Lunes, Disyembre 30, 2019

PANGINOON ANG PINAGMULAN

31 Disyembre 2019 
Ikapitong Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 18-21/Salmo 95/Juan 1, 1-18 



"Ang liwanag sa ating tahanan - Diyos ang pinagmumulan." Ang mga salitang ito ay mula sa awiting Pamasko ng ABS-CBN na pinamagatang "Family is Forever." Ang liwanag ng Diyos ang pinagtuunan ng pansin sa mga titik na ito. Tunay nga itong kapansin-pansin sapagkat ang nasabing awitin ay sekular at hindi pang-liturhiya. Subalit, sa kabila ng pagka-sekular ng nasabing awiting Pamasko, pinagtuunan ng pansin ang liwanag na kaloob ng Diyos sa lahat. May liwanag dahil sa Diyos. 

Tinalakay sa mga Pagbasa ang paksa ng liwanag ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay naghahatid ng tunay na liwanag. Ang liwanag na ito ang pumapawi sa dilim. Sa Ebanghelyo, nagsalita si San Juan tungkol sa pangangaral ni San Juan Bautista sa ilang. Sa kanyang mga pangaral sa ilang, nagpatotoo si San Juan Bautista tungkol sa ilaw. Ang ilaw na pinatotohanan ni San Juan Bautista ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Si Hesus ang tagapawi ng kadiliman. Pinapawi ng tunay na liwanag na si Hesus ang dilim na bumabalot sa buong paligid. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni San Juan kung sino ang mga hindi tumanggap sa liwanag na hatid ni Kristo. Ang mga anti-Kristo na nasa panig ng kasinungalingan at kadiliman. Ang mga hatid ng anti-Kristo ay taliwas o salungat sa ipinagkakaloob ni Kristo. 

Kung ang mga anti-Kristo ay naghahatid ng kasinungalingan at kadiliman sa lahat, ang hatid ng Panginoong Hesus sa lahat ay liwanag at katotohanan. Ang liwanag na hatid ni Hesus ay sumisindak at pumapawi sa dilim. Mas makapangyarihan ang liwanag na hatid ni Kristo kaysa sa kadiliman at kasinungalingang hatid ng mga anti-Kristong tumututol sa Kanya. Ang balak ng mga nasa panig ng kadiliman ay maghatid ng kapahamakan at kamatayan. Subalit, ang balak ni Kristo ay maghatid ng liwanag at kaligtasan. Iyan ang ating Panginoon. 

Sa Panginoon nagmumula ang tunay na liwanag. Sumunod tayo sa liwanag hatid ng Panginoong Hesukristo. Hindi tayo maliligaw ng landas dahil Siya ang magiging gabay ng bawat isa. Ang liwanag ng Panginoong Hesus ang aakay sa atin tungo sa Kanya. Hindi Niya tayo hahayaang mapahamak. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento