Miyerkules, Disyembre 11, 2019

MALAPIT NA

16 Disyembre 2019 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Unang Araw 
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36 

(Courtesy: ABS-CBN News)

Simbang Gabi. Siyam na araw. Sa huling siyam na araw ng panahon ng Adbiyento, buong galak na naghahanda ang bawat Pilipinong Katoliko para sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa pamamagitan ng Simbang Gabi. Habang hinahanda natin ang ating mga sarili sa loob ng siyam na araw, sinasamahan natin ang Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay ang ating kasama sa loob ng siyam na araw ng paghahanda para sa pagsilang ni Hesus. Buong galak tayong naghahanda at naghihintay para sa pagsilang ng Panginoong Hesukristo kasama ang ating Inang si Maria. 

Malapit na talaga ang Pasko. Siyam na araw lamang ang natitira bago sumapit ang araw ng Kapaskuhan na matagal na nating pinaghandaan. Nalalapit na talaga ang pagdiriwang ng kaarawan ni Kristo. Malapit nang sumapit ang araw ng pagsilang ni Hesukristo. Kaya, ilaan natin ang siyam na araw ng Simbang Gabi sa paghahanda ng ating mga sarili para sa pagdiriwang ng kaarawan ng Panginoong Hesukristo. 

Sa Ebanghelyo, nagsalita si Hesus tungkol kay San Juan Bautista. Inilarawan Niya ang misyon ni San Juan Bautista. Si San Juan Bautista ay nagpatotoo tungkol sa liwanag na si Hesus. Siya ang unang lumitaw upang ipaalala sa lahat ng tao na nalalapit na ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas. Ang ipinangaral ni San Juan Bautista sa ilang ay katulad ng inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung saan inihayag Niyang hindi na magluluwat o magtatagal pa ang Kanyang pagdating bilang Tagapagligtas (56, 2). Ito'y laging inihayag ni San Juan Bautista sa ilang. Malapit nang dumating ang Panginoon. Ang Mesiyas ay darating na kasunod niya. 

Ang Simbang Gabi ay hudyat na malapit na ang Pasko. Ang siyam na araw na ito'y nagsisilbing hudyat na malapit na nating ipagdiwang ang pagsilang ng Panginoong Hesus. Siyam na araw na lamang ang natitira bago sumapit ang Pasko. Sino nga ba ang hindi matutuwa sa balitang iyan? Wala. Tayong lahat ay natutuwa dahil ang pagdiriwang ng pagsilang ng Manunubos na si Hesus ay sasapit na sa ilang araw. 

Habang palapit na ang Pasko, hindi lang mga Noche Buena o mga regalo ang dapat nating pinaghahandaan. Bagkus, kailangan nating paghandaan nang mabuti ang ating mga sarili. Ilaan natin ang siyam na araw na ito sa paghahanda ng mga sarili natin para sa pagdiriwang ng pagsilang ng Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento