Lunes, Disyembre 16, 2019

HUWAG MALIITIN ANG KANYANG PAPEL

20 Disyembre 2019 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalimang Araw
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 



Isang dalaga ang ipinapakilala sa atin ng mga Pagbasa para sa araw na ito. Siya'y binigyan ng isang napakalaking papel sa kasaysayan ng daigdig. Ang papel na ito ay hindi pangkaraniwan. Ang papel na ito'y napakaespesyal. Katunayan, ito'y higit pa sa iba pang mga karangalang iginagawad sa daigdig na ito. Higit pa ito sa mga titulong iginagawad sa mga espesyal na tao sa daigdig. Subalit, sa kabila ng mga karangalang kalakip ng papel na ito, hindi maipagkakaila na ito'y mahirap tuparin. 

Mula noong tinanggap ng dalagang ito ang nasabing papel o tungkulin, nag-iba ang kanyang buhay. Hindi na naging katulad ng dati ang kaniyang buhay mula noong tanggapin niya ang papel na iyon. Ang lahat ng bagay ay nag-iba para sa kanya. Oo, namuhay siya nang payak. Subalit, hindi natin maipagkakaila na hindi naging espesyal ang buhay ng dalagang ito. Hindi na ito simple o karaniwan. Bagkus, ang dami niyang pinagdaanan at tiniis. Kalakip iyon ng papel na kanyang ginampanan. 

Ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang kanyang pagtanggap sa papel na ibinigay sa kanya ng Diyos. May mga plano na ang Mahal na Birhen sa kanyang buhay. Subalit, pinili niyang isantabi at kalimutan ang lahat ng iyon para lamang sa katuparan ng kalooban ng Panginoon. Pinili ni Maria na tumalima sa kalooban ng Panginoon. Pinili ng Mahal na Birhen na tanggapin ang papel na ibinigay sa kanya ng Diyos. Kahit may mga sarili siyang binabalak sa buhay, pinili pa rin ng Mahal na Ina ang kalooban ng Diyos para sa kanyang buhay. Kahit napakahirap ito kaysa sa mga sariling plano sa buhay, pinili pa rin ng Mahal na Inang si Maria na tumalima sa kalooban ng Diyos. At ano ang kalooban ng Diyos para kay Maria? Niloob ng Diyos na ang Mahal na Birheng Maria ay maging ina ng Panginoong Hesus, ang ipinangakong Mesiyas. Niloob ng Diyos na ang sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria ay maging pananahan ng Panginoong Hesus sa loob ng siyam na buwan. Sa pamamagitan ng Mahal na Inang si Maria, natupad ang hula ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa pagsilang ng Mesiyas. Ang ipinangakong Manunubos at Mesiyas, na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ay ipaglilihi ng isang dalaga. At ang dalagang naglihi't nagluwal kay Kristo ay walang iba kundi si Maria. 

Kaya naman, hindi dapat maliitin ang papel ng Mahal na Birheng Maria. Kung hindi dahil sa kanyang "Oo" sa kalooban ng Diyos, hindi tayo naligtas. Ang pagtalima ng Mahal na Birheng Maria ay nagsilbing daan tungo sa katuparan ng plano ng Diyos na tayo'y tubusin sa pamamagitan ni Hesus. Sa pamamagitan ni Maria, ang Diyos ay dumating sa daigdig bilang Tagapagligtas sa pamamagitan ni Hesus. 

Hindi biro ang papel na ginampanan ng Mahal na Birheng Maria sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa daigdig. Hindi ito naging madali para sa kanya. Kaya naman, ang papel na ginampanan ng Mahal na Birheng Maria ay hindi dapat maliitin. Hindi biro ang pagiging ina ni Kristo. Hindi biro ang lahat ng mga pinagdaanan ni Maria matapos niyang tanggapin ang papel na ito. 

Sa araw na ito, itinatampok ang Mahal na Birheng Maria. Pahalagahan nawa natin ang papel na kanyang ginampanan. Kahit napakahirap ito para sa kanya, pinili niyang itong gawin. Isinantabi niya ang kanyang kalooban upang ang kalooban ng Diyos ay matupad. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento