Huwebes, Disyembre 19, 2019

MAY MAUUNA SA KANYA

23 Disyembre 2019 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikawalong Araw 
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 


Sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Malakias sa pambungad ng Unang Pagbasa: "Ipadadala Ko ang Aking sugo upang ihanda ang daraanan Ko." (3, 1) Napakalinaw sa mga salitang ito ang nais ipahiwatig ng Panginoon. Talagang darating Siya. Hindi nagbibiro ang Panginoong Diyos sa tuwing Siya'y nagsasalita tungkol sa Kanyang pagdating. Tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangakong pagdating. Matutuloy ang Kanyang pagdating bilang Tagapagligtas. Kaya nga, may mauuna sa Kanya upang ihanda ang Kanyang daraanan. 

Bago dumating ang Panginoon, may mauuna sa Kanya. Ang tungkulin ng mauuna sa daraanan ng Panginoon ay ihanda ang lahat ng tao para sa Kanyang pagdating. Ipapahayag niya sa lahat ang balita tungkol sa pagdating ng Panginoon. Ihahayag niya sa lahat na nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Siya ang magiging palatandaan para sa lahat na ang Panginoon ay malapit nang dumating bilang Tagapagligtas. Ang panahong inaaasam at pinananabikan ng lahat ay malapit nang maganap. Matutupad na rin ang ipinangako ng Panginoon. 

Ipinakilala sa Ebanghelyo kung sino ang mauuna sa Panginoon upang ihayag ang balita tungkol sa Kanyang pagdating. Siya'y walang iba kundi si San Juan Bautista, ang sanggol na isinilang ni Elisabet sa Ebanghelyo. Siya'y ipinagkaloob ng Diyos kina Zacarias at Elisabet. Sa kabila ng kanilang katandaan, nagkaroon sila ng anak dahil sa awa at kagandahang-loob ng Diyos. 

Katunayan, sa pangalan pa lamang ni San Juan Bautista, malalaman agad kung ano nga ba ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Ang kahulugan ng pangalang "Juan" ay "Ang Diyos ay mapagpala." Iyan ang misyon ni San Juan Bautista. Ipahayag niya sa lahat ng tao na ang Diyos ay mapagpala at mabuti. Magsasalita siya sa lahat ng tao tungkol sa awa at kabutihan ng Diyos. Ipapahayag niya sa lahat na malapit nang dumating ang pinakadakilang pagpapalang ipagkakaloob ng Diyos sa lahat - ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Siya ang maghahanda sa lahat ng tao para sa pagdating ni Kristo. Paano tutulungan ni Juan Bautista ang bawat tao sa paghahanda? Sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa kabutihan at awa ng Diyos. Mananawagan siya sa lahat ng tao na pagsisihan at talikdan ang kanilang mga nagawang kasalanan at magbalik-loob sa Panginoon. Hindi siya titigil sa pagsasalita tungkol sa balitang maghahatid ng tuwa sa buong bayan ng Diyos. Ang balitang maghahatid ng tuwa sa lahat ng tao, ang balita tungkol sa nalalapit na pagdating ng Tagapagligtas, ang lagi niyang ipapangaral at ipapahayag. Iyan ang misyon ni San Juan Bautista. 

Napakahalaga sa kasaysayan ng pagtubos ng Panginoon sa sangkatauhan ang pagsilang ni San Juan Bautista. Ito ay dahil ang kaganapang ito ang maituturing na hudyat o tanda na malapit nang isilang si Kristo. Bago dumating at magpakita si Kristo Hesus, dumating at nagpakita si San Juan Bautista. Siya'y hinirang upang ihanda ang lahat para sa pagdating ni Kristo. 

Tulad ng ginawa ni San Juan Bautista upang ihanda ang lahat para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus, ihanda natin ang ating mga sarili para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Sulitin natin ang mga natitirang araw sa paghahanda ng ating mga sarili. Sa gayo'y tayong lahat ay magiging marapat na ipagdiwang ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento