Biyernes, Marso 27, 2020

WALA SA DAIGDIG NA ITO

IKALAWANG WIKA: 
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 
(Lucas 23, 43) 


Kapag narinig natin ang salitang "Paraiso", iniisip natin ang isang napakagandang lugar. Sa Paraiso, maginhawa ang buhay. Sa Paraiso, walang usok o polusyon. Sa Paraiso, may kulay at masarap ang buhay. Walang dumi sa Paraiso. Ang Paraiso ay isang napakalinis na lugar. Kay ganda ng buhay sa Paraiso. 

Ang problema nga lamang, madalas na hinahanap ng mga tao ang Paraiso dito sa lupa. Nagpapakahirap ang bawat tao na mahanap ang Paraiso dito sa lupa. Bukod pa roon, madalas na ginagamit ang salitang "Paraiso" ng ilang mga negosyo o 'di kaya mga establisyemento upang akitin ang mga tao. Katunayan, mas madalas pa nga itong nakikita sa mga bakasyunan. "Experience paradise", ika nga ng marami. 

Hindi mahahanap sa daigdig na ito ang Paraiso. Ang tunay na Paraiso ay wala sa daigdig na ito. Lakbayin man natin ang lahat ng mga bansa sa daigdig, hindi natin mahahanap ang tunay na Paraiso. Oo, maraming mga magagandang tanawin dito sa daigdig. Maraming mga magagandang lugar sa daigdig. Subalit, gaano pa mang kaganda ang ilang mga lugar sa daigdig na ito, hindi iyan ang tunay na Paraiso. At gaano pa mang kaganda ang daigdig na ito, na ating tinitirhan ngayon at lilisanin rin natin balang araw, hindi ito ang tunay na Paraiso. 

Saan natin mahahanap ang tunay na Paraiso? May tunay bang Paraiso? Oo, may tunay na Paraiso. Ang tunay na Paraiso ay mahahanap sa langit. Ang kaharian ng Diyos sa langit ang tunay na Paraiso. Iyon lamang ang kaisa-isang Paraiso. Hindi mahihigitan o mapapantayan ang kagandahan at kalinisan sa Paraisong ito. 

Napagtanto ng salaring nagbalik-loob na si Dimas ang katotohanang ito sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa daigdig. Kaya naman, ang kanyang kahilingan kay Hesus habang siya'y nakapako sa krus kasabay Niya ay huwag siyang limutin sa Kanyang maluwalhating pagbalik sa Kanyang trono sa langit. Kinilala niya ang Panginoong Hesus bilang tunay na Hari. Kinilala niya ang Panginoong Hesukristo bilang Hari ng langit, ang tunay na Paraiso. 

Paano tayo makakapasok sa tunay na Paraiso na ito? Habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig, pagsisihan natin at talikuran ang ating mga kasalanan. Hingin natin ang awa at kapatawaran ng Panginoon. Tandaan, walang dumi sa langit (Pahayag 21, 27). Buong kababaang-loob nating hilingin sa Panginoon na tayo'y linisin mula sa dungis ng ating mga kasalanan. Kapag iyan ang ating ginawa, matutulad tayo kay Dimas. Matatamasa natin ang biyaya at kaligayahan ng Paraiso. 

Tunay ang Paraiso. Hindi ito gawa-gawa, guni-guni, o kathang-isip lamang. Totoo ngang may Paraiso. Ang kaharian ng Panginoong Diyos sa langit ay ang tunay na Paraiso. Kung hangad nating matamasa ang biyaya at kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa tunay na Paraiso, ang kaharian ng Diyos sa langit, hingin natin ang awa at habag ng Diyos nang buong kababaang-loob. Pahintulutan natin ang Diyos na tayo'y linisin mula sa dungis ng ating mga kasalanan. Tularan natin ang salaring si Dimas na inamin at pinagsisihan ang kanyang kasalanan nang buong kababaang-loob at kinilala si Kristo bilang tunay na Hari ng Paraiso. Kung iyan ang gagawin natin, matatamasa natin ang pangako ng Paraiso. 

Maawain at mahabagin ang Panginoon. Inaalok Niya sa atin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit, ang tunay na Paraiso na hindi mahahanap sa lupa. Ipagkakaloob ng Panginoon ang pagpapalang ito sa atin kung tutularan natin ang kababaang-loob na ipinakita ni Dimas. Kung buong kababaang-loob nating pagsisisihan at tatalikuran ang ating mga kasalanan at hihingin ang Kanyang awa at habag, ihahatid Niya tayo sa tunay na Paraiso. 

Huwebes, Marso 26, 2020

HINDI MINAMADALI

UNANG WIKA: 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.
(Lucas 23, 34) 


Kapansin-pansin sa wikang ito kung paanong sinabi ni Hesus na hindi nalalaman ng Kanyang mga kaaway ang kanilang ginagawa. Subalit, napakalinaw naman na alam ng Kanyang mga kaaway kung ano ang kanilang ginagawa sa mga sandaling yaon. Para namang tanga ang Panginoong Hesukristo dahil sa sinabi Niyang ito. Malinaw pa sa sikat ng araw na nababatid ng Kanyang mga kaaway kung ano ang ipinagagawa nila. May motibo pa nga sila, hindi ba? 

Bakit naman sinabi ng Panginoong Hesus na hindi alam ng Kanyang mga kaaway ang kanilang ginagawa? Alam naman ng Panginoong Hesus na Siya'y ipinapako sa krus. Alam naman ng Panginoong Hesus na unti-unti Siyang pinapatay ng Kanyang mga kaaway. Katunayan, hindi pa sila kuntento na naipako ang Panginoong Hesus sa krus. Kahit na Siya'y naipako na sa krus, nakuha pa nilang kutyain Siya. Kaya naman, sa unang tingin ng mga hindi nakakakilala sa Kanya, si Hesus ay mukhang tanga. Mukhang hindi nalalaman ni Hesus kung ano ang Kanyang pinagsasabi habang Siya'y nakabayubay sa krus. 

Alam naman ni Kristo na pinapatay Siya ng Kanyang mga kaaway. Alam Niya ang mga masasamang balak ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya. Bago pa nga Siya ipinako sa krus, ilang ulit na nalagay sa panganib ang buhay ni Kristo. Ilang ulit Siyang muntikang pinatay ng Kanyang mga kaaway. Alam naman ni Kristo na nasasabik ang Kanyang mga kaaway na Siya'y patayin. Alam Niyang napupuno ng galit ang puso at isipan ng Kanyang mga kaaway. Alam Niyang galit na galit sa Kanya ang Kanyang mga kaaway. Pero, bakit naman Niya nasabi iyon? 

Nasabi ng Panginoong Hesus sa Kanyang panalangin sa Ama habang nakapako sa krus na hindi nalalaman ng Kanyang mga kaaway ang kanilang ipinagagawa dahil nanaig ang Kanyang awa at habag. Kahit na Siya'y nakabayubay sa krus sa mga sandaling iyon, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang awa at habag para sa Kanyang mga kaaway. Hindi man masabi ni Hesus na pinapatawad Niya sila dahil tiyak na nasasaktan Siya sa mga sandaling iyon. Hindi lamang pisikal ang sakit na nararamdaman Niya noon. Pati mga emosyonal na sakit. Subalit, sa kabila ng mga sakit na naramdaman Niya sa mga sandaling iyon, pinili pa rin ni Hesus na ipakita ang Kanyang awa at habag para sa Kanyang mga kaaway. 

Isa sa mga itinuro ng Panginoong Hesus sa Kanyang ministeryo ay ang pag-ibig para sa kaaway. Turo Niya: "Ibigin mo ang iyong kaaway at ipanalangin mo ang mga umuusig sa iyo." (Mateo 5, 44). Ito ang ginawa ng Panginoong Hesus mula sa krus. Habang nakabayubay sa krus, ipinakita ni Hesus kung paano magagawa ito ng bawat isa. Tinuturuan tayo ng Panginoong Hesus kung ano ang dapat nating gawin. Kahit nakapako sa krus sa mga oras na iyon, nakuha pa rin ng Panginoong Hesukristo na magturo sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Siya'y nanalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. 

Hindi madali ang ginawa ng Panginoong Hesus. Hindi rin biro ang lahat ng mga pagdurusa at sakit na pinagdaanan ng Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Kaya naman, Siya'y nanalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. Nanalangin Siya na sila'y kahabagan at patawarin ng Ama. 

Mahalaga ang aral na itinuturo ni Hesus sa wikang ito. Batid Niyang hindi madali para sa atin bilang tao na magpatawad. Kaya naman, itinuturo Niya sa atin kung ano ang dapat nating gawin kung hindi tayo handang magpatawad. Kung hindi pa tayong handang patawarin ang mga nagkasala laban sa atin, manalangin tayo para sa kanila. Mag-alay tayo ng mga panalangin para sa kanila. Bakit? Iyan ang unang hakbang tungo sa pagpapatawad.

Ang pagpapatawad ay isang proseso at paglalakbay. Ang proseso o paglalakbay na ito ay hindi dapat madaliin. Kailangan natin daanan ang bawat yugto ng proseso o paglalakbay na ito nang unti-unti. Dahan-dahan din lamang ang paglalakbay na ito. Paano natin sinisimulan ang proseso o paglalakbay na ito? Ang proseso o paglalakbay na ito ay ating sinisimulan sa pamamagitan ng pananalangin para sa mga nagkasala laban sa atin. Iyan ang unang hakbang. 

Hindi tayo nag-iisa sa proseso o paglalakbay na ito. Sa proseso o paglalakbay na ito tungo sa pagpapatawad, kasama natin ang Diyos. Ang Panginoon ay lagi nating kasama sa bawat yugto at sandali ng proseso at paglalakbay na ito. Siya mismo ang magiging gabay natin. Tutulungan Niya tayong patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. Hindi Niya tayo pababayaan. 

Miyerkules, Marso 25, 2020

HIGIT SIYANG MAKAPANGYARIHAN

29 Marso 2020 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Ezekiel 37, 12-14/Salmo 129/Roma 8, 8-11/Juan 11, 1-45 (o kaya: 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45) 



Ang buhay ay isang biyaya mula sa Panginoong Diyos. Ang Diyos ay ang bukal ng buhay. Sa Kanya nagmumula ang buhay. Siya ang dahilan kung bakit ang bawat isa ay may buhay. Ito ang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa. 

Sabi ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa: "Hihingahan Ko kayo upang kayo'y mabuhay . . ." (Ezekiel 37, 14). Tila ipinapaalala Niya kung paanong nagkaroon ng buhay ang bawat tao. Para bang ipinapaalala Niya ang Kanyang ginawa sa simula ng kasaysayan ng daigdig. Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok at hiningahan upang magkaroon ito ng buhay (Genesis 2, 7). Siya ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng tao. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi tayo nabubuhay ngayon sa mundo. 

Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang gantimpala ng mga pinananahanan ng Espiritu Santo. Sabi ni Apostol San Pablo na kung nananahan ang Espiritu Santo sa atin, muling bubuhayin ng Diyos ang ating mga katawan (Roma 8, 11). Iyan ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang ating mga katawan ay gagawing dakila ng Diyos. Hindi man permanente ang ating buhay dito sa daigdig na ito, matatamasa natin ang biyaya ng Muling Pagkabuhay. Kung paanong si Kristo ay muling nabuhay, muli tayong bubuhayin ng Diyos. Iyan ay kung pipiliin nating maging tahanan o templo ng Espiritu Santo. Kung ang Espiritu Santo ay papayagan nating manahan sa bawat isa sa atin, ipinapahayag natin ang tiwala at pananalig natin sa pangakong ito ng Diyos. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo kung paanong muling binuhay ni Hesus ang kaibigan Niyang si Lazaro. Bagamat apat na araw nang patay si Lazaro sa mga sandaling yaon, binuhay pa rin siya ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng himalang ito, ipinakita ng Panginoong Hesus ang kapangyarihan ng Diyos. Ang Diyos ay hindi madadaig ng kamatayan. Iyan ay dahil ang Panginoong Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa kamatayan. Ang Panginoon ay ang bukal ng buhay. Siya ang pinagmulan ng buhay. 

Habang papalapit ang mga Mahal na Araw, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na ang Diyos ay ang pinagmulan ng buhay. Siya ang bukal ng buhay. Siya ay higit na makapangyarihan kaysa sa kamatayan.  

Linggo, Marso 22, 2020

KANINONG PLANO ANG SUSUNDIN MO?

25 Marso 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Kaninong plano ang susundin mo? Ito ang tanong ng Simbahan sa bawat isa sa atin sa pagdiriwang sa araw na ito. Kaninong plano ang pipiliin natin? Dalawa lang naman ang ating pagpipilian - ang kalooban ng Diyos o ang sarili nating kalooban. Iyan ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa sa pagdiriwang ng Simbahan sa espesyal na araw na ito.

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Isaias ang plano ng Panginoong Diyos na magaganap sa takdang panahon. Tampok naman sa salaysay sa Ebanghelyo ang kaganapan ng planong ito. Si Maria ay pinili at hinirang ng Diyos para sa Kanyang plano na magdudulot ng kabutihan sa lahat ng tao. Ang Mahal na Birheng Maria ay hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas. Buong kababaang-loob na tinanggap ng Birheng Maria ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, natupad ang plano ng Diyos na unang inihayag sa Lumang Tipan. 

Tinanggap ni Maria ang papel na ibinigay sa kanya ng Diyos - ang maging ina ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Kahit hindi biro ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos, buong kababaang-loob niya itong tinanggap at sinundan. Ang mga sarili niyang plano ay isinantabi niya upang bigyang-daan ang plano ng Diyos. Mas pinili ng Mahal na Inang si Maria ang kalooban ng Panginoon kaysa ang mga sarili niyang plano. Oo, 'di hamak na mas madali para sa Birheng Maria na sundin na lamang ang mga sarili niyang plano. Subalit, mas pinili niya ang plano ng Diyos. 

Ang Sanggol na ipinaglihi't iniluwal ng Mahal na Birheng Maria mula sa kanyang sinapupunan at inalagaan mula sa pagkabata hanggang sa paglaki ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Tinalakay naman sa Ikalawang Pagbasa kung paanong nagpakita ng kababaang-loob ang Diyos Anak na si Kristo sa kalooban ng Diyos Ama. Buong kababaang-loob na tinanggap ni Kristo ang kalooban ng Ama na maging handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Inalay ni Kristo ang buo Niyang sarili bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa pamamagitan nito, ang lahat ng tao ay iniligtas ng Diyos Anak na si Hesus. 

Habang ipinagdiriwang natin ang espesyal na araw na ito, pagnilayan natin nang mabuti ang tanong na ito - kaninong plano ang ating tatanggapin at susundin? 

Lunes, Marso 16, 2020

KAGALAKANG HATID NG TUNAY NA LIWANAG

22 Marso 2020 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a/Salmo 22/Efeso 5, 8-14/Juan 9, 1-41 (o kaya: 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38) 


Ang Pambungad na Antipona para sa Misa ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay isang panawagan upang magalak. Ang mga salitang ito'y ginagamit sa Antipona sa simula ng Misa para sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma dahil ang araw na ito ay tinatawag na Linggo ng Laetare o Linggo ng Kagalakan. Habang tayo'y napapaloob pa rin sa panahon ng Kuwaresma, nananawagan ang Simbahan sa bawat isa na magalak. Ano naman ang dapat ikagalak ng bawat isa sa atin? Hindi ba puwedeng hintayin na lamang sumapit ang Pasko ng Muling Pagkabuhay? Bakit tila ang aga naman ng panawagang ito? Hindi ba masyado pang maaga? 

Tinalakay sa mga Pagbasa ang dahilan kung bakit kinakailangang magalak ang bawat isa, kahit napapaloob tayo sa isang panahon ng pagpepenitensya. Kahit napapaloob ang Simbahan sa panahon ng Kuwaresma na inilalaan sa pagbabalik-loob sa Diyos, kinakailangan pa ring magalak ang bawat mananampalataya. Iyan ay dahil ang Diyos ay ang pinagmulan ng kagalakan. Siya ang naghahatid ng galak sa bawat isa sa atin. Ang kagalakan ay isang biyaya mula sa Panginoon. 

Galak ang inihatid ng Panginoong Hesukristo sa lalaking ipinaganak na bulag sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Si Hesus ang tunay na liwanag. Binigyan Niya ang lalaking ipinanganak na bulag ng pagkakataong makakita. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay, ang lalaking ito ay nakakita ng liwanag at kulay dahil kay Kristo. Ang lalaking ipinanganak na bulag ay biniyayaan ng Panginoong Hesus ng pagkakataong makakita. Sa pamamagitan ng pagpapagaling sa lalaking bulag mula sa kanyang pagsilang sa daigdig, ang Panginoong Hesus ay naghatid ng kagalakan sa kanya at pati na rin sa kanyang mga magulang. 

Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang bawat isa ay nasa panig ng liwanag dahil sila'y nasa panig ng Panginoon. Ang Panginoon ay ang tunay na liwanag. Tayong lahat ay Kanyang pinalaya mula sa pagkaalipin sa kadiliman. Ang bawat isa sa atin ay hindi na tumatahak sa kadiliman dahil tayo'y nasisinagan ng Panginoon, ang tunay na liwanag. Ang Panginoon ang nagligtas at nagpalaya sa atin mula sa kadiliman. Kaya, marapat lamang na magalak. 

Hindi rin naiba ang ginawa ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa. Siya'y pumili at humirang ng isang hari - si David na isang pastol. Si David ay hinirang ng Diyos upang maging hari ng bayang Israel. Sa pamamagitan nito'y binigyan ng Diyos ng galak ang bayang Israel. Hindi Niya nililimot ang Kanyang bayan. 

Maganda rin ang Salmo para sa araw na ito. "Pastol ko'y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop" (Salmo 22, 1). Ang Panginoon ang kumakalinga at umaaruga sa bawat isa sa atin na bumubuo sa Kanyang kawan dito sa mundo. Sapat na ang Kanyang pagkalinga at pag-aruga sa atin. Wala na tayong hahanapin o aasam pa dahil ang Panginoon ang bahala sa atin. 

Kagalakan ang hatid sa atin ng tunay na liwanag na si Kristo. Patuloy Niya itong ibabahagi sa atin. Magalak tayo sa Panginoon.

Lunes, Marso 9, 2020

SIYA ANG PUMAPANATAG SA ATIN

19 Marso 2020 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 


Sa Ebanghelyo ni San Mateo, nasasaad kung paanong tinanggap ni San Jose ang kalooban ng Panginoon. Matapos magpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit sa panaginip upang ipaliwanag sa kanya ang lahat ng mga nangyari, agad na tinupad ni San Jose ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoon. Si San Jose ay hindi na nagdalawang-isip na tuparin ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoong Diyos. Matapos ipaliwanag sa kanya ng anghel ng Panginoon na nagpakita sa kanyang panaginip ang lahat ng mga nangyari, pumanatag ang loob ni San Jose. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya nagdalawang-isip na tuparin ang kalooban ng Diyos. 

Iyan ang aral na matutunan natin mula kay San Jose. Itinuturo sa atin ni San Jose na ang Panginoon lamang ang makakapagpanatag sa ating mga puso't isipan. Sa tuwing tayo'y nababagabag, lapitan lang natin ang Panginoon. Ipapanatag ng Diyos ang mga puso't isipan ng bawat isa. Hindi Niya palalain pa ang ating mga problema o sitwasyon sa buhay. Hindi Siya magiging pabigat sa atin. Bagkus, ang bawat isa sa atin ay pagkakalooban ng lakas at kapanatagan ng loob. Ang Diyos mismo ang magpapalakas sa atin at magpapanatag sa ating mga loob. 

Ang Diyos ang pumanatag sa puso't isipan ni San Jose. Pumanatag ang puso at isipan ni San Jose dahil umasa siya sa Diyos. Ipinasa niya sa Diyos ang sitwasyon na kanyang hinaharap. Nang magbigay ng solusyon ang Panginoon, doon lamang pumanatag ang loob ni San Jose. Iyan din ang ginawa ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Panginoon kay propeta Natan ang Kanyang pangako kay Haring David. Sa pamamagitan nito, naghatid ng kapanatagan ng loob kay Haring David ang Panginoong Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral kung paanong ipinanatag ng Panginoon ang kalooban ni Abraham. Ang pangako ng Diyos ang pumanatag sa kalooban ni Abraham. Kahit mahirap para kay Abraham na unawain ang pangakong ito ng Diyos, nanalig pa rin siya. Iyon ay dahil panatag ang kanyang loob sa Diyos. Iyan ang gawain ng Diyos. 

Batid ng Diyos kung ano ang hinaharap ni San Jose. Kaya naman, tinulungan Niya si San Jose na tuparin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng pagtulong Niya kay San Jose, pinanatag ng Diyos ang kanyang puso't isipan. Naging panatag ang loob ni San Jose dahil alam niyang kasama niya ang Diyos upang siya'y tulungan. 

Kaya, wala tayong dapat ikabahala. Wala tayong dapat ipag-alala. Ang Diyos ay lagi nating kasama. Siya ang magpapanatag sa ating mga puso't isipan. 

Biyernes, Marso 6, 2020

LAGI NIYA TAYONG PINAPATNUBAYAN AT KINAKALINGA

15 Marso 2020 
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5, 1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42) 


"Ang pinagtalunan [ng mga Israelita] ay kung pinapatnubayan sila ng Panginoon o hindi" (Exodo 17, 7). Sa pamamagitan ng mga salitang ito'y nagtapos ang tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong ang Panginoong Diyos ay pinagdudahan ng Kanyang bayan. Matapos Niyang palayain mula sa pagkaalipin sa Ehipto ang mga Israelita, pagdududa ang kanilang ibinayad sa Kanya. Matapos ang lahat ng Kanyang mga ginawa para sa mga Israelita, ang Diyos ay nakatanggap ng pagdududa mula sa kanila. 

Kung tutuusin, hindi naman obligado ang Diyos na gumawa ng kababalaghan para sa mga Israelita. Tutal, wala naman silang utang na loob sa Kanya. Sa halip na manalig sa Kanya, Siya'y pinagdudahan nila. Dahil pinagdudahan ng mga Israelita ang Panginoon, hindi Niya kailangang gumawa ng anumang himala para sa kanila. Bahala na sila sa mga buhay nila. Maaari Niya silang pabayaang mamatay nang gayon na lamang sa ilang. Mga ingrato naman sila. Mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Kinahabagan at tinulungan, pero pinagdududahan pa rin. 

Subalit, iba rin ang Diyos. Kahit na hindi nagpakita ng utang na loob sa Kanya ang mga Israelita sa sandaling yaon, pinili pa rin Niyang gumawa ng himala para sa kanila. Hindi Siya gumawa ng himala upang ipamalas ang Kanyang kapangyarihan. Bagkus, gumawa Siya ng himala upang patunayan ang Kanyang pagkalinga, pag-ibig, at pamamatnubay sa mga Israelita. Kahit hindi naman kinailangang gumawa ng himala ang Panginoon, ginawa pa rin Niya iyon para sa mga Israelita. Ano ang himalang iyon? Nagpabukal Siya ng tubig mula sa isang malaking bato. Inutos ng Diyos kay Moises na ihampas ang kanyang tungkod sa malaking bato upang ang tubig ay bumukal roon. At gayon nga ang nangyari. 

Ito rin ang binibigyan ng pansin sa Ebanghelyo. Kay Hesus nagmumula ang tubig na papawi sa lahat ng uri ng pagkauhaw. Pisikal na pagkauhaw ng tao lamang ang kayang pawiin ng tubig dito sa daigdig. Hindi kayang pawiin ng tubig dito sa mundo ang iba pang mga uri ng pagkauhaw. Kung tutuusin, pansamantala pa nga lamang pinapawi ng tubig dito sa daigdig ang pagkauhaw ng tao. Subalit, kung lalapit ang bawat isa sa Panginoong Hesus, mapapawi ang lahat ng kanyang pagkauhaw. Ang tubig na nagmumula sa Panginoong Hesukristo ay pumapawi sa lahat ng uri ng pagkauhaw.  Ang mga pagkauhaw na hindi kayang pawiin ng tubig dito sa daigdig ay mapapawi ng tubig na nagmumula kay Kristo. Iyan ang Kanyang diskurso sa Samaritana sa Ebanghelyo. Ang Panginoong Hesus lamang ang makakapawi sa mga matitinding pagkauhaw ng bawat tao. Ang mga pagkauhaw na hindi kayang pawiin ng tubig dito sa mundo ay kayang pawiin ng Panginoong Hesus. At hindi ipinagdadamot ng Panginoong Hesus ang tubig na nagmumula sa Kanya. Ganyan kabuti ang Panginoon sa bawat isa sa atin. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nangaral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Ang pinakadakilang larawan ng kagandahang-loob ng Diyos ay ang dakilang paghahain ni Kristo sa krus. Dahil sa Kanyang kabutihan para sa bawat isa sa atin, niloob ng Diyos na ang Panginoong Hesus ay mamatay sa krus bilang hain para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Iyan ang ating Diyos. Siya'y puspos ng kabutihan at kagandahang-loob. 

Kaya, huwag nating kakalimutan na tayo'y pinapatnubayan at iniingatan ng Diyos sa lahat ng oras. Sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakasala sa Kanya, hindi tayo pinapabayaan ng Diyos. Kahit na maaari Niya tayong iwan at pabayaan nang gayon na lamang, hindi iyon ang pipiliin ng Panginoon. Bagkus, pipiliin Niya tayong kalingain at patnubayan sa bawat sandali ng ating buhay dito sa daigdig dahil sa Kanyang kabutihan para sa atin. 

Ipanatag natin ang ating mga loob. Lagi tayong sinasamahan ng Panginoon upang tayo'y patnubayan at kalingain. Hindi Niya tayo pababayaan.