Sabado, Disyembre 21, 2019

NAGKATAWANG-TAO UPANG MAGING ATING KAPAMILYA

24 Disyembre 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25) 


Ang Ebanghelyo para sa Bisperas ng Pasko ng Pagsilang ay napakahaba. Subalit, isa lamang ang dapat nating matutunan mula sa mahabang salaysay na iyon - ang Diyos ay nagkatawang-tao upang maging ating kapamilya. Siya'y nanahan sa piling natin. Pinili Niyang maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang maging kapamilya natin. Iyan ang buod ng kuwento ng unang Pasko. Buong kababaang-loob na tinanggap at niyakap ng Diyos ang ating pagkatao, maliban sa kasalanan, upang ipadama sa atin na Siya'y ating kapamilya. 

Ito ang paksa ng pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay dumating sa daigdig bilang Tagapagligtas ng lahat. Siya'y dumating sa daigdig bilang isang munting Sanggol. Siya ang Banal na Sanggol na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. 

Bakit ipinasiya ng Diyos na magkatawang-tao? Bakit hindi na lamang Niya tubusin ang sangkatauhan sa isang iglap? Sabi sa Salmo: "Pag-Ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (88, 2a). Iyan din ang ipinahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Inihayag ni propeta Isaias na ang bayang Israel ay iniibig at kinalulugdan ng Panginoong Diyos. Ang Diyos ay mapagmahal. Ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob. 

Pag-ibig ang dahilan. Ipinakita ng Panginoon ang Kanyang pag-ibig para sa bawat isa sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa bawat isa, ipinasiya Niyang maging kapamilya natin. Ito ay Kanyang ginawa sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao katulad ng bawat isa, maliban sa aspeto ng kasalanan. Ipinasiya ng Panginoon na ipadama sa bawat isa sa atin na Siya'y ating kapamilya sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Tulad ng tawag sa Kanya, "Emmanuel," Siya'y nanahan sa piling ng bawat tao upang ipakita't ipadama sa lahat na Siya'y kapamilya ng bawat isa. 

Si Hesus ay ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na nagkatawang-tao dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Siya ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko. Ipinasiya Niyang magkatawang-tao upang ipakita at ipadama sa atin na Siya'y ating kapamilya. Pinili Niyang maging kapamilya natin dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. 

Kapamilya natin ang Panginoong Hesukristo, ang Diyos na nagkatawang-tao. Isa lamang ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Kristo na magkatawang-tao - pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus na magkatawang-tao upang ipakita sa atin na Siya'y ating kapamilya. Ang Diyos ay ang ating kapamilya. Ganyan Niya tayo ka-mahal. 

Habang buong galak nating ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagsilang ni Kristo, lagi nating tatandaan na Siya'y ating kapamilya. Huwag nating kalimutan o balewalain ang katotohanang ito.  Si Kristo ay ating kapamilya. Kapamilya ang turing ni Kristo sa bawat isa sa atin. Mayroon tayong kapamilya - ang Panginoon. Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Panginoon na ating kapamilya ay tunay at walang hanggan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento