga pumiling mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. 

Ang pananatiling tapat sa Panginoon hanggang sa huli ay mahirap gawin. Kung tutuusin, wala namang sinabi si Kristo na magiging maginhawa ang buhay ng lahat ng mga tapat sa Kanya. Hindi naman Niya ipinangakong magiging ligtas mula sa lahat ng mga pagsubok at tukso sa daigdig ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan. Katunayan, ipinahiwatig ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo na maraming pagsubok, tukso, at pag-uusig na titiisin ng lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya. Maski nga Siya, hindi naging ligtas mula sa mga pag-uusig at mga pang-aakit ng tukso. Kung Siya nga, hindi naging ligtas mula sa iba't ibang mga pag-uusig, tukso, at pagsubok sa buhay, ano pa kaya tayo? Tandaan, bukal ng kabanalan si Kristo. Pero, hindi Siya ligtas mula sa mga ito noong Siya'y dumating sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan.

Mahirap talaga maging tapat sa Panginoon hanggang sa huli. Hindi biro iyon. Ang pagiging tapat sa Panginoon ay may kalakip na mga pagsubok. Susubukan ang ating katapatan at pananalig sa Kanya. Tayong lahat ay makakaranas ng pag-uusig. Tayong lahat ay tutuksuhin. Tayong lahat ay makakaranas ng mga pagsubok. Ang dami nating pagdadaanan. Subalit, kung pipiliin natin maging tapat sa Panginoon hanggang sa huli, tayong lahat ay Kanyang gagantimpalaan. 

Paano naman natin maipapahayag ang ating katapatan sa Diyos? Ano ang mga katangian ng mga tunay na matapat sa Diyos? Inilarawan ni Apostol San Pablo ang mga ito sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na ang tunay na matapat sa Diyos ay masipag at matuwid. Kung tunay tayong matapat sa Diyos, kailangan natin piliin kung ano ang matuwid at maging masipag. Piliin ang kabutihan sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa daigdig at huwag maging tamad. Katunayan, ginamit ni Apostol San Pablo ang paghahanap-buhay upang ilarawan ang kahalagahan ng kasipagan. Kung tamad tayo sa paghahanap-buhay o kaya sa pagtupad ng mga pang-araw-araw na gawain, ano pa kaya pagdating sa ating espirituwal na pamumuhay? Walang banal na tamad. Kung tamad tayong gumawa ng mabuti, paano nating masasabing tapat tayo sa Panginoong Diyos? 

Kaya naman, kung tunay tayong matapat sa Diyos, pipiliin natin maging masipag at matuwid. Pipiliin nating gumawa ng mabuti sa lahat ng oras, kahit na masama ang ginagawa laban sa atin. Ang paggawa ng mabuti sa lahat ng oras ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kung iyan ay ating gagawin hanggang sa huli, tayong lahat ay ililigtas ng Diyos mula sa walang hanggang kaparusahan sa impyerno. Tayong lahat ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa lahat. 

Lunes, Nobyembre 4, 2019

IPANATAG ANG LOOB AT UMASA SA DIYOS

10 Nobyembre 2019 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14/Salmo 16/2 Tesalonica 2, 16-3, 5/Lucas 20, 27-38 (o kaya: 20, 27. 34-38) 



"Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Hesukristo at ng ating Diyos at Ama na umibig sa atin at sa Kanyang habag ay nagbigay sa atin ng walang pagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa" (2, 16). Sinimulan ni Apostol San Pablo ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo ay nagbibigay ng kapanatagan ng loob sa bawat isa. Ipinaliwanag rin ni Apostol San Pablo sa mga salitang ito ang kung bakit dapat tayo umasa sa Diyos. Angkop na angkop ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo sapagkat ipinapaliwanag sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo kung bakit dapat nating ipanatag ang ating mga loob. 

Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang muling pagkabuhay ng mga yumao. Ang muling pagkabuhay ng mga yumao ay ating sinasampalatayanan bilang mga Katoliko. Tayong lahat na kabilang sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo dito sa daigdig ay naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay sa huling araw. Hindi man natin alam kung kailan ang huling araw, naniniwala tayong mangyayari ito. At buong pananalig at pag-asa nating pinanabikan ang araw na iyon. 

Sa Unang Pagbasa, buong katatagan ng loob na inihayag ng mga binatang lalaki ang kanilang pananalig sa muling pagkabuhay ng mga yumao bago silang ipapatay ng hari kasama ang kanilang ina. Mahaba ang salaysay na ito dahil pito silang magkapatid na pinatay kasama ang kanilang ina. Kaya, ilang bahagi lamang nito ang itinampok dahil iyon ang sinapit nila. Sa Ebanghelyo, sinagot ni Hesus ang tanong ng mga Saduseo tungkol sa muling pagkabuhay ng mga yumao. Inihayag ng Panginoong Hesus na "ang Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay" (20, 38). Kung tutuusin, ang Diyos mismo ang bukal ng buhay. Kaya, tayong lahat ay nabubuhay nang pansamantala dito sa daigdig dahil sa biyaya ng buhay na ipinahiram sa atin ng Diyos. Subalit, hindi nagtatapos ang buhay sa ating pagpanaw sa daigdig na ito. Mayroong kabilang buhay at mayroon ring muling pagkabuhay ng mga patay sa huling araw. Ito'y patunay lamang na ang Maykapal ay Diyos ng mga buhay. Siya'y bukal ng buhay, hindi ng kamatayan. 

Bilang tao, tayong lahat ay natatakot sa kamatayan. Natatakot tayong lumisan sa daigdig na ito. Bagamat alam natin na tayong lahat ay papanaw balang araw, hindi natin maiwasang matakot kapag iyon ay ating inisip. Ayaw nating isipin na tayong lahat ay mamamatay balang araw. Natatakot tayong mamatay. Subalit, hindi natin matatakasan ang kamatayan. Iyan ang katotohanan. Mamamatay rin tayo balang araw. Kailan? Ang Diyos lamang ang nakakaalam.

Pansamantala lamang ang buhay dito sa daigdig. Subalit, huwag nating isipin na iyon ay ang katapusan. Lagi nating tandaan na ang Panginoong Diyos ay Diyos ng mga buhay. Hindi nagtatapos ang lahat para sa bawat isa sa atin sa ating pagpanaw sa daigdig na ito. Tayong lahat ay bibigyan ng buhay ng Diyos sa kabila dahil Siya ang Diyos ng mga buhay. Ipagkakaloob ng Diyos sa bawat isa ang buhay na walang hanggan sa ating lahat kung pipiliin natin ang kabanalan habang ang bawat isa'y namumuhay at naglalakbay sa daigdig na ito. 

Habang tayo'y naglalakbay sa daigdig na ito, ipanatag natin ang ating loob at umasa sa Diyos. Ang Diyos ay Diyos ng mga buhay. Ang Diyos ay ang bukal ng buhay. Ang bawat isa sa atin ay bibigyan Niya ng buhay na walang hanggan sa paglisan natin sa daigdig na ito.