Lunes, Disyembre 23, 2019

PAMASKO NG DIYOS: PAG-IBIG

25 Disyembre 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Araw] 
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14) 



"Ngayong Pasko'y pag-ibig ang kailangan ng daigdig." Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng awiting Pamaskong inilabas ng ABS-CBN noong taong 2017. Ang pamagat ng nasabing awiting Pamasko na inilabas ng ABS-CBN noong 2017 ay "Just Love Ngayong Christmas." Ang nais bigyan ng pansin ng bahaging iyon ng koro ng nasabing awitin ang kahalagahan ng pagpapakita ng pag-ibig sa lahat ng tao. Napakaganda ang mensahe o aral na nais iparating ng nasabing awitin. Ang daigdig ay magiging maganda kung magpapakita ng pag-ibig ang bawat isa. 

Kung tutuusin, iyon ang ginawa ng Diyos noong unang Pasko. Iyon ang Kanyang ibinigay noong unang Pasko - pag-ibig. Siya'y nagpakita ng pag-ibig sa bawat isa sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, dumating ang Diyos sa lupa bilang isang munting sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Maria noong gabi ng unang Pasko. 

Ang pagkakaloob ng Diyos kay Kristo bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan ang naghayag ng Kanyang pag-ibig para sa lahat. Ang Sanggol na Hesus na nakahiga sa isang sabsaban ang larawan ng pag-ibig ng Diyos para sa bawat isa. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa bawat isa, ipinagkaloob Niya ang Kanyang sarili noong gabi ng unang Pasko. Iyon ang pinakaunang aguinaldo. Sa Diyos nagmula ang pinakaunang aguinaldo. At ano ang kauna-unahang aguinaldo? Ang Panginoon mismo. Dumating ang Panginoon sa daigdig bilang isang munting sanggol noong unang Pasko upang maging aguinaldo para sa lahat. 

Tanging pag-ibig lamang ang dahilan. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagpasiyang ibigay ang Kanyang sarili upang maging pinakauna at pinakadakilang aguinaldo. Ang pag-ibig na ito ng Panginoon ay tinalakay sa mga Pagbasa para sa mismong araw ng Pasko. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si propeta Isaias tungkol sa mga gawa ng Maykapal na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos Anak na walang iba kundi si Hesus ay nagpasiyang dumating sa daigdig. Sa Ebanghelyo, si San Juan ay nagpatotoo tungkol sa Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Iyon ang naganap noong gabi ng unang Pasko. Ang Salita ng Diyos na si Hesus ay nagkatawang-tao. Siya ang Sanggol na iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria sa gabi ng unang Pasko. 

Batid ng Panginoon na pag-ibig ang kinailangan ng daigdig. Kaya naman, iyon ang ibinigay Niya noong unang Pasko. Pag-ibig. Paano Niya ito ginawa? Ibinigay Niya ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang Diyos ay dumating sa daigdig bilang isang Sanggol. Sa pamamagitan nito, ipinakita Niya ang Kanyang pag-ibig para sa lahat. At ang pag-ibig ng Diyos ay higit pa sa pag-ibig na matatagpuan dito sa daigdig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento