Martes, Disyembre 24, 2019

TAPAT NA SAKSI

26 Disyembre 2019 
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Ang Ebanghelyo para sa Misa sa Araw ng Pasko ay tungkol sa Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Diyos ay dumating sa daigdig bilang Manunubos ng lahat ng tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, nakapiling ng bawat isa ang Diyos. Ang Diyos ay namuhay sa piling ng bawat isa. Sa araw kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ginugunita ang isang martir. Ang taong ito ay nagpakamartir alang-alang sa Panginoong Hesukristo. Sa halip na itakwil at talikuran ang Salitang nagkatawang-tao na si Kristo, ipinasiya pa rin niyang magpatotoo sa Panginoon nang buong katapatan hanggang sa araw ng kanyang pagkamatay bilang martir. Siya'y walang iba kundi si San Esteban, ang unang martir ng Simbahan. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang buhay at pagkamatay ni San Esteban. Siya'y naging masigasig sa pangangaral at pagsaksi kay Kristo. Sa tampok na salaysay tungkol sa kanyang buhay, makikita kung paanong marami ang tumutol sa kanya, kabilang na rito ang mga bumubuo ng Sanedrin. Hindi siya tinanggap dahil sa aral at mensaheng kanyang ipinapangaral. Dahil dito, nakaranas siya ng pag-uusig mula sa mga autoridad at iba pang mga tao. Kinalauna'y siya'y binato hanggang sa siya'y malagutan ng hininga. Ang lahat ng iyan ay dahil sa kanyang pagsaksi kay Hesus. Siya'y namatay bilang martir dahil kay Hesus. 

Sa Ebanghelyo, binabalaan ng Panginoong Hesus ang mga alagad tungkol sa magiging misyon nila bilang Kanyang mga saksi. Binabalaan ni Hesus ang mga alagad na huwag nilang isiping magiging madali ang misyong na ibibigay Niya sa kanila. Maraming pag-uusig ang haharapin at dadanasin nila. Iyan ang naranasan ni San Esteban. Ang mga sinabi ni Hesukristo sa Ebanghelyo ay naranasan ni San Esteban. Siya'y inusig at pinatay dahil kay Hesus. 

May tanong para sa bawat isa na kailangan natin pag-isipan nang maigi. Handa ba tayong maging tapat na saksi ng Panginoon? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento