Sabado, Disyembre 7, 2019

ARAW NG PASASALAMAT SA DIYOS

9 Disyembre 2019 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38 


Isang kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagpapakita ng Kanyang awa ay ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang awa para sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagsagip kay Maria mula sa bahid ng kasalanan bago pa man siya isilang sa daigdig. Sa sandali ng paglilihi sa kanya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, siya'y iniligtas ng Diyos. Niloob ng Diyos na si Maria ay iligtas Niya mula sa bahid ng kasalanan bago pa man Siya isilang sa daigdig dahil sa Kanyang awa. Niloob ng Diyos na si Maria ay ipaglihi at isilang na walang bahid ng kasalanan dahil siya'y pinili upang dalhin ang Mesiyas. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang maging pananahan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus pagdating ng panahon. 

Pinagnilayan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang misteryo ng awa ng Diyos. Sa huling bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos ang pangako Niyang pagligtas sa lahat ng tao. Inihayag ng Diyos ang tagumpay ni Kristo Hesus bago pa man ito maganap. Bagamat nagkasala ang tao sa pamamagitan nina Eba at Adan laban sa Diyos, hinangad pa rin Niyang maligtas ang sangkatauhan. Iyan ang dahilan kung bakit si Kristo ay dumating sa lupa. Sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria na ipinaglihing walang sala, si Kristo ay dumating sa daigdig bilang Tagapagligtas. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagbabalita ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Inang si Maria. Sa sandaling iyo'y inihayag ni Maria ang kanyang pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Tumalima siya sa kalooban ng Diyos. 

Sabi nga ni Apostol San Pablo sa simula ng Ikalawang Pagbasa, "Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo!" (1, 3) Nararapat lamang magpasalamat sa Diyos sa lahat ng oras, lalung-lalo na sa espesyal araw na ito sa Kalendaryo ng Simbahan. Ang araw na ito ay araw ng pasasalamat sa Diyos sa biyaya ng Inmaculada Concepcion. Ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Ina ay isang tunay na biyaya mula sa Panginoon. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawaing ito, inihanda ang magiging pananahan ni Hesus. Sa loob ng sinapupunan ni Maria, mananahan si Hesus sa loob ng siyam na buwan bago Siya iluwal. 

Ang espesyal na araw na ito ay isang araw ng pasasalamat. Habang buong galak tayong nagpipista sa araw na ito, huwag nating kakalimutan na magpasalamat sa Panginoong Diyos sa biyaya ng Kanyang awa. Iyon naman talaga ang tunay na diwa ng araw na ito. Pasalamatan natin ang Panginoon sa Kanyang pagsagip sa Mahal na Birheng Maria bago pa siya isilang sa daigdig na ito. Sa pamamagitan ng gawaing ito na tunay ngang kahanga-hanga, ipinakita Niya ang Kanyang awa para sa lahat. Iyan ang ating Diyos. 

Mapalad tayong lahat sapagkat ang Diyos ay tunay na maawain sa lahat. Tayong lahat ay Kanyang tinubos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo na ipinaglihi at iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria Inmaculada. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento