Huwebes, Disyembre 12, 2019

ANG PARAANG PINILI NG DIYOS

17 Disyembre 2019 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalawang Araw 
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17 


Sa Ebanghelyo, inilahad ang mga ninuno ng Panginoong Hesukristo. Mahaba man ito, iisa lamang ang nais ilarawan ni San Mateo sa paglalahad ng talaan ng angkan ni Hesus sa unang kabanata ng kanyang Ebanghelyo. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay naging tao katulad nating lahat, maliban sa kasalanan. Ang Diyos ay hindi nagpakita agad-agad, kahit ito ang pinakamadaling gawin. Bagkus, pinili ng Diyos na magmula sa isang pamilya. Kahit na mas madali para sa Panginoon na magpakita na lamang agad-agad, pinili Niyang maging bahagi ng isang angkan. 

Isa sa mga naging ninuno ni Kristo ay si Jacob. Si Jacob ang binigyan ng pansin sa salaysay ng Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, si Jacob ay nakitang nakikipag-usap sa kanyang mga anak tungkol sa magiging lahi nila. Subalit, ang lahi ni Juda ay mas pinagtuunan ng pansin sa tampok na salaysay. Kapansin-pansin rin kung paanong si Juda ay nasa mahabang listahan ng mga ninuno ni Kristo Hesus sa Ebanghelyo. Bagamat nagkaroon ng maraming anak si Jacob, sa angkan ni Juda nagmula ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. 

Nakakapagtaka kung bakit pinili ng Panginoon na mapabilang sa angkan ng mga sumasamba sa Kanya. Katunayan, ipinakilala Niya ang Kanyang sarili kay Moises bilang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob (Exodo 3, 6). Hindi kaila na higit Siyang dakila kaysa sa lahat ng mga taong naging ninuno ni Kristo. Kung tutuusin, walang makakapantay sa Kanya kailanman. Pero, bakit pinili ng Diyos na mapabilang sa kanilang angkan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus? 

Pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoon na maging isang tao. Si Hesus ay naging isang tao katulad nating lahat, maliban sa kasalanan, dahil sa pag-ibig ng Maykapal. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa lahat, niyakap ng Diyos ang ating pagkatao. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayong lahat ay Kanyang itinuring na kapamilya. Iyan ang ating Diyos. 

Bagamat may iba pang paraan ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, pinili pa rin Niyang maging isang tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Nais ng Diyos na malaman natin na tayong lahat ay Kanyang mga kapamilya. Ipinapadama Niya sa atin sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito ang Kanyang pag-ibig at kalinga para sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento