Linggo, Disyembre 8, 2019

ANG PRESENSYA NG DIYOS

10 Disyembre 2019 
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila 
(Ang mga piling Pagbasa ay mula sa pangkat ng mga Pagbasa para sa Taunang Paggunita sa Pagtatalaga ng Bahay Dalaginan) 
Ezekiel 43, 1-2. 4-7a/Salmo 83/Efeso 2, 19-22/Lucas 19, 1-10 


Ang gusali ng isang Simbahan o bahay-dalanginan ay sagrado. Sa banal na lugar na ito, ang Diyos ay nananahan. Bagamat ang Diyos ay kasama natin sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, hindi natin maipagkakaila na ang Kanyang presensya ay mas nararamdaman natin sa loob ng gusali ng Simbahan. Oo, kasama natin ang Diyos saan man tayo pumunta. Kasama natin ang Diyos kapag pumupunta ang bawat isa sa Divisoria o 'di kaya sa EDSA. Subalit, aminin natin, mas nahihirapan tayong makinig sa tinig ng Diyos at maramdaman ang Kanyang presensya sa mga lugar na iyon. Kapag tayo ay nasa loob ng isang Simbahan, panatag ang ating puso't kalooban dahil mas nararamdaman natin ang presensya ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Ezekiel ang kanyang mga nakita sa isang pangitain. Sa pangitaing iyon, nakita ni propeta Ezekiel ang kaningningan ng Diyos na pumupuspos sa Templo. Sa Templo, nananahan ang Panginoong Diyos. Ang Kanyang presensya ang nagpapabanal sa lugar kung saan Siya nananahan. Kaya, ang isang bahay-dalanginan ay isang banal at sagradong lugar. Sa isang bahay-dalanginan, nananahan ang Diyos. Ang presensya ng Diyos ang nagpapabanal sa bahay-dalanginan. Iyan ang dahilan kung bakit mayroong mga bahay-dalanginan. 

Inihayag naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay bahagi ng Templo ng Diyos. Tayo ang Simbahan. Ang bawat isa ang bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo. Kaya naman, nararapat lamang na pahalagahan natin ang buhay ng bawat isa sapagkat bahagi rin sila ng Simbahan. Kung paano nating pinapahalagahan ang mga gusaling Simbahan dahil ang Panginoon ang Siyang nananahan doon, pahalagahan rin natin ang bawat isa. Gayon din ang dapat nating gawin sa ating mga sarili. Sabi ni Apostol San Pablo na ang bawat isa sa atin ay templo ng Diyos at pananahan ng Espiritu Santo (3, 16). Kaya naman, marapat lamang na ingatan at pahalagahan ang buhay ng lahat. 

Sa Ebanghelyo, habang nasa bahay ni Zaqueo, inihayag ng Panginoong Hesus na ang awa ng Diyos ay dumating sa nasabing lugar. Si Zaqueo ay tumalikod mula sa kanyang makasalanang pamumuhay dahil sa pagliligtas ng Diyos. Ang presensya ng Diyos ay naghatid ng kaligtasan kay Zaqueo. Ang buhay ni Zaqueo ay nagbago dahil sa awa ng Diyos na ipinadama sa kanya ni Hesus. Dahil siya'y pinakitaan ng habag at awa, si Zaqueo ay nagbagong-buhay. 

Ang Simbahan ay sagrado dahil ito ang tahanan ng Panginoon. Kaya naman, ang lahat ng mga gusaling Simbahan ay labis nating pinapahalagahan. Kung paano nating pinapahalagahan at iniingatan ang mga gusaling Simbahan, pahalagahan at ingatan rin natin ang ating mga sarili at ang ating kapwa. Ang bawat isa sa atin ay bumubuo sa Simbahan. Ang Diyos ay nananahan sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento