22 Disyembre 2019
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikapitong Araw
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Roma 1, 1-7/Mateo 1, 18-24
Isang biyaya ang ibinigay ng Diyos noong dumating ang takdang panahon. Ito ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Ipinangako ng Panginoon noon pa man na mayroon Siyang inilaaan na biyaya para sa lahat. Tunay ngang napakaespesyal ang biyayang ito na ipinagkaloob ng Diyos. Ang napakaespesyal na biyayang ito'y dumating sa daigdig nang dumating ang takdang panahon. Noong sumapit ang takdang panahon, tinupad ng Diyos ang pangako Niyang ito.
Ang biyayang ito ay itinampok sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ibinunyag ng Panginoong Diyos ang palatandaang Siya mismo ang magbibigay. Isang sanggol na lalaki ang ipagkakaloob ng Panginoon sa lahat. At ang sanggol na lalaking ito'y ipaglilihi't ipanganganak ng isang dalaga (7, 14). Magmumula sa isang dalaga ang biyayang ipagkakaloob ng Diyos sa lahat. Isang dalaga ang pipiliin ng Diyos upang maging Kanyang instrumento sa pagkakaloob ng Kanyang biyaya para sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng isang dalaga, ipagkakaloob ng Diyos ang pangako Niyang biyaya para sa lahat.
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang katuparan ng pangakong ito ng Diyos. Isinalaysay kung paanong tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang pinili ng Diyos upang iluwal ang Banal na Sanggol na ipinangakong ipagkakaloob Niya sa lahat. Natupad ang propesiya sa aklat ni propeta Isaias tungkol sa pagsilang ng Manunubos sa pamamagitan ng paglihi ng Mahal na Birheng Maria sa Panginoong Hesukristo. Dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang Sanggol na ipinagkaloob ng Diyos sa lahat - si Hesus.
Kaya, sa wakas ng Ebanghelyo, nagbago ang pasiya ni San Jose. Hindi na niya tinuloy ang balak niyang hiwalayan si Maria nang palihim. Bagkus, tinanggap niya ang Mahal na Birheng Maria at si Kristo. Iyon ay dahil sa tulong ng isang anghel ng Panginoon na nagpakita sa kanya sa isang panaginip upang ipaliwanag ang lahat ng iyon sa kanya. Sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa isang panaginip, si San Jose ay namulat sa katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos para sa lahat. Buong katahimikan at kababaang-loob niya itong tinanggap at sinunod.
Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa pagkakatawang-tao ni Kristo. Napabilang si Kristo Hesus sa isang lipi, ang lipi ni Haring David (1, 3). Kahit na maaari Siyang dumating sa daigdig bilang isa nang ganap na tao nang hindi napapabilang sa isang angkan, pinili pa rin ng Panginoon na ibilang ang Kanyang sarili sa isang lipi. Pinili Niyang dumating sa lupa bilang isang Sanggol na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga, ang Mahal na Inang si Maria, tulad ng ipinangako Niya sa Matandang Tipan. Pinili ng Panginoon na tuparin ang pangakong Kanyang binitiwan. Pinili Niyang maging biyaya para sa lahat.
Habang tayo'y naghahanda para sa Kapaskuhan, huwag nating kakalimutan ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Solemnidad na ito na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Noong unang Pasko, pinili Niyang ibigay ang Kanyang sarili upang maging biyaya para sa lahat ng tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento