28 Disyembre 2019
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18
Dalawang uri ng hari ang itinatampok sa pagdiriwang sa araw na ito. Ang unang hari ay si Haring Herodes. Siya ang itinampok sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo. Siya ang may pakana ng pagpaslang sa mga inosenteng sanggol na lalaki o 'di kaya mga batang lalaking dalawang taong gulang pababa. Ayaw niyang bitawan ang kanyang kapangyarihan bilang hari. Nais niyang manatili sa kapangyarihan magpakailanman. Ayaw niyang may pumalit sa kanya. Ang sinumang may balak na pumalit sa kanya ay isang banta. Kaya, handa siyang gawin ang lahat ng bagay upang maalis o matanggal ang anumang "banta" sa kanyang pagkahari.
Masasabi nating siya'y praning dahil sa kanyang ginawa. Nagpakita siya ng pagka-praning noong inutos niya ang kanyang mga kawal na patayin ang mga inosenteng sanggol na lalaki at ang mga batang lalaking dalawang taong gulang pababa sa Betlehem. Bakit siya na-praning? Nasilaw sa kapangyarihan.
Ang pangalawang hari ay ang Panginoong Hesukristo. Ang Panginoong Hesus ay dumating sa daigdig bilang isang munting Sanggol na inihiga sa isang sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Siya ang Banal na Sanggol sa Ebanghelyo. Siya ang bukod-tanging dahilan kung bakit napraning si Haring Herodes. Siya ang Banal na Sanggol na itinakas nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa Ehipto. Ito'y matapos ibalita ng isang anghel na nagpakita kay Jose sa isang panaginip na ang buhay ng Banal na Sanggol ay nanganganib.
Inilarawan ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa kung ano ang pinagkaiba ni Kristo kay Haring Herodes. Sabi ni Apostol San Juan na si Hesus ay naghandog ng sarili para sa kaligtasan ng lahat ng tao. At sinabi rin ni Apostol San Juan na ang bawat isa ay nilinis ng Dugo ni Kristo. Ipinasiya ng Panginoong Hesukristo na ialay ang Kanyang sarili alang-alang sa sangkatauhan. Ipinasiya ni Hesus na maging handog para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Niloob Niyang tubusin ang lahat ng tao sa pamamagitan ng pagdanak ng Kanyang Dugo. Iyan ang dahilan kung bakit dumating si Hesus sa daigdig bilang isang munting Sanggol noong gabi ng unang Pasko. Dumating Siya upang iligtas ang sangkatauhan.
Kaya naman, ang tanong para sa bawat isa sa atin - sino ang hari natin? Sino sa dalawang hari ang papanigan natin? Ang haring nagpasiyang gumamit ng dahas para lamang manatili sa kapangyarihan o ang Haring nagpasiyang ialay ang buo Niyang sarili upang maligtas ang lahat ng Kanyang nasasakupan?
Kaya naman, ang tanong para sa bawat isa sa atin - sino ang hari natin? Sino sa dalawang hari ang papanigan natin? Ang haring nagpasiyang gumamit ng dahas para lamang manatili sa kapangyarihan o ang Haring nagpasiyang ialay ang buo Niyang sarili upang maligtas ang lahat ng Kanyang nasasakupan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento