Martes, Disyembre 24, 2019

SAKSI NG PAG-IBIG NG SALITA

27 Disyembre 2019 
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita 
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8 


Sinimulan ni Apostol San Juan ang kanyang unang sulat sa Unang Pagbasa sa pamamagitan ng paglalarawan kung ano ang kanyang gawain bilang saksi ni Kristo. Nasaksihan at naramdaman ni Apostol San Juan ang pag-ibig ng Salitang nagkatawang-tao na si Kristo Hesus. At ang pag-ibig na ito ang pinatotohanan ni Apostol San Juan sa kabuuan ng kanyang misyon bilang saksi ni Hesukristo. Siya'y hindi tumigil sa pagpapatotoo tungkol sa pag-ibig ng Panginoon kailanman. 

Isinalaysay ni Apostol San Juan sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit dumating sa daigdig ang Salitang nagkatawang-tao na si Hesus noong gabi ng unang Pasko. Si Hesus ay pumarito upang iligtas ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko ang ipinangakong Tagapagligtas. Si Kristo'y dumating bilang isang munting sanggol na inihiga sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko upang iligtas ang sangkatauhan. Bakit Niya ipinasiya gawin iyon? Pag-ibig. 

Gaya ng sinabi ni Apostol San Juan: "Tayo'y umiibig sapagkat Siya ang unang umibig" (4, 17). Inilalarawan ng Sanggol na Hesus ang pag-ibig ng Diyos para sa bawat isa. Sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa lahat ng tao. Dahil sa Kanyang pag-ibig, ipinasiya Niyang maging isang munting sanggol noong unang Pasko. Ipinasiya ng Panginoong Hesukristo na Siya'y isilang ng Mahal na Birheng Maria dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Katulad ni Apostol San Juan, lagi nating nasasaksihan at nararamdaman ang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat. Kaya naman, hinahamon tayo na maging mga saksi ng pag-ibig ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus. Patotohanan natin at ipalaganap sa lahat ng dako ang pag-ibig ng Panginoong Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento