Sabado, Disyembre 28, 2019

TAGABUKLOD NG PAMILYA

29 Disyembre 2019 
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria at Jose (A) 
Sirac 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)/Salmo 127/Colosas 3, 12-21/Mateo 2, 13-15. 19-23 


"Pinag-isa tayo ng Diyos at pag-ibig." Ang mga salitang ito ay galing sa koro ng awiting "Family is Forever." Bagamat isang sekular na awitin ang nasabing kanta, kapansin-pansin kung paanong binigyan ng pansin ang papel ng Panginoong Diyos sa bawat pamilya. Siya ang bumubuklod sa bawat pamilya. 

Iisa lamang ang temang tinalakay sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Ang pamilya ay biyaya mula sa Diyos. Ang pamilya ay binuklod ng Diyos. Ang Diyos ang bumubuo sa bawat pamilya. Niloob ng Panginoon na ang bawat isa sa atin ay magmula sa isang pamilya. Tayong lahat ay biniyayaan ng Diyos ng isang pamilya. Niloob ng Diyos na sa simula pa lamang ng buhay natin dito sa mundo ay maging bahagi tayo ng isang pamilya. Tayong lahat ay nagmula sa isang pamilya. Iyan ang katotohanan tungkol sa ating buhay bilang tao. Tayong lahat ay dumating dito sa daigdig sa pamamagitan ng isang pamilya. 

Hindi tayo dumating sa daigdig sa isang iglap lamang. Hindi tayo dumating sa daigdig bilang mga avatar. Tayong lahat ay nagmula sa isang pamilya. Tayong lahat ay binigyan ng Diyos ng pamilya. Siya ang bumuo sa bawat pamilya sa daigdig. Kung hindi dahil sa pamilyang ibinigay ng Panginoon sa atin, ang bawat isa'y hindi nabubuhay at humihinga ngayon. Niloob ng Panginoon na ang buhay ng lahat ng tao dito sa daigdig ay magsimula sa isang pamilya. Iyan ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay nabubuhay ngayon. May pamilya tayo dahil iyon ay niloob ng Panginong Diyos. Nabubuhay tayo ngayon dahil ang bawat isa sa atin ay nagmula sa mga pamilyang binuo ng Diyos para sa atin. 

Maski ang Diyos ay nagmula sa isang pamilya. Hindi Siya dumating sa lupa agad-agad. Hindi Siya dumating bilang isang avatar. Kung tutuusin, maaari naman Niya iyon gawin. Subalit, hindi Niya iyon ninais gawin. Bagkus, niloob Niyang dumating sa daigdig sa pamamagitan ng isang pamilya. Nagkaroon Siya ng pamilya noong dumating Siya sa lupa. Niloob ng Diyos na ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose ay maging Kanyang mga magulang sa Kanyang pagdating sa daigdig. Ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay tungkol sa isa sa mga naranasan ng Banal na Pamilya nina Hesus, Maria, at Jose. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong ang Batang Diyos na si Kristo Hesus ay tinakas mula sa Betlehem. Ang Banal na Pamilya ay tumakas patungong Ehipto dahil nanganganib ang buhay ng Diyos na Sanggol na si Hesus. Kahit Sanggol pa lamang si Hesus sa mga sandaling yaon, naranasan Niya ang pagkalinga at pag-ibig ng Kanyang mga magulang. Agad na sinunod ni San Jose ang utos ng Diyos na ipinarating sa kanya ng isang anghel na nagpakita sa kanya sa panaginip dahil mahal niya si Kristo. Si Maria ay nagtiis ng maraming hirap at pagod sa kanyang paglalakbay. Subalit, tiniis niya ang lahat ng iyon dahil sa kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak na si Hesus. Kung tutuusin, maaari na lamang tutulan at suwayin ang utos ng Diyos na ibinalita ng anghel kay San Jose sa panaginip. Maaari nilang gawin iyan, kung gugustuhin nina Maria at Jose. Subalit, pinili nilang sundin ang utos ng Diyos dahil nanaig ang kanilang pag-ibig at pagkalinga sa Panginoong Hesukristo, ang Banal na Sanggol. 

Tunay ngang isang biyaya mula sa Diyos ang pamilya. Tayong lahat ay binigyan ng pamilya upang makaranas tayo ng pag-ibig at pagkalinga. Niloob ng Panginoon na ang bawat isa'y magkaroon ng pamilya upang tayo'y magkaroon ng pagkakataong mamuhay sa daigdig. Kung wala tayong pamilya, wala tayo sa mundo ngayon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento