Linggo, Disyembre 15, 2019

ANG AWA NG DIYOS

19 Disyembre 2019 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaapat na Araw 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25 


Pinagnilayan ng mga Pagbasa para sa araw na ito ang tema ng awa ng Diyos. Ang mga kaganapang isinalaysay sa mga Pagbasa ay ilang mga sandali sa kasaysayan kung saan ang Diyos ay nagpamalas ng Kanyang awa. Hindi nagsawa ang Diyos sa pagpapamalas ng Kanyang awa sa lahat. Lagi Siyang handang magpakita ng awa sa lahat, lalung-lalo na sa mga dumudulog sa Kanya nang buong kababaang-loob. Walang sandali kung saan ipinagkait ng Diyos ang Kanyang awa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagsilang kay Samson. Ang asawa ni Manoa ang pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ni Samson. Sa kabila ng kanyang katandaan, nanganak ang asawa ni Manoa dahil sa awa ng Diyos. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng isang anghel ng Panginoon kay Zacarias sa loob ng templo. Ibinalita ng anghel kay Zacarias na ang kanyang asawang si Elisabet ay maglilihi't manganganak ng isang sanggol na lalaki na nagngangalang Juan. Si San Juan Bautista ang sanggol na lalaki na ipinaglihi't iniluwal ni Elisabet sa kabila ng kanyang katandaan. Paano iyon nangyari? Dahil sa awa ng Diyos. Niloob ng Diyos na si Elisabet ay magdalantao sa kabila ng kanyang katandaan. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang awa kay Elisabet sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanya ng isang anak. Ibinigay ng Panginoon si San Juan Bautista kina Elisabet at Zacarias upang maging kanilang anak. 

May awa ang Diyos. Ang Diyos ay puspos ng awa para sa lahat. Ang Kanyang awa ay hindi Niya ipagkakait sa sinumang humihingi nito. Ang asawa ni Manoa at si Elisabet ay ilan lamang sa mga taong pinakitaan Niya ng awa. Kahit na mukhang imposible sa tingin ng tao ang hiningi nila, natupad iyon dahil sa awa ng Diyos. Ang dalawang ito ay nagsisilbing patunay na ang Diyos ay tunay na maawain. 

Ang aral para sa bawat isa - manalig sa awa ng Panginoong Diyos. Huwag nating pagdudahan ang awa ng Panginoon. Tunay ang awa ng Panginoon para sa lahat. Dumulog lamang tayo sa Kanya nang may kababaang-loob. Ipagkakaloob Niya ito sa atin. Hindi ipagkakait ng Diyos ang Kanyang awa sa sinumang humingi nito nang may kababaang-loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento