Linggo, Disyembre 29, 2019

MAGING KALUGUD-LUGOD SA PANINGIN NG DIYOS

30 Disyembre 2019 
Ikaanim na Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 12-17/Salmo 95/Lucas 2, 36-40 


Sa wakas ng Ebanghelyo, inilarawan ang buhay ng Panginoong Hesukristo bilang isang bata. Bata pa lamang si Hesus ay namuhay na Siya nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang Panginoong Hesukristo ang pinakaperpektong halimbawa ng pamumuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi Niya layunin at hangarin ang mamuhay ayon sa mga atas ng sanlibutan. Bagkus, Siya'y namuhay ayon sa mga utos at loobin ng Ama.

Mas pinili ni Hesus na maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang mga utos at tuntunin ng Ama ay Kanyang tinupad at isinabuhay. Bagamat Siya'y bata pa lamang sa mga sandaling yaon, nagbigay Siya ng halimbawang dapat tularan ng bawat isa. Ipinakita ng Batang Banal na si Hesus kung ano ang dapat maging pakay nating lahat - mamuhay para sa Diyos. 

Inilarawan ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa kung ano ang mapapala ng lahat ng mga mamumuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Sabi ni Apostol San Juan sa wakas ng Ikalawang Pagbasa na mabubuhay magpakilanman ang bawat taong mamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos (2, 17). Pansamantala lamang ang buhay natin dito sa daigdig. Ang bawat isa sa atin dito sa lupa ay mamamatay balang araw. Ang buhay na walang hanggan ay matatamo lamang sa piling ng Diyos sa langit. Kaya naman, kung nais nating matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan, mamuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos. 

Nais ba nating mamuhay sa piling ng Diyos sa langit magpakailanman? Tularan ang halimbawang ipinakita ni Kristo mula sa Kanyang pagkabata. Sundin natin sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa ang mga utos at loobin ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento